"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Linggo, Nobyembre 14, 2021

Ako ay Iglesia ni Cristo?

UPDATED:7:29 PM 10/23/2022

"Ngayon, sinasabi ko na ang lahat ng salitang walang kabuluhan na bigkasin ng tao ay pananagutan nila sa araw ng paghuhukom. Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay pawawalang-sala, at sa iyong mga salita ikaw ay hahatulan."

MATEO 12: 36-37

Kapag sinabi ng isang Cristiano, "Katoliko ako," katumbas ito ng pagsasabing, "Pandaigdigan/Panlahatan ako." Paano ka naging "pandaigdigan"? Ikaw ay pandaigdigan, sapagkat kaakibat ng iyong pagiging Cristiano ang pagpapahayag at pagpapalaganap ng iyong pananampalataya saan mang panig ka ng daigdig makarating; ang pananampalatayang minana mo ay para sa lahat ng tao, hindi lang para sa iyo. Paano ka naging "panlahatan"? Ikaw ay panlahatan, sapagkat ang pananampalatayang tinanggap mo, ipinahahayag mo, at ipinalalaganap mo ay nagtataglay ng lahat ng mga itinuro ng Panginoong Jesus, walang labis at walang kulang. Minana mo ang pananampalatayang nagtuturo ng lahat ng mga katotohanang kailangan sa kaligtasan, at nakikinabang ka sa lahat ng mga kaparaanan ng kaligtasan na ipinagkatiwala ng Panginoong Jesu-Cristo sa kanyang Simbahan, ang Simbahang Katolika. (Basahin: Ang Tunay na Iglesya)

Sinasabi nating "Katoliko ako," subalit hindi natin sinasabing "Ako ay Simbahang Katolika." Bakit? Dahil iyon ay pananalitang walang katuturan. Ang "ako" ay panghalip para sa isang indibiduwal; ang "simbahan" ay salita para sa isang kapulungan o pamayanan. Hindi ba't walang katuturan na sabihing, "Ako ay pandaigdigang pamayanan," gayong iisang tao ka lang? Hindi ka pamayanan. Hindi ka kapulungan.

Kung iisipin, isa itong napaka-simpleng konsepto na madaling maaarok ng sinumang may sentido kumon. Subalit dito sa Pilipinas, nagkaroon ng pangangailangan na ipaliwanag natin ito upang ituwid ang kakatwa at maling pananalita ng mga kaanib ng sekta ni Felix Manalo, na buong pagmamalaking sinasabi, "Ako ay Iglesia ni Cristo." Paano naging "iglesia" ang isang indibiduwal? Paano naging "pamayanan" ang isang indibiduwal? Bagama't naiintindihan natin na ang ibig nilang sabihin sa likod ng mga pananalitang ito ay "Ako ay kaanib ng Iglesia ni Cristo," hindi maikakaila na ang mismong pananalitang ginagamit nila ay mali, at hindi kalabisan kung ang nasabing pagkakamali ay ating tinatawagan ng pansin.


 

Simbahan

Sa mga sinaunang Tagalog, "simbahan" ang tawag sa bahay ng punong-bayan na pinagdarausan ng pandot — isang relihiyosong pagtitipon na ginaganap upang sambahin ang mga diyus-diyusan ng mga Tagalog.1 Ito ang dahilan kaya ito ang ginamit sa pagsasa-Tagalog ng salitang Griyegong ekklesia, na siya namang salitang ginamit sa Bagong Tipan patungkol sa pamayanan ng mga Cristiano na pinasimulan ng Panginoong Jesu-Cristo (Mateo 16: 18). Ito ang pinaka-malapit na salitang maipantutumbas sa diwa ng ekklesia na madaling mauunawaan ng mga Tagalog. Sa mga nababalisa sa paganong pinagmulan ng salitang "simbahan," dapat nilang mapagtanto na maging ang mismong salitang ekklesia ay ginamit din ng Bibliang Griyego (Septuaginta) patungkol sa pagtitipon ng mga masasamang tao (Salmo 26: 5).2 Ang ekklesia ay isang karaniwang salitang Griyego na ginagamit na noon pa mang unang panahon patungkol sa anumang pamayanan o pagtitipon, relihiyoso man o sekular. Hindi ito eksklusibong salitang nagmula sa Cristianismo.

Malinaw nga kung anong kahulugan ng "simbahan/iglesia," anupa't maling-mali na sabihin ng isang indibiduwal na, "Ako ay simbahan/iglesia." Hindi maaaring maging pamayanan o pagtitipon ang iisang tao lang. Maaari siguro kung dalawa o higit pang katao ang nagsasabi nang gayon ("Kami ay simbahan/iglesia"), dahil maituturing na silang isang pagtitipon. Kung ibig mong ipahayag ang iyong pagiging kabilang sa Simbahan ng Panginoon, mas tamang sabihin na, "Ako ay kaanib ng Simbahan ni Cristo."


 

Katawan ni Cristo

Kung walang katuturan na sabihing, "Ako ay Iglesia ni Cristo," wala ring katuturan na sabihing, "Ako ay katawan ni Cristo." Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, hindi ng iisang bahagi lang (1 Corinto 12: 14). "Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan ang pandinig? Kung pawang tainga, saan ang pang-amoy? Kung ang lahat ay iisang bahagi lamang, saan naroroon ang katawan?" (1 Corinto 12: 17, 19). Ang sabi ni San Pablo, "Kayo nga ang katawan ni Cristo at bawat isa ay bahagi niya" (1 Corinto 12: 27). Malinaw ang pagkakaiba. Hindi ka "katawan ni Cristo", bagkus BAHAGI ka ng Katawan ni Cristo. Hindi maaaring maging "katawan" ang "bahagi" ng katawan! Ang katawan ay ang sama-sama at nagkakaisang mga bahagi ng katawan! Oo, makikita sa mga Bibliang Ingles na sinabing "Now you are Christ's body" (NABRE), subalit ang "you" na iyan ay plural hindi singular, anupa't hindi naman sinabing "each of you".


 

Letra-por-Letra

May mababasa bang "Ako ay Iglesia" o "Ako ay Iglesia ni Cristo" sa Biblia? Wala. May mababasa bang tinawag o pinangalanan ang Simbahan o ang isang indibiduwal na Cristiano na "Iglesia ni Cristo"? Wala rin. Sa kabila nito'y sa mga kaanib pa mismo ng sekta ni Felix Manalo tayo makasusumpong ng mga anti-Katolikong laging naghahanap ng mga letra-por-letrang batayan ng mga kung anu-ano. Bakit mo hahatulan ang kapwa mo batay sa isang sukatang ikaw mismo'y sumasalungat?

"Ang magturo sa hangal ay
tulad ng pagbubuo ng basag na palayok,
o manggising ng taong mahimbing ang tulog.
Ang magpaliwanag sa hangal ay
parang nakikipag-usap sa inaantok,
matapos mong sabihin sa kanya ang lahat,
itatanong sa iyo: 'Ano na nga ba ang sinabi mo?' "

ECCLESIATICO 22: 7-10 (MBB)

 


 

  1. Source: "Mythological Dictionary of the Philippines" by Ferdinand Blumentritt (1895) [BUMALIK]
  2. "I hate an evil assembly [qahal sa Hebreo; ekklesia sa Septuaginta]; with the wicked I do not sit." (Psalms 26: 5 NABRE) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF