"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Huwebes, Pebrero 01, 2024

Social Media


Image by William Iven from Pixabay

Dito sa Pilipinas, palibhasa'y libre tayong nakakapag-Facebook kaya't ito rin ang nagiging takbuhan ng marami sa paghahanap ng impormasyon kahit sa mga paksang relihiyoso. Kung sa bagay, maraming parokya na ang may "social media ministry" at gumagawa ng kanilang opisyal na presensya sa social media, gayon din ang ilang mga indibiduwal na obispo, pari, relihiyoso, laykong mangangaral, at ilang mga asosasyong pang-simbahan. Alinsunod na rin ito sa mga patnubay na itinuro mismo ng CBCP.

Ang problema, ang paggamit ng social media ay may mga kaakibat na elementong nakapag-papahamak ng kaluluwa kung hindi ka mag-iingat, kahit pa mga post na pang-Katoliko ang tinatangkilik mo:

  1. Kadalasan, mga pahapyaw na impormasyon lang ang ipino-post, kaya't nagiging sanhi ng mga sari-saring haka-haka, maling interpretasyon, at mga pagtatalu-talo. Hindi ito maiiwasan dahil mismong ang pagkaka-disenyo ng social media ay sadyang di naangkop sa mga mahahaba at detalyadong kapaliwanagan. Halimbawa, sa X (Twitter), pinakamainam na magpost ng 100 characters lamang. Sa Facebook, ang mga post na mas mababa sa 40 characters ang mas higit na pinapansin. Kahit na makapag-post ka pa ng isang pormal na sanaysay, iilan lamang ang talagang babasahin ito nang taimtim. Ang karamiha'y dadaanan lang ito nang mabilisan, at saka lalagpasan at kalilimutan para tingnan ang mga susunod na mas maiksi at nakaaaliw na post.
  2. Dahil wala namang pormal na tagasuri (censor) sa mga ipino-post sa social media, hindi rin nababawasan ang posibilidad na may maipost na maling impormasyon, kahit pa sa panig ng mga "opisyal" na account ng mga kleriko, relihiyoso, at laykong mangangaral. Kahit ang mga "opisyal" na Facebook page ng isang parokya ay maaaring maging kasangkapan sa pagpapakalat ng mga ideyolohiya, kaduda-dudang tradisyon, at mga pagtuturong may-kalabuan (kahit na tama at may mabuting intensyon ang post). Kung ang mga librong pang-Katoliko nga na dumaan na sa mga tagasuri ng Simbahan at nagawaran ng imprimatur at nihil obstat ay posible pa ring magdulot ng kalituhan, ang mga post pa kaya sa social media na mabilisa't malayang naipo-post nang di nangangailangan ng pormal na pahintulot?
  3. Sa mga comment section, malimit na napababayaan ang mga komentong mapanuligsa, eretiko, bastos, at iba pang ma-anomalyang pag-uugali. Maraming nahuhumaling na magbasa at makilahok sa mga komentong ito kaysa pag-aralan o pagnilayan ang mismong post. Madaling payuhan ang mga tao na huwag na lamang pansinin ang mga negatibong komento, subalit mahirap itong gawin dahil bahagi ng ating normal na sikolohiya na makisangkot at makipag-usap sa ating kapwa tao, sa social media man o sa totoong buhay.
  4. May mga pag-aaral na nagsasabing ang malimit na paggamit ng social media ay nagdudulot ng adiksyon, at aminado rito ang mismong dating executive ng Facebook na si Tim Kendall. Nangangahulugan ito na kahit magpost ka pa ng mga mabubuting bagay, kahit na sa palagay mo'y naitataguyod mo ang mga katotohanan ng Katolikong relihiyon, maituturing ka pa ring isang di-tuwirang kasangkapan ng digital addiction dahil nakadaragdag ka sa mga elementong naguudyok sa isang tao para manatiling nakatutok sa social media.

Bilang isang Katoliko, paano natin lulunasan ang mga naturang suliranin? Narito ang ilan sa aking mga maimumungkahi:

Sa mga nagpo-post:

  • Hindi naman kailangang pahabain ang mga post. Ang mahalaga'y ang bawat sinasabi natin ay kinakatigan ng Biblia, Tradisyon, at Mahisteryo (CCC 95). Lakipan ito ng talaan ng mga reperensya sa Biblia, sa mga Ama ng Simbahan, sa mga opisyal na katesismo, sa mga dokumento ng Simbahan, atbp.
  • Malibang tuwiran kang nagbabahagi ng link sa isang dokumento ng mahisteryo nang walang anumang kalakip na sariling komentaryo, o isa kang lehitimong laykong mangangaral (katekista, teyologo, propesor, atbp.) na nagbabahagi ng mga araling aktuwal na itinuturo sa mga silid-aralang pang-Katoliko, o di kaya'y isa kang obispo na pormal na nagsasagamit ng iyong katungkulan bilang tagapagturo ng pananampalataya at moral, maging mahigpit ka sa iyong sarili, at huwag ipagpapalagay ang sarili na marunong (Kawikaan 26: 12). Magbahagi ka kaysa magturo. Ituwid ang sarili bago ang iba. Higit sa lahat, lubos kang magpasakop sa awtoridad ng buhay na mahisteryo sa halip na maging kritiko nito batay sa iyong sariling interpretasyon sa mga katuruan ng Simbahan.
  • Maghigpit sa mga comment section, sa halip na pinababayaan na lamang itong putaktihin ng parehong mabuti, masama, at walang katuturang komento. Sa iyong mga post, mag-iwan ka ng mga tanong na ipasasagot upang magkaroon ng malinaw na direksyon sa anumang talakayang mamumuo. Burahin at i-block agad ang mga nagmumura, nagtataguyod ng erehiya, o nang-iiscam. Kung kinakailangan, i-disable na lang ang comment section, at anyayahan na lamang na magsend ng private message ang mga nais magtanong.
  • Ang bawat post ay dapat nilalakipan ng mga babala hinggil sa digital addiction. Paalalahanan ang mga tao na magbasa ng Biblia at katesismo, na magsimba, na gumawa ng kabutihan sa sariling tahanan o sa aktuwal na pisikal na sitwasyong kinalalagyan nila, na talagang magdasal sa halip na mag-comment lang ng "Amen" at mag- o mag-👍 lang sa mga post. Dapat mapa-alalahanan ang lahat sa kahalagahan ng pagiging Cristiano sa totoong buhay, hindi lang sa social media.
"Indeed, whether we choose to be explicit about our faith on social media platforms or not, all of us are called to ensure that our conduct online gives witness to Christian virtue. For example, if we share our Catholic faith with others online, but do so in ways that are not grounded in charity, prudence, and truth, we may end up doing harm rather than good."

CANADIAN CONFERENCE OF CATHOLIC BISHOPS
Let Your Speech Always Be Gracious, 6

Sa mga tumatangkilik sa mga post:

  • Kung may makikita kang magandang post, maging ito man ay isang panalangin, taludtod sa Biblia, pagninilay, kawikaan, balita, katuruan, o kung ano pa man, paglaanan mo ito ng kaukulang atensyon. Huwag kang makukunteto sa simpleng pag-👍, pag-, pag-Amen, o pag-share (na hahantong lang sa paghahanap ng panibagong post na mas makatawag-pansin). Isulat mo ito sa isang notebook, o i-copy sa isang notepad app sa iyong smartphone. Manalangin ka. Sumulat ka ng sarili mong pagninilay. Pag-aralan mo itong mabuti. Kung may mga reperensyang nakalagay, tingnan mo't basahin ang mga iyon. At kung gusto mo itong i-share, lakipan mo ito ng sarili mong pagninilay, sampu ng anumang naging bunga ng ginawa mong pagsasaliksik.
  • Maging mapanuri ka. Huwag kang agad-agad naniniwala o sumasang-ayon sa lahat ng post na mababasa mo, porke't itinatanghal ang mga iyon na pang-Katoliko. Hindi porke't pari, obispo, relihiyoso, o kilalang opisyal ng Simbahan ang nagpost ay agad-agad ka na lang sasang-ayon. Sundin lang lagi ang hirarkiya (bahagdan) ng awtoridad sa Simbahan, at tukuyin ang pagkakaiba ng opisyal na katuruan vs. pribadong opinyon. Sa apolohetika, kung di makatuwiran o walang basehan ang sinasabi ng apolohista, huwag mong sasang-ayunan ang sinasabi niya porke't pabor sa Simbahan ang post niya, dahil ang gayong klaseng apolohetika ay mas nakasisira sa Simbahan kaysa nakatutulong.
  • Huwag nang pansinin ang mga masasamang komento. Kung may mga komentong nangangailangan ng pagtutuwid, isumbong na lamang sa mismong admin ng page o group, at ipaubaya sa kanila ang nararapat gawin. I-block na lamang agad at huwag nang pag-aksayahan ng panahong reply-an o lagyan ng mga negatibong reaksyon (gaya ng 😡, 😆, at 😢). Kung idinidikta ng iyong budhi na may sabihin ka, gumawa ka ng sarili mong pagpapaliwanag sa sarili mong page.

    Mahalagang linawin kung ano bang ibig kong sabihin sa "masasamang komento." Hindi ito tumutukoy sa lahat ng mga komentong tutol sa isang pang-Katolikong post, kundi sa mga mayayabang, mahilig makipagtalo, palamura, bastos, sinungaling, hindi matinong kausap, isip-bata, atbp., kampi man sila sa mismong post o hindi. Wala kang anumang mai-rereply na makapagtutuwid sa mga ganyang klaseng tao, dahil libangan na nila ang gayong pag-uugali. Ginagatungan mo lamang ang kanilang kasamaan kung papansinin mo sila.

  • Huwag mong gawing pampalipas-oras ang social media, habang ginagawang palusot ang pagtingin-tingin sa mga post na relihiyoso. Bilang Katoliko, kailangan mo ba talagang malaman lahat ng balitang may kinalaman sa Simbahan? Kailangan mo ba talagang magkomento at makipag-diskusyon sa lahat ng relihiyosong post na makikita mo? Sapat na ang anumang balita o anunsyo mula sa iyong sariling parokya o diyosesis. Sapat na ang anumang sulat pastoral mula sa Santo Papa o sa CBCP. Huwag ka nang aktibong maghalungkat ng mga balita o tsismis malibang may isinasagawa kang pormal na pagsasaliksik. Ang libreng oras ay dapat ginugugol sa panalangin, paggawa ng mabuti, at pagpapaka-banal, hindi sa pagtutunganga sa social media na humahantong lang sa digital addiction.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF