"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Linggo, Setyembre 13, 2020

Mahirap Magpatawad


Photo by Artem Pechenkin on Unsplash

May isang hari na gustong kwentahin ang utang ng mga tauhan nya. Nung magsimula na syang maningil, isang tauhan ang dinala sa kanya. Milyun-milyong piso ang utang ng tauhan na to sa hari. Dahil walang pambayad, inutos ng hari na ibenta na lang sya, ang asawa at anak nya, at pati lahat ng properties nya bilang kabayaran. Lumuhod ang tauhan na to sa harap ng hari at nagmakaawa. "Bigyan nyo pa po ako ng panahon. Babayaran ko po lahat ng utang ko sa inyo," sabi nya. Naawa sa kanya ang hari kaya pinatawad ang mga utang nya at pinalaya sya.
Pero pagkaalis nung tauhan, nakita nya ang kapwa tauhan nya na may utang sa kanya na isang daang piso lang. Sinakal nya to at sinabi, "Bayaran mo yung utang mo sa akin!" Lumuhod yung kapwa tauhan nya at nagmakaawa sa kanya, "Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran din kita." Pero hindi sya pumayag. Pinakulong nya ang kapwa nya tauhan hanggang mabayaran nito yung utang sa kanya. Sumama ang loob ng ibang tauhan ng hari sa nangyaring yun, kaya pumunta sila sa hari at ni-report ang nangyari. Tapos, pinatawag ng hari ang unang tauhan. "Napakasama mong tauhan!" sabi ng hari. "Nagmakaawa ka sa akin kaya kinancel ko lahat ng utang mo. Naawa ako sayo. Di ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo?" sabi pa ng hari. Galit na galit ang hari kaya inutos nya na pahirapan sa kulungan ang tauhan hanggang sa makabayad sa lahat ng utang.

(MATEO 18:23-34 PVCE)

KATESISMO PARA SA MGA PILIPINONG KATOLIKO

"...at patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin..."

  1. Para Nang Pagpapatawad Namin sa Nagkakasala sa Amin. Mahalaga ang mga katagang ito para sa pag-unawa natin sa tunay na katangiang-likas ng kahilingan. Tila ipinapahiwatig ng mga salitang "tulad nang" na, una, dapat nating patawarin ang kapwa bago natin hingin ang kapatawaran ng Diyos, bilang pabuya. Hindi maaari ito sa dahilang sa pamamagitan lamang ng biyayang kaloob ng Diyos magagawa nating patawarin ang kapwa. Hindi kailanman "sumusunod" ang Diyos sa atin. Laging nauuna ang kanyang biyaya.
    Ikalawa, maaaring mangahulugan ang "tulad ng" na wala tayong karapatang hilingin sa Diyos na patawarin tayo hanggat hindi natin napapatawad ang kapwa. May katotohanan ito subalit di-wasto ang pagtingin sa mapagmahal na kaloob ng Diyos na kapatawaran bilang "mga karapatan". Hindi rin nito ipinaliliwanag nang sapat kung bakit mahigpit ang kaugnayan sa atin ng Diyos at ating pagpapatawad sa kapwa.
  2. Nasa talinghaga ng aliping di-marunong magpatawad ang susi sa wastong pakahulugan. Bagaman naaantig ang amo sa pagsusumamo ng kanyang aliping patawarin ang malaki nitong pagkakautang, hindi tinanggap ng alipin ang kaloob na kapatawaran. Sa halip, tinanggap niya iyon bilang bunga ng kanyang pagsusumamo. Kung kaya't nang nagsusumamo ang kanyang kapwa-alipin na bigyan niya siya ng isa pang pagkakataong bayaran ang maliit niyang pagkakautang, tumanggi ang aliping di-marunong magpatawad. Wala siyang karanasan sa pagtanggap ng kaloob na kapatawaran; pandaraya sa kanyang amo ang tanging nalalaman niya. Nang malaman ito ng amo, marapat lamang na ipasa niya ang aliping di-marunong magpatawad sa mga taong nagpapahirap sapagkat hindi kailanman tinanggap ng alipin ang kanyang kapatawaran.
  3. Tatlong mahahalagang katotohanan ang ipinapahayag ng talinghaga. Una, na nauuna ang pagpapatawad ng Diyos kaysa sa ating pagpapatawad. Ikalawa, na ang ating makataong pagpapatawad ay nakasalig sa pag-ibig ng Diyos sa atin at sa kanyang pagpapatawad sa ating mga kasalanan. Nagagawa nating magpatawad sa kapwa sapagkat pinatawad na tayo ng Diyos. Ikatlo, na nagiging tunay lamang ang pagpapatawad ng Diyos para sa atin kung tinatanggap natin ito at ginagawang bahagi ng ating pakikitungo sa kapwa.

Ang pagpapatawad ay kabilang sa mga pangunahing pagkakakilanlan ng isang Cristiano. Diyan tayo magaling, sa pagpapatawad. Subalit sa maraming pagkakataon, naiibang uri ng "kapatawaran" ang ating ginagawa. Inaapi ka na nga, lalo ka pang nagpapa-api. Ikaw na nga ang naperwisyo, ikaw pa ang humihingi ng paumanhin. Sinasaktan ka na't pinagsasamantalahan, subalit ikaw pa ang gumagalang at nagmamakaawa. Sa katunaya'y naging balintuwad na ang pakahulugan natin sa salitang "martir," na siyang naging karaniwang bansag sa mga taong tahimik na nagtitiis habang siya'y inaapak-apakan at yinuyurakan ang pagkatao. Bakit tayo ganyan mag-isip? Tinuruan ba talaga tayo ng Panginoon na huwag pahalagahan ang sarili? Siya ba'y kakampi ng mga walang-hiya?

"Kung sinampal ka sa kanang pisngi, ipasampal mo na din ang kaliwa" (Matthew 5:39 PVCE). Pero kung sa simula pa'y nasa ilalim ka na ng kapangyarihan ng kaaway mo, anupa't kung loloobin niya'y maaari ka niyang pagsasampalin sa parehong pisngi sa ayaw mo man o sa gusto, sa tingin mo ba'y kalugud-lugod pa rin sa Panginoon ang ginagawa mong pagpapasampal? Wala ka bang karapatang sawayin ang di makatarungang pananakit sa iyo? Hindi ba't nang may sumampal sa Panginoon, pinagsabihan niya ito: "Kung may sinabi akong mali, sabihin mo kung ano yun. Pero kung tama naman ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?" (John 18: 23 PVCE)? Bakit hindi niya ipinasampal ang kabilang pisngi niya? Bakit hindi siya nanahimik na lang?

Ang pagpapaubaya sa kaaway na binabanggit ng Panginoon ay tungkol sa mga sitwasyong (1) may kakayahan kang gumanti, ipagtanggol ang sarili, o tumakas, (2) sa pagpapasya mong mahalin, pagtiisan, at gawan ng mabuti ang nananakit sa iyo, at (3) sa pagtataguyod mo ng kapayapaan sa halip na karahasan. [1] "Mahalin nyo ang mga kaaway nyo, gumawa kayo ng mabuti sa mga nagagalit sa inyo. I-bless nyo ang mga sumusumpa sa inyo, at ipag-pray nyo ang mga nang-aapi sa inyo." (Luke 6:27-28 PVCE) Hindi sinabi ng Panginoon na kung may gumahasa sa iyo ay lalo mo pa siyang akitin at anyayahang gahasain ka pa nang paulit-ulit hanggang sa magsawa siya. Hindi sinabi ng Panginoon na kung hinoldap ka ay gawin mo na rin siyang tagapagmana ng mga ari-arian mo. Hindi sinabi ng Panginoon na ipagdasal mo pang maging "masayang pamilya" ang asawa mo at ang kabit niya. Hindi ka nagpapaubaya para maging tagapagtaguyod ng kasamaan. Hindi ka nagpapatawad para kunsintihin at pabayaan ang mali. Hindi mo ipagdarasal na nawa'y maging matagumpay ang mga krimen at karahasan sa mundo. Alalahanin mong ang pagsasakripisyong ginagawa mo ay para sa Diyos, hindi para sa diyablo.

Madaling magpatawad kung tulad ng hari, hindi man mabayaran ang milyun-milyong pisong utang sa kanya, ang mismong pagka-hari niya'y hindi nawawala. Bayaran man siya o hindi, nananatili ang kanyang kapangyarihan. Kung gugustuhin niya, maaari niyang ibenta o ipakulong ang tauhang hindi makabayad ng utang. Madali sa Diyos ang magpatawad, sapagkat kahit gaano man kalaki ang kasalanan laban sa kanya, hindi ito nakababawas sa kanyang pagka-Diyos. Iba ang sitwasyon natin, lalo na kung labis kang nasaktan at naperwisyo. Kung magpapatawad ka, tila ba muli mong inilalagay ang iyong sarili sa kapahamakan.

kadalasan, ang di pagpapatawad ay hindi naman talaga udyok ng galit kundi ng takot. Kung nagagalit ka man, mas nagagalit ka sa mga taong pinipilit kang "magpatawad"—silang mga hindi naman batid ang hirap na pinagdaanan mo, at ang lalakas ng loob na konsensyahin ka pa at sabihang "Kalimutan na ang lahat," "Bumalik na kayo sa dati," "Kasalanan ang di magpatawad," atbp. Sila'y mga bulag na taga-akay, na hindi nalalaman ang mga pinagsasasabi; mga bulaang propeta (na akala mo'y mga mapagkakatiwalaang "kinatawan" ng Diyos kahit mali-mali naman ang mga tinuturo), na nagtuturo ng masamang diwa ng "kapatawaran," at pawang walang pagpapahalaga sa dangal ng mismong biktima, sa pagtataguyod ng katarungan, at sa wastong pagpapakabuti.

Ang pagpapatawad sa kapwa ay hindi lang basta mahirap; ito'y IMPOSIBLE (CCC 2841). Kung inaakala mong sapat nang palipasin ang panahon para humupa ang mga sama ng loob, nagkakamali ka. Kung iniisip mong ang pagsusumikap sa buhay, pag-iisip ng mga positibong bagay, at paggawa ng mga bagay na nakaaaliw sa iyo ay makatutulong upang matuto kang magpatawad, nagkakamali ka. Huwag kang magreklamo kung sa kabila ng lahat ng ginawa mo para magbagong-buhay ay hindi ka pa rin mapatawad ng taong sinaktan mo. Ang pagpapatawad ay hindi tungkol sa pagsisikap ng tao na magpakabait. Hindi ito isang bagay na maaari mong ipagpilitan. Sapagkat "sa pamamagitan lamang ng biyayang kaloob ng Diyos magagawa nating patawarin ang kapwa" (KPK 2184).

Ito marahil ang dahilan kung bakit sa dinami-dami ng mga naiisip ng tao na pamamaraan para magkaroon ng kapayapaan sa mundo, isang simpleng solusyon ang iniaalok ng Mahal na Birhen ng Fatima: Magdasal ng Rosaryo araw-araw. Nakadepende kasi ang lahat sa Diyos. Humingi ka ng tawad sa mga kasalanan mo, at ihingi mo rin ng tawad ang kasalanan ng kapwa mo. Hilingin mo rin sa Kanya ang biyayang magpatawad ng kapwa. Kung nahihirapan kang magpatawad, magdasal ka. Kung hindi ka mapatawad ng pinagkasalanan mo, magdasal ka—Ipagdasal mo siya at ipagdasal mo ang sarili mo. Kung may kakilala kang di marunong magpatawad, ipagdasal mo siya at ang kaaway niya. Higit na mabisa ang dasal kaysa anumang pangangaral at pagpupunyagi, sapagkat ang pagpapatawad ay isang biyaya.

 


 

  1. Ayon sa komentaryo ng JB sa Mateo 5:39-40: "This deals with an injustice of which we ourselves are the victims: we are forbidden to resist it by returning evil for evil in the way laid down by the Jewish law of talio. Christ does not forbid us to resist unjust attack in due measure (Jn 18:22f), still less to strive to eliminate injustice from the world." [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF