"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Martes, Oktubre 13, 2020

Ang aking Opinyon hinggil sa "Papa Jesus"

UPDATED: 2:26 PM 8/15/2022

Hindi ko kailanman kinasanayan na tawaging "papa" ang Panginoong Jesus. Mga anim o pitong taong gulang pa lang ako, batid ko nang siya'y "panginoon" — isang katayuang higit na mataas kaysa sa aking mga magulang, mga guro, o sa kung sino pa man. Marahil, dulot ito ng pagkahilig ko sa mga relihiyosong komiks at babasahin na ipinamimigay sa amin noon sa eskwelahan (nag-aral ako noon sa Paco Catholic School), at pati na rin sa pagkahumaling ko sa kopya namin ng Bagong Tipan ng Magandang Balita Biblia (na kinagiliwan ko dahil sa mga kakatwang larawang mayroon ito). Mula pa sa pagkabata hanggang sa ngayon, "Panginoon"/"Lord" lang ang naging palagiang tawag ko sa kanya.

Subalit may mali ba sa pagtawag sa Panginoon na "Papa Jesus?" Nakasusuya ang mga katuwirang kesyo "Wala yan sa Biblia!" Ang tanong: Wala nga ba? Ang pagiging "biblikal" ay hindi lamang tungkol sa letra-por-letra at tahasang pagkakasulat; tungkol din ito sa kung tumutugma ba sa mga aral ng Biblia ang mga bagay-bagay na ginagawa mo. At ang mga aral ng Biblia ay natatalastas natin, hindi sa pamamagitan ng sarilinang pagbabasa at pagbibigay-kahulugan batay sa sariling kakayahan, kundi sa pamamagitan ng ➊ malalim na pag-aaral (na ipinagsasaalang-alang ang mga iba't ibang uri ng sinaunang panitikan at sinaunang estilo ng pananalita), at ng ➋ pakikinig sa mga paliwanag ng Simbahan, mangyaring ang Simbahan ang nagtatamasa ng karisma ng kawalang-pagkakamali (pagdating sa pagpapaliwanag ng mga katotohanan ng pananampalataya at moral na pamumuhay) at siya ring tagapagmana ng Banal na Tradisyon na mula sa mga Apostol. Kadalasan, sa tuwing sinasabi nating "Wala sa Biblia," hindi dahil wala talaga sa Biblia, bagkus, hindi lang natin makita sa Biblia dahil sarado ang ating pag-iisip (Lucas 24: 45).

Maraming dahilan para isiping "biblikal" ang "Papa Jesus" —

  • Ang Santo Papa ay siyang Bikaryo ni Cristo. Sa tuwing ginagampanan niya ang kanyang maka-amang paglilingkod sa Simbahan, hindi ba't kinakatawan niya ang pagka-ama ng siyang tunay na pinuno ng Simbahan, ang Panginoong Jesus? Sa tuwing tinatawag mo ang Panginoong Jesus na "papa," hindi ba't parang sinasabi mo na rin na siya talaga ang Santo Papa ng Simbahang Katolika — ang talagang namumuno sa sambahayan ng Diyos (Hebreo 3: 6)?
  • Kung ang Simbahan ay ang ating "ina" ("Santang Inang Simbahan," ika nga), hindi ba't ang asawa niya ay ang ating "ama?" At sino ba ang "asawa" ng Simbahan, hindi ba't ang Panginoong Jesus (Efeso 5: 21-33)?
  • Ang mga pari, sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin, ay tinutupad ito in persona Christi. At ano ba ang kinagisnan nating tawag sa mga pari? Father. Padre. Kung mga "papa" sila (1 Corinto 4: 14-15), hindi ba't "papa" rin ang Panginoong Jesus na kumikilos sa pamamagitan nila? Hindi ba't siya ang ating "Padre Jesus Nazareno," ika nga ng isang nakagisnang awitin?
  • "Sapagkat ipinanganak sa atin ang isang bata, ibinigay sa atin ang isang anak; at nasa kanyang balikat ang pamumuno, at tatawagin siyang kahanga-hangang tagapayo, malakas na Diyos, walang hanggang Ama, prinsipe ng kapayapaan. Ang kanyang kaharian ay lalaganap at walang hanggan ang kanyang kapayapaan. Uupo siya sa luklukan ni David at sa kanyang kaharian upang pakatatagin at palakasin ito sa karapatan at sa katarungan mula ngayon magpakailan pa man." (Isaias 9: 5-6) — Hindi naman kailangang ipagpilitan na ang Panginoong Jesus ang tinutukoy dito (bagama't sa Cristianong pananaw ay halata namang siya ang tinutukoy). Sapat nang mapagtanto na sinumang pinagkalooban ng pamamahala/pamumuno bilang tagapagmana ng trono ni David ay nakikibahagi sa pagka-ama ng Diyos; bilang hari kinakatawan mo ang Diyos sa iyong mga nasasakupan. Sa katunayan, ang punong ministro ng hari (na siyang kinatawan ng hari) ay gumaganap din bilang "pinaka-ama" ng kaharian (Isaias 22: 21).

Siyempre, hindi ito ang mga dahilan kung bakit itinuturo ng maraming mga magulang sa kanilang mga anak na tawaging "Papa Jesus" ang Panginoong Jesus. Sa pananaw ng isang bata, wala namang iba pang kapangyarihang nakasasakop sa kanya kundi ang kapangyarihan ng kanyang "mama" at "papa." Tila ba may kulang kung tatawagin mo ang Panginoong Jesus na "Tito Jesus," o "Kuya Jesus," o kahit pa "Lolo Jesus" (dito sa amin sa San Pedro, kilala siyang "Lolo Uweng"), dahil sa buhay ng isang bata, ang mga lolo, tito, at kuya, bagama't mga taong iginagalang niya, ay hindi kailanman maipapantay sa nakatataas na katayuan ng kanyang mismong ama. Para sa isang bata, ang kanyang mga magulang ang pinag-uukulan ng lubos na paggalang at pagmamahal. Bilang magulang, ikaw ang kinatawan ng Diyos sa mga anak mo.

Marami ang nagrereklamo dito dahil baka daw isipin ng mga bata na mag-asawa ang "Mama Mary" at "Papa Jesus" nila, o di kaya'y mawalan nang papel ang Diyos Ama at akalaing si "Papa Jesus" lang ang Diyos. Walang katuturan ang mga pagrereklamong ito. Isang tingin lang sa mga imahen ng Mahal na Birhen, agad nauunawaan ng isang paslit na si "Mama Mary" ang nanay ng "Papa Jesus" nila. Sa pag-aantanda ng Krus, nababatid ng bata na si "Papa Jesus" ay mayroon ding "Papa" sa Langit, kung paanong ang tatay nila ay anak ng lolo nila. Siyempre, inaasahan nating sa kanilang pagtanda ay uunlad din naman ang kanilang pagkakakilala sa Panginoong Jesus, at mapagtatantong si "Papa Jesus" ay mas higit pa pala sa pagiging "papa," kundi Panginoon ng mga Panginoon, at Hari ng mga Hari. (1 Timoteo 6: 15).


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF