FEATURED POST
Babae, Anong Pakialam Ko Sa Iyo?
- Kunin ang link
- X
- Iba Pang App
Gerard David creator QS:P170,Q333380 , Gerard David - The Marriage at Cana, Edited using PhotoImpact 12 by McJeff F., CC0 1.0
"At nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea; at naroon ang ina ni Jesus: At inanyayahan din naman si Jesus, at ang kaniyang mga alagad, sa kasalan. At nang magkulang ng alak, ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Wala silang alak. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, anong pakialam ko sa iyo? ang aking oras ay hindi pa dumarating. Sinabi ng kaniyang ina sa mga alila, Gawin ninyo ang anomang sa inyo'y kaniyang sabihin."
Juan 2: 1-5 (Ang Biblia, 1982)
Ayon sa mga anti-Katoliko, dito raw ay tahasang itinatwa ng Panginoong Jesu-Cristo ang pagka-ina ni Maria, sinaway ito sa paglapit sa Kanya, at saka itinanghal bilang pangkaraniwang babae na walang anumang tanging karapatan at karangalan. Sa gayon, malinaw daw nitong pinabubulaanan ang marubdob na pagdedebosyon kay Maria na ginagawa ng Simbahang Katolika at ng iba pang mga simbahan. Subalit batay lamang ito sa isang mababaw at literal na pagbibigay-kahulugan sa teksto. Bilang mga Katolikong Cristiano na nagsasaalang-alang sa kabuuang aral ng Biblia, wala tayong nakikitang makatuwirang dahilan upang tanggapin ang naturang interpretasyon. Bakit? Makapagbibigay ako ng apat na kadahilanan: ➊ Iginalang ni Jesus si Maria bilang pagtalima sa utos na "Igalang mo ang iyong ama at ina" (Exodo 20:12), ➋ si Maria ay karapat-dapat na "Ina ng Panginoon" (Lucas 1:43), ➌ lumapit siya kay Jesus nang may matibay na pananampalataya, at ➍ isang lehitimong suliranin ang ipinamagitan niya. Makatuwiran ba na itatwa, sawayin, o hamakin ang sarili mong ina kung lumalapit siya sa iyo nang may buong pagtitiwala hinggil sa isang lehitimong suliraning ikaw lamang ang makalulutas?
- Malibang sila'y may ginagawa o ipinag-uutos na karumal-dumal na krimen o kasalanan o kawalang-katuturan (Deuteronomio 33:9; 1 Hari 2:19-24), ang pormal na pagtatatwa at/o mabagsik na pagsaway sa sariling magulang sa harap ng maraming tao ay tahasang paglabag sa Utos na "Igalang mo ang iyong ama at ina" (Exodo 20:12, 21:17; Levitico 19:3; Mateo 15:4; Efeso 6:2). Sa katunayan, kahit sa mga pagkakataong kailangan silang pagsabihan, dapat itong gawin nang mahinahon (1 Timoteo 5:1-2). Tungkulin ng mga anakbata man o may-edad nana itaguyod ang mga natatanging karapatan at karangalan ng kanilang mga magulang (Kawikaan 19:26, 20:20, 30:11, 17; Sirac 3:1-16, 7:27-28, 23:14). Hindi kailanman sinuway ng Panginoong Jesu-Cristo ang kautusang ito, bagkus ay mariin pa nga Niyang itinaguyod (Mateo 19:19; Marcos 7:9-13) at isinabuhay (Lucas 2:51).
Mayroon namang mga mangangatuwiran, "Hindi ba't ang Panginoong Jesus naman mismo ang nagturo na 'kapootan' ang sariling pamilya (Lucas 14:26)?" [1] Oo, subalit ang "pagkapoot" na tinutukoy ay isa lamang pagmamalabis (hyperbole). Ang tunay na kahulugan nito'y huwag mong mamahalin ang iyong mga magulang nang higit sa Diyos (Mateo 10:36-37). Hindi sinabi ng Panginoong Jesus na itatwa't hamakin mo ang iyong sariling mga magulang upang maging karapat-dapat kang alagad Niya. Hinangad ba ni Maria na siya'y parangalan nang higit sa Diyos? Hindi (Lucas 1:46-48). Hiniling ba ni Maria kay Jesus na suwayin ang kalooban ng Ama? Hindi (Juan 2:5). Sa katunayan, silang mag-ina pa nga ang naging katuparan ng sinasabi sa Salmo: "O Panginoon, ako'y iyong lingkod; ako'y iyong lingkod, ang anak na lalaki ng iyong alilang babae" (Salmo 115:16; Lucas 1:38, 48). Hindi kailanman sinabi ng Panginoong Jesus na wala Siyang nanay, bagkus sinabi pa Niya: Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang siya kong ina at mga kapatid." (Mateo 12:50)
- Na si Maria ay karapat-dapat sa mga karangalan at karapatan ng pagiging Ina ng Panginoon ay tahasang ipinahayag ni Sta. Isabel, udyok ng Espiritu Santo:
"Pinagpala ka sa mga babae at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan. At bakit ipinagkaloob sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay magsadya sa akin? Sapagkat pagkarinig ko sa tinig ng iyong pagbati ay lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. O mapalad ang sumampalataya na mangyayari ang mga bagay na ipinasabi sa kanya ng Panginoon." Lucas 1:42-45
Nasulat ang Ebanghelyo ni San Lucas noong 63-70 CE, habang ang Ebanghelyo ni San Juan noong mga 100 CE. Ibig sabihin, batid na ng lahat na ang "ina ni Jesus" na binabanggit sa salaysay ng kasalan sa Cana ay isang tunay na pinagpalang babae (Lucas 1:48), kaya't hindi maaaring naunawaan nila sa mapanghamak na paraan ang mga salita ng Panginoong Jesus"Babae, anong pakialam ko sa iyo?" Sa katunayan, ang salitang ginamit dito na karaniwang isinasaling "Babae" sa ating mga Biblia (Griyego: γύναι), noong mga panahong iyon ay katumbas lamang ng mga salitang "Ginang," "Ale," o "Binibini." Hindi ito mapanghamak o mabagsik na katawagan, kundi isang mapitagang pagbati (Juan 4:21: 8:10; 20:13, 15). Oo, hindi karaniwan na tawagin ng anak ang kanyang ina nang gayon (1 Hari 2:20; Jeremias 15:10; Job 17:14; Isaias 8:4), subalit nangangahulugan lamang ito na si Maria'y may karangalang pambabae na lumalampas sa karangalan ng isang makalupang ina:
- babae ng protoevangelium (Genesis 3:15)
- birheng ina ng Emmanuel (Isaias 7:14; Mateo 1:22-23)
- babaeng-puspos-ng-grasya (κεχαριτωμένη [2] - Lucas 1:28)
- bukod na pinagpala sa babaeng lahat (Lucas 1:42, 48)
- ina ng minamahal na alagad (Juan 19:26-27)
- dakilang babae ng Apocalipsis (Pahayag 12:1)
- Tatanggiha't hahamakin ba ng Panginoong Jesus ang sinumang taong buong pagtitiwalang lalapit sa Kanya upang humingi ng tulong? Hindi, bagkus sila'y Kanyang pupurihin, malumanay na kakausapin, at tutulungan sa problemang idinudulog (Mateo 8:10, 13; 9:22; 15:28). Sa kaso ni Maria, siya'y nagmalasakit lamang sa mga bagong kasal na lubhang ikapapahiya ang pagkaubos ng alak sa kasalan. Ni hindi nga siya nagmungkahi ng solusyon, bagkus inisip niyang sapat nang maipabatid kay Jesus ang nangyari, taglay ang pagtitiwalang alam na Nito ang nararapat gawin. At nang siya'y mistulang tinanggihan ("Anong pakialam ko sa iyo?"), hindi siya pinanghinaan ng loob, bagkus kumilos na wari'y napagbigyan na ang kanyang kahilingan. [3] Pinatutunayan ng ➊ mga salita ni Maria sa mga lingkod ng kasalan ("Gawin ninyo ang ano mang sabihin niya sa inyo") [4] at ng mismong ➋ paghihimala ng Panginoong Jesus nang gawin Niyang alak ang tubig, na si Maria'y namagitan kay Jesus nang may matibay na pananampalataya.
- Hindi naman kasalanang ipagdiwang ang kasal (Mateo 22:2; Pahayag 19:7), kaya nga't dumalo sa kasalan ang Panginoong Jesus at ang Kanyang mga alagad. At hindi rin naman kasalanang uminom ng alak sa mga pagdiriwang (Nehemias 8:10-12; Jeremias 31:12), kaya nga't ang Panginoong Jesus kalauna'y ginawang alak ang tubig (Juan 2:6-10). Malinaw, kung gayon, na isang lehitimong problema ang ipinamagitan ni Maria kay Jesus.
Bilang Diyos, batid ng Panginoong Jesus ang lahat ng bagay. Mula pa sa simula, alam na Niya na mauubusan ng alak sa kasalan sa Cana, at alam na rin Niya na Siya lamang ang may kapangyarihang lutasin ang suliraning iyon. Gayundin, batid na rin Niya na sa lahat ng dadalo sa kasalan, iisa lamang ang taoisang babaena agad makapapansin ng problema at lubos na makauunawa ng tanging tunay na solusyon. Sa simula pa lamang, alam na ng Panginoong Jesus na lalapitan Siya ni Maria upang mamagitan. Ang mga naganap sa kasalan sa Cana, kung gayon, ay sadyang ipinahintulot ng Panginoong Jesus upang, kasabay ng pagbunyag ng Kanyang kaluwalhatian, ay maipahayag din naman ang natatanging karangalan ng Kanyang ina. Sa gayon, ang Kanyang mga alagad ay hindi lamang sumampalataya sa Kanya, kundi natuto rin naman mula sa huwaran ng pananampalataya ni Maria. Oo, hindi pa "oras" ni Jesus noon upang gampanan ni Maria ang papel bilang tagapamagitang-ina ng Simbahan, kaya't siya'y mahinanong pinaalalahanan ("Babae, ano ito sa akin at sa iyo? Hindi pa dumarating ang aking oras." Abriol). Subalit nang sumapit na ang "oras," saka pormal na iginawad kay Maria ang tungkulin bilang ina ng minamahal na alagad (Juan 19:26-27)ang ina ng mga "tumutupad ng mga utos ng Diyos at nagtataglay ng patotoo kay Jesus" (Pahayag 12:17).
"The title 'woman' in the Cana narrative makes of Mary a figure of the people of God: first, of the old Israel yearning for salvation through Christ, yet completely dependent on the action of God through him; and second, of the new Israel to come into existence through his Passion and Resurrection. However, in Christ's ministry, the kingdom is being inaugurated. Its full benefits can not yet be imparted but a 'sign' of them can be given. "From this standpoint Mary is the mother–Israel foretold in Isaiah 60:4-5 and 66:7-11. Through her participation in the miracle at Cana she is beginning to experience the joy of gathering the new people of God into the kingdom that Christ will finally establish." CATHOLIC BISHOPS' CONFERENCE OF THE PHILIPPINES |
- "If any one comes to me without hating his father and mother, wife and children, brothers and sisters, and even his own life, he cannot be my disciple." (NABRE) [BUMALIK]
- Ang salitang Griyegong kecharitōmenē, ayon sa mga dalubhasa, ay isang perpektong pasibong pandiwari sa panaguring pambabae na isahan ang anyo. (perfect passive participle in the nominative feminine singular form). [BUMALIK]
- "Kaya sinasabi ko sa inyo: Ang lahat ng inyong hingin sa panalangin, sumampalataya kayo na inyong natanggap na, at makakamit nga ninyo." (Marcos 11:24) [BUMALIK]
- Katulad ito ng mga pananalita ng Faraon sa lahat ng Ehipsio, tanda ng kanyang buong pagtitiwala kay Jose: "Humayo kayo kay Jose at gawin ninyo ang sabihin niya sa inyo" (Genesis 41:55). [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF
- Kunin ang link
- X
- Iba Pang App