Mga Anti-Katoliko sa Facebook
Image by William Iven from Pixabay
Kapag ba nakipagtalo ka sa mga anti-Katoliko sa social media, mapagbabago mo ba ang isip nila? Mayroon na bang mga nagsisi't sumampalataya nang dahil sa mga Katolikong buong sigasig na tumutugon sa pang-aalipusta ng mga damuhong ito? At mayroon na bang mga Katolikong talagang natutulunganalalaong-baga'y napapaging-banalsa tuwing nakababasa sila ng mga naturang pakikipagtalo?
Sa aking palagay, bagama't tungkulin nating ipahayag at ipaglaban ang ating pananampalataya (sapagkat kabilang ito sa mga kawanggawang pangkaluluwa), hindi ito dapat lubhang pinag-aaksayahan ng panahong gawin sa social media. Oo, seryosohin mo ito sa paraang dapat laging totoo at mapagmahal ang iyong mga pananalita, pero huwag namang paabutin sa puntong nakukunsumi ka na't nasisira ang araw nang dahil sa sa tila ba'y walang katapusang pagpapaliwanag sa mga taong walang katulad na pagmamalasakit sa katotohanan at sa ikaliligtas ng kapwa nila.
May mga taong di karapat-dapat kausapin, hindi dahil sa likas na katangahan, kundi dahil sa kusang-loob na pagpapaka-tanga:
"Ang pagtuturo sa isang mangmang ay katulad ng pagbubuo ng isang basag na palayok, o dili kaya ay katulad ng paggising sa isang natutulog nang mahimbing. Ang nagsasalita sa isang hangal ay waring nagsasalita sa isang bagong gising, sapagkat pagkaraan ng lahat ay magtatanong: Ano ba iyon?" (Sirac 22:7-8)
Anong saysay na makipag-usap sa mga taong di ka pinakikinggan? Anong bunga ang inaasahan mong aanihin sa ekumenismong di naman sinusuklian, bagkus ay sinasamantala pa't minamasama? Maraming mga di-Katolikong matapat na naghahangad ng mapayapang ugnayan, at sila ang mas nararapat kausapi't pagpaliwanagan. Pero yung mga nagtatanga-tangahang anti-Katoliko sa social media, yung mga ugaling Pariseo na kunyaring nagtatanong pero ang layon ay hulihin ka sa pananalita (Mateo 22:15; sealioning), iyan ay mga taong buhay pa pero sinusunog na sa impyernomga taong bukambibig ang relihiyon pero mistulang may mga sanib dahil ginagawa ang mga sariling tagapagsalita ni Satanas.
Isa pa, marami sa mga anti-Katoliko sa social media ay wala naman talagang anumang layuning relihiyoso. Wala silang pakealam sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo. Wala silang layon na akayin kang miyembro ng anumang simbahan o asosasyon. Wala silang anumang malasakit sa katotohanan o sa ikabubuti ng lipunan. Bagkus, ang kanilang nakayayamot na anti-Katolisismo ay pawang kasangkapan lamangisang paninilo o rage-baitingupang pansinin mo sila, sagutin ang mga komento nila, at bisitahin ang mga social media pages nila upang makahakot ng social media engagement at magka-pera sa pamamagitan nito. Lalo na sa Facebook, ang simpleng pag-react, pag-share, pag-komento, at pagtugon ay aktuwal na kita ang katumbas sa mga naturang oportunistang negosyanteng anak ng diyablo. Kaya't wala ka na ngang napalang mabuti, hinayaan mo pa ang sarili mong pagkaperahan.
"Today, the dark side of social media has become a very powerful tool for destroying people. It has become a quick arena for cyber bullying, black ops, propaganda, and the derailment of objectivity and truth. It is heavily populated by bots, trolls, manufacturers of lies and rumors, news fakers and bullies."
CATHOLIC BISHOPS' CONFERENCE OF THE PHILIPPINES |
Ngayon, kung ang ikinababahala naman natin ay ang kapakanan ng mga inaakala nating "kaawa-awang inosente" na maaaring malason ang isipan ng mga naturang anti-Katolisismo, mag-isip-isip din naman tayo. Kung napakadali lang pala para sa mga naturang "inosente" na gumawa ng mga malalaking desisyon sa kanilang buhay-espirituwal nang dahil lang sa isang walang kasusta-sustansyang komentong anti-Katoliko sa Facebook, malamang ay ganyan lang din kababaw ang iuugat sa kanilang puso ng binhi ng pananampalatayang maihahasik ng ating mga pagsagut-sagot sa mga anti-Katoliko. Makumbinsi mo man silang manatiling Katoliko o umanib sa Simbahang Katolika, malamang ay hahantong lamang iyon sa pananampalatayang walang ugat: "Ang binhing nahulog sa batuhan ay yaong nakikinig at masayang tumatanggap ng salita; ngunit sa kawalan ng ugat ay hindi nagtagal, at pagdating ng sakuna o paguusig ay nanghihina ang loob." (Mateo 13:20-21)
Ano, kung gayon, ang mas mabuting gawin? Ewan ko. Siyempre, una sa lahat ay pagpapasensya at pagmamalasakit. Siguro huwag mo na lang silang pansinin. Siguro ipagdasal at ipagpasa-Diyos mo na lang sila. Siguro ipaubaya na lang natin sa mga "propesyunal" na apolohista ang nakakukunsuming pakikipag-diskusyon.
Kamakailan, sa Facebook, sa mga pagkakataong di ko mapigilan ang sariling tumugon, nagre-reply ako, pero agad ko ring bina-block ang taong sinasagot ko para di ko na siya makita pa't makausap. Sa gayon, nakapaghahasik pa rin ako ng kahit kaunting kabutihan para sa mga taong may pag-asa pa, habang mabisang naiiwasan ang mga taong wala nang pag-asa. Ito ba ang pinaka-mabuting gawin? Ewan ko. Tama ba ang gayong mapanghusgang pananaw sa kapwa? Ewan ko.
Ang sa akin lang, kung paanong hindi tayo basta-basta nagpapapasok ng mga kung sinu-sinong tao sa ating pamamahay, kung paanong hindi lahat ng mga estrangherong nakakasalubong natin sa daa'y kakaibiganin natin, gayon din naman sa social media. Malibang pormal kang inatasan ng Santa Iglesia para magpapansin sa Facebook, Instagram, X, at iba pa, o di kaya'y nasumpungan mo ang iyong sarili na bukod na pinagpalang nabigyan ng pagkakataon na maging literal na kumpesor o martir, huwag mo na lang kunsumihin ang sarili mo. Kaysa magkasala ka pa dahil natukso kang mag-post ng mga walang katuturang pananalita (Mateo 12:36-37), mas piliin mo ang kapayapaan. Ipagdasal mo ang iyong sarili at ang mga anti-Katoliko. Hindi ba't mas nakakatulong kung magsasakripisyo ka na lang na maglaan ng kahit kalahating oras para ipag-rosaryo ang isang lubhang nakaiiritang anti-Katolikong kung anu-anong pinagsasasabi? At kung hindi mo iyan magawa, aba, kabahan ka na: Baka tanda na iyan na ikaw mismo'y wala pala talagang totoong malasakit, at walang ipinagkaiba sa mga anti-Katolikong kinayayamutan mo.
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF