Iginigiit ng sektang "Iglesia ni Cristo" ni Felix Manalo na ang pangalan daw ng sekta nila ang tanging wastong pangalan ng tunay na Simbahan, anupa't ang lahat ng mga denominasyong may naiibang pangalan, mabuti man o masama ang kahulugan ng pangalan nila, ay mga huwad na simbahan. Ang tunay na Simbahan, di umano, ay dapat "nakapangalan kay Cristo". Wala silang pakealam kahit pa may batayan sa Biblia ang pangalan ng simbahang kinaaaniban mo. Kung hindi literal na "Iglesia ni Cristo" ang tawag sa simbahan mo, nasa huwad na simbahan ka daw.
Subalit masusumpungan nga ba sa Biblia ang pangalang "Iglesia ni Cristo"? HINDI. May mababasa ba sa Biblia hinggil sa pagbibigay ng pangalang "Iglesia ni Cristo" sa Simbahan? WALA. Ang pang-isahang pariralang pang-pangngalan (noun phrase, singular) na "Iglesia ni Cristo" (Church of Christ) ay hindi matatagpuan sa mga pangunahin at pinagtitiwalaang Bibliang pang-Katoliko, bagkus matatagpuan lamang ito nang isang beses sa Lamsa Bible, sa pagkakasalin nito ng Gawa 20: 28 "Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood." Kaduda-duda ang kawastuhan nito sapagkat sa pananaw ng mas nakararaming dalubhasa, "iglesya ng Diyos" (church of God) o "iglesya ng Panginoon" (church of the Lord) ang tanging dalawang posibleng wastong salin nito batay sa mga umiiral na manuskritong Griyego. Ang Lamsa Bible ay batay sa Peshitta, na bersyon ng Biblia sa wikang Aramaiko na binuo noon lamang ika-limang siglo A.D. Mas matanda pa rito ang mga manuskritong Griyego ng Bagong Tipan na pinagbabatayan ng mga pangunahing Bibliang pang-Katoliko gaya ng NABRE at RSVCE2. Isa pa, hindi naman isinasalaysay ng Gawa 20: 28 ang aktuwal na pagbibigay ng pangalan sa Simbahan. Ano pa man ang maging aktuwal na binabanggit sa taludtod na ito "Iglesia ni Cristo", "Iglesia ng Diyos", o "Iglesia ng Panginoon" wala itong pinatutunayan hinggil sa kung ano ba ang tanging wastong pangalan na dapat itawag sa Simbahan.
Sa tuwing nadidiin hinggil sa integridad ng Lamsa Bible,1 sumisipi ang sekta ni Felix Manalo sa iilang di-kilalang bersyon ng Biblia sa Ingles gaya ng "The Peschito Syriac New Testament" ni J.W. Etheridge (na sa pangalan pa lang ng Biblia ay halata namang ang Peshitta rin ang pinagbatayan ng teksto), kung saan sinasabi: "Take heed therefore to yourselves, and to the whole flock over which the Spirit of Holiness hath constituted you the bishops; to pasture the church of the Meshiha which he hath purchased with his blood". Mapapansin na sa bersyong ito, ginamit ang salitang "Cristo" ("Meshiha" sa Aramaiko) hindi bilang pangalan kundi titulo, anupa't kung wastong isasalin sa Filipino, hindi ito "Iglesia ni Cristo" kundi "Iglesia ng Mesias".
Mahalagang mapansin na makasusumpong din naman sa Biblia ng iba pang mga katawagan sa Simbahan na may mas matibay na batayan sa mga manuskritong Griyego,2 anupa't walang katuturan na ipagpilitang "Iglesia ni Cristo" lang ang tanging maaaring itawag sa Simbahan:
- IGLESIA NG DIYOS (CHURCH OF GOD) 1 Corinto 1: 2, 10: 32, 11: 22, 15: 9; 2 Corinto 1: 1; Galacia 1: 13; 1 Timoteo 3: 5.
- SAMBAHAYAN NG DIYOS (HOUSEHOLD OF GOD) Efeso 2: 19; 1 Timoteo 3: 15; 1 Pedro 4: 17.
- ANG DAAN (THE WAY) Gawa 9: 2, 18: 25, 26, 19: 9, 23, 24: 14, 22.
- SEKTA NG MGA NAZARENO (SECT OF THE NAZOREANS) Gawa 24: 5.
- TEMPLO NG DIYOS (TEMPLE OF GOD) 1 Corinto 3: 16-17; 2 Corinto 6: 16.
- KATAWAN NI CRISTO (BODY OF CHRIST) Efeso 4: 12.
Madalas ding sipiin nang may katusuhan ang Roma 16: 16 kung saan sa saling Filipino ay sinasabi: "Magbatian kayo sa pamamagitan ng isang banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo". Mapapansing nasa anyong pang-maramihan (plural) ang pariralang ginamit: "mga iglesya ni Cristo" (churches of Christ). Palibhasa'y apat na mga salita ito sa Filipino ("mga iglesya ni Cristo"), sadya nilang binibigyang-diin lamang ang mga salitang "iglesya ni Cristo" upang di mapansin ang anyong pang-maramihan nito sa teksto. Subalit kahit ipagpilitan pa na ito daw ay "katibayan" na "Iglesia ni Cristo" ang tanging pangalan ng Simbahan, paano nila ipaliliwanag ang katulad na pariralang binanggit sa Roma 16: 4: "Sa kanila ay nagpapasalamat hindi lamang ako kundi ang lahat ng iglesya ng mga Hentil"? Malinaw ang pagkakatulad ng mga pananalita sa dalawang taludtod na ito, anupa't walang katuturan na igiit na "Iglesia ni Cristo" o "Iglesia ng mga Hentil" ang tanging wastong pangalan ng Simbahan.
Hindi naman masama na tawaging "Iglesia ni Cristo" ang Simbahan batay sa diwang ang Simbahan ay sa Panginoong Jesus at siya ring nagtayo nito (Mateo 16: 18), subalit nagiging masama kung inaangkin mo ang pangalang ito (at iginigiit pang ito lang ang tanging wastong pangalan) gayong ang sekta mo ay wala namang makasaysayang pagkakaugnay sa Simbahang itinayo ng Panginoong Jesus! Nang iparehistro ni Felix Manalo ang kanyang sekta noong 1914, ganito ang nasasaad: "That said applicant appears before this office and respectfully declares: That said applicant is the founder and present head of the Society named 'Iglesia Ni Kristo' and desires to convert said society into a unipersonal corporation." Sa isa pang kaugnay na dokumento (na may petsang July 13, 1914), hindi lamang si Felix Manalo, bagkus marami pang pinangalanang "founders" ng kanyang sekta, kabilang na sina Pedro Inocencio, Atanacio Morte, Felicimo de Leon, Federico Inocencio, Gorgonio Sta. Maria, Maximano Diosenito, Juana de la Cruz, Emilia de Leon, Barbara Cordero, Engracia Ramos, Remigia Guevarra, Serapio Dionisio, Vicente Reyes, Paulino Demaguilo, Paulino Dinging Bayan, Remorata Manalo, at Hugo Santos. Isa itong tahasan at pormal na pagpapahayag na ang sektang "Iglesia ni Cristo" ay itinatag ng mga naturang personalidad, hindi ng Cristong binabanggit sa pangalan ng sekta nila. Kaya nga't nang gawing special national working holiday ang petsang July 27 sa bisa ng Republic Act No. 9645, tahasang sinabi na ang naturang petsa ay ang founding anniversary ng "Iglesia ni Cristo" sa Pilipinas. Malinaw, kung gayon, na ang pangalang "Iglesia ni Cristo" na inaangkin ng sekta ni Felix Manalo ay hindi tumutugma sa katotohanan hinggil sa kanilang sekta. At kapag ang pangalan at ang katotohanang pinangangalanan ay magkasalungat, ito'y hindi maituturing na tunay kundi HUWAD.
Hindi sapat ang pangalan lang para matukoy ang tunay na pagkakakilanlan. Katawa-tawa na ngang isipin na kailangan pa natin itong ipaliwanag, gayong dapat ay arok na ito ng ating sentido kumon. Kapag ba inangkin mo ang pangalan ko, sa palagay mo ba, mawiwithdraw mo ang pera ko sa bangko? Makukuha mo ba ang mga medical records ko sa ospital? Papapasukin ka ba ng security guard sa kumpanyang pinagtatrabahuan ko? Paniniwalaan ka ba ng sarili kong pamilya at mga kaibigan? Sasalubungin ka ba ng aso ko? Pareho ba ang DNA natin? Yung fingerprint mo, katulad ba ng sa akin? Kahit angkinin mo pa ang pangalan ko, hindi mo basta-basta maaangkin ang pagkatao ko. Hindi mo basta-basta masasabi na ikaw nga talaga ako.
Hindi sapat na ikapit mo ang taguring "Cristo" sa iyong sarili o sa iyong itinatag na samahan para masabing nasa panig ka nga ng Panginoong Jesu-Cristo (1 Corinto 1: 12-13). Alalahanin nating darating ang panahong maraming lilitaw na "huwad na Cristo" na magsasabing "Ako ang Cristo" o "Ang Cristo ay narito o naroon" (Mateo 24: 5, 23, 24). Sa ganang atin, nakikilala natin ang tunay na Simbahan sa pamamagitan ng kanyang apat na marka, na ayon sa Kredo ay IISA, BANAL, KATOLIKA, at APOSTOLIKA.
"If ever you are sojourning in cities, inquire not simply where the Lord's House is (for the other sects of the profane also attempt to call their own dens houses of the Lord), nor merely where the Church is, but where is the Catholic Church. For this is the peculiar name of this Holy Church, the mother of us all, which is the spouse of our Lord Jesus Christ, the Only-begotten Son of God (for it is written, As Christ also loved the Church and gave Himself for it, and all the rest,) and is a figure and copy of Jerusalem which is above, which is free, and the mother of us all; which before was barren, but now has many children."ST. CYRIL OF JERUSALEM (313-86 AD)
Catecheses, xviii, 26
UPDATED: 11:12 PM 12/14/2021
- Sa kabilang banda, sa Lamsa Bible tahasang pinapawi ang mga pagdududa na si San Pedro ang "bato" na pinagtayuan ng Simbahan sa Mateo 16: 18. Ayon sa pagkakasalin nito: "I tell you also that you are a stone, and upon this stone I will build my church; and the doors of Sheol shall not shut in on it." Kung malaki ang pagtitiwala ng sekta ni Felix Manalo sa kawastuhan ng Lamsa Bible, anupa't pinagtitiwalaan nila itong batayan ng anila'y tunay at wastong pangalan ng Simbahan, bakit kaya hindi nila gamitin ang Lamsa Bible sa pagtalakay ng Mateo 16: 18, kung saan nasusulat ang isa sa mga mahahalagang pagkakakilanlan ng tunay na Simbahan na ito ay dapat nakatayo sa ibabaw ng pagka-bato ni Apostol San Pedro? [BUMALIK]
- Ang Simbahan ay isang dakilang hiwaga (Efeso 5: 32), kaya't ang buong katotohanan hinggil sa kanyang pagkakakilanlan ay hindi lubos na maipahahayag ng iisang pangalan o taguri lang. Kung paanong ang Panginoong Jesu-Cristo ay maraming pangalan, gayon din ang kanyang Simbahan. Sa katunayan, hindi ba't bukod sa "Simbahang Katolika", tinatawag din natin siyang "Katawang Mistiko ni Cristo", "Santang Inang Simbahan", "Iglesia Katolika Apostolika Romana", "Bayan ng Diyos", "Santa Iglesia", "Pandaigdigang Sakramento ng Kaligtasan", at kung anu-ano pa? Nagpapakita ng mababaw na Cristolohiya at Eklesiyolohiya ang pagsasabing ang Simbahan ay mayroon lamang nag-iisang tamang pangalan at wala nang iba pang maaaring itawag sa kanya. [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF