"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Linggo, Hunyo 18, 2023

Ang Aking Opinyon Hinggil sa Tamang Postura sa Tuwing Dinarasal ang "Ama Namin"


Photo by Haley Rivera on Unsplash

"Sinasabi ko sa inyo, kung katulad lang ng pagsunod ng mga teachers ng Law at mga Pharisees ang pagsunod nyo sa kalooban ng Diyos, hinding-hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng langit."

MATTHEW 5: 20 PVCE

Paano nga ba: Ⓐ Nakataas ang mga kamay (Orans Posture), Ⓑ maghawak-hawak ng mga kamay, o Ⓒ magtitiklop ng mga palad? Mula pa nang pagkabata, ang nakagisnan ko na ay ang B, at kung nakakakita man ako ng gumagawa ng A, ito'y kapag may mga taong walang malapit na katabi na mahahawakan ng kamay. Ang kadalasan kong nakikitang gumagawa ng C ay mga madre, at kung minsa'y mga sakristan. Batay sa mga karanasang ito, ang naging pananaw ko'y pare-parehong tama ang A, B, at C. At mukha namang walang masama o mali sa opinyon kong ito dahil 18 taon na ang nakararaan, nagkaroon na ng paglilinaw hinggil dito ang Simbahan, at sinabing "hindi pinagbabawalan" ang mga layko na gawin ang B,1 at may mga katesismo ding nasulat noon pang 2002 na tahasang nagtuturo ng A.2

Gayon man, sa pagdaan ng panaho'y unti-unti akong namulat sa mga umiiral na reklamo hinggil sa A at B. Kung sasangguniin kasi ang Institutio Generalis Missalis Romani (General Instructions of the Roman Missal — GIRM), walang anumang binabanggit hinggil sa kung ano bang dapat o di dapat na postura ng mga kamay ng mga layko habang dinarasal ang Ama Namin. Ang tanging sinasabi lamang ay ➊ dapat tayong nakatayo (#43), at ➋ dapat natin itong dasalin kasama ng pari (#81, #152), habang ang pari lamang ang tahasang sinasabing "nakaunat ang mga kamay" (#152, #237).

Batay dito, makatuwiran ba nating masasabi na hindi maaaring "pilitin" ang sinumang layko na gawin ang A o B, o kahit pa ang C? Madaling sumagot ng "Oo," subalit sa #43 ay may sinasabi ring ganito: "With a view to a uniformity in gestures and postures during one and the same celebration, the faithful should follow the directions which the deacon, lay minister, or priest gives according to whatever is indicated in the Missal." Tila ba nangangahulugan ito na kung mismong ang pari ang mag-aanyaya o magbabawal sa atin na gawin ang A, B, o C, tungkulin nating sumunod. Sa katunayan, ito lang din mismo ang prinsipyong sinusunod ko. Kung sa aking pagsisimba ay may tahasang paganyaya na gawin ang A, B, o C, iyon ang gagawin ko. At kung wala namang tahasang sinasabi ng gagawin, kung ano ang nakikita kong ginagawa ng nakararami, iyon ang gagayahin ko. Kung mayroon man akong dapat iwasan, iyon ay ang sadyang pagsasarili ng postura na sumisira sa kaisahan ng pagdiriwang. Ika nga ni St. Ambrose, "When in Rome, do as the Romans do" — sakyan mo lang kung ano man ang kaugalian sa isang simbahan, nang hindi ginagawang malaking isyu ang mga pagkakaiba ng kaugalian.

Orans Posture ng mga layko sa pagdarasal ng Ama Namin: labag nga ba sa Canon Law?

"In the celebration of the Eucharist, deacons and lay persons are not permitted to say the prayers, especially the eucharistic prayer, nor to perform the actions which are proper to the celebrating priest" (CCL 907). Ika-15 ng Agosto, 1997, sa inilabas na dokumento ng Vatican na "On Certain Questions Regarding the Collaboration of the Non-ordained Faithful in the Sacred Ministry of Priest," Artikulo 6 § 2, tinukoy ang mga paglabag sa naturang canon, at muling sinabi, "Neither may deacons or non-ordained members of the faithful use gestures or actions which are proper to the same priest celebrant." Ngayon, kung ayon sa GIRM ay pari lamang ang "nakaunat ang mga kamay" sa pagdarasal ng Ama Namin, ibig bang sabihin, ang mga laykong gagawa nito ay lalabag sa CCL? Sa pananaw ng ilan, oo daw, subalit ayon sa paglilinaw ng CBCP noong 2005 at ng Obispo ng San Fernando ngayong taon, hindi. Kung magkagayon, kaninong interpretasyon ang mas matimbang: Ang interpretasyon ba ng mga laykong "apolohista," o ang interpretasyon ng CBCP?

Kung titingnan ang konteksto ng Canon 907, tumutukoy lamang ito sa pagtatangka ng mga di-inordenahan sa pagka-pari—alalaong-baga'y mga diakono at layko—na mag- "quasi preside" sa Misa. Ang tanong: Ganyan ba ang ginagawa ng mga laykong naka-Orans Posture sa Ama Namin? Pumapanhik ba sila sa santwaryo para palitan ang pari? Pinangungunahan na ba nila ang pagdiriwang ng Misa kapag naroon na sa bahaging dinarasal ang Ama Namin?

Sa kabilang banda, kung walang tahasang posturang pang-kamay na itinatakda ang Simbahan, maituturing bang "pagbabago" sa batas ng liturhiya kung aanyayahan o pagbabawalan ang mga maninimba na gawin ang A, B, o C? Kakailanganin pa ba muna ng pahintulot ng Apostolic See bago maipatupad ang mga ito (tingnan ang #395)? Bilang isang Katolikong layko na walang pormal na pag-aaral sa mga ganitong klaseng paksang pang-liturhikal, hindi ko alam ang sagot. Marahil, sa mga sitwasyong nakalilito, ang pinakamabuting gawin ay maging masunurin — kung anong sasabihin ng obispo, kung anong sasabihin ng pari, at kung makarating man ito sa Apostolic See, sunod lang nang sunod, maliban na lamang kung ito'y kaso ng isang halatang-halatang kamalian o kasamaan. Hindi kasalanang mortal kung sakaling sumunod ka sa mali bunsod ng isang totoong nakalilitong sitwasyon. (CCC 1857)

At heto na nga. Taong 2005, sinasabing "hindi ipinagbabawal" ang A at B. taong 2020, bunsod ng COVID-19 Pandemic (at hindi dahil sa pagiging "mali" ng B), saka nagkaroon ng tahasang pagbabawal sa B ang CBCP.3 Ika-pito ng Pebrero ngayong taon, naglabas ng Circular Letter ang Archdiocese of San Fernando, Pampanga, kung saan partikular na tinalakay ang mga isyu hinggil sa A at B, at may mga ganito silang sinabi:

  • "That the faithful should not do the 'orans' position during the Lord's Prayer is not historically founded. It is not liturgically founded; it is not legislated in any rubric or norm in the liturgical books. Every now and then a mere opinion comes out."
  • "In the past, the Lord's Prayer was considered a priestly prayer; the liturgical reform promoted by the Second Vatican Council has restored it as a prayer of the whole celebrating assembly. Therefore, the 'orans' posture expresses the prayer directed to God by his children. This gesture is not a case of the laity trying to usurp priestly functions."
  • "Wherefore, to provide the People of God in the Archdiocese of San Fernando the clarification on these matters, we reiterate the following policies:
    1. The people may extend their hands apart and upwards, the ancient 'orans' gesture used by the priest during the Lord's Prayer in the celebration of the Mass.
    2. The people may raise and hold hands while singing the 'Our Father' during the celebration of the Mass.
    3. As a matter of exception, particular liturgical directives are issued accordingly when there are medical health concern/s that calls for needed prohibitions of this or other liturgical practices and/or activities."

Malinaw ang mga naging konklusyon dito ng Archdiocese ng San Fernando: Hindi pinagbabawalan ang mga maninimba na gawin ang A o B, dahil hindi kailanman naging labag sa batas-liturhikal ang mga ito, at wala silang anumang malisyosong kahulugan. Anumang mga isinusulong na argumentong tumutuligsa sa mga ito ay pawang opinyon lang na walang batayan sa kasaysayan o sa alinmang mga batas-liturhikal.4 Mahalagang mga katuruan ito, dahil maituturing na pagsasagamit ng ordinary magisterium ng kanilang obispo, at sa gayo'y katungkulan ng mga mananampalataya ng kanilang diyosesis na magkaroon ng "relihiyosong pagsang-ayon." (religious assent) [CCC 892]

Subalit kamakailan, may kakatwa nanamang nangyari: Ika-16 ng Hunyo ngayong taon, ang Diocese of Dumaguete naman ang naglabas ng Circular Letter, kung saan sinasabi:

"There have been confusions among our lay faithful concerning the hand posture proper to them especially during the Lord's Prayer in the celebration of the Holy Mass. I therefore decree that each person attending the Holy Mass should join his/her own hands during the singing or recitation of the Lord's Prayer while the priest extends his hands in prayer (orans posture). This will ensure clarity and uniformity of hand gesture among the faithful participating in the Holy Mass." [No. 1053 - 14 -2023]

Mapapansin na wala itong kaakibat na paliwanag na nagsasabing "mali" o "masama" ang A o B. Bagkus, pagsasagamit lamang ito ng karapatan ng obispo na magtakda ng kaayusan na papawi sa mga kalituhan, upang magkaisa ang lahat sa pagdiriwang ng Misa (gaya ng nasasaad sa #43 ng Institutio Generalis Missalis Romani). Simple lang ang dapat gawin dito: Kung taga-Dumaguete ka o kung magsisimba ka sa alinmang parokyang sakop ng kanilang diyosesis, sumunod ka sa mandato. Subalit sinasamantala naman ito ngayon ng mga mapanuligsang Katolikong "apolohista" na tutol sa A at B, at isinasangkalan nila ito bilang kumpirmasyon ng kanilang mga argumentong nauna nang pinabulaanan ng Archdiocese of San Fernando.5 Isa itong nakababagabag na ugaling laganap sa mga Katolikong ang tingin sa sarili'y "tagapagtanggol" ng tama at mali sa Simbahan, subalit ang talagang ipinagtatanggol ay ang sariling opinyon sa halip na ang mga opisyal na katuruan ng mga obispo sa ating bansa.


"Every now and then a mere opinion comes out." — Archdiocese of San Fernando


Napakadaling magsangkalan ng mga kung anu-anong artikulo mula sa internet na tila kinakatigan ang pananaw na mali talaga ang A at B. Subalit kung babasahing mabuti ang mga ito, ito ba'y mga pormal na katuruan ng mahisteryo, o opinyon lang ng isang indibiduwal na pari o layko? Kabilang sa mga malimit isangkalan ay ang mga sumusunod:

  • "The Faithful Are NOT To Use the Orans Posture During the Our Father" — Ito'y artikulong sinulat lamang ng isang layko na si Jason Izolt. Hindi mahalaga ang anumang mataas na pinag-aralan niya sa mga bagay-bagay, dahil ito'y isang usaping ang mga obispo lamang ang tunay na makapagbibigay-linaw.
  • "Orans Posture at Mass" — Ito'y artikulong sinulat ni Fr. Charles Grondin, na kung babasahi'y tahasan naman niyang inamin na ang kaniyang mga pagpapaliwanag ay sarili lamang niyang opinyon.
  • "What to Do About Gestures During Mass" — Ito'y transcript ng pag-uusap ng apolohistang si Tim Staples at ng isang caller, at makikitang nagbigay lamang din siya ng sarili niyang opinyon sa isyu, at sa huli'y ipinayo pa na ipaubaya na lamang sa mga obispo ang desisyon hinggil dito.

Kung ako ang tatanungin, kuntento na ako sa pagpapaliwanag na nasasaad sa Circular Letter ng Archdiocese of San Fernando. At kung may mga diyosesis mang magkakaroon ng pagbabawal sa A at B, at mag-uutos na gawin lamang ang C, kuntento lang din akong sumunod sakaling magawi ako sa kanilang teritoryo para magsimba. Para sa akin, hindi nagdudulot ng anumang seryosong problemang pangdoktrina o pangliturhiya ang A at B. Hindi ito isang seryosong usaping kailangang pagtalunan sa social media, at gawing batayan ng panghuhusga sa kapwa ko Katoliko.

"Ang Diyos ay hindi Diyos ng gulo; sya ay Diyos ng kaayusan.... Dapat lahat ng gagawin nyo, nasa tama at maayos na paraan."

1 CORINTHIANS 14: 33, 40 PVCE

 


 

  1. "There is no prohibition on the holding of hands during the singing of the Lord's Prayer during the Mass. This was the clarification being made by Fr. Anscar Chupungco, OSB, executive secretary of the Commission on Liturgy of the Catholic Bishops Conference of the Philippines.... Fr. Chupungco issued the clarification on behalf of Bishop Romulo Valles, chairman of the Episcopal Commission on Liturgy." (SOURCE: During the "Lord's Prayer" CBCP says holding of hands is allowed — PhilStar/Cebu News) [BUMALIK]
  2. "Kapag dinarasal natin ang Ama Namin, dapat tayong tumulad kay Hesus sa Krus. Dapat tayong tumayo, ilahad ang mga kamay at buksan ang mga palad." (Fr. Paolo O. Pirlo, SHMI, "Katesismo ng Kabataang Pilipino." Manila: Sons of Holy Mary Immaculate Quality Catholic Publications, 2002. p. 181.) [BUMALIK]
  3. "In this moment of uncertainty about the illness caused by this virus, and upon the health recommendations of our medical experts, we... discourage our faithful from holding hands during the singing/praying of the 'Our Father'" (Circular No. 20-05, January 29, 2020) — Pansinin na ang salitang ginamit ay "discourage," na tila ba nagpapahiwatig na hindi ito isang lubos at striktong pagbabawal. [BUMALIK]
  4. Ang mga naturang "opinyon" ang malimit nating makikitang pinagtatalunan sa social media, na buong pagmamalaking ipinagpipilitan ng mga kabataang "apolohista." [BUMALIK]
  5. "In a statement, the archdiocese said the raising and holding of hands when reciting or singing the Lord's Prayer is a practice that is allowed under the General Instruction of the Roman Missal. The archdiocese also emphasized that the Italian Roman Missal allowed the Catholic faithful to hold and raise hands during the Lord's Prayer as it signifies the fraternal communion that the people have as children of God 'when this is done with dignity.'" (SOURCE: Pampanga brings back Our Father hand postures — PhilStar) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF