"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

- ADS -

- ADS -

Martes, Hunyo 15, 2021

Porke't Marami, Mali na Lahat?

Simple lang ba ang buhay ng tao? Sa aking palagay, hindi. Bakit? Ito'y sapagkat lagi tayong nangangailangang magdesisyon. Lagi tayong namimili ng kung ano ba ang dapat o di dapat gawin. Kahit sa panaginip nag-iisip pa rin tayo kung paano tutugon sa daigdig na kinatha ng ating imahinasyon. At kapag nakapagdesisyon ka na, napagtatanto mong marami ka palang dapat gawin, at may mga pagkakataon ding hindi lahat ng ito ay magagawa mo (dahil sa mga limitasyong itinatakda ng totoong buhay). Ang simpleng buhay, sa aking palagay, ay ang pagkakaroon ng tiyak na desisyon sa lahat ng bagay nang di nangangailangan ng matagal at masinsinang pagpapasya, at ng mabilis at mabisang pagsasakatuparan ng iyong napagpasyahan.

Maikli lang ang buhay ng tao kaya't di dapat sayangin sa labis na pag-iisip at walang katuturang pagpapakapagod. Subalit ang naturang paghahangad ay di dapat maging dahilan para huwag nang pag-isipan ang mga bagay na kailangang pag-isipan, at huwag nang pagsikapan ang mga bagay na kailangang pagpaguran. Maraming tao ang di mo makausap nang maayos at di mo maasahang kumilos udyok ng kanilang katamaran at pagbubulag-bulagan — mga taong tila ba di kayang tanggapin ang katotohanang sa buhay na ito, may limitasyon kung hanggang saan lang ba maaaring pasimplehin ang mga bagay-bagay. Sabi nga ni Albert Einstein, "Everything should be made as simple as possible, but no simpler."

Ang labis at di makatuwirang pagpapasimple (oversimplification) ay malimit gawin ng mga anti-Katoliko pagdating sa mga usaping pang-relihiyon. Ilan sa mga karaniwang sinasabi nila ay ang mga sumusunod:

  • "Napakaraming magkakaibang simbahan sa Cristianismo. Ibig sabihin, wala talagang mapagkakatiwalaan. Ang lahat ng kanilang sinasabi ay pawang opinyon lang at walang batayan. Mas mabuti pang talikdan ang Cristianismo. At dahil marami ring magkakaibang relihiyon sa mundo bukod sa relihiyong ito, mas mabuting talikdan na lang ang lahat ng relihiyon."
  • "Kung talagang Salita ng Diyos ang Biblia, bakit napakaraming magkakaibang bersyon nito? Bakit napakaraming magkakaibang interpretasyon? Bakit napakaraming pamamaraan ng pagpapaliwanag sa halip na tanggapin ang payak at literal na sinasabi? Patunay ito na ang Biblia ay gawa-gawa lang ng tao at kasangkapan lang para ipagpilitan ang kanya-kanyang opinyon, kaya't di dapat gawing pamantayan ng tamang paniniwala at matuwid na pamumuhay."
  • "Napakaraming mga paliwanag ng Simbahang Katolika hinggil sa kanyang mga doktrina. Bakit kailangan pa ng mga mahahabang paliwanag sa halip na ituro ang simpleng katotohanan? Halatang ang mga Katoliko'y nangangatuwiran lang para ipagmatuwid at pagtakpan ang kanilang mga mali at inimbentong doktrina."

Ang mga ito'y maituturing na balintunang pangangatuwiran sapagkat ang mga naging konklusyon (na ang lahat ng relihiyon ay mali, na ang Biblia ay gawa-gawa lang ng tao, na ang Katolisismo ay mali/imbento lang) ay di batay sa mga makatotohanang ebidensya at makatuwirang argumento, kundi sa sadyang pagbubulag-bulagan — hindi na ibig siyasatin ang mga impormasyong mayroon dahil "napakarami" ng kailangang siyasatin. Isang kabalintunaan, sapagkat hindi porke't marami ay mali na lahat (Plain Truth Fallacy).

Oo, napakaraming magkakaibang pagpipilian, subalit ang "marami" (plenty) at "walang katapusan" (infinite) ay dalawang magkaibang bagay. Oo, imposibleng mamili mula sa isang walang hanggang listahan, subalit hindi naman ganyan ang sitwasyon pagdating sa mga magkakaibang simbahan, magkakaibang relihiyon, at magkakaibang bersyon, interpretasyon, at pamamaraan ng pagpapaliwanag ng Biblia. Oo, kumplikado ang mga doktrina ng Simbahang Katolika, subalit may mga pamamaraan naman upang maipaunawa ito kahit sa mga bata at sa mga di edukado. Ang problema, ayaw lang talaga nating magsikap, mapagod, at mag-isip nang matagal. Bakit nga ba: Tinatamad ba tayo? Natatakot ba tayong magkaroon ng mga kaaway? Masyado ba tayong abala kaya't kuntento na sa mga di pinag-isipang desisyon at panghuhusga? Napakatalino ba ng tingin natin sa ating sarili, anupa't minamaliit natin ang mga usaping pang-relihiyon?

Sa tuwing hinahatulan mo ang isang bagay, hindi ba't dumadagdag ka lang sa mga "napakaraming magkakaibang opinyon" hinggil sa bagay na iyon? Kung magkagayon, anong basehan mo para ituring na tama ang opinyon mo? Kung ang pagkakaroon ng maraming magkakaibang opinyon hinggil sa isang bagay ay nangangahulugan na wala talagang wastong impormasyong maaaring matalastas hinggil sa bagay na iyon, hindi ba't nangangahulugan din na ang mismong opinyon mo ay mali at/o di mapagkakatiwalaan?

"Before I formulate an opinion, I try as a scholar and as an academician to read entire libraries on the topic and to listen to as many people as possible, regardless of whether they are savants or plain fools. However, once I have formed an opinion, I no longer want to change it. Only experience can tell me whether I'm right or I'm wrong. If I'm right, I will gloat a little bit about it. If I'm wrong, then I will excoriate myself, I will apologize publicly."

MIRIAM DEFENSOR SANTIAGO


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Huwebes, Hunyo 03, 2021

Dasal lang?

"Ano ang mapapakinabang ng tao, mga kapatid ko, sabihin man niya na siya ay may pananampalataya ngunit hindi naman isinasagawa ito? Maililigtas ba siya ng pananampalataya?"

SANTIAGO 2: 14

Noong ika-24 ng Abril ay nagpositibo ako sa COVID-19. Sa loob ng halos dalawang linggo'y nakaranas ako ng lagnat, kawalan ng panlasa, pananakit ng katawan, at hirap sa pagkain at paghinga. Bagama't sa klasipikasyon ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases ay "mild" lamang ang naging mga sintomas ko, hindi ito naging "magaan" para sa akin. Sa wari ko'y mas magaan pa nga ang pakiramdam ng may malalang trangkaso. Oo, wala akong ubo, sipon, at sakit ng lalamunan, subalit nilagnat naman ako nang siyam na araw, at hindi ako makakain ng kahit ano liban sa saging at ubas (ang tanging dalawang pagkain na nalalasahan ko). Nang ika-10 hanggang ika-14 na araw ay nakaranas ako ng matinding pagkahapo, anupa't sa mga simple at mumunting pagkilos (gaya ng pagsisipilyo, pagpunta sa banyo, atbp) ay hindi na ako halos makahinga. Sobrang sakit naman sa dibdib kung pipilitin kong huminga nang malalim. (Ngayon ko na lang napagtatanto na dapat pala'y nagpa-ospital ako noon para magpa-oxygen! Ewan ko ba kung anong nasa isip ko nung mga araw na iyon.)

Habang nararatay sa banig ng karamdaman, may iilan akong mga katrabaho na kinukumusta ako kung ano na bang nangyari sa akin at nagtatanong kung bakit bigla na lang akong nawala. Siyempre hindi sinabi sa kanila ng boss namin na nagka-COVID ako, kaya nagulat sila nang malaman ang totoong kalagayan ko. Nakatanggap ako ng mga karaniwang payo: magpahinga, huwag pwersahin ang sarili, piliting kumain kahit mahirap, uminom ng maraming tubig, kumain ng maraming prutas, lakasan ang loob, at siyempre, ang pinaka-paboritong payo ng lahat: magdasal at magtiwala sa Diyos.

Tama naman na kumapit ka sa dasal. Gayon man hindi natin maikakaila na marami ang nagdasal at ipinagdasal subalit nahawaan, nagdusa, at may ilang namatay pa rin sa COVID. Sa kabila nito'y patuloy pa rin tayo sa pagsusumamo, dahil sabi nga ng Panginoon, "Kung wala ako ay wala kayong magagawang ano man." (Juan 15: 5). Gayon din ang paalala ni Archbishop Socrates Villegas noong nakaraang taon:

"Let us not leave God out of the threat of COVID 19. Our first combat gear against all sickness is prayer. There is no cure without God willing it. We cannot win over sickness without God" (Christ, COVID 19 and our faith, March 10, 2020)

Masisisi mo ba ang isang maysakit kung panghinaan siya ng pananampalataya, kung sukuan na niya ang posibilidad na pagalingin siya ng Diyos? Habang nakikipaglaban sa sakit, maaga akong tumigil sa pananalangin para sa aking kagalingan. Bagkus, ipinagdasal ko na lang na huwag nawang ipahintulot ng Diyos na mahawa sa akin si Mama (dahil sa bahay lang ako nagpagaling): "Panginoon, wala na po akong pakealam kung anong mangyari sa akin, basta't ingatan ninyo ang nanay ko!" Inialay ko na lang din sa Kanya ang mga paghihirap ko para sa ikapagbabalik-loob ng mga kakilala kong walang pananampalataya. Dumating sa puntong tinanggap ko na nang maluwag sa dibdib ang posibilidad na mamamatay ako.

Noong May 13, nag-negatibo na ako sa RT-PCR Test. Lumipas din ang dalawang linggo at walang anumang naging sintomas si Mama — hindi siya nahawa sa akin. Salamat sa Diyos! Pero ano bang dapat kong ipagpasalamat kung wala namang milagrosong nangyari matapos ng aking mga pagdarasal? Wala namang tinig mula sa langit na sumasagot sa bawat pananalangin ko. Paano ko masasabing tinulungan ako ng Diyos? Paano ko masasabing nakatulong ang aking pananampalataya?

Iyan ang isa sa mga malaking pagkakamali nating mga Cristiano pagdating sa panalangin: ang akalaing ang Diyos ay kumikilos lamang sa paraang milagroso, kamangha-mangha, kapansin-pansin, kagila-gilalas. Ang Diyos ang lumikha sa buong sanlibutan at kung loloobin niya, maaari siyang kumilos sa buhay natin sa pamamagitan ng mga bagay sa sanlibutan. Kung gumaling ako sa COVID-19 dahil nagawang talunin ng immune system ko ang SARS-CoV-2, isang malaking kamangmangan na isiping hindi ko kinailangan ang tulong ng Diyos sa aking paggaling. Gumaling ako dahil ibig ng Diyos na gumaling ako!

Lahat ng nangyayari sa buhay natin ay nangyayari dahil kalooban ito ng Diyos, at kung ipinahintulot man niyang magkaroon ng COVID-19 sa mundo, kaakibat lagi nito ang mas malaking kabutihan (natatalastas ko man ang mga kabutihang iyon o hindi pa). Iyan ang idinidikta ng katuwiran — na kung may isang Dakilang Katauhang umiiral (Supreme Being) na nagtataglay ng perpektong kabutihan, at ang Dakilang Katauhang ito ang siyang lumikha sa sanlibutan, ibig sabihin, ano mang kasamaang nararanasan natin sa buhay ay batid niya, ipinahintulot niya, at di niya hahayaang manaig. Masira man ang buhay ko sa daigdig na ito, batid kong hindi pa ito ang katapusan ng aking kuwento — mayroong Paghuhukom sa ating kamatayan (Lucas 16: 19-31) at sa katapusan ng mundo (Pahayag 20: 11-12).

Anong implikasyon nito sa buhay ko bilang isang Katolikong Cristiano? Nangangahulugan ito na hindi ko dadaanin sa "dasal lang" ang aking mga problema. Hindi ko ipagmamakaawa sa Diyos na alisin niya ang mga tinik na siya rin ang nagtusok, o pagaanin ang mga pasaning siya rin naman ang nagpabigat. Hindi ako maghahangad ng milagrosong solusyon sa lahat ng mga suliranin. Hindi ako mawawalan ng pananampalataya dahil lang sa walang himala sa buhay ko. Kakapit ako sa dasal, pero kikilos din ako — sisikaping gawin ang anumang inaasahan ng Diyos sa akin. Hihingi din ako ng tulong sa lahat ng pwedeng makatulong, sapagkat nababatid kong ang tulong ng Diyos ay dumarating sa tao hindi lang sa pamamagitan ng mga sobrenatural na kaparaanan, kundi sa pamamagitan din ng mga natural na kaparaanan. Ano man ang mangyari sa buhay ko, mabuti man o masama, dapat ko iyong ipagpasalamat sa Diyos. "Magalak kayong lagi, manalangin nang walang humpay, magpasalamat sa lahat ng bagay; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos sa inyo, kay Cristo Jesus." (1 Tesalonica 5: 16-18).


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF