"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

- ADS -

- ADS -

Martes, Disyembre 08, 2020

Kecharitomene

Sa ating paggunita sa kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, magandang pagnilayan ang isa sa mga taludtod ng Biblia na malimit gamitin sa apolohetika sa pagtatanggol sa naturang dogma: ang Lucas 1: 28. Dito'y binati ng Anghel Gabriel ang Mahal na Birhen sa isang natatanging paraan. Kabisado na natin ang kanyang mga sinabi, palibhasa'y ito rin ang unang taludtod ng isa sa mga pinaka-ginagamit na panalangin nating mga Katoliko: Aba, ginoong Maria, napupuno ka ng grasya! Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo!

Napupuno ka ng grasya. Ito'y tuwirang pagsasa-Filipino ng pagkakasalin sa Bibliang Latin (gratia plena). Subalit ano ang nasasaad sa mga manuskritong Griyego? Ang salitang sinabi ay kecharitōmenē, na ang literal na kahulugan ay "babaeng na-grasya-han noon, at hanggang ngayo'y taglay pa rin ang grasyang tinanggap". Oo, sadyang mayaman ang kahulugan ng naturang salita, at isang hamon kung paano mo ba ito dapat isalin nang tama at maayos sa iba't ibang wika. "Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos" (MBB), "Sobrang pinagpala ka" (PVCE), "puspos-ng-biyaya" (Abriol), "favored one" (NABRE), "so highly favoured" (JB)... Paano ba talaga dapat? Habang malaking isyu para sa ilang mga Katoliko ang anila'y "wastong salin" ng kecharitōmenē (anupa't ito ang isa sa mga sukatan nila ng "wastong Biblia"), alalahanin nating hindi sa paggamit ng wastong pananalita nailalantad ang tunay na kahulugan nito. "Sa mga pangungusap na ito ay nagitla siya at pinag-isip-isipan niya ang maaaring kahulugan ng gayong pagbati" (Lucas 1: 29). Mismong ang Mahal na Birhen ay nagulumihanan sa naturang pananalita, kaya't tulad niya, dapat din natin itong pag-isipan nang mabuti. Ito ang ilan sa mga pagkakataon na kailangan mo na ng isang tagapagpaliwanag (Gawa 8: 30-31). Ito'y isang hudyat upang makinig na tayo sa tinig ng Mahisteryo: hindi sa mga nagmamarunong na anti-Katoliko, hindi sa mga kinikilalang "dalubhasa", at mas lalong hindi sa sarili mong kutob at pagka-intindi.

Ayon sa pormal na katuruan ng Simbahang Katolika,

490. To become the mother of the Saviour, Mary "was enriched by God with gifts appropriate to such a role." The angel Gabriel at the moment of the annunciation salutes her as "full of grace". In fact, in order for Mary to be able to give the free assent of her faith to the announcement of her vocation, it was necessary that she be wholly borne by God's grace.

491. Through the centuries the Church has become ever more aware that Mary, "full of grace" through God, was redeemed from the moment of her conception. That is what the dogma of the Immaculate Conception confesses, as Pope Pius IX proclaimed in 1854: The most Blessed Virgin Mary was, from the first moment of her conception, by a singular grace and privilege of almighty God and by virtue of the merits of Jesus Christ, Saviour of the human race, preserved immune from all stain of original sin.

CCC


Dagdag pa ng Katesismo, ang mga pananalitang "napupuno ka ng grasya" at "ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo" ay magka-ugnay at nagbibigay-liwanag sa isa't-isa: si Maria ay kecharitōmenē dahil sumasakanya ang Diyos (CCC 2676).


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Nobyembre 10, 2020

Marami ka bang alam sa Biblia?

Isang malaking palaisipan sa akin kung paanong nagagawang angkinin ng mga anti-Katoliko na sila daw, di umano, ay maraming alam sa Biblia. Maraming beses na daw nila itong nabasa, at sa tulong nito'y napagtanto nilang ang Simbahang Katolika nga ay mali. Ipinagmamayabang ng mga ateista na sa pagbabasa daw ng Biblia natuklasan nila na ang Diyos ng Cristianismo ay isang malaking kalokohan. Sinasabi naman ng mga "dating Katoliko" (na umanib sa ibang sekta) na sa pagbabasa daw ng Biblia nabisto nila ang mga sari-saring inimbentong aral ng Katolisismo, at kanilang natagpuan ang "tunay na iglesya" na nagtuturo ng "katotohanan". Siyempre pa, may nakahanda na silang listahan ng mga taludtod na ipamumukha sa iyo sa sandaling hanapan mo sila ng katibayan ng kanilang ipinagmamalaking "kaalaman". Hindi ako makapaniwala kung paano nila iyon nagagawa—ang pagtiyagaang basahin ang Biblia—gayong kung ako nga, na isang Katoliko at may-akda ng blog na ito ay lubhang NASUSUYA, TINATAMAD, at NAHIHIRAPAN sa pagbabasa ng naturang libro, sila pa kaya?

Oo, hindi tulad ng mga matatalinong anti-Katoliko, pakiramdam ko'y wala akong karapatan na sabihing marami akong alam sa mga Banal na Kasulatan. Isang kabalintunaan na pangunahing batayan ko ang Biblia sa lahat ng mga pinagsasasabi ko sa blog na ito, gayong hindi ko naman pala ito kinagigiliwang basahin. Itinuturing ko ang aking sarili na mangmang sa Biblia, at pakiramdam ko'y pinatatamaan ako ng mga salita ni St. Jerome: "Ignorance of the Scriptures is ignorance of Christ". Para sa akin, isang napakabigat na obligasyon ang magbasa ng Biblia araw-araw. Nakasusuyang magbasa ng mga mahahabang panitikan, mga paulit-ulit na panalangin, mga batas at seremonyas na di akma sa modernong lipunan, mga listahan ng mga salinlahi, at mga numero at petsa ng kung anu-ano. Nakatatamad maglaan ng isa o dalawang oras sa pagbabasa, na maaaring gugulin na lamang sana sa mga mas nakagiginhawa o nakalilibang na gawain. Napakahirap unawain ng mga matalinghagang pananalita, ng mga sari-saring estilo ng pakiwari ko'y pagpapaliguy-ligoy sa halip na deretsahan na lang sabihin ang gustong sabihin... Sa dami ng aking mga iniisip at inaasikaso sa araw-araw, idadagdag ko pa ba ang Biblia?


MBB at PVCE

Hindi naman ako dating ganyan. Noong bata pa ako, naging paborito kong libro ang Biblia. Halos araw-araw ko itong binabasa, lalo na ang Ebanghelyo ni San Mateo. Ang Biblia ang humubog sa aking mga moral na paninindigan, lalung-lalo na ang "Sermon sa Bundok" ng Panginoong Jesus. Sa pagbabasa ng Biblia ko rin minana ang pamamaraan ko ng paggamit ng wikang Filipino, anupa't ito ang ginawa kong pamantayan ng tamang pagbaybay, estilo, at balarila. Ang pagkahilig ko noon sa Biblia ay isa sa mga dahilan kung bakit naging "kakaibang bata" ako noon—isang "nerd" na hindi mo makausap nang matino tungkol sa mga bagay na uso at kinahuhumalingan ng nakararami, sapagkat puro Biblia lang ang laman ng utak.

Subalit anong nangyari sa akin? Sa pagdaan ng panahon, napagtanto ko na ang bersyon ng Bibliang ginagamit ko—ang Magandang Balita Biblia—ay isang dynamic equivalence translation: ibig sabihin, nakatuon ang pagsasalin-wika sa kung paano ipahahayag sa wikang pagsasalinan ang kahulugan ng sinasabi sa orihinal na wika, sa halip na hanapan ito ng tuwirang katumbas na pananalita sa wikang pagsasalinan (formal equivalence translation). Parehong mahalaga at kailangan ang dalawang pamamaraang ito ng pagsasalin-wika upang maipatalastas ang talagang sinasabi ng orihinal. Ang pagkakaiba ng mga wika ay hindi lang naman kasi tungkol sa mga salita at balarila (na napananatili sa formal equivalence), kundi pati rin sa estilo, sa tradisyon, sa anyong pampanitikan, atbp. (na mas mabisang naipatatalastas sa pamamagitan ng dynamic equivalence). At dahil wala naman akong panahon at pera para mag-aral ng mga sinaunang wika ng Biblia (Hebreo, Aramaiko, Griyego), ang pinakamabuting magagawa ko ay gumamit ng iba't-ibang bersyon ng Bibliang Katoliko, at pati na rin ng mga pang-Katolikong komentaryong biblikal. Ang resulta: tambak ang mga libro sa aking lamesa, habang binabasa at pinagninilayan ang iilang taludtod lang ng Biblia. Mistula akong nagkaroon ng pangalawang trabaho sa bahay, matapos ang maghapong trabaho sa opisina.

Siyempre, hindi porke't mahirap, nakatatamad, at nakasusuya ang isang gawain ay hindi mo na ito gagawin. Kung may problema, wala kang ibang dapat gawin kundi ang humanap ng solusyon. Kung nahihirapan ka, umisip ka ng paraan kung paano ito padadaliin. Kung tinatamad ka, alamin mo ang mga oras sa maghapon kung kailan aktibo ang isip at pangangatawan mo upang ang mga naturang oras ang ilaan mo sa mga mahahalagang gawain. Kung nasusuya ka, palitan mo ang mga gawaing paulit-ulit na ginagawa subalit walang gaanong naibubunga.

Ano, kung gayon, ang naisip kong "solusyon"? Naisip kong gumamit ng teknolohiya. May cellphone ako; bakit di ako mag-download ng mga Bible app na makatutulong sa aking pagbabasa? Limang bersyon ng Biblia ang nasa cellphone ko, at may isa ring app na nagpapakita ng teksto sa mga wikang Hebreo, Griyego, at Latin. Mayroon din akong Biblia sa computer: ang Digital Catholic Bible, isang libreng software na naglalaman ng siyam na bersyon ng Biblia (bagama't dalawa lamang ang nasa wikang Ingles: ang Christian Community Bible at ang Douay-Rheims Version). Malaking tulong ang mga ito sa mabilis at masinsinang paghahanap ng mga salita sa Biblia. Nakakapagbasa rin ako kahit nasa trabaho, nasa bus, at kahit nakahiga pa sa kama. Subalit may isang elementong nagtatakda ng limitasyon sa paggamit ng mga teknolohiyang ito: kuryente. Hindi ka naman pwedeng tumunganga sa cellphone, dahil mabilis nitong uubusin ang charge ng baterya. Sayang din sa kuryente ang matagal na paggamit ng computer. Ang mga inakala kong "solusyon" ay pawang mga mumunting pampaginhawa lamang. Nababatid ng sinumang seryosong nagbabasa ng Biblia na wala pa ring mas mabisang pamamaraan ng pag-aaral at pagninilay ng Salita ng Diyos liban sa paggamit ng mga pisikal na libro.

Kung madali para sa iyo ang pagbabasa ng Biblia, mapalad ka—ipagpasalamat mo sana iyan sa Diyos at huwag mo namang hamakin kaming mga nahihirapan. Ang makapagbasa ng Biblia, sa aking palagay, ay isang BIYAYA—isang natatanging "paanyaya" mula sa Diyos na nais mangusap sa iyo maging sino ka man (Katoliko man o di-Katoliko). Kung isa kang anti-Katolikong "maraming alam sa Biblia", para sa aki'y isa yang milagro—tanda ng aktibong pagkilos ng Diyos sa buhay mo—na sa kabila ng iyong katigasan ng puso ay patuloy ka pa ring tinatawag na magbalik-loob.


Nasunog ang bahay namin mga ilang taon na ang nakararaan, at nailigtas ang marami sa mga libro ko, kabilang na ang mga Bibliang ito. Mula sa kaliwa patungong kanan: (1) Revised Standard Version, Catholic Edition; (2) New American Bible, 1970 Edition; (3) Confraternity Bible, SinagTala; (4) ALBA House Gospels. Dahil sa naging marupok na ang mga ito dulot ng pagkasunog ay hindi ko na sila ginagamit pa, bagkus ay iniingatan ko na lamang bilang isang mahalagang "koleksyon", mangyaring ito'y mga bersyon ng Bibliang pang-Katoliko na napakahirap hanapin.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Nobyembre 04, 2020

TALIKURAN ANG LAHAT (Lucas 14: 25-33)

Kapag may nagtanong sa iyo, "Cristiano ka ba?", napakadaling sumagot ng oo. Subalit pinagiisipan ba nating mabuti ang ating mga pananagutan bilang Cristiano? Handa mo bang KAPOOTAN ang mga itinuturing mong "mahal sa buhay", alang-alang sa pagsunod sa kalooban ng Diyos? Handa ka bang mahirapan at mamatay para sa Diyos?

"Magpasan ng sariling krus". Hindi ito tungkol sa mga karaniwang kunsumisyon sa buhay. Tungkol ito sa mga kahirapan at pagdurusang alam mong sisira sa buhay mo at papatay sa iyo, pero handa mong harapin at pagtiisan alang-alang sa Panginoon. Tungkol ito sa pagkapoot sa iyo ng sanlibutan dahil nagsisikap kang magpakatino sa buhay. Tungkol ito sa pagtalikod sa iyo ng mga taong inaakala mong handang dumamay at magmalasakit sa iyo. Tungkol ito sa pagiging biktima ng kawalang katarungan. Hirap na hirap ka na nga, lalo ka pang pinahihirapan. Patay ka na nga, sasaksakin ka pa para masigurong patay ka na talaga. Tungkol ito sa paninindigan mo sa kung ano ang tama hanggang sa wakas, subalit pakiramdam mo'y parang pinabayaan ka pa ng Diyos sa kabila ng katapatan mo sa kanya. Yan ang krus na kailangang pasanin. Sapagkat wala nang iba pang batayan ng tunay na diwa ng krus liban sa KRUS na pinasan mismo ng Panginoong Jesus para sa ating kaligtasan. 

Kaya kung ang "krus" na pinapasan mo ay di tulad ng Krus ng Panginoon, bitiwan mo yan! Hindi tayo tinatawag ng Diyos tungo sa walang katuturang pagpapahirap sa sarili. Pero kung ang "krus" mo ay tulad ng sa Panginoon, MAHALIN mo yan at yakapin, dahil kung paanong sa bandang huli'y muling nabuhay ang Panginoon, tatamuhin mo rin ang karampatang gantimpala bilang tapat na alagad ng Panginoon.

Huwag kang basta-basta magtatayo ng tore kung wala ka naman palang sapat na perang panggastos sa pagpapatayo nito. Huwag kang sasabak sa digmaan kung walang katiyakan na mananalo ka. Huwag mong sabihing Cristiano ka, kung hindi mo naman kayang panindigan. Kung hindi mo kayang talikuran ang lahat, hindi ka maaaring maging Cristiano!
"Hindi ka pwedeng maging disciple ko, unless mahalin mo ako nang higit sa tatay at nanay mo, asawa at mga anak, mga kapatid, at kahit sa sarili mong buhay. Kung di mo papasanin ang sarili mong krus at di ka susunod sa akin, hindi ka pwedeng maging disciple ko."

LUKE 14: 26-27 PVCE


Ihanda ang sarili sa mga sakripisyo. Maging lubos ang katapatan sa Diyos, huwag sa sinumang tao o sa anumang materyal na bagay. Magpasan ng sariling krus.  Tunay ngang napakahirap maging Cristiano, kaya't PAG-ISIPAN MONG MABUTI kung handa ka bang panindigan ang mga pinagsasasabi mo, sa tuwing ipinakikilala mo ang iyong sarili bilang alagad ng Panginoong Jesu-Cristo. PAG-ISIPAN MONG MABUTI kung saan ba ang patutunguhan ng mga ginagawa mong desisyon sa buhay: sa Langit ba o sa Impyerno? PAG-ISIPAN MONG MABUTI kung saan ka ba makakakuha ng "pera" para gastusan ang pagpapatayo mo ng "tore" mo. PAG-ISIPAN MONG MABUTI kung sino ba talaga ang kinakalaban mo, kung paano ka ba mananalo sa "digmaan", at kung mas nararapat bang makipagkasundo ka na lang sa kanya? Salamat sa Diyos, dahil binibigyan niya tayo ng pagkakataong MAG-ISIP. Nawa'y huwag nating sayangin ang pagkakataong ito.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Oktubre 19, 2020

Pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado

UPDATED: 9:49 AM 1/31/2022

"Nakikialam nanaman ang Simbahan!" ang karaniwang reklamo ng mga anti-Katoliko sa tuwing may ipinahahayag ang ating mga Obispo at Kaparian na may kinalaman sa mga usaping panlipunan at pampulitika. Agad nilang iginigiit na paglabag daw ito sa separation of Church and State na itinatakda ng Konstitusyon. Abusado daw ang Simbahan, at ipinagpipilitan daw nito ang Katolikong Pananampalataya sa buong bansa, gayong hindi naman lahat ng Pilipino ay Katoliko. Ang Simbahan daw ay dapat manahimik lang at magdasal, at maging masunurin sa anumang sabihin ng pamahalaan. Walang maitutulong sa gobyerno ang anumang mga salitang mamumutawi sa bibig ng sinumang lider ng relihiyon. Sa madaling salita, hindi kailangan ng Estado ang Simbahan.

Isang kabalintunaan na sa tuwing sasapit ang panahon ng eleksyon, mistulang naglalaho ang naturang pagkakahiwalay, sapagkat karaniwan na sa mga kandidato ang manuyo sa mga maimpluwensyang grupong pang-relihiyon gaya ng El Shaddai ni Mike Velarde at ng Iglesia ni Cristo ng pamilya Manalo. Isa ring lalong malaking kabalintunaan na sa mismong Panimula (Preamble) ng Konstitusyon, sasabihing ang sambayanang Pilipino ay "humihingi ng tulong sa Makapangyarihang Diyos". Sinong "Diyos" ang hinihingan ng tulong dito, kung sadya namang inihihiwalay ang Estado mula sa Simbahang itinatag ng Diyos (Mateo 16: 18-19)? Paano naging "Makapangyarihan" ang "Diyos" na iyan, kung ang Estado ay hindi pala maaaring pakealaman ng Simbahan niya? Hindi ba't napakalaking kakapalan ng pagmumukha na humingi ng tulong sa Diyos matapos mong hamak-hamakin at balewalain ang kanyang Simbahan?

Kaya nga, mahalagang magkaliwanagan sa usaping ito — isang usaping paulit-ulit na lang isinasangkalan ng mga anti-Katoliko. Ano nga ba talaga ang tunay na kahulugan ng pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado? Labag nga ba sa batas na magpahayag ang Simbahan ng anumang salungat sa sinasabi, ginagawa, o ipinatutupad ng pamahalaan? Subalit bilang Katoliko — na naninindigang "nararapat na tumalima muna sa Diyos bago sa mga tao" (Gawa 5: 29) — ang mas mahalagang tanong ay: Kasalanan ba sa Diyos ang pakikialam ng Simbahan sa mga usaping panlipunan at pampulitika?

 

KONSTITUSYON

Kung tuwirang sasangguniin ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas ng 1987, ang sinasabing "pagkakahiwalay" ng Simbahan at Estado (Artikulo II, Seksyon 6) ay tumutukoy sa mga sumusunod:

  1. ARTIKULO III, SEKSYON 5. Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihyon, o nagbabawal sa malayang pagsasa-gamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng paghahayag ng relihyon at pagsamba nang walang pagtatangi o pamimili. Hindi dapat kailanganin ang pagsusulit panrelihyon sa pagsasagamit ng mga karapatang sibil o pampulitika.

    Hindi maaaring magkaroon ng pambansang relihiyon na sapilitang ipatatanggap sa lahat ng Pilipino, at hindi rin naman maaaring magpatupad ng pambansang ateismo kung saan lubusang susupilin o pasusunurin ng gobyerno ang lahat ng relihiyon. Malinaw na ipinagkakaloob sa Simbahan (at sa lahat ng mga relihiyon) ang karapatan ng malayang pagpapahayag, pamumuhay, at pagsambang alinsunod sa kanyang mga paniniwala.

  2. ARTIKULO VI, SEKSYON 28, NUMERO 3. Dapat malibre sa pagbabayad ng bwis ang mga institusyong pangkawanggawa, mga simbahan, at mga rektorya o mga kumbento na kaugnay nito, mga mosque, di pangnegosyong mga sementeryo, at lahat ng mga lupain, mga gusali, at mga mehora na aktwal, tuwiran, at tanging gamit sa mga layuning panrelihyon, pangkawanggawa, o pang-edukasyon.

    Marami sa mga anti-Katoliko ang nayayamot sa batas na ito, sa pag-aakalang ito daw ay nagbibigay ng espesyal na pagtrato sa Simbahan at sa iba pang mga relihiyon. Subalit dapat itong unawain sa diwa ng pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado:

    • Kung hindi makabayad ang Simbahan ng buwis na ayon sa itinakda ng gobyerno, maaari na ba siyang supilin/parusahan/kontrolin ng gobyerno? Ipakukulong ba nila ang ating mga pari? Ipasasara ba nila ang ating mga simbahan? Kakamkamin ang kanyang mga sagradong kasangkapan at likhang-sining? Kapag nagka-gayon, tahasan nang pinanghihimasukan ng Estado ang Simbahan, anupa't nawala na ang kalayaang ipinagkakaloob ng Artikulo III Seksyon 5.
    • Kung bubuwisan ang Simbahan, ibig sabihin, may karapatan na ang Simbahan na makinabang sa pera ng bansa. Magiging tungkulin na ng Estado na gastusan ang mga pangangailangan ng Simbahan. Kapag nangyari iyon, tahasan itong lalabag sa mga hangganang itinatakda ng Artikulo III Seksyon 5.
    • Kung alin ang mas laganap (o mas mayaman) na relihiyon, ito rin ang makapagbibigay ng mas malaking buwis. At dahil mas malaki ang ambag nito sa kaban ng bayan, hahantong ito sa unti-unting pagkilala sa naturang relihiyon bilang pambansang relihiyon na suportado ng pamahalaan. Muli, lalabag ito sa Artikulo III Seksyon 5.

  3. ARTIKULO VI, SEKSYON 29, NUMERO 2. Hindi kailanman dapat ilaan, iukol, ibayad, o gamitin ang ano mang salapi, o ariariang pambayan, sa tuwiran o di-tuwiran, para sa gamit, pakinabang, o tangkilik sa ano mang sekta, simbahan, denominasyon, institusyong sektaryan, o sistema ng relihiyon, o sa sino mang pari, pastor, ministro, o iba pang mga guro o dignitaryo ng relihyon bilang gayon, maliban kung ang gayong pari, pastor, ministro, o dignitaryo ay nakatalaga sa mga sandatahang lakas, o sa alin mang institusyong penal, o ampunan o leprosaryum ng pamahalaan.

    Ang katuwiran sa likod nito'y katulad ng sa kung bakit libre sa buwis ang Simbahan. Hindi tutulungan ng gobyerno ang pangangailangang pinansyal ng anumang relihiyon. Kung ang Simbahan ay magkaproblema sa pananalapi, o kung magkawasak-wasak ang kanyang mga gusali at opisina dulot ng mga kalamidad, o kung ano pa mang suliraning nangangailangan ng tulong pinansyal o materyal, walang pakealam ang Estado. Ito ang dahilan kung kaya't makatuwiran lang na masangkot ang Simbahan (at ang iba pang mga relihiyon) sa pagnenegosyo, pagbili ng stocks, at walang katapusang panghihingi ng donasyon maging sa mga di niya kaanib. Ito ang dahilan kung bakit kailangang maging maingat at matalino ang anumang relihiyon sa kung paano gagastusin ang anumang "kayamanang" mayroon sila, sa halip na walang patumangga at walang kapararakang magbenta at mamahagi ng mga ari-arian para ipantulong sa sinumang "mahirap" na hihingi ng tulong (na sa totoo lang, ang talagang may pangunahing tungkuling tumulong sa kanila ay ang estado, hindi ang Simbahan!). Ito rin ang matinong dahilan kung bakit walang karapatan ang sambayanang Pilipino na silipin ang pananalapi ng Simbahan, pagpaliwanagin siya hinggil sa kanyang mga "kayamanan", at obligahin siyang ilaan ang lahat ng kanyang ari-arian para sa kapakinabangan ng taong-bayan. Ang pera ng Simbahan ay hindi pera ng bayan, at sa pera ng bayan ay walang bahagi ang Simbahan, at sa panahon ng kagipitan, bahala ang Simbahan sa buhay niya. Iyan ang isang aspeto ng Pagkakahiwalay na tila di maarok ng isip ng karaniwang anti-Katolikong Pilipino.

  4. ARTIKULO XIV, SEKSYON 3, NUMERO 3. Sa opsyong nakalahad nang nakasulat ng mga magulang o mga tagakupkop, dapat pahintulutang ituro ang relihyon sa kanilang mga anak o mga ampon sa mga pambayang paaralang elementarya at hayskul sa regular na mga oras ng klase ng mga tagapagturong itinalaga o pinahintulutan ng relihyosong awtoridad ng relihyong kinaaniban ng mga anak o mga ampon, nang walang dagdag na gastos ang pamahalaan.

    Hindi sapilitang itinuturo ang relihiyon sa mga pampublikong paaralan, subalit hindi rin naman ito ipinagbabawal. Muli, kinikilala nito ang kalayaang pangrelihiyon habang pinananatili ang diwa ng pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado: Maaaring magturo ng relihiyon sa mga paaralan, subalit hindi ito gagastusan ng gobyerno.

Iyan ang malinaw na nasasaad sa batas, at wala rito ang mga anti-Katolikong sentimyentong paulit-ulit nating naririnig, lalo na sa social media. Hindi bawal tumutol. Hindi bawal tumangkilik o tumuligsa sa isang pulitiko. Hindi bawal magbigay ng opinyon o mungkahi sa mga usaping panlipunan at pampulitika. Maliwanag ang Konstitusyon sa kung paanong paraan ba "nagkakahiwalay" ang Simbahan at Estado! Ang pinakamahalagang layunin ng naturang Pagkakahiwalay ay protektahan ang karapatang pantao sa kalayaang pang-relihiyon (religious freedom).

 

IBIGAY SA CESAR ANG SA CESAR

"Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at sa Diyos ang sa Diyos", sabi ng Panginoong Jesus nang siya'y tanungin kung dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Mateo 22: 15-22). Ito ang malimit na bukambibig ng mga anti-Katoliko para igiit ang kanilang balintuwad at di-konstitusyonal na konsepto ng pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado. Marapat lang na tanungin sila:

  • Ano ang dapat ibigay sa Cesar? "Ang lahat ng tao ay dapat pasakop sa mga nakatataas na kapangyarihan. Sapagkat walang kapangyarihan na di galing sa Diyos, at yaong mga umiiral ay itinatag ng Diyos." (Roma 13: 1). Gayon man, nilinaw ni Apostol San Pablo na ang naturang kapangyarihan ay para sa pagtataguyod ng kabutihan at pagpaparusa sa kasamaan (taludtod 2-4). Hangga't ginagamit ang kapangyarihan para sa adhikaing ito, maaaring ibigay sa mga pinuno ang "nararapat" sa kanila: "bayad sa dapat pagbayaran, buwis sa dapat buwisan, takot sa dapat katakutan, galang sa dapat igalang." (taludtod 7). Subalit bilang isang Cristiano, hindi ka magpapasakop sa kapangyarihang maliwanag na pinakikilos na ng diyablo (Pahayag 13). Hindi ka magpapasakop sa kapangyarihang ginagamit para laitin ang Diyos, laitin ang Simbahan, at laitin ang mga Banal sa Langit (Pahayag 13: 5-8)! Sa mga Huling Araw, kung kailan sinasabing maghahari ang Anti-Cristo, sinong matinong Cristiano ang magpapasakop sa pamamahala niya?
  • Ano ang dapat ibigay sa Diyos? Nakalulungkot na nakatuon lamang ang atensyon ng mga anti-Katoliko sa mga salitang "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar", at kinalimutan nang dapat din na "Ibigay sa Diyos ang sa Diyos". Sapagkat siya'y Diyos, sa kanya tayo lubos na nagpapasakop. "Sapagkat nasa kanya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao" (Gawa 17: 28). At paano nga ba natin natatalastas ang kanyang kalooban? Alam nating lahat ang sagot: Sa pamamagitan ng Simbahan. Ang di nagpapasakop sa Simbahan ay di nagpapasakop sa Diyos! Noong 1302, sa kanyang sulat na Unam Sanctam, walang pag-aalinlangang ipinahayag ni Pope Boniface VIII: "We declare, we proclaim, we define that it is absolutely necessary for salvation that every human creature be subject to the Roman Pontiff."
The mutual autonomy of the Church and the political community does not entail a separation that excludes cooperation. Both of them, although by different titles, serve the personal and social vocation of the same human beings. The Church and the political community, in fact, express themselves in organized structures that are not ends in themselves but are intended for the service of man, to help him to exercise his rights fully, those inherent in his reality as a citizen and a Christian, and to fulfil correctly his corresponding duties. The Church and the political community can more effectively render this service for the good of all if each works better for wholesome mutual cooperation in a way suitable to the circumstances of time and place.

COMPENDIUM OF THE SOCIAL DOCTRINE OF THE CHURCH, 425


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Oktubre 13, 2020

Ang Aking Opinyon hinggil kay Blessed Carlo Acutis


SOURCE: http://carloacutis.com

Sa totoo lang, hindi ako masyadong apektado ng anumang mga nagaganap na beatification at canonization sa Simbahan. Noon ngang idineklarang Santo si San Pedro Calungsod, hindi naman ako natuwa, ni nakaramdam ng pagmamalaki na dalawa na sila ni San Lorenzo Ruiz—na dalawa na silang Pilipinong Santo. Tila ba ang aking likas na pagkasuplado ay dala-dala ko maging sa aking pakikipag-ugnayan sa aking mga kapamilya sa Langit! Isa marahil ito sa marami kong mga pagkukulang bilang Katoliko, kaya't nagiging mahirap para sa akin ang landas ng pagpapakabanal. Nasanay na ako na magsarili sa lahat ng bagay, maging sa aking buhay-espirituwal. Isa itong pagkukulang na sinisikap ko pang baguhin, sa awa ng Diyos.

Sino ba si Blessed Carlo Acutis? Nang maging laman siya ng mga balita nitong mga nakaraang araw, tulad ng dati'y wala rin akong masyadong pakealam. "Oo, siya'y marapat parangalan, tularan, at nawa'y isama niya ako sa kanyang mga panalangin," ang sabi ko sa aking sarili, pero hanggang dun lang—hindi ko na ibig tuklasin pa ang kanyang buhay, o magkaroon pa ng natatanging pagdedebosyon sa kanya. Subalit gaya ng sabi ko, sinisikap ko nang magbago, kaya't pinilit ko siyang kilalanin.

Kung ang pagbabatayan ay ang iba't ibang mga artikulong mababasa sa internet, ito ang mga paulit-ulit na sinasabi tungkol sa kanya:

  • patron ng mga gumagamit ng internet (Meron na palang ganun?)
  • huwaran ng mga millennials
  • isang santong mahilig sa mga matatamis, maglaro ng soccer, at computer games
  • may pananamit na tulad ng sa isang karaniwang binatilyo sa ating kapanahunan

Lubha akong naguguluhan dito. Bakit gayon na lamang ang pagkabighani natin sa mga bagay na ito, anupa't tila ito na lamang ang napagtutuunan ng ating atensyon hinggil kay Blessed Carlo? Sa Facebook, paulit-ulit ang pagsasangkalan sa kanya bilang huwaran ng paggamit ng internet sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo, at kung minsan nama'y kasangkapan para hiyain ang mga kabataang ipinagpapalagay nating walang nagagawang magaling sa mga buhay nila. Bilang isang Beato, ito na ba talaga ang naging batayan ng kabanalan niya—na nakarating siya sa Kaharian ng Langit dahil sa husay niya sa computer, paglalaro ng Playstation, at pagsusuot ng rubber shoes?


SOURCE: http://carloacutis.com

Siguro nga'y ang mas dapat itanong ay kung paano ba naging banal si Blessed Carlo. Ito ang aking napag-alaman:

  • Mula nang siya'y tumanggap ng First Communion sa edad na 7, araw-araw na siyang nagsisimba at nangongomunyon.
  • Bago o pagkatapos ng Misa, lagi siyang nagdarasal sa harap ng Santisimo Sakramento.
  • Isang beses kada linggo siya kung mangumpisal.
  • Nagdarasal siya ng Santo Rosaryo araw-araw.
  • Sa edad na 11, nagsimula siyang magsaliksik hinggil sa mga milagro ng Eukaristiya, at kalauna'y ginawan niya ito ng isang website.
  • Bagama't mayaman ang kanilang pamilya, pinili niyang mamuhay nang payak. Isang Hindu na nagtatrabahong tagalinis sa kanilang pamilya ang naantig sa kanyang mabuting pamumuhay, na humantong sa pagpapabinyag nito sa Simbahang Katolika.
  • Ipinagtatanggol niya ang mga kaklase niyang may-kapansanan mula sa mga nangaapi sa kanila.
  • Naging matulungin siya sa mga mahihirap sa kanilang lugar.
  • Mahilig siyang maglakbay at mag-pilgrimage sa mga banal na lugar.
  • Nang siya'y ma-diagnosed na may leukemia noong taong 2006, inialay niya sa Diyos ang kanyang mga pagdurusa para kay Pope Benedict XVI at sa Simbahan.

Aaminin ko, napaluha ako nang mapagtanto ang lahat ng ito. "Kaya naman pala siya banal," ang sabi ko sa sarili. Hindi pala talaga ito tungkol sa internet, sa mga computer games, paglalaro ng soccer, o pagkahilig sa pagkain ng mga chichirya. Tungkol ito sa isang binatilyong namuhay sa kapanahunan natin, subalit nagawa pa ring isabuhay ang kanyang pagiging Katoliko nang tapat at mahusay.

"Our goal must be the infinite and not the finite. The Infinity is our homeland. We are always expected in Heaven."

BLESSED CARLO ACUTIS


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Ang aking Opinyon hinggil sa "Papa Jesus"

UPDATED: 2:26 PM 8/15/2022

Hindi ko kailanman kinasanayan na tawaging "papa" ang Panginoong Jesus. Mga anim o pitong taong gulang pa lang ako, batid ko nang siya'y "panginoon" — isang katayuang higit na mataas kaysa sa aking mga magulang, mga guro, o sa kung sino pa man. Marahil, dulot ito ng pagkahilig ko sa mga relihiyosong komiks at babasahin na ipinamimigay sa amin noon sa eskwelahan (nag-aral ako noon sa Paco Catholic School), at pati na rin sa pagkahumaling ko sa kopya namin ng Bagong Tipan ng Magandang Balita Biblia (na kinagiliwan ko dahil sa mga kakatwang larawang mayroon ito). Mula pa sa pagkabata hanggang sa ngayon, "Panginoon"/"Lord" lang ang naging palagiang tawag ko sa kanya.

Subalit may mali ba sa pagtawag sa Panginoon na "Papa Jesus?" Nakasusuya ang mga katuwirang kesyo "Wala yan sa Biblia!" Ang tanong: Wala nga ba? Ang pagiging "biblikal" ay hindi lamang tungkol sa letra-por-letra at tahasang pagkakasulat; tungkol din ito sa kung tumutugma ba sa mga aral ng Biblia ang mga bagay-bagay na ginagawa mo. At ang mga aral ng Biblia ay natatalastas natin, hindi sa pamamagitan ng sarilinang pagbabasa at pagbibigay-kahulugan batay sa sariling kakayahan, kundi sa pamamagitan ng ➊ malalim na pag-aaral (na ipinagsasaalang-alang ang mga iba't ibang uri ng sinaunang panitikan at sinaunang estilo ng pananalita), at ng ➋ pakikinig sa mga paliwanag ng Simbahan, mangyaring ang Simbahan ang nagtatamasa ng karisma ng kawalang-pagkakamali (pagdating sa pagpapaliwanag ng mga katotohanan ng pananampalataya at moral na pamumuhay) at siya ring tagapagmana ng Banal na Tradisyon na mula sa mga Apostol. Kadalasan, sa tuwing sinasabi nating "Wala sa Biblia," hindi dahil wala talaga sa Biblia, bagkus, hindi lang natin makita sa Biblia dahil sarado ang ating pag-iisip (Lucas 24: 45).

Maraming dahilan para isiping "biblikal" ang "Papa Jesus" —

  • Ang Santo Papa ay siyang Bikaryo ni Cristo. Sa tuwing ginagampanan niya ang kanyang maka-amang paglilingkod sa Simbahan, hindi ba't kinakatawan niya ang pagka-ama ng siyang tunay na pinuno ng Simbahan, ang Panginoong Jesus? Sa tuwing tinatawag mo ang Panginoong Jesus na "papa," hindi ba't parang sinasabi mo na rin na siya talaga ang Santo Papa ng Simbahang Katolika — ang talagang namumuno sa sambahayan ng Diyos (Hebreo 3: 6)?
  • Kung ang Simbahan ay ang ating "ina" ("Santang Inang Simbahan," ika nga), hindi ba't ang asawa niya ay ang ating "ama?" At sino ba ang "asawa" ng Simbahan, hindi ba't ang Panginoong Jesus (Efeso 5: 21-33)?
  • Ang mga pari, sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin, ay tinutupad ito in persona Christi. At ano ba ang kinagisnan nating tawag sa mga pari? Father. Padre. Kung mga "papa" sila (1 Corinto 4: 14-15), hindi ba't "papa" rin ang Panginoong Jesus na kumikilos sa pamamagitan nila? Hindi ba't siya ang ating "Padre Jesus Nazareno," ika nga ng isang nakagisnang awitin?
  • "Sapagkat ipinanganak sa atin ang isang bata, ibinigay sa atin ang isang anak; at nasa kanyang balikat ang pamumuno, at tatawagin siyang kahanga-hangang tagapayo, malakas na Diyos, walang hanggang Ama, prinsipe ng kapayapaan. Ang kanyang kaharian ay lalaganap at walang hanggan ang kanyang kapayapaan. Uupo siya sa luklukan ni David at sa kanyang kaharian upang pakatatagin at palakasin ito sa karapatan at sa katarungan mula ngayon magpakailan pa man." (Isaias 9: 5-6) — Hindi naman kailangang ipagpilitan na ang Panginoong Jesus ang tinutukoy dito (bagama't sa Cristianong pananaw ay halata namang siya ang tinutukoy). Sapat nang mapagtanto na sinumang pinagkalooban ng pamamahala/pamumuno bilang tagapagmana ng trono ni David ay nakikibahagi sa pagka-ama ng Diyos; bilang hari kinakatawan mo ang Diyos sa iyong mga nasasakupan. Sa katunayan, ang punong ministro ng hari (na siyang kinatawan ng hari) ay gumaganap din bilang "pinaka-ama" ng kaharian (Isaias 22: 21).

Siyempre, hindi ito ang mga dahilan kung bakit itinuturo ng maraming mga magulang sa kanilang mga anak na tawaging "Papa Jesus" ang Panginoong Jesus. Sa pananaw ng isang bata, wala namang iba pang kapangyarihang nakasasakop sa kanya kundi ang kapangyarihan ng kanyang "mama" at "papa." Tila ba may kulang kung tatawagin mo ang Panginoong Jesus na "Tito Jesus," o "Kuya Jesus," o kahit pa "Lolo Jesus" (dito sa amin sa San Pedro, kilala siyang "Lolo Uweng"), dahil sa buhay ng isang bata, ang mga lolo, tito, at kuya, bagama't mga taong iginagalang niya, ay hindi kailanman maipapantay sa nakatataas na katayuan ng kanyang mismong ama. Para sa isang bata, ang kanyang mga magulang ang pinag-uukulan ng lubos na paggalang at pagmamahal. Bilang magulang, ikaw ang kinatawan ng Diyos sa mga anak mo.

Marami ang nagrereklamo dito dahil baka daw isipin ng mga bata na mag-asawa ang "Mama Mary" at "Papa Jesus" nila, o di kaya'y mawalan nang papel ang Diyos Ama at akalaing si "Papa Jesus" lang ang Diyos. Walang katuturan ang mga pagrereklamong ito. Isang tingin lang sa mga imahen ng Mahal na Birhen, agad nauunawaan ng isang paslit na si "Mama Mary" ang nanay ng "Papa Jesus" nila. Sa pag-aantanda ng Krus, nababatid ng bata na si "Papa Jesus" ay mayroon ding "Papa" sa Langit, kung paanong ang tatay nila ay anak ng lolo nila. Siyempre, inaasahan nating sa kanilang pagtanda ay uunlad din naman ang kanilang pagkakakilala sa Panginoong Jesus, at mapagtatantong si "Papa Jesus" ay mas higit pa pala sa pagiging "papa," kundi Panginoon ng mga Panginoon, at Hari ng mga Hari. (1 Timoteo 6: 15).


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Oktubre 11, 2020

Meron ka bang Facebook account?


Image by William Iven from Pixabay

Mahalaga bang magkaroon ng Facebook account? Sa pananaw ng Simbahang Katolika, mukhang oo. Ayon sa Pastoral Guidelines on the Use of Social Media na inilabas ng CBCP noong ika-30 ng Enero 2017, isang magandang dahilan daw para gumawa ng account ay upang maunahan ang mga may masasamang-loob na gawan ka ng pekeng account at gamitin iyon sa kung ano mang katarantaduhang maisip nila. May punto nga naman. Malaking kunsumisyon sa buhay ang maging biktima ng identity theft, sapagkat hindi lamang reputasyon mo ang nalalagay sa peligro kundi pati ang mga ari-arian mo. Kaya kahit isa ka pang introvert tulad ko, maituturing na "best practice", ika nga, ang pakikisawsaw sa maingay at magulong daigdig ng social media. Wala kang mapagpipilian kundi ang maging isang "netizen" para protektahan ang sarili mo mula sa mga modernong kawatan!

"Suriin ang lahat ng bagay at piliin ang mabuti."

1 TESALONICA 5: 21

Wala ako sa posisyon para sabihin kung mabuti ba o masama ang Facebook. Subalit kahit ipagpalagay pang "masama" nga ito, hindi naman nangangahulugan na hindi na ito maaaring maging kasangkapan ng kabutihan. Hindi ba't ang pinaka-karumal-dumal na krimen na ginawa ng tao—ang pagpatay sa Bugtong na Anak ng Diyos—ay naging sanhi pa ng kaligtasan ng sangkatauhan? Maraming pakinabang ang Facebook hangga't ginagamit mo ito sa tama. Halimbawa, naging malaking tulong ito sa akin sa pakikipag-ugnayan sa mga katrabaho, sa pagpapanatili ng koneksyon sa mga kaibigan at kakilalang matagal na panahong di ko na nakikita, sa panonood/pakikinig ng Banal na Misa lalo na ngayong panahon ng pandemya, sa maagang pagsagap ng mga mahahalagang balita at impormasyon hinggil sa Simbahan, sa bansa, sa lagay ng panahon at ng trapiko, atbp.

"Ilagan ang mga pagtatalong hangal at walang kapararakan, alam mong nagbubunga ito ng mga alitan."

2 TIMOTEO 2: 23

Subalit kaakibat ng mga kapakinabangang ito ay ang mga sari-saring kabaliwan, katangahan, at mga walang katuturang bagay na pumapatay sa oras ng isang tao. Mga fake news, trolls, memes, patalastas ng mga kung anu-anong produkto, mga personal na kalokohan at katarantaduhan ng mga "kaibigan" mo, ang makaagaw-atensyong pagtunog ng mga "notifications" sa tuwing may nagre-react o nagko-comment sa mga posts mo... Ilang oras ba ang nagugugol natin sa Facebook na dapat sana'y ginugol mo na lang sa pagpapahinga, o sa mga gawaing-bahay, o sa ibang mas naka-aaliw na libangan? Ilang beses na ba tayong nalungkot, nainis, nairita, natakot, o nabagabag nang dahil lang sa isang post na kadalasan nama'y walang tuwirang kinalaman o epekto sa mismong personal na buhay mo? Ilan na ba ang mga taong na-blocked o na-unfriend mo dulot ng mga pakikipagtalo at di-pagkakasundo hinggil sa mga kung anu-anong paksang sa "totoong buhay" ay hindi naman talaga importante sa iyo? Ilang ulit ka na bang nagduda sa halaga ng iyong pagkatao, nang dahil sa di-mapigilang pagkukumpara ng iyong sarili sa inaakala mong "perpektong buhay" ng iba? "Vanity of vanities! All is vanity." (Ecclesiastes 1: 2). Walang kakabu-kabuluhan, subalit lubus-lubos nating pinagkaka-abalahan! Walang kakwenta-kwenta, pero labis tayong nagpapa-apekto!

"Pilitin mong gumawa nang huwag mawalan ng ginagawa, sapagkat ang walang ginagawa ay nakakagawa ng mga maraming kasamaan."

SIRAC 33: 28

Kung iisipin, hindi naman talaga lubhang mahalaga ang Facebook. Oo, pinananatili nito ang koneksyon mo sa iba't ibang mga tao sa buhay mo, pero kailangan mo ba talaga ang naturang "koneksyon", gayong kaya nga kayo matagal na panahong di nagkikita ay dahil wala naman talaga kayong agarang pangangailangan sa presensya ng isa't-isa? Kung patungkol naman sa mga bagay na may kinalaman sa trabaho, hindi ba't mas naaangkop na gumamit na lang kayo ng telepono, magpadala ng e-mail, o kaya'y mag-video conference? Oo, pwedeng mag-live streaming ng Banal na Misa sa Facebook, na pwede mo namang panoorin na lang sa telebisyon o pakinggan sa radyo nang walang binabayarang internet. Tila malaking tulong ang maagang pagsagap ng mga balita na agad mong nakikita sa newsfeed mo, subalit sa totoo lang: kailan ba naging talagang lubhang kinakailangan na malaman ng isang tao ang anumang bagong balita sa lipunan? Hindi ka ba makapaghihintay sa mga paulit-ulit namang pag-uulat ng mga balita sa radyo at telebisyon? Halos lahat ng mga sinasabi nating "kapakinabangan" ng Facebook ay maaari mo namang makamit sa mga mas simple, mura, at praktikal na pamamaraan. At marami din sa mga ito ay pawang "luho" lang—iginigiit lang nating "mahalaga" bilang pagmamatuwid sa ating walang patumanggang pagtutunganga.

Magagamit mo ang Facebook sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, subalit alalahanin mo na hindi lang ito ang tanging paraan. Alalahanin mo rin na ang tanging batayan ng mabisang pagpapahayag ay ang grasya ng Diyos na kumikilos sa nagpapahayag at pinagpapahayagan. Sa palagay ko, hindi rin maituturing na "pagpapahayag ng Ebanghelyo" ang pagtuya sa ibang relihiyon, ang pagshe-share ng mga memes, inspirational quotes, at mga Bible verse na walang kalakip na paliwanag, ang pakikipag-talo sa mga anti-Katoliko na sa simula pa'y alam mo nang hindi marunong makipag-usap nang matino (Sirac 22: 7-8)... Ilang beses mo nang niloko ang sarili mo na may nagagawa kang mabuti at magaling sa buhay, dahil lang sa mga post mong may kinalaman sa mga banal na paksa? Naisip mo na ba kung sa pagbanggit mo sa mga banal na katotohanan ng Pananampalatayang Katolika, tunay mong napararangalan ang Diyos, at hindi mo nilalabag ang kanyang utos: "Huwag mong sasambitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos nang walang katuturan" (Deuteronomio 5: 11)? Sa ating pagpapasyang gumawa ng Facebook account, nawa'y huwag tayong maging bulag sa mga bagay na ito.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Setyembre 27, 2020

Arguelles: "Hindi na kailangan yang mask"

"As Catholics, we believe that God uses material instruments to bring to us His blessings and presence. This is the reason why we use material elements in our sacraments and sacramentals.
"The same material elements that bring us God's blessings are also subject to the broken nature of our fallen world. Science and our God-given reason demand that we use every means available to protect ourselves and our families against the spread of COVID-19 and any other disease. In the face of this world wide pandemic we are demanded to exercise vigilance as a Church, lest our churches become venues of transmission of the disease."

Archbishop ROMULO G. VALLES, D.D.
CBCP circular on public health emergency due to COVID-19

Nitong mga nakaraang araw, naging laman ng mga balita ang homiliya ng dating Arsobispo ng Lipa na si Ramon Arguelles. Itinuro daw niya na hindi na kailangan ang pagsusuot ng face mask at face shield, at ang pagsasagawa ng social distancing upang tayo ay makaiwas sa panganib na dulot ng COVID-19 pandemic. Sapat na daw ang pananampalataya natin sa Diyos at ang pagmamahal niya sa atin. Hindi na daw kailangan ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan.

Tulad ng inaasahan naging tudlaan nanaman ang Simbahan ng mga pambabatikos, at muli nanamang lumutang ang di-umano'y "pagsasalungatan" ng agham at relihiyon, ang usapin hinggil sa "paghihiwalay" ng Simbahan at Estado, ang "kawalang-pakinabang" ng relihiyon sa mga malalaking problema ng lipunan, atbp. Buhat sa iilang siniping mga pahayag ng isang Obispo, muli nanamang kumatha ang mga anti-Katoliko ng isang di-makatotohanang imahen ng Katolisismo—isang imahen ng katangahan, kawalang-katuwiran, pagkasarado ng isip, panatikong pagkarelihiyoso, pangingialam at pagdudunung-dunungan sa mga usaping di saklaw ng relihiyon—lahat ng mga katangiang kasumpa-sumpa sa pananaw ng mga taong nag-aakalang mas mataas pa ang naabot nila kaysa sa Simbahang Katolika.

Kaya naman, kaysa umasa sa mga pahapyaw at pinagtagpi-tagping mga pahayag na mababasa o maririnig mo sa mga balita, minabuti kong panoorin sa Facebook page ng Archdiocese ng Lipa ang kabuuan ng naturang homiliya. At para matiyak sa aking sarili na talagang nakinig ako at naunawaan ko ang mga pinakinggan ko, pinagtiyagaan kong gumawa ng sarili kong transcript.

Matapos ang taimtim na pakikinig, at matapos kong maingat na i-type ang lahat, agad kong napagtanto ang tunay na sinasabi ng Obispo. Nang sinabi niyang "hindi na kailangan" ang face mask, face shield, at social distancing, ang tinutukoy niya ay ang batayan ng ating positibong pananaw sa buhay bilang mga Cristiano. Bakit nga ba ang isang Cristiano ay hindi dapat matakot sa mga pagtitiis, paghihirap, pagkakasakit, at kamatayan? Anong batayan ng pag-asa mo? Bakit ka hindi nababalisa sa buhay? Bakit hindi ka natatakot sa pandemya—dahil ba sa face mask mo? Ang ating batayan ay wala sa sanlibutang ito. Hindi natin kailangan ang anumang maiaalok ng sanlibutan sa atin. Ang tanging kailangan natin ay ang pagmamahal ng Diyos! Iyon ang punto ni Obispo Arguelles. Hindi siya nananawagan sa tao na suwayin ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan. Hindi niya sinasabing magpakamatay na tayo. Hindi niya sinasabing ang relihiyon ay parang madyik na nagkakaloob ng proteksyon sa mga sakit. Bagkus, ipinaaala-ala niya sa atin ang napakahalagang diwa ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, na tila ba nakakalimutan na natin nang dahil sa nangyayaring pandemya.

Hindi naman kasi maikakaila na pinagharian na tayong lahat ng takot: takot na mamatay o mamatayan, takot na maghirap dahil sa kawalan ng hanapbuhay... At saan tayo dinala ng ating pagkatakot? Nabalewala na ang pagmamahal sa kapwa. Nabalewala na ang relihiyon. Nakuntento na tayo na maglayu-layo sa isa't isa. Nakuntento na tayo na huwag munang magsimba. Kung naglaan ng panahon ang lipunan para makagawa ng paraan na makapasok pa rin tayo sa trabaho, magkaroon pa rin ng mga pampublikong sasakyan para sa mga bumibiyahe, na makapagbukas pa rin ang ilang mga negosyo, na maipagpatuloy pa rin ang edukasyon ng mga kabataan, BAKIT WALANG NILALAANG PANAHON PARA GUMAWA NANG PARAAN NA MAKABALIK NA ANG LAHAT SA PAGSISIMBA? Bakit nakuntento na lang tayo sa gayong sistema, na 10% lang o 50% lang ang pwedeng sumimba, na hindi pa rin pwedeng magsimba ang mga matatanda, na bawal muna ang paghipo at paghalik sa mga relikya at banal na imahen, atbp.? Bakit hindi tayo gumawa ng paraan para maging ligtas ang pagsisimba para sa lahat? Bakit hindi gumawa ng paraan na maging ligtas ang pamimintuho sa mga relikya at banal na imahen? Bakit nakuntento na lang tayo na ipagsaisantabi ang ating mga katungkulan sa Simbahan? At kung sakali man na wala nga talagang paraan pa, bakit hindi man lang tayo nababagabag sa kalunus-lunos na kalalagayan ng ating mga kaluluwa? Bakit isang araw lang ang inilaan ng gobyerno sa pambansang pananalangin, gayong ang dapat nga'y araw-araw tayong magsumamo sa Panginoon, hanggang sa matapos ang krisis na ito?

Oo, may mga sinabi si Obispo Arguelles na mahirap paniwalaan at tila kalabisan na, gaya ng ang COVID-19 virus ay gawa daw ng tao, na ang ginagawang mga bakuna ay magiging pansamantala lang ang bisa, na imposible ka daw magkasakit sa loob ng Simbahan, na hindi ka mahahawaan ng sakit kahit iba't ibang tao ang humihipo sa isang banal na imahen o relikya... Batid naman nating mga Katoliko na ang karisma ng kawalang-pagkakamali ay tinatamasa lamang ng Simbahan sa iilang piling pagkakataon, gaya ng pormal na pagpapahayag ng dogma ng Santo Papa o ng isang Konsilyo Ekumeniko. Ang homiliya ng isang retiradong Arsobispo ay hindi nagtatamasa ng karisma ng kawalang-pagkakamali, kaya't kahit obligasyon nating respetuhin at pagnilayan ang kanyang mga sinasabi, dapat din tayong makinig at tumalima nang may pag-iingat. Pagdating sa mga katotohanan ng pananampalataya at moral ang MAHISTERYO ang may huling salita, hindi ang homiliya ng isang pari o obispo. Pagdating sa mga katotohanan ng agham, ang PAMAMARAANG SIYENTIPIKO (scientific method) ang tunay at tanging mapagkakatiwalaang batayan, hindi ang mga sabi-sabi at haka-haka ng kung sino pa man.

Taliwas sa pantasya ng mga anti-Katoliko, matapos ang homiliya, hindi naman parang mga baliw na panatikong nagsihubaran ng face mask at face shield ang mga maninimba. Hindi naman nila dinumog ang mga imahen at relikya sa Simbahan. Hindi naman sila nagyakapan. Nananatili silang nasa katinuan, taglay ang sentido komon at katuwirang kaloob ng Panginoon. Batid nila kung paano dapat tanggapin ang isang madamdamin at matalinghagang homiliya ng isang matandang obispo. Agad ding nilinaw ng Archdiocese na patuloy nilang pinaiiral ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan. Sa bandang huli, tanging sa bangungot ng mga anti-Katoliko nagdulot ng malaking kapahamakan sa bansa ang mga pananalita ni Obispo Arguelles.

Wika ng Panginoon—at ito'y naririnig din natin dun sa mga nakikiisa, yung pinapagbago, pinabanal ng Panginoon na nagsasalita sa ngalan niya—"Lumapit kayo sa akin. Lumapit kayo sa akin". Sa panahong ito, sabi sa atin "Lumayo kayo kay San Padre Pio". "Lumayo kayo kay Jesus sa Eukaristiya." Kasi sinasara ang Simbahan. Kaunti lang ang papasok ng Simbahan.

Mabuti rin at... mabuti na lang at meron tayong social media. Pero hindi sapat yun eh. Hindi pwedeng magkomunyon. Hindi matatanggap ang Katawan at Dugo ni Cristo sa Sakramento ng Eukaristiya. Maraming mga namamatay hindi man lang napahiran ng Santo Olyo o sana'y hindi dapat namatay, nagpapagaling ang Santo Olyo, ang Sakramento ng Maysakit. Marami ang gustong magsisi hindi makapagkumpisal dahil "Huwag kayong pupunta ng Simbahan", "Social distancing". Masaklap, ano ho?

Ang sabi pa nga ng Panginoon—at sa pamamagitan ng mga banal kagaya ni San Padre Pio—"Kayong lahat, lumapit nagpapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, kayo'y pagpapahingahin ko". Ang Diyos ang nagbibigay talaga ng kapahingahan. Ang Diyos ang nagbibigay ng lunas. Ang Diyos ang sumasaklolo sa atin.

Pag tayo'y naparito, mahalaga tayong nagpupugay sa Banal na Santisimo. Nagpupugay tayo kay San Padre Pio na patron natin. At nandyan ang mga bahagi ng kanyang labi, mga relikya. Pero sana'y hindi rin nakakalimutan yung nakasulat dun. Nakalimutan na natin lahat ang mga ating natututunan pati kay San Padre Pio.

Sabihin lang natin: PRAY, HOPE, AND DON'T WORRY. Pakisabi nga? Pakisabi nyo nga ule? Isapuso natin yan. PRAY. HOPE. DON'T WORRY.

Umpisahan natin sa huli. Don't worry. Sabi ng Panginoon "Papapagpahingahin ko kayo, Sapagkat... ah... Matuto kayo sa akin". Hindi mag-aral, ang matuto. Ang mag-aral, sa kuwan lang yan sa kaisipan. Eh yung matuto, tularan natin siya. Saan? "Ako'y maamo, mababa ang loob." Bakit sabi matutunan natin ang kanyang kaamuan, kababaang-loob? Alam nyo, ang daming mayayabang ngayon. Madami ang mga palalo. Hindi yan ang Diyos. Yan ang nag-uutos sa atin "Huwag kayong sisimba". Sasabihin ba ay "Dahil may sakit eh". Ay di ba kaya napunta tayo sa simbahan ay para gumaling? Sabi nga ng doktor kapag wala na silang magawa dahil hanggang dun lang ang kaalaman ng...pah... ng ah... agham sabi "Father, take over. Ang Diyos na lang makatutulong".

Kaya tayo lahat naparito ay dahil sa Diyos, dahil sa mga malapit sa Diyos katulad San Padre Pio. Silang makatutulong. Hindi natin sinasabing walang kabuluhan yong tulong ng tao. Binigyan nga ng Diyos ang tao ng kakayahan eh na gumawa ng mga hakbang para supilin ang mga hindi tama. Kaya nga lamang maraming mga tao gumagawa ng hakbang para gawin yung mali. Diba ang tao ngayon may kakayahan na... yan "To improve our world", mas maganda dapat ang buhay, mas komportable? Pero gumawa din sila ng atomic bomb na daan-daang libo ang pinapatay. Gumawa din sila ng mga gamot para patayin pati mga batang nasa sinapupunan ng mga ina. Gumawa din sila ng mga bagay na nakasisira sa atin. Bakit? Ay sila yung palalo.

Maski yung gumawa ng virus tao yan hindi Diyos yan. Yan ay mga kalaban ng Diyos. Ang nagudyok sa kanila ay yung kaaway ng Diyos, ang pangala'y Satanas. Ang ibig sabihin lang naman ng "Satanas" ay "kaaway ng Diyos", "enemy of God". Ang sabi sa atin hindi natin alam kung tayo'y nagiging kasangkapan sa... "Sige sarhan mo na ang Simbahan. Huwag kayong pupunta ng Simbahan, kasi kailangan social distancing." Alam ninyo, kaya tayo napunta ng Simbahan ay para tayo magakapan, magkakapatid tayo, at ang una nating inaakap ay ang Diyos.

Hindi na kayo makahipo kay San Padre Pio. Pinagbabawal pati yan ng ibang pari. "Huwag kayong hihipo sapagkat baka may virus." Yon ay sapagkat hindi tayo nagtitiwala sa Diyos. Bakit sinabi diyan ni Padre Pio, pangatlo, "Don't worry"? Kayo ba'y nababahala na kapag humipo kayo dun sa paa ng banal eh ang naunang humipo diyan ay may ketong pati kayo ay keketongin? Walang nagkakasakit sa Simbahan. Hinahanap nati'y kagalingan.

Pati ngayon sabi "Huwag kayong magkokomunyon sa bibig, sa kamay lang, at kailangan ganyan-ganyan." Ang mahalaga ang puso mo ay naghihintay makaisa ang Diyos. Nakakalimutan natin yan... Ang daming instruction. Hindi tinapay yan, yan ay Katawan ni Cristo. Dapat yon ang sabihin lagi, idikdik lagi, "Ito'y Katawan ni Cristo! Sambahin natin yan." At ang kagandahan, ang Diyos mismo ang gustong manahan sa ating puso.

Kapag ang Diyos nasa atin, what have you to worry? Ano alalahanin natin? Kapag din tayo'y ang Diyos ay sasaatin tayo'y nagmamalasakit sa kapwa. Hindi na tayo makahipo. Magbebendisyon ang pari long distance. Bakit eh... Ya'y laying of hands. Nagpapagaling. Binibigay ang Espiritu Santo. Hindi masamang hipuin. Basta may... ang pananampalataya mo at ang pananampalataya ng pari ang kapangyarihan ng Diyos ang pumupunta sa tao.

Kaya nga ang Diyos eh nagkatawang-tao para tayo'y... ang katawan natin di gamitin sa masama kundi sa mabuti. Kaya tayo nagkakamay[an]... Bawal nga ngayon ang magkamay[an] ano? Ganon na, siko na? Tingnan mo... Kung minsan, hindi na... Wala nang contact. Alam nyo ang Diyos mismo nakipag-contact sa atin. Naging laman, para tayo'y makaisa. Ay kinatatakutan natin, "Don't Worry" sabi ni San Padre Pio. Si San Padre Pio nakaupo sa kompesyonaryo, iba't ibang tao ang nagkukumpisal sa kanya, hindi siya man lang natakot na magkasakit siya. Bakit? Alam niya, kapag nasa kompesyonaryo siya, hindi siya yon. Ang Diyos, si Jesus, ang nandodon. Hesus nagpapagaling, hindi lamang bagay... hindi lang katawan kundi ang kaluluwa.

Sabi ng Panginoon "Makasusumpong kayo ng kapahingahan sa inyong kaluluwa." Alam nyo ang unang paggaling, healing, ay sa kaluluwa. Kaya tayo maraming sakit eh. Sapagkat ang unang maysakit ang kaluluwa. Nandyan yung pagkamuhi, ang hatred. Katulad ng love, espirituwal yan. Pag wala kang love, wala kang... eh... wal... meron kang pagkamuhi, galit ka sa kapwa, pati sa Diyos galit ka.

Ay ang sabi natin dun sa Salmo Responsoryo "Ikaw lamang o Yahweh ang lahat sa aking buhay." Sabi natin "Diyos, ikaw ang aking kasiyahan." Sabihin nga natin yon, "Diyos, ikaw ang aking kasiyahan." Pakiulit nga. Bakit ko pinapaulit? Sapagkat sasabihin natin "Ah ang kasiyahan ko eh ang kuwan ang ah... gin. Ang kasiyahan ko ay San Miguel Beer. Ang kasiyahan ko ay yoong masasamang panoorin. Ang kasiyahan ko ay yoong ah mangapi ng kapwa. Ang kasiyahan ko ay magnakaw. Ang kasiyahan ko ay me... ay... yong aking kaluguran ng katawan." Ibig sabihin niyan, yan ang dahilan kung bakit parang meron tayong pandemic. Unang nagkakasakit ang kaluluwa.

Anong sabi ni Yahweh? "Huwag ipaghambog ng pantas ang kanyang kanurung... karunungan. Unang malakas ang lakas na taglay niya, niyang mariwasa ang kanyang kayamanan." Anong ipaghahambog natin? Si Yahweh. Si Yahweh ang gumagawa ng kabutihan, katarungan, katuwiran sa sanlibutan. Kung lahat tayo yan ang ating aasikasuhin, una, kikilalanin natin ang "Ito ang gusto ng Diyos eh". Yun lang naman ang kailangan eh—"Matuto kayo sa akin, tularan ninyo ako." Si Jesus na naging tao, tularan natin sapagkat siya lang ang magdadala satin sa Diyos. Ay ang Diyos ay kung nasa sa atin, ang Diyos ang pinanggagalingan ng lahat ng kabutihan, mabuti rin tayo. Ang lahat ng gawaing katuwiran, katarungan, lahat ay galing sa Diyos yan eh. Hindi yan galing sa tao. Yan ang dapat matutunan ng tao. Sa Diyos, Anak ng Diyos na naging tao. Yan ang nakakalimutan natin.

Ngayon kung halimbawa ang lahat ay tutulad kay Jesus, magmamahal kay Jesus, makikiisa kay Jesus, makakaisa din natin ang ating kapwa. Mamahalin natin. Pati yung nakasamaan ng loob sa atin... Si Padre Pio malaki ang paghihirap niyan eh. Ultimo sa kanyang kapwa pari, kapwa kapatid, pinahirapan siya eh. Ultimo ng Simbahan, matataas, mga kardenal, hindi siya pinaniwalaan. Malaki ang paghihirap niya. Pero, tiniis niya. At wala siyang masamang kaisipan sa kanila. Nagpatawad siya, ipinagdasal siya; ganun din dapat tayo eh. Kung ganyan tayo, nasa atin ang Diyos, ang lahat ng tao ay hindi natin kaaway, kahit may mga sumisira sa atin, ipinagdadasal natin sila. Sapagkat nagtiis din ang Panginoong Jesus sa kanila eh. Nagdanak din ng dugo para sa kaligtasan nila kaya't sila'y hinayaan. Dapat ang ating damdamin ay kapatawaran, kaayusan. Ay edi hindi tayo maguguluhan. We will be... We don't worry. Bakit we don't worry? Because we love. Una, nandyan ang Diyos na God is love, kapiling natin. At dahil ang Diyos ay nasa atin, ang kabutihan, bunga ng love yan. Kahit yung mga gumawa satin ng masama, mamahalin natin yan. Don't worry.

Ngayon kapag ganyan tayo, nasa atin ang Diyos, puros kabutihan ang lumalabas sa atin, kahit gumagawa rin tayo ng mabuti, dun sa gumagawa sa atin ng masama, we have hope. Ang mundo ay may kap... may... may... pag-asa. Alam nyo kapag merong mga tao na nababasa natin yan sa social media, noh, kasaysayan ng mga tao na gumawa ng mabuti, yung mga taong yan, nagbibigay ng pag-asa sa mundo. Pag may isang tao na nagbigay ng limos sa isang nagugutom, nagbigay ng pagkain, nagbigay ng tulong sa maysakit, dumalaw sa maysakit... Ngayon, di pwedeng dumalaw eh. Mga namatayan hindi nga pwedeng samahan man lang sa huling sandali ang kanilang mga minamahal eh. Ay tungkulin yan eh. Pagmamahal yan eh. Hindi tayo natatakot na "Baka ako ay mahawa". Hinde. "Ang mahalaga mahal ko yan", sabi. "Bakit nyo ako mahahawa nyan, kapatid ko yan, mahal ko yan?" Kung may ganyang mga tao, gumagawa ng mabuti, may pag-asa ang mundo.

Alam nyo, pag nakikita nyo ay puro masama—nagdedenggoyan, nagsasamantala sa isa't isa, nagpapatayan, kung minsan nga hindi nagpapatayan nagpapakamatay—walang pag-asa yon; they don't have hope. Bakit walang hope? Ay kasi wala yung pagkilala na mayroon palang nagmamahal sa atin. Meron palang gusto ay mabuti tayo, mapabuti tayong lahat. Meron palang Diyos. At alam nyo yung mga banal, yan ay mga larawan ng Diyos sa atin, nagpapaalala sa atin. Yang banal hindi lang yung mga banal na pumanaw na. Ngayo'y ikalab... limampu't dalawang taon nang paglisan sa mundong ito ni San Padre Pio... Hindi namatay; nasa buhay na walang hanggan. Nagmamalasakit parin para sa atin kaya sila'y banal eh. Pero may mga banal na kapiling pa natin. Sila ang nagpapakita sa atin na ang Diyos ay buhay. Sapagkat ang Diyos ay nananatili sa kanilang puso, at ang buong buhay nila ay paggawa ng mabuti. Sapagkat ang Diyos ang gumagalaw sa kanila. May pag-asa pag may taong mga gay-an. At dayet... tayo'y dapat ay mga taong ganyan.

Hindi lamang tayo dapat ay may pag-asa, kundi dapat tayo ang panggalingan ng pag-asa. We should be witnesses to hope. Dapat ipakita natin na may pag-asa ang mundo. Hindi kawawa ang mundo. Hindi gugunawin ang mundo. Walang sinira ang Diyos na kanyang ginawa. Ang sumisira ay demonyo, ang sumisira ay tayong mga kalaban ng Diyos. Nilalabanan natin ang Diyos, pero para sa kabutihan lagi ang gawain ng Diyos. Dapat tayo yan... Ngayon, paano tayo magiging ganyan? Pray. Pray. Magdasal tayo.

Anobang pagdadasal? Ay e di naniwala kang ang Diyos ay nandyan, kapiling mo. Narito siya sa sambanalang... Santisimo. Pag-uwi mo, dala mo siya. At dapat ay ibigay mo sa iyong mga kasama sa bahay. Pagpunta mo sa opisina dapat dala mo yan—ang Diyos na nagmamahal. Dapat dala mo ang pagmamahal ng Diyos sa kanila. Hindi tayo nagmamahal; tayo'y kasangkapan lang ng pagmamahal sapagkat ang Diyos lang ang pag-ibig. Kung tayo'y nasa Diyos, tayo'y magiging kasangkapan ng pag-ibig, kasangkapan ng Diyos.

Ngayon, kung hindi ka nagdadasal, hindi ka naniniwalang may Diyos... Alam nyo, maraming mga tao para makagawa ng masama, o sapagkat sila ay may masamang ginagawa, sabi nila "Walang Diyos". Kapag nga walang Diyos ay walang kabutihan, walang kap... walang pagmamalasakit sa isa't isa. Pero kung nariyan ang Diyos, nagbibigay tayo ng pag-asa, nagbibigay tayo ng ligaya, nagbibigay tayo ng aliw sa kapwa, sapagkat nakabubuti sa kanila ang lahat ng ginagawa natin. Iniisip natin, ginagawa natin, damdamin natin, salita natin, ay maka-Diyos. Natuto tayo kay Cristo. Tinuruan tayo ng kanyang pagiging tao. At yang pagtuturong iyan, kaisa tayo ng kanyang pagiging Diyos... patungo yan sa kaganapan ng pakikiisa sa Diyos.

Kaya pray. Ang pray ay tanda na tayo ay may pananampalataya. Faith yan eh, sinasabi lang naman ni San Padre Pio, "Faith, Hope, and love". Sabi ng... ni San Pablo eh pinakalaking... pinakadakila sa lahat eh, faith. Kung di ka nagdadasal, o kulang ang iyong pagdarasal, kulang ang pagkilala mo sa Diyos, wala kang faith. Mababaw ang iyong pananampalataya. Mahina.

Kung may faith tayo kapiling natin ang Diyos. Matulog man tayo o gising, ano man ang gagawin nating kabutihan, ang Diyos ay lagi nating kapiling, maligaya tayo. And we hope, may pag-asa, at may pag-asa ang tao. Maraming tao ang nagsabi niyan eh. Pag nakatagpo sila ng taong mabuti, naghahasik ng kabutihan, sabi, "Ay, may pag-asa ang mundo." Hindi talaga totally evil, hindi magugunaw ang mundo, sapagkat mabuti ang ginagawa—may mga tao na mabuti ang ginagawa. At kung may pag-asa... may pananampalataya may pag-asa, may pag-ibig. Pinaka... lahat... sa lahat ng ito pinakamahalaga ay pag-ibig, sabi ni San Pablo. At alam yon ni San Padre Pio.

At tayo'y nagmamahal kung alam nating mahal tayo ng Diyos, at tayo'y nagmamahal sa Diyos, nagmamahal sa nilikha ng Diyos pati ang kalikasan mahal natin, ang kapwa natin mahal natin, pati ang ating sarili mahal natin, ayon sa hindi makasariling pagmamahal—kung nasa atin ang pagmamahal na yan, you don't have to worry. Wala tayong alalahanin. Kahit wala kayong mask, hindi tayo takot. Tayo din nama'y mamamatay. Pero hindi kamatayan yan; pupunta tayo sa buhay na walang hanggan. Pero kung nagtutulungan tayo, nagmamahalan tayo, gumagawa ng mabuti, hindi na kailangan yang mask. Hindi na kailangan yang face shield. Hindi na kailangan ang distancing. Baket? Mahal tayo ng Diyos. At mahal natin siya, at mahal natin ang isa't isa. We will only do good.

Alam nyo yung mga gumaw... lumikha ng virus, sila rin lumilikha nuong... nuong... ah... bakuna. Vaccine. Pera yan eh. Pera. Pero marami diyang gamot na ordinaryo, sabi, binababa nila, sabi, "Oy, walang kwenta yan, may side-effect yan." Lahat naman ng gamot may side-effect. Ang isang say... ang side-effect eh maaaring good maaaring bad. Pero, gawa ng tao yan. At kung sila ay gumawa ng vacci... ng virus para patayin ang maraming tao, yang vaccine, na iiimpose sa atin, obligatory, yan ay... yan ay gag... siguro sasabihin, "Ah, magaling kayo for three years, for five years, pero after five years, manghihina din kayo. Patay din kayo." Baket? Ang purpose ng taong walang Diyos, at marami sa mga... sa ating... sinasabi ng Unang Pagbasa, Mula sa Propeta Jeremias, "Mga hambog, mga... mga naniniwala sa sariling karunungan, malakas ang taglay sa... sa sarili..." yung mga walang Diyos, ang hangad niyan ay masama sa kapwa tao. At anuman ang manggaling diyan ay masama.

Kaya lalong kailangan natin ang nasa panig tayo ng Diyos. At iyan ang kailangang ipanalangin, kailangan tayo ay may pag-asa, siya lang ang pag-asa natin at nagbibigay ng pag-asa di ba, at kailangan nariyan, nariyan ang tunay na pagmamahal. Yan ang turo ni San Padre Pio at ng lahat ng mga banal. Sapagkat ang turo ni Jesus, sabi niya, "Sumunod kayo sa akin. Sundin nyo ang aking ginagawa." Kung ganyan ang ginagawa natin, no fear. Sabi yan ni Cristo eh nung siya'y muling nabuhay. Bagama't tayo magsa... magtiis ng kataku-takot na tiisin, kung tayo'y nasa Diyos, "Do not be afraid", sabi niya. "Have no fear." Anong sabi niya? "I am. Nandyan ako sa inyo. Wala kayong sukat ikatakot."

Ang si... Ang Panginoon nating Tagapagligtas na nag-alay ng kanyang buhay para sa atin ay muling nabuhay, para tayong lahat umasa, tayo ay dadalhin niya sa kalagayang walang hanggang walang kamatayan... Kaayusan. He is the great healer. Kaya tayo tinawag ni San Padre Pio dito, kaya nagkaroon ng shrine dito, ito'y milagro din eh. Itong shrine na to, milagro din eh. Akalain mong magaling... yan, merong tayong tagpuan sa Diyos at kay San Padre Pio. Anong layunin niya? Halikayo, lumapit kayo. Huwag nyo harangan. Yan, buti may mga batang nakarini, bawal daw ang 21 years old and below. Atsaka yung matatandang katulad ko, ano, 60 years old and above, bawal daw. Bakit? Yung mga bata ang malapit sa Diyos. Yung mga matatanda malapit na sa Diyos. Ay bakit natin ilalayo? Sinong may kagagawan niyan? Eh di ang demonyo. At sa pagitan, hindi na kailangang lumapit, oh bakit maraming nasa pagitan ang between 21 and 60, ay abala sa mga pekeng diyos: trabaho natin, ambisyon natin, kaligayahan natin... Yan ang bihirang nagsisimba. Pero yung mga bata, gustung-gustong magpunta sa Diyos. Nakikita nila siya. Ang mga matatanda, dapat makita ang Diyos sapagkat malapit na rin silang bigyan ng buhay na walang hanggan katulad ng mga banal. Hindi dapat ilayo sila. Sila yung pag-asa ng in-between na nagtitiwala pa sa sarili at wala pang panahon para sa Diyos. Pero sana lahat ay sa... pumunta sa Diyos.

Yan. Ulitin natin. Ang sabi ni San Padre Pio, pagnilay-nilayan natin, ito'y galing sa Diyos. Anong sabi niya? PRAY, HOPE, DON'T WORRY.

MOST REV. RAMON ARGUELLES
homily, 23 September 2020


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Setyembre 20, 2020

Madaya ba ang Diyos? (Mateo 20: 1-16)

Nakakabagabag ang ebanghelyo ngayong araw na ito. Bilang isang call center agent, nasanay na ako sa sistemang ang aming sweldo ay nakabatay sa bawat minutong pagtatrabaho. Kung nahuli ka ng kahit isang minuto lang, babawasan ng katumbas ng isang minutong kabayaran ang sweldo mo. Kung lumabis ka naman ng isang minuto, tatanggap ka ng overtime pay para sa isang minutong iyon. Ito ang sweldong "makatarungan". Ito ang "patas" na kabayaran na alam ko.

Subalit ibang-iba ang nangyari sa talinghaga. Ang mga nagtrabaho ng buong araw, kalahating araw, at isang oras lang, ay pare-pareho ng sweldong tinanggap! Nakakabagabag sapagkat ang natural na reaksyon ko'y katulad ng mga nagreklamong manggagawa. "Isang oras lang nagtrabaho yung mga huling pumasok pero parehas lang ang sweldong binigay mo sa kanila, samantalang nagpagod kami at buong araw naming tiniis ang init." (t. 12 PVCE) Ang inaakala kong "patas" ay taliwas pala sa pananaw ng Diyos!

Ano nga ba ang katarungan? Paano ba natin nasasabi na patas tayo sa kapwa natin? Ano bang batayan ng lipunan sa kung ano ang "nararapat" at "di-nararapat" ibayad sa isang manggagawa? Bilang isang nilalang, anu-ano ba ang mga karapatang maaari nating angkinin para sa ating sarili sa harap ng Diyos na lumikha sa atin? Anu-ano ba ang mga inaakala nating "obligasyon" ng Diyos sa ating mga tao?

Naalala ko noong bata pa lang ako. Madalas kaming magkainggitan ng kuya ko sa halos lahat ng bagay na ibinibigay sa amin ng mga magulang namin. Dapat "pantay" kami sa lahat ng bagay. Hindi pwedeng mas maganda o mas malaki ang laruan ng isa kaysa sa isa. Hindi pwedeng ang isa ay binigyan ng tsokolate habang ang isa ay kendi lang. Hindi patas na mas mahabang oras tinutulungan ni mama si kuya sa assignment niya, habang ako'y saglit lang (kesyo "matalino" naman daw ako at di na kailangang turuan nang matagal). Kung pag-iisipan, hindi ba't parang mali pala na igiit ko ang "pantay" na pagtrato sa amin, gayong bilang panganay, mas matagal siyang naging anak nina Mama at Papa, at sa gayo'y "makatarungan" lamang na siya ang tumanggap ng mas higit kaysa sa akin? Saan kaya ako humugot noon ng kakapalan ng mukha na maghangad ng "pantay" na pagtrato?

Minsan noong nakaraang taon, di-inaasahang dumami ang mga trabahong kailangang tapusin, kaya't madalas kaming himukin na mag-overtime, kapalit ng mga giftcards. Marami ang natuwa sa alok na ito at nakumbinsing mag-overtime nang halos araw-araw. Subalit lumipas na ang mahigit isang buwan at hindi pa rin ibinibigay ang mga pangakong giftcards, kaya't marami ang nagreklamo. Wala akong pakealam noong mga panahong iyon, palibhasa'y minsan lang naman ako nag-overtime (dahil napilitan lang!). Pero naisip ko: Nasasaad ba sa orihinal na kontrata na obligasyon ng kumpanya na ibigay ang mga naturang "gantimpala"? May pinirmahan bang kasulatan hinggil dito? May pananagutan ba ang kumpanya kung hindi nila ito maibigay? Tumanggap naman ang lahat ng kaukulang overtime pay; tama pa rin bang maghangad ka pa ng karagdagang kabayaran?

Malaking hiwaga nga para sa akin ang konsepto ng "katarungan". Madalas, ipinauubaya ko na lang na idikta ng anumang umiiral na batas kung ano ba ang mga "karapatan" at "tungkulin" ko, kaysa siyasatin ko pa ang masalimuot na pilosopiya hinggil dito. Subalit paano ko nga ba ito dapat unawain alinsunod sa diwa ng ebanghelyo ngayon? Tatlong bagay ang naiisip ko:

  1. Ang katarungan ng Diyos ay nakatuon sa ating tunay na ikabubuti—sa pagkakaloob sa atin ng mga kabutihang hindi maibigay ng sanlibutan. "Nang makipagkasundo na siya sa kanila sa isang denaryo sa bawat araw ay pinaparoon sila sa kanyang ubasan" (Mateo 20: 2). Noong panahong iyon, ang isang denaryo ay ang minimum wage; sapat na halaga para sa isang araw na ikabubuhay ng isang karaniwang manggagawa. Ito ang maituturing na "makatarungang sweldo", kaya't ang tugon ng amo sa mga nagreklamo: "Kaibigan, hindi kita dinaraya. Hindi ba nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? Kunin mo ang ukol sa iyo at humayo ka na" (Mateo 20: 13-14). Mabait ang Diyos, at hangad niya ang ikabubuti ng lahat. Batid niya ang kawawang sitwasyon natin, kaya't binibigyan niya tayo ng pagkakataon at kakayahang pagsikapan ang ating pagbangon, kahit pa saglit na panahon lang natin ito pagpaguran. Ang katarungan pala ay ang pagtitiyak na ang lahat ng tao ay nasa mabuting kalagayan.

  2. Ang katarungan ng Diyos ay batay sa kanyang mga karapatan, hindi sa mga karapatan natin. "Wala ba akong karapatang gawin kung anong gusto ko sa pera ko?" (t. 15 PVCE) Kung "karapatan" rin lang ang pag-uusapan, nakakalungkot na ang sariling kapakinabangan lamang ang ating iniisip. Nakakalimutan natin ang "karapatan" ng Diyos. Anumang "karapatan" na mayroon tayo ay buhat sa Diyos, kaya't huwag tayong magmalaki sa harap niya, at mag-isip na ang Diyos ay may anumang pagkakautang sa atin na katungkulan pa niyang bayaran sa mga nilalang na pawang alabok lang! Sa usapin ng katarungan, hindi mahalaga kung ano bang gusto ko. Ang katarungan pala ay ang pagtitiyak na nasusunod ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay.

  3. Ang katarungan ng Diyos ay tungkol sa kanyang pakikipag-tipan sa atin—sa katapatan niya sa kanyang mga ipinangako, at sa pagtupad naman natin sa ating mga tungkulin sa tipan. Kung may ipinagagawa ang Diyos sa atin at nangako siya ng kaukulang gantimpala sa mga ito, ang pagtalima ay huwag mong ituring na isang "pagpapakapagod" at "pagtitiis ng hirap" na "binabayaran" ng Diyos sa iyo. Bagkus, ituring mo itong isang malaking pagpapala, na bagama't alabok ka lang ay minarapat pa rin ng Diyos na makipagkasundo sa iyo.

Hindi madaya ang Diyos. Tayo ang madaya dahil sa ating pagkamakasarili. Nagiging madaya tayo sa tuwing naghahangad tayo nang higit sa nararapat sa atin. Nagiging madaya tayo sa tuwing di natin alintana ang mga paghihirap ng ating kapwa. Nagiging madaya tayo sa tuwing hindi natin sinusunod ang kalooban ng Diyos, o kung sumusunod ma'y puro naman tayo reklamo.

"Blessed ang mga nagugutom at nauuhaw sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat bubusugin sila."

(MATTHEW 5: 6 PVCE)


IMAGE CREDIT: Photo by Tingey Injury Law Firm on Unsplash


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Setyembre 14, 2020

Ang Pagimbento sa Krus

Ayon sa tradisyon, noong ika-3 ng Mayo 326 A.D., naimbento ni Reyna Helena, ang ina ni Emperador Constantino, ang tunay na krus na pinagpakuan sa Panginoong Jesus. "Inimbento", sapagkat ang orihinal na kahulugan ng salitang Latin na inventio ay "pagtuklas" (to come upon, find, come across, discover). Kalaunan, inilipat sa ika-14 ng Setyembre ang paggunita sa araw na iyon.

Subalit iginigiit ng sektang "Mga Saksi ni Jehova" na talagang inimbento lang daw ng Simbahang Katolika ang krus, sapagkat ayon daw sa Biblia ang talagang pinagpakuan sa Panginoon ay isa lamang daw tuwid na poste. Hindi malinaw kung ano ba talagang gusto nilang sabihin dito. Katibayan ba ito ng "katangahan" ng Simbahang Katolika, na hindi marunong umunawa ng Biblia? Katibayan ba ito na ang Simbahang Katolika ay isa talagang "paganong relihiyon" na nagpapanggap na Cristiano, at may katusuhang ipinagpapatuloy ang mga sinaunang maling paniniwala? Isa lang ang malinaw sa akin: isa itong tusong pamamaraan para pagmukhaing katangi-tangi ang isang bagong litaw na sekta (nagsimula noong 1872), at sa gayo'y makapukaw sa interes ng mga Katolikong salat sa kaalaman. Isang kabalintunaan lang na sa pasimula'y wala silang reklamo sa krus, anupa't pinalamutian pa nila ng krus ang piramideng monumento ni Charles Taze Russell, ang pasimuno ng kanilang sekta.

Sa isa sa kanilang mga ipinamimigay na babasahin, may mababasang ganito:

"Si Jesus ay hindi namatay sa isang krus. Siya'y namatay sa isang haligi, o isang tulos. Ang Griegong salita na isinaling 'krus' sa maraming Biblia ay tumutukoy sa isa lamang piraso ng kahoy. Ang sagisag ng krus ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon. Ang krus ay hindi ginamit o sinamba ng sinaunang mga Kristiyano." ("Mga Paniniwala at Kaugaliang Di-Nakalulugod sa Diyos", Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, 2006. p. 23.)

Sinasabi nila ito batay lamang sa kanilang literal na pakahulugan sa salitang Griyegong stauros. Oo, ang krus ng Panginoon ay maituturing na isang poste (kaya't walang problema kung tawaging poste), at oo, gawa naman talaga ito sa kahoy (kaya't walang problema kung tawaging piraso ng kahoy), subalit hindi naman lahat ng poste o piraso ng kahoy ay mga tuwid na tulos na walang sanga. Mapapansin na sa mga sinaunang manuskrito ng Bagong Tipan, gumamit ang mga eskriba ng staurogram—isang simbolong daglat ng salitang stauros na nasa anyo ng isang krus (makikita sa mga manuskritong P66, P45, at P75). Mayroon ding mga katibayang arkeyolohikal tulad ng Alexamenos Graffito (mga ikalawa o ikatlong siglo A.D.) at Pozzuoli Graffito (mga una o ikalawang siglo A.D.) na malinaw na nagpapakita sa nasasakdal na nakapako sa isang krus, hindi sa isang tulos o haligi. Pinatototohanan din ng mga Ama ng Simbahan noong ikalawang siglo A.D.—ang manunulat ng Epistle of Barnabas, si St. Justin Martyr, Tertulian, at St. Irenaeus—na ang Panginoong Jesus ay talagang ipinako sa krus.

Oo, may mga simbolong pagano na kahugis ng krus, at sila'y may mga kaakibat na kahulugang pagano na maaaring maging taliwas sa ating relihiyon. Subalit dahil lang ba dito'y masama na ring gamitin ang krus bilang sagisag ng ating pananampalataya? Hindi ba't minsan nang binigyan ni Apostol San Pablo ng Cristianong kahulugan ang isang paganong altar (Gawa 17: 22-31)? Kung maaari itong gawin sa isang paganong dambana na sadyang nagpaparangal sa isang diyus-diyusan, anong pumipigil sa atin na gamitin din ang krus at bigyan din ito ng bagong kahulugan—kahulugang hindi nagpapaalaala ng anumang katuruang pagano, kundi ng mga katotohanan ng Pananampalatayang Cristiano?

"Sa ganang akin, wala akong ibang ipinagmamalaki kundi ang krus ng ating Panginoong Jesucristo."

(GALACIA 6: 14)


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Setyembre 13, 2020

Mahirap Magpatawad


Photo by Artem Pechenkin on Unsplash

May isang hari na gustong kwentahin ang utang ng mga tauhan nya. Nung magsimula na syang maningil, isang tauhan ang dinala sa kanya. Milyun-milyong piso ang utang ng tauhan na to sa hari. Dahil walang pambayad, inutos ng hari na ibenta na lang sya, ang asawa at anak nya, at pati lahat ng properties nya bilang kabayaran. Lumuhod ang tauhan na to sa harap ng hari at nagmakaawa. "Bigyan nyo pa po ako ng panahon. Babayaran ko po lahat ng utang ko sa inyo," sabi nya. Naawa sa kanya ang hari kaya pinatawad ang mga utang nya at pinalaya sya.
Pero pagkaalis nung tauhan, nakita nya ang kapwa tauhan nya na may utang sa kanya na isang daang piso lang. Sinakal nya to at sinabi, "Bayaran mo yung utang mo sa akin!" Lumuhod yung kapwa tauhan nya at nagmakaawa sa kanya, "Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran din kita." Pero hindi sya pumayag. Pinakulong nya ang kapwa nya tauhan hanggang mabayaran nito yung utang sa kanya. Sumama ang loob ng ibang tauhan ng hari sa nangyaring yun, kaya pumunta sila sa hari at ni-report ang nangyari. Tapos, pinatawag ng hari ang unang tauhan. "Napakasama mong tauhan!" sabi ng hari. "Nagmakaawa ka sa akin kaya kinancel ko lahat ng utang mo. Naawa ako sayo. Di ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo?" sabi pa ng hari. Galit na galit ang hari kaya inutos nya na pahirapan sa kulungan ang tauhan hanggang sa makabayad sa lahat ng utang.

(MATEO 18: 23-34 PVCE)

KATESISMO PARA SA MGA PILIPINONG KATOLIKO

"...at patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin..."

  1. Para Nang Pagpapatawad Namin sa Nagkakasala sa Amin. Mahalaga ang mga katagang ito para sa pag-unawa natin sa tunay na katangiang-likas ng kahilingan. Tila ipinapahiwatig ng mga salitang "tulad nang" na, una, dapat nating patawarin ang kapwa bago natin hingin ang kapatawaran ng Diyos, bilang pabuya. Hindi maaari ito sa dahilang sa pamamagitan lamang ng biyayang kaloob ng Diyos magagawa nating patawarin ang kapwa. Hindi kailanman "sumusunod" ang Diyos sa atin. Laging nauuna ang kanyang biyaya.
    Ikalawa, maaaring mangahulugan ang "tulad ng" na wala tayong karapatang hilingin sa Diyos na patawarin tayo hanggat hindi natin napapatawad ang kapwa. May katotohanan ito subalit di-wasto ang pagtingin sa mapagmahal na kaloob ng Diyos na kapatawaran bilang "mga karapatan". Hindi rin nito ipinaliliwanag nang sapat kung bakit mahigpit ang kaugnayan sa atin ng Diyos at ating pagpapatawad sa kapwa.
  2. Nasa talinghaga ng aliping di-marunong magpatawad ang susi sa wastong pakahulugan. Bagaman naaantig ang amo sa pagsusumamo ng kanyang aliping patawarin ang malaki nitong pagkakautang, hindi tinanggap ng alipin ang kaloob na kapatawaran. Sa halip, tinanggap niya iyon bilang bunga ng kanyang pagsusumamo. Kung kaya't nang nagsusumamo ang kanyang kapwa-alipin na bigyan niya siya ng isa pang pagkakataong bayaran ang maliit niyang pagkakautang, tumanggi ang aliping di-marunong magpatawad. Wala siyang karanasan sa pagtanggap ng kaloob na kapatawaran; pandaraya sa kanyang amo ang tanging nalalaman niya. Nang malaman ito ng amo, marapat lamang na ipasa niya ang aliping di-marunong magpatawad sa mga taong nagpapahirap sapagkat hindi kailanman tinanggap ng alipin ang kanyang kapatawaran.
  3. Tatlong mahahalagang katotohanan ang ipinapahayag ng talinghaga. Una, na nauuna ang pagpapatawad ng Diyos kaysa sa ating pagpapatawad. Ikalawa, na ang ating makataong pagpapatawad ay nakasalig sa pag-ibig ng Diyos sa atin at sa kanyang pagpapatawad sa ating mga kasalanan. Nagagawa nating magpatawad sa kapwa sapagkat pinatawad na tayo ng Diyos. Ikatlo, na nagiging tunay lamang ang pagpapatawad ng Diyos para sa atin kung tinatanggap natin ito at ginagawang bahagi ng ating pakikitungo sa kapwa.

Ang pagpapatawad ay kabilang sa mga pangunahing pagkakakilanlan ng isang Cristiano. Diyan tayo magaling—sa pagpapatawad. Subalit, sa maraming pagkakataon, naiibang uri ng "kapatawaran" ang ating ginagawa. Inaapi ka na nga, lalo ka pang nagpapa-api. Ikaw na nga ang naperwisyo, ikaw pa ang humihingi ng paumanhin. Sinasaktan ka na't pinagsasamantalahan, subalit ikaw pa ang gumagalang at nagmamakaawa ("Maawa po kayo! Huwag po!"). Sa katunaya'y naging balintuwad na ang pakahulugan natin sa salitang "martir", na siyang naging karaniwang bansag sa mga taong tahimik na nagtitiis habang siya'y inaapak-apakan at yinuyurakan ang pagkatao. Bakit tayo ganyan mag-isip? Tinuruan ba talaga tayo ng Panginoon na huwag pahalagahan ang sarili? Siya ba'y kakampi ng mga walang-hiya?

"Kung sinampal ka sa kanang pisngi, ipasampal mo na din ang kaliwa" (Matthew 5: 39 PVCE). Pero kung sa simula pa'y nasa ilalim ka na ng kapangyarihan ng kaaway mo, anupa't kung gugustuhin niya'y maaari ka niyang pagsasampalin sa parehong pisngi, sa tingin mo ba'y kalugud-lugod pa rin sa Panginoon ang ginagawa mong pagpapasampal? Wala ka bang karapatang sawayin ang di-makatarungang pagsampal sa iyo? Hindi ba't nang may sumampal sa Panginoon, pinagsabihan niya ito: "Kung may sinabi akong mali, sabihin mo kung ano yun. Pero kung tama naman ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?" (John 18: 23 PVCE)? Bakit hindi niya ipinasampal ang kabilang pisngi niya? Bakit hindi siya nanahimik na lang?

Ang pagpapaubaya sa kaaway na binabanggit ng Panginoon ay tungkol sa mga sitwasyong (1) may kakayahan kang gumanti, ipagtanggol ang sarili, o tumakas, (2) sa pagpapasya mong mahalin, pagtiisan, at gawan ng mabuti ang nananakit sa iyo, at (3) sa pagtataguyod mo ng kapayapaan sa halip na karahasan. "Mahalin nyo ang mga kaaway nyo, gumawa kayo ng mabuti sa mga nagagalit sa inyo. I-bless nyo ang mga sumusumpa sa inyo, at ipag-pray nyo ang mga nang-aapi sa inyo." (Luke 6: 27-28 PVCE)

Hindi sinabi ng Panginoon na kung may gumahasa sa iyo ay lalo mo pa siyang akitin at anyayahang gahasain kang muli! Hindi sinabi ng Panginoon na kung hinoldap ka ay gawin mo na siyang tagapagmana ng mga ari-arian mo! Hindi sinabi ng Panginoon na ipagdasal mo pang maging masayang pamilya ang asawa mo at ang kabit niya! Hindi ka nagpapaubaya para maging tagapagtaguyod ng kasamaan. Hindi ka nagpapatawad para kunsintihin at pabayaan ang mali. Hindi mo ipagdarasal na nawa'y maging matagumpay ang mga krimen at karahasan sa mundo. Alalahanin mong ang pagsasakripisyong ginagawa mo ay para sa Diyos, hindi sa diyablo.

Madaling magpatawad kung tulad ng hari, hindi man mabayaran ang milyun-milyong pisong utang sa iyo, ang mismong pagka-hari mo ay hindi nawawala. Bayaran ka man o hindi, nananatili ang iyong kapangyarihan. Kung gugustuhin mo, maaari mong ibenta o ipakulong ang tauhan mong hindi makabayad ng utang. Madali sa Diyos ang magpatawad, sapagkat kahit gaano man kalaki ang kasalanan mo sa kanya, hindi ito nakababawas sa kanyang pagka-Diyos.

Iba ang sitwasyon natin, lalo na kung labis kang nasaktan at naperwisyo. Kung magpapatawad ka, tila ba muli mo nanamang inilalagay ang iyong sarili sa kapahamakan. kadalasan, ang di pagpapatawad ay hindi naman talaga udyok ng galit, kundi ng takot. Kung nagagalit ka man, mas nagagalit ka sa mga taong pinipilit kang "magpatawad"—silang mga hindi naman batid ang hirap na pinagdaanan mo, at ang lalakas ng loob na konsensyahin ka pa, at sabihing "kalimutan na ang lahat", "bumalik na kayo sa dati", "kasalanan ang di magpatawad", atbp. Sila'y mga bulag na taga-akay, na hindi nalalaman ang mga pinagsasasabi! Mga bulaang propeta, na nagtuturo ng masamang diwa ng "kapatawaran", na pawang walang pagpapahalaga sa dangal ng tao, sa katarungan, at sa kabutihan!

Ang pagpapatawad sa kapwa ay hindi lang basta mahirap; ito'y IMPOSIBLE (CCC 2841). Kung inaakala mong sapat nang palipasin ang panahon para humupa ang mga sama ng loob, nagkakamali ka. Kung iniisip mong ang pagsusumikap sa buhay, pag-iisip ng mga positibong bagay, at paggawa ng mga bagay na nakaaaliw sa iyo ay makatutulong upang matuto kang magpatawad, nagkakamali ka. Huwag kang magreklamo kung sa kabila ng lahat ng ginawa mo para magbagong-buhay ay hindi ka pa rin mapatawad ng taong sinaktan mo. Ang pagpapatawad ay hindi tungkol sa pagsisikap ng tao na magpakabait. Hindi ito isang bagay na maaari mong ipagpilitan. Sapagkat "sa pamamagitan lamang ng biyayang kaloob ng Diyos magagawa nating patawarin ang kapwa" (KPK 2184).

Ito marahil ang dahilan kung bakit sa dinami-dami ng mga naiisip ng tao na pamamaraan para magkaroon ng kapayapaan sa mundo, isang simpleng solusyon ang iniaalok ng Mahal na Birhen ng Fatima: magdasal ng Rosaryo araw-araw. Nakadepende ang lahat sa Diyos. Humingi ka ng tawad sa mga kasalanan mo, at ihingi mo rin ng tawad ang kasalanan ng kapwa mo. Hilingin mo rin sa kanya ang biyayang magpatawad ng kapwa. Kung nahihirapan kang magpatawad, magdasal ka. Kung hindi ka mapatawad ng pinagkasalanan mo, magdasal ka: ipagdasal mo siya at ipagdasal mo ang sarili mo. Kung may kakilala kang di marunong magpatawad, ipagdasal mo siya at ang kaaway niya. Higit na mabisa ang dasal kaysa anumang pangangaral at pagpupunyagi, sapagkat ang pagpapatawad ay isang biyaya.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF