"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

- ADS -

- ADS -

Sabado, Hulyo 09, 2022

Namatay bang anti-Katoliko si Rizal?

Appeal to False Authority

Kabilang sa mga paboritong taktika ng mga anti-Katoliko (lalo na sa social media) ay ang pagsasangkalan kay Rizal bilang "katibayan" na mali talaga ang Simbahang Katolika hinggil sa kung ano pa mang paksang nais nilang tuligsain. Hindi malinaw ang batayan nila sa kung bakit nila ito ginagawa. Iniisip ba nilang ang pagiging "pambansang bayani" ay nangangahulugang ang isang tao'y maituturing na katiwa-tiwalang dalubhasa sa mga aral ng relihiyon? Inaakala ba nilang sa "sobrang talino" ni Rizal ay imposible na siyang magkamali sa anumang paksang tinatanggap niya o tinututulan niya? Kinikilala ba nila si Rizal bilang perpektong huwaran ng isang tunay na mabuti at matalinong Pilipino? Sa tuwing kinakalaban ng isang tao ang Simbahang Katolika, gaano ba talaga kaimportante na maging "kakampi" niya si Rizal?

Sa logic may tinatawag na appeal to false authority — alalaong-baga'y ang pagsasangkalan ng mga maling tao bilang pagpapatibay sa isang argumento. Halimbawa, maling isangkalan ang isang dentista hinggil sa kawastuhan ng trabaho ng isang engineer, kahit mangyari pang siya ang pinaka-mahusay na dentista sa buong mundo. Maling isangkalan si Pia Wurtzbach hinggil sa kawastuhan ng trabaho ng isang mekaniko, kahit siya pa ang nanalong Miss Universe 2015. Oo, maaaring magsaliksik ang isang dentista tungkol sa engineering, at si Pia tungkol sa pagkukumpuni ng sasakyan, at nararapat naman talagang respetuhin ang kanilang opinyon batay sa mga naturang pagsasaliksik. Ang tanong: Ganyan ba ang ginagawa ng mga anti-Katolikong nagsasangkalan kay Rizal? Hindi. Sa halip na ilatag ang mismong mga argumento ni Rizal laban sa Simbahan upang iyon ang mapag-usapan, ang tanging isinasangkalan nila ay ang katatayuan ni Rizal bilang "pambansang bayani" at "Pilipinong henyo," kahit na ang mga karangalang ito ay hindi naman naglalagay sa kanya sa katatayuan ng isang dalubhasa sa Cristianismo.

Kung iisipin, kahit nga maging dalubhasa ka pa ng relihiyon, kahit magkaroon ka pa ng malawak na kaalaman sa Biblia at teyolohiya, hindi iyon sapat na batayan para agad paniwalaan ang anumang sasabihin mo — pabor man o hindi — hinggil sa Simbahang Katolika. Sapagkat ang tunay na lehitimong tagapagpaliwanag ng mga aral ng Panginoong Jesus ay walang iba kundi ang ating mga Obispo, batay sa kanilang katatayuan bilang mga kahalili ng mga Apostol, sa pamumuno ng Santo Papa, na siya namang kahalili ni Apostol San Pedro. Kung ibig mong pag-aralan ang tunay na aral ng Cristianismo, ang katuruan ng mga Obispo ang dapat mong pagtuunan ng pansin, na masusumpungan naman sa iba't ibang mga dokumento ng Simbahan: sa mga sinulat ng mga Santo Papa, sa mga kasulatan ng mga iba't ibang mga konsilyo ng Simbahan (lalo na ng mga Ecumenical Councils), sa mga sulat-pastoral ng CBCP, sa mga katuruan ng mga kinikilalang Church Fathers at Church Doctors, sa mga opisyal na katesismo gaya ng CCC at KPK, atbp.

Wala namang problema kung may mga taong sobrang bilib kay Rizal at kumbinsidong makatuwiran ang kanyang mga argumento laban sa Simbahan, hangga't ang mismong mga argumentong iyon ang inilalatag at ipinaliliwanag. Sa gayon, nagkakaroon pa rin ng isang tunay na makatuwirang pag-uusap hinggil sa ating mga di-pagkakasundo sa paniniwala. Subalit kung wala kang ibang gagawin kundi ang ipagsangkalan ang pagiging "pambansang bayani" at "matalino" ni Rizal, at igigiit mong sapat na ang mga iyon bilang batayan na tama ang mga pinagsasasabi niya laban sa Simbahan, ibig sabihin, HINDI KA MATINONG KAUSAP, at isa ka lamang tusong mapanlinlang na anti-Katoliko na kinakasangkapan si Rizal para sa pagtataguyod ng mga makasariling ideyolohiya.


Ang kaduda-dudang Retraction

Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na si Rizal ay naging isang anti-Katoliko. Noong April 21, 1956, inisa-isa ng Simbahan ang lahat ng kanyang mga aral at paggawi na tinuligsa ni Rizal sa kanyang mga librong Noli Me Tangere at El Filibusterismo:

"In these two novels we find passages against Catholic dogma and morals where repeated attacks are made against the Catholic religion in general, against the possibility of miracles, against the doctrine of Purgatory, against the Sacrament of Baptism, against Confession, Communion, Holy Mass, against the doctrine of Indulgences, Church prayers, the Catechism of Christian Doctrine, sermons, sacramentals and books of piety. There are even passages casting doubts on or covering with confusion God's omnipotence, the existence of hell, the mystery of the Most Blessed Trinity, and the two natures of Christ.
"Similarly, we find passages which disparage divine worship, especially the veneration of images and relics, devotion to the Blessed Virgin and the Saints, the use of scapulars, cords and habits, the praying of rosaries, novenas, ejaculations and indulgenced prayers. Even vocal prayers are included, such as the Our Father, the Hail Mary, the Doxology, the Act of Contrition, and the Angelus, Mass ceremonies, baptismal and exsequial rites, worship of the Cross, the use of holy water and candles, processions, bells and even the Sacred Sunday obligations do not escape scorn.
"We also find passages that make light of ecclesiastical discipline, especially in what concerns stole fees, alms to the Church, alms in suffrages for the dead, authority of the Pope, excommunication, education in Catholic schools, Pontifical privileges, Catholic burial, the organization of nunneries and monasteries, Confraternities, Third Orders, etc."

(Statement of the Philippine Hierarchy on the Novels of Dr. Jose Rizal, ❡ 7-9)

Ang tanong: Pinanindigan ba ni Rizal ang mga kamaliang ito hanggang kamatayan, o nagsisi ba siya at nagbalik-loob sa Katolikong Pananampalataya bago siya namatay? Sa panig ng mga anti-Katoliko, kapansin-pansin na sa pagsagot nila sa tanong na ito, ang tanging pinagtutuunan nila ng pansin ay ang kontrobersya hinggil sa pinirmahang Retraction ni Rizal. Ang kontrobersya ay dahil walang katiyakan kung alin ba sa mga umiiral na kopya ng naturang dokumento ang talagang maituturing na orihinal.1 Walang katiyakan dahil hindi pare-pareho ang mga ito — may mga mumunting pagkakaiba sa mga salita at bantas na ginamit, at sa pagkakasa-ayos ng mga talata.

Sa kabila ng kontrobersyang ito, mahalagang magkaliwanagan:

  1. May matibay na katibayan sa kasaysayan na talagang may pinirmahang retraction si Rizal; ang problema lamang ay kung paano tutukuyin ang orihinal, o kung umiiral pa ba ang naturang dokumento o naglaho na.
  2. Sa kabila ng mga pagkakaiba, nananatili pa rin naman ang diwa ng lahat ng mga umiiral na bersyon nito: Ⓐ na inaamin niya't pinagsisisihan ang kanyang pagkakasangkot sa Freemasonry at ang lahat ng kanyang mga sinulat at sinabi laban sa Simbahang Katolika, at Ⓑ nais niyang manatiling Katoliko hanggang kamatayan. Maski ano pang bersyon ang pagbatayan, walang pagbabago sa diwang nais ipatalastas.
  3. Ang retraction ni Rizal noong December 29, 1896 ay hindi ang unang pagkakataon na gumawa siya ng retraction. May nauna na siyang retraction noon pang 1895, na isusumite sana sa Obispo ng Cebu upang mapahintulutan ang kasal nila ni Josephine Bracken. Binawi niya ito nang mapagtanto niyang posible itong magamit laban sa kanya.

Mga tiyak na tanda ng pagbabalik-loob

Ang Retraction ni Rizal ay hindi natin itinuturing na tanging batayan para masabing nagbalik-loob siya sa Simbahang Katolika bago siya namatay. Dahil kung tutuusin, ang tanging silbi lang naman talaga ng naturang dokumento ay upang mapakasalan na niya si Josephine Bracken, at upang makapagsimba't makatanggap siya ng banal na komunyon sa huling pagkakataon.

Ang talagang mapanghahawakan nating tanda ng kanyang pagbabalik-loob ay ang mga ginawa niya bago siya barilin sa Bagumbayan noong December 30, 1896:

  • December 29, 1896, 7:15 AM, hiningi niya kay Fr. Luis Viza ang imahen ng Sagradong Puso na inukit niya noong estudyante pa siya ng Ateneo.
  • 9 AM, matapos mag-almusal, humingi siya ng aklat dasalan, na ibinigay naman ni Fr. Estanislao March.
  • 10 AM hanggang 12:30 PM, nag-usap sina Rizal, Fr. Jose Vilaclara, at Fr. Estanislao March hinggil sa mga paksang relihiyoso, at sa kinakailangan niyang gawing retraction. Matapos niya itong rebisahin, pinirmahan ni Rizal ang naturang retraction mga bandang 3 PM.
  • 3 PM hanggang 5:30 PM, nagdasal si Rizal kasama sina Fr. Vilaclara at Fr. March. Kabilang sa mga dinasal ay ang Acts of Faith, Hope, at Charity, at mga panalangin para sa mga naghihingalo. Mahalaga ito, sapagkat malinaw na nasasaad sa Act of Faith na tinatanggap mo ang lahat ng mga katuruan ng Simbahang Katolika, at sa pananampalatayang ito'y ibig mong mabuhay at mamatay.
  • December 30, 1896, 4 AM, muling nagdasal si Rizal sa harap ng altar.
  • Sa sulat ni Rizal sa kanyang pamilya, hiniling niyang lagyan ng krus ang kanyang magiging libingan.
  • 5 AM, dumating si Josephine Bracken. Ikinasal sila, nagdiwang ng Banal na Misa, at nangumpisal si Rizal kay Fr. March. Kalauna'y nagkaroon ulit ng Misa, at doon na si Rizal tumanggap ng komunyon. Muli, mahalaga ito, dahil walang sinumang Pari ang papayag na bigyan ng komunyon si Rizal malibang nagbalik-loob na talaga ito sa Katolikong Pananampalataya.
  • Ang huling regalo ni Rizal kay Josephine ay isang relihiyosong librong pang-Katoliko, ang Imitation of Christ. Sa maikling mensaheng isinulat niya sa libro, tinawag niya si Josephine na "my dear and unhappy wife." Ipinahihiwatig nito na talagang naikasal sila bago siya namatay, at ito'y isang kasal sa bisa ng Sakramento ng Matrimonyo — na hindi naman mapahihintulutang mangyari malibang may maisusumite siyang pormal na retraction.
  • Nang si Rizal ay dinadala na sa Bagumbayan, inabutan siya ni Fr. March ng imahen ng Mahal na Birhen, at hinalikan naman niya ito nang paulit-ulit.

Iyan ay mga pangyayaring maraming nakasaksi at maayos na naitala sa kasaysayan.2 Sa harap ng mga katotohanang ito, hindi ba't isang napakalaking kabalintunaan at kalapastanganan na rin sa alaala ni Rizal, ang patuloy na pagkasangkapan sa kanya ng mga anti-Katoliko para kalabanin ang Simbahang Katolika?

 


 

  1. Wala pang mga Xerox machine noong kapanahunan ni Rizal, kaya't kung ibig mong magkaroon ng "eksaktong kopya" ng isang dokumento, uupa ka ng mga tao na marunong manggaya ng sulat-kamay at pirma. Epektibo naman ang ganitong sistema, subalit ang problema, paano kung magkamali sila sa pagkopya, o kung sadya nila itong iwasto o baguhin, o maglagay sila ng mga paliwanag o pananda o karagdagang impormasyon (mga sidenotes, ika nga) subalit nakaligtaang sabihin na hindi iyon bahagi ng dokumentong kinokopya nila? At paano kung magkahalu-halo ang orihinal at ang mga kopya nito, paano mo na matutukoy ang orihinal na dokumento? [BUMALIK]
  2. References: "Jose Rizal: Life, Works, and Writings of a Genius, Writer, Scientist, and National Hero" by Gregorio F. Zaide, Sonia M. Zaide. | "Did Jose Rizal Die a Catholic? Revisiting Rizal's Last 24 Hours Using Spy Reports" by Rene Escalante. | "Retraction ni Jose Rizal: Mga bagong dokumento at pananaw" by Michael Charleston "Xiao" Briones Chua.

    Ang mga sinaunang dokumentong mapagbabatayan natin ay ang tinaguriang "Cuerpo de Vigilancia" report, na maituturing na isang walang kinikilingang eyewitness account hinggil sa mga huling oras ni Rizal (walang pagkiling sa panig ng Simbahan, ni sa panig ng mga Freemasons), at ang mismong mga sinulat ni Rizal sa kanyang pamilya at sa kanyang asawang si Josephine Bracken. [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF