"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Lunes, Pebrero 19, 2024

San Pedro, Unang Papa

EDITED & REPOSTED: 4:49 PM 2/19/2024


Photo by Marina Gr from Pexels (edited)

"We believe in one, holy, catholic, and apostolic Church, built by Jesus Christ on that rock which is Peter."

POPE PAUL VI
Solemni Hac Liturgia, 19
June 30, 1968

 

ANG UNANG SANTO PAPA

Kalabisan bang sabihin na si Apostol San Pedro ang unang Santo Papa ng Simbahang Katolika? Linawin natin ang pagkakaiba ng mismong katungkulan ni San Pedro at ang mga pag-unlad ng katungkulang ito nang ito'y akuhin ng kanyang mga nagiging kahalili sa Roma sa pagdaan ng panahon. Sa ating kapanahunan, kaakibat na ng salitang "Santo Papa" ang Vatican City, Roman Curia, College of Cardinals, encyclical, atbp. — mga bagay-bagay na hindi naman talaga naging bahagi ng panunungkulan ni San Pedro sa Simbahan noong unang siglo ng Cristianismo. Sa ganitong pananaw, maaari talagang sabihin na si San Pedro ay hindi naging unang "Santo Papa."

Gayon man, si San Pedro ay talagang pinagkalooban ng natatanging katungkulan sa Simbahan, at ang mga Obispo ng Roma ay talagang mga kahalili niya sa naturang katungkulan — isang katungkulang hindi kailanman nawala, nabago, o napalitan, sa kabila ng mga pag-unlad na pinagdaanan nito sa halos 2,000 taon ng Simbahang Katolika.

Si San Pedro ang ginawang Pinuno ng Simbahan, subalit hindi sa lubos na kahulugan ng pagiging "pinuno": siya ay isang alipin na "pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alipin" (tingnan sa: Mateo 24: 45-51). Samakatuwid, ang Panginoong Jesu-Cristo ang tunay at nag-iisang Pinuno ng Simbahan, at inihabilin lamang niya kay San Pedro ang pamamahala niya. Sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo kay Apostol Simon: "Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya" (Mateo 16: 18). Si Apostol Simon ang batong tinutukoy, sapagkat ang kahulugan ng pangalang "Pedro" (Griyego, Petros) ay "bato." Ayon sa Ebanghelyo ni Juan, ang katumbas ng pangalang ito ay "Cefas" (Aramaiko, Kepha) na "bato" rin ang kahulugan (Juan 1: 42). Ipinakikita nito na kay Apostol San Pedro nagkakaisa, itinatayo, at namamalagi ang Simbahang pag-aari ng Panginoong Jesu-Cristo. Kasunod nito'y sinabi pa ng Panginoon sa kanya: "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ano man ang talian mo sa lupa ay tatalian din sa langit, at ano man ang kalagan mo sa lupa ay kakalagan din sa langit" (t. 19). Ang pamamahala ("mga susi") ng Panginoong Jesus sa kanyang kaharian ("kaharian ng langit") ay ipinagkatiwala niya kay San Pedro. Nangangahulugan ito na ang Simbahan ang Kaharian ng Langit na nasa lupa, at si San Pedro ang kinatawan ng Panginoong Jesu-Cristo sa lupa.


Si Apostol Simon ang bato na pagtatayuan ng Simbahan, sapagkat ang kahulugan ng pangalang "Pedro" (Griyego, Petros) ay "bato." Ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, ang katumbas ng pangalang ito ay "Cefas" (Aramaiko, Kepha), na "bato" rin ang kahulugan (Juan 1: 42).

Ang Panginoong Jesu-Cristo ang tagapagmana ng kaharian ni David (Lucas 1: 31-33), ang Hari na may hawak ng mga "susi ni David" (Pahayag 4: 7). Sa Biblia, ang pagbibigay ng Hari sa isang tao ng mga susi ng kanyang kaharian ay nagpapahiwatig na ang naturang tao na iyon ang pinagkalooban ng kapamahalaan sa buong kaharian bilang "katiwala ng palasyo" at "pinakaama". Bukod pa rito, ang pagbibigay ng susi ay pahiwatig din na ang kapamahalaan na iyon ay maaaring akuhin ng mga magiging kahalili—hindi nagwawakas o naglalaho ang katungkulang ito kapag nagbitiw o namatay na ang siyang mayhawak nito. Ayon sa Aklat ni Propeta Isaias:

Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, si Eliaquim na anak ni Helcias. Siya ang pagsusuutin ko ng iyong kasuutan, Ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, Siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda. Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David; Ang kanyang buksa'y walang makapagsasara At walang makapagbubukas ng ipininid niya. (Isaias 22: 20-22)

Tumutukoy ito sa paghalili hindi sa Hari kundi sa "katiwala ng palasyo" (Isaias 22: 15). Si Eliaquim ang humalili kay Sabna: "Aalisin kita sa iyong katungkulan . . . Tatawagin ko . . . si Eliaquim" (Isaias 22: 19-20). Kaya naman, nang ibinigay ng Panginoong Jesus ang mga "susi ng kaharian ng langit" kay San Pedro, Ipinahihiwatig nito na si San Pedro ang itinalagang Punong Ministro at Pinakaama ng Simbahan, at iyon ay isang katungkulang ipagpapatuloy ng mga magiging kahalili niya. Kaya nga, makatuwirang ituring si Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahang Katolika. "Ang Pinunong nasa Roma, ang Papa, ang Kumakatawan kay Kristo at kahalili ni Pedro, ang siyang may lubos, pinakamataas at pangkalahatang kapangyarihan sa Simbahan." (KPK 1410).

Tiniyak ng mga Apostol na bago pa man sila mawala sa mundo ay may mga taong hahalili sa kanilang mga Apostolikong katungkulan (Gawa 20: 28; 1 Pedro 5: 1-4; Hebreo 13: 17). Ang mga taong yaon ay ang mga Obispo. Ayon mismo kay San Pablo, ang Espiritu Santo ang nagkakaloob ng tungkuling ito (Gawa 20: 28) sa pamamagitan ng Sakramento ng Banal na Orden ("pagpapatong ng kamay" — 2 Timoteo 1: 6-7). At dahil ang Espiritu Santo ay namamalagi sa Simbahan upang gabayan ito (Juan 14: 16), at ang Panginoong Jesus na rin mismo ay nangakong sasamahan niya ang Simbahan hanggang sa katapusan ng sanlibutan (Mateo 28: 20), samakatuwid, tinitiyak ng ating pananampalataya na ang Apostolikong Paghalili ng mga Obispo ay hindi kailanman mawawala o mapapatid sa Simbahan. Sumasampalataya tayong magpapatuloy ang paghalili ng mga Papa kay San Pedro hanggang sa dumating ang Panginoong Jesus. Pagbalik ng Panginoon mula sa langit, buo ang ating pagtitiwalang may madadatnan pa rin siyang pangulong alipin ng kanyang sambahayan (Mateo 24: 45-51; Lucas 12: 41-47). Parurusahan niya ang mga Papa na nagpabaya sa Simbahan at nang-abuso ng kapangyarihan, at gagantimpalaan naman ang mga naging tapat sa kanilang tungkulin.

 

HINDI MAGKAKAPANTAY

Ang ibang mga Apostol ay pinagkalooban ng katulad na katungkulan, subalit ang tinanggap ni San Pedro ay nakatataas sa kanilang lahat at sumasakop sa buong Simbahan. Oo, ang lahat ng mga Apostol ay mga "saligan" din ng Simbahan (Efeso 2: 20; Pahayag 21: 14), subalit si San Pedro ang nagpapatatag sa kanila (Lucas 22: 31-32). Oo, ang lahat ng mga Apostol ay binigyan din ng kapangyarihang "magtali" at "magkalag" (Mateo 18: 18), subalit ito'y bilang mga pinuno ng isang bahagi lamang ng Simbahan na ipinagkatiwala sa kanila (t. 15-18), di tulad ni San Pedro na may pamamahala sa buong Simbahan. Isa pa, ipinahihiwatig ng hiwalay na pagtatalaga kay San Pedro na siya ang kanilang pinuno1 — na maaari niyang baguhin, ipawalang-bisa, o papagtibayin ang anumang "tinalian" o "kinalagan" ng ibang mga Apostol.

Nang magtalu-talo ang mga Apostol kung sino ba sa kanila ang pinaka-dakila, sinaway nga sila ng Panginoon, subalit hindi niya sinabi na sila'y magkakapantay; bagkus itinagubilin niya na "ang pinakadakila sa inyo ang siyang maging pinakamaliit, at ang pinuno ang siyang maglingkod." (tingnan sa: Lucas 22: 24-27). Pagkaraan nito'y saka naman niya tinagubilinan si Simon (si San Pedro) kung ano ang paglilingkod na gagawin nito sa iba pang mga Apostol: "pagtibayin mo ang iyong mga kapatid." (t. 32) — isang malinaw na patunay na siya ang kanilang pinuno.

Sa 1 Pedro 5: 1 sinabi ni San Pedro sa mga "matatanda" ng Simbahan: "Nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo". Nangangahulugan ba ito na si San Pedro, ang iba pang mga Apostol, at ang mga "matatanda" ay magkakapantay lamang talaga? Sa katunayan, makikita naman sa konteksto kung bakit sinabi ni San Pedro na siya'y isa ring "matanda": tungkulin ng mga "matatanda" na maging mga ulirang pastol ng kawang ipinagkatiwala sa kanila (t. 2-3), tungkuling ginagampanan ni San Pedro sa buong kawan (tingnan sa: Juan 21: 15-17). Subalit may isa pa itong maaaring ipinahihiwatig. Kung sinasabi ni San Pedro na siya'y isa ring "matanda", nangangahulugan kaya ito na minabuti na niyang pirmihang humimpil sa isang partikular na Simbahan upang manungkulang Obispo nito? At kung magkagayon, posible kayang siya ang nanunungkulang Obispo ng mga Cristianong nasa "Babilonia" na binabanggit niya sa katapusan ng naturang sulat (1 Pedro 5: 13) — ang Simbahan sa Roma?2 Kung gayon, pinatutunayan nito na ang Papa nga ang kahalili niya.

May mga nagsasabi naman na nang magpulong "ang mga apostol at matatanda" sa Jerusalem, si San Santiago daw ang namuno at nagpasya, hindi si San Pedro (basahin sa: Gawa 15: 1-29). Sa katunayan, hindi lang naman si San Santiago, kundi ang buong kapulungan ng mga Apostol at Matatanda, "sampu ng buong iglesya", ang nagpasya (t. 22, 28; 16: 4), alinsunod sa naging hatol ni San Santiago (t. 19-21), na batay naman sa mga ipinaliwanag ni San Pedro (t. 14-18) — pagpapaliwanag na nagpatahimik sa mahabang pagtatalo at nagbigay ng pagkakataon kina San Pablo at Bernabe na isalaysay ang panig nila (t. 7-12). Sa mga naitalang pangyayaring ito, makikita natin kung paano ba kumikilos noon ang mga Apostol sa pamumuno ni San Pedro. Si San Pedro, bilang Bato (Mateo 16: 18), ang nagpapahayag ng Pananampalataya na pinagbabatayan ng desisyon ng kapulungan.

Malimit ding gamitin ng mga anti-Katoliko ang Gawa 8: 14, kung saan sinasabing sina San Pedro at San Juan ay "isinugo" ng mga Apostol na nasa Jerusalem. Iginigiit ng mga di-Katoliko: "Maaari bang isugo ang pinuno?" Ang ating sagot ay oo, maaaring isugo ang pinunong lingkod ng Simbahan kung kinakailangan, lalo na kung may isang mahalagang tungkuling siya lamang ang maaaring gumanap (gaya ng pagkukumpil sa mga binyagan at pagsaway sa isang maimpluwensyang salamangkero — tingnan ang konteksto ng Gawa 8: 9-25). Ang mga pinuno ng Simbahan ay nanunungkulan, hindi bilang mga hari, kundi bilang mga ulirang pastol (tingnan sa: 1 Pedro 5: 1-4). Si San Pedro ay hindi "diktador" ng Simbahan, kundi ang "alipin na pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alipin" (Mateo 24: 45). Ipinakikita lamang sa Gawa 8: 14 (at sa mga sumunod na taludtod) kung paanong pinaglingkuran ni San Pedro ang Simbahan, bilang pagtupad sa tagubilin ng Panginoon: Ang pinuno ang siyang maglingkod. Gayon pa man, ang kababaang-loob ng mga pinuno ng Simbahan ay hindi nangangahulugan na sila'y walang katungkulang dapat igalang ng kanilang nasasakupan. Maaari silang maghigpit kung kinakailangan (Tito 2: 15; 2 Corinto 13: 1-10). Kung nagkaroon man ng pagpapalawig at paghihigpit sa mga kapangyarihan at karapatan ng mga Papa sa pagdaan ng panahon, ito'y bilang tugon sa mga sari-saring pagkilos sa loob at labas ng Simbahan na naglalayong balewalain o batikusin ang pamumuno ng Papa.

Sa bandang huli, igigiit ng mga anti-Katoliko na kaya lamang daw naging pangunahing Apostol si San Pedro ay dahil siya ang hinirang na "Apostol ng mga Judio," gaya ni San Pablo na hinirang na "Apostol ng mga Hentil" (tingnan sa: Galacia 2: 1-10). Sa katunayan, ang tinutukoy lamang dito ay ang pangangaral ng Ebanghelyo sa mga hindi pa Cristiano, hindi ang pamamahala sa Simbahan. Ayon na rin mismo kay San Pablo: "Si Santiago, si Cefas at si Juan, na inaaring mga haligi, ay nag-abot sa akin at kay Bernabe ng kanilang kanang kamay ng pakikipagkaisa upang kami ay magtungo sa mga Hentil at sila naman sa mga tuli. Ang kanilang bilin lamang ay huwag naming kalilimutan ang mga dukha" (2: 9-10).

 

OBISPO NG ROMA

Hindi natin alam kung kailan at paano nakarating sa Roma si San Pedro. Ang nalalaman lamang natin ay ang mismong pagpunta niya sa Roma, na siya ang nagtatag ng pamunuan ng Simbahan doon (tinulungan siya ni Apostol San Pablo sa gawaing ito), na siya ay ipinapatay ni Emperador Nero (ipinako sa krus nang patiwarik, dahil inari niyang di karapat-dapat ang sarili na matulad sa pagkakapako sa Panginoong Jesus), at ang kanyang mga labi ay inilibing sa isang sementeryo sa burol ng Vatican. Ang lahat ng ito ay wala sa Biblia,2 kundi batay sa patotoo ng mga sinaunang Cristiano: Clement I (98 A.D.), Ignatius (107 A.D.), Papias (110 A.D.), Dionysius (170 A.D.), Irenaeus (180 A.D.), Caius (198 A.D.), Clement ng Alexandria (200 A.D.), at Tertullian (200 A.D.).

Ayon sa sulat ni St. Ignatius sa mga Taga-Roma, ang kanilang Simbahan ang "gumaganap ng pangangasiwa," "mapagmahal na nangangasiwa," at "nagtuturo sa iba." Ayon kay St. Irenaeus, ang Simbahan sa Roma ang "pinaka-dakila at pinaka-matandang simbahang nakikilala ng lahat," at "dahil sa nakatataas na pinagmulan nito, ang lahat ng mga simbahan ay dapat tumalima, alalaong-baga'y ang lahat ng mga mananampalataya sa buong mundo." Natatala rin sa kasaysayan na talagang may mga Papa buhat noong una at ikalawang siglo — gaya nina Clement I (91-100 A.D.) at Victor I (189-199 A.D.) — na nakikialam at nagpapatupad ng mga patakaran sa mga Simbahang malayo sa Roma. Pinatutunayan nito ang kamalayan ng mga Papa na sila'y may pananagutan sa buong Simbahan, hindi lamang sa kanilang nasasakupan — na sila ay humahalili sa pinakamataas na katungkulang umiiral sa Simbahan, na walang iba kundi ang katungkulan ni San Pedro.

 

KAWALANG-PAGKAKAMALI NG PAPA

Nang tinanong ng Panginoong Jesu-Cristo ang kanyang mga alagad kung sino ba siya ayon sa mga tao, nagkaroon ng iba't ibang sagot: siya daw si Juan Bautista, si Elias, si Jeremias, o isa sa mga propeta (Mateo 16: 13-14). Ipinakikita nito na ang pakikinig sa mga tao hinggil sa pananampalataya at moral ay nagdudulot ng pagkakawatak-watak at pagkakamali. Subalit nang tinanong ng Panginoong Jesu-Cristo ang kanyang mga alagad kung sino ba siya ayon sa kanila, si Apostol Simon ang sumagot para sa lahat: "Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buha'y" (t. 15-16). Dahil dito'y pinuri siya ng Panginoon: "Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas, sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa langit. Ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw ay Pedro . . ." (t. 17-18) Ipinakikita nito na ang mga Apostol ay nagkakaisa sa pananampalatayang ipinahahayag ni Apostol San Pedro, at ang pananampalatayang yaon ay hindi mula sa tao kundi sa Diyos, kaya't ang Simbahang nakatayo sa ibabaw ng Bato — alalaong-baga'y ang Simbahang nananatili sa mga katuruan ni San Pedro — ay nagkakaisa at hindi nagkakamali. Ito ang biyaya ng kawalang-pagkakamali na ipinagkaloob sa katungkulan ni San Pedro, na ipinagpapatuloy naman ng Santo Papa.3

"We believe in the infallibility enjoyed by the successor of Peter when he teaches ex cathedra as pastor and teacher of all the faithful, and which is assured also to the episcopal body when it exercises with him the supreme magisterium."

POPE PAUL VI
Solemni Hac Liturgia, 20
June 30, 1968

Kung si San Pedro ay talagang pinagkakalooban ng biyaya ng kawalang-pagkakamali sa tuwing ipinahahayag niya ang pananampalataya at moral ng Simbahan, bakit minsan na siyang tinuligsa at pinagsabihan ni Apostol San Pablo? Sa katunayan, kung titingnan ang konteksto ng ginawa ni San Pablo na binabanggit sa Galacia 2: 11-14, ang ginawa niya'y batay sa mga katuruang si San Pedro din naman mismo — kasama ang iba pang mga Apostol — ang naunang nagturo at nagpatupad (Galacia 1: 18, 2: 1-10; Gawa 11: 1-18, 15: 1-29). Samakatuwid, hindi nito pinabubulaanan ang kawalang-pagkakamali ni San Pedro, bagkus ipinakikita nito ang katapatan at lubos na pagtalima ni San Pablo sa mga alituntuning itinakda ni San Pedro at ng iba pang mga Apostol sa konseho ng Jerusalem (Gawa 15: 22-29, 16: 4).


 
 

 
  1. Sa listahan ng Labindalawang Apostol na naitala sa Ebanghelyo ni San Mateo, binigyang-diin na si San Pedro ang "una" (Mateo 10: 2). Pansinin na hindi na tinukoy pa ang "pangalawa" hanggang "ika-labindalawa": ito'y dahil hindi naman layon ng Ebanghelyo na tukuyin ang pagkakasunud-sunod ng mga Apostol sa kanilang hanay. Bagkus, tinutukoy lamang nito na si San Pedro ang pangunahin — ang namumuno — sa Labindalawa. Ang pagiging pangunahin ni San Pedro ay makikita rin sa: Marcos 16: 7; Gawa 2: 14, 37, 5: 29; 1 Corinto 9: 5, 15: 5; Galacia 1: 18-19. [BUMALIK]
  2. Hindi napasulat sa Biblia kung si San Pedro ba ang naging unang Obispo ng Simbahan sa Roma. Wala ring tahasang nasusulat kung siya ba'y nagpunta nga sa Roma. Gayon man, makatuwirang ituring na katibayan ng kanyang pagpunta sa Roma ang nasasaad sa 1 Pedro 5: 13: "Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga hirang na paris ninyo". Ayon sa ilang mga dalubhasa sa Biblia, hindi maaaring ang sinaunang bayan ng Babilonia ang tinutukoy dito, sapagkat wala namang naitatag na Simbahan sa naturang bayan noong unang siglo. Sa Aklat ng Pahayag, ginamit ang pangalang Babilonia bilang patalinghagang tawag sa Roma (14: 8, 17: 5, 18: 2), kaya't maaari nating ipagpalagay na ang bayan ng Roma ang talagang tinutukoy ni San Pedro sa kanyang sulat.

    Hindi mahalaga kung nasa Biblia ba ito o wala, una, sapagkat hindi naman itinakda ng Diyos ang mga Banal na Kasulatan bilang tanging batayan ng lahat ng may kinalaman sa Pananampalataya, at pangalawa, mga pangyayari naman sa kasaysayan ang pinag-uusapan dito, at ito'y maaaring matukoy sa pamamagitan ng mga tradisyon, ng mga mananalaysay, at ng mga siyentipikong pagsasaliksik. [1-BUMALIK] [2-BUMALIK]
  3. Ang pinakamahalagang tungkulin ng Obispo ay ang "pagpapahayag ng Ebanghelyo". Ang mga Obispo ay "tunay na guro", na pinagkalooban ng kapangyarihan ni Kristo, na nangangaral sa pakikipag-isa sa Papa sa Roma. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, iginawad ni Kristo sa kanyang Simbahan, lalung-lalo na sa Kolehiyo ng mga Obispong nagtuturong kaisa ng Kahalili ni Pedro, ang Santo Papa, ang biyaya ng kawalang pagkakamali. Ang biyayang ito ay nagpapanatili sa Simbahan na malayo sa pagkakamali sa pagtuturo ng anumang ipinahayag ng Diyos tungkol sa pananampalataya at moral na pamumuhay. (KPK 1423)

    . . . Ang natatanging kaloob na ito ay tinatamasa ng Santo Papa sa Roma, dahil sa kanyang katungkulan bilang Punong Pastol at guro ng lahat ng mananampalataya, kapag ipinahahayag niya sa isang tiyak na pagkilos, ang isang doktrina tungkol sa pananampalataya at moral na pamumuhay. Ang kawalang pagkakamaling ito na ipinangako sa Simbahan ay nasa mga Obispo rin kapag, bilang isang kapulungan kaisa ng Kahalili ni Pedro, ay ginaganap nila ang kanilang pangunahing tungkuling magturo . . . (KPK 1424) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF