Sa ating paggunita sa kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, magandang pagnilayan ang isa sa mga taludtod ng Biblia na malimit gamitin sa apolohetika sa pagtatanggol sa naturang dogma: ang Lucas 1: 28. Dito'y binati ng Anghel Gabriel ang Mahal na Birhen sa isang natatanging paraan. Kabisado na natin ang kanyang mga sinabi, palibhasa'y ito rin ang unang taludtod ng isa sa mga pinaka-ginagamit na panalangin nating mga Katoliko: Aba, ginoong Maria, napupuno ka ng grasya! Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo!
Napupuno ka ng grasya. Ito'y tuwirang pagsasa-Filipino ng pagkakasalin sa Bibliang Latin (gratia plena). Subalit ano ang nasasaad sa mga manuskritong Griyego? Ang salitang sinabi ay kecharitōmenē, na ang literal na kahulugan ay "babaeng na-grasya-han noon, at hanggang ngayo'y taglay pa rin ang grasyang tinanggap". Oo, sadyang mayaman ang kahulugan ng naturang salita, at isang hamon kung paano mo ba ito dapat isalin nang tama at maayos sa iba't ibang wika. "Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos" (MBB), "Sobrang pinagpala ka" (PVCE), "puspos-ng-biyaya" (Abriol), "favored one" (NABRE), "so highly favoured" (JB)... Paano ba talaga dapat? Habang malaking isyu para sa ilang mga Katoliko ang anila'y "wastong salin" ng kecharitōmenē (anupa't ito ang isa sa mga sukatan nila ng "wastong Biblia"), alalahanin nating hindi sa paggamit ng wastong pananalita nailalantad ang tunay na kahulugan nito. "Sa mga pangungusap na ito ay nagitla siya at pinag-isip-isipan niya ang maaaring kahulugan ng gayong pagbati" (Lucas 1: 29). Mismong ang Mahal na Birhen ay nagulumihanan sa naturang pananalita, kaya't tulad niya, dapat din natin itong pag-isipan nang mabuti. Ito ang ilan sa mga pagkakataon na kailangan mo na ng isang tagapagpaliwanag (Gawa 8: 30-31). Ito'y isang hudyat upang makinig na tayo sa tinig ng Mahisteryo: hindi sa mga nagmamarunong na anti-Katoliko, hindi sa mga kinikilalang "dalubhasa", at mas lalong hindi sa sarili mong kutob at pagka-intindi.
Ayon sa pormal na katuruan ng Simbahang Katolika,
490. To become the mother of the Saviour, Mary "was enriched by God with gifts appropriate to such a role." The angel Gabriel at the moment of the annunciation salutes her as "full of grace". In fact, in order for Mary to be able to give the free assent of her faith to the announcement of her vocation, it was necessary that she be wholly borne by God's grace.491. Through the centuries the Church has become ever more aware that Mary, "full of grace" through God, was redeemed from the moment of her conception. That is what the dogma of the Immaculate Conception confesses, as Pope Pius IX proclaimed in 1854: The most Blessed Virgin Mary was, from the first moment of her conception, by a singular grace and privilege of almighty God and by virtue of the merits of Jesus Christ, Saviour of the human race, preserved immune from all stain of original sin.
CCC
Dagdag pa ng Katesismo, ang mga pananalitang "napupuno ka ng grasya" at "ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo" ay magka-ugnay at nagbibigay-liwanag sa isa't-isa: si Maria ay kecharitōmenē dahil sumasakanya ang Diyos (CCC 2676).
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF