"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

PAGPAPAKILALA



Munting Kasaysayan


Noong taong 2006 gumawa ako ng isang apolohetikong website na pang-Katoliko na pinamagatan kong "Sa Ibabaw ng Bato: Apolohetiko para sa mga Pilipinong Katoliko." Matatagpuan ito noon sa url na www.geocities.com/saibabawngbato. Subalit noong taong 2009, nagsara ang Geocities, kaya't inilipat ko ang nilalaman ng aking website sa 20m.com, sa url na saibabawngbato.20m.com. Dumaan ang maraming taon hanggang sa taong 2020, subalit dahil sa kawalang-katiyakan at mga limitasyon ng 20m.com, minabuti kong ilipat ito sa isang mas siguradong lugar, kaya't naririto na ngayon sa https://www.blogger.com, sa url na apolohetiko.blogspot.com. Ang buong proseso ng paglilipat ay natapos nang ika-20 ng Mayo 2020.

Ang Tanging Layunin


Saan man muling mapadpad ang proyektong ito, walang pagbabago sa aking layunin: Ang magbahagi ng aking mga natututunan hinggil sa Pananampalatayang Katolika, upang makatulong sa apolohetika (alalaong-baga'y sa pagtatanggol ng mga aral at paggawi ng Simbahan) at sa buhay-espirituwal ng mga kapwa ko Pilipinong Katoliko. Ito'y isa ring paraan upang matupad ang tungkuling nakaatang sa bawat Katoliko na ipahayag ang kanyang pananampalataya sa mundo. Hindi ito isang walang katuturang pagpapapansin, o isang negosyong nagkukubli sa anyo ng isang banal-banalang proyekto, ni isang "bulag na katapatan" sa Simbahan. Bagkus, ito'y isang proyektong udyok ng konsensya at pagmamalasakit.
"Lay people have the duty and the right to acquire the knowledge of Christian teaching which is appropriate to each one's capacity and condition, so that they may be able to live according to this teaching, to proclaim it and if necessary to defend it, and may be capable of playing their part in the exercise of the apostolate."

CCL canon 229 § 1

Ang Pamagat


Sa mga nagtatanong kung bakit "Sa Ibabaw ng Bato" ang pamagat, ito'y aking ibinatay sa mga sumusunod na taludtod sa Biblia: ang Mateo 7: 24-25 at Mateo 16: 18-19
"Kaya't ang lahat ng nakikinig ng mga salita kong ito at tumutupad nito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Bumagsak ang ulan, bumaha ang mga ilog at lumakas ang hangin at sinagupa ang bahay na yaon, ngunit hindi bumagsak, palibhasa ay nakatayo sa ibabaw ng bato."

"Ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at di mananaig sa kanya ang mga pintuan ng impiyerno. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ano man ang talian mo sa lupa ay tatalian din sa langit, at ano man ang kalagan mo sa lupa ay kakalagan din sa langit."

Sa mga siping ito, sinasagisag ng "bato" ang isang tiyak at matibay na pamantayan, hindi lamang ng ating mga paniniwala kundi ng kabuuan ng ating buhay-pananampalataya bilang mga Katolikong Cristiano. Ang Panginoong Jesus lamang ang ating batayan, at si San Pedro ang "bato" ng kanyang Simbahan, at ang Simbahang iyon ay ang Simbahang Katolika — isang simpleng katotohanan, subalit lubhang mahalaga, at makapagliligtas sa atin mula sa lahat ng mga suliraning maaaring dumating sa ating buhay dito sa lupa, at gagabay din naman sa atin patungo sa buhay na walang hanggan sa Langit. Ang ating pagiging Katoliko ay isang napakalaking biyaya na nagbibigay ng kahulugan sa ating buhay, kaya't mahalagang ito'y ating mahalin at ipagsanggalang.

Sana'y makatulong ang munting kawanggawang ito sa lahat ng mga Pilipinong Katoliko upang matugunan, kahit papaano, ang kanilang maraming mga tanong at agam-agam sa kanilang Pananampalataya. Sana'y makatulong ito sa mga anti-Katoliko upang mapagtanto nilang ang Katolikong relihiyon ay totoong makatuwiran, makatotohanan, at marapat suriin. At sana'y makatulong din ito sa mga ateistang naghahanap ng "matinong dahilan" para maniwalang may Diyos nga. Hindi ko ipangangahas na sagutin ang lahat ng mga usapin hinggil sa mga katuruan ng Simbahan, subalit handa akong magbahagi ng anumang nalalaman ko. Nawa'y ang aking munting tinig, bilang isang karaniwang Katolikong layko, ay makadagdag sa tinig ng katotohanang lubhang kinakailangang marinig ng mga Pilipino.


Hinggil sa Larawang Ginamit sa Pamagat

Kinuha ang mga larawan buhat sa Pixabay:

Ang mga ito'y aking inedit at pinagsama sa iisang larawan gamit ang ULEAD PhotoImpact 7.0.


Mga Bibliang Malimit Gamitin

Malibang may ibang binabanggit, ang karaniwang ginagamit sa blog na ito ay ang "Ang Banal na Biblia" ni Msgr. Jose C. Abriol, D.P. Sa mga lumang sanaysay (na mula sa orihinal na site sa Geocities), ang karaniwang ginamit ay ang Magandang Balita Biblia, may Deuterocanonico, 1980 edition (MBB).


Mga Daglat na Malimit Gamitin



Para sa mga Nais Makipag-ugnayan

Maaari ninyong gamitin ang CONTACT FORM para sa inyong mga katanungan o mungkahi (nasa baba, kung bubuksan ang blog sa web view.). Hindi ko po aktibo at palagiang binabantayan ang blog na ito, kaya't ipagpaumanhin po ninyo kung matagal akong tumugon.


- MCJEFF




PRIVACY POLICY