Photo by Joyce Adams on Unsplash
"Wag kayong maglalasing, sisirain lang nyan ang buhay nyo. Imbes na malasing, dapat mapuno kayo ng Holy Spirit. Mag-usap kayo gamit ang mga psalms, mga hymns, at mga spiritual songs, kumanta kayo at magpuri nang buong puso sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos Ama sa lahat ng bagay, sa pangalan ng Panginoon nating si Jesus Christ."(EPHESIANS 5: 18-20 PVCE)
Habang papalapit na ang aking kaarawan, unti-unti rin namang nagkakapatung-patong ang aking mga katanungan hinggil sa mga kaugalian at kaisipang nakagisnan:
- Kailangan ko ba talagang kumain ng spaghetti, pansit, o cake sa araw na iyon? Kailangan ba talagang maginuman? Dapat ba akong manlibre? Dapat ko bang pagipunan, paghandaan, at pagkagastusan ang pagpapakain sa maraming tao? At kung wala akong sapat na pondo, dapat ba akong mangutang?
- Ang kaarawan ba ay hudyat upang sumubok ng mga bago? Ito ba ang pagkakataon upang gawin ang mga ipinagbabawal? Kailangan ko bang magkaroon ng mga bagong karanasan at kaalaman? Katungkulan ko bang gawin ang mga bagay na karaniwan kong di ginagawa, o mga bagay na sadyang di ko lang talaga gustong gawin? Ito ba ang araw upang kalimutan ang mga sariling paninindigan, at hayaang ang bugso ng damdamin ang magdikta ng anumang gagawin at sasabihin ko?
- Ito ba ang taunang "araw ng paghuhukom," kung kailan tinitimbang ko ang halaga ng aking pagkatao batay sa kung ano na ang mga naabot ng mga kasing-edad ko o ng mga mas bata sa akin? May dapat ba akong ikatuwa kung sa wari ko'y "nakaka-angat" ako sa kanila, o ikalungkot kung "napag-iiwanan" na ako?
- Ano bang dapat kong maramdaman sa tuwing may nakakaalaala o nakakalimot sa aking kaarawan? Dapat ba akong matuwa at magpasalamat sa mga bumabati sa akin ng "Happy birthday"? Ano ba ang kahulugan ng pagbating ito ang tunay na motibo sa likod ng mga naturang pananalita? Sa tuwing sinasambit natin ito, masaya ba talaga tayo para sa taong binabati natin? Ito ba ang sukatan para malaman kung may mga taong nagmamahal sa iyo? Mayroon bang mali o kulang sa buhay at pagkatao mo kung hindi ka "happy" sa kaarawan mo?
- Kailangan ko ba ng regalo? Kailangan ko bang regaluhan ang sarili ko? Tungkulin ba ng sangkatauhan na ako'y gawaran ng mga parangal at pribilehiyo, at bigyan ng espesyal na pagtrato sa buong maghapon at magdamag ng aking kaarawan? Naaayon ba sa katarungan na pagbigyan ako sa lahat ng gusto ko? Sa akin ba dapat maukol ang lahat ng atensyon?
- May malalim bang kahulugan kung ang aking kaarawan ay siya ring petsa ng isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan? May kinalaman ba sa magiging kapalaran ko ang posisyon ng mga planeta, buwan, at mga bituin noong araw na ako'y ipanganak? Ano bang nakakatuwa kung may mga sikat na taong kasing-kaarawan ko? Mas malaki ba ang tiyansa na manalo ako sa lotto kung tataya ako gamit ang mga numero ng aking kaarawan? Ang petsa ba ng aking pagsilang ang siyang nagtatakda ng aking habambuhay na pagkatao?
Madalas tayong mag-isip ng mga kung anu-ano at gumawa ng mga malalaking desisyon sa buhay nang dahil lang sa kaarawan natin. Sa araw na iyon, hindi na natin pinagbubulay-bulay kung alinsunod pa ba sa pamantayan ng katotohanan, katuwiran, at kabanalan ang ating mga pinagkaka-abalahan. Nagiging masaya o malungkot tayo nang wala namang matinong dahilan.
Oo, ang buhay ay isang biyaya na marapat ipagpasalamat sa Panginoon, subalit huwag naman sanang humantong ang mga pagpapasalamat sa pagbubuhat ng sariling bangko, at sa mga imoral at walang katuturang pagpapakasaya. Tao lang ako: Nanggaling sa alabok at babalik sa alabok, ipinaglihing makasalanan at maraming mga pagkukulang at kahinaan. Sa katunaya'y hindi mabuti ang kalalagayan nating lahat nang tayo'y ipanganak, kaya nga't nangangailangang ipanganak muli (Juan 3: 1-8). Malaking pagkakamali na isiping ako ang "bida" sa aking kaarawan, gayong "hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa kanya" (Job 1: 21). Hindi ba't kahangalan na ipagmalaki mo ang anumang naabot mo sa buhay, gayong pare-pareho lang naman tayong lahat na mamamatay? Ano mang nakamit natin sa buhay na ito kayamanan, edukasyon, kapangyarihan, katayuan, karanasan, mga relasyon, at kung anu-ano pa mang mga bagay na pawang patungkol lamang sa ating makalupang pag-iral ay pawang walang kabuluhan sa sandali ng ating kamatayan.
Kung ako ang tatanungin, tatlong bagay lang ang kailangan bilang paggunita sa araw ng kapanganakan:
- Magsimba at magpasalamat sa Diyos. Magpasalamat ka kahit nahihirapan ka sa buhay, dahil nababatid mong karamay mong lagi ang Panginoong Jesus sa iyong mga pinagdaraanan. Matuwa ka pa rin, dahil kalakip nito ang isang dakilang pangako: "Kung naki-share tayo sa paghihirap ni Christ, makiki-share din tayo sa karangalan nya." (Romans 8: 17 PVCE)
- Magpasalamat sa mga magulang. Kahit mangyari pang sila na ang pinaka-masamang tao sa buhay mo, na mula pa sa sinapupuna'y isinusumpa ka na at itinuturing na isang malaking problema, magpasalamat ka pa rin, sapagkat kinasangkapan sila ng Panginoon para likhain ka.
- Tumulong sa mga nangangailangan. Tumulong ka, hindi para ipamukha sa kanila na mabuti ang katayuan mo habang sila nama'y kawawa. Tumulong ka dahil nababatid mong ang anumang kabutihang ginagawa mo sa kanila ay sa Panginoong Jesus mo ginagawa (Mateo 25: 31-46). Sa gayon, tuwiran mo siyang napasasalamatan sa biyaya ng buhay na ipinagkaloob niya sa iyo.
Sa ganitong paraan, naigagawad natin sa naturang araw ang nararapat na "pagpapala," taliwas sa mga taong "isinusumpa" ang kanilang kaarawan sa tuwing dumaranas ng matinding pagsubok (Job 3, Jeremias 20: 14-18). Mas napararangalan ba ang Diyos sa tuwing isinusumpa mo o binabalewala mo ang kaarawan mo? Hindi na kailangan ng malalim na teolohiya rito. Kung ibig mong higit na maparangalan ang Diyos, pagpalain mo ang kaarawan mo hangga't nabubuhay ka pa. Magdiwang ka kung nais mo, subalit gawin mo ito nang may kababaang-loob. Sapagkat ang kaarawan ay araw ng pagpapakumbaba, hindi ng pagmamataas. Sa ating kaarawan, hindi tayo ang bida kundi ang Diyos.
"Iniisip ng ibang tao na mas importante ang isang araw kesa sa ibang araw. Sa iba naman, pare-pareho lang ang lahat ng araw. Kailangan nating mag-decide talaga. Yung mga nagpapahalaga sa isang araw, ginagawa nila yun para i-honor ang Panginoon."(ROMANS 14: 5-6 PVCE)
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF