Kamakailan, pinag-iisipan kong maghanap ng alternatibong trabaho bukod sa kasalukuyan kong hanapbuhay bilang isang transcriptionist, at naitanong ko sa sarili, "Ano kayang impormasyon ang masusumpungan ng mga recruiter kapag ginawan nila ako ng background check?" Kaya't hinanap ko sa Google ang pangalan ko, "McJeff Frondozo," at laking gulat ko na ito ang impormasyong kinatha ng kanilang AI Mode:
May mga pinagsasabi itong ibig kong bigyang-linaw dahil maaaring magdulot ng maling pagkakakilala sa akin:
- "McJeff O. Frondozo is a Catholic apologist from the Philippines who is known for his online writing and his website, 'Sa Ibabaw ng Bato'" Hindi ko kailanman ipinakilala ang sarili ko na isang Katolikong apolohista. Oo, Katolikong Cristiano ako, at oo, nagsusulat ako ng apolohetika at ibinabahagi ito sa aking blog. Subalit buo ang aking paninindigan na ang pagiging apolohista ay isang pormal na paglilingkod sa Simbahan na nangangailangan ng pormal na pagsasanay at pagtatalaga. At dahil hindi naman ako pormal na inatasan ng aming parokya o ng aming diyosesis o ng sinumang nakatataas na pinuno ng Simbahan, wala rin naman akong karapatan na tagurian ang aking sarili na isang "tagapagtanggol ng Pananampalataya." Para sa akin, ang ginagawa ko'y pawang pagtupad lamang, sa aking sariling pamamaraan at sa abot ng aking makakaya, ng mga pananagutang espirituwal na naka-atang sa bawat Cristiano. Ako'y isa lamang karaniwang Katolikong layko na patuloy lamang din sa pag-aaral ng mga katuruan ng Simbahan, at nagsisikap na ipaliwanag ito sa lipunang hindi ito maunawaan nang tama.
- "His work is published in both Tagalog and English" May mga pagkakataon na gumagamit ako ng mga salitang banyaga at sumisipi ng mga paliwanag sa wikang Ingles, pero sa kalahatan, tanging sa wikang Filipino lamang ako nagsusulat ng apolohetika.
- "Besides his website, he... is active on Catholic forums and social media, where he participates in religious discussions" Noon iyon, pero nitong mga nagdaang dalawa o tatlong taon, unti-unti ko nang iniiwasan ang gayong pakikipag-talastasan. Napagtanto kong wala itong naitutulong sa aking buhay-espirituwal at maging sa mismong ikaliligtas ng mga anti-Katolikong nakakausap ko sa social media, at bagkus ay isa lamang pag-aaksaya ng oras na dapat inilalaan sa panalangin, pagninilay, at paggawa ng mabuti.
- "Frondozo has mentioned being influenced by Catholic media, including the audio library from the Eternal Word Television Network (EWTN), and particularly by the late Mother Angelica" Batay ito sa isang Facebook comment na ginawa ko noong 2023, na napabilang naman sa mga sinipi ng National Catholic Register sa kanilang blog post. Sabi ko roon, "I would say I'm heavily influenced by the teachings I learned from EWTN's audio library. I've been regularly listening to recordings of old programs (especially Mother Angelica Live), I think, for almost 10 years now." Lagi kasing laman ng cellphone ko ang mga MP3 recordings ng mga lumang programa sa EWTN, at sila ang pinakikinggan ko bago matulog, pagkagising sa umaga, sa gitna ng mga gawaing-bahay, at kahit habang naghihintay sa mabigat na trapiko sa biyahe. Doon ako natuto na magkaroon ng "Cristianong pananaw" sa lahat ng mga desisyon at pangyayari sa buhay ko.
- "His writing and affiliations indicate he is based in the Philippines. The San Lorenzo Ruiz Parish in San Pedro City, Laguna, is featured on his site" Taga-San Pedro, Laguna ako, at oo, kabilang ako sa naturang parokya. Gayon man, dahil nakatira kami sa pinaka-dulong sakop ng parokya, karaniwan akong nagsisimba sa ibang mga parokya gaya ng Our Lady of Fatima Parish at San Pedro Apostol Parish. Ang tinutukoy marahil ng Google rito ay ang post kong "Ang Tunay na Simbahang Itinatag ni Cristo," kung saan ginamit kong pambungad na imahe ang isang lumang larawan ng aming parokya.