SIMBAHANG KATOLIKA
Sa gitna ng napakaraming magkakaibang mga grupo sa relihiyong Cristianismo, paano pa tayo makatitiyak na ang Simbahang Katolika nga ang tunay na Iglesya? Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko (KPK), ang Simbahang Katolika ay "sambayanan ng mga tao na nagkakaisa kay Kristo at ginagabayan ng Espiritu Santo, sa pamumuno ng kahalili ni Pedro at ng mga Obispong nakikiisa sa kanya. Sa gayon, patuloy silang tumatahak patungo sa Kaharian ng Ama bilang tagapagdala ng pahayag ng kaligtasang ukol sa lahat." (KPK 1444). Unawain natin ito nang mabuti.
- "... sambayanan ng mga tao"
Ito mismo ang literal na kahulugan ng salitang "simbahan" (qahal sa Hebreo, ekklesia sa Griyego, church sa Ingles, iglesia sa Kastila).1 Ang salitang "simbahan" ay walang anumang masama o kakatwang kahulugan, manapa'y isang karaniwang salitang Filipino na ginawaran ng mabuting kahulugan ang nagkakatipong-sambayanang-tinawag-ng-Diyos.
- "... na nagkakaisa kay Kristo at ginagabayan ng Espiritu Santo"
"Samakatuwid hindi na kayo mga taga-ibang lupa at mga dayuhan, kundi mga kababayan ng mga banal at mga kasambahay ng Diyos, nakatayo sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang pinakapunong batong panulok ay si Cristo Jesus na rin. Sa kanya nagkakaugnay-ugnay na mabuti ang buong kabahayan at lumalawak upang maging isang banal na templo sa Panginoon; sa kanya rin kayo nakasanib upang maging tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu." (Efeso 2: 19-22).
"Marami pa akong sasabihin sa inyo, datapwat hindi ninyo matitiis ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan ay aakayin niya kayo patungo sa buong katotohanan" (Juan 16: 12-13). - "... sa pamumuno ng kahalili ni Pedro at ng mga Obispong nakikiisa sa kanya"
"Ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at di mananaig sa kanya ang mga pintuan ng impiyerno. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ano man ang talian mo sa lupa ay tatalian din sa langit, at ano man ang kalagan mo sa lupa ay kakalagan din sa langit." (Mateo 16: 18-19).
- "ikaw ay Pedro" sa Griyego ay Petros na ang kahulugan ay "Bato"; ayon sa Juan 1: 42, ang katumbas nito ay "Cefas", na sa Aramaiko ay Kepha na ang kahulugan din ay "Bato". Si Apostol Simon ay pinangalanang "Bato".
- "at sa ibabaw ng batong ito" siyang pinangalanang Bato/Pedro/Cefas.
- "itatayo ko" ang Panginoong Jesus ang magtatayo.
- "ang aking iglesya" ang nagtayo at may-ari ng Simbahan ay ang Panginoong Jesus, at itinayo niya ito sa ibabaw ng bato, at si Apostol Simon ang pinangalanan niyang Bato/Pedro/Cefas.
- "at di mananaig" sasagupain subalit hindi matatalo.
- "sa kanya" sa iglesya na itinayo sa ibabaw ng bato.
- "ang mga pintuan ng impiyerno" sa Griyego ay Hades na ang kahulugan ay "daigdig ng mga patay" (Sheol sa Hebreo). Sa Biblia, kapag ang isang tao o lipunan ay sinasabing nasadlak sa Hades o nahaharap sa mga pintuan ng Hades, katumbas iyon ng pagsasabing ang taong iyon o ang lipunang iyon ay maaaring nasa bingit ng kamatayan (dulot ng malubhang karamdaman o pagkakasadlak sa lubhang mapanganib na sitwasyon), pumanaw na, nabigo sa kaniyang adhikain, nalupig ng mga kaaway, o tuluyan nang nawasak (Mateo 11:23; Lucas 10:15; Isaias 38:10; Ezekiel 32:17-31; Jonas 2:6). Samakatuwid, ang Hades ay ang katapusan ng pag-iral sa daigdig ng mga buhay. Sa ganitong pananaw, ang mga pintuan ng Hades ay kumakatawan sa lahat ng kasamaan, panganib, o suliranin na kung mananaig, ay magbubulid sa Simbahan sa pagkawasak. Kung ang mga ito'y hindi makapananaig sa Simbahan, samakatuwid maraming magtatangkang pumatay sa Simbahan, subalit hindi siya mapapatay ng mga ito. Ang Simbahan na itinayo at pag-aari ng Panginoong Jesus, na nasa ibabaw ng pagka-Bato ni Apostol San Pedro ay walang kamatayan. Ito'y walang pagka-bigong nanatili sa daigdig magmula nang siya'y itinayo, at mananatili siyang iiral hanggang sa wakas ng panahon. Ipinahihiwatig nito ang dalawa sa tatlong katangian ng Simbahan: PANGHABANG-PANAHON (Indefectibility) at KAWALANG-PAGKAKAMALI (Infallibility).
- "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit" ang mga susi ay kumakatawan sa pamamahala ng kaharian. Kapag ito'y ipinagkatiwala ng hari sa isang tao, katumbas iyon ng pagkakahirang bilang punong ministro. Makikita ang gayong simbolismo ng susi sa Isaias 22: 20-22: ang hari ay si Ezequias, at ang punong ministro ay si Sobna (22: 15). Dahil sa mga kasalanan ni Sobna, siya'y inalis sa katungkulan, at pinili si Eliaquin bilang kahalili niya (22: 19-20). Kay Eliaquin ibinigay ang "susi ng bahay ni David" na dating hawak ni Sobna, bilang tanda na siya na ang bagong "katiwala ng palasyo". Pansinin ang kahulugan ng kanyang kapangyarihan: "Siya ang magiging pinakaama ng mga taga-Jerusalem at ang mga nasa sambahayan ni Juda" (22: 21). Kung magka-gayon, ang pagbibigay kay San Pedro ng mga susi ng kaharian ng langit ay nangangahulugan na siya ang hinirang bilang katiwala ng kaharian ng langit, siyang hinirang na maging pinakaama ng Simbahan. Sa gayon, nagiging makatuwiran ang mga sumunod na sinabi ng Panginoong Jesus sa kanya: "Ano man ang talian mo sa lupa ay tatalian din sa langit, at ano man ang kalagan mo sa lupa ay kakalagan din sa langit." Tahasan nitong ipinahahayag ang isa sa tatlong katangian ng Simbahan: MAY-KAPANGYARIHAN/MAY-KAPAMAHALAAN (Authority).
Nang si San Pedro ay magtungo at mamatay sa Roma, ang Obispo ng Roma (siyang pinuno na nakagisnang tawaging "Santo Papa") ang humalili sa kanya.2 Nagpatuloy ang paghalili hanggang sa kasalukuyang Obispo ng Roma na si Pope Francis, at alam nating may hahalili sa kanya pagkamatay niya o kung magbibitiw siya sa katungkulan (gaya ng ginawa ni Pope Benedict XVI). Ang Simbahang Katolika, kung gayon, ang makasaysayang pagpapatuloy ng Simbahang itinayo at pagmamay-ari ng Panginoong Jesu-Cristo.
"See that ye all follow the bishop, even as Christ Jesus does the Father, and the presbytery as ye would the apostles. Do ye also reverence the deacons, as those that carry out the appointment of God. Let no man do anything connected with the Church without the bishop. Let that be deemed a proper Eucharist, which is administered either by the bishop, or by one to whom he has entrusted it. Wherever the bishop shall appear, there let the multitude also be; even as, wherever Jesus Christ is, there is the Catholic Church."
IGNATIUS OF ANTIOCH (110 A.D.) |
Ang salitang "katolika" ay hindi isang masama o kakatwang salitang inimbento ng Simbahang Katolika. Ito ay isa lamang pang-uri sa wikang Griyego (katholikos) na ang kahulugan ay "pangkalahatan" (universal). Buhat ito sa salitang katholou, na buhat naman sa dalawang salitang kata ("ayon sa") at holos ("kabuuan"). Ang Simbahan ay minarapat tawaging Katolika sapagkat ➊ "laganap ang Simbahan sa buong daigdig, ipinadala sa lahat ng bayan", at ➋ nasa kanya ang "kaganapan ng pamamaraan para sa kaligtasan" (KPK 1401) dalawang batayang katotohanan na maaari lamang taglayin ng nag-iisang tunay na Simbahan na itinayo at pag-aari ng Panginoong Jesu-Cristo:
"Kaya magsihayo kayo at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng bansa, binyagan sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sumunod sa mga ipinag-utos ko. Tandaan ninyo na ako ay sumasainyo sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng daigdig." (Mateo 28: 19-20) . . . . "Magsihayo kayo sa buong daigdig at ipangaral ninyo ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. Ang sumampalataya at mabinyagan ay maliligtas; ang hindi sumampalataya ay parurusahan." (Marcos 16: 15-16).
Sa Sulat ni San Ignacio sa mga Taga-Smirna, sinabi niya: "Kung saan naroon si Jesu-Cristo, naroon din ang Simbahang Katolika". Sapagkat binanggit lamang niya ito nang walang kalakip na paliwanag o panghihikayat, ipinahihiwatig nito na matagal nang batid ng mga Taga-Smirna ang gayong taguri sa Simbahan. Ipinahihiwatig nito ang posibilidad na buhat pa noong Unang Siglo'y ipinakikilala na ang Simbahan bilang "Simbahang Katolika".
ORIHINAL NA SIMBAHAN
Bagama't nahahati ang Cristianismo sa napakaraming magkakaibang mga denominasyon, natatangi ang Simbahang Katolika dahil siya ang orihinal na Simbahan alalaong-baga'y pinakamatanda, nauna sa lahat, hindi sektang humiwalay kundi siyang hiniwalayan.3 Noong ika-apat hanggang ika-limang siglo A.D., humiwalay sa Simbahang Katolika ang mga simbahang nagpilit sa mga erehiyang Nestorianism at Monophysitism: ang resulta ay ang mga simbahang Nestorian, Abyssinian, Coptic, at Jacobite.4 Noong ika-11 siglo, humiwalay sa Simbahang Katolika ang mga simbahang ayaw kumilala sa pamumuno ng Papa: ang resulta ay ang mga Simbahang Ortodoksa.5 Noong ika-16 na siglo, nag-aklas si Martin Luther sa Simbahang Katolika, at ipinilit na "Biblia lamang" (Sola Scriptura) ang dapat pagbatayan ng lahat ng mga katuruang Cristiano: ang resulta ay ang Protestantismo na nagpasimula sa paglitaw ng napakaraming magkakaibang "simbahang maka-Biblia" ("Biblia" na tinanggalan ng mga Deuterocanonico).6 Maging ang mga bagong litaw na grupo gaya ng "Mga Saksi ni Jehova" at ng "Iglesia ni Cristo" ay naniniwala din na Biblia lamang daw ang batayan, kaya't maituturing pa rin talaga silang mga Protestante, kahit pa igiit nilang sila'y walang kinalaman sa Protestantismo.
Sa lahat ng mga pangunahing pag-aaklas, tinugunan ng Simbahang Katolika ang mga pagtuligsa ng mga humiwalay sa kanya, sa pamamagitan ng mga Konsilyo Ekumeniko pagpupulong ng lahat ng mga Obispo sa pamumuno ng Papa, upang magpasya hinggil sa pamamahala, katuruan, at pagsamba ng buong Simbahan. Ang erehiya ng Nestorianism ay tinugunan ng Council of Ephesus, ang erehiya ng Monophysitism ng Council of Chalcedon, ang pag-aaklas ng mga Simbahang Ortodoksa ng Second Council of Lyons at ng Council of Florence, at ang Protestantismo ng Council of Trent. Maging ang mga makabagong kalalagayan at suliranin ng Simbahan ay tinugunan ng mga Konsilyo ng Vatican I at Vatican II. Sa kabila ng mga ginagawa ng Simbahang Katolika upang mapanumbalik sila sa iisang Simbahan, marami ang patuloy na naninindigan sa kanilang pag-aaklas sa gayo'y natutupad sa kanila ang mga babala nina Apostol San Juan, San Judas, at San Pablo:
Sapagkat darating ang panahon na hindi na maaatim ng mga tao ang mabuting aral; sa halip, dala ng kanilang mga pithaya at sa pangangati ng kanilang mga tainga ay magbubunton sa kanilang sarili ng mga guro at itatalikod ang tainga sa katotohanan at ibabaling naman sa mga alamat. (2 Timoteo 4: 3-4) Sa huling panahon ay magsisilitaw ang mga manlilibak na nagugumon sa masasamang pita ng laman, udyok ng kanilang katampalasanan. Ito ang mga taong lumikha ng mga pagkakahati-hati, makamundo, salat sa espiritu. (Judas 1: 18-19) Mumunting mga anak, sumapit na ang huling oras. Batay sa inyong narinig na dumarating na ang anti-Cristo, marami nang anti-Cristo ang dumating; kung kaya nalalaman nating sumapit na ang huling oras. Sa atin sila nanggaling ngunit hindi sila sa atin, sapagkat kung sila ay atin, nanatili sana sila sa atin. Subalit ito ay nangyari upang matanyag na silang lahat ay hindi atin. (1 Juan 2: 18-19)
"And so, lastly, does the name itself of Catholic, which, not without reason, amid so many heresies, the Church has thus retained; so that, though all heretics wish to be called Catholics, yet when a stranger asks where the Catholic Church meets, no heretic will venture to point to his own chapel or house."
AUGUSTINE OF HIPPO (397 A.D.) |
APAT NA TATAK NG TUNAY NA SIMBAHAN
Ayon sa Kredo ng Nicaea na kinatha batay sa mga katuruan ng Council of Nicaea I noong 325 A.D. at ng Council of Constantinople I noong 381 A.D., ang Simbahan ay may apat na tatak: iisa, banal, katolika, apostolika. Mahalaga ito, sapagkat ito'y mga katangiang tinukoy ng Simbahan bago pa man nagkaroon ng mga malawakang pag-aaklas maituturing itong tiyak na pagkakakilanlan ng nag-iisa't nagkakaisang Simbahan noong unang tatlong siglo ng Cristianismo. Mapatutunayan ba natin na ang mga katangiang ito ay tinataglay pa rin ng Simbahang Katolika hanggang ngayon? Oo.
- KAISAHAN (unity)
Juan 17: 21-23; Galacia 3: 27-28; Efeso 1: 9-10, 2: 11-22, 4: 4; Colosas 3: 15 - KABANALAN (sanctity)
Efeso 1: 22, 5: 27; 1 Pedro 2: 9Kamakailan lamang ay nasaksihan ng ating henerasyon ang pormal na pagkilala kina San Pedro Calungsod, Pope St. John Paul II, Pope St. John XXIII, at St. Teresa of Calcutta bilang mga bagong Santo at Santa ng Simbahang Katolika. Batay ito sa pagkakaroon nila ng may-kabayanihang kabutihang-asal (heroic virtue)8 at sa mga napatunayang himala sa bisa ng pananalangin sa kanila. Pinatutunayan nito na ang katapatan sa pananampalataya, pamumuhay, at pagsambang Katoliko ay talagang nakapag-papabanal sa isang tao.
Tila isang kabalintunaan na sabihing "banal" ang Simbahan gayong may mga Obispo at Pari na nasasangkot sa mga krimen, lalo na sa mga seksuwal na pang-aabuso sa mga kabataan. Subalit ito'y mga kasamaang hindi itinuturo o ipinag-uutos o sadyang pinababayaan ng Simbahan; bagkus ito'y mga kasamaang tahasang lumalabag sa mga itinuturo at ipinag-uutos ng Simbahan. Nagkakasala ang lahat ng Katoliko, maging ang mga Obispo at Kaparian, sapagkat ang lahat ng tao ay makasalanan (1 Juan 1: 8), hindi dahil ang mismong Simbahang Katolika ay siya pang sanhi ng pagkakasala. Malinaw naman sa lahat na ang lahat ng kasamaan ay salungat sa tunay na diwa ng Pananampalatayang Katolika pananampalatayang kung matapat na isinasabuhay, sa tulong ng grasya ng Diyos, ay talagang may kapangyarihang pabanalin ang isang tao.
Sa Kaharian ng Diyos sa lupa, magkasamang napapabilang ang mga mabubuti at masasama: mga "trigo" at "masasamang damo", mga "tupa" at mga "kambing", mga "mabubuting isda" at mga "walang pakinabang na isda" (Mateo 13: 24-29, 36-43; 13: 47-50; 25: 31-46). Nakababagabag, subalit di dapat ikagulat o ikapagtaka kung sa mismong hanay ng mga tagapagturo ng Simbahan ay may "magsisilitaw na mga tao na magtuturo ng masasamang bagay upang maakit nila ang mga alagad" (Gawa 20: 30). Sa kabila ng mga nakikihalong kasamaan sa Simbahan, ang mismong Simbahan ay hindi natitinag o napawawalang-bisa: ang mismong Kaharian ng Diyos ay hindi mapananaigan. May magturo man ng mali, hindi mawawalan ng mga magtuturo ng tama. May magkasala man, hindi mawawalan ng kaparaanan para malunasan ang kasalanan. Wala tayong dapat na ikabalisa; ang kailangan lang gawin ng bawat isa ay "manatiling tapat hanggang sa wakas" (Mateo 10: 22).
- PANG-PANGKALAHATAN (catholicity)
Mateo 28: 19; Marcos 16: 15; Lucas 24: 47; Roma 10: 12-13Alinsunod sa Dakilang Atas ng Panginoong Jesus, patuloy na ipinalalaganap ng Simbahang Katolika ang kanyang pananampalataya, at ito'y mabisa niyang naisasakatuparan siya ang pinaka-laganap na Simbahan sa buong daigdig, na kinabibilangan ng humigit-kumulang isang bilyong mananampalataya. Siya rin ang pinaka-matanda sa lahat, na nagsimula noong 33 A.D. at nagpapatuloy sa kasalukuyan. Makikita rin sa kanyang mahabang kasaysayan kung paano niya napagtatagumpayan ang lahat ng kanyang mga kaaway at mga suliranin, at kung paano niya nalulunasan ang iba't ibang uri ng kasamaan sa lipunan, kahit pa maging sa sarili niyang hanay.
- PAGKAKABATAY SA MGA APOSTOL (apostolicity)
1 Corinto 12: 28; Efeso 2: 19-20; Pahayag 21: 14Ang mahaba't walang patid na hanay ng paghalili ng mga Papa, magmula kay San Pedro hanggang kay Pope Francis, ay nagpapakita ng apostolikong pinagbabatayan ng Simbahang Katolika. Walang Obispo ng Simbahan ang nagtalaga sa kanyang sarili; siya'y inordenahan ng isang naunang Obispo. Ang lahat ng mga Obispo ng Simbahang Katolika ay may hanay ng ordenasyon na matatalunton pabalik sa kauna-unahang ordenasyon na iginawad ng mga Apostol. Gayon din sa mga nahahalal na Papa: ang Papa ay inihahalal ng mga taong binigyang-kapangyarihan ng naunang Papa na maghalal (na kalauna'y tinawag na mga "Kardenal" o mga "pangunahing" Obispong tumutulong sa pamamahala ng Papa sa Simbahan), na kung tataluntunin ay babalik sa pagkakahalal kay Pope Linus bilang kahalili ni San Pedro sa Roma.
Sino ang pangkalahatang namamahala at nagtuturo sa Simbahang Katolika? Ang mga Obispo sa pamumuno ng Papa. "Ang Pinunong nasa Roma, ang Papa, ang Kumakatawan kay Kristo at kahalili ni Pedro, ang siyang may lubos, pinakamataas at pangkalahatang kapangyarihan sa Simbahan. At ang mga Obispo, bilang kahalili ng mga apostol sa kanilang papel bilang mga guro at pastol, kasama ng kanilang pinuno, ang Papa, at kailanman hindi hiwalay sa kanya, ang may pinakamataas at lubos na kapangyarihan sa buong Simbahan." (KPK 1410). Sa ganitong kaayusan, napananatili ng Simbahang Katolika ang kanyang pagkakaisa sa pamamahala, pananampalataya, at pagsamba, magmula noon hanggang ngayon.7
Ang kawalan ng mabisang batayan ng pagkakaisa ng mga di-Katolikong simbahan at sekta ay isang lantad na katotohanan, na pilit pinagtatakpan at ginagawan ng mga palusot. Subalit sa isang artikulo ng Encarta Encyclopedia tungkol sa mga relihiyon sa Estados Unidos, maliwanag na sinasabi:
"Most Christians in America are Protestant, but hundreds of Protestant denominations and independent congregations exist. Many of the major denominations... are splintered into separate groups that have different ideas about theology or church organization . . . Roman Catholics... are far more unified than Protestants . . . The Eastern Orthodox Church, the third major group of Christian churches, is divided by national origin"
["United States (people)", Microsoft Encarta, 2004.]
"About Jesus Christ and the Church, I simply know they're just one thing, and we shouldn't complicate the matter."
ST. JOAN OF ARC (1412-1431) |
ANG KABALINTUNAAN NG MGA ANTI-KATOLIKONG SEKTA
"Naglaho ang tunay na Simbahan, at kami na ngayon ang tunay!" ito ang karaniwang iginigiit ng mga anti-Katolikong sekta, bilang pagmamatuwid sa kanilang kawalan ng makasaysayang kaugnayan sa Simbahang itinayo at pag-aari ng Panginoong Jesus. Subalit makatuwiran ba ang naturang pag-aangkin? Hindi. Kung ang Simbahan noon ay di pala mapagkatiwalaang mananatili sa tunay na pananampalataya, wala rin namang dahilan upang pagkatiwalaan ang Simbahan ngayon, kahit mangyari pang ito'y talagang nasa tunay na pananampalataya na. Ang isang Simbahang minsan nang nagkamali o naglaho ay hindi kailanman mapagkakatiwalaan at sa gayo'y wala rin itong karapatang magturo at gawing alagad ang lahat ng mga bansa hangga't hindi niya permanenteng napananaigan ang panganib na siya'y muling magkamali o maglaho.
Subalit maaatim bang angkinin ng mga sekta ang mga katangian ng kawalang-pagkakamali at panghabang-panahon? Marami sa kanila'y hindi ito maatim, at sa gayo'y nananatili sa kabalintunaan ang kanilang mga sekta. Sa iilan namang may kakapalan-ng-mukha na angkinin ang mga katangiang ito, sila'y nahaharap naman sa isang panibagong kabalintunaan: Kung maaari naman palang gawing di-nagkakamali at panghabang-panahon ang Simbahan ngayon, bakit hindi pa ito ginawa ng Diyos sa Simbahan noon? Hindi ba't lubhang kaduda-duda, na ang Simbahan noon na tuwirang itinayo ng Panginoong Jesus at tuwirang pinaglingkuran ng mga Apostol ay siya pang pagbibintangang nagkamali at naglaho, habang ang Simbahan ngayon na nakasandig sa Biblia lamang at sa mga pagtuturo ng mga nagsariling-halal na mangangaral ay di na magkakamali at di na maglalaho pa?
Hindi masusumpungan sa Simbahang Katolika ang mga naturang kabalintunaan, sapagkat ➊ siya ang orihinal na Simbahan, at sa gayo'y ➋ may-katiyakang makapag-aangkin ng mga katangian ng ⒜ kawalang-pagkakamali, ⒝ panghabang-panahon, at ⒞ may-kapangyarihang-magturo-at-mamahala. Sa gitna ng mga magkakaibang denominasyon sa Cristianismo, ang Simbahang Katolika ang tanging tinig na mapagkakatiwalaan:
Ang pinakamahalagang tungkulin ng Obispo ay ang "pagpapahayag ng Ebanghelyo". Ang mga Obispo ay "tunay na guro", na pinagkalooban ng kapangyarihan ni Kristo, na nangangaral sa pakikipag-isa sa Papa sa Roma. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, iginawad ni Kristo sa kanyang Simbahan, lalung-lalo na sa Kolehiyo ng mga Obispong nagtuturong kaisa ng Kahalili ni Pedro, ang Santo Papa, ang biyaya ng kawalang pagkakamali. Ang biyayang ito ay nagpapanatili sa Simbahan na malayo sa pagkakamali sa pagtuturo ng anumang ipinahayag ng Diyos tungkol sa pananampalataya at moral na pamumuhay. (KPK 1423)
- Bakit nga ba "simbahan" ang ginagamit na salita sa wikang Filipino? Sa sinaunang Tagalog, magkaiba ang kahulugan ng "samba" at "simba". Ang samba ay isang uri ng panunumpa: May isang kaugalian na tinatawag na pasambahan, na kung saan siyang nanunumpa ay nagdadala ng imahen ng isang nakakatakot na halimaw, at saka manunumpang nawa'y lapain siya ng naturang halimaw kung hindi siya tutupad sa kanyang pangako. Sa kabilang banda, simbahan naman ang tawag sa bahay ng isang pinunong bayan sa tuwing nagtitipon doon ang buong bayan upang isagawa ang pandot (ang tawag sa seremonyas ng pagsamba sa mga diyus-diyusan ng mga Tagalog). Samakatuwid, kung ang pagbabatayan ay ang orihinal na gamit ng mga salitang "simba" at "samba", mas naaangkop na gamitin ang salitang "simbahan" kaysa "sambahan", bilang katumbas ng salitang Griyegong ekklesia. [source: Ancient Beliefs and Customs of the Tagalogs by Jean-Paul G. POTET, pages 508, 528, 529, 530, 541.] [BUMALIK]
- "Archaeological and literary evidence supports the belief that St. Peter was martyred in Rome and even that he was buried in the traditional site under the main altar of Saint Peter's Basilica . . ." ("Papacy", Microsoft Encarta, 2004.) Ayon kay St. Irenaeus: "The blessed apostles, then, having founded and built up the Church, committed into the hands of Linus the office of the episcopate. Of this Linus, Paul makes mention in the Epistles to Timothy. To him succeeded Anacletus; and after him, in the third place from the apostles, Clement was allotted the bishopric . . . To this Clement there succeeded Evaristus. Alexander followed Evaristus; then, sixth from the apostles, Sixtus was appointed; after him, Telephorus, who was gloriously martyred; then Hyginus; after him, Pius; then after him, Anicetus. Soter having succeeded Anicetus, Eleutherius does now, in the twelfth place from the apostles, hold the inheritance of the episcopate. In this order, and by this succession, the ecclesiastical tradition from the apostles, and the preaching of the truth, have come down to us. And this is most abundant proof that there is one and the same vivifying faith, which has been preserved in the Church from the apostles until now, and handed down in truth." (Against Heresies, book 3, 189 A.D.) [BUMALIK]
- "The Roman Catholic Church... is the Christian Church in full communion with the Bishop of Rome . . . It traces its origins to the original Christian community founded by Jesus Christ and led by the Twelve Apostles, in particular Saint Peter . . . . As the oldest branch of Christianity, the history of the Catholic Church plays an integral part of the History of Christianity as a whole." ("Roman Catholic Church", New World Encyclopedia) "Roman Catholic Church, the largest single Christian body, composed of those Christians who acknowledge the supreme authority of the bishop of Rome, the pope, in matters of faith. The word catholic (Greek katholikos) means 'universal' and has been used to designate the church since its earliest period, when it was the only Christian church . . . . Until the break with the Eastern church in 1054 and the break with the Protestant churches in the 16th century, it is impossible to separate the history of the Roman Catholic Church from the history of Christianity in general." ("Roman Catholic Church." Microsoft Encarta, 2009.) [BUMALIK]
- Nestorianism. Erehiyang nagsasabi na si Jesus ay may dalawang persona, Jesus-na-tao at Jesus-na-Diyos, at si Maria daw ay ina ng Jesus-na-tao lamang kaya't di maaaring tawaging Ina ng Diyos. Ang tamang aral ay si Jesus Diyos na totoo at Taong totoo sa iisang Persona bilang Diyos Anak. Kaya't si Maria ay maaaring tawaging Ina ng Diyos. Monophysitism. Erehiyang nagsasabi na si Jesus ay mayroon lamang iisang kalikasan: kalikasang pang-Diyos, at nang siya'y magkatawang-tao, "sinapawan" o "tinunaw" ng kanyang pagka-Diyos ang kanyang pagka-tao, kaya't di maituturing na totoong tao. Ang tamang aral ay si Jesus ay Diyos na totoo at Taong totoo sa iisang Persona, sa paraang di nagkakahalo o nagkakalito. [BUMALIK]
- Ortodoksa. Salitang Griyego na ang kahulugan ay "tama, matuwid". Iginigiit ng mga Simbahang Ortodoksa na sila ang tunay na Simbahan na nananatili sa tamang aral. Sila nga'y mga totoong Simbahan dahil ang kanilang mga Obispo ay may apostolikong paghalili, at nananatili silang tapat sa mga katuruan ng unang pitong Konsilyo Ekumeniko ng Simbahan. Subalit sila'y may kakulangan, dahil hiwalay sa pamumuno ng Papa at sa mga katuruan ng mga sumunod na Konsilyo Ekumeniko. [BUMALIK]
-
Protestantismo. Sa Diet of Speyer na ginanap noong 1529, napagpasyahan na ang mga pamayanang umanib sa sektang Luterano ay malayang makapagpapahayag at makapagsasabuhay ng kanilang paniniwala, subalit dapat nilang pahintulutan at pabayaan ang mga Katoliko na magpatuloy sa kanilang pagiging Katoliko, at pansamantalang ipahinto ang anumang pagbabago sa nakagisnang doktrina at pagsamba hangga't walang maayos na pagaaral na naisasagawa hinggil dito. Hindi pumayag ang mga pinunong Luterano at "nagprotesta" sila sa itinakda ng pagpupulong. Ito ang pinagsimulan ng taguring "Protestante".
Nagpasimula sa paglitaw ng napakaraming magkakaibang "simbahang maka-Biblia". Ayon sa Grolier Encyclopedia,"Protestants have always made much of the Bible, but acceptance of its authority has not led unanimity among them. Differing interpretations of the same Bible have produced the most divided movement of any in the great world religions, as hundreds of sects in at least a dozen great Protestant families of churches (Anglicanism, Congregationalism, Methodism, Presbyterianism, Lutheranism, the Baptist churches, and the like) compete in free societies . . . Protestantism, more than Roman Catholicism and Orthodoxy, has faced two recurrent problems. The first relates to the internal unity of the movement. From the Reformation until the present, Protestants have sought concord but more often than not have remained in dispute"
["Protestantism", Grolier International Encyclopedia, 1995.] [BUMALIK] -
Ito ay mga sipi buhat sa "Formula of Pope Hormisdas" noong 519 A.D., isang dokumentong tinanggap sa buong Simbahan, mga halos 500 taon bago pa man naganap ang iskismo ng mga Simbahang Ortodoksa noong 1054 A.D. Sinipi din ito sa ika-apat na kabanata ng ika-apat na sesyon ng First Vatican Council.
"The first condition of salvation is to keep the norm of the true faith and in no way to deviate from the established doctrine of the Fathers. For it is impossible that the words of our Lord Jesus Christ, who said, 'Thou art Peter, and upon this rock I will build my Church,', should not be verified. And their truth has been proved by the course of history, for in the Apostolic See the Catholic religion has always been kept unsullied. From this hope and faith we by no means desire to be separated and, following the doctrine of the Fathers, we declare anathema all heresies . . . . Following, as we have said before, the Apostolic See in all things and proclaiming all its decisions, we endorse and approve all the letters which Pope St Leo wrote concerning the Christian religion. And so I hope I may deserve to be associated with you in the one communion which the Apostolic See proclaims, in which the whole, true, and perfect security of the Christian religion resides. I promise that from now on those who are separated from the communion of the Catholic Church, that is, who are not in agreement with the Apostolic See, will not have their names read during the sacred mysteries."
Pinatutunayan nito na noon pa ma'y itinuturing na ang pakikiisa sa Papa bilang tanda ng pagiging tunay na bahagi ng Simbahang Katolika na itinayo ng Panginoong Jesus. [BUMALIK]
- "The performance of 'virtuous actions with uncommon promptitude, ease, and pleasure, from supernatural motives and without human reasoning, with self-abnegation and full control over natural inclinations.' It is so defined by Benedict XIV in his treatise on beatification and canonization. It means eminence in practise of the social or cardinal virtues, prudence, justice, temperance, and fortitude, and in the theological or godly virtues, faith, hope, and charity. The principal requirement in the process for the beatification and canonization is to prove that a servant of God practised these virtues in an extraordinary or heroic manner." (1910 New Catholic Dictionary) [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF