"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Totoo bang may Diyos?

"Ibig kong ipagpatuloy mo ang pagpunta sa Cova de Iria sa ika-13,
at magpatuloy sa pagdarasal ng Rosaryo araw-araw.
Sa huling buwan, gagawa ako ng himala upang ang lahat ay maniwala."

Mga salita ng Mahal na Birhen kay Lucia
13 August 1917


 

ANG PAG-IRAL

Ang pag-iral (existence) ay isang kaisipan (concept) na mahalaga lamang para sa isang may-buhay na may-isip (intelligent being) na (a) sadyang nakapapansin sa kanyang kapaligiran (sa bisa ng mga kakayahang pandamdam), (b) nagpapahalaga sa katotohanan (dahil sa likas na pagkahilig sa kung ano ang tama at totoo), at (c) inuunawa ang sanlibutang kinabibilangan niya (sa bisa ng makatuwirang pag-iisip). Sa madaling salita, ang usapin hinggil sa pag-iral ng kung ano pa mang bagay ay mahalaga lamang para sa isang matinong tao. Sa aking palagay — bilang isang tao na nakatitiyak ng sarili nitong katinuan — ang pag-iral ay tumutukoy sa tatlong magkaka-ugnay na mga katangiang di-mapaghihiwalay:

MAAARING-MATUKOY (identifiability) Ito ba'y may angking pagkakakilanlan (identity) / pagiging-natatangi (uniqueness, specificity, distinctiveness) na namamalagi sa katangiang-likas nito, anupa't magagawa ko itong (a) pangalanan (name, label), (b) ihambing sa iba pang mga inaakala kong umiiral (compare, contrast), (c) ilarawan sa anumang malikhain/masining o simbolikong pamamaraan (describe, illustrate, represent), o (d) bigyang-paliwanag/bigyang-kahulugan (explain, interpret, define)?


PANLABAS-NG-ISIPAN (objectivity) Ito ba'y nasa-isip-lamang (subjective) at walang katumbas sa labas ng aking isipan, o ito ba'y nasa-labas-ng-isipan (objective), may nakaka-isip man nito o wala, o tumutugma man ito o hindi sa naiisip ng sinomang may-buhay na may-isip na nakaka-isip nito?


NAKAPANG-YAYARI (causativity) Ito ba'y may napangyayari — may ginagawa (doing), binabago (changing), pinakikilos (moving), pinatitigil (stopping), o sinusupil (annihilating)? At kung mayroon nga, ito ba'y nangyayari sa-aking-sarili-lamang (alalaong-baga'y sa aking isipan, damdamin, katawan, at pagkilos), o pati sa aking-kinabibilangang-kapaligirang-naoobserbahan?

"Creation of Adam" ni Michelangelo (kaliwa) at
"Touched by His Noodly Appendage" ni Arne Niklas Jansson (kanan)

 

"Totoo bang may Diyos?" Siya ba'y isa lang maling akala (sanhi ng ilusyon, panlilinlang, pagkukulang sa mga kakayahang pandamdam, halusinasyon, sakit sa pag-iisip, sinsay na pangangatuwiran, katangahan, atbp.)? Siya ba'y nasa isip ko lang, o talagang masusumpungan sa labas ng aking isipan, hindi bilang kathang-isip lang din ng ibang isipan (sapagkat ang kanilang iniisip ay nasa labas din ng aking isipan), kundi talagang masusumpungan sa labas ng lahat ng isipan, at tumutugma sa lahat ng mga naiisip ko hinggil sa kanya? Mayroon ba siyang napangyayari sa buhay ko at sa kapaligiran ko, at maaari ko bang maobserbahan ang mga pangyayaring iyon? Bilang isang matinong tao, hindi katanggap-tanggap sa akin na basta na lamang ako "maniniwala sa Diyos" nang di-pinag-iisipang mabuti ang lahat ng mga ito.

"Hindi salungat ang Pananampalatayang Kristiyano sa ating pag-iisip. Bagkus, tanging ang mga may isip na nilalang lamang ang maaaring maniwala. Subalit ang pananampalataya mismo ay isang biyaya na nagbibigay-liwanag sa ating isipan."

KPK 147

ANG DIYOS

Sa salitang "Diyos", ang tinutukoy ng Simbahan ay "siyang dakilang umiiral . . . ganap, gumawa sa lahat ng bagay . . . nangangalaga at nag-iingat sa lahat . . . umiiral sa kanyang sarili . . . walang hanggan ang kaganapan". (Almario 22-23)1

Sa sipi ng ating pambansang Katesismo sa katuruan ng First Vatican Council ay nasasaad:

Iisa ang totoo at buhay na Diyos, Manlilikha at Panginoon ng langit at lupa, makapangyarihan, walang-hanggan, di-masukat, di-malirip, di-maarok na karunungan at kalooban at sa bawa't kaganapan . . . isang natatanging buod pang-espirituwal (one unique spiritual substance), tunay na payak at di-nagbabago . . . tunay at totoong naiiba kaysa sa mundo, pinakabanal sa Kanyang Sarili (most blessed in and of Himself), at may di-maipahayag na kadahilanan sa lahat ng nabubuhay o maaaring maisip maliban sa Kanyang Sarili (inexpressibly exalted above all things that exist or can be conceived other than Himself). [KPK 303]

Pagpapatuloy pa ng Katesismo: Ang Diyos ay ang "natatanging Katotohanang Di-Nilikha", "Unang Sanhi ng pag-iral", "lubusang natatangi at naiiba sa anumang nilikhang bagay". Siya ang "sukdulang simula at pinagmulan", "ang tagapag-ugnay, at ang katapusang layunin ng lahat ng bagay" (KPK 315, 353, 356). Itinuturo din ng Simbahan na kahit sa pamamagitan ng katuwiran lamang — kung kanyang ipagsasaalang-alang (a) ang sanlibutang kinabibilangan niya at (b) ang kanyang mismong pagka-tao — maaaring makilala ng tao ang Diyos bilang:

  • "pinagmulan at hantungan ng sanlibutan",
  • "kataas-taasang kabutihan", at
  • "walang-hanggang katotohanan at kagandahan". (CCCC 3)

Katumbas na rin ito ng pagsasabing kung matapat at masigasig mong pag-iisipan, hindi na kailangang turuan ka pa ng Simbahang Katolika upang mapagtanto mo na mayroon nga talagang Diyos, at kung ano ba ang mga batayang-katangian ng kanyang pagka-Diyos. Ang gayong pamamaraan ng pagkakilala sa Diyos ang siyang pinag-aaralan at itinuturo sa natural theology — isang pamamaraang itinataguyod din mismo sa mga Banal na Kasulatan. (Tingnan sa: Roma 1: 19-20; Karunungan 13: 1, 5; Salmo 13: 1; Mga Gawa 17: 22-31)

ANG APAT NA MGA SANHI NG PAG-IRAL AYON SA PILOSOPONG SI ARISTOTLE (384 - 322 B.C.)

Para sa kumpletong pagpapaliwanag hinggil sa pag-iral ng isang bagay, marapat ipagsaalang-alang ang mga sumusunod na sanhi:

material cause yaong mga bagay na bumubuo (sumasangkap) o pinanggalingan nito.
formal cause yaong anyong huwaran o pagkaka-saayos upang bumuo ng natatangi't namamalaging pagkaka-kilanlan nito.
efficient cause yaong nagsagawa o nagpakilos sa #1, at mapangyari o mabuo ito alinsunod sa #2.
final cause ang nilalayon sa pagsasagawa nito, kung para saan nga ba ito, kung bakit nga ba ito umiiral/nangyayari.

ANG "LIMANG MGA PAMAMARAAN" NI ST. THOMAS AQUINAS (1225 - 1274 AD)
SA PAGPAPALIWANAG NG PAG-IRAL NG DIYOS
(batay sa: SUMMA THEOLOGICA: QUESTION 2, ARTICLE 3)

  1. May mga bagay sa mundo na "gumagalaw" (motion) mula sa "pagiging-potensyal" (potentiality) tungo sa "pagiging-aktuwal" (actuality). Ang apoy ay aktuwal na mainit, habang ang kahoy ay potensyal na mainit. Hindi maaaring ang isang bagay na nasa potensyal ay makapupunta sa aktuwal, malibang may isang aktuwal na magpapagalaw sa kanya patungo sa aktuwal. Hindi naman maaaring ang isang bagay ay sabay na nasa potensyal at nasa aktuwal, malibang magkaibang mga katangian ang pinag-uusapan: ang isang bagay na aktuwal na mainit ay maaaring potensyal na malamig din, subalit kabalintunaan na sabihing ito'y potensyal ding mainit. Kaya nga, anumang bagay na gumagalaw ay may naunang nagpagalaw, at yaon ay pinagalaw din ng naunang nagpagalaw. Subalit hindi maaaring maging walang katapusan ang hanay ng mga pinagalaw at nagpagalaw. Samakatuwid, kailangang magkaroon ng pinaka-unang nagpagalaw na siya mismo'y hindi nangangailangan ng magpapagalaw. Ito ang tinatawag nating Diyos.
  2. Sa mundo'y makasusumpong ng hanay ng mga "mabisang pagsanhi" (efficient causation). Wala tayong makikitang bagay na mabisang sinanhi ang sarili niya, sapagkat mangangahulugan iyon na nauna siyang umiral sa sarili niya, na imposible naman. Hindi maaaring maging walang katapusan ang hanay ng mga pagsanhi, sapagkat kung tataluntunin ang pagkakasunud-sunod, ang unang sanhi ang sumanhi sa tagapamagitang sanhi, na sumanhi sa huling sanhi, kahit mangyari pang ang tagapamagitang sanhi ay marami o iisa lang. Alisin mo ang sanhi at kasamang naalis ang mga epekto nito. Kung walang unang sanhi, wala ring magiging mga tagapamagitang sanhi, at wala ring magiging huling sanhi. Samakatuwid, kailangang magkaroon ng unang mabisang sanhi. Ito ang tinatawag nating Diyos.
  3. Sa kalikasa'y makasusumpong ng mga bagay na posibleng umiral at hindi umiral (contingent): mga bagay na nabuo, at kalauna'y masisira/mabubulok hanggang sa maglaho. Kabalintunaan na sabihing ang mga naturang bagay ay laging umiiral, dahil posible nga silang hindi umiral. Kung ang lahat ng bagay ay posibleng hindi umiral, samakatuwid may panahong walang anumang umiiral. Kung gayon, dapat hanggang ngayo'y wala pa ring umiiral, sapagkat anumang bagay na nagsimulang umiral ay sinimulan ng isang bagay na umiiral na — na isang kabalintunaan. Samakatuwid, kailangang magkaroon ng isang bagay na umiiral, na ang mismong pag-iral ay hindi lamang posible kundi "kinakailangan" (necessary). Subalit anomang bagay na kinakailangan ay may naunang sumanhi ng kanyang pagiging-kinakailangan; isang hanay ng pagsanhi na hindi maaaring magpatuloy nang walang katapusan. Samakatuwid, kailangang magkaroon ng isang kinakailangang umiiral, na nagmula sa kanyang sarili ang pagiging-kinakailangan, at siyang sumanhi sa pagiging-kinakailangan ng iba. Ito ang tinatawag nating Diyos.
  4. Sa mga bagay ay makasusumpong ng bahagdan ng mga katangian: may "higit" o "kulang" sa kabutihan, katotohanan, karangalan, atbp. — nahahatulan sila batay sa antas ng pagkaka-tulad sa itinuturing na sukdulan: ang isang bagay ay sinasabing mas mainit kung ito'y mas tumutugma sa pinaka-mainit. Kung gayon, mayroong bagay na nasa sukdulan ng lahat ng mga katangian: isang bagay na siyang dakilang umiiral. Ang sukdulan ng isang katangian ang siyang sanhi ng lahat ng may taglay ng naturang katangian, kung paanong yaong pinaka-mainit ang sanhi ng lahat ng init. Samakatuwid, kailangang magkaroon ng isang dakilang umiiral na sanhi ng lahat ng pag-iral (being), kabutihan (goodness), at kaganapan (perfection). Ito ang tinatawag nating Diyos.
  5. Sa mundo'y makasusumpong ng kapamahalaan: makikitang ang mga bagay na walang-isip ay lagi o halos laging kumikilos tungo sa iisang hantungan, na wari ba'y nakatakda silang kumilos nang gayon. Hindi naman maaaring ang isang bagay na walang-isip ay makapag-tatakda ng layunin ng kanyang pagkilos, malibang siya'y sadyang pakikilusin ng isang umiiral na may-isip, tulad ng isang mamamana na itinira ang kanyang palaso sa markang nais niyang patamaan. Samakatuwid, may isang umiiral na may-isip na namamahala sa kaayusan ng lahat ng walang-isip na bagay tungo sa hantungang palagiang pinatutunguhan nila. Ito ang tinatawag nating Diyos.

Sa bawat isang Pamamaraan, ang pangangatuwira'y laging nagsisimula hinggil sa kung ano ang naoobserbahan sa sanlibutan ("sa mundo", "sa kalikasan", "sa mga bagay") — alinsunod ito sa itinuturo ni Apostol San Pablo: "Mula sa pagkalalang ng daigdig, ang mga katangiang di-nakikita ng Diyos, maging ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at ang kanyang pagka-Diyos, ay nakikita sa kanyang mga ginawa." (Roma 1: 20). Ipinahihiwatig nito na ang Pananampalatayang Cristiano ay kinasasangkutan, hindi lamang ng pag-aaral ng mga katotohanang inihayag ng Diyos (dogmatic theology), kundi pati ng pag-aaral ng mga katotohanang pang-kalikasan. Ang isang tunay na Katolikong Cristiano ay nagpapahalaga sa pag-aaral ng agham (science), sapagkat sa pamamagitan nito'y lalo niyang nakikilala ang Diyos, at lalong umuunlad ang pagka-unawa niya sa mga gampanin niya sa mundong pinaglagyan sa kanya (natural theology). Ito ang dahilan kung bakit nasasabi ng Simbahan na kahit sa pamamagitan ng katuwiran lamang, maaaring mapagtanto ng isang tao na mayroon nga talagang Diyos, at kung ano nga ba ang kahulugan ng pagiging "Diyos".

"Though faith is above reason, there can never be any real discrepancy between faith and reason. Since the same God who reveals mysteries and infuses faith has bestowed the light of reason on the human mind, God cannot deny himself, nor can truth ever contradict truth. Consequently, methodical research in all branches of knowledge, provided it is carried out in a truly scientific manner and does not override moral laws, can never conflict with the faith derive from the same God. The humble and persevering investigator of the secrets of nature is being led, as it were, by the hand of God in spite of himself, for it is God, the conserver of all things, who made them what they are."

CCC 159

ANG UNANG SANHI

Kung pag-aaralan ko ang sanlibutan, maipag-papalagay2 ko ang dalawang magka-ugnay na saligang-paniniwala (postulate):

  1. Ang kawalan ay hindi makasasanhi ng pag-iral. (tawagin natin itong SP1)

    Ang kawalan na ating tinutukoy ay yaong kalagayan na walang kahit na ano: walang pag-iral, walang katangian, walang nilalaman o bumubuo, walang masusumpungan. Ito'y isang lubos/ganap na kasalungat ng diwa ng pag-iral, na ang tanging maipipilit na kalagayan ng "pagka-mayroon" ay (a) yaong mismong salitang "kawalan" at (b) ang kahulugan nito sa ating isipan. Sa naturang pagpupumilit ay marapat itanong: Ano pa bang matitira kung walang magsasalita ng naturang salita, at walang mag-iisip ng naturang kahulugan? Wala. Ang kawalan ay talagang kawalan, at hindi maipipilit na ito'y "umiiral".

    Sa katunayan, ang SP1 ay hindi talaga maituturing na isang palagay lamang. Ito ay isang tiyak na konklusyon alinsunod sa mismong kahulugan ng "kawalan". Ito'y sapagkat sa sandaling maka-isip tayo ng kahit na ano bilang sanhi ng pag-iral, hinihingi ng diwa ng kawalan na tanggalin natin sa ating isipan ang sanhing iyon; at dahil tinanggal na ang sanhi, kasamang natanggal ang anumang ipinag-papalagay na epekto nito. Kung magka-gayo'y ang tanging maaaring mangyari sa kawalan ay wala.

  2. Ang anomang umiiral ay may sanhi ng kanyang pag-iral. (tawagin natin itong SP2)

    Ang anomang umiiral/nangyayari (na tawagin nating K) ay epekto ng anomang naunang sanhi (na tawagin nating N), sa kaparaanang kung hindi umiral/nangyari si N ay hindi rin iiral/mangyayari si K.

    Upang maiwasan ang kalituhan, tatawagin nating K ang anumang mapili nating bagay/pangyayari na umiiral, at ituturing yaon bilang pinaka-dulong epektong pang-kasalukuyan, at tatawagin naman nating N ang lahat ng mga naunang sanhing humantong sa pag-iral ng napili nating K. Si K ang ating magiging "kasalukuyang umiiral", at si N naman ang kanyang "nakaraan" o kasaysayan ng pagkaka-sanhi.

Makasumpong man kay N ng isang mahaba, sanga-sanga, at masalimuot na hanay ng mga sanhi at epekto, makasusumpong din kaya ng dulong pinagsimulan ng lahat ng ito (na tawagin nating D)? At kung mayroon ngang D, ano ang kanyang mga katangiang tinataglay? Mahihimay natin ang mga katanungang ito sa mga sumusunod na katanungan:

  • Magkakatotoo ba si K kung si D ay hindi totoo?

    Hindi, sapagkat kung hindi totoo si D ay hindi magkakatotoo si N, at kung hindi totoo si N ay hindi magkakatotoo si K. Subalit totoo si K; samakatuwid, nagkatotoo si N, dahil totoo si D.

  • Magkakatotoo ba si K kung si N ay kinabibilangan ng isang walang katapusang hanay ng mga sanhi at epekto — alalaong-baga'y si K ay epekto ni N1 na epekto ni N2 na epekto ni N3 . . . ad infinitum?

    Hindi, sapagkat magkakatotoo lamang ang epekto kung naisakatuparan ang kinakailangang sanhi nito (alinsunod nga sa SP2). Kahit pa pahabain nang walang katapusan si N, gumagawa lamang tayo sa ating isipan ng isang walang katapusang listahan ng mga sanhing hindi makapag-bunga ng epekto, sapagkat ang bawat isa'y nangangailangan ng naunang sasanhi sa kanya. Kung magka-gayo'y hindi magkakatotoo si N, at hindi magkakatotoo si K. Subalit totoo si K; samakatuwid si N ay kinasasangkutan ng hanay ng mga sanhing naisakatuparan at nagdulot ng epekto, at humantong sa pag-iral ni K, at ito'y isang hanay na may dulong pinagsimulan: si D.

  • Magkakatotoo ba si K kung siya rin ang sanhi ni D?

    May dalawang maipag-papalagay na sistema na parehong hahantong sa isang walang katapusang paulit-ulit:

    • paikut-ikot (si D ang dulo ni N, na sanhi ni K, na muling sasanhi kay D, ad infinitum)
    • tumatalbog (si D ang dulo ni N, na sanhi ni K, na sasanhi kay N, at babalik kay D, ad infinitum)

    Maging ano pa man ang sistemang ipag-palagay, katulad pa rin ito ng isang walang-katapusang-N: isang walang katapusang listahan ng mga sanhi sa ating isipan na hindi makapag-bunga ng epekto, sapagkat ang bawat isa'y nangangailangan ng naunang sasanhi sa kanya na hindi mangyayaring maisakatuparan. Subalit totoo si K; samakatuwid, totoong naisakatuparan si N, at totoong nagsimula siya kay D. Kung ito'y isang sistemang paulit-ulit, ito'y isang paulit-ulit na may simula, at nakasalalay sa naturang simula kung hanggang kailan magpapatuloy ang pagpapaulit-ulit ng sistema. Kung magka-gayon, Ang unang pagsasakatuparan kay N sa loob ng sistema ay hindi maaaring magmula kay K o kay N din, kundi sa isang naunang sanhing hindi kabilang sa sistema, bagkus ay siyang mismong sanhi ng sistema at ng nagaganap na pagpapaulit-ulit sa loob nito. Si D ang naunang sanhing iyon.

  • Subalit kung totoo si D, ano ang sanhi ni D?

    Hindi ipahihintulot ng SP1 na siya'y umiral buhat sa kawalan. Sapagkat hinihingi ng SP2 na siya'y may dahilan/paliwanag ng kanyang pag-iral, at sapagkat ang lahat ng umiiral ay matatalunton sa kanya, samakatuwid, ang tanging maituturing na kapaliwanagan ng pag-iral ni D ay ang kanyang sarili — siya'y isang di-sinanhing sanhi.

    Isa pa, hindi ba't isang kabalintunaan na hanapan pa rin ng naunang sanhi si D, gayong hindi nga siya kabilang sa mismong sistema (alalaong baga'y ang sanlibutan) na kinapapalooban ng mga bagay na ipinagpapalagay nating nangangailangan ng sanhi? Ang punto ng SP1 at SP2 ay hanapan ng paliwanag ang pag-iral ng sanlibutan. Kung sinasabi nating ang lahat ng bagay sa sanlibutan ay nangangailangan ng naunang sanhi, subalit patuloy pa rin nating hahanapan ng naunang sanhi si D, hindi ba't katumbas na rin ito ng pagsasabing si D ay hindi talaga si D, kundi isa pa ring N? Walang naibigay na paliwanag, hindi dahil sa wala talagang paliwanag, bagkus tumigil lang sa paghahanap ng paliwanag dahil hindi na ito gustong pag-isipan. Kung gayon, ito'y isang kaso ng taong naniniwalang may sanhi ang lahat ng bagay, subalit sadyang isinasarado ang isip sa posibilidad na si D ang sanhing iyon.

Batay sa mga naturang kasagutan, mabubuo natin ang mga sumusunod na teorama (theorem) hinggil kay D — mga saligang-paniniwalang maituturing na tama/makatotohanan alinsunod sa mga naunang saligang-paniniwala (ang SP1 at SP2):

  1. Ang pag-iral ni K ay nagpapatunay ng pag-iral ni D. (tawagin natin itong T1)
  2. Si N, gaano man kahaba, ay nagsimula pa rin kay D. (tawagin natin itong T2)
  3. Ang isang paulit-ulit na sistema ay hindi kinabibilangan ni D, bagkus ay
    sinimulan, ipinagpapaulit-ulit, at maaaring tapusin ni D.
    (tawagin natin itong T3)
  4. Si D ay hindi masasanhi ni K. (tawagin natin itong T4)
  5. Si D ay umiiral sa bisa ng kanyang sarili. (tawagin natin itong T5)

Ang pag-iral-sa-bisa-ng-sarili ni D ay mahihimay sa tatlong kinakailangang-katangian: mga katangiang kung magkukulang nang kahit isa ay magiging katumbas ng pangangailangan ng isang naunang sanhi, na hindi maaaring mangyari kay D sapagkat siya na nga mismo ang dulong pinagsimulan. Alinsunod sa dikta ng katuwiran, kakailanganing ituring si D na ➊ payak, ➋ magpakailanman, at ➌ ganap — tatlong mga magkaka-ugnay na katangiang di-mapaghihiwalay, sapagkat pinagbubuklod at napapaloob sa iisang kahulugan ng pagiging umiiral-sa-bisa-ng-sarili:

  1. PAYAK (simple)walang mapaghihiwalay na mga sanhing bumubuo (tawagin natin itong KK1)

    Kung si D ay maaaring paghiwa-hiwalayin sa iba't-ibang mga sanhi, maituturing siyang isang K na may walang katapusang N (sapagkat ipinahihiwatig nito na maaaring ipag-patuloy nang walang katapusan ang paghihiwa-hiwalay ng mga sanhing bumubuo sa kanya), na isang paglabag sa T2.

    Hindi maaaring ipag-palagay na may maraming umiiral na D, batay sa katuwirang si K ay maaaring binubuo ng maraming magkakaibang mga bahagi na may kanya-kanyang N, na kung tataluntunin ang pinagsimulan ay posibleng humantong sa maraming magkakaibang D. Hindi ito makatuwiran dahil kahit na binubuo pa si K ng maraming magkakaibang mga bahagi, ang mismong pagsasama-sama ng mga naturang bahagi upang bumuo ng iisang natatanging pagkakakilanlan ni K ay maituturing na iisang N na sumanhi kay K — at dahil may iisang N, makatatalunton din ng iisang D na siyang sanhing gumabay/nagtakda kay N (gaano man siya karami at masalimuot na nagsanga-sanga) upang bumuo sa iisang K. Kaya naman, hindi maiiwasan ang konklusyon na may iisang payak na D.

    Subalit ano nga ba ang kalalagayan, kung tataluntunin ang simula/dulo ng mga magkakaibang N na sumanhi kay K? Kung ipag-papalagay, bilang halimbawa lamang, na makasusumpong doon ng tatlong "D" — sina D1, D2, at D3 — mangangahulugan nga ba ito na mayroong tatlong magkakaibang "D"? Hindi, kung ipagsasa-alang-alang ang tanging dalawang posibilidad ng kanilang ugnayan:

    • magkakapantay (D1 = D2 = D3)
      Kung sila'y magkakapantay, mangangahulugan ito na sila'y may iisang mapagsanhing pagkilos, anupa't silang tatlo ay ganap na nagkakaisa (perfect unity) sa lahat ng bagay, kaya't nakapag-pairal sa iisang K. Kung magka-gayo'y maituturing silang "trinidad"/"santatlo" (tri-unity) — nagkakaisang-tatlo sa iisang D.
    • di-magkakapantay (D1 ≠ D2 ≠ D3)
      Kung sila nama'y di-magkakapantay, mangangahulugan ito na may iisang nakahihigit sa dalawa (o maaari din namang "nagkakaisang-dalawa" na nakahihigit sa natitirang isa), anupa't ang kanyang mapagsanhing pagkilos ay ganap na nanaig at nagpakilos sa mga nalalabing "D", kaya't sila'y nagiging mga N na lamang ng nakahihigit na D, kaya't humantong sa pagpapa-iral ng iisang K.

    Malinaw nga na sa naturang dalawang mga posibilidad — magkakapantay o di-magkakapantay — ay mayroon lamang talagang iisang payak na D na sumanhi kay N, na sumanhi kay K.

  2. MAGPAKAILANMAN (eternal)walang pinagmulan at walang katapusan (tawagin natin itong KK2)

    Kung may panahong si D ay hindi umiiral at kalauna'y umiral, hinihingi ng SP2 na may sanhi ng kanyang pag-iral. Subalit bilang pinagmulan ng lahat ng mga umiiral, walang matutukoy na naunang sumanhi sa kanya, anupa't mangangahulugang siya'y basta na lamang nagbuhat sa kawalan, na isang paglabag sa SP1. Kung sasapit naman ang panahong siya'y maglalaho, mangangahulugan ito na si D at ang sanhi ng kanyang pag-iral ay minsang nagsama at kalauna'y naghiwalay, na lalabag naman sa KK1. Isa pa, anong sanhi ng minsang pagsasama at kalaunang paghihiwalay na ito? — Hindi ba't ang naturang sanhing iyon ang talagang maituturing na D, o isa nanamang hanay ng mga N na matatalunton kay D? Kung hindi matatapos ang hanay ng matataluntong mga sanhi, ito'y tuwirang lalabag sa T2.

  3. GANAP (perfect)walang kakulangan na madadagdagan (tawagin natin itong KK3)

    Kung si D ay maaari pang dagdagan, walang pagmumulan ng idadagdag sa kanya sapagkat sa kanya nga nagsimula ang lahat ng pag-iral. Isa pa, ang mismong kalagayan ng pagiging "kulang"/"maaaring-dagdagan" ay taliwas sa diwa ng pagiging payak — lumalabag ito sa KK1. Kung sasabihing magbubuhat sa kawalan ang maidadagdag sa kanya, lalabag ito sa SP1; kung sasabihing mula kay K, lalabag naman ito sa T4. Kung si D ay maaaring bawasan, muli, lalabag pa rin ito sa KK1, sapagkat mangangahulugan ito na siya'y may mga bahaging maaaring ihiwalay mula sa kabuuan. Isa pa, saan magmumula ang kapangyarihang bawasan si D? — mangangahulugan ito ng pag-iral ng isa pang nakahihigit na sanhi, at siyang maituturing na totoong D.

Samakatuwid, kung ipag-papalagay na totoo ang SP1 at SP2, maituturing na makatuwiran ang T1, T2, T3, T4, at T5, at kung magka-gayon, talagang totoo si D, at siya'y kakailanganing ituring na KK1, KK2, at KK3.

Kung si D ay ang Diyos, samakatuwid, totoo ngang may Diyos — alalaong-baga'y makatuwirang maipag-papalagay ang kanyang pag-iral. Subalit nililinaw ng Simbahan: "Ang Manlilikha na ating ipinapahayag sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kredo ay hindi lamang isang Unang Sanhi na bunga ng katuwiran" (KPK 316). Magkagayon pa man, ang pagkilala sa katotohanan ng Unang Sanhi ay isang mahalagang hakbang tungo sa wastong pagkakilala sa Diyos, at napabubulaanan nito ang mga di-pinag-iisipang pagdududa sa pag-iral ng Diyos.

"Sinabi ng hangal sa kanyang puso: 'Walang Diyos'."

SALMO 13: 1

KUNG PAG-AARALAN ANG SANLIBUTAN

PAGSISIYASAT SA KAPALIGIRANG NATATALASTAS (observation) Sa pamamagitan ng mga kakayahang pandamdam (nakikita, naririnig, nalalasahan, naaamoy, nahihipo), at sa tulong ng mga instrumentong nakapagpupuno sa mga limitasyon ng mga naturang kakayahan (halimbawa: microscope, thermometer, particle detector, atbp.), ang mga katotohanang nasa labas ng isipan ay tuwiran o di-tuwirang nararanasan ng tao. Nagkakaroon siya ng mga katanungan (problem) hinggil sa naturang karanasan, at nakakaisip ng mga haka-haka (hypothesis) na makasasagot sa mga iyon.


PAGSASAGAWA NG MGA PAGSUBOK (experimentation) Upang masubok ang kawastuhan ng isang hypothesis, ang nagsasaliksik ay maingat na nagsasa-ayos ng mga kontroladong sitwasyon, at saka sinusuri ang lahat ng mga datos na makukuha niya mula rito.

Kapag may isang eksperimentong tila ba kinakatigan ang isang hypothesis, ito ay inuulit-ulit, ginagawan ng ilang mga pagbabago, at sadyang sumusubok ng lahat ng mga posibleng pamamaraan upang mapabulaanan ang naunang resulta. Alinsunod ito sa principle of falsifiability ni Karl Raimund Popper. Mahalaga ito upang mapanaigan ng mga siyentista ang likas na pag-uugali ng tao na magkaroon ng pagkiling/pagkahilig sa isang paniniwala (bias), at sa gayo'y mapanatiling "makatotohanan" ang mga isinasagawang eksperimento.

Kung matapos ang lahat ay humahantong pa rin ang mga ito sa iisang konklusyon (conclusion), saka pa lamang ito maituturing na "kapani-paniwala" (plausible) pansamantala, hanggang sa magkaroon ng mga panibagong batayan para sa isang naiibang hypothesis.


PAKIKIPAG-TULUNGAN SA MGA DALUBHASA (peer review) Ang bawat detalye ng kaparaanan ng eksperimentong isinagawa, at ang lahat ng mga impormasyong naitala hinggil dito ay kailangang isangguni sa mga kinikilala at pinagkakatiwalaang mga dalubhasa at mananaliksik ng agham (scientific community). Kung sila mismo ay nagawa nilang ulitin ang eksperimento, o di kaya'y nakagawa ng mas mabisang eksperimento batay dito, at sila mismo'y nakasaksi ng parehong resulta o nagkaroon ng parehong konklusyon, maituturing na ang naturang hypothesis bilang isang tunay na siyentipikong kaalaman (scientific fact) na marapat nang ituro sa mga paaralan, at gawing batayan sa pagkatha ng mga bagong hypothesis at mga eksperimento, at sa pagwawasto o pagpapaunlad sa mga umiiral na siyentipikong teorya (scientific theory). Sa agham, ang teorya ay hindi isang haka-hakang walang batayan at di-makatotohanan, kundi isang maka-agham na kapaliwanagan hinggil sa isang naoobserbahang pangyayari sa kalikasan (natural phenomenon) — kapaliwanagang kinasasangkutan ng mga makatuwirang hypothesis at mga kaalamang siyentipiko.

Ang mga nabanggit — observation, experimentation, at peer review — ay mga pangunahing hakbang na bumubuo sa pamamaraang siyentipiko (scientific method), na siyang pinagbabatayan ng kalipunan ng mga kaalamang itinuturing na agham/siyensya (science). Noo'y bahagi pa ito ng pilosopiya (philosophy), at tinatawag na "pilosopiyang pang-kalikasan" (natural philosophy). Sa pagdaan ng panahon, ito'y itinuring na isang hiwalay na pamamaraan dahil nakatuon sa pagsagot ng mga katanungan batay sa mga katibayang natatalastas (empiricism), habang ang pilosopiya ay naghahanap ng kasagutan sa pamamagitan ng pangangatuwiran (logic). Gayon ma'y nananatili pa rin silang magka-ugnay, sapagkat pareho lamang ang kanilang layunin: ang maunawaan at mabigyang-kahulugan ang KATOTOHANAN ng buhay at pag-iral.


Vatican Advanced Technology Telescope (VATT)
(CC BY-SA 3.0, Wikimedia Commons)

SA KATOLIKONG PANANAW, anu-ano ba ang mga katangian ng isang tunay na kaalamang maka-agham? Ayon kay George V. Coyne, S.J. (isang Paring Heswita, astronomer, at dating direktor ng Vatican Observatory), ang isang iminumungkahing kapaliwanagang maka-agham ay dapat nagtataglay ng mga sumusunod na katangian:

  • verifiability/falsifiability. May mga posibleng kaparaanan ba na ito'y mapatunayan/mapabulaanan?
  • predictability. Ito ba'y magagamit upang makagawa ng mga prediksyon, at kalauna'y maaari bang maobserbahan ang aktuwal na katuparan ng mga naturang prediksyon?
  • simplicity/economy. Ito ba'y kinasasangkutan ng pinaka-kaunting bilang ng mga haka-haka?
  • beauty. Ito ba'y nakapag-bibigay ng maayos na pagpapaliwanag?
  • unifying explanatory power. Ito ba'y tumutugma/maipag-kakasundo sa iba pang mga kaalaman?

Maiuugnay natin sa siyensya ang SP1 at SP2 sapagkat ang mismong pamamaraang siyentipiko ay hindi naman maisasagawa malibang tanggapin ng mga siyentista ang katotohanan ng mga postulatang ito.

  • Ano bang maaaring obserbahan, itanong, o pag-isipan hinggil sa kawalan? Wala.
  • Ano bang maaaring pag-eksperimentuhan, suriin, o bigyang-kahulugan hinggil sa anumang umiiral nang walang sanhing pinagbabatayan — alalaong-baga'y "basta na lang" umiiral o nangyayari? Wala.
  • Anong kailangang pag-aralan sa sanlibutan kung ang sanlibutan mismo — sa kanyang kabuuan man o sa kanyang mga indibiduwal na bahagi — ay may sapat nang kapaliwanagan ng pag-iral (na isang kabalintunaan, sapagkat ang kabuuan ay ipinaliliwanag ng mga bahaging bumubuo sa kanya), anupa't walang nangangailangan ng mga naunang sumasanhi sa kanya? Wala.
Kung hindi totoo ang SP1 at SP2, imposibleng maunawaan ng tao ang kahit na ano: imposibleng magkaroon ng mga paliwanag at prediksyon hinggil sa ano mang bagay o pangyayari. Ang mismong pag-aaral ng agham ay nagiging kabalintunaan. Samakatuwid, ang katotohanan ng pagsanhi (principle of causality) ay hindi kailanman maaaring mahiwalay sa isang makatotohanang pag-aaral na maka-agham.3

 

ANG KAWALAN AT ANG VACUUM

Gayunman, may mga siyentista sa ating kapanahunan (gaya nina: Lawrence Krauss, Neil deGrasse Tyson, at Stephen Hawking) na nagsasabing posible daw na buhat sa kawalan ay makasusulpot ang isang particle o makalilikha ng energy.4 Subalit ano nga ba ang "kawalan" na tinutukoy nila? Ang talagang tinutukoy nila rito ay ang vacuum (buhat sa salitang Latin na vacuus na ang kahuluga'y "walang laman"), na ayon sa pakahulugan ng agham ay tumutukoy sa space na walang nilalamang matter. Ang sinasabi namang pagsulpot ng particle o energy buhat sa vacuum ay tumutukoy sa vacuum fluctuation. Linawin natin ang mga bagay na ito:

  • Ano nga ba ang "space"?

    Ang space ay hindi lamang tumutukoy sa (a) puwang-sa-pagitan ng mga bagay at sa mismong (b) dakong-kinalalagyan ng mga naturang bagay, na kung tatanggalan ng pinapagitnaan at nilalaman ay wala na ngang matitirang kahit na ano. Ayon sa Theory of Relativity ni Albert Einstein, ang sanlibutan ay nasasaklaw ng space-time continuum, na binubuo ng apat na dimensyong pirmihang magkaka-ugnay: ➊ taas-baba, ➋ kaliwa-kanan, ➌ harap-likod, (tatlong mga dimensyon ng space) at ➍ oras (dimensyong patungkol sa paggalaw ng isang pangyayari sa space mula sa nakaraan patungong kasalukuyan hanggang hinaharap). Ang mga dimensyong ito'y nagtataglay ng mga katangiang nagbabago alinsunod sa kalalagayan ng mga bagay sa loob nito: ang space ay maaaring "mapipi", "mabanat", o "mapilipit", at ang time ay maaaring "bumagal".5 Samakatuwid, ang mismong "empty space" ay isang totoong pisikal na bagay na umiiral; hindi ito maituturing na "kawalan".6

  • Ano ba talaga ang "vacuum fluctuation" at paano ba ito nangyayari?

    Ayon sa Quantum Theory (alalaong-baga'y ang siyentipikong pag-aaral hinggil sa pinaka-maliliit na kalalagayan ng matter at energy), ang isang particle ay nagtataglay ng dalawang tila kabalintunaang mga katangian:

    • ang pagkakaroon ng pisikal na pag-iral bilang isang totoong piraso/butil ng matter (na may mga katangiang maaaring maobserbahan/matukoy/masukat), at
    • ang pagiging probability wave (Ang mismong particle ay hindi "umaalon" sa kung saan-saan, bagkus ang "impormasyon" hinggil sa mga posibleng dako sa space-time kung saan maaaring matukoy ang kinaroroonan nito, habang walang obserbasyong isinasagawa — iyon mismo ang nasa kalalagayan ng pagiging "wave". Ipinagpapalagay na ang isang particle ay walang pisikal na pag-iral bago ito obserbahan, bagkus ito'y isang umaalong impormasyon na nagkakaroon ng tiyak na kinaroroonan sa sandaling isagawa ang obserbasyon.). Ang kakatwang paliwanag na ito hinggil sa di-umano'y "wavefunction" ng isang particle ay batay sa "Copenhagen Interpretation", na siyang pinaka-tinatanggap na kapaliwanagan ng Quantum Mechanics. Batay ito sa mga pag-aaral sa University of Copenhagen sa pangunguna ng mga siyentistang sina Niels Bohr at Werner Heisenberg.
  • Ang naturang kabalintunaang mga katangian ng matter (at energy) ay tinatawag na wave-particle duality. Ito naman ang pinagbabatayan ng Heisenberg Uncertainty Principle, na nagsasabing hindi mo maaaring tukuyin/sukatin nang sabay ang eksaktong kinaroroonan (position) at ang eksaktong ginagawang pagkilos (momentum) ng isang particle.

    Buhat sa mga konseptong ito'y nabuo ang mga teorya na imposibleng magkaroon ng isang totoong vacuum — na kahit tanggalan pa ng hangin ang isang walang nilalamang lalagyan, at kahit na balutin pa ito ng mga panangga sa anumang maaaring tumagos at makapasok sa loob nito, ang naturang lalagyan ay laging may laman.7 Ayon sa Quantum Field Theory, ang space-time ay napupuspos ng mga quantum field — na ang mga inaakalang pinaka-maliliit na particle ay pawang mga "panginginig" (vibration) lamang talaga ng kani-kaniyang kinabibilangang field.8 Sinasabing ang isang field ay nasa vacuum state kung ang antas ng energy nito ay halos nasa "0" (zero). Malinaw na hindi ibig sabihin na ang vacuum state ay "kawalan" sapagkat ang mismong field ay naroroon pa rin, at nagtataglay ng mababang antas ng energy; nangangahulugan lamang ito na ang field ay nasa pinaka-mababang antas ng panginginig.

    Sinasabing hindi daw ipahihintulot ng Heisenberg Uncertainty Principle na lubusang mawalan ng panginginig sa isang field sapagkat mangangahulugan din daw iyon ng pagkakaroon ng eksaktong sukat ng position at momentum ng isang particle. Ang naturang "pinaka-mababang antas ng panginginig" na nangyayari sa field ang siyang ipinaliliwanag ng vacuum fluctuation — ang sabay na pagkakabuo buhat sa quantum field ng isang particle at anti-particle [alalaong-baga'y mga virtual particles ("virtual" dahil ipinagpapalagay na umiiral nga, kahit walang kaparaanan na tuwirang maobserbahan kung naroon nga talaga)] — na agad-agad din namang pinawawalang-pag-iral ang isa't-isa (sa prosesong tinatawag na annihilation), at ibinabalik ang kanilang energy sa field na pinagmulan nila. (Sa gayon, hindi nalalabag ang Law of Conservation of Energy). Tinatawag na quantum foam ang ipinagpapalagay na kaliit-liitang dako sa space-time kung saan nangyayari ang mga naturang quantum fluctuation ("foam" sapagkat inihahalintulad sa isang malikot at aktibong pagkulo/pagbula).

Sa lahat ng mga naturang "kawalan", wala sa mga ito ang tumutugma sa isang totoong kawalan: yaong kalagayan na walang kahit na ano (walang pag-iral, walang katangian, walang nilalaman o bumubuo, walang masusumpungan, isang lubos/ganap na kasalungat ng diwa ng pag-iral). Kaya naman, maging ano pa man ang mga teoryang makatha ng mga siyentista hinggil sa space-time continuum, vacuum, at quantum fluctuation, at kung paanong ang mga ito ay maaaring "pagsulputan" ng mga kung anu-ano, hindi iyon maaaring mangahulugan na buhat nga sa kawalan ay basta na lamang nagkakaroon ng mga pag-iral — hindi nga napabubulaanan ng mga ito ang principle of causality. Nananatiling totoo ang SP1 at SP2, at ang mga sinasabi nilang "kawalan" ay mga N pa rin na sumasanhi kay K.

"It is contrary to reason to say that there is a vacuum or space in which there is absolutely nothing."

RENÉ DESCARTES (1596 - 1650)
Principia Philosophiae

CREATIO EX NIHILO

Kung hindi pala makatuwiran na buhat sa kawalan ay nagkakaroon ng pag-iral, bakit naniniwala ang Simbahang Katolika sa doktrinang creatio ex nihilo — na nilikha ng Diyos ang sanlibutan "buhat sa wala" (CCCC 54)? Ito'y sapagkat hindi naman niya itinuturing ang kawalan bilang "sanhi" ng sanlibutan; hindi naman niya sinasabi na ang sanlibutan ay bigla na lang lumitaw nang di-nangangailangan ng naunang sasanhi sa kanya. Bagkus, ang paglikhang ex nihilo ay tungkol sa lubos na pagkakaiba ng Diyos at ng sanlibutang nilikha niya.

Nakararating tayo sa konklusyon na totoo si D sapagkat siya lamang ang kalutasan sa kabalintunaan ng mga pagsanhing maka-sanlibutan: na sa pagtalunton ng hanay ng mga sanhi at epekto, hindi maaaring maging walang katapusan ang listahan ng mga N na sumanhi kay K (T2 at T3). Si D ang tumatayong saligan ng mismong katotohanan ng pagsanhi — siyang batayan kung bakit may totoo at mabisang ugnayan ng sanhi at epekto. Subalit ang pagkilala kay D ay hahantong sa pagkilala sa KK1, KK2, at KK3, na nagpapakilala kay D bilang isang natatanging katotohanang lubusang naiiba kina N at K. Sa pagsanhi ni D kay N, hindi siya nabawasan, nadagdagan, o napanaigan — sa pasimula'y tanging si D lamang ang umiiral, at si N ay wala pa. Sa bisa ng kanyang mapagsanhing kakayahan lamang, at nang walang pangangailangan sa ano mang umiiral-na (pre-existing/co-existing), at nang walang anumang katunggaling kapangyarihan na kailangang pasunurin o supilin, nilikha ni D si N "buhat sa wala".

"Hindi ko mawari kung paano kayong lumitaw sa aking sinapupunan; hindi ako ang nagbigay sa inyo ng hininga at buhay, di ako ang nagsangkap ng inyong katawan . . . Isinasamo ko sa iyo, anak ko, na tanawin mo sana ang langit at ang lupa, at malasin ang lahat ng naroroon at talastasin na iyon ay ginawa ng Diyos buhat sa wala at ang buong sangkatauhan ay ginawa sa ganoon ding paraan." (2 Macabeo 7: 22, 28)

Mahalaga ang doktrinang creatio ex nihilo sapagkat naitatangi nito ang Diyos ng Judaismo — na makasaysayang pinag-uugatan ng Cristianismo at ng Islam — mula sa ibang mga diyos/diyosa o sa mga kung anu-ano pa mang "sukdulang-katotohanan" (tulad ng Brahman ng Hinduismo, Qi ng Feng Shui, o Tao ng Taoismo) na pinaniniwalaang (a) literal na sumasangkap sa sanlibutan (pantheism, animism) [na isang paglabag sa KK1, KK2, at KK3], o di kaya'y (b) mga nagtutunggaling magkakapantay na kapangyarihan (polytheism, dualism) [na isang paglabag sa KK1].9

"We believe that God needs no pre-existent thing or any help in order to create, nor is creation any sort of necessary emanation from the divine substance. God creates freely 'out of nothing' . . ."

CCC 296

ANG UNANG SANHI AT ANG SINGULARITY

Sa kasalukuyan, ang Big Bang Theory ang pinaka-tinatanggap na teorya ng cosmology (sangay ng agham na nakatuon sa pag-aaral ng pinagmulan at pagkakabuo ng buong sanlibutan). Ayon sa teoryang ito, nagsimula ang sanlibutan sa isang "malaking pagputok", at may edad nang humigit-kumulang 13.7 bilyong taon. Pinabubulaanan ba ng teoriyang ito ang pag-iral ng Diyos? Linawin natin ang ilang mga bagay-bagay:

  • Kailan/Saan/Paano nangyari ang pagputok, at anong mayroon bago ito nangyari?

    Hindi ito tumutukoy sa isang literal na "pagputok", kundi sa biglaang paghilab/paglawak (expansion) ng space-time continuum — at tangay nito ang kung ano mang mga nakapaloob sa kanya (alalaong-baga'y ang lahat ng mga sangkap at sanhing bumubuo sa sanlibutang naoobserbahan natin sa kasalukuyan) — buhat sa isang puntong may di-maipaliwanag, di-masukat, at [ipinagpapalagay na] walang katapusang kalalagayan ng pagkakapipi, na tinatawag na singularity. Sa kalalagayang ito, ang apat na pangunahing pwersa sa sanlibutan (electromagnetism, strong nuclear force, weak nuclear force, at gravity) ay iisa,10 ang space-time ay lubusang napipipi anupa't walang matutukoy na "lugar" o "oras" na nauna sa mismong Big Bang, at ang mga sangkap na bumubuo sa matter at energy na nakapaloob sa space-time ay napipipi sa sobrang napaka-liit na kalalagayan, anupa't hindi sapat ang mga kaalaman hinggil sa Quantum Theory, Theory of Relativity, at (Classical) Physics upang ipaliwanag kung ano nga bang mga nangyayari at maaaring mangyari sa mga ito. Dahil sa mga naturang limitasyon kaya ang mismong "malaking pagputok" ng singularity ay imposibleng maipaliwanag batay sa kasalukuyang agham. Ang tanging maipag-papalagay ng mga siyentista ay ang mga posibleng sumunod na nangyari, mga 10-43 segundo pagkatapos ng nangyaring pagputok (at dito na rin nagsimula ang pagbilang ng humigit-kumulang 13.7 bilyong taong "edad" ng sanlibutan).


source: National Aeronautics and Space Administration (NASA)

 
  • Anong pinagbabatayan ng teoryang ito?

    Ang Big Bang Theory ay may dalawang pangunahing pinagbabatayan: (a) ang katibayan ng Cosmic Expansion, at (b) ang katibayan ng Cosmic Microwave Background Radiation (CMBR).

  • Ano ang "Cosmic Expansion"?

    Ito ay ang nagpapatuloy — at bumibilis (accelerating) — na pagkakabanat ng space-time continuum, anupa't ang puwang sa pagitan ng mga galaxy ay patuloy na lumalaki, kaya't mistula silang umaandar nang papalayo sa isa't-isa. Ito ang di-maiiwasang konklusyon batay sa mga gravitational field equations ni Albert Einstein, na sa pasimula'y pilit niyang hinanapan ng alternatibong paliwanag, sapagkat naniniwala siya noon sa isang "static universe" (alalaong-baga'y isang sanlibutang umiiral magpakailanman at hindi nagbabago ang pangkalahatang hitsura). Kalauna'y tinanggap na rin niya ang implikasyon ng mga ito matapos itong katigan ng iba pang mga siyentistang nagwasto at nagpaunlad sa kanyang mga equations, gaya nina Alexander Friedmann, Georges Lemaître, at Willem de Sitter.11

    Nagkaroon ng naoobserbahang katibayan ang Cosmic Expansion noong 1929 sa pamamagitan ni Edwin Hubble, nang matuklasan niyang ang liwanag na nagmumula sa mga galaxy ay nakakaranas ng redshift — ito ay ang unti-unting pamumula ng nakikitang spectrum ng liwanag dahil sa unti-unting paghaba ng distansyang nilalakbay nito patungo sa nagsasagawa ng obserbasyon (Doppler Effect ang tawag sa naturang katangian ng liwanag). Pinatutunayan nito na ang mga galaxy ay unti-unting lumalayo sa ating planeta at sa isa't-isa saan mang direksyon — pagkilos na tumutugma sa mga kalkulasyong batay sa General Theory of Relativity.

    Malinaw ang implikasyon: kung kakalkulahin nang paatras ang nagaganap na paghilab, nangangahulugang ang sanlibutan ay nagsimula sa isang napaka-siksik at napaka-init na kalalagayan.

  • Ano ang "Cosmic Microwave Background Radiation" (CMBR)?


source: National Aeronautics and Space Administration (NASA)

    Ang bilohabang larawan sa itaas ay ang imahen ng CMBR na kuha ng Wilkinson Microwave Anisotropy Probe (WMAP). Ang CMBR ay ang nalalabing-liwanag/init na nagmula sa sinaunang sanlibutan makaraan nang humigit-kumulang 380,000 taon pagkatapos ng Big Bang. Noong mga 1940's, batay sa mga pag-aaral nina George Gamow at ng mga estudyante niyang sina Ralph Alpher at Robert Herman, ipinagpapalagay na ang sinaunang sanlibutan ay napupuspos ng napaka-init na plasma, na unti-unting lumamig at nagpakawala ng liwanag habang humihilab ang kalawakan. Batay sa kanilang kalkulasyon, mababakas pa daw sa kasalukuyan ang nasabing liwanag/init bilang isang thermal spectrum na may temperaturang humigit-kumulang 5 Kelvin.12 Taong 1964 naman nang ito'y natuklasan nina Arno Penzias at Robert Wilson, at natukoy na ang aktuwal na temperatura ay mga 2.7 Kelvin. Ang CMBR ay matatagpuan saan mang panig ng kalangitan magsagawa ng obserbasyon, at walang ibang makatuwirang kapaliwanagan sa kung saan ito maaaring nagmumula, maliban sa ipinaliliwanag ng Big Bang Theory.

  • Maituturing bang si D ang singularity?

    Hindi, sapagkat ang singularity ay ang mismong sanlibutang "pumutok" — alalaong-baga'y isang N, na kung ipipilit ay tahasang lalabag sa T4. Lalabag din ito sa KK1, sapagkat hindi maaaring paghilabin at paghati-hatiin si D upang maging mga sangkap na bumubuo kay K. Mas makatuwirang ipag-palagay na si D ang tuwirang pinagmulan ng singularity at "nagpaputok" nito; subalit mananatili itong isang haka-haka, hanggang sa makabuo ng isang kumpletong teoryang pang-pisika na kinasasangkutan ng lahat ng mga apat na pangunahing pwersa — ang patuloy na sinasaliksik at kinakathang Unified Field Theory — na maaaring pagbatayan upang patuloy na makalkula ang mga posibleng kalalagayan ng sanlibutan nang mas maaga pa sa 10-43 segundo pagkatapos ng Big Bang, at posibleng hanggang sa "panahon" at "lugar" bago nangyari ang Big Bang (mga kabalintunaang impormasyon dahil wala pa ngang space-time continuum). Subalit hindi dapat makaligtaan ang nasasaad sa T2: "Si N, gaano man kahaba, ay nagsimula pa rin kay D". Maging ano pa man ang matuklasan ng mga siyentista sa mga nangyari bago ang Big Bang, hindi nito napabubulaanan ang pag-iral ni D. At kahit na matuklasan pang ang Big Bang ay maaaring magpaulit-ulit nang walang katapusan, hindi pa rin nito napabubulaanan ang pag-iral ni D — hindi dapat makaligtaan ang nasasaad sa T3: "Ang isang paulit-ulit na sistema ay hindi kinabibilangan ni D, bagkus ay sinimulan, ipinagpapaulit-ulit, at maaaring tapusin ni D".13

  • Labag ba sa Pananampalatayang Katolika ang Big Bang Theory?

    Hinggil dito'y hayaan nating ang kasalukuyang Santo Papa, Pope Francis, ang sumagot. Sa kanyang pahayag sa mga siyentista ng Pontifical Academy of Sciences noong ika-27 ng Oktubre ng taong 2014, sinabi niya:

    "When we read the account of Creation in Genesis we risk imagining that God was a magician, complete with an all powerful magic wand. But that was not so. He created beings and he let them develop according to the internal laws with which He endowed each one, that they might develop, and reach their fullness. He gave autonomy to the beings of the universe at the same time in which He assured them of his continual presence, giving life to every reality. And thus Creation has been progressing for centuries and centuries, millennia and millennia, until becoming as we know it today, precisely because God is not a demiurge or a magician, but the Creator who gives life to all beings. The beginning of the world was not a work of chaos that owes its origin to another, but derives directly from a supreme Principle who creates out of love. The Big Bang theory, which is proposed today as the origin of the world, does not contradict the intervention of a divine creator but depends on it. Evolution in nature does not conflict with the notion of Creation, because evolution presupposes the creation of beings who evolve." (Plenary Session on Evolving Concepts of Nature, Casina Pio IV, Vatican City)
"Who is this stupid God? Estupido talaga itong putang ito . . ."

RODRIGO ROA DUTERTE
speech, 2018 National ICT Summit

KUNG SI D AY ANG DIYOS

"If anyone says that the one, true God, our creator and lord, cannot be known with certainty from the things that have been made, by the natural light of human reason: let him be anathema." "Kung sino man ay nagsasabing ang iisa at tunay na Diyos, ang ating tagapaglikha at panginoon, ay hindi maaaring makilala nang may katiyakan mula sa mga bagay na nilikha, sa pamamagitan ng liwanag ng pantaong pangangatuwiran: pakasumpain siya." — ito ang tahasan at mabigat na katuruan ng First Vatican Council (Canon 2 § 1, Session 3), noong ika-24 ng Abril, 1870. Sa bisa ng katuwiran lamang, maaari kong mapagtanto nang may katiyakan ang pag-iral ng "pinagmulan at hantungan ng sanlibutan" (ang aking mga konklusyon hinggil kay D, bilang Unang Sanhi); subalit matitiyak ko rin ba na si D ay "kataas-taasang kabutihan" at "walang-hanggang katotohanan at kagandahan"? Makatuwirang ituring si D na "kataas-taasan" (batay sa KK3) at "walang-hanggan" (batay sa KK2), subalit maipatutungkol ko rin ba sa kanya ang mga katangian ng ➊ kabutihan, ➋ katotohanan, at ➌ kagandahan? Oo, sapagkat maging ano pa man ang pakahulugan ko sa mga tatlong ito, kung ipag-papalagay kong sila'y mga bagay na umiiral, samakatuwid, wala silang ibang maaaring pinagmulan maliban kay D

  1. At dahil sa KK3, sila'y masusumpungan kay D sa ganap (perfect) na kalalagayan.
  2. At dahil sa KK1, sila'y umiiral kay D nang may ganap na pagkakaisang di-mapaghihiwalay.
  3. At dahil sa KK2, si D ay maituturing na magpakailanmang mabuti, totoo, at maganda, at walang panahong siya'y may naiibang kalalagayan.

Subalit ano nga bang kahulugan ng "kabutihan", "katotohanan", at "kagandahan"? Sa aking pananaw — alalaong-baga'y alinsunod sa sarili kong takbo ng pag-iisip at pamantayan ng panghuhusga sa mga bagay-bagay na aking natatalastas:

  1. Ang kabutihan ay ang kalalagayan ng pagiging nararapat. Itinuturing kong kasamaan ang mga bagay na hinatulan kong di-nararapat, isang kalalagayan ng pagkukulang o nawawalang kabutihan na ayon sa aking kalooba'y dapat naroroon.
  2. Ang katotohanan ay ang kalalagayan ng pagiging kapani-paniwala/makatuwiran. Itinuturing kong kamalian, kasinungalingan, o kabalintunaan ang mga bagay na sa aking pananaw ay di-kapani-paniwala o di-makatuwiran, isang kalalagayan ng pagkukulang o nawawalang katotohanan na ayon sa aking kalooba'y dapat naroroon.
  3. Ang kagandahan ay ang kalalagayan ng pagiging kalugud-lugod/nakapag-papaligaya. Itinuturing kong kapangitan o kaguluhan o kawalang-kahulugan ang mga bagay na ayon sa aking kalooba'y nakababagabag o nakasusuklam o ka-ayaw-ayaw, isang pagkukulang o nawawalang kagandahan na ayon sa aking kalooba'y dapat ay naroroon.

Sa madaling salita, ang mga kasamaan, kamalian, kasinungalingan, kabalintunaan, kapangitan, kaguluhan, at kawalang-katuturan ay mga kalalagayan ng pagkukulang (privation) — hindi sila maaaring masumpungan kay D, sapagkat lalabag sa diwa ng KK3.14

Nangangahulugan ito na kahit makasumpong pa ako kay K ng mga kung anu-anong uri at antas ng kasamaan, kawalang-katotohanan, at kapangitan, hinihingi ng katuwiran na ituring ko ang mga ito bilang

  1. mga pagkukulang/kawalan na ipinahihintulot lamang ni D, at
  2. may lalong malaking kabutihan, katotohanan, at kagandahan na kanyang nilalayong mangyari kaya niya ipinahihintulot ang mga ito, at
  3. ang layuning iyon ay walang-pagsalang maisasakatuparan.
Bakit ko nasasabi ito? Ito'y dahil sa katiyakang kahit na ano pa mang salungat na katangiang mayroon si K, si D ay laging nakahihigit kay K. Kailangan dito ang KABABAANG-LOOB (humility) — mahirap unawain, tanggapin, lunasan, o pagtiisan ang mga kasamaan sa mundo, subalit kailangan kong manatili sa panig ng kabutihan, katotohanan, at kagandahan, taglay ang matibay na pagtitiwalang ang kabutihan, katotohanan, at kagandahan ni D ay lagi at tiyak na mananaig pagdating ng takdang panahon, at alinsunod sa kaparaanang gusto niya. Si D, kung gayon, ay isang makatuwirang batayan ng aking pag-asa (hope) — pag-asang ang kabutihan, katotohanan, at kagandahan ay walang pagsalang mananaig sa bandang huli. Hindi katangahan ni pagbubulag-bulagan man ang magtiwala sa Diyos sa gitna ng mga pagdurusa; manapa'y nagpapakita pa nga ng lubhang kamangmangan silang mga tumutuligsa sa pag-iral ng Diyos nang dahil sa mga pagdurusa. Oo, seryosong usapin ang pagdurusa, subalit wala itong makatuwirang kaugnayan sa usapin ng kung may Diyos ba o wala, at kung mabuti nga ba siya o hindi, o kung maganda ba siya o hindi.

"The fact that God permits physical and even moral evil is a mystery that God illuminates by his Son Jesus Christ who died and rose to vanquish evil. Faith gives us the certainty that God would not permit an evil if he did not cause a good to come from that very evil, by ways that we shall fully know only in eternal life."

CCC 324

Nakagisnan ding ituring ng Simbahang Katolika ang Diyos bilang ➊ "makapangyarihan" (almighty, omnipotent), ➋ "may-panlahatang-kaalaman" (all-knowing, omniscient), at ➌ "sumasalahat-ng-dako" (omnipresent). Aminado naman ang Simbahan na ito'y mga pananalitang may limitasyon, pawang paglalarawan lamang, at hindi ganap na makapag-papahayag sa pagka-Diyos ng Diyos. Sabi nga ni St. Thomas Aquinas, "Hinggil sa Diyos, hindi natin maaarok kung ano siya, kundi kung ano lamang ang hindi siya, at kung paano ang kalalagayan ng ibang mga bagay na umiiral kaugnay sa kanya." (CCC 39-43). Dahil sa naturang limitasyon kaya't hindi maiiwasan na magkaroon ng mga di-pagkakaunawaan, at makasumpong ng mga inaakalang-kabalintunaan (paradox) sa mga maka-diyos-na-katangiang ito. Mahalagang panatilihin ang pamantayan ng katuwiran sa tuwing ang mga ito'y napag-uusapan, bilang tugon sa mga inaakalang-kabalintunaan nila.

ANG DIYOS BILANG MAKAPANGYARIHAN-SA-LAHAT (omnipotent) Kung ipag-papalagay na may mga "kapangyarihan" — alalaong-baga'y mapagsanhing kakayahan na nakapang-yayari o nakapag-papairal — na umiiral sa sanlibutan, samakatuwid, walang ibang maaaring mataluntong pinagmulan ng mga ito maliban kay D. At kung kay D nagmula ang lahat ng kapangyarihan, samakatuwid, kahit na pagsama-samahin pa ang lahat ng mga kapangyarihang ito, hindi sila makahihigit sa kapangyarihan ni D: hindi nila siya mapagbabago, mapakikilos, mapatitigil, o masusupil (T4). Hinihingi ng katuwiran na ituring si D bilang makapangyarihan-sa-lahat — alalaong-baga'y makapangyarihan sa lahat ng mayroon si K.


ANG DIYOS BILANG MAY-PANLAHATANG-KAALAMAN (omniscient) Kung ipag-papalagay na may mga "karunungan" na umiiral sa sanlibutan, samakatuwid, walang ibang maaaring mataluntong pinagmulan ng mga ito maliban kay D. At kung kay D nagmula ang lahat ng karunungan, samakatuwid, kahit na pagsama-samahin pa ang lahat ng mga karunungang ito, hindi sila makahihigit sa karunungan ni D: hindi maaaring mangyari na si K ay may alam na hindi alam ni D, o may tungkol kay K na lingid sa kaalaman o hindi maunawaan ni D, o may kahihinatnan si K na "ikagugulat" o "ikapagtataka" o "ikalilito" ni D. Hinihingi ng katuwiran na ituring si D bilang may-panlahatang-kaalaman hinggil kay K.


ANG DIYOS BILANG SUMASALAHAT-NG-DAKO (omnipresent) Kung ang "lugar"/"lokasyon" ay patungkol sa alinmang bahagi ng space-time continuum, at ang buong sanlibutan ay nasasaklaw nito, at ito'y nagbuhat sa paghilab ng singularity, at kung ito nama'y isang N na matatalunton kay D, makatuwiran bang ipag-palagay na maaaring magkaroon ng dako sa sanlibutan na ganap na nahihiwalay kay D, sa kaparaanang ito'y di-nasasaklaw ng kanyang kaalaman at mapagsanhing kapangyarihan? Hindi. Kung saan man may bagay na umiiral, "naroon" si D upang pairalin ang bagay na iyon. Hinihingi ng katuwiran na ituring si D bilang nasa-lahat-ng-dako — alalaong-baga'y nasa lahat ng dakong umiiral si K.

"Pinagmulan at hantungan ng sanlibutan", "kataas-taasang kabutihan", "walang-hanggang katotohanan at kagandahan", "makapangyarihan", "may-panlahatang-kaalaman", at "sumasalahat-ng-dako" — ito'y mga katangiang bagama't napagtatanto ng katuwiran ay lumalampas sa pang-unawa. Sa harap ng mga dakilang katotohanang ito'y dalawa lamang ang sa palagay ko'y maaaring maitutugon ng tao: (a) kababaang-loob (humility) o (b) kapalaluan (pride). Sa aking palagay, ang patuloy na pagtanggi sa pag-iral ng Diyos (ateismo) ay hindi talaga maituturing na udyok ng matalinong pag-iisip, kundi udyok ng kapalaluan — isang masamang pag-uugaling di-maatim na magpasakop sa nakahihigit na kapangyarihan.

"Now there are only two sorts of people who think Scripture is supposed to be The Big Book of Everything: New Atheists and Fundamentalists."

MARK SHEA
Padding the Case for the New Atheism

MGA KAHANGALAN AT DI-PAGKAKAUNAWAAN

Kapansin-pansin na tulad ng isang karaniwang anti-Katolikong Protestanteng Pundamentalista, maraming mga ateista ang malimit at buong katusuhang sumisipi sa Biblia, na ayon sa kanilang interpretasyon ay nagtuturo di-umano ng kasamaan, katangahan, at kawalang-katuturan. Patunay daw ito na ang Biblia ay hindi maaaring maging "Salita ng Diyos" — "Diyos" na sinasabi daw nating "kataas-taasan" at "napaka-perpektong" kung anu-ano — kundi isang kalokohang libro lang ng mga gawa-gawang kuwento at pantasya ng mga sinaunang taong may lubhang mababaw na pagkakaunawa sa mga katotohanan ng sanlibutan, kung ihahambing sa mga di-umano'y "matatalinong ateista" ng makabagong panahon. Patunay daw ito na hindi talaga totoong may Diyos, at ang Simbahang Katolika — at ang lahat ng mga relihiyong patuloy na "nagpapauto" sa mga "katarantaduhan" ng Biblia — ay masama, tanga, at walang-katuturan, anupa't nararapat na talikdan, libakin, at lipulin. May mga baluktot na pangangatuwiran at mga di-pagkakaunawaan ditong nangangailangan ng pagtutuwid.

NON SEQUITUR. Kung ipagpa-palagay ko man na ang Biblia ay talaga ngang nagtuturo ng kasamaan, katangahan, at kawalang-katuturan, anong kaugnayan nito sa kung may Diyos ba o wala? Wala. Nakararating tayo sa konklusyon na totoo si D (at siya'y KK1, KK2, at KK3), hindi naman dahil sa mga katuruang nasusulat sa Biblia, kundi dahil sa dikta lamang ng katuwiran. Hindi naman kailangang magbasa at maniwala sa Biblia upang mapagtanto ng tao na mayroon nga talagang Diyos. At kahit ipagpalagay pang ang lahat ng mga relihiyong gumagamit ng Biblia ay nagkakamali sa kanilang mga pinaniniwalaan, mananatili pa rin namang makatuwiran ang ating mga konklusyon hinggil kay D. Non Sequitur — alalaong-baga'y "walang-kinalaman" o "walang-kaugnayan" — sa usapin ng pag-iral ng Diyos, kung ang Biblia man ay mangyaring nagtuturo nga ng kasamaan, katangahan, at kawalang-katuturan.

STRAWMAN FALLACY. Kung may mali o may pagkukulang sa pagkakaunawa ko sa isang bagay na hinuhusgahan ko, hindi ba't sariling opinyon ko lamang ang aking talagang hinuhusgahan, sa halip na ang mismong katotohanan hinggil sa bagay na iyon? Hindi ba't nakakatulad ko ang isang hangal, duwag, o baliw, na nakikipagtalo sa isang taong-dayami (strawman) sa halip na sa mismong taong katunggali ko? Kung binabatikos ko ang Cristianismo batay sa mali o kulang na pagkakaunawa ko sa relihiyong ito, at kung inaakala kong "matagumpay" ko itong napabubulaanan, hindi naman ang mismong Cristianismo, kundi ang Cristianismong-nasa-isip-ko-lang, ang talagang tanging napabubulaanan ko. At kung hinuhusgahan ko ang Biblia batay sa mali kong interpretasyon, hindi naman ang Biblia kundi ang maling-interpretasyon-ko-sa-Biblia ang talagang hinuhusgahan ko. Isa nga itong malinaw na panloloko sa sarili, at walang naitutulong sa usapin ng pag-iral ng Diyos.

SOLA SCRIPTURA. Lingid sa kaalaman ng maraming ateista, ang Pananampalatayang Katolika ay hindi nababatay sa "Biblia lamang" (Sola Scriptura). Ang Simbahang Katolika, di tulad ng Protestantismo, ay hindi isang relihiyong nabuo sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng Biblia.

  • "Ayon sa pinakamarunong na panukala ng Diyos, magkakaugnay at magkakasama ang banal na Tradisyon, ang Banal na Kasulatan, at ang gampaning magturo ng Simbahan sa paraang hindi maaaring makatayo ang isa kung wala ang dalawa." (KPK 97)
  • "The Christian faith is not a 'religion of the book'." (CCC 108)
  • "We declare that we defend free from any innovations all the written and unwritten ecclesiastical traditions that have been entrusted to us."
    (Second Council of Nicaea, 787 A.D.)

"Hindi maaaring makatayo ang isa kung wala ang dalawa" — Sa Katolikong pananaw, walang katuturan ang anumang mga pagpapaliwanag hinggil sa mga nasusulat sa Biblia kung ang naturang mga pagpapaliwanag ay sadyang inihihiwalay sa kung ano bang nasasaad sa Banal na Tradisyon at sa kung ano bang tahasan at palagiang itinuturo ng Mahisteryo. Hindi tulad ng mga Protestante at ng mga anti-Katolikong ateista, ang isang Katoliko ay hindi basta na lamang nagbabasa ng Biblia nang sarilinan at saka ito inuunawa sa bisa ng sariling kakayahan; bagkus lagi niyang isinasangkot ang buong Simbahan sa kanyang pagbabasa, yamang ang Biblia ay aklat ng Simbahan. Sa praktikal na pamamaraan, nangangahulugan ito na:

  • mga Bibliang pang-Katoliko lamang ang kanyang ginagamit (may imprimatur at nihil obstat);
  • sumasangguni siya sa mga pang-Bibliang komentaryo na pinahintulutan ng Simbahan;
  • ipinagpapauna niya ang opinyon ng mga Church Fathers, Church Doctors, at ng mga Santo at Santa kaysa sa kanyang mga sariling opinyon, kahit pa sa palagay niya'y "halata" naman o "makatuwiran" naman ang sarili niyang mga kuru-kuro;
  • ipinagsasaalang-alang niya ang mga pampalagiang pagpapaliwanag ng Simbahan, sa pamamagitan ng mataimtim na pakikinig sa mga homiliya, at sa pagsangguni sa mga Pari; at
  • itinuturing niyang tiyak na pamantayan ng tamang katuruan ang mga pormal at tahasang pagtuturo ng Santo Papa, ng mga Ecumenical Councils, at ng pambansang kapulungan ng mga Obispo.15
  • Ipinagsasaalang-alang din niya ang mga karaniwang pamamaraan ng pagbibigay-kahulugan sa isang panitikan. Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko,
    "Ang likas na pag-iisip natin ang nagsasabi sa ating hanapin kung ano ang nasa isip ng kinasihang manunulat kapag binibigyang-kahulugan ang isang teksto. Nangangailangan ito ng ilang pangunahing kaalaman tungkol sa mga panlipunan, pangkalakalan, at pangrelihiyong kalagayan ng mga manunulat sa kanilang natatanging makasaysayang kalagayan." [KPK 93] "Kailangan nating tingnan ang kanyang kaanyuang pampanitikan (halimbawa, mga kuwentong pangkasaysayan, orakulo ng propeta, tula o talinghaga/parabula) na ginagamit ng manunulat . . . . Malaki ang maitutulong ng kaalaman tungkol sa kasaysayan ng pagpapaliwanag ng teksto, lalo na ang paggamit nito sa liturhiya ng Simbahan." [KPK 94]

Sa panig nating mga Katoliko, hindi mahalaga kung nakasusumpong ang mga ateista ng mga inaakala nilang kasamaan, katangahan, at kawalang-katuturan sa kanilang pagbabasa ng Biblia. Ang mahalaga ay kung ang mismong katuruan ba ng Simbahan ay nagtuturo ng kasamaan, katangahan, at kawalang-katuturan. Ang opisyal na katuruan ng Simbahan ang talagang dapat na hinuhusgahan ng mga ateista, hindi ang kanilang mga personal na interpretasyon ng Biblia, sapagkat ang gayong sistema nila ay pawang alinsunod sa doktrinang Protestanteng Sola Scriptura.

"Ipinagkaloob sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya magsihayo kayo at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng bansa, binyagan sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sumunod sa mga ipinag-utos ko. Tandaan ninyo na ako ay sumasainyo sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng daigdig."

MATEO 28: 18-20

ANG MULING PAGKABUHAY NI JESUS


Ang Alexamenos graffito, isang sinaunang bandalismo (mga ikalawang siglo A.D.) na kumukutya sa mga Cristiano.
Kung isasa-Filipino, ang sinasabi nito'y "Si Alexamenos ay sumasamba sa kanyang diyos".


"Subalit kung si Cristo ay hindi muling nabuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at wala ring katuturan ang inyong pananampalataya. At kami'y magiging mga bulaang saksi ng Diyos . . . Kung ang iniaasa lamang natin kay Cristo ay ang para sa buhay na ito, tayo ang kahabag-habag sa lahat ng mga tao." (1 Corinto 15: 14, 15, 19) — Sa katotohanan ng Muling Pagkabuhay (Resurrection) sinasabing tatayo o babagsak ang Cristianismo. Gayon ma'y mahalagang alalahanin at bigyang-diin: Ang "pagbagsak" ng Cristianismo ay hindi mangangahulugan na wala nga talagang Diyos. Ang pagiging makatuwiran ng paniniwala sa Diyos ay hindi naman nakasalalay sa "pagtayo" ng Cristianismo; manapa'y ang kanyang "pagbagsak" ay magpapabulaan lamang sa kaniyang mga natatanging doktrina hinggil sa pananampalataya at pagsamba, hindi sa mismong pag-iral ng Diyos na kanyang sinasampalatayanan at sinasamba. Sa madaling salita, hindi kailangang patunayan na tama ang Cristianismo para patunayang may Diyos. Kaya't wala rin namang katuturan ang mga ginagawang pambabatikos at pangungutya ng mga ateista sa mga katuruan ng Cristianismo, na wari ba'y may napatutunayan sa usapin ng pag-iral ng Diyos ang pagiging "katawa-tawa" o "kakutya-kutya" ng Cristianismo.

Kung magka-gayon, anong katuturan na pag-usapan pa natin ang Cristianismo at pakinggan ang mga pinagsasasabi ng relihiyong ito? Anong kahalagahan sa usapin ng pag-iral ng Diyos na mapatunayang tama ang Cristianismo? Ito'y upang mabigyang-linaw:

  1. kung mayroon pa bang mga dapat o kinakailangang malaman/maunawaan hinggil sa:
    • Diyos (alinsunod sa mga ipinaliwanag kong konklusyon hinggil kay D) at
    • kung paano ba dapat makipag-ugnayan ang sangkatauhan sa Diyos na ito, at
  2. kung may mga kamalian bang maaari nating ikapahamak (sa kung ano pa mang mga kaparaanan ng pagka-pahamak) na tanging ang mga katuruan ng naturang Diyos — kung talagang nagtuturo nga siya sa pamamagitan ng Cristianismo — ang makapagtutuwid sa atin, at sa gayo'y makapagliligtas sa atin sa mga kapahamakang dulot ng maling paniniwala at maling pamumuhay.

Sa madaling salita, mahalagang magka-liwanagan hinggil sa mga pag-aangkin ng Cristianismo, para sa taong may pagpapahalaga sa katotohanan, at may pagpapahalaga sa pagtatamo ng buhay na maayos, payapa, at kasiya-siya.

"The mystery of Christ's Resurrection is a real event, with manifestations that were historically verified, as the New Testament bears witness . . . . It is impossible not to acknowledge it as a historical fact."

CCC 639, 643


 
 

(ITUTULOY...)



 
  1. Almario, Cirilo R. Liwanag at Buhay: Mga Aral Katoliko Batay sa Banal na Kasulatan. Bulacan: FETI Printing & Trading, 1989. [BUMALIK]
  2. "Maipag-papalagay ko". Ituturing kong totoo kahit walang kaparaanan upang matiyak kung totoo nga, upang magsilbing saligan ng pangangatuwiran — alalaong-baga'y pagkatha ng axiom/postulate. Imposible namang maobserbahan ko (o ng sino man) ang buong sanlibutan sa lahat ng panahong umiiral ito. Ang magagawa ko lamang ay obserbahan ang anomang bahagi ng sanlibutang maaaring masaklaw ng aking obserbasyon, at buhat dito'y nakabubuo ako ng konklusyon na ipag-papalagay kong totoo (postulata) para sa buong sanlibutan, hanggang sa makatuklas ako ng bagong kaalaman na magpapabago sa nauna kong konklusyon. Ito ang tinatawag na inductive reasoning. [BUMALIK]
  3. "Along with the method of empiricism as the source of all knowledge goes a definition of cause that is widely accepted today. The cause of any event is a preceding event without which the event in question would not have occurred. This is a mechanistic view of causality popular in scientific circles. All the previous events would constitute the complete cause."
    ("Causality." Microsoft Encarta 2009 DVD. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.) [BUMALIK]
  4. Particle. Ang tawag sa pinaka-maliit na bahagi ng matter. Energy. Ang tawag sa kakayahan ng matter na maka-gawa ng work, na tumutukoy sa paggalaw ng matter tungo sa isang partikular na direksyon dahil sa epekto ng force, na tumutukoy naman sa pwersang humihila o tumutulak. Buhat sa kawalan ay makasusulpot . . . makalilikha. Tahasan itong lumalabag sa Law of Conservation of Energy (alalaong-baga'y First Law of Thermodynamics), na nagsasabing ang energy ay hindi maaaring malikha o maglaho, bagkus ay maaari lamang mag-iba ng anyo/kalalagayan sa loob ng isang saradong sistema. Sa madaling salita, hindi talaga maituturing na maka-agham ang naturang hypothesis. [BUMALIK]
  5. Ang space ay maaaring mapipi. Ayon sa Special Theory of Relativity, ang space na kinaroroonan ng isang bagay na deretsong umaandar ay talagang napipipi alinsunod sa direksyon ng pag-andar nito, at habang bumibilis ang pag-andar ay nadaragdagan din ang pagkapipi. Tinatawag itong Lorentz-Fitzgerald contraction. Ang space ay maaaring mabanat. Natuklasan ng mga siyentista na ang mga galaxy ay unti-unting lumalayo sa isa't-isa dahil sa epekto ng dark energy; ang mga galaxy mismo'y hindi umaandar papalayo sa isa't-isa, bagkus ang mismong space na kinalalagyan nila ay unti-unting nababanat, at patuloy ding bumibilis ang pagkakabanat na ito. Ang space ay maaaring mapilipit. Ayon sa General Theory of Relativity, ang gravity ay ang pagkapilipit/pagkakurbada ng space-time continuum dahil sa epekto ng mass (tumutukoy ito sa kung gaano karaming bagay ang taglay ng isang matter), anupa't "nahihila" ng isang bagay na may malaking mass ang mga bagay na may mas maliit na mass, at sila'y "umaandar" alinsunod sa hugis ng pagkapilipit ng space-time (gaya ng paglibot/pagdadaang-tala ng buwan sa daigdig). Ang time ay maaaring bumagal. Ayon sa Special Theory of Relativity, hindi lamang ang space ang apektado ng deretsong pag-andar ng isang bagay; bumabagal din ang pagtakbo ng oras sa dako ng space-time continuum na pinangyayarihan ng pag-andar. At habang bumibilis ang pag-andar, nadaragdagan din ang pagbagal ng oras, hanggang sa puntong ito'y tuluyang tumigil kapag naabot na ang speed of light na 299,792,458 meters/second. Ito ang tinatawag na Time Dilation. [BUMALIK]
  6. Sa una sa apat na bahaging dokumentaryong "The Fabric of the Cosmos" (unang bahagi: "What is Space?"), sinabi ng physicist na si Brian Greene:
    "We think of our world as filled with stuff . . . What if you took all this stuff away . . . not just the stuff here on Earth, but the earth itself; what if you took away all the planets, stars and galaxies? And not just the big stuff, but tiny things down to the very last atoms of gas and dust; what if you took it all away? What would be left? Most of us would say 'nothing.' And we'd be right. But strangely, we'd also be wrong. What's left is empty space. And as it turns out, empty space is not nothing. It's something, something with hidden characteristics as real as all the stuff in our everyday lives. In fact, space is so real it can bend; space can twist, and it can ripple; so real that empty space itself helps shape everything in the world around us and forms the very fabric of the cosmos."
    [https://www.pbs.org/wgbh/nova/video/the-fabric-of-the-cosmos-what-is-space] [BUMALIK]
  7. "Vacuum, defined strictly, space that has all matter removed from it. It is impossible to create a perfect vacuum in the laboratory; no matter how advanced a vacuum system is, some molecules are always present in the vacuum area. Even remote regions of outer space have a small amount of gas. A vacuum can also be described as a region of space where the pressure is less than the normal atmospheric pressure of 760 mm (29.9 in) of mercury."
    ("Vacuum." Microsoft Encarta 2009 DVD. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.) [BUMALIK]
  8. Ano nga ba ang isang "field"? Sa pakahulugan ng agham, tumutukoy ito sa ano mang maaaring mabilang/masukat sa bawat punto sa space-time. Pero ano nga ba yaong binibilang/sinusukat mo? Mas madali natin itong mauunawaan kung ihahambing natin ito sa kung paano ba gumagana ang isang magnet. Kapag naglapit ang magnet at ang isang piraso ng bakal, may kung anong di-nakikitang pwersa na humihila at nagdidikit sa kanila. Kapag pinagtapat at pinaglapit ang magkaparehong pole ng dalawang magnet, may kung anong di-nakikitang pwersa na tumutulak at naglalayo sa kanila. Paanong nangyari na sa tila empty space sa pagitan nila ay may matutukoy na distansyang kapag naabot ay may nangyayaring pagtulak o paghila (force)? Maaari nating makita ang hugis ng "kung-anong-naroroon" sa space kapag dahan-dahan nating binudburan ng pinulbos na bakal (iron filings) ang paligid ng isang magnet. Ang di-nakikitang bagay na iyon ay ang magnetic "field" ng naturang magnet. [BUMALIK]
  9. Brahman. Sa Hinduismo, ito ang sukdulang kapangyarihang pumupuspos sa buong sanlibutan; ang walang pagka-personang puwersang pinagmulan at hantungan ng lahat ng bagay na umiiral. Qi. Sa Feng Shui, ito ang nagbibigay-buhay na kapangyarihang nasa sanlibutan, at dumadaloy sa lahat ng mga bagay na may-buhay. Tao. Sa Taoismo, ito ang dakilang katotohanan, ang kapangyarihang pinagmumulan at nagpapanatili sa lahat ng mga umiiral, ang mismong kaayusan ng buong sanlibutan. Pantheism. Tumutukoy sa mga paniniwalang ang mga diyos/diyosa/sukdulang-katotohanan at ang materyal na sanlibutan ay iisa; na ang mismong sanlibutan ay ang diyos. Animism. Tumutukoy sa mga paniniwalang ang lahat ng mga bagay sa sanlibutan ay may espiritu/kaluluwa/kamalayan; tumutukoy ito sa mga relihiyong sumasamba sa kalikasan. Polytheism. Tumutukoy sa mga relihiyong naniniwala sa maraming mga diyos/diyosa na nagtutunggalian, nagaasawahan, nanganganak, at "namamatay" upang maging sangkap ng materyal na sanlibutan. Dualism. Tumutukoy sa mga relihiyong naniniwala na may dalawang diyos/diyosa na magkapantay at magkasalungat, at ang sanlibutan ay nalilikha at naiipit sa walang hanggang pag-aaway ng dalawa.

    Malinaw sa kani-kaniyang diwa na wala alinman sa mga paniniwalang ito ang maaaring tumugma kay D, sapagkat maituturing silang mga N na sumasangkap kay K. [BUMALIK]

  10. Electromagnetism. Ang pwersang nag-uugnay sa mga electrons sa kinabibilangan nilang atom. Strong nuclear force. Ang pwersang nag-uugnay sa mga protons at neutrons sa nucleus. Weak nuclear force. Ang pwersang dinadala ng W at Z particles na nagdudulot ng radioactive decay. Gravity. Ang pwersang "humihila" sa dalawang bagay tungo sa isa't isa, dahil sa pagkakurbada ng space-time continuum na nililikha ng kanilang taglay na mass. [BUMALIK]
  11. Si Georges Lemaître ay isa ring Katolikong Pari, at siyang unang kumatha ng hypothesis na ang paghilab ng sanlibutan ay matatalunton sa pagputok ng singularity (na tinawag niya noong "Primeval Atom"/"Cosmic Egg"). Tinuligsa ng siyentistang si Fred Hoyle ang naturang hypothesis, at sa isang programa sa radyo ay pakutya niya itong tinawag na "big bang" — mga salitang kalauna'y naging pormal na taguri sa nasabing teorya. [BUMALIK]
  12. Plasma. Isa sa apat na anyo/kalalagayan ng matter (ang nalalabing mga tatlo ay solid, liquid, at gas). Umiiral lamang ang plasma sa mga matitinding temperatura o sa mga malalaking boltahe ng kuryente. Thermal spectrum. Lahat ng bagay na may temperaturang mas mataas sa absolute zero ay nagpapakawala ng radiation — bilang nakikitang liwanag o "di-nakikitang" liwanag (dahil sa napaka-babang antas nito). Kung ang sanlibutan — magmula nang ito'y "pumutok" buhat sa singularity — ay patuloy na humihilab, ibig sabihin, ang liwanag ng sinaunang sanlibutan ay kasama ring nababanat sa pagdaan ng panahon. Pagkalipas ng mga 13 bilyong taon, nabanat na ang naturang liwanag hanggang sa napaka-babang antas ng di-nakikitang spectrum ng liwanag, bilang isang microwave radiation na may temperaturang 2.7 Kelvin, na siyang temperatura ng CMBR. [BUMALIK]
  13. Ang T3 ay hindi lamang isang pang-pilosopiyang teorama, kundi isang makatotohanang konklusyon na kinakatigan ng siyensya. Isang lantad na katotohanan ng agham na ang mga di-umano'y "perpetual motion machines" (alalaong-baga'y mga makinang maaaring umandar nang mag-isa magpakailanman) ay imposibleng mangyari, sapagkat tahasang lumalabag sa Law of Conservation of Energy (First Law of Thermodynamics) at sa Law of Entropy (Second Law of Thermodynamics) [Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa: "Perpetual Motion Machines: Working Against Physical Laws" ni Jessie Szalay — https://www.livescience.com/55944-perpetual-motion-machines.html]. Habang may makatuwirang posibilidad para sa isang sanlibutang hihilab magpakailanman (eternal expansion), o di-kaya'y paulit-ulit na mag-uurong-sulong (bouncing/oscillating/cyclic universe), may makatuwiran din namang batayan upang ituring iyon na may pinagsimulan, batay sa mga pag-aaral na ginawa ng mga siyentistang sina Alexander Vilenkin, Arvind Borde, at Alan Guth (Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa: "In the Beginning Was the Beginning" ni Jacqueline Mitchell — https://now.tufts.edu/articles/beginning-was-beginning). Para sa mismong scientific paper ng Borde-Guth-Vilenkin Theorem, maaaring tingnan sa — Cornell University Library: Inflationary spacetimes are not past-complete (https://arxiv.org/abs/gr-qc/0110012). [BUMALIK]
  14. Kung walang may-isip na sumasaksi sa isang bagay o pangyayari, wala rin namang huhusga sa mga ito, kung sila ba'y "mabuti" o "maganda" o "totoo". Ito nga'y mga katotohanang pang-kaisipan.

    Gayon man, kahit na ang kahulugan ng kabutihan, katotohanan, at kagandahan ay ibinatay ko lamang sa aking sariling pag-iisip, at kahit pa magkaroon ng naiibang pakahulugan ang ibang tao hinggil sa mga ito, ang mismong isip (mind) na taglay ko at ng lahat ng tao — yaong bagay na may-pagka-persona, may-kaalaman, umuunawa, nangangatuwiran, humuhusga, gumugusto-umaayaw, at nagpapasya — ay isang totoong bagay na umiiral, at sa gayo'y matatalunton kay D bilang isang ISIP na payak, magpakailanman, at ganap (alalaong-baga'y isang ISIP na hindi pabagu-bago, walang nalilimutan, walang kalituhan, kumpletong kaalaman na di-nangangailangan ng pag-aaral at pag-proseso ng impormasyon). Mangangahulugan ito na si D ang nagsisilbing tunay at tiyak na pamantayan ng kabutihan, katotohanan, at kagandahan — kung ano ang ayon sa kanya ay mabuti, iyon ang siguradong mabuti; kung ano ang ayon sa kanya ay totoo/tama, iyon ang siguradong totoo/tama; kung ano ang ayon sa kanya ay maganda, iyon ang siguradong maganda. Samakatuwid, si D ang nag-iisang totoong pamantayan ng tatlong ito. [BUMALIK]

  15. "Ang pinakamahalagang tungkulin ng Obispo ay ang 'pagpapahayag ng Ebanghelyo'. Ang mga Obispo ay 'tunay na guro', na pinagkalooban ng kapangyarihan ni Kristo, na nangangaral sa pakikipag-isa sa Papa sa Roma. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, iginawad ni Kristo sa kanyang Simbahan, lalung-lalo na sa Kolehiyo ng mga Obispong nagtuturong kaisa ng Kahalili ni Pedro, ang Santo Papa, ang biyaya ng kawalang pagkakamali. Ang biyayang ito ay nagpapanatili sa Simbahan na malayo sa pagkakamali sa pagtuturo ng anumang ipinahayag ng Diyos tungkol sa pananampalataya at moral na pamumuhay." (KPK 1423)
    ". . . Ang natatanging kaloob na ito ay tinatamasa ng Santo Papa sa Roma, dahil sa kanyang katungkulan bilang Punong Pastol at guro ng lahat ng mananampalataya, kapag ipinahahayag niya sa isang tiyak na pagkilos, ang isang doktrina tungkol sa pananampalataya at moral na pamumuhay. Ang kawalang pagkakamaling ito na ipinangako sa Simbahan ay nasa mga Obispo rin kapag, bilang isang kapulungan kaisa ng Kahalili ni Pedro, ay ginaganap nila ang kanilang pangunahing tungkuling magturo . . ." (KPK 1424) [BUMALIK]

 

Talasalitaan batay sa: DICTIONARY OF SCHOLASTIC PHILOSOPHY ni Bernard Wuellner, S.J. (Milwaukee: The Bruce Publishing Company, 1956.)

  • ACT a determining principle; the intrinsic principle which confers a definite perfection on a being.
  • BEING that which in any way is (whether in the state of existence, in potency, in the power of its cause, in the mind, in the imagination, or in mere statement); the real; that to which existence belongs.
  • CONTINGENT that which can be or not be or be other than it is; that which is changeable or perishable in being, disposition, or operation.
  • GOOD that which is suitable to or befitting a being; that which all things desire; the desirable.
  • MOTION any passage of something from potentiality to actuality; any change; any reception of a perfection.
  • NECESSARY that which cannot not-be; that which must be and be as it is; that which must act as it does and which cannot act otherwise; that which is not free in its action.
  • PERFECTION any good possessed by a being; some definite actuality, reality, or good belonging to a being, suitable to it, and conceived as really and mentally distinct from other perfections present in that being.
  • POTENCY capacity of any sort; capacity of a being or in a being to be, to act, or to receive.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF