"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

MGA PANALANGIN





 

Tanda ng Krus

(Mateo 28: 19; 1 Corinto 1: 18; 2 Corinto 13: 13; Colosas 3: 17; Pahayag 14: 1-2. 22: 3-4)

Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
Ang tanda ng Santa Krus ang ipag-adya mo sa amin, Panginoon naming Diyos, sa mga kaaway namin,
sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.


Ama Namin

(Mateo 6: 9-13)

Ama namin sumasalangit ka, sambahin ang ngalan mo, mapasaamin ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para ng sa langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, at patawarin mo kami sa aming mga sala, para ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya mo kami sa lahat ng Masama. Amen.


Aba Ginoong Maria

(Lucas 1: 28, 42, 43, 48)

Aba ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong Anak na si Jesus. Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kami ay mamamatay. Amen.


Luwalhati

(Judas 1: 25; Pahayag 5: 13)

Luwalhati sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo. Kapara ng sa unang-una, ngayon at magpakailanman, magpasawalang-hanggan. Amen.


Jesus, Maria, at Jose


Jesus, Maria, at Jose, inihahandog ko sa inyo ang aking puso at kaluluwa.2
Jesus, Maria, at Jose, saklolohan ninyo ako sa huling oras ng aking paghihingalo.
Jesus, Maria, at Jose, loobin nawa na maging payapa ang kaluluwa ko dahil sa inyong pag-aaruga.


Pananalig

(Roma 10:9-10)

O Diyos ko, ako'y walang pag-aalinlangang naniniwala sa mga banal na katotohanang itinuturo at sinusunod ng iyong Simbahang Katolika sapagkat ikaw ang nagturo at wala kaming pag-aalinlangan kaunti man. Amen.


Pag-asa

(Roma 8: 24-25)

O Diyos ko, umaasa ako sa iyong walang katapusang awa at mga pangako, at inaasahan ko ang kapatawaran sa aking mga kasalanan, ang iyong mga biyaya at ang buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Hesu-Kristong aming Panginoon at Mananakop. Amen.



Pag-ibig

(Marcos 12: 29-31)

O Diyos ko, iniibig kita nang higit sa lahat ng bagay nang buong puso at kaluluwa sapagkat lubos ang iyong kabutihan na dapat ibigin ng lahat. Iniibig ko rin ang aking kapwa katulad ng pag-ibig ko sa sarili dahil sa pag-ibig ko sa iyo. Pinatatawad ko ang lahat na nagkasala sa akin, at humihingi ako ng tawad sa lahat ng aking nagawang kasalanan. Amen.



Pagsisisi

(Awit 51: 1-21)

Panginoon kong Jesu-Cristo, ako'y nagkasala laban sa iyong kabutihang walang hanggan. Ako'y nagsisisi nang buong puso at nagtitika na di na muling magkakasala sa tulong ng iyong mahal na grasya. Amen.


Angelus

(Lucas 1: 26-41; Juan 1: 14)

Binati ng anghel si Ginoong Santa Maria . . . at siya'y naglihi lalang ng Espiritu Santo.
Aba Ginoong Maria . . .
Narito ang alipin ng Panginoon . . . maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo.
Aba Ginoong Maria . . .
At ang Verbo ay nagkatawang-tao . . . at nakipamayan sa atin.
Aba Ginoong Maria . . .
Ipanalangin mo kami, Santang Ina ng Diyos . . . nang kami'y maging dapat makinabang sa mga pangako ni Kristo.
Panginoon naming Diyos kasihan mo nawa ang aming mga kaluluwa ng iyong mahal na Grasya at yayamang dahilan sa pamamalita ng anghel ay nakilala namin ang pagkakatawang-tao ni Jesu-Kristong Anak mo, pakundangan sa mahal na sakit at pagkamatay niya sa krus ay papakinabangin mo kami ng kanyang pagkabuhay na maguli sa kadakilaan sa Langit, Sa pamamagitan ni Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.
Luwalhati . . . (tatlong ulit)


Regina Coeli

(Lucas 1: 47-49)

Reyna ng Langit matuwa ka! Aleluya!

Sapagkat ang sanggol na ikaw ay karapat-dapat na magdala. Aleluya!
Ay nabuhay na mag-uli ayon sa kanyang sinabi. Aleluya!

Ipanalangin mo kami sa Diyos. Aleluya!
Magalak ka at matuwa, O Birheng Maria. Aleluya!

Sapagkat ang Panginoon ay tunay na nabuhay na mag-uli. Aleluya!
O Diyos, na dahil sa pagkabuhay na mag-uli ng iyong Anak na si Jesu-Kristong aming Panginoon, ay minarapat mong bigyan ng kagalakan ang buong daigdig. Ipagkaloob mo sa amin, hinihiling namin sa iyo alang-alang kay Birheng Maria na kanyang Ina ay makamtan namin ang kasiyahan ng buhay na walang hanggan, sa pamamagitan na rin ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Luwalhati . . . (tatlong ulit)


Bago at Pagkatapos Kumain

(Mateo 14: 19; 1 Timoteo 4: 4)

Basbasan mo kami, O Panginoon, gayon din ang mga pagkaing handog na ito na ngayon ay aming tatanggapin sa iyong kagandahang-loob, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Nagpapasalamat kami sa iyo, O Diyos na makapangyarihan, sa lahat ng iyong biyayang aming tinanggap sa iyong kagandahang-loob, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.


Anghel ng Diyos

(Genesis 48: 16; Tobit 5: 17)

Anghel ng Diyos, tagatanod kong mahal, na sa pag-ibig niya ako sa iyo'y ipinaubaya.3 Sa araw na ito (sa gabing ito), sa piling ko'y huwag lumisan. Ako'y tanglawan, ingatan, at alalayan. Amen.


San Miguel Arkanghel

(Pahayag 12: 7-12, 20: 1-3)

San Miguel Arkanghel, ampunin mo kami sa labanan at maging bantay ka nawa namin sa kalupitan at sa mga silo ng demonyo. Sugpuin nawa siya ng Diyos, na ipinagmamakaawa namin sa iyo, at ikaw, Prinsipe ng mga Hukbo sa Langit, sa kapangyarihan ng Diyos, ibulid mo sa kailaliman ng impiyerno, si Satanas at ang lahat ng malulupit na espiritu, na gumagala sa sanlibutan at nagpapahamak sa mga kaluluwa. Amen.


Halina Espiritu Santo

(Awit 104: 30)

Halina Espiritu Santo, punuin mo ang mga puso ng iyong binyagan, at papagningasin sa kanila ang apoy ng iyong mabathalang pag-ibig. Ipadala mo ang iyong Espiritu at sila'y malilikha, at mababago mo ang lupang ibabaw. O Diyos na humubog sa puso ng mga binyagan sa pamamagitan ng karunungan ng Espiritu Santo, ipagkaloob mo, sa tulong din ng Espiritu Santo, na aming malasap ang tamis ng kabutihan at magtamasa magpakailanman ng kanyang mabathalang pag-aaruga, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.


Salve Regina

(Pahayag 12: 1-17)

Aba po Santa Mariang Reyna, Ina ng Awa. Ikaw ang kabuhayan at katamisan; Aba pinananaligan ka namin. Ikaw nga ang tinatawagan namin, pinapanaw na taong anak ni Eba. Ikaw rin ang pinagbubuntuhang hininga namin ng aming pagtangis dini sa lupang bayang kahapis-hapis. Ay Aba pintakasi ka namin, ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain, at saka kung matapos yaring pagpanaw sa amin, ipakita mo sa amin ang iyong Anak na si Hesus. Santa Maria, Ina ng Diyos, maawain, maalam, at matamis na Birhen.


Sub Tuum Praesidium

(Juan 19: 25-27)

Sa iyong pagkalinga kami'y mananahan, O Ina ng Diyos, bunying kabanalan. Aming panalangin huwag mong tanggihan, O tagapagtanggol ng nangangailangan sa lahat ng panganib, ikaw ang kaligtasan O Birheng Maria pinagpalang kariktan. Amen.


Memorare

(Juan 2: 1-11)

Alalahanin mo, O pinagpalang Birheng Maria na di kailanman nangyari sa sino mang dumulog sa iyong pagkalinga, humingi ng iyong tulong, o nanalangin sa pamamagitan mo na hindi pinakinggan. Buo sa ganitong pagtitiwala, tumatakbo akong patungo sa iyo, O Birhen ng mga birhen, aking Ina. Lalapit sa iyo, tatayo sa harapan mo, akong makasalanan at puno ng pighati. O Ina ng Salitang nagkatawang-tao, huwag mong hamakin ang aking pagsamo, ngunit sa iyong awa, dinggin mo at tugunin ako. Amen.


Anima Christi

(1 Pedro 2: 24)

Kaluluwa ni Kristo, pabanalin mo ako. Katawan ni Kristo, iligtas mo ako. Dugo ni Kristo, lasingin mo ako. Tubig buhat sa tagiliran ni Kristo, hugasan mo ako. Pagdurusa ni Kristo, palakasin mo ako. O mabuting Hesus, dinggin mo ako. Sa loob ng iyong mga sugat, itago mo ako. Huwag mong ipahintulot na ako'y mahiwalay sa iyo. Sa masamang kaaway ako'y ipagtanggol mo. At akitin mo ako sa iyo upang kasama ng iyong mga banal ay ipagbunyi kita magpasawalang hanggan. Amen.


Panalangin kay Jesus na Nakapako

(Awit 22: 16-18)

O mabuti at katamis-tamisan kong Jesus, masdan mo akong nagpapatirapa sa iyong harapan at sa buong kaningasan ng loob ay nagsusumamo at humihiling na iukit mo sa aking puso ang mga buhay na damdamin ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ang tunay na pagsisisi sa aking mga kasalanan, at ang napakatibay na pagtitikang magbagong-buhay, samantalang sa buong kaningasan at sakit ng loob, ay kinukuru-kuro ko sa aking sarili at dinidili-dili ang iyong limang sugat, at naaalaala ko ang inawit sa iyo ng Propetang si David, O mabuting Jesus: "Pinaglagusan ang aking mga paa't kamay; nabilang ang lahat kong mga buto."


Panalangin para sa Mabathalang Awa


Pumanaw ka Hesus,
subalit ang Bukal ng Buhay ay bumalong para sa mga kaluluwa
At ang Karagatan ng Awa ay bumugso para sa sanlibutan.

O Bukal ng Buhay,
Walang Hanggang Awa Ng Diyos,
Yakapin mo ang sangkatauhan
At ibuhos mo nang ganap ang iyong sarili
Para sa aming lahat.

O Banal na Dugo at Tubig,
Na dumaloy mula sa puso ni Hesus
Bilang Bukal ng Awa para sa aming lahat,
Ako ay nananalig sa iyo.

Banal na Diyos,
Banal na Puspos ng Kapangyarihan,
Banal na Walang Hanggan,
Maawa po kayo sa amin at sa buong mundo (tatlong ulit)

O Hesus, Hari ng Awa,
Kami ay nananalig sa iyo.


Panalangin kay Jesus na Nakahimlay sa Banal na Libingan ("Lolo Uweng" ng Landayan)


O Jesus, sa pagkakasala ng tao, ikaw ay isinugo ng Diyos Amang puspos ng awa at pagmamahal upang tubusin ang sangkatauhan sa pagkakalugmok sa kasalanan. Sinasamba at pinasasalamatan ka namin. Ngayong kami ay tigib ng hapis dito sa lupa, habang pinagninilayan ang mga sandaling ikaw ay nakahimlay sa iyong banal na libingan, at alang-alang sa paghihirap na iyong tiniis at sa mga biyayang tinamo mo para sa aming kaligtasan, dumudulog kami sa iyo na ipagkaloob mo ang aming pinaka-mimithing grasya sa mga oras na ito (tahimik na banggitin ang personal na intensyon).

Ipagkaloob mo Panginoong Jesu-Cristo, na tulad mo, kami ay patuloy na maging bukas sa kalooban ng Diyos Amang nasa langit; mag-karoon ng kababaang-loob sa oras ng kahinaan at pagkakasala upang, patakbo at puno ng pagsisisi, kami ay buong pusong mag-balik-loob sa iyo; mamuhay nang may di matitinag na pananampalataya at pag-asa; may pagmamahal at paghahangad na maglingkod at mag-alay ng sarili sa aming kapwa, gaya ng ginawa mo sa amin.

Nagsusumamo kami, Panginoong Jesus na nakahimlay sa banal na libingan, na sa pagsapit ng sandali ng katapusan ng aming buhay dito sa lupa, matamo nawa namin, sa langit mong tahanan, ang bunga ng iyong ginawang pagliligtas. Sapagkat ikaw ay Diyos na nabuhay na mag-uli, at ngayon ay naghahari sa iyong kaluwalhatian kasama ng Espiritu Santo at ng lahat ng mga Banal, magpasawalang hanggan. Amen.



Panalangin ukol sa Kapayapaan (ni San Francisco de Asis)

(Mateo 5: 9)

Panginoon, gawin mo akong kasangkapan ng iyong kapayapaan. Papaghasikin mo ako ng kapayapaan saan man may alitan; ng pananampalataya saan man may alinlangan; ng pag-asa saan man walang pag-asa; ng liwanag saan man may kadiliman; ng tuwa saan man may kalungkutan.

O Diyos na Panginoon, ipagkaloob mong higit kong hangarin ang makaaliw kaysa aliwin; ang makaunawa kaysa unawain; ang magmahal kaysa mahalin: sapagkat nasa pagbibigay ang pagtanggap; nasa pagpapatawad ang pagkakamit ng patawad; at nasa pagkamatay ang aming pagsilang sa buhay na walang hanggan. Amen.


Para sa Kapayapaan ng mga Kaluluwa

(2 Macabeo 12: 38-45)

Panginoon, ipagkaloob mo kay (pangalan ng yumao) ang pagkahimlay na walang hanggan at mamulat nawa siya sa kaliwanagang walang katapusan.

Alang-alang sa mga kaluluwang nasa Purgatoryo,

Ama Namin . . . Aba Ginoong Maria . . .

Sumapayapa nawa ang kanilang kaluluwa. Amen.

. . .

Ama na Walang Hanggan, iniaalay ko po sa Inyo ang Kamahal-mahalang Dugo ng Iyong Banal na Anak na si Hesus, kaisa ng mga banal na misa na idinaraos sa buong daigdig ngayong araw na ito, para sa lahat ng mga kaluluwa sa Purgatoryo. Amen.


Paano Dasalin ang Santo Rosaryo

  1. Tanda ng Krus. ("Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.")
  2. Ang Sumasampalataya Ako. (Ang Kredo ng mga Apostol)
  3. Isang Ama Namin.
  4. Tatlong Aba Ginoong Maria. (habang hinihiling ang biyaya ng Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig)
  5. Isang Luwalhati.
  6. Ipahayag ang unang Misteryong pagninilayan. ("Ang unang Misteryo ng ... ay...")
  7. Isang Ama Namin.
  8. Sampung Aba Ginoong Maria.
  9. Isang Luwalhati.
  10. Maaaring sundan ng panalanging itinuro ng Mahal na Birhen sa Fatima:
    "O Hesus ko, patawarin mo kami sa aming mga sala. Iligtas mo kami sa apoy ng Impiyerno. Hanguin mo ang mga kaluluwa sa Purgatoryo, lalung-lalo na yaong walang nakakaalaala."
  11. Pareho sa bilang 7, 8, 9, 10 ang gagawin sa ikalawa, ikatlo, ikaapat, at ikalimang Misteryo.
  12. Ang Aba Po Santa Mariang Reyna. (Salve Regina)
  13. Nakagisnang sundan ng Litanya ng Loreto. (Litanya sa Mahal na Birheng Maria)
  14. Maaaring sundan ng pangwakas na panalangin (lalo na kung dinarasal nang sama-sama):
    "Diyos at Panginoon namin, na ang bugtong na Anak mo ay siyang ipinagkamit namin ng kagalinga't kabuhayang walang hanggan sa pamamagitan ng kanyang pagkakatawang-tao, pagkamatay, at pagkabuhay na maguli; ipagkaloob mo, hinihiling namin sa iyo, na sa pagninilaynilay namin nitong mga misteryo ng Santo Rosaryo ni Santa Mariang Birhen ay hindi lamang matularan namin ang mga magagaling na halimbawang nalalarawan doon, kundi makamtan namin ang mga kagalingang ipinangako sa amin; alang-alang kay Hesu-Kristong Panginoon namin, na kapisan mo at ng Espiritu Santo, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen."
  15. Sa katahimikan ng puso idulog sa Diyos ang mga pansariling kahilingan, pati na ang mga Indulhensyang maaaring matanggap. Ialay din ang mga kapakinabangan ng panalangin para sa kapayapaan ng mga kaluluwa, kapayapaan sa daigdig, at para sa mga intensyon ng Santo Papa.

Ang mga Misteryo ng Santo Rosaryo ay ang mga sumusunod:
  • Ang mga Misteryo ng Tuwa, na pinagninilayan tuwing Lunes at Sabado (nakagisnan: Lunes at Huwebes):
    1. Ang Pagbati ni Anghel Gabriel kay Santa Maria (Lucas 1: 26-38)
    2. Ang Pagdalaw ni Santa Maria kay Santa Isabel (Lucas 1: 39-56)
    3. Ang Kapanganakan ni Jesus (Lucas 2: 1-20)
    4. Ang Paghahain kay Jesus sa Templo (Lucas 2: 22-40)
    5. Ang Pagkakita kay Jesus sa Templo (Lucas 2: 41-52)
  • Ang mga Misteryo ng Liwanag,4 na pinagninilayan tuwing Huwebes:
    1. Ang Pagbautismo kay Jesus sa Ilog Jordan (Mateo 3: 13-17)
    2. Ang Kasalan sa Kana (Juan 2: 1-11)
    3. Ang Pagpapahayag ni Jesus sa Paghahari ng Diyos (Marcos 1: 14-15)
    4. Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus (Mateo 17: 1-8)
    5. Ang Pagtatatag ng Banal na Eukaristiya (1 Corinto 11: 23-26)
  • Ang mga Misteryo ng Hapis, na pinagninilayan tuwing Martes at Biyernes:
    1. Ang Pananalangin ni Jesus sa Halamanan ng Getsemane (Lucas 22: 39-53)
    2. Ang Paghampas kay Jesus na Nagagapos sa Haliging Bato (Lucas 22: 63-65)
    3. Ang Pagpuputong ng Koronang Tinik (Mateo 27: 11-27)
    4. Ang Pagpasan sa Krus (Lucas 23: 26-32)
    5. Ang Pagkapako at Pagkamatay ni Jesus sa Krus (Juan 19: 18-42)
  • Ang mga Misteryo ng Luwalhati, na pinagninilayan tuwing Miyerkules at Linggo (nakagisnan: Miyerkules, Sabado, at Linggo):
    1. Ang Muling Pagkabuhay (1 Corinto 15)
    2. Ang Pag-akyat sa Langit (Gawa 1: 3-12)
    3. Ang Pagpanaog ng Espiritu Santo (Gawa 1: 12 - 2: 27)
    4. Ang Pag-aakyat sa Langit kay Santa Maria (Pahayag 11: 19 - 12: 17)
    5. Ang Pagpuputong ng Korona kay Santa Maria (Pahayag 12: 1)

Ang nakagisnang Litanya sa Mahal na Birheng Maria:

Panginoon, maawa ka sa amin.
Cristo, maawa ka sa amin.
Panginoon, maawa ka sa amin.
Cristo, pakinggan mo kami.
Cristo, pakapakinggan mo kami.
Diyos Ama sa Langit, maawa ka sa amin.
Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan, maawa ka sa amin.
Diyos Espiritu Santo, maawa ka sa amin.
Santisima Trinidad, iisang Diyos, maawa ka sa amin.

Santa Maria, ipanalangin mo kami.
Santang Ina ng Diyos, ipanalangin mo kami.
Santang Birhen ng mga Birhen, ipanalangin mo kami.

Ina ni Cristo, ipanalangin mo kami.
Ina ng Simbahan, ipanalangin mo kami.
Ina ng Awa,5 ipanalangin mo kami.
Ina ng grasya ng Diyos, ipanalangin mo kami.
Ina ng Pag-asa,5 ipanalangin mo kami.
Inang kasakdal-sakdalan, ipanalangin mo kami.
Inang walang malay sa kahalayan, ipanalangin mo kami.
Inang di malapitan ng masama, ipanalangin mo kami.
Inang kalinis-linisan, ipanalangin mo kami.
Inang kaibig-ibig, ipanalangin mo kami.
Inang kataka-taka, ipanalangin mo kami.
Ina ng mabuting kahatulan, ipanalangin mo kami.
Ina ng Tagapaglikha, ipanalangin mo kami.
Ina ng Tagapagligtas, ipanalangin mo kami.

Birheng kapahampahaman, ipanalangin mo kami.
Birheng dapat igalang, ipanalangin mo kami.
Birheng dapat ipagbantog, ipanalangin mo kami.
Birheng makapangyayari, ipanalangin mo kami.
Birheng maawain, ipanalangin mo kami.
Birheng matibay na loob sa magaling, ipanalangin mo kami.

Salamin ng katuwiran, ipanalangin mo kami.
Luklukan ng karunungan, ipanalangin mo kami.
Mula ng tuwa namin, ipanalangin mo kami.
Sisidlan ng kabanalan, ipanalangin mo kami.
Sisidlan ng bunyi at bantog, ipanalangin mo kami.
Sisidlan ng bukod-tanging kataimtiman, ipanalangin mo kami.
Rosang bulaklak na di mapuspos ng bait ng tao ang halaga, ipanalangin mo kami.
Torre ni David, ipanalangin mo kami.
Torreng garing, ipanalangin mo kami.
Bahay na ginto, ipanalangin mo kami.
Kaban ng Tipan, ipanalangin mo kami.
Pinto sa Langit, ipanalangin mo kami.
Talang maliwanag, ipanalangin mo kami.
Mapagpagaling sa mga maysakit, ipanalangin mo kami.
Pagsasakdalan ng mga taong makasalanan, ipanalangin mo kami.
Ginhawa ng mga migrante,5 ipanalangin mo kami.
Mapangaliw sa nangagdadalamhati, ipanalangin mo kami.
Mapag-ampon sa mga Cristiano, ipanalangin mo kami.

Reyna ng mga Anghel, ipanalangin mo kami.
Reyna ng mga Patriarka, ipanalangin mo kami.
Reyna ng mga Propeta, ipanalangin mo kami.
Reyna ng mga Apostol, ipanalangin mo kami.
Reyna ng mga Martir, ipanalangin mo kami.
Reyna ng mga Kumpesor, ipanalangin mo kami.
Reyna ng mga Birhen, ipanalangin mo kami.
Reyna ng lahat ng mga Santo, ipanalangin mo kami.
Reynang ipinaglihing di nagmana ng salang orihinal, ipanalangin mo kami.
Reynang iniakyat sa Langit, ipanalangin mo kami.
Reyna ng kasantu-santuhang Rosaryo, ipanalangin mo kami.
Reyna ng mga mag-anak, ipanalangin mo kami.
Reyna ng Kapayapaan, ipanalangin mo kami.

Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng sanlibutan, patawarin mo po kami, Panginoon.
Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng sandaigdigan, pakapakinggan mo po kami, Panginoon.
Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng santinakpan, maawa ka sa amin.

• • •

Maaari ding gamitin ang mga tinuhog na butil ng Santo Rosaryo sa pagdarasal ng Dasalan para sa Mabathalang Awa
  1. Dasalin ang panalangin para sa Mabathalang Awa.
  2. Sa tatlong butil ng Aba Ginoong Maria, dadasalin ang isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Sumasampalataya Ako.
  3. Sa mga butil ng Ama Namin, dadasalin ito:
    "Ama na Walang Hanggan, iniaalay ko po sa Iyo ang Katawan at Dugo, Kaluluwa at Pagka-Diyos ng Kamahal-mahalan Mong Anak na si HesuKristo, na aming Panginoon at Manunubos,
    para sa ikapagpapatawad ng aming mga sala at sa sala ng buong sansinukob."
  4. Sa mga butil ng Aba Ginoong Maria, dadasalin ito:
    "Alang-alang sa mga Tiniis na Hirap at Kamatayan ni Hesus, kaawaan Mo po kami at ang buong sansinukob."
  5. Dadasalin nang tatlong ulit:
    "Banal na Diyos,
    Banal na Puspos ng Kapangyarihan,
    Banal na Walang Hanggan,
    maawa po Kayo sa amin at sa buong sansinukob."
  6. Dadasalin nang tatlong ulit: "Hesus, Hari ng Awa, ako ay nananalig sa Iyo."


Bago at Pagkatapos Magbasa ng Biblia


Amang Diyos, ipadala Mo po ang Iyong Banal na Espiritu. Tulungan Mo po akong magnilay sa Iyong salita nang may pananampalataya, itanim ito sa aking puso nang may pag-asa, at isabuhay ito nang buong pagmamahal, ayon sa halimbawa ni Cristong Anak Mo, na nabubuhay kasama Mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.

Panginoon, tulungan Mo na ang Iyong Salita ang maging tanglaw sa aking landas. Nawa ang kapangyarihan nito ang magbigay-lakas sa akin upang mamuhay ako bilang Iyong anak at tunay na saksi ng Iyong pag-ibig. Amen.



Ang Daan ng Krus


Panimulang Panalangin
Mahal kong Hesus, naghirap ka nang dahil sa akin. Tulungan mo akong maramdaman ang malaking pagmamahal mo sa akin. Gusto kong mahalin ka tulad ng pagmamahal mo sa akin. Gusto kong tanggapin at pasanin ang aking krus alang-alang sa pag-ibig sa iyo. Dinaramdam kong nasaktan kita nang paulit-ulit. Gusto kong magpakabait nang tunay. Mangyaring tulungan mo ako, O Hesus. Amen.

Panghuling Panalangin
Panginoong Hesus, sa pagninilay-nilay namin sa daan ng krus na dinaanan mo ay napagtanto namin ang mapait na bunga ng aming nagawang kasalanan. Ang mahal mong dugo ang naging kabayaran para mapalaya kami sa pagkaalipin sa kasalanan. Ang buong buhay mo ay kapalit ng iyong pagliligtas sa sangkatauhan. Tulutan mo kaming maisabuhay ang iyong magandang halimbawa, ngunit ito ay magagawa lamang namin sa tulong mo. Wala kaming magagawa sa aming sariling pagkukusa kung hindi mo kami aalalayan. Amen.

Limang Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Luwalhati. — para sa karangalan ng Limang Sugat ni Jesus.
Ama Namin. Aba Ginoong Maria. Luwalhati. — para sa mga intensyon ng Santo Papa.

Ang Labing-apat na Nakagisnang mga Istasyon

Sa bawat istasyon ay luluhod at dinadasal:
"Sinasamba ka namin at pinupuri, O Panginoon. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong krus tinubos mo ang sanlibutan."
Susundan ng maikling pagninilay, at saka dadasalin ang Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Luwalhati.

  1. Si Hesus ay hinatulan ng kamatayan.
  2. Ang Pagpasan ni Hesus ng Krus.
  3. Ang Unang Pagkadapa ni Hesus.
  4. Ang Pagtatagpo ni Hesus at ng Birheng Maria.
  5. Tinulungan ni Simon si Hesus sa Pagpasan ng Krus.
  6. Pinunasan ni Veronica ang Mukha ni Hesus.
  7. Ang Ikalawang Pagkadapa ni Hesus.
  8. Kinausap ni Hesus ang mga Babaeng Taga-Herusalem.
  9. Ang Ikatlong Pagkadapa ni Hesus.
  10. Si Hesus ay Hinubaran ng Kanyang Damit.
  11. Si Hesus ay Ipinako sa Krus.
  12. Namatay si Hesus sa Krus.
  13. Si Hesus ay Ibinaba sa Krus.
  14. Si Hesus ay Dinala sa Kanyang Libingan.



Litanya ng Kababaang-loob


O Hesus na may pusong maamo't mapagkumbaba,
Pakinggan mo ako.
Mula sa nasang ako'y pahalagahan,
Iligtas Mo ako, masintahing Hesus.
Mula sa nasang ako'y ibigin,*.
Mula sa nasang akoy hangaan,*.
Mula sa nasang ako'y parangalan,*.
Mula sa nasang ako'y purihin,
Mula sa nasang ako'y piliin higit sa iba,*.
Mula sa nasang ako'y sangguniin,*.
Mula sa nasang ako'y tanggapin,*.
Mula sa takot na ako'y hiyain,*.
Mula sa takot na ako'y hamakin,*.
Mula sa takot na ako'y kagalitan,*.
Mula sa takot na ako'y siraan,*.
Mula sa takot na ako'y limutin,*.
Mula sa takot na ako'y kutyain,*.
Mula sa takot na ako'y gawan ng di mabuti,*.
Mula sa takot na ako'y paghinalaan,*.
Upang ibigin ang iba higit sa akin,*.
Masintahing Hesus ipagkaloob Mo ang biyayang ito'y maging nasa ko.
Upang mas pahalagahan ang iba higit sa akin,*.
Upang sa paningin ng mundoy mapaitaas ang iba at ako'y maibaba,*.
Upang iba'y piliin at ako'y masaisang-tabi,*.
Upang bigyang-puri ang iba at ako'y di mapansin,*.
Upang mas piliin ang iba higit sa akin sa lahat ng bagay,*.
Upang mas maging banal ang iba higit sa akin kung ako nama'y magpapakabanal na marapat,*.
Hesus, maamo at mababang loob,
Itulot mong ang puso ko'y matulad sa puso mo.
Amen.




Panalangin kay San Judas Tadeo, Patron ng mga Imposibleng Kahilingan


O maluwalhating Apostol, San Judas Tadeo, tunay na kaanak nina Hesus at Maria! Ipanalangin mo akong labis na kaaba-aba; gamitin mo, namamanhik ako sa'yo, ang natatanging karapatang ibinigay sa iyo upang magdulot ng nakikita at mabilis na tulong kung saan mahigpit ang pangangailangan nito.

Saklolohan mo ako upang makatanggap ako ng kaginhawahan ng loob at tulong ng Langit sa lahat ng aking mga pangangailangan, pagsubok, at pagdurusa, lalung-lalo na sa kagipitang dinaranas ko ngayon. Ipagkaloob mong purihin ko ang Diyos, kasama mo at ng lahat ng mga Banal magpakailanman. Amen.

San Judas Tadeo, Patron ng mga nasa gipit na kalagayan, ipanalangin mo kami.

O Panginoon, na sa pamamagitan ng Iyong Apostol na si San Judas ay ipinaabot Mo sa aming kaalaman ang Iyong Pangalan, ipagkaloob Mo na sa pagsunod namin sa mga halimbawa ni San Judas, kami ay mapuno ng kabanalan at maging kasama niya sa pagtamasa ng walang hanggang kaligayahan na kasama Mo. Amen.




Litanya kay San Jose


Panginoon, maawa ka sa amin.
Kristo, maawa ka sa amin.
Panginoon, maawa ka sa amin.
Kristo, pakinggan mo kami.
Kristo, pakapakinggan mo kami.
Diyos Ama sa Langit, maawa ka sa amin.
Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan, maawa ka sa amin.
Diyos Espiritu Santo, maawa ka sa amin.
Santisima Trinidad na tatlong Persona at iisang Diyos, maawa ka sa amin.
Santa Maria, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
Pinagpalang anak ni David, ipanalangin mo kami.
Liwanag ng mga Patriarka, ipanalangin mo kami.
Kabiyak ng puso ng Ina ng Diyos, ipanalangin mo kami.
Malinis na tagapangalaga ng Mahal na Birheng Maria, ipanalangin mo kami.
Tagapag-alaga sa Anak ng Diyos, ipanalangin mo kami.
Tagapagtanggol kay Kristo, ipanalangin mo kami.
Pinuno ng Banal na Mag-anak, ipanalangin mo kami.
O San Jose, lubhang tapat, ipanalangin mo kami.
O San Jose, lubhang malinis ang puso, ipanalangin mo kami.
O San Jose, lubhang tama sa pagkilos, ipanalangin mo kami.
O San Jose, lubhang makapangyarihan, ipanalangin mo kami.
O San Jose, lubhang masunurin, ipanalangin mo kami.
O San Jose, lubhang matapat, ipanalangin mo kami.
Salamin ng Pagtitiyaga, ipanalangin mo kami.
Mapagmahal sa pagdaralita, ipanalangin mo kami.
Huwaran ng mga manggagawa, ipanalangin mo kami.
Ama ng tahanan, ipanalangin mo kami.
Tagapagtanggol ng mga birhen, ipanalangin mo kami.
Lakas ng pamilya, ipanalangin mo kami.
Tagapagpanatag ng nabibigatan, ipanalangin mo kami.
Pag-asa ng maysakit, ipanalangin mo kami.
Pintakasi ng mga namamatay, ipanalangin mo kami.
Sindak ng mga demonyo, ipanalangin mo kami.
Tagapangalaga ng simbahan, ipanalangin mo kami.

Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, patawarin mo kami, O Panginoon.
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, dinggin mo kami, O Panginoon.
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin.

Ginawa siyang panginoon ng kanyang sambahayan, at tagapamuno ng lahat niyang mga ari-arian.

O Diyos, sa iyong di malirip na pagkalinga'y ikinalugod Mong hirangin si San Jose upang maging kabiyak ng iyong kasantu-santuhang Ina; ipagkaloob Mo, isinasamo namin, na kami'y maging marapat na siya'y maging aming tagamapamagitan sa langit, na dito sa lupa'y aming pinararangalan bilang aming Tagapangalaga. Ikaw na Siyang nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.










  1. Ginoo. Sa lumang Tagalog, ang salitang ginúo ang pantawag sa kagalang-galang na babae, habang maginúo naman sa kagalang-galang na lalake o asawa ng ginúo, o sa isang babaeng mayaman o may-ari ng lupa. Kalaunan, mga panahong bago ang Unang Digmaang Pandaigdig (1914-18), naging parehong panlalake at pambabae ang ginúo / ginoó. Sa pagitan ng panahon ng Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939-1945), kinatha ang mga salitang Ginang (Mrs.) at Gining (Miss), hanggang sa naging tanging panlalake ang ginoo/maginoo, at naging tanging pambabae ang ginang. Sa kasalukuya'y wala na halos gumagamit ng salitang "gining", bagkus ay "binibini" na ang kinasanayang pormal na pantawag sa dalaga.
    [source: Ancient Beliefs and Customs of the Tagalogs by Jean-Paul G. POTET, pages 294, 295, 296. sa pahina 309, sinasabi ring ang salitang "hari" ay parehong panlalake at pambabae ("epicene"); ayon sa pahina 492, ang "reyna" ay salitang-hiram sa Espanyol. Sinasabi rin sa pahina 465 na ang katumbas ng salitang "panginuon" ay "ginuo". Malinaw nga na kung ginagamit man sa Mahal na Birhen pati ang mga salitang "hari" at "panginoon" sa mga lumang aklat-dasalan, walang anumang masama o kakatwang ipinapakahulugan.]

    Kaya naman, nagpapakita ng lubhang kamangmangan silang mga anti-Katolikong bumabatikos sa Tagalog na Aba Ginoong Maria, na anila'y ginagawa daw nating lalake ang Mahal na Birhen, o di kaya'y sabay na pinupuri at nililibak. Nagpapakita naman ng kawalang pagpapahalaga sa kulturang Pilipino silang mga Pilipinong Katolikong nagmumungkahing palitan ang "ginoo" ng ibang mga makabagong salitang anila'y mas katanggap-tanggap. [BUMALIK]
     
  2. Inihahandog ko. Hindi ito nangangahulugan na kasama ni Jesus ay sinasamba rin sina Maria at Jose. Sa Panalangin ng Pag-aalay ng Sarili sa nobena kay Maria, Ina ng Laging Saklolo, maliwanag ang intensyon ng ginagawang pag-aalay:
    "Iniaalay namin sa iyo ang aming puso't kaluluwa upang lagi naming sundin ang kalooban ng aming Amang nasa langit. Iniaalay namin sa iyo ang aming buhay upang lalo naming mahalin ang Diyos at mabuhay kami hindi para sa sarili kundi para kay Kristong iyong Anak, at upang siya'y aming makita at paglingkuran sa aming kapwa."
    Nangangahulugan lamang na lubusan kang nagtitiwala at nagpapaubaya sa mabisang pakiki-pamagitan nina Maria at Jose, bilang mga banal na taong pinaka-malapit kay Jesus. Hindi natin sila ipinapantay kay Jesus. [BUMALIK]
     
  3. "Sikapin ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito, sapagkat sinasabi ko sa inyo na ang kanilang mga anghel sa langit ay laging nakaharap sa aking Amang nasa langit." (Mateo 18: 10) [BUMALIK]
     
  4. Idinagdag sa nakagisnang pagrorosaryo, alinsunod sa mungkahi ni Pope St. John Paul II, sa kanyang Apostolic Letter na Rosarium Virginis Mariae noong ika-16 ng Oktubre, 2002. [BUMALIK]
     
  5. Ang mga titulong "Ina ng Awa", "Ina ng Pag-asa", at "Ginhawa ng mga migrante" ay idinagdag alinsunod sa kagustuhan ni Pope Francis. [BUMALIK]