"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Linggo, Oktubre 11, 2020

Meron ka bang Facebook account?


Image by William Iven from Pixabay

Mahalaga bang magkaroon ng Facebook account? Sa pananaw ng Simbahang Katolika, mukhang oo. Ayon sa Pastoral Guidelines on the Use of Social Media na inilabas ng CBCP noong ika-30 ng Enero 2017, isang magandang dahilan daw para gumawa ng account ay upang maunahan ang mga may masasamang-loob na gawan ka ng pekeng account at gamitin iyon sa kung ano mang katarantaduhang maisip nila. May punto nga naman. Malaking kunsumisyon sa buhay ang maging biktima ng identity theft, sapagkat hindi lamang reputasyon mo ang nalalagay sa peligro kundi pati ang mga ari-arian mo. Kaya kahit isa ka pang introvert tulad ko, maituturing na "best practice", ika nga, ang pakikisawsaw sa maingay at magulong daigdig ng social media. Wala kang mapagpipilian kundi ang maging isang "netizen" para protektahan ang sarili mo mula sa mga modernong kawatan!

"Suriin ang lahat ng bagay at piliin ang mabuti."

1 TESALONICA 5: 21

Wala ako sa posisyon para sabihin kung mabuti ba o masama ang Facebook. Subalit kahit ipagpalagay pang "masama" nga ito, hindi naman nangangahulugan na hindi na ito maaaring maging kasangkapan ng kabutihan. Hindi ba't ang pinaka-karumal-dumal na krimen na ginawa ng tao—ang pagpatay sa Bugtong na Anak ng Diyos—ay naging sanhi pa ng kaligtasan ng sangkatauhan? Maraming pakinabang ang Facebook hangga't ginagamit mo ito sa tama. Halimbawa, naging malaking tulong ito sa akin sa pakikipag-ugnayan sa mga katrabaho, sa pagpapanatili ng koneksyon sa mga kaibigan at kakilalang matagal na panahong di ko na nakikita, sa panonood/pakikinig ng Banal na Misa lalo na ngayong panahon ng pandemya, sa maagang pagsagap ng mga mahahalagang balita at impormasyon hinggil sa Simbahan, sa bansa, sa lagay ng panahon at ng trapiko, atbp.

"Ilagan ang mga pagtatalong hangal at walang kapararakan, alam mong nagbubunga ito ng mga alitan."

2 TIMOTEO 2: 23

Subalit kaakibat ng mga kapakinabangang ito ay ang mga sari-saring kabaliwan, katangahan, at mga walang katuturang bagay na pumapatay sa oras ng isang tao. Mga fake news, trolls, memes, patalastas ng mga kung anu-anong produkto, mga personal na kalokohan at katarantaduhan ng mga "kaibigan" mo, ang makaagaw-atensyong pagtunog ng mga "notifications" sa tuwing may nagre-react o nagko-comment sa mga posts mo... Ilang oras ba ang nagugugol natin sa Facebook na dapat sana'y ginugol mo na lang sa pagpapahinga, o sa mga gawaing-bahay, o sa ibang mas naka-aaliw na libangan? Ilang beses na ba tayong nalungkot, nainis, nairita, natakot, o nabagabag nang dahil lang sa isang post na kadalasan nama'y walang tuwirang kinalaman o epekto sa mismong personal na buhay mo? Ilan na ba ang mga taong na-blocked o na-unfriend mo dulot ng mga pakikipagtalo at di-pagkakasundo hinggil sa mga kung anu-anong paksang sa "totoong buhay" ay hindi naman talaga importante sa iyo? Ilang ulit ka na bang nagduda sa halaga ng iyong pagkatao, nang dahil sa di-mapigilang pagkukumpara ng iyong sarili sa inaakala mong "perpektong buhay" ng iba? "Vanity of vanities! All is vanity." (Ecclesiastes 1: 2). Walang kakabu-kabuluhan, subalit lubus-lubos nating pinagkaka-abalahan! Walang kakwenta-kwenta, pero labis tayong nagpapa-apekto!

"Pilitin mong gumawa nang huwag mawalan ng ginagawa, sapagkat ang walang ginagawa ay nakakagawa ng mga maraming kasamaan."

SIRAC 33: 28

Kung iisipin, hindi naman talaga lubhang mahalaga ang Facebook. Oo, pinananatili nito ang koneksyon mo sa iba't ibang mga tao sa buhay mo, pero kailangan mo ba talaga ang naturang "koneksyon", gayong kaya nga kayo matagal na panahong di nagkikita ay dahil wala naman talaga kayong agarang pangangailangan sa presensya ng isa't-isa? Kung patungkol naman sa mga bagay na may kinalaman sa trabaho, hindi ba't mas naaangkop na gumamit na lang kayo ng telepono, magpadala ng e-mail, o kaya'y mag-video conference? Oo, pwedeng mag-live streaming ng Banal na Misa sa Facebook, na pwede mo namang panoorin na lang sa telebisyon o pakinggan sa radyo nang walang binabayarang internet. Tila malaking tulong ang maagang pagsagap ng mga balita na agad mong nakikita sa newsfeed mo, subalit sa totoo lang: kailan ba naging talagang lubhang kinakailangan na malaman ng isang tao ang anumang bagong balita sa lipunan? Hindi ka ba makapaghihintay sa mga paulit-ulit namang pag-uulat ng mga balita sa radyo at telebisyon? Halos lahat ng mga sinasabi nating "kapakinabangan" ng Facebook ay maaari mo namang makamit sa mga mas simple, mura, at praktikal na pamamaraan. At marami din sa mga ito ay pawang "luho" lang—iginigiit lang nating "mahalaga" bilang pagmamatuwid sa ating walang patumanggang pagtutunganga.

Magagamit mo ang Facebook sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, subalit alalahanin mo na hindi lang ito ang tanging paraan. Alalahanin mo rin na ang tanging batayan ng mabisang pagpapahayag ay ang grasya ng Diyos na kumikilos sa nagpapahayag at pinagpapahayagan. Sa palagay ko, hindi rin maituturing na "pagpapahayag ng Ebanghelyo" ang pagtuya sa ibang relihiyon, ang pagshe-share ng mga memes, inspirational quotes, at mga Bible verse na walang kalakip na paliwanag, ang pakikipag-talo sa mga anti-Katoliko na sa simula pa'y alam mo nang hindi marunong makipag-usap nang matino (Sirac 22: 7-8)... Ilang beses mo nang niloko ang sarili mo na may nagagawa kang mabuti at magaling sa buhay, dahil lang sa mga post mong may kinalaman sa mga banal na paksa? Naisip mo na ba kung sa pagbanggit mo sa mga banal na katotohanan ng Pananampalatayang Katolika, tunay mong napararangalan ang Diyos, at hindi mo nilalabag ang kanyang utos: "Huwag mong sasambitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos nang walang katuturan" (Deuteronomio 5: 11)? Sa ating pagpapasyang gumawa ng Facebook account, nawa'y huwag tayong maging bulag sa mga bagay na ito.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF