"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

- ADS -

- ADS -

Martes, Disyembre 28, 2021

Mga Personal na Tanong Tungkol sa Kapaskuhan

Ano ang Pasko para sa iyo?

Para sa akin, bilang isang Katolikong Cristiano, ang Pasko1 ay ang Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan ng Panginoong Jesu-Cristo. Wala nang ibang kahulugan. Hindi kailangang pakumplikahin at mag-isip ng kung anu-anong "tunay na diwa" ng Pasko. Ang kaarawan ng Panginoong Jesu-Cristo ang "dahilan" ng Pasko, at wala nang iba pang pinaka-mabuti't pinaka-dakilang paraan ng paggunita sa kanyang kaarawan liban sa mismong pagdiriwang ng Banal na Misa.2 Kaya nga tinawag itong Christmas — "Cristo" + "Misa". Kalimutan mo ang Panginoong Jesus sa buong kapanahunan ng Kapaskuhan, at huwag kang magsimba sa mismong araw ng Pasko, at nawawalan ng kahulugan ang lahat. Kung wala sa puso mo ang Panginoon,3 walang kabuluhan ang mga ginagawa mong paghahanda at pagsasaya at pagsasabit ng mga dekorasyon.

Kung anu-anong "tunay na diwa" ng Pasko ang ipinauuso natin: na ito daw ay para sa mga bata, para sa pagsasalu-salo ng pamilya, para sa kapayapaan at pagkakasundo, para sa pagbibigayan at pagtulong sa mga nangangailangan, para sa pagpapakumbaba, atbp. Oo, mabuti ang lahat ng iyan, at maiuugnay naman talaga sa mensahe ng Pasko. Subalit ito ri'y mga kabutihang maaari mong itaguyod kahit hindi ka Cristiano. Ito'y mga bagay na maaari mong gunitain at ipagdiwang habang tahasang binabalewala ang Panginoong Jesu-Cristo. At kapag wala na ang Panginoong Jesus sa usapan, sino nang ipapalit natin? Si Santa Claus? Kalilimutan mo na ang sabsaban sa Betlehem, at ibabaling ang atensyon sa kathang-isip na pagawaan ng regalo sa North Pole?

Sa totoo lang, magkahalong tuwa at inis ang nararamdaman ko tuwing sumasapit ang Kapaskuhan. Nakakatuwa, dahil bilang empleyado, marami kang pera tuwing Disyembre. May dagdag sa sahod mo kung papasok ka nang ika-walo (Imakulada Konsepsyon), ika-25 (Pasko), ika-30 (Rizal Day), at ika-31 (bisperas ng Bagong Taon). Mayroon kang 13th Month Pay. May ilan na binibigyan pa ng Christmas bonus. Nakakatuwa dahil pakiramdam mo, "sulit" ang buong taon ng kusang-loob na pagpapa-alila sa kumpanyang pinagtatrabahuan mo (mga kumpanyang puro pera lang ang iniisip, kaya't pinagtatrabaho ka kahit Pasko at Bagong Taon!). Matapos ang buong taon ng kunsumisyon, heto't mahigit sa doble ng pang-isang buwang sahod ang natatanggap mo. Iba talagang magpasaya ang makabagong diyus-diyusan ng sanlibutan! Iba talaga ang saya na dulot ng pera! Aminin man natin o hindi, materyalismo ang talagang nangingibabaw na diwa ng Pasko para sa marami sa atin.

Nakakatuwa talaga, pero nakakainis din. Sa panahon kasing ito kumakapal ang pagmumukha ng maraming tao. Biglang dumarami ang mga namamalimos sa kalsada. Biglang dumarami ang mga nagaabot ng sobre. Biglang dumarami ang mga kamag-anak at kaibigan mong may mga kung anu-anong "emergency" at "pangangailangan". Sa isip nila, anumang "sobra" na meron ka tuwing Pasko ay karapatan nilang singilin sayo. Obligado kang magbigay "dahil Pasko naman" — isang walang katuturang pangangatuwiran na bukambibig ng mga taong ginagawa kang palagatasan.

Ito rin ang panahon na nagkalat ang mga plastik, mga taong nagbabait-baitan, mga taong mapanamantala, mga taong matapos mamerwisyo ay aali-aligid at nagpaparamdam, umaasang "dahil Pasko naman" ay mapipilitan kang maging mabait sa kanila, at magbubulag-bulagan ka sa mga kasamaan nilang ayaw talikdan at pagsisihan. Umaasa silang huhugasan ng Kapaskuhan ang mga katarantaduhan nila, at makapagsisimula silang muli — isang bagong simula ng katarantaduhan at pamemerwisyo.

Sino bang nagsabi na obligado kang maging mabait tuwing Pasko? Sino bang nagsabi na kailangan mong pagbigyan ang lahat tuwing Pasko? Kapag niyaya ka ng boyfriend mo na makipagtalik, bubukaka ka na lang ba kesyo "Pasko naman"? Kapag may nangholdap sa iyo, ibibigay mo na lang ba lahat pati susi ng bahay mo dahil "Pasko naman"? Kapag hindi ka sinuklian sa jeep, hahayaan mo na lang ba dahil "Pasko naman"? Wala ka bang karapatang mainis at magreklamo at tumanggi dahil "Pasko naman"? Hindi ko alam kung nararanasan din ito ng marami, subalit para sa akin, tila ba naglalaho ang katuwiran at katarungan sa mundo tuwing Pasko; tila ba nasisiraan ng ulo ang maraming tao kapag Pasko.

Tiyak na sasabihin ng marami, "Ano ba yan, naturingan kang Katoliko pero napaka-negatibo ng pananaw mo sa Pasko!" Kanya-kanya naman kasing karanasan yan. Mapalad ang mga taong puro masasayang bagay lang ang nakikita sa Pasko. Pero para sa akin, sa kabila naman ng mga pangit na elemento ng Kapaskuhan, mas naihahalintulad ko ito sa mga pangyayari sa kauna-unahang Pasko sa Betlehem. Hindi ba't magkahalong galak at pagkabalisa rin naman ang mga naranasan ng Banal na Mag-anak noong mga panahong iyon? Sa palagay ko, kung puro saya lang ang Pasko mo, dapat kang kabahan, dahil baka ibang "pasko" na iyan, isang Paskong pera-pera, party-party, deko-dekorasyon, pero wala man lang paggunita sa mismong may-kaarawan na si Jesus.

 

Talaga bang isinilang ang Panginoong Jesus noong ika-25 ng Disyembre?

Maski anong araw naman ay maaari mong gunitain at ipagdiwang ang kaarawan ng Panginoon. Sa katunayan, halos araw-araw nga natin itong inaalala: sa tuwing dinarasal ang Angelus, ang Apostles' Creed, ang mga Misteryo ng Tuwa sa Santo Rosaryo; kapag inaawit yung Papuri sa Diyos sa Banal na Misa (na hinalaw sa inawit ng mga anghel noong unang Pasko), kapag binabasa mo't pinagninilayan ang salaysay ng mga Ebanghelyo tungkol sa pagsilang ng Panginoon, atbp. Saka ang Pasko, hindi lang yan eksklusibong ginugunita sa ika-25 ng Disyembre; ginugunita ang Pasko sa loob ng 12 araw (o higit pa): nagsisimula sa ika-25 ng Disyembre at nagtatapos sa kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon.

Hindi tayo sigurado sa eksaktong petsa ng kaarawan ng Panginoon,4 at wala namang doktrina opisyal ang Simbahan na nagsasabing ang ika-25 ng Disyembre nga ang tunay na petsa ng Pasko. Naghahanap lang ng kaaway ang mga anti-Katolikong ginagawa yang napaka-laking isyu, na akala mo nama'y sapat na yang batayan para talikuran mo ang Simbahang Katolika at umanib ka sa kung ano mang gawa-ng-taong sektang kinaaaniban nila. Hindi ko lubos maisip kung ano bang importansya ng isyung yan para maging marapat kang papasukin sa Kaharian ng Langit. Maliligtas ka ba nang dahil lang sa natumbok mo ang mga tumpak na petsa ng mga banal na araw na ipinagdiriwang mo?5 Maiimpyerno ka ba nang dahil lang sa sumablay ka sa petsa ng Pasko? Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan itong seryosohin at pagtalunan.

 

Ang Pasko ba ay isang paganong pagdiriwang?

Noong unang panahon ay may tinatawag na kapistahan ng Saturnalia, kapistahan ni Saturn (Cronus), diyus-diyusan ng mga Romano. Ayon sa alamat, nang patalsikin siya sa trono ng anak niyang si Jupiter (Zeus), nagtungo siya sa Italy at nagdulot doon ng kapayapaan, kaligayahan, at masaganang ani. Ang naturang "Golden Age" ang ginugunita ng mga Romano sa loob ng mga pitong araw, na nagsisimula sa ika-17 ng Disyembre. Ang mga pagdiriwang ay karaniwang kinasasangkutan ng mga handaan, pagpapalitan ng regalo, pagbabakasyon ng mga tindahan, korte, at mga sundalo; pansamantalang pagpapalaya sa mga alipin, pagsusugal, paghahandog ng bangkay ng mga napaslang na gladiators, atbp.

Ngayon, kung sadya mong aalisin ang kaarawan ng Panginoong Jesus sa diwa ng Pasko, ano na lang ang matitira? Kung ang Pasko mo ay tungkol lang sa mga handaan, pagpapalitan ng regalo, pagbabakasyon, at kung anu-ano pang anyo ng pagsasaya, wala ka na talagang ipinagkaiba sa mga pagano. Subalit hindi iyan ang diwa ng Pasko nating mga Katoliko. Ang tunay na diwa ng Pasko ay ang ipinahahayag mismo ng Kredo:

"I believe in one Lord Jesus Christ, the Only Begotten Son of God, born of the Father before all ages. God from God, Light from Light, true God from true God, begotten, not made, consubstantial with the Father; through him all things were made. For us men and for our salvation he came down from heaven, and by the Holy Spirit was incarnate of the Virgin Mary, and became man."

Wala namang ganyan sa paganismo. Walang ganyan sa Saturnalia o kahit pa sa kaarawan ng Sol Invictus (ang diyos ng araw, na isinilang daw noong ika-25 ng Disyembre, at ipinauso ng paganong emperador na si Aurelian noong 274 A.D.). Katangi-tangi ang batayan at dahilan ng Cristianong pagdiriwang ng Pasko,6 at hindi ito kailanman naging tungkol lang sa petsang ika-25 ng Disyembre, ni sa mga salu-salo, dekorasyon, at kung anu-ano pang kaugaliang nakasanayang ikapit dito.

Isa pa, hindi lang naman mga kapistahang pagano ang sumasabay sa pagdiriwang ng Pasko tuwing Disyembre noong mga unang siglo ng Cristianismo. Ginaganap din noon ang Hanukkah, ang "Kapistahan ng mga Ilaw" ng mga Judio, at ito'y malimit tumama sa panahon ng Kapaskuhan (paiba-iba ang petsa dahil kalendaryong Hebreo ang pinagbabatayan).

 

Paano ka magdiwang ng Pasko?

Kabilang ako sa pamilyang hindi mahilig sa Pasko. Hindi kami nagsasabit ng parol at ng mga Christmas lights (sayang kasi sa kuryente). Hindi kami nagtatayo ng Christmas tree (binabahayan kasi ng lamok). Paminsan-minsan, nagpapatugtog kami ng mga kantang pamasko, pero kadalasan mas gusto naming manahimik lang. Hindi kami nagbibigayan ng regalo, bagama't paminsan-minsan, may mga kamag-anak o kaibigang naaalala kami at nagbibigay ng pamasko, regalo, o pagkaing hinanda nila. Simple lang ang hinahanda namin (parang nakakasuya, dahil makalipas ng isang linggo ay maghahanda nanaman para sa Bagong Taon), at kadalasan, hindi na kami naghihintay nang alas-dose ng gabi para kumain.

Nitong mga nagdaang taon nagtrabaho ako sa call center, at karaniwan na kaming pinagtatrabaho kahit pa tuwing Pasko at Bagong Taon. Madalas, sa opisina ako nagpapasko, at kahit ano pang kalokohang maisip ng kumpanya para pasayahin kami, hindi mo na rin gaanong mararamdaman ang Pasko dahil lagi kang may kausap sa telepono na nagrereklamong customer — mga Amerikanong paskong-pasko ay tawag pa rin nang tawag sa customer service at tila ba hindi nauubusan ng poproblemahin sa buhay.

Kaya kadalasan talaga, ang Pasko ko ay tungkol lang sa pagsisimba sa umaga ng ika-25 ng Disyembre. Hindi na baleng pagod at puyat ako galing sa trabaho; ang mahalaga'y makapagsimba ako at makahalik sa imahen ng Banal na Sanggol. Sa aking pag-uwi, saka na ako kakain ng mga ininit na spaghetti o pansit, ininit na hamon, makunat na lumpia, at tumigas na fruit salad. Kakain, magpapahinga, at matutulog, at papasok nanaman sa trabaho kinagabihan.

 

Nagsisimbang gabi ka ba?

Minsan ko lang naranasan ang makapag-simbang gabi, at ito'y noong taong 2018, nang umalis ako sa trabaho nang dahil sa pagkakasakit. Hindi ko masabing sakripisyo ang paggising nang alas-tres ng madaling araw sa magkakasunod na siyam na araw, dahil bilang call center agent, sanay na ako sa pagpupuyat at paglalakad sa dilim. Balewala na ang mga lumilipad na paniki sa daan. Balewala na ang panganib na baka ako maholdap o mapaginitan ng mga adik at lasing. Ang tanging nasa isip ko noong mga panahong iyon ay ang pagnanais kong mapanauli ang pakiramdam ng Kapaskuhan. Masaya naman, pero hindi na ito naulit sa mga sumunod na taon, dahil nagkatrabaho na ako ulit sa ibang kumpanya. Halos imposible para sa isang call center agent na makapag-simbang gabi, dahil kadalasan, sa gabi ka nagtatrabaho.

 

Tumutulong ka ba sa mga mahihirap tuwing Pasko?

Tumutulong ba ako sa mga mahihirap? Oo, pero ayoko nang magpaliwanag. May mga bagay tayong ginagawa na hindi na dapat ipinamamalita (Mateo 6: 1-4). Isa pa, kapag marami kang ibinigay, may mga nagsasabing nagsasayang ka ng pera, o kung bakit yung iba hindi mo binigyan ng katulad na halaga, o yung mga binigyan mo ay mga pakawala ng sindikato at hindi totoong mahirap, atbp. Kapag naman kaunti ang ibinigay mo, sasabihan kang kuripot o kesyo hindi mo madadala sa hukay ang kayamanan mo, atbp. Nakakatakot maging mapagbigay tuwing Kapaskuhan dahil laging may nagrereklamo, laging may nananamantala. Kaya mas mabuti talagang tahimik at sikreto ang anumang gagawin mong pagtulong.

 


 

  1. Pasko. Dahil sa impluwensya ng mga Kastila na tinawag itong Pascua de Navidad kaya natin nakagisnang tawaging "Pasko" ang Kapanganakan ng Panginoon. Sa Espanya, naging malawak ang gamit ng salitang pascua, na sa pasimula'y tumutukoy lamang sa Pista ng Paskuwa ng mga Judio (Pascua judía, Pascua de los hebreos, Pascua de los judíos). Dahil ang Paskuwa ay isang malaking kapistahan sa Judaismo, at dahil tayong mga Cristiano ay hindi na ito ipinagdiriwang, nakaugalian nang tawaging pascua ang mga mahahalagang kapistahan sa Simbahan. Kaya't sa Espanya, bukod sa Pascua de Navidad, ikinapit din ang salitang "pasko" sa Dakilang Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon (Pascua de Resurrección) at sa Dakilang Kapistahan ng Pagpanaog ng Espiritu Santo (Pascua de Pentecostés). [BUMALIK]
  2. "Q. 1082. What meaneth the nativity of Christ, or Christmas? A. It is a solemn feast or mass yearly celebrated by the whole Catholic Church from the Apostles' time to this day, in memory of the birth of Christ at Bethlehem; and therefore is called the feast of the Nativity, and Christmas from the mass of the birth of Christ." (The Douay Catechism of 1649) [BUMALIK]
  3. "We must also take care lest to our great injury it should happen that just as there was no room for Him in the inn at Bethlehem, in which to be born, so likewise now, after He has been born in the flesh, He should find no room in our hearts in which to be born spiritually. For since He is most desirous of our salvation, this spiritual birth is the object of His most earnest solicitude." (The Roman Catechism, Article III, Duty of Spiritual Nativity) [BUMALIK]
  4. "25 December, celebration of the anniversary of the birth of Our Lord. In the earliest days of the Church there was no such feast; the Saviour's birth was commemorated with the Epiphany by the Greek and other Eastern Churches. First mention of the feast, then kept on 20 May, was made by Clement of Alexandria, c.200. The Latin Church began c.300 to observe it on 25 December, though there is no certainty that Our Lord was born on that day." ("Christmas", New Catholic Dictionary, 1910) [BUMALIK]
  5. "If one man keeps certain days as holier than others, and another considers all days to be equally holy, each must be left free to hold his own opinion. The one who observes special days does so in honour of the Lord." (Romans 14: 5-6 JB) [BUMALIK]
  6. "At Christmas the glory of heaven is shown forth in the weakness of a baby" (CCCC 103). "To become a child in relation to God is the condition for entering the kingdom. For this, we must humble ourselves and become little. Even more: to become 'children of God' we must be 'born from above' or 'born of God'. Only when Christ is formed in us will the mystery of Christmas be fulfilled in us." (CCC 526) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Nobyembre 14, 2021

Ako ay Iglesia ni Cristo?

UPDATED:7:29 PM 10/23/2022

"Ngayon, sinasabi ko na ang lahat ng salitang walang kabuluhan na bigkasin ng tao ay pananagutan nila sa araw ng paghuhukom. Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay pawawalang-sala, at sa iyong mga salita ikaw ay hahatulan."

MATEO 12: 36-37

Kapag sinabi ng isang Cristiano, "Katoliko ako," katumbas ito ng pagsasabing, "Pandaigdigan/Panlahatan ako." Paano ka naging "pandaigdigan"? Ikaw ay pandaigdigan, sapagkat kaakibat ng iyong pagiging Cristiano ang pagpapahayag at pagpapalaganap ng iyong pananampalataya saan mang panig ka ng daigdig makarating; ang pananampalatayang minana mo ay para sa lahat ng tao, hindi lang para sa iyo. Paano ka naging "panlahatan"? Ikaw ay panlahatan, sapagkat ang pananampalatayang tinanggap mo, ipinahahayag mo, at ipinalalaganap mo ay nagtataglay ng lahat ng mga itinuro ng Panginoong Jesus, walang labis at walang kulang. Minana mo ang pananampalatayang nagtuturo ng lahat ng mga katotohanang kailangan sa kaligtasan, at nakikinabang ka sa lahat ng mga kaparaanan ng kaligtasan na ipinagkatiwala ng Panginoong Jesu-Cristo sa kanyang Simbahan, ang Simbahang Katolika. (Basahin: Ang Tunay na Iglesya)

Sinasabi nating "Katoliko ako," subalit hindi natin sinasabing "Ako ay Simbahang Katolika." Bakit? Dahil iyon ay pananalitang walang katuturan. Ang "ako" ay panghalip para sa isang indibiduwal; ang "simbahan" ay salita para sa isang kapulungan o pamayanan. Hindi ba't walang katuturan na sabihing, "Ako ay pandaigdigang pamayanan," gayong iisang tao ka lang? Hindi ka pamayanan. Hindi ka kapulungan.

Kung iisipin, isa itong napaka-simpleng konsepto na madaling maaarok ng sinumang may sentido kumon. Subalit dito sa Pilipinas, nagkaroon ng pangangailangan na ipaliwanag natin ito upang ituwid ang kakatwa at maling pananalita ng mga kaanib ng sekta ni Felix Manalo, na buong pagmamalaking sinasabi, "Ako ay Iglesia ni Cristo." Paano naging "iglesia" ang isang indibiduwal? Paano naging "pamayanan" ang isang indibiduwal? Bagama't naiintindihan natin na ang ibig nilang sabihin sa likod ng mga pananalitang ito ay "Ako ay kaanib ng Iglesia ni Cristo," hindi maikakaila na ang mismong pananalitang ginagamit nila ay mali, at hindi kalabisan kung ang nasabing pagkakamali ay ating tinatawagan ng pansin.


 

Simbahan

Sa mga sinaunang Tagalog, "simbahan" ang tawag sa bahay ng punong-bayan na pinagdarausan ng pandot — isang relihiyosong pagtitipon na ginaganap upang sambahin ang mga diyus-diyusan ng mga Tagalog.1 Ito ang dahilan kaya ito ang ginamit sa pagsasa-Tagalog ng salitang Griyegong ekklesia, na siya namang salitang ginamit sa Bagong Tipan patungkol sa pamayanan ng mga Cristiano na pinasimulan ng Panginoong Jesu-Cristo (Mateo 16: 18). Ito ang pinaka-malapit na salitang maipantutumbas sa diwa ng ekklesia na madaling mauunawaan ng mga Tagalog. Sa mga nababalisa sa paganong pinagmulan ng salitang "simbahan," dapat nilang mapagtanto na maging ang mismong salitang ekklesia ay ginamit din ng Bibliang Griyego (Septuaginta) patungkol sa pagtitipon ng mga masasamang tao (Salmo 26: 5).2 Ang ekklesia ay isang karaniwang salitang Griyego na ginagamit na noon pa mang unang panahon patungkol sa anumang pamayanan o pagtitipon, relihiyoso man o sekular. Hindi ito eksklusibong salitang nagmula sa Cristianismo.

Malinaw nga kung anong kahulugan ng "simbahan/iglesia," anupa't maling-mali na sabihin ng isang indibiduwal na, "Ako ay simbahan/iglesia." Hindi maaaring maging pamayanan o pagtitipon ang iisang tao lang. Maaari siguro kung dalawa o higit pang katao ang nagsasabi nang gayon ("Kami ay simbahan/iglesia"), dahil maituturing na silang isang pagtitipon. Kung ibig mong ipahayag ang iyong pagiging kabilang sa Simbahan ng Panginoon, mas tamang sabihin na, "Ako ay kaanib ng Simbahan ni Cristo."


 

Katawan ni Cristo

Kung walang katuturan na sabihing, "Ako ay Iglesia ni Cristo," wala ring katuturan na sabihing, "Ako ay katawan ni Cristo." Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, hindi ng iisang bahagi lang (1 Corinto 12: 14). "Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan ang pandinig? Kung pawang tainga, saan ang pang-amoy? Kung ang lahat ay iisang bahagi lamang, saan naroroon ang katawan?" (1 Corinto 12: 17, 19). Ang sabi ni San Pablo, "Kayo nga ang katawan ni Cristo at bawat isa ay bahagi niya" (1 Corinto 12: 27). Malinaw ang pagkakaiba. Hindi ka "katawan ni Cristo", bagkus BAHAGI ka ng Katawan ni Cristo. Hindi maaaring maging "katawan" ang "bahagi" ng katawan! Ang katawan ay ang sama-sama at nagkakaisang mga bahagi ng katawan! Oo, makikita sa mga Bibliang Ingles na sinabing "Now you are Christ's body" (NABRE), subalit ang "you" na iyan ay plural hindi singular, anupa't hindi naman sinabing "each of you".


 

Letra-por-Letra

May mababasa bang "Ako ay Iglesia" o "Ako ay Iglesia ni Cristo" sa Biblia? Wala. May mababasa bang tinawag o pinangalanan ang Simbahan o ang isang indibiduwal na Cristiano na "Iglesia ni Cristo"? Wala rin. Sa kabila nito'y sa mga kaanib pa mismo ng sekta ni Felix Manalo tayo makasusumpong ng mga anti-Katolikong laging naghahanap ng mga letra-por-letrang batayan ng mga kung anu-ano. Bakit mo hahatulan ang kapwa mo batay sa isang sukatang ikaw mismo'y sumasalungat?

"Ang magturo sa hangal ay
tulad ng pagbubuo ng basag na palayok,
o manggising ng taong mahimbing ang tulog.
Ang magpaliwanag sa hangal ay
parang nakikipag-usap sa inaantok,
matapos mong sabihin sa kanya ang lahat,
itatanong sa iyo: 'Ano na nga ba ang sinabi mo?' "

ECCLESIATICO 22: 7-10 (MBB)

 


 

  1. Source: "Mythological Dictionary of the Philippines" by Ferdinand Blumentritt (1895) [BUMALIK]
  2. "I hate an evil assembly [qahal sa Hebreo; ekklesia sa Septuaginta]; with the wicked I do not sit." (Psalms 26: 5 NABRE) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Nobyembre 09, 2021

Si Bishop Soc at ang Isyu ng Vote Buying

UPDATED: 8:02 PM 9/29/2023

 

Noong ika-28 ng Oktubre 2021, nag-upload ng video si Bishop Socrates Villegas sa kanyang Facebook page, na may pamagat na "You are Priceless!" Narito ang kanyang mga sinabi:


Halimbawa po kausapin ka ng kaibigan mo, "Magnakaw ka ng dalawampung bote ng softdrinks sa grocery. Sampu sa'yo, sampu sa'kin." Pero hindi ka tumupad at hindi ka nagnakaw. Kasalanan ba 'yon?

Halimbawa po si tatay meron siyang kerida. Nag-usap sila, "Sa araw na ito, sa panahong ito, sa lugar na ito, magtatagpo tayo." At hindi siya tumupad; nang-indyan siya dun sa kanyang kerida. Kasalanan ba 'yon?

Halimbawa may ginawang masama 'yung kuya mo at sabi niya sa'yo, "Kapag nahuli, sabihin mo lang 'Hindi totoo.' Ituro mo na lang 'yung kapitbahay naten. Ako na bahala sa McDonald's mo o sa burger mo sa susunod na lalabas tayo." Pero hindi ka nagsinungaling. Sinabi mo 'yung totoo. Di ka tumupad sa usapan. Kasalanan ba 'yon?

Mga minamahal kong kapatid, ang sagot ay hinde.

Bakit hindi kasalanan? Kasi wala kang pananagutan, wala kang sagutin na tumupad sa isang usapan na kasalanan, o kaya ay ilegal, o labag sa batas. You are not obliged to fulfill an immoral or illegal contract.

Halimbawa 'yung tauhan ng kandidato o 'yung kandidato mismo bigyan ka ng daan-daan o libu-libo para iboto siya. Pero tinanggap mo, pero hindi mo siya ibinoto. Kasalanan ba 'yon? Walang pananagutan o sagutin na tumupad sa isang usapan na ilegal o imoral. Ang pagbili ng boto at pagbenta ng boto ay kasalanan sa Diyos at labag sa batas. Pero kung ika'y nagugutom, kung ikaw ay nangangailangan, puwede mong tanggapin 'yon pero huwag mong tutuparin 'yung ipinagagawa sa'yo. Sapagkat kung gumagawa 'yung kandidato ng isang ilegal at masamang bagay, at idinadamay ka pa, sabihin mo sa kanya, "Ikaw na lang ang gumawa ng kasalanang 'yan. Huwag mo na akong idamay." Puwede mong tanggapin 'yung pera pero hindi dahil nangangako kang tutuparin 'yung usapan, kundi dahil meron kang matinding pangangailangan para sa iyo at sa iyong pamilya.

You are not obliged to fulfill an immoral, illegal contract. Ibig sabihin kapag masama ang pinag-usapan, kapag masama ang ipinagagawa, kahit anong gawin, piliin mo ang Diyos hindi 'yung kandidato na binibili ang boto mo. Choose God not the candidate who wants to insult you by buying your vote and saying to you, "May presyo ka. Alam ko kung magkano ka." Isagot mo sa kanya, "Ang presyo ko ay ang Katawan at Dugo ni Cristo. I am priceless." You are priceless. Huwag kang pabili sapagkat hindi ka pwedeng ibenta. Ang presyo mo ay ang pag-ibig ng Diyos para sa iyo.

Salamat po.


 

Hindi simpleng isyu ang mga usaping moral

Nagbigay si Obispo Villegas ng tatlong halimbawa ng mga makasalanan/ilegal na usapan. Naging mitsa ito ng mga pagtatalu-talo sa social media, palibhasa'y masyadong payak at mababaw ang paliwanag dito ng mahal na Obispo. Hindi ko sinasabing mali ang mga sinabi niya; sa katunaya'y sumasang-ayon pa nga ako sa kanya. Subalit mahalaga ring maipaunawa sa tao ang masalimuot na katotohanan sa likod ng ating mga moral na pagpapasya bilang mga Cristiano. Marami kasing posibilidad. Maraming pwedeng maging detalye na nagpapakumplika sa isang sitwasyon. Alalahanin natin na sa paghatol ng moral na pananagutan ng isang tao, hindi lamang ang ➊ mismong kasalanang ginawa ang ipinagsasaalang-alang; kasamang ipinagsasaalang-alang ang ➋ layunin ng ginawang kasalanan, at ang ➌ mga pangyayaring kinapapalooban ng kasalanan (KPK 711, 728).

Suriin natin isa-isa ang mga binigay na halimbawa ni Bishop Villegas upang maintindihan ninyo ang ibig kong sabihin:


  1. Halimbawa po kausapin ka ng kaibigan mo, "Magnakaw ka ng dalawampung bote ng softdrinks sa grocery. Sampu sa'yo, sampu sa'kin." Pero hindi ka tumupad at hindi ka nagnakaw. Kasalanan ba 'yon?
     
    • Masamang magnakaw; tahasang kinokondena yan sa Sampung Utos ng Diyos (Exodo 20: 15). Subalit paano kung mayroon kang matinding pangangailangan — isang sitwasyon na ➊ di maikakaila (obvious) na may ➋ agarang pangangailangan (urgent necessity) para sa mga bagay na ➌ kailangan mo para mabuhay (essential needs), at ang ➍ tanging paraan (only possible option available) para tugunan ang nasabing pangangailangan ay ang gamitin/kunin ang pag-aari ng kapwa mo? Sa mata ng Diyos, hindi ito pagnanakaw (CCC 2408). Subalit kung magkulang ka ng kahit isa sa apat na mga kundisyong ito, saka natin masasabing nagkakasala ka ng pagnanakaw.
    • Ngayon, sa unang halimbawa, wala namang indikasyon ng matinding pangangailangan. Kahit saang anggulo tingnan, masama ang nais gawin, at masama ang iminumungkahing kasunduan. Sa katunaya'y dehado ka pa nga, dahil ikaw lang ang gagawa ng pagnanakaw; hindi ka tutulungan ng kaibigan mo. Kapag nahuli ka, ikaw lang ang mananagot sa Batas. At wala ka ring matatanggap na kahit na ano mula sa kaibigan mo, dahil ikaw din mismo ang kukuha ng mga bote ng softdrinks na paghahatian ninyo!
    • Kung tanggihan mo ang masamang alok na ito ng kaibigan mo, hindi ka talaga nagkakasala. Walang pagnanakaw na nangyari. Hindi ka nagimbot. At kaakibat ng pagtanggi mo ay ang pagpapaunawa sa iyong kaibigan na masama ang kanyang balak. Kung hindi siya magsisi at kung magalit pa siya sa iyo, problema na niya iyon. Pero ikaw mismo, wala kang ginawang masama at malinis ang konsensya mo sa harap ng Diyos at ng lipunan.
    • Paano kung sumang-ayon ka sa plano ng kaibigan mo, pero kalauna'y nagsisi ka at di mo na itinuloy ang pagnanakaw? Nagkasala ka dahil sa pagsang-ayon mo; noong mga sandaling iyon, sa puso mo'y parang nagnakaw ka na (Exodo 20: 17). Noong mga sandaling iyon, kinunsinti mo pa ang masamang pagnanasa ng kaibigan mo (1 Corinto 5: 11). Kaya naman, may pananagutan ka sa harap ng Diyos na ➊ lumapit sa Sakramento ng Kumpisal at ➋ pagsabihan ang iyong kaibigan. Iyan ang batayan ng pagkakasala mo, hindi ang di mo pagtupad sa masamang kasunduan ninyo ng kaibigan mo.
    • Paano kung itinuloy mo ang pagnanakaw pero sa halip na tig-sampu kayo ng bote ng softdrinks, isang bote lang ang ibinigay mo sa kaibigan mo at 19 bote ang sa iyo? Nagkakasala ka ba sa kaibigan mo dahil hindi ka naging "patas" sa kanya? Wala kang kasalanan sa kaibigan mo, dahil walang bisa ang kasunduan ninyo, mangyaring iyon ay isang masamang kasunduan. Pero nagkasala ka sa Diyos at sa may-ari ng grocery na ninakawan mo. May pananagutan ka sa Diyos at sa may-ari ng grocery.
    • Paano kung itinuloy mo ang pagnanakaw pero kalauna'y nagsisi ka at itinapon mo ang mga ninakaw mo, o di kaya'y ipinamahagi ang mga iyon sa mga mahihirap, o iniwan mo na lang sa loob ng simbahan, o kung anu-ano pang mga "alternatibong kabutihan" na naiisip mo? Sa aking palagay, kulang ang pagbabayad-sala na ginawa mo. Ang dapat mong gawin ay ➊ isauli ang mga ninakaw mo sa mismong grocery na ninakawan mo (CCC 2412), ➋ umamin sa ginawang pagkakasala, ➌ humingi ng tawad sa may-ari ng grocery at tanggapin ang anumang makatarungang parusa na ipapataw sa iyo, at ➍ kung may pagkakataon ay pagsabihan ang iyong kaibigan na talikdan ang gayong masamang gawain.
    • Kataka-taka na magkakaroon ka ng kaibigang uudyukan kang magnakaw. Depende sa sitwasyon, maaaring magkaroon ka rin ng moral na obligasyon na putulin ang inyong pagkakaibigan, lalo na kung nakikita mong hindi siya nakikinig sa mga pagsaway mo sa mga masamang pagnanasa niya.
  2.  

  3. Halimbawa po si tatay meron siyang kerida. Nag-usap sila, "Sa araw na ito, sa panahong ito, sa lugar na ito, magtatagpo tayo." At hindi siya tumupad; nang-indyan siya dun sa kanyang kerida. Kasalanan ba 'yon?
     
    • Masamang makiapid; tahasang kinokondena yan sa Sampung Utos ng Diyos (Exodo 20: 14). Anumang gawain na napapaloob sa kahulugan ng pakikiapid ay malinaw na kasalanan, at labag din ito sa Batas. Ang pagkakaroon ng kerida ay maliwanag na kasalanan. Hindi mahalaga kung mabait ka sa kerida mo. Hindi mahalaga kung "patas" ka sa asawa mo at sa kerida mo dahil pareho mo silang sinusustentuhan. Hindi mahalaga kung mas nakakasundo mo ang kerida mo kaysa sa asawa mo. Hindi mahalaga kung mas mabuting "asawa" at "ina" ang kerida mo kaysa sa asawa mo. Ang kerida ay kerida, at ang tanging una mong ginagawa kung nagkaroon ka ng kerida ay ang paglapit sa Sakramento ng Kumpisal, ang permanenteng pakikipaghiwalay sa kerida mo, at ang habambuhay na pagbabayad-sala sa asawa mong pinangakuan mong habambuhay na mamahalin at aalagaan! Sa aking palagay, balewala ang anumang kaakibat na kabutihang kailangan mo ring gawin kung hindi mo muna tutuparin ang mga ito.
    • Ngayon, ang pakikipagtagpo sa kerida ay hindi naman agad-agad na maituturing na kasalanan. Pwede kang makipagtagpo upang maayos na makipaghiwalay at pag-usapan ang anumang kinakailangang kaayusan (halimbawa, kung may anak kayong kailangan mong sustentuhan, o may negosyo kayong magkasamang naipundar, atbp.). Pwede kang makipagtagpo upang kayo'y mangumpisal — ang una at kinakailangang hakbang tungo sa pagsisisi at pagbabagong-buhay ninyong dalawa. Pwede kang makipagtagpo upang bisitahin lang ang naging anak ninyo. Siyempre, hindi ito ang mga sitwasyong nasa isip ni Bishop Villegas. Ang sa palagay kong tinutukoy niya rito ay ang pakikipagtagpo upang gumawa ng mga gawain ng pakikiapid: magtatalik kayo, magbabahay-bahayan kayo, magroromansahan kayo, atbp. Sa gayong masamang kasunduan, ang hindi mo pagtupad ay hindi kasalanan.
    • Dahil ba sa nang-indyan ka sa kerida mo, masasabi na nating may kabutihan kang nagawa? Depende sa intensyon at sa sitwasyon. Mabuti na hindi ka nakipagtagpo, pero paano kung kaya mo lang ito ginawa ay dahil nagkaroon ng emergency? O tinamad ka lang? O na-traffic ka? O nasiraan ang jeep na sinasakyan mo? O nakalimutan mo yung usapan ninyo? O natakot ka na baka may makakita sa inyo? Maraming pwedeng maging dahilan ng hindi mo pagsipot sa usapan ninyo, subalit nananatili ka pa rin sa kasalanan ng pangangalunya — noong sandaling sumang-ayon ka sa usapan ninyo ng kerida mo, nagkasala ka na, tuparin mo man o hindi ang usapan ninyo. Nagiging mabuti lang ang di mo pagtupad sa usapan kung ito'y udyok ng pagsisisi at ng determinasyong makikipaghiwalay ka na. May kabutihan kang ginawa kung ang di mo pagsipot ay nagsilbing unang hakbang sa pagtalikod mo sa kasalanan.
    • Paano kung nagtagpo pa rin kayo, subalit kalauna'y nakonsensya kayo at di na ninyo itinuloy ang pangangalunya ninyo? Hindi kayo nagtalik, nagbahay-bahayan, o nagromansahan, bagkus nagpasya kayong tapusin na ang relasyon ninyo at magbalik-loob na sa Diyos. Nagkasala pa rin kayo sa Diyos noong sandaling nagkasundo kayo na magtatagpo. Dahil noong mga sandaling iyon, pareho kayong sumang-ayon sa masama, pareho kayong nagplano nang masama. Noong mga sandaling iyon, hindi pa kayo nagsisisi. Noong mga sandaling iyon, determinado pa kayong magkasala. Kaya naman, kabilang pa rin iyon sa mga kasalanang dapat ikumpisal at dapat ipagbayad-sala.
    •  

  4. Halimbawa may ginawang masama 'yung kuya mo at sabi niya sa'yo, "Kapag nahuli, sabihin mo lang 'Hindi totoo.' Ituro mo na lang 'yung kapitbahay naten. Ako na bahala sa McDonald's mo o sa burger mo sa susunod na lalabas tayo." Pero hindi ka nagsinungaling. Sinabi mo 'yung totoo. Di ka tumupad sa usapan. Kasalanan ba 'yon?
     
    • Masamang sumaksi nang di totoo; tahasang kinokondena yan sa Sampung Utos ng Diyos (Exodo 20: 14). Makikita sa halimbawa ang patung-patong na kasalanan na kaakibat ng iminumungkahing pagsisinungaling: ➊ kinunsinte mo ang kasamaan ng kuya mo, ➋ ipinagkait mo ang katarungan sa lipunang napinsala ng kasamaan niya, ➌ sinira mo ang reputasyon ng kapitbahay ninyo at idinamay pa sa problemang wala siyang kinalaman, ➍ hinayaan mong madaig ka ng sarili mong katakawan. Malinaw na ito'y masamang kasunduan. Bilang Cristiano, may moral na obligasyon kang tanggihan ito. Gumagawa ka ng kabutihan sa hindi mo pagsisinungaling, sa pagsasabi mo ng totoo, sa di mo pagtupad sa usapan ninyo ng kuya mo. Wala kang ginawang kasalanan. Wala kang anumang pananagutan sa kapatid mo. Iyan ang sa tingin ko'y punto ni Bishop Villegas.
    • Subalit paano kung sumang-ayon ka sa usapan ninyo ng kuya mo at nailibre ka na niya sa McDonald's ayon sa napag-usapan, subalit nang mahuli siya'y sinabi mo ang totoo, at hindi mo ibinintang sa kapitbahay yung krimen niya dahil nakonsensya ka kalaunan? Wala kang kasalanan sa kapatid mo (dahil walang bisa ang kasunduan ninyo, mangyaring iyon ay masama), subalit may kasalanan ka pa rin sa Diyos dahil ➊ noong mga sandaling nag-usap kayo, sumang-ayon ka sa masamang hangarin ng kapatid mo; noong mga sandaling iyon, nagpasya ka nang tumupad sa masamang kasunduan. Noon ding mga sandaling iyon, ➋ nagpadaig ka sa katakawan mo at kalauna'y ➌ natupad mo pa ang masamang pagnanasa mo. Oo, mabuti na nagsisi ka sa bandang huli kaya't pinili mong gawin ang tama nang mahuli ang kapatid mo. Subalit hindi nito pinapawi ang iyong naunang masamang kapasyahan, ang iyong naunang katakawan, at ang pakikinabang mo sa kasamaang ginawa mo. Mayroon kang pananagutan sa harap ng Diyos na ➊ pagsisihan ang naunang pagpili mo sa masama, ➋ ipagbayad-sala ang kinain mo sa McDonald's udyok ng katakawan mo, at ➌ pagsikapang lunasan ang iyong katakawan upang hindi na ito muling magudyok sa iyo sa mga maling desisyon sa buhay. Pero sa kapatid mo mismo, wala kang pananagutan — hindi hinihingi ng katarungan na bayaran mo siya ng katumbas na halaga ng ipinanglibre niya sa iyo sa McDonald's.
    • Paano kung sa simula pa lang ay wala ka na talagang layuning pagtakpan ang kapatid mo? Paano kung sa simula pa lang ay plano mo na siyang lokohin at nais mo lang samantalahin ang pagkakataon na makalibre ka sa McDonald's? Pinaniwala mo siyang pagtatakpan mo siya. Nakuha mo ang gusto mo; nakakain ka sa McDonald's nang libre. Pero nang mahuli siya'y hindi mo siya pinagtakpan, at hindi mo rin idinamay ang kapitbahay ninyo. Nagkasala ka ba sa kapatid mo? Oo. Nagkasala ka ba sa Diyos? Oo. Pero ang kasalanan mo ay hindi dahil sa di mo pagtupad sa kasunduan. Nagkasala ka dahil: ➊ nagsinungaling ka sa kapatid mo — ipinagkait mo sa kanya ang katotohanan; sa halip na pagsabihan siya sa krimen niya at hikayating magsisi, mas pinili mo pang papaniwalain siyang kakampi ka niya at walang masama sa naging usapan ninyo. At ➋ nagpadaig ka sa katakawan mo sa halip na manindigan sa kung ano ang tama at mabuti para sa iyo at sa kapatid mo.
    • Paano kung plano mo na talagang lokohin sa simula pa lang ang kapatid mo — na papapaniwalain mo siyang sumasang-ayon ka sa usapan, pero hindi ka tutupad sa usapan at wala kang matakaw na pagnanasa na makakain nang libre sa McDonald's, bagkus sasakyan mo lang ang plano ng kuya mo para turuan siya ng leksyon? Nais mong ituwid ang kuya mo. Iniisip mong magaling siyang magtagó mula sa mga pulis, kaya't ito na lamang ang tanging paraan para maparusahan siya sa mga krimen niya. Sa palagay ko, magkakasala ka pa rin kung gagawin mo yan. Kung tutol ka sa kasamaan ng kuya mo, tungkulin mong sabihin iyon sa kanya sa simula pa lang. Sa simula pa lang, sabihin mo nang tutol ka sa krimen na ginawa niya. Sa simula pa lang, sabihin mo nang tutol ka sa imimumungkahi niyang kasunduan sa iyo. Huwag mong mamaniobrahin ang sarili mong kapatid sa pamamagitan ng pagsisinungaling sa kanya (CCC 2485, 2486). Irespeto mo ang dignidad niya bilang tao, at hayaang siya mismo ang malayang magpasya para sa sarili kung pakikinggan niya o hindi ang pagtutuwid mo sa kanya. Hindi maituturing na pagmamahal o pagmamalasakit ang pangmamaniobra ng kapwa.


Marami pang posibleng sitwasyon na pwedeng kasangkutan ng mga nabanggit na tatlong halimbawa ni Bishop Villegas, at magiging napakahaba na ng post na ito kung pag-iisipan ko pa ang lahat ng mga iyon. Sapat nang maipakita natin na pagdating sa mga usaping moral, hindi ito isang simpleng isyu na basta-basta mabibigyan ng simple't panlahatang kasagutan. Ito marahil ang naging pagkakamali ni Bishop Villegas sa video niya. Sa halip na maliwanagan ang mga tao, marami pa ang mas lalong naguluhan at posible pang naudyukan nang mga maling moral na pagpapasya, lalung-lalo na sa mismong pinaka-punto ng video niya: kung dapat ba o hindi na tumanggap ng pera sa vote buying.

Is it alright to accept money as long as one votes according to one's conscience?
No, it is not alright. If the source of the money is clean, accepting it without voting for the candidate who gave it makes you a liar. And if you vote for the candidate, you have actually sold your vote. If the source of the money is not clean, then you become a cooperator in evil because you accept it.
By accepting any money from candidates, no matter from what source and with what intention, you are perpetuating a form of dirty politics which encourages graft and corruption, for today's vote buyers are tomorrow's grafters.

CATHOLIC BISHOPS' CONFEFERENCE OF THE PHILIPPINES
Catechism on the Church and Politics, February 1998


Maaari mo bang tanggapin yung perang ipinambibili ng boto mo?

Ang simpleng sagot ay HINDI, maliban lang kung may matinding pangangailangan ka — alalaong-baga'y nasa isang sitwasyon ka na may di maikakailang agarang pangangailangan para sa mga bagay na kailangan mo para mabuhay, at ang tanging paraan para tugunan ang mga iyon ay ang tanggapin mo ang perang inaabot sa iyo ng pulitiko para bilhin ang boto mo. Mahalagang pag-isipan natin iyan nang matagal. Hindi lahat ng mga inaakala mong "matinding pangangailangan" ay "matindi" talaga o "kailangan" mo talaga. Mahalaga ring mapagtanto mo na sa mata ng Batas, kahit pa may matinding pangangailangan ka, maaari ka pa ring makasuhan kung mapatutunayang ibinenta mo ang boto mo (Omnibus Election Code - Article XXII, Section 261). Handa ka bang makasuhan at makulong?

Iyan ang sa palagay kong ipinupunto ni Bishop Villegas nang sabihin niyang "kung ika'y nagugutom, kung ikaw ay nangangailangan, puwede mong tanggapin 'yon". Bukod pa sa pagkakaroon ng matinding pangangailangan, nilinaw din ng Obispo ang iba mo pang moral na pananagutan:

  • Huwag tutuparin ang kasunduan.
  • Sabihan mo yung pulitiko na masama ang ipinagagawa niya.
  • Huwag kang mangangako na tutuparin mo yung ipinagagawa niya.
  • Sabihin mo na kaya mo tinatanggap ay dahil may matindi kang pangangailangan.
  • Ipahayag mo ang pananampalataya mo: "Ang presyo ko ay ang Katawan at Dugo ni Cristo."

Siyempre, kung gagawin mo ang lahat ng iyan, tila malabong bayaran ka pa. Pero sakaling ipilit pa rin sa iyo yung pera dahil umaasa yung pulitiko na magbabago pa yung isip mo o iniisip nilang baka plastik ka lang talaga, eh di tanggapin mo. Pero muli, tanggapin mo lang kung mayroon kang matinding pangangailangan. Ihanda mo rin ang iyong sarili na maparusahan ayon sa itinatakda ng Batas,1 at huwag na huwag kang magrereklamo sa anumang abala o mas lalong malaking pinsala na maaaring idulot niyan sa iyo.

Ang mali ni Bishop Villegas, kulang ang kanyang pagpapaliwanag hinggil sa konsepto ng "matinding pangangailangan", na ang tanging paliwanag na ikinapit niya rito ay "kung nagugutom ka". Hindi naman lahat ng gutom ay agad hahantong sa kamatayan. Posible ba talagang malagay ka sa isang sitwasyon na ang tanging mapagkukunan mo ng makakain ay ang perang ipinambibili ng boto mo? May pagkukulang din siya sa paghahambing ng sitwasyon ng vote buying sa tatlong halimbawang ibinigay niya, na gaya ng ipinakita natin ay maaaring kasangkutan ng mga lalong kumplikadong sitwasyon na nagpapagulo lang sa moral na pagpapasya ng tao. Nagkulang din si Bishop Villegas nang hindi niya banggitin na ang pagtanggap ng pera sa vote buying ay isang krimen na may kaukulang parusa na maaaring mas lalong magpalala sa problema ng isang taong may matinding pangangailangan.

Sa kabilang banda, huwag nating ikatuwiran na kesyo galing din naman sa taumbayan ang perang ipinambibili ng boto mo kaya tanggapin mo na lang din. Mali iyon, dahil kahit mangyari pang totoo ang inaakala mo, hindi naman ikaw ang taumbayan. Kung katarungan ang paiiralin, hindi mo yan maaaring pakinabangan mag-isa, bagkus, kailangan mong pantay-pantay na ipamahagi sa lahat ng mga taong pinagnakawan. Ang tanong: magagawa mo ba iyon? Malamang hindi, at malamang, hindi udyok ng anumang pagmamalasakit sa bayan ang dahilan kaya mo tatanggapin ang pera. Ipinagmamatuwid mo lang ang kamunduhan mo at kawalang-respeto mo sa sarili. Maraming tuwang-tuwa at agad-agad sinang-ayunan ang mga di-pinagnilayang pahayag noon ni Vice President Robredo, dahil nakakahanap sila rito ng palusot para tumanggap ng pera sa vote buying. Huwag naman po sana tayong ganyan mag-isip!

"Mga kapatid ko, huwag naisin ng marami na maging guro, yamang nalalaman na ninyo na mahigpit ang ihahatol sa atin, sapagkat tayong lahat ay nagkakamali."

SANTIAGO 3: 1


Kapag Simbahan ang nagsalita

Kapag isang arsobispo gaya ni Bishop Socrates Villegas ang nagsasalita hinggil sa isang moral na isyu, huwag tayong padalus-dalos sa pagsang-ayon o pagsalungat sa kanya. Bilang Cristiano, tungkulin mong pagnilayan ang mga itinuturo niya. Huwag kang puro "Amen" lang. Huwag kang puro reklamo at sangkalan nang sangkalan ng "Separation of Church and State". Gamitin mo ang utak mo. Gamitin mo rin ang puso mo. Alalahanin mo na nagsasalita ang Simbahan hindi lang para magpapansin, kundi upang gabayan ka tungo sa tunay na moral na pagpapasya. Mahal ka ng Simbahan. Gusto ng Simbahan na mapunta ka sa Langit. At alalahanin mong pagdating sa mga usapin ng pananampalataya at moral, ang tinig ng Simbahan ang higit na mapagkakatiwalaan sa lahat.

 


 

  1. "Any person found guilty of any election offense under this Code shall be punished with imprisonment of not less than one year but not more than six years and shall not be subject to probation." (Omnibus Election Code - Article XXII, Section 264) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Sabado, Oktubre 30, 2021

Ano bang meron sa Acts 23:11?

"Nung gabing yun, nagpakita ang Panginoon kay Paul at sinabi, 'Wag kang matakot! Naging witness kita dito sa Jerusalem, at ganun din ang gagawin mo sa Rome.'" (Acts 23: 11 PVCE)

Alinsunod sa ipinauusong interpretasyon sa taludtod na ito ng ilang mga Katolikong apolohista, pinatutunayan daw nito ang paglilipat ng pamamahala/himpilan ng Simbahang Katolika buhat sa Jerusalem patungong Roma. Tutol ako sa interpretasyong ito, hindi dahil sa tutol ako sa mahalagang katayuan ng Simbahang Romana bilang Sede Apostolika, mangyaring sa Simbahang Romana naging unang Obispo si Apostol San Pedro, sa Roma siya namatay na martir, sa Roma siya nailibing, kaya't ang bawat humahaliling Obispo ng Roma ay awtomatikong humahalili kay Apostol San Pedro at sa kanyang natatanging gampanin sa Simbahan bilang Bikaryo ni Cristo, at pinuno sa lahat ng mga Obispo. Bagkus, ang tinututulan ko ay ang tila ba labis na pagbibigay-kahulugan na hindi na ipinagsasaalang-alang ang konteksto ng taludtod. Mayroon akong tatlong pangunahing dahilan ng aking pagtutol:

  1. Hindi ginamit ng mga Church Fathers ang Gawa 23: 11 para ipaliwanag ang mahalagang katayuan ng Simbahang Romana.
  2. Hindi rin ito ginamit ng mga Konsilyo Ekumeniko ng Lyons II (1274), Florence (1438-1445), at Vatican I (1869-1870), nang kanilang itaguyod at papagtibayin ang nakatataas na katayuan ng Simbahang Romana at ang mga natatanging karapatan at karangalan ng Santo Papa.
  3. Walang anumang katulad na interpretasyon na binabanggit sa mga pangunahing Bibliang pang-Katoliko at komentaryong biblikal.

Haydock Catholic Bible Commentary (1859) Be constant...so must thou bear witness also at Rome; and so needest not fear to be killed by them. (Witham)
An Exposition of the Acts of the Apostles Consisting of an Analysis of Each Chapter and of a Commentary, Critical, Exegetical, Doctrinal, and Moral (The Most Rev. Dr. MacEvilly, 1899) "Night following." How this consoling and encouraging apparition took place is not mentioned. It conveyed an assurance that Paul's mode of acting before the Sanhedrim was pleasing to our Lord. There is no allusion to a dream or ecstasy. Hence, many hold it occurred while Paul was awake. He ardently desired to visit Rome (xix.21). He now receives an assurance that his wishes will be gratified. "Constant," in Greek "take courage," "be without fear."
New American Bible (1970) The occurrence of the vision of Christ suggests that Paul's experiences may have placed him in a state of depression.
New Jerome Biblical Commentary (1990) The Lord appeared: This consoling vision (18:9; 27:24) erects a major milepost in Luke's story: Paul's Jerusalem testimony is finished, and his mission's goal at Rome comes into view, both under the "necessity" (dei) of the very plan of God. (19:21)
Christian Community Bible: Catholic Pastoral Edition To understand the chapters dealing with Paul’s trial we have to remember that justice in the Roman empire was very well organized. The supreme tribunal was in Rome: this was the Tribunal of Caesar, and Roman citizens fearing a mistrial in their province could appeal to the Tribunal of Caesar. There were governors (or procurators) who administered justice in each province. In the Jewish territory, the Romans who occupied the country kept the important cases for themselves, but they left the rest to the Jewish tribunals, especially religious affairs. Paul was to go through various tribunals, beginning with the Sanhedrin, or religious court of the Jews, all the way to the tribunal of Caesar.
Thus, through Paul, the words of Jesus entrusting to his apostles the mission of proclaiming him before Jewish and pagan authorities was to be fulfilled.
Paul tries to make the resurrection of Christ the theme of his declaration. There was a trial to condemn Jesus. Now, Paul tries to have the governors pay attention to the cause of the risen Jesus, and he succeeds.
In every age, such will be the zeal of the witnesses of Christ when they are accused: to demonstrate that they are not acting out of self-interest, nor from any human motive, but because they are the servants of Christ.
New American Bible: Revised Edition The occurence of the vision of Christ consoling Paul and assuring him that he will be his witness in Rome prepares the reader for the final section of Acts: The journey of Paul and the word he preaches to Rome under the protection of the Romans.
Ignatius Catholic Study Bible the Lord stood by: The risen Christ spoke to Paul several times after their initial encounter near Damascus (9:36; 18:9; 22:17-18). witness also at Rome: Sets the stage for the final movement of Acts, where Paul appeals his case to Caesar (25:12) and journeys by ship to the imperial capital in Italy (28:14).

Inilagay ba ng Diyos sa mga kamay ni San Pablo ang pagpapasya kung saan ilalagay ang himpilan ng Simbahan? Kaya ba naging himpilan ng mga Apostol ang Simbahan sa Jerusalem ay dahil sa pangangaral ni San Pablo sa Jerusalem? Si San Pablo ba ang batayan ng nakatataas na katayuan ng Simbahang Romana? Kailangan ba ng Diyos ang Roma para sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo? Mahalaga bang humimpil sa Roma ang kataas-taasang mahisteryo ng Simbahan? Nang magpakita ang Panginoong Jesus kay San Pablo, iyon nga ba talaga ang nasa isip niya: ang dakilang plano ng "paglilipat" ng Simbahan mula sa Jerusalem patungong Roma?

Ito'y mga lehitimong katanungang tila ba hindi man lang sumasagi sa isip ng marami, palibhasa'y naghahanap lang tayo ng mga apolohistang magbibigay sa atin ng listahan ng mga taludtod na "pambara" sa mga anti-Katoliko. Wala na tayong pakealam sa konteksto; wala na tayong pakealam sa tunay na kahulugan ng mga binabasa natin. Wala na tayong ipinagkaiba sa mga Protestanteng Pundamentalista na tuwang-tuwang magsangkalan ng mga letra-por-letrang taludtod sa Biblia, anupa't nabasa lang natin ang salitang "Roma" sa Gawa 23: 11, agad-agad na natin itong kinasangkapan sa ating sariling bersyon ng pundamentalismo para ipagsiksikan sa mundo ang "Romano Katolisismo".

"The Romans were undergoing many tribulations. Paul wanted to see them in order to comfort them and also to be comforted by them... What humility he had! He showed them that he needed them as much as they needed him. By doing this, he put learners in the position of teachers, not claiming any superiority for himself but pointing out that they were fully equal to him."

ST. JOHN CHRYSOSTOM
407 A.D.

Bakit nga ba nagpunta sa Roma si San Pablo? Noon pa ma'y plano na talaga niya ito (Gawa 19: 21). Pero bakit nga ba? Dahil ba inatasan siya ng Panginoong Jesus na ilipat ang mahisteryo ng Simbahan mula sa Jerusalem patungong Roma? HINDI. Si San Pablo na rin mismo ang nagpaliwanag sa mga taga-Roma:

  • "Para ma-share ko sa inyo ang mga blessings na binigay ng Espiritu ng Diyos para mapalakas ang faith nyo." (Romans 1: 11 PVCE)
  • Para matulungan natin ang isa't-isa, para mapalakas ko ang faith nyo at mapalakas nyo din ako." (Romans 1: 12 PVCE)
  • "Gusto kong may ma-convince din akong maging disciples ni Christ dyan sa Rome, gaya ng nagawa ko sa ibang mga Gentiles." (Romans 1: 13 PVCE)
  • "Para ilipat sa inyo ang himpilan ng Simbahan na nasa Jerusalem."

Oo, pinabanal ni San Pablo ang Roma dahil sa kanyang pagkamatay doon bilang martir,1 pero hindi ibig sabihin na ito na rin ang naging batayan kaya umangat ang estado ng Simbahang Romana bilang "ina at guro ng lahat ng mga Simbahan" (Pius IV, Iniunctum Nobis, 1564). Bilang Katoliko, batid naman natin ang tanging tunay na batayan: ang paghalili ng mga Santo Papa kay San Pedro.2 Walang kinalaman dito si San Pablo (Roma 15: 20). Walang kinalaman dito ang katayuan noon ng Roma bilang kapitolyo at pangunahing lungsod ng sinaunang mundo. Hindi ang pagiging "Romano" ang importante. Hindi "kailangan" ng Simbahan na maging "Romano" upang matupad niya ang kanyang misyon na gawing alagad ang lahat ng mga bansa. Kaya lamang nagkaroon ng permanenteng kaugnayan ang Roma sa Simbahang Katolika ay dahil si San Pedro ang naging unang Obispo ng Simbahang Romana. Si San Pedro ang importante. Si San Pedro ang may-hawak ng mga susi ng kaharian. Si San Pedro ang bato na pinagtayuan ng Simbahan. At hindi si San Pedro ang kausap ng Panginoon sa Gawa 23: 11.

Maling-mali tayo kung iniisip nating may malaking kakulangan ang Simbahang itinayo ng Panginoong Jesus noong unang siglo, at ito'y kailangang maging "Romano" kaya't pinapupunta ng Panginoon si San Pablo sa Roma. Maling-mali rin tayo kung iniisip nating ginampanan ng Simbahang Romana ang pagiging "himpilan" ng Simbahan noong unang sanlibong taon ng Cristianismo, katulad ng naging katatayuan ng Simbahan sa Jerusalem noong unang siglo.

Sa Gawa 15 isinalaysay kung paanong nagpulong sa Jerusalem ang mga Apostol at Matatanda upang lutasin ang mga usapin sa doktrina at paggawi ng Simbahan. Subalit ganyan din ba ang sistema noong unang sanlibong taon ng Cristianismo nang magkaroon ng mga seryosong usapin sa doktrina at paggawi? Hindi. Hindi naman lingid sa atin na ang mga unang pitong Konsilyo Ekumeniko ay hindi naman ginanap sa Roma kundi sa Nicaea, Constantinople, Ephesus, at Chalcedon. Sa katunaya'y bihira lamang nagkaroon ng aktibong pakikilahok ang Santo Papa sa mga naturang konsilyo:

"From the First Ecumenical Council onwards, major questions regarding faith and canonical order in the Church were discussed and resolved by the ecumenical councils. Though the bishop of Rome was not personally present at any of those councils, in each case either he was represented by his legates or he agreed with the council's conclusions post factum. The Church's understanding of the criteria for the reception of a council as ecumenical developed over the course of the first millennium. For example, prompted by historical circumstances, the Seventh Ecumenical Council gave a detailed description of the criteria as then understood: the agreement (symphonia) of the heads of the churches, the cooperation (synergeia) of the bishop of Rome, and the agreement of the other patriarchs (symphronountes). An ecumenical council must have its own proper number in the sequence of ecumenical councils, and its teaching must accord with that of previous councils. Reception by the Church as a whole has always been the ultimate criterion for the ecumenicity of a council."3

Anuman ang ating mga kasalukuyang paninindigan hinggil sa katatayuan ng Santo Papa at ng Simbahang Romana, hindi natin ito basta-basta maipipilit sa konteksto ng Gawa 23: 11. Mahabang kasaysayan ang pinagdaanan ng Simbahang Katolika bago naging malinaw at mahigpit ang mga kapangyarihang tinatamasa ng kahalili ni San Pedro sa Roma. Hindi ito ang tipo ng sistemang maitatatag ni San Pablo sa Roma sa pamamagitan lang ng pangangaral ng Ebanghelyo doon!

Ang problema, nagpapadaig tayo sa hamon ng Pundamentalismo. Hinahanapan nila tayo ng letra-por-letrang batayan sa Biblia na nagsasabing ang Simbahang "Romano Katoliko" ang naging himpilan ng Simbahan, at mistula naman tayong utu-uto na naghanap ng letra-por-letrang batayan, hanggang sa nasumpungan natin ang Gawa 23: 11 at ito ang ipinangalandakan nating "ebidensya". At tuwang-tuwa naman tayo sa ebidensyang natuklasan natin.

Ngayon, dahil ba sa mga sinabi kong ito ay wala na akong karapatang magpaliwanag ng kahit ano hangga't wala akong naipapakitang pormal na edukasyon sa Biblia? Mangmang ba ako sa kasaysayan ng Cristianismo? Naiingit ba ako sa Simbahang Katolika, at pinaglilingkuran ko si Satanas? Hinugot ko lang ba ang lahat ng ito mula sa kawalan? Isa ba akong sulpot?

Sa totoo lang, hindi naman ako naiinis nang dahil sa mga negatibong komento ng mga "tagapagtanggol" ng Simbahan. Sanay na akong napagkakamalang kung anu-ano nang dahil sa mga kakaibang opinyon ko sa mga bagay-bagay, at sa pagsisikap kong maging patas kahit sa mga notoryus na anti-Katoliko at ateistang dumarating sa buhay ko. Kung ibig nilang panindigan ang mga interpretasyon nila sa Gawa 23: 11, eh di sige lang. Aabalahin ko pa ba ang sarili kong magpaliwanag sa kanila? Hiyang-hiya naman ako sa napakalaking pagmamahal nila sa Santa Iglesya. Marahil, kung ang lahat ng Katoliko ay tutularan ang kanilang "mabuting halimbawa", matagal na sanang naghahari ang pag-ibig at kapayapaan sa mundong ibabaw.

 


  1. "The Feast of the holy Apostles Peter and Paul is kept on the 29th of June, because on that day both of them glorified God by their martyrdom, and won the crown of justice. Peter is the chief, and Paul is the greatest of the apostles. The former is the rock of the unity of the Church, the latter is the representative of her Catholicity. Their blood has consecrated Rome, the ancient capital of the pagan world, to be the capital of the Christian world, the mother and teacher of all churches." (Knecht, Frederick Justus. "A Practical Commentary on Holy Scripture", 1910. p. 803.) [BUMALIK]
  2. "The holy Roman Church has been placed at the forefront not by the conciliar decisions of other churches, but has received the primacy by the evangelic voice of our Lord and Savior, who says: 'You are Peter, and upon this rock I will build my Church, and the gates of hell will not prevail against it; and I will give to you the keys of the kingdom of heaven, and whatever you shall have bound on earth will be bound in heaven, and whatever you shall have loosed on earth shall be loosed in heaven'. The first see, therefore, is that of Peter the apostle, that of the Roman Church, which has neither stain nor blemish nor anything like it." (Pope Damasus I, 382 A.D.) [BUMALIK]
  3. Synodality and Primacy During the First Millennium: Towards a Common Understanding in Service to the Unity of the Church, ❡ 18. Ito'y dokumentong resulta ng diyalogo sa pagitan ng mga dalubhasa sa panig ng Simbahang Katolika at ng mga Simbahang Ortodoksa. Bagama't naglalaman ng ilang mga di katanggap-tanggap na pananaw hinggil sa Santo Papa, naisalaysay nito nang wasto at patas ang aktuwal na sistema ng mga Konsilyo Ekumeniko noong unang milenyo ng Cristianismo. Gayunman, ang naturang sistema ay hindi pinalampas ng Second Council of Lyons noon pa mang 1274, at tahasan nitong nilinaw ang awtoridad ng Simbahang Romana:
    "Also this same holy Roman Church holds the highest and complete primacy and spiritual power over the universal Catholic Church which she truly and humbly recognizes herself to have received with fullness of power from the Lord Himself in Blessed Peter, the chief or head of the Apostles whose successor is the Roman Pontiff. And just as to defend the truth of Faith she is held before all other things, so if any questions shall arise regarding faith they ought to be defined by her judgment. And to her anyone burdened with affairs pertaining to the ecclesiastical world can appeal; and in all cases looking forward to an ecclesiastical examination, recourse can be had to her judgment, and all churches are subject to her; their prelates give obedience and reverence to her. In her, moreover, such a plentitude of power rests that she receives the other churches to a share of her solicitude, of which many patriarchal churches the same Roman Church has honored in a special way by different privileges-its own prerogative always being observed and preserved both in general Councils and in other places." (Profession of Faith of Michael Palaeologus)
    [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Oktubre 27, 2021

Espiritismo ba ang pananalangin sa mga Santo?

Bilang Cristiano, hindi tayo dapat nagtatangkang sumangguni o magtawag sa kaluluwa ng mga yumao. Tahasan itong kinokondena ng Biblia at ng Simbahan:

  • "Hindi dapat makasumpong sa inyo ng sino mang... sumasangguni sa mga multo o espiritu, tumatawag sa mga patay. Ang sino mang gumawa ng mga bagay na iyan ay kasuklam-suklam sa Panginoon." (Deuteronomio 18: 11-12)
  • "All forms of divination are to be rejected: recourse to Satan or demons, conjuring up the dead or other practices falsely supposed to 'unveil' the future. Consulting horoscopes, astrology, palm reading, interpretation of omens and lots, the phenomena of clairvoyance, and recourse to mediums all conceal a desire for power over time, history, and, in the last analysis, other human beings, as well as a wish to conciliate hidden powers. They contradict the honor, respect, and loving fear that we owe to God alone." (CCC 2116)
  • "Our Faith teaches us that... a soul either goes to heaven, hell or purgatory after death, and not into objects of nature... The deceased can no longer be contacted through mediums and other occult practices. God would never allow a soul to be called back from the dead because He Himself forbids it." (Syquia, Jose Francisco C., Exorcism: Encounters with the Paranormal and the Occult, Quezon City: Shepherd's Voice Publications, Inc., 2006. p. 23-24)


Photo by Pavel Danilyuk from Pexels

Kung gayon naman pala, bakit tayo nananalangin sa mga Santo? Kung patay na sila, bakit pa natin sila "tinatawag"? Hindi ba't sa pagkondena ng Simbahan sa masamang gawain ng espiritismo ay parang hinahatulan na rin niya ang kanyang sarili, dahil sa kanyang pagdedebosyon sa mga "patay" na Santo?

Mahalagang linawin natin: Hindi tayo sumasangguni sa kaluluwa ng mga Santo. Ang pananalangin sa mga Santo ay hindi espiritismo. Hindi natin sila tinatawag para hingan ng anumang impormasyon buhat sa kabilang-buhay. Walang espiritistang karismatikong nagpapasanib sa kanila. Wala tayong anumang ginagamit na kasangkapan, kapangyarihan, o rituwal, para makausap sila. Bagkus, ang tanging ginagawa natin ay nananalangin sa Diyos — ang Diyos ang nilalapitan natin, ang Diyos ang hinihingan natin ng tulong, ang Diyos ang kinakausap natin, ang Diyos ang pinagtitiwalaan natin at sinasampalatayanan natin. Kaya nasasangkot ang mga Santo sa ating pakikipag-usap sa Diyos ay dahil naniniwala tayong kasama nila ang Diyos. Ang pananalangin sa mga Santo ay nangangahulugang inaanyayahan mo silang samahan ka sa pananalangin mo sa Diyos. Sa halip na isiping malayo ang Diyos at pinapupunta natin ang mga Santo sa Kanya para ipagdasal tayo, mas tamang isipin na malapit tayo sa Kanya: naroon tayo mismo sa harapan ng Diyos habang sinasamahan tayo ng mga Santo sa harapan Niya.

"Ngunit kayo ay nagsilapit sa bundok ng Sion at sa lungsod ng Diyos na buhay, sa Jerusalem na makalangit, sa libu-libong anghel, sa maringal na pagtitipon, at sa kalipunan ng mga unang isinilang, na nakatala sa langit at sa Diyos na hukom ng lahat at sa mga espiritu ng mga taong matuwid na ganap ang kabanalan, kay Jesus na tagapamagitan ng bagong kasunduan, at sa dugong iniwisik, na lalong mainam magsalita kaysa dugo ni Abel."

HEBREO 12: 22-24

Hindi porke patay na ang mga Santo ay hindi mo na sila maaaring kausapin sa panalangin. Hindi lahat ng pakikipag-usap sa patay ay napapaloob sa kategorya ng espiritismo. Sa Biblia mismo'y makasusumpong ng maraming halimbawa ng katanggap-tanggap na pakikipag-usap sa patay:

  • "Nahahapis ako dahil sa iyo, Jonatang kapatid ko, na aking pinakaliliyag. Pag-ibig mo sa akin ay higit na kahanga-hanga kaysa pag-ibig ng mga babae." (2 Samuel 1: 26) — Iyan ang panaghoy ni Haring David nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Jonatan. Malinaw na hindi masamang kausapin sa gayong pamamaraan ang yumaong ipinagluluksa.
  • "Bumagsak nawa sa iyong ulo ang dugo mo, sapagkat ang bibig mo ang siyang naging saksi laban sa iyo nang sabihin mong, 'Pinatay ko ang pinahiran ng Panginoon.'" (2 Samuel 1: 16) — Iyan ang sinabi ni Haring David sa harap ng bangkay ng binatang Amalekita. Malinaw na hindi masamang kausapin sa gayong pamamaraan ang isang pinarusahan ng kamatayan.
  • "But your dead shall live, their corpses shall rise! Awake and sing, you who lie in the dust! For your dew is a dew of light, and you cause the land of shades to give birth." (Isaiah 26: 19 NABRE) — Kinausap ang mga patay, at pinagpahayagan ng pag-asa sa kanilang muling pagkabuhay. Maiuugnay ito sa salmong binabanggit sa Efeso 5: 14 na nakapatungkol din sa mga patay: "Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon sa mga patay, at liliwanagan ka ni Cristo."
  • "Pupurihin ko ngayon ang mga banal na tao, ang ating mga ninuno sa kani-kanilang panahon; pinagkalooban sila ng Kataas-taasan ng malaking kaluwalhatian at ang kanyang kadakilaan ay mula pa sa simula... Ang kanilang alaala ay mananatili magpasawalang hanggan, at di maglalaho ang kanilang kabantugan. Ang kanilang mga katawan ay inilibing sa kapayapaan, subalit ang kanilang pangalan ay mabubuhay sa sali't saling lahi. Ipinamamansag ng bayan ang kanilang kabanalan, at inuulit-ulit ng kapulungan ang papuri sa kanila." (Sirac 44: 1-2, 13-15) — Tahasan nitong itinuturo ang pagpupuri sa mga yumaong Santo. Maaari mo silang kausapin upang purihin sila. Sa katunayan, sa Sirac 47: 14-20 ay tuwirang kinausap si Haring Solomon, at sa Sirac 48: 4-11 ay tuwirang kinausap si Propeta Elias.
  • "O langit, magalak ka ng dahil sa kanya, O mga banal, mga apostol at mga propeta, sapagkat ipinaghiganti kayo ng Diyos sa kanya." (Pahayag 18: 20) — Ang nagsasalita rito ay ang mga taong nasa pangitain ni San Juan, na nananaghoy matapos nilang masaksihan ang pagbagsak ng Babilonia. Ang kausap nila ay ang mga banal na yumaong nasa langit. Malinaw na ang mga banal na nasa langit ay maaaring kausapin.

Para sa mas detalyadong pagpapaliwanag hinggil sa pamimintuho sa mga Santo, basahin: Sinasamba ba natin ang mga Santo at Santa? Para sa mas detalyadong pagtalakay hinggil sa huling hantungan ng kaluluwa ng mga yumao, basahin: Partikular na Paghuhukom.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Oktubre 20, 2021

Hindi Porke't Katoliko Ako

REVISED: 8:13 AM 2/21/2022

Bago ang lahat, nais kong humingi ng pasensya sa mga mambabasa. Hayaan ninyong maging emosyonal muna ako sa blog post na ito. Hindi ninyo naman kailangang sumang-ayon sa mga sasabihin ko, ni isiping isa itong naaangkop na tugon ng isang Katolikong Cristiano.

Kung may mga taong malimit maging biktima ng pananamantala, pang-aabuso, pang-wawalang-hiya, pang-aalipusta, pang-aabala, malamang tayong mga Cristiano iyon. Bakit? Dahil inaasahan ng mundo na obligado kang maging mabait, mahinahon, at mapagpatawad sa lahat ng oras. Inaasahan nilang hindi ka marunong magalit at magreklamo. Inaasahan nilang maaari kang abusuhin nang paulit-ulit, at ikaw namang si "Tanga" ay buong giliw na magpapa-api at magpapa-ubaya. Inaasahan nilang kahit wala silang aktuwal na pagsisisi at pagbabayad-sala sa Diyos at sa iyo, maaari pa rin silang magpabalik-balik sa buhay mo na parang walang nangyari. Tanga ka kasi eh. Utu-uto ka kasi eh. "Mabait" ka kasi eh.

"Jef kumusta na kayo ni mama mo nawala kc yung old kng cp andon yung number ni mama kaya di ako makakontac sa inyo... c ____ awa ng Dios binatilyo pwd Jef mahingi yung number ni mama salamat God bless at ingat kayo.. ito ang cp number ____ pakibigay ke mama mo. salamat ulit"

Isang araw ay bigla ko na lang natanggap ang mensaheng ito sa Facebook Messenger. Sino ba yan? Siya ang aking tiya, kapatid ng tatay ko. Ang binabanggit niyang "binatilyo" na ay ang anak ng kuya ko nasa malayong probinsya kasama ng tatay ko. Maraming taon ko nang pinutol ang komunikasyon ko sa kanilang lahat dahil naubos na ang pasensya ko sa kanila. At bakit naman? Naturingan pa naman akong isang Cristianong manunulat ng apolohetika, at ganyan pala ang pag-uugali ko? May malalim na sugat po kasing pinagbabatayan yan. Tao pa rin naman akong nasasaktan. At kapag nasaktan ka, hindi ka ba umaaray?

Ang kuya ko ang sumunog ng bahay namin. Binantaan niyang papatayin kami ng nanay ko. At bago pa man naganap ang krimeng ito, sa loob ng mahigit sampung taon na kasama namin siya sa bahay ay nagdulot siya ng malaking pamemerwisyo: laging nagwawala, laging naninira ng gamit, laging sumisigaw at nagmumura, laging naghahanap ng away, laging nagiiskandalo. Mga ilang araw bago niya sinunog ang bahay, pinalayas niya kami sa bahay. Katawa-tawang isipin, hindi ba? Anak ka lang, pero hindi mo papapasukin sa bahay ang nanay at kapatid mo? Wala kang trabaho, wala kang naipundar sa bahay, nasa pangalan ng mga magulang mo ang titulo ng bahay ninyo, at dahil sa kung ano mang personal na ipinagiinarte mo sa buhay ay mamemerwisyo ka nang ganyan? At buong pagmamalaki pa niyang ipinagmamatuwid ang kanyang pag-uugali, at pinalalabas na siya pa ang "biktima", at kami ng nanay ko ang masama. Nangangatuwiran siya na wari ba "karapatan" pa niyang gawin ang lahat ng mga kasamaang ginagawa niya. Walang pagsisisi. Walang pagbabayad-sala.

At ano naman ang masasabi ng tatay ko at ng tiya ko hinggil dito? Walang pagsaway sa mga halatang masamang pag-uugali ng kapatid ko. Sa katunayan, nang masunog ang bahay, mas inasikaso pa nila ang kapatid ko kaysa kami ng nanay ko. Nang maaresto at makulong ang kapatid ko, wala silang inatupag kundi kung paano siya mapapalaya. Nais pa nila akong obligahin at konsensyahing dalawin siya sa kulungan. "Depressed" daw kasi siya. Unawain daw namin siya. Kawawa naman daw siya. Hayaan lang daw namin siyang mura-murahin kami at pagbantaang papatayin, dahil hindi naman daw iyon tototohanin. Hindi maarok ng utak nila na maraming kaso ng mga patayan sa lipunan natin ay pawang mga magkakapamilya, magkakamag-anak, at magkakakilala.

Sa huli, sa pamamagitan ng pangmamaniobra sa bulok na proseso ng hustisya sa Pilipinas (kinumbinsi nila ang nanay ko na gumawa ng statement na nagsasabing aksidente lang ang pagkakasunog ng bahay, at nagbayad sila ng abugado para asikasuhin agad ang pagpapa-dismiss ng kaso), nakalaya ang kapatid ko. Salamat daw sa Diyos. Ngayon, makalipas ng mahigit limang taon, heto't biglang nagpaparamdam ang tiya ko — ang tiya kong nagbubulag-bulagan, kakampi ng kasamaan, ipokrita.

Nagagalit ba ako? Oo, naman. Sino bang matinong tao ang hindi sasama ang loob sa ganyang balintuwad na sitwasyon? Lumipas na ang mahigit limang taon pero hanggang ngayo'y napeperwisyo pa rin kami ng nanay ko sa pagkakasunog ng bahay. Hindi naman kasi madaling bumangon sa ganyang klase ng trahedya. Napakarami pang kailangang ayusin sa bahay. May mga importanteng gamit na nawala, pero hindi ko na mapalitan dahil sapat lang ang kinikita ko para sa pagkain, gamot, at mga buwanang bayarin (kuryente, tubig, atbp.). Pero higit pa sa galit ang nararamdaman kong TAKOT at PAGKABAHALA, na sa sandaling magpatay-malisya ako sa mga nangyari, ay magsisimula nanaman ang panibagong pamemerwisyo. At makatuwiran ang pagkabahalang ito, dahil wala namang pagsisisi at pagbabayad-salang ginagawa ang kapatid ko at ang tatay ko at ang tiya ko. Kumbinsido silang sila pa ang nasa panig ng kabutihan at katarungan. Kumbunsido silang sila pa ang mga mabubuting tao. Kumbinsido silang kakampi nila ang Diyos sa kabila ng mga pinaggagagawa nila. At para sa akin, nakakatakot ang mga ganyang klaseng tao.

Bilang Cristiano, dapat kang magpatawad, pero dapat mo ring mahalin ang sarili mo. Hanggang kailan mo balak ipasampal ang mga pisngi mo nang paulit-ulit? Kahit ang Panginoong Jesus ay umalma sa di makatarungang pagsampal sa kanya (Juan 18: 23). Kahit ang Santo Papa ay bantay-sarado ng mga Swiss Guards. Kahit ang Vatican City ay may mga pader at sariling kapulisan. Ang pagiging mapagpatawad ay hindi kailanman nangahulugan na bubusabusin mo na ang sarili mo sa kamay ng mga masasama!

Magpatawad ka hanggang pitumpu't pitong beses, sabi ng Panginoon (Mateo 18: 22), na alam naman nating ang talagang ibig sabihin ay pagpapatawad na walang limitasyon. Subalit hindi ibig sabihin na ang pagpapatawad ang tanging tugon ng Cristiano sa mga taong nagkakasala sa kanya. May tamang proseso pa rin itong pinagdaraanan: kausapin nang sarilinan, magsama ng isa o dalawang saksi, isumbong sa Simbahan, at kung wala pa ring pagsisisi at naninindigan pa sa ginawang kasalanan sa iyo, ay "ipalagay mo siyang tulad ng Hentil at publikano." (Mateo 18: 15-17). May mga pagkakataon talaga na kailangan mong putulin ang relasyon mo sa mga taong mapanganib. Hindi mo kailangang makisama at magpaubaya sa lahat ng pagkakataon!

"Huwag patuluyin sa bahay at huwag batiin. Ang sino mang bumati sa kanya ay nakikiisa sa masasamang gawain nito."

2 JUAN 1: 10-11

Kaya nga, sino ka mang nagkasala sa kapwa mo, mahiya ka naman. Alalahanin mo ang napakalaking responsibilidad mo na ayusin ang mga sinira mo. Hindi obligado ang mga biktima mo na pagkatiwalaan ka. Hindi katungkulan ng mga winalang-hiya mo na unawain ka, patuluyin ka pa sa buhay nila, tumugon sa mga pangungumusta mo, at kalimutan ang mga nangyari. At huwag ka rin naman sanang makapal ang mukha na baliktarin ang sitwasyon, at palitawing kami pang mga biktima mo ang masama dahil ayaw na naming makisama pa sa iyo. Mahirap ang landas ng pagpapakabanal. Kung ang mabuting tao nga ay nahihirapan, ang mga masasamang tao pa kaya? Hindi basta-basta naitutuwid ang masamang pag-uugali. Hindi kayo pwedeng "bumalik sa dati" — sa dati na pinagtitiisan ka ng biktima mo sa mga krimen mo. Maawa naman kayo sa mga biktima ninyo! Maawa naman kayo sa mga taong ang tanging hangad ay mamuhay nang tahimik. Maawa naman kayo sa mga taong sawang-sawa na, pagod na pagod nang umunawa, magpasensya, magpatawad. Hindi porke't Katoliko ako ay maaari na ninyo akong apak-apakan.

P.S. Iyan nga pala ang dahilan kung bakit nawalan ako ng pananampalataya sa Diyos sa mga sumunod na dalawang taon. Oo, naging ateista ako noon. Mga taong 2017 nang unti-unti akong kumalma, nakapag-isip-isip, hanggang sa kalauna'y nakapag-kumpisal. At kahit nagbalik-loob na ako, masasabi kong tila ba nagkaroon ng isang permanenteng ateista na naninirahan sa puso ko — isang munting tinig na laging nagpapaalala sa akin na ang mundong ito ay napaghaharian ng MASAMA.

"Huwag makisama sa kanino mang kapatid kung siya ay mahalay, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, mapanglait, mapaglasing, o mandarambong; sa ganyang tao ay huwag kahit makisalo . . . Paalisin ang masama sa piling ninyo."

1 CORINTO 5: 11, 13


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Oktubre 18, 2021

Mga Personal na Tanong Tungkol sa Santo Rosaryo

Ano ang Santo Rosaryo para sa iyo?

Para sa akin, isa itong mahalagang debosyon; isang mahalagang bahagi ng pakikipag-ugnayan ko sa Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Birhen. Ang halos kalahating oras na ginugugol para dasalin ito, ang paguulit-ulit ng mga dasal, ang paggalaw ng mga daliri sa kuwintas na rosaryo, ang pagninilay sa mga mahahalagang pangyayari sa Ebanghelyo, ang lahat ng iyan ay napakalaking tulong para patahimikin ang isip sa labis na pagkabalisa, at ituon ang pansin sa mga bagay na mas mahalaga, mas mabuti, mas dakila.

Paano nakakatulong ang paulit-ulit na dasal?

Likas na sa tao ang magpaulit-ulit. Kapag problemado ka, masaya ka, nababalisa ka, nananabik ka, atbp., hindi ba't paulit-ulit mong iniisip ang mga iyon? Madali para sa atin na makagawian ang paulit-ulit na dasal sa Rosaryo dahil hindi ito kakaiba sa atin; napaka-natural nito. Sumasabay ang mga dasal sa paulit-ulit na takbo ng ating isipan. At habang sumasabay, nagsisilbi silang gabay para sa tamang pag-iisip. Napaaalalahanan tayo kung ano ba ang mas dapat na iniisip natin kaysa sa ating mga alalahanin sa buhay. Habang inuulit mo ang Aba Ginoong Maria, naaalala mo na mayroon nga palang isang dakilang babae na nasa langit, at siya ay nanay ng Diyos at nanay mo rin. Ang nanay na ito ay minamahal ka nang higit pa sa pagmamahal ng nanay mo dito sa lupa, at hinihiling mo sa kanyang ipagdasal ka hanggang sa huling araw mo dito sa lupa. Sa pagdarasal ng Rosaryo, isipin mo na parang naglalakbay ka sa panahon kasama ni Maria, habang pinupuntahan ninyo ang iba't ibang mga pangyayari sa buhay niya at ng Panginoong Jesus.

Sa Rosaryo, 53 Aba Ginoong Maria at isang Aba Po Santa Mariang Reyna ang dinarasal, habang anim na Ama Namin at anim na Luwalhati lang ang dinarasal. Hindi ba't mas pinararangalan nito si Maria kaysa sa Diyos?

Kapag gusto mong kumain ng paborito mong pagkain, maghapon ka bang nasa mesa habang kinakain iyon? Hindi, sa katunayan nga, napakahaba na ng kalahating oras para kainin mo iyon. Subalit gaano katagal ang panahong ginugugol mo sa pamamalengke para bumili ng mga kailangang sangkap, sa paghihiwa at pagbabalat ng mga gulay na lulutuin, sa mismong pagluluto mo nito sa ibabaw ng kalan, atbp.? Hindi ba't mas mahabang panahon ang nagugugol kaysa sa sandaling panahong ginugugol mo sa mismong pagkain ng niluto mo? Ibig bang sabihin, mas mahalaga para sa iyo ang pamamalengke at pagluluto kaysa makakain ng paborito mong pagkain? Ganoon din sa pagdarasal ng Santo Rosaryo. Ang Diyos ang gusto mong parangalan. Ang Diyos ang gusto mong tumulong sa iyo. Ang Diyos ang gusto mong isipin. Ang Diyos ang sinasampalatayanan mo at pinagtitiwalaan mo at sinasamba mo. Mas marami kang dasal kay Maria dahil tinutulungan ka niyang manalangin sa Diyos. Siya ang gumagabay sa iyo at sinasamahan ka sa paglalakbay mo patungo kay Jesus. Kung baga sa isang atleta, si Maria ang trainer/coach mo habang nagsasanay ka, habang si Jesus naman ang medalya/tropeyo/premyo mo sa sinalihan mong palakasan/kumpetisyon. Isa pa, nakakalimutan na nating 30 taon ang ginugol ng Panginoong Jesus kasama si Maria, habang tatlong taon lamang sa kanyang pampublikong ministeryo. Hindi ibig sabihin na mas mahalaga ang pananahimik sa Nazaret kasama ni Maria kaysa sa pangangaral ng kaharian ng Diyos, bagkus, ang 30 taon na iyon ay naging mahalagang bahagi ng paghahanda sa kanyang dakilang misyon ng pagliligtas sa sangkatauhan.

Bakit ka laging may dalang rosaryo sa bulsa sa tuwing lumalabas ng bahay?

Nagdadala ako ng rosaryo hindi para magdasal sa jeep o habang nakapila o habang break time sa trabaho o habang may hinihintay na kung ano. Oo, may mga debotong gumagawa ng gayon, pero hindi ako. Yang mga sitwasyong nabanggit ko, importante sa mga iyan ang presence of mind; hindi pwedeng may iba kang iniisip. Kapag nagrosaryo ka sa jeep, baka makalagpas ka sa bababaan mo, o baka madukutan ka, o baka hindi ka makapaghanda sakaling babangga na pala sa kasalubong na sasakyan yung jeep o kung nawalan na pala ito ng preno at dederetsto na sa bangin, atbp. Kapag nagrosaryo ka sa pila, baka makalimutan mong umusad, o baka iba ang mapilahan mo, at muli, baka madukutan ka, atbp. Walang masama na magdasal sa mga sitwasyong iyan, pero kapag may mahalaga kang ginagawa, bigyan mo ng kaukulang atensyon yung ginagawa mo.

May tamang lugar at panahon sa pagrorosaryo. Kung sakaling matagpuan ko ang sarili ko sa tamang lugar at panahon na iyon habang nasa labas ako ng bahay, eh di magrorosaryo ako. Halimbawa, kung may panahon akong sumaglit sa isang simbahan o kapilya, eh di magrorosaryo ako doon.

Ang talagang pumukaw sa akin na magdala lagi ng rosaryo sa bulsa ay nang may mapanood ako sa balita na isang lalaking namatay sa aksidente, at ang tanging nakita sa bulsa niya ay yung rosaryo niya. Siyempre, hindi naman ako nagpaplanong maaksidente at makitaan din ng rosaryo sa bulsa. Gusto ko lang na sakaling mamatay ako, yung pagiging Katoliko ko ang unang mahalagang impormasyong makukuha ng mga imbestigador tungkol sa akin; yung hanggang sa huling sandali ng buhay ko ay may nagawa ako para paalalahanan ang mundo na magdasal din ng Rosaryo, kasi napakagandang debosyon nito, at napakalaki ng naitutulong sa ating pananampalataya.

Pakiramdam mo ba protektado ka kapag may dala kang rosaryo sa bulsa?

Parang oo, kasi nababalisa ako kapag natutuklasan kong nakalimutan kong dalhin yung rosaryo ko, katulad ng pagkabalisa kapag nakakalimutan ko yung wallet ko o yung panyo ko o yung cellphone ko, atbp. Parang pakiramdam ko, hindi ako handang makibaka sa anumang hamon na meron sa labas ng bahay kapag wala akong dalang rosaryo sa bulsa. Pero hindi ko iniisip na nagbibigay ng "mahiwagang proteksyon" yung rosaryo sa akin. Sabi ko nga, diba, tanggap ko na ang posibilidad na mamatay ako kapag lumalabas ako ng bahay. Para sa akin, hindi anting-anting ang rosaryo, kundi isang banal na bagay na nagpapaalala sa akin sa Diyos.

Bakit di ka nalang magdala ng Biblia kaysa rosaryo?


"Hindi magkasalungat ang Biblia at ang Rosaryo; walang dahilan para mamili ako sa dalawa."

Una, dahil hindi magkakasya ang Biblia sa bulsa ko. Pangalawa, dahil hindi ako lumalabas ng bahay para magbasa ng libro. Pangatlo, dahil may mga Bible apps na ako sa cellphone ko, kaya parang may dala na rin akong Biblia kapag lumalabas ako. At pang-apat, hindi naman magkasalungat ang Biblia at ang Rosaryo; walang dahilan para mamili ako sa dalawa. Dahil sa mga natututunan ko sa Biblia, mas lalo kong nagugustuhang magrosaryo, at dahil sa pagrorosaryo, mas lalo kong naaalala yung mga natututunan ko sa Biblia, lalo na yung Ebanghelyo.

Saka kalabisan naman pati yun, yung lalabas ka para mamalengke tapos magdadala ka ng Biblia? Papasok ka sa trabaho, may dala kang Biblia? Katulad ng pagrorosaryo, may tamang oras at lugar sa pagbabasa ng Biblia. Saka, wala ka bang tiwala sa memorya mo? Iniisip mo bang makakalimutan mo lahat ng mga binasa mo kapag lumabas ka ng bahay? Pastor ka ba na kailangang lagi kang handang mangaral? Kung tulad ko, meron kang mga personal na dahilan sa pagdadala ng Biblia, eh di magdala ka ng Biblia. Pero huwag mong hatulan yung pananampalataya ng kapwa mo Cristianong minabuting magdala ng ibang banal na bagay kaysa Biblia. Yung iba nagsusuot ng krusipiho. Yung iba may dalang mga holy cards. Yung iba may scapular at miraculous medal. Yung iba walang dalang kahit ano, pero mas mabuti at mas banal na tao kaysa sa iyo. May kanya-kanya tayong paraan kung paano "baunin" sa labas ng bahay yung relihiyon natin, at walang dapat ituring na "mas mabuti" sa mga iyan, dahil pare-parehong mabuti yan.

Alin ang mas gusto mo: magrosaryo nang sarilinan o nang sama-sama?

Mas gusto kong magrosaryo nang sarilinan dahil kapag sumasali ako sa sama-samang pagrorosaryo, naoobliga akong sabayan sila. Kapag sobrang bagal nilang magrosaryo, eh di wala akong choice kundi magdasal din nang napakabagal. Kapag sobrang bilis naman, eh di pati ako nagmamadali rin. Nakakagambala rin ng isip kapag mali-mali ang mga pagbigkas nila ng dasal: "Aba ginoong Maria, napupuno ka ng grasa", "Hell Mary, pull of grace", "Pray for us sinners now and at the hour of our far death, Amen." Madalas kong marinig ang ganyang mga mali-maling pagdarasal sa isang kalapit na parokya sa lugar namin. Nahahati agad ang isip ko, dahil may bahaging gustong seryosohin ang pagdarasal, habang may bahaging automatic na pinipintasan ang mga maling naririnig ng tenga ko. Parang mas napapagod ako at nababalisa, kaysa mapahinga at mapayapa ang isip ko. Siguro dulot na rin ito ng pagiging introvert ko.

Siyempre depende pa rin naman yan sa sitwasyon. May mga taong mas nakapagdarasal nang maayos at taimtim kapag sama-samang nagdarasal. Saka siyempre, sabi nga ng Panginoon, kapag marami kayong nagkakaisa sa panalangin, nandun siyang kasama ninyo, di ba? May mga sama-samang pagrorosaryo na pwede sa akin, pero karamihan ay hindi ko talaga gusto.

Nagrorosaryo ka ba bago matulog?

Minsan oo, minsan hindi. Hangga't maaari, iniiwasan kong magrosaryo bago matulog dahil kapag oras na ng pagtulog, mas nangingibabaw ang antok kaysa sa pagnanais kong magdasal. Ang mangyayari niyan, mamadaliin ko ang pagrorosaryo para makatulog na agad, o kaya nama'y pilit na dadahan-dahanin ang pagrorosaryo at mamamalayan ko na lang na nakatulog na pala ako. Mas gusto kong magrosaryo tuwing umaga o tuwing hapon.

Anong masasabi mo sa mga di-Katolikong tinutuligsa ang Santo Rosaryo?

Naiintindihan ko naman ang panig nila, kasi makakapagrosaryo ka lang kung Katoliko ka eh; hindi mo yan magagawang dasalin kung may mga agam-agam ka sa mga katuruan ng Simbahan. Siyempre, kung hindi ka Katoliko, natural, "masama" ang tingin mo sa Rosaryo. Kung ayaw mo sa Simbahang Katolika, ayaw mo din siyempre sa mga debosyon niya. Sa tingin ko, pag-aaksaya ng panahon na ipagtanggol ko ang Rosaryo sa kanila at hikayatin silang dasalin ito, kasi ang talagang kailangang lunasan ay yung mismong ugat ng anti-Katolisismo nila. Kailangan muna nilang maintindihan na tama yung Pananampalataya natin, kasi iyan yung pundasyon ng lahat ng mga debosyong ginagawa natin. Nang sumulat ako ng apolohetiko tungkol sa Rosaryo, hindi ako umaasa na, "Ah, kapag may anti-Katolikong nakabasa nito, maliliwanagan siya at magrorosaryo na rin." Hindi ako nag-iisip nang ganon. Ang inaasam ko, "Sana naman hindi na niya isiping masama kaming tao dahil nagrorosaryo kami. Sana naman hindi na niya isiping nilalapastangan namin ang Diyos kapag nagrorosaryo kami. Sana naman hindi na niya isiping ang tanga-tanga namin kaya kami nagrorosaryo." Ganyan kasi mag-isip ang karamihan sa mga anti-Katoliko. Masamang tao ka daw, nilalapastangan mo daw ang Diyos, ang tanga-tanga mo daw. Tumigil ka na sa pagrorosaryo para maging mabait ka na, para maging okay ka na sa Diyos, para hindi ka na tanga. Kadalasan talaga, below the belt ang atake ng mga anti-Katoliko sa atin, at yun yung talagang gusto nating pawiin sa tulong ng apolohetika.

Naniniwala ka ba sa "15 Promises" ng Santo Rosaryo?

Oo, pero hindi sa lebel ng isang dogma o sa encyclical ng Santo Papa o sa talata sa CCC. Nakabatay yung paniniwala ko sa pagtitiwala ko sa Diyos na handang magbigay ng dakilang gantimpala kapalit ng pagsunod mo sa isang simpleng instruction. Kung baga, naniniwala ako sa isang napaka-mapagbigay na Diyos, na kung magrorosaryo ka lang, handa siyang buhusan ka ng kataku-takot na biyaya. Siya yung Diyos na kapag may ginawa kang mabuti, kahit gaano man yan kaliit, tuwang-tuwa na siya at halos kaladkarin ka na papuntang langit. Yan yung Diyos na kilala ko, kaya hindi ako nagugulat sa mga dakilang biyaya na sinasabing matatamo mo kapag nagrosaryo ka. Siyempre, ang pagrorosaryo, hindi mo iyan pwedeng ipampalit sa pagsisimba, sa pangungumpisal, sa pagbabasa ng Biblia, sa pagpapakabanal, atbp. Pero kahit maliit lang na bagay yan, malaki pa rin ang naitutulong niyan sa buhay natin. Parang upos yan ng sigarilyo sa isang tuyong kagubatan. Napakaliit at parang walang kakwenta-kwentang ningas lang yan, pero pwedeng pagsimulan ng isang napakalaking forest fire. Parang COVID-19 lang yan, napakaliit nung virus, pero nakapagdulot ng global pandemic. Ganyan dapat yung pananaw natin sa mga kung anu-anong sinasabing "promises" sa mga ganito-ganyang debosyon. Oo, debosyon lang yan, maliit na bagay lang yan, pero kapag taimtim mong dinasal, unti-unti kang nilalapit sa Diyos, pinatitibay yung pananampalataya mo, at humahantong sa mga patung-patong na biyaya mula sa langit.

Anong masasabi mo sa mga Katolikong ayaw magrosaryo?

Ang masasabi ko, "Bakit ayaw nyo? Anong meron?" Mahirap unawain kung bakit may mga bagay na maganda para sa iyo pero para sa iba hindi. Yun lang siguro ang masasabi ko sa kanila, ang tanungin sila kung bakit. Anong meron sa buhay-espirituwal mo na hindi pwedeng magkaroon ng lugar ang Santo Rosaryo? May kakaiba ba sa pag-iisip mo? Nahihirapan ka bang magnilay? Hindi ka ba sanay sa matagal na pagdarasal? Magkakaproblema lang naman tayo kung kaya ka di nagrorosaryo ay dahil sa impluwensya ng mga anti-Katoliko. Pero bukas ako sa posibilidad na meron talagang mga Katoliko na may naiibang espirituwalidad, may naiibang relasyon sa Diyos at sa Mahal na Birhen, may naiibang pamamaraan ng debosyon at pananalangin. Ang mahalaga diyan ay yung respeto natin sa isa't isa. Wala namang obligasyon na magrosaryo tayo. Kahit ang Mahal na Birhen, sa mga Aparisyon niya, ang pagkaka-alam ko, hindi niya tayo inuutusang magrosaryo, bagkus, nakikiusap siya sa atin, na baka naman, kung pwede lang naman, kung hindi nakaka-abala sa iyo, pwede bang magrosaryo ka? Sino namang Katoliko na may matigas na puso ang hindi mahihimok sa pakikiusap ng nanay natin sa langit, hindi ba? Maliban na lang talaga, kung may mabigat at makatuwirang dahilan kung bakit hindi sila pwedeng magrosaryo. Kapag ganun naman ang sitwasyon, walang problema dun.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF