Isang malaking palaisipan sa akin kung paanong nagagawang angkinin ng mga anti-Katoliko na sila daw, di umano, ay maraming alam sa Biblia. Maraming beses na daw nila itong nabasa, at sa tulong nito'y napagtanto nilang ang Simbahang Katolika nga ay mali. Ipinagmamayabang ng mga ateista na sa pagbabasa daw ng Biblia natuklasan nila na ang Diyos ng Cristianismo ay isang malaking kalokohan. Sinasabi naman ng mga "dating Katoliko" (na umanib sa ibang sekta) na sa pagbabasa daw ng Biblia nabisto nila ang mga sari-saring inimbentong aral ng Katolisismo, at kanilang natagpuan ang "tunay na iglesya" na nagtuturo ng "katotohanan". Siyempre pa, may nakahanda na silang listahan ng mga taludtod na ipamumukha sa iyo sa sandaling hanapan mo sila ng katibayan ng kanilang ipinagmamalaking "kaalaman". Hindi ako makapaniwala kung paano nila iyon nagagawaang pagtiyagaang basahin ang Bibliagayong kung ako nga, na isang Katoliko at may-akda ng blog na ito ay lubhang NASUSUYA, TINATAMAD, at NAHIHIRAPAN sa pagbabasa ng naturang libro, sila pa kaya?
Oo, hindi tulad ng mga matatalinong anti-Katoliko, pakiramdam ko'y wala akong karapatan na sabihing marami akong alam sa mga Banal na Kasulatan. Isang kabalintunaan na pangunahing batayan ko ang Biblia sa lahat ng mga pinagsasasabi ko sa blog na ito, gayong hindi ko naman pala ito kinagigiliwang basahin. Itinuturing ko ang aking sarili na mangmang sa Biblia, at pakiramdam ko'y pinatatamaan ako ng mga salita ni St. Jerome: "Ignorance of the Scriptures is ignorance of Christ". Para sa akin, isang napakabigat na obligasyon ang magbasa ng Biblia araw-araw. Nakasusuyang magbasa ng mga mahahabang panitikan, mga paulit-ulit na panalangin, mga batas at seremonyas na di akma sa modernong lipunan, mga listahan ng mga salinlahi, at mga numero at petsa ng kung anu-ano. Nakatatamad maglaan ng isa o dalawang oras sa pagbabasa, na maaaring gugulin na lamang sana sa mga mas nakagiginhawa o nakalilibang na gawain. Napakahirap unawain ng mga matalinghagang pananalita, ng mga sari-saring estilo ng pakiwari ko'y pagpapaliguy-ligoy sa halip na deretsahan na lang sabihin ang gustong sabihin... Sa dami ng aking mga iniisip at inaasikaso sa araw-araw, idadagdag ko pa ba ang Biblia?
MBB at PVCE
Hindi naman ako dating ganyan. Noong bata pa ako, naging paborito kong libro ang Biblia. Halos araw-araw ko itong binabasa, lalo na ang Ebanghelyo ni San Mateo. Ang Biblia ang humubog sa aking mga moral na paninindigan, lalung-lalo na ang "Sermon sa Bundok" ng Panginoong Jesus. Sa pagbabasa ng Biblia ko rin minana ang pamamaraan ko ng paggamit ng wikang Filipino, anupa't ito ang ginawa kong pamantayan ng tamang pagbaybay, estilo, at balarila. Ang pagkahilig ko noon sa Biblia ay isa sa mga dahilan kung bakit naging "kakaibang bata" ako noonisang "nerd" na hindi mo makausap nang matino tungkol sa mga bagay na uso at kinahuhumalingan ng nakararami, sapagkat puro Biblia lang ang laman ng utak.
Subalit anong nangyari sa akin? Sa pagdaan ng panahon, napagtanto ko na ang bersyon ng Bibliang ginagamit koang Magandang Balita Bibliaay isang dynamic equivalence translation: ibig sabihin, nakatuon ang pagsasalin-wika sa kung paano ipahahayag sa wikang pagsasalinan ang kahulugan ng sinasabi sa orihinal na wika, sa halip na hanapan ito ng tuwirang katumbas na pananalita sa wikang pagsasalinan (formal equivalence translation). Parehong mahalaga at kailangan ang dalawang pamamaraang ito ng pagsasalin-wika upang maipatalastas ang talagang sinasabi ng orihinal. Ang pagkakaiba ng mga wika ay hindi lang naman kasi tungkol sa mga salita at balarila (na napananatili sa formal equivalence), kundi pati rin sa estilo, sa tradisyon, sa anyong pampanitikan, atbp. (na mas mabisang naipatatalastas sa pamamagitan ng dynamic equivalence). At dahil wala naman akong panahon at pera para mag-aral ng mga sinaunang wika ng Biblia (Hebreo, Aramaiko, Griyego), ang pinakamabuting magagawa ko ay gumamit ng iba't-ibang bersyon ng Bibliang Katoliko, at pati na rin ng mga pang-Katolikong komentaryong biblikal. Ang resulta: tambak ang mga libro sa aking lamesa, habang binabasa at pinagninilayan ang iilang taludtod lang ng Biblia. Mistula akong nagkaroon ng pangalawang trabaho sa bahay, matapos ang maghapong trabaho sa opisina.
Siyempre, hindi porke't mahirap, nakatatamad, at nakasusuya ang isang gawain ay hindi mo na ito gagawin. Kung may problema, wala kang ibang dapat gawin kundi ang humanap ng solusyon. Kung nahihirapan ka, umisip ka ng paraan kung paano ito padadaliin. Kung tinatamad ka, alamin mo ang mga oras sa maghapon kung kailan aktibo ang isip at pangangatawan mo upang ang mga naturang oras ang ilaan mo sa mga mahahalagang gawain. Kung nasusuya ka, palitan mo ang mga gawaing paulit-ulit na ginagawa subalit walang gaanong naibubunga.
Ano, kung gayon, ang naisip kong "solusyon"? Naisip kong gumamit ng teknolohiya. May cellphone ako; bakit di ako mag-download ng mga Bible app na makatutulong sa aking pagbabasa? Limang bersyon ng Biblia ang nasa cellphone ko, at may isa ring app na nagpapakita ng teksto sa mga wikang Hebreo, Griyego, at Latin. Mayroon din akong Biblia sa computer: ang Digital Catholic Bible, isang libreng software na naglalaman ng siyam na bersyon ng Biblia (bagama't dalawa lamang ang nasa wikang Ingles: ang Christian Community Bible at ang Douay-Rheims Version). Malaking tulong ang mga ito sa mabilis at masinsinang paghahanap ng mga salita sa Biblia. Nakakapagbasa rin ako kahit nasa trabaho, nasa bus, at kahit nakahiga pa sa kama. Subalit may isang elementong nagtatakda ng limitasyon sa paggamit ng mga teknolohiyang ito: kuryente. Hindi ka naman pwedeng tumunganga sa cellphone, dahil mabilis nitong uubusin ang charge ng baterya. Sayang din sa kuryente ang matagal na paggamit ng computer. Ang mga inakala kong "solusyon" ay pawang mga mumunting pampaginhawa lamang. Nababatid ng sinumang seryosong nagbabasa ng Biblia na wala pa ring mas mabisang pamamaraan ng pag-aaral at pagninilay ng Salita ng Diyos liban sa paggamit ng mga pisikal na libro.
Kung madali para sa iyo ang pagbabasa ng Biblia, mapalad kaipagpasalamat mo sana iyan sa Diyos at huwag mo namang hamakin kaming mga nahihirapan. Ang makapagbasa ng Biblia, sa aking palagay, ay isang BIYAYAisang natatanging "paanyaya" mula sa Diyos na nais mangusap sa iyo maging sino ka man (Katoliko man o di-Katoliko). Kung isa kang anti-Katolikong "maraming alam sa Biblia", para sa aki'y isa yang milagrotanda ng aktibong pagkilos ng Diyos sa buhay mona sa kabila ng iyong katigasan ng puso ay patuloy ka pa ring tinatawag na magbalik-loob.
Nasunog ang bahay namin mga ilang taon na ang nakararaan, at nailigtas ang marami sa mga libro ko, kabilang na ang mga Bibliang ito. Mula sa kaliwa patungong kanan: (1) Revised Standard Version, Catholic Edition; (2) New American Bible, 1970 Edition; (3) Confraternity Bible, SinagTala; (4) ALBA House Gospels. Dahil sa naging marupok na ang mga ito dulot ng pagkasunog ay hindi ko na sila ginagamit pa, bagkus ay iniingatan ko na lamang bilang isang mahalagang "koleksyon", mangyaring ito'y mga bersyon ng Bibliang pang-Katoliko na napakahirap hanapin.
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF