Ang salitang "Pasko"
Dahil sa impluwensya ng mga Kastila na tinawag itong Pascua de Navidad kaya natin nakagisnang tawaging "Pasko" ang Kapanganakan ng Panginoon. Sa Espanya, naging malawak ang gamit ng salitang pascua, na sa pasimula'y tumutukoy lamang sa Pista ng Paskuwa ng mga Judio (Pascua judía, Pascua de los hebreos, Pascua de los judíos). Dahil ang Paskuwa ay isang malaking kapistahan sa Judaismo, at dahil tayong mga Cristiano ay hindi na ito ipinagdiriwang, nakaugalian nang tawaging pascua ang mga mahahalagang kapistahan sa Simbahan. Kaya't sa Espanya, bukod sa Pascua de Navidad, ikinapit din ang salitang "pasko" sa Dakilang Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon (Pascua de Resurrección) at sa Dakilang Kapistahan ng Pagpanaog ng Espiritu Santo (Pascua de Pentecostés).
Maging ano pa man ang mga nakagisnang itawag sa dakilang kapistahang ito "Pasko," "Christmas," "Noel," "Yuletide,", "Nativity" malinaw sa lahat ang diwa ng kapistahan: ang paggunita sa kapanganakan ng Panginoong Jesu-Cristo.
Masama ba ang daglat na "Xmas?"
Sa algebra, ginagamit ang titik na "x" bilang sagisag ng kawalan o kawalang-katiyakan. Dahil ito sa impluwensya ng mismong kinikilalang "ama ng algebra" na si Al-Jabr, kung saan sa kanyang mga manuskrito, ang salitang Arabo na ginamit niya para sa mga mathematical variables, kung isasalin sa Lumang Espanyol, ay "xei," na kalauna'y pinaikli at naging "x." Ang tanong: Anong kinalaman nito sa daglat na "Xmas?" Ang sagot: WALA. Hindi daglat na pang-algebra ang Xmas, kaya't walang batayan na ipagpilitang ang kahulugan nito'y ang pagtatanggal kay Cristo sa diwa ng Pasko.
Ang Xmas ay isang makatuwirang daglat ng salitang Christmas (na sa pasimula'y Christes maesse o "misa ni Cristo"), sapagkat ang "X" ay sinaunang simbolo ni Cristo, mangyaring ang titik Griyegong chi (X) ang unang titik ng Salitang Griyegong Christos. Una itong ginamit noong 1721.
Ang petsang ika-25 ng Disyembre
Hinggil sa aktuwal na makasaysayang petsa ng kapanganakan ng Panginoong Jesu-Cristo, wala tayong nalalaman sapagkat hindi ito naitala sa mga kasulatan ng Bagong Tipan, at hindi rin ito kabilang sa mga sinaunang kapistahan ng Simbahan. Sa katunayan, bago naging pormal na petsa ng liturhikal na pagdiriwang ng Pasko ang ika-25 ng Disyembre, may mga Cristianong ginunita ito sa ibang mga petsa: ika-20 ng Mayo; ika-19, 20, o 21 ng Abril; ika-28 ng Marso; o ika-6, 7, o 10 ng Enero. Kahit hanggang sa ating kapanahunan, may mga Cristianong Orthodox na ipinagdiriwang ang Pasko tuwing ika-pito ng Enero.
Kung gayon, anong pinagbatayan ng petsang ika-25 ng Disyembre? Maraming haka-haka hinggil dito, at bilang Katoliko, hindi tama na ipagpilitan ang alinman sa mga ito na wari ba may hawak kang isang di mapasusubaliang impormasyon na nagtatakda ng "tunay na petsa" ng Pasko. Halimbawa, ang karaniwang ipinauusong paliwanag ng mga Katolikong apolohista ay matatagpuan sa unang lathala ng magasin na "Know the Truth" ni Fr. Paul Kaiparambadan (p. 23):
St. Luke who wrote the gospel in 'orderly sequence' (Lk. 1:1) most probably got the date of the Lord's birth from Mother Mary. Scripture says Zechariah received the message from an angel while he was incensing; which shows the feast of the Dedication of the Temple on September 18-24; according to the Roman calendar. After six months, Mary received annunciation from the angel (Lk. 1:26), that is the month of March (Traditionally, the church celebrates it on March 25th.) We have to add just 9 months from this date to know the date of Christ's birth; which justifies the century's old custom of Christmas on Dec. 25.
Sa artikulo ni Jimmy Akin, isang batikang apolohista ng Catholic Answers, na may pamagat na "Was Jesus Born December 25th?," tinukoy niya ang mga patung-patong na haka-hakang pinagbabatayan nito:
- Wala namang katiyakan kung kailan ba nangyari ang paglilingkod sa Templo ni Zacarias. Na ito'y naganap sa buwan ng Setyembre ay isa lamang ding haka-haka.
- Hindi malinaw sa Ebanghelyo kung si Sta. Isabel ba'y agad naglihi nang bumalik si Zacarias.
- Hindi malinaw sa Ebanghelyo kung si Maria ba'y agad naglihi makalipas ang eksaktong anim na buwan ng paglilihi ni Sta. Isabel.
- Wala namang katiyakan na si Maria ay agad naglihi nang dinalaw siya ng anghel.
- Wala namang katiyakan na ang Panginoong Jesus ay ipinaglihi nang eksaktong siyam na buwan.
Ang pinakalumang "katibayan" ng petsang ika-25 ng Disyembre ay batay sa mga sariling haka-haka at kalkulasyon nina St. Hippolytus (202-211 AD) at mananalaysay na si Sextus Julius Africanus (221 AD). Noong mga panahong ito'y lumaganap ang paniniwalang ang Panginoong Jesus ay ipinaglihi at namatay sa parehong petsa, na nag-ugat sa tradisyon ng mga Judio, hinggil sa "perpektong buhay" ng isang propeta. Ayon sa kalkulasyon ni Tertullian (200 AD), namatay ang Panginoong Jesus noong ika-25 ng Marso, kaya't humantong ito sa paniniwalang ito rin ang araw ng paglilihi sa Panginoon, kaya nakarating sa kalkulasyon na ika-25 ng Disyembre ang kapanganakan niya. Maging ano pa man ang pananaw natin sa bagay na ito, alalahanin lamang natin na wala namang kailangang ipaghaka-haka at kalkulahin kung sa pasimula pa'y batid na ng Simbahan ang eksaktong petsa ng Pasko.
Kung ang mga Judio ang tatanungin, hindi masamang magdiwang ng kaarawan, at maaari pa ngang sabihing may batayan ito sa mga Banal na Kasulatan at sa mga sinaunang tradisyon ng Judaismo, taliwas sa maling akala ng ilang mga anti-Katolikong sekta, na nagsasabing ito daw ay kaugaliang pagano na di daw dapat ipinagdiriwang, gaya ng Pasko. Gayon man, ang punto ng Pasko ay hindi isang karaniwang pagdiriwang ng kaarawan, kundi isang liturhikal na pagdiriwang na ang layon ay ipagbunyi at gunitain ang mga misteryo ng ating kaligtasan. Kaya nga't sa kalendaryo ng Simbahan, mayroon lamang tatlong kaarawang inaalala: Kaarawan ng Panginoon (ika-25 ng Disyembre), Kaarawan ng Mahal na Birhen (ika-walo ng Setyembre), at Kaarawan ni San Juan Bautista (ika-24 ng Hunyo). Wala tayong pakealam sa eksaktong petsa ng mga kaarawang ito dahil wala namang kinalaman ang mga naturang petsa sa ating kaligtasan. Ang mahalaga ay ang kahulugan ng mga kaarawang ginugunita, at kung paano sila nauugnay sa Misteryong Pampaskuwa ni Cristo. Ika nga sa Kredo ng Nicaea, "For us men and for our salvation he came down from heaven, and by the Holy Spirit was incarnate of the Virgin Mary, and became man." Iyan ang pinakamahalagang diwa ng Pasko na marapat ipagdiwang.
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF