"As Catholics, we believe that God uses material instruments to bring to us His blessings and presence. This is the reason why we use material elements in our sacraments and sacramentals.
"The same material elements that bring us God's blessings are also subject to the broken nature of our fallen world. Science and our God-given reason demand that we use every means available to protect ourselves and our families against the spread of COVID-19 and any other disease. In the face of this world wide pandemic we are demanded to exercise vigilance as a Church, lest our churches become venues of transmission of the disease."Archbishop ROMULO G. VALLES, D.D.
CBCP circular on public health emergency due to COVID-19
Nitong mga nakaraang araw, naging laman ng mga balita ang homiliya ng dating Arsobispo ng Lipa na si Ramon Arguelles. Itinuro daw niya na hindi na kailangan ang pagsusuot ng face mask at face shield, at ang pagsasagawa ng social distancing upang tayo ay makaiwas sa panganib na dulot ng COVID-19 pandemic. Sapat na daw ang pananampalataya natin sa Diyos at ang pagmamahal niya sa atin. Hindi na daw kailangan ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan.
Tulad ng inaasahan naging tudlaan nanaman ang Simbahan ng mga pambabatikos, at muli nanamang lumutang ang di-umano'y "pagsasalungatan" ng agham at relihiyon, ang usapin hinggil sa "paghihiwalay" ng Simbahan at Estado, ang "kawalang-pakinabang" ng relihiyon sa mga malalaking problema ng lipunan, atbp. Buhat sa iilang siniping mga pahayag ng isang Obispo, muli nanamang kumatha ang mga anti-Katoliko ng isang di-makatotohanang imahen ng Katolisismoisang imahen ng katangahan, kawalang-katuwiran, pagkasarado ng isip, panatikong pagkarelihiyoso, pangingialam at pagdudunung-dunungan sa mga usaping di saklaw ng relihiyonlahat ng mga katangiang kasumpa-sumpa sa pananaw ng mga taong nag-aakalang mas mataas pa ang naabot nila kaysa sa Simbahang Katolika.
Kaya naman, kaysa umasa sa mga pahapyaw at pinagtagpi-tagping mga pahayag na mababasa o maririnig mo sa mga balita, minabuti kong panoorin sa Facebook page ng Archdiocese ng Lipa ang kabuuan ng naturang homiliya. At para matiyak sa aking sarili na talagang nakinig ako at naunawaan ko ang mga pinakinggan ko, pinagtiyagaan kong gumawa ng sarili kong transcript.
Matapos ang taimtim na pakikinig, at matapos kong maingat na i-type ang lahat, agad kong napagtanto ang tunay na sinasabi ng Obispo. Nang sinabi niyang "hindi na kailangan" ang face mask, face shield, at social distancing, ang tinutukoy niya ay ang batayan ng ating positibong pananaw sa buhay bilang mga Cristiano. Bakit nga ba ang isang Cristiano ay hindi dapat matakot sa mga pagtitiis, paghihirap, pagkakasakit, at kamatayan? Anong batayan ng pag-asa mo? Bakit ka hindi nababalisa sa buhay? Bakit hindi ka natatakot sa pandemyadahil ba sa face mask mo? Ang ating batayan ay wala sa sanlibutang ito. Hindi natin kailangan ang anumang maiaalok ng sanlibutan sa atin. Ang tanging kailangan natin ay ang pagmamahal ng Diyos! Iyon ang punto ni Obispo Arguelles. Hindi siya nananawagan sa tao na suwayin ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan. Hindi niya sinasabing magpakamatay na tayo. Hindi niya sinasabing ang relihiyon ay parang madyik na nagkakaloob ng proteksyon sa mga sakit. Bagkus, ipinaaala-ala niya sa atin ang napakahalagang diwa ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, na tila ba nakakalimutan na natin nang dahil sa nangyayaring pandemya.
Hindi naman kasi maikakaila na pinagharian na tayong lahat ng takot: takot na mamatay o mamatayan, takot na maghirap dahil sa kawalan ng hanapbuhay... At saan tayo dinala ng ating pagkatakot? Nabalewala na ang pagmamahal sa kapwa. Nabalewala na ang relihiyon. Nakuntento na tayo na maglayu-layo sa isa't isa. Nakuntento na tayo na huwag munang magsimba. Kung naglaan ng panahon ang lipunan para makagawa ng paraan na makapasok pa rin tayo sa trabaho, magkaroon pa rin ng mga pampublikong sasakyan para sa mga bumibiyahe, na makapagbukas pa rin ang ilang mga negosyo, na maipagpatuloy pa rin ang edukasyon ng mga kabataan, BAKIT WALANG NILALAANG PANAHON PARA GUMAWA NANG PARAAN NA MAKABALIK NA ANG LAHAT SA PAGSISIMBA? Bakit nakuntento na lang tayo sa gayong sistema, na 10% lang o 50% lang ang pwedeng sumimba, na hindi pa rin pwedeng magsimba ang mga matatanda, na bawal muna ang paghipo at paghalik sa mga relikya at banal na imahen, atbp.? Bakit hindi tayo gumawa ng paraan para maging ligtas ang pagsisimba para sa lahat? Bakit hindi gumawa ng paraan na maging ligtas ang pamimintuho sa mga relikya at banal na imahen? Bakit nakuntento na lang tayo na ipagsaisantabi ang ating mga katungkulan sa Simbahan? At kung sakali man na wala nga talagang paraan pa, bakit hindi man lang tayo nababagabag sa kalunus-lunos na kalalagayan ng ating mga kaluluwa? Bakit isang araw lang ang inilaan ng gobyerno sa pambansang pananalangin, gayong ang dapat nga'y araw-araw tayong magsumamo sa Panginoon, hanggang sa matapos ang krisis na ito?
Oo, may mga sinabi si Obispo Arguelles na mahirap paniwalaan at tila kalabisan na, gaya ng ang COVID-19 virus ay gawa daw ng tao, na ang ginagawang mga bakuna ay magiging pansamantala lang ang bisa, na imposible ka daw magkasakit sa loob ng Simbahan, na hindi ka mahahawaan ng sakit kahit iba't ibang tao ang humihipo sa isang banal na imahen o relikya... Batid naman nating mga Katoliko na ang karisma ng kawalang-pagkakamali ay tinatamasa lamang ng Simbahan sa iilang piling pagkakataon, gaya ng pormal na pagpapahayag ng dogma ng Santo Papa o ng isang Konsilyo Ekumeniko. Ang homiliya ng isang retiradong Arsobispo ay hindi nagtatamasa ng karisma ng kawalang-pagkakamali, kaya't kahit obligasyon nating respetuhin at pagnilayan ang kanyang mga sinasabi, dapat din tayong makinig at tumalima nang may pag-iingat. Pagdating sa mga katotohanan ng pananampalataya at moral ang MAHISTERYO ang may huling salita, hindi ang homiliya ng isang pari o obispo. Pagdating sa mga katotohanan ng agham, ang PAMAMARAANG SIYENTIPIKO (scientific method) ang tunay at tanging mapagkakatiwalaang batayan, hindi ang mga sabi-sabi at haka-haka ng kung sino pa man.
Taliwas sa pantasya ng mga anti-Katoliko, matapos ang homiliya, hindi naman parang mga baliw na panatikong nagsihubaran ng face mask at face shield ang mga maninimba. Hindi naman nila dinumog ang mga imahen at relikya sa Simbahan. Hindi naman sila nagyakapan. Nananatili silang nasa katinuan, taglay ang sentido komon at katuwirang kaloob ng Panginoon. Batid nila kung paano dapat tanggapin ang isang madamdamin at matalinghagang homiliya ng isang matandang obispo. Agad ding nilinaw ng Archdiocese na patuloy nilang pinaiiral ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng pamahalaan. Sa bandang huli, tanging sa bangungot ng mga anti-Katoliko nagdulot ng malaking kapahamakan sa bansa ang mga pananalita ni Obispo Arguelles.
Wika ng Panginoonat ito'y naririnig din natin dun sa mga nakikiisa, yung pinapagbago, pinabanal ng Panginoon na nagsasalita sa ngalan niya"Lumapit kayo sa akin. Lumapit kayo sa akin". Sa panahong ito, sabi sa atin "Lumayo kayo kay San Padre Pio". "Lumayo kayo kay Jesus sa Eukaristiya." Kasi sinasara ang Simbahan. Kaunti lang ang papasok ng Simbahan.
Mabuti rin at... mabuti na lang at meron tayong social media. Pero hindi sapat yun eh. Hindi pwedeng magkomunyon. Hindi matatanggap ang Katawan at Dugo ni Cristo sa Sakramento ng Eukaristiya. Maraming mga namamatay hindi man lang napahiran ng Santo Olyo o sana'y hindi dapat namatay, nagpapagaling ang Santo Olyo, ang Sakramento ng Maysakit. Marami ang gustong magsisi hindi makapagkumpisal dahil "Huwag kayong pupunta ng Simbahan", "Social distancing". Masaklap, ano ho?
Ang sabi pa nga ng Panginoonat sa pamamagitan ng mga banal kagaya ni San Padre Pio"Kayong lahat, lumapit nagpapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, kayo'y pagpapahingahin ko". Ang Diyos ang nagbibigay talaga ng kapahingahan. Ang Diyos ang nagbibigay ng lunas. Ang Diyos ang sumasaklolo sa atin.
Pag tayo'y naparito, mahalaga tayong nagpupugay sa Banal na Santisimo. Nagpupugay tayo kay San Padre Pio na patron natin. At nandyan ang mga bahagi ng kanyang labi, mga relikya. Pero sana'y hindi rin nakakalimutan yung nakasulat dun. Nakalimutan na natin lahat ang mga ating natututunan pati kay San Padre Pio.
Sabihin lang natin: PRAY, HOPE, AND DON'T WORRY. Pakisabi nga? Pakisabi nyo nga ule? Isapuso natin yan. PRAY. HOPE. DON'T WORRY.
Umpisahan natin sa huli. Don't worry. Sabi ng Panginoon "Papapagpahingahin ko kayo, Sapagkat... ah... Matuto kayo sa akin". Hindi mag-aral, ang matuto. Ang mag-aral, sa kuwan lang yan sa kaisipan. Eh yung matuto, tularan natin siya. Saan? "Ako'y maamo, mababa ang loob." Bakit sabi matutunan natin ang kanyang kaamuan, kababaang-loob? Alam nyo, ang daming mayayabang ngayon. Madami ang mga palalo. Hindi yan ang Diyos. Yan ang nag-uutos sa atin "Huwag kayong sisimba". Sasabihin ba ay "Dahil may sakit eh". Ay di ba kaya napunta tayo sa simbahan ay para gumaling? Sabi nga ng doktor kapag wala na silang magawa dahil hanggang dun lang ang kaalaman ng...pah... ng ah... agham sabi "Father, take over. Ang Diyos na lang makatutulong".
Kaya tayo lahat naparito ay dahil sa Diyos, dahil sa mga malapit sa Diyos katulad San Padre Pio. Silang makatutulong. Hindi natin sinasabing walang kabuluhan yong tulong ng tao. Binigyan nga ng Diyos ang tao ng kakayahan eh na gumawa ng mga hakbang para supilin ang mga hindi tama. Kaya nga lamang maraming mga tao gumagawa ng hakbang para gawin yung mali. Diba ang tao ngayon may kakayahan na... yan "To improve our world", mas maganda dapat ang buhay, mas komportable? Pero gumawa din sila ng atomic bomb na daan-daang libo ang pinapatay. Gumawa din sila ng mga gamot para patayin pati mga batang nasa sinapupunan ng mga ina. Gumawa din sila ng mga bagay na nakasisira sa atin. Bakit? Ay sila yung palalo.
Maski yung gumawa ng virus tao yan hindi Diyos yan. Yan ay mga kalaban ng Diyos. Ang nagudyok sa kanila ay yung kaaway ng Diyos, ang pangala'y Satanas. Ang ibig sabihin lang naman ng "Satanas" ay "kaaway ng Diyos", "enemy of God". Ang sabi sa atin hindi natin alam kung tayo'y nagiging kasangkapan sa... "Sige sarhan mo na ang Simbahan. Huwag kayong pupunta ng Simbahan, kasi kailangan social distancing." Alam ninyo, kaya tayo napunta ng Simbahan ay para tayo magakapan, magkakapatid tayo, at ang una nating inaakap ay ang Diyos.
Hindi na kayo makahipo kay San Padre Pio. Pinagbabawal pati yan ng ibang pari. "Huwag kayong hihipo sapagkat baka may virus." Yon ay sapagkat hindi tayo nagtitiwala sa Diyos. Bakit sinabi diyan ni Padre Pio, pangatlo, "Don't worry"? Kayo ba'y nababahala na kapag humipo kayo dun sa paa ng banal eh ang naunang humipo diyan ay may ketong pati kayo ay keketongin? Walang nagkakasakit sa Simbahan. Hinahanap nati'y kagalingan.
Pati ngayon sabi "Huwag kayong magkokomunyon sa bibig, sa kamay lang, at kailangan ganyan-ganyan." Ang mahalaga ang puso mo ay naghihintay makaisa ang Diyos. Nakakalimutan natin yan... Ang daming instruction. Hindi tinapay yan, yan ay Katawan ni Cristo. Dapat yon ang sabihin lagi, idikdik lagi, "Ito'y Katawan ni Cristo! Sambahin natin yan." At ang kagandahan, ang Diyos mismo ang gustong manahan sa ating puso.
Kapag ang Diyos nasa atin, what have you to worry? Ano alalahanin natin? Kapag din tayo'y ang Diyos ay sasaatin tayo'y nagmamalasakit sa kapwa. Hindi na tayo makahipo. Magbebendisyon ang pari long distance. Bakit eh... Ya'y laying of hands. Nagpapagaling. Binibigay ang Espiritu Santo. Hindi masamang hipuin. Basta may... ang pananampalataya mo at ang pananampalataya ng pari ang kapangyarihan ng Diyos ang pumupunta sa tao.
Kaya nga ang Diyos eh nagkatawang-tao para tayo'y... ang katawan natin di gamitin sa masama kundi sa mabuti. Kaya tayo nagkakamay[an]... Bawal nga ngayon ang magkamay[an] ano? Ganon na, siko na? Tingnan mo... Kung minsan, hindi na... Wala nang contact. Alam nyo ang Diyos mismo nakipag-contact sa atin. Naging laman, para tayo'y makaisa. Ay kinatatakutan natin, "Don't Worry" sabi ni San Padre Pio. Si San Padre Pio nakaupo sa kompesyonaryo, iba't ibang tao ang nagkukumpisal sa kanya, hindi siya man lang natakot na magkasakit siya. Bakit? Alam niya, kapag nasa kompesyonaryo siya, hindi siya yon. Ang Diyos, si Jesus, ang nandodon. Hesus nagpapagaling, hindi lamang bagay... hindi lang katawan kundi ang kaluluwa.
Sabi ng Panginoon "Makasusumpong kayo ng kapahingahan sa inyong kaluluwa." Alam nyo ang unang paggaling, healing, ay sa kaluluwa. Kaya tayo maraming sakit eh. Sapagkat ang unang maysakit ang kaluluwa. Nandyan yung pagkamuhi, ang hatred. Katulad ng love, espirituwal yan. Pag wala kang love, wala kang... eh... wal... meron kang pagkamuhi, galit ka sa kapwa, pati sa Diyos galit ka.
Ay ang sabi natin dun sa Salmo Responsoryo "Ikaw lamang o Yahweh ang lahat sa aking buhay." Sabi natin "Diyos, ikaw ang aking kasiyahan." Sabihin nga natin yon, "Diyos, ikaw ang aking kasiyahan." Pakiulit nga. Bakit ko pinapaulit? Sapagkat sasabihin natin "Ah ang kasiyahan ko eh ang kuwan ang ah... gin. Ang kasiyahan ko ay San Miguel Beer. Ang kasiyahan ko ay yoong masasamang panoorin. Ang kasiyahan ko ay yoong ah mangapi ng kapwa. Ang kasiyahan ko ay magnakaw. Ang kasiyahan ko ay me... ay... yong aking kaluguran ng katawan." Ibig sabihin niyan, yan ang dahilan kung bakit parang meron tayong pandemic. Unang nagkakasakit ang kaluluwa.
Anong sabi ni Yahweh? "Huwag ipaghambog ng pantas ang kanyang kanurung... karunungan. Unang malakas ang lakas na taglay niya, niyang mariwasa ang kanyang kayamanan." Anong ipaghahambog natin? Si Yahweh. Si Yahweh ang gumagawa ng kabutihan, katarungan, katuwiran sa sanlibutan. Kung lahat tayo yan ang ating aasikasuhin, una, kikilalanin natin ang "Ito ang gusto ng Diyos eh". Yun lang naman ang kailangan eh"Matuto kayo sa akin, tularan ninyo ako." Si Jesus na naging tao, tularan natin sapagkat siya lang ang magdadala satin sa Diyos. Ay ang Diyos ay kung nasa sa atin, ang Diyos ang pinanggagalingan ng lahat ng kabutihan, mabuti rin tayo. Ang lahat ng gawaing katuwiran, katarungan, lahat ay galing sa Diyos yan eh. Hindi yan galing sa tao. Yan ang dapat matutunan ng tao. Sa Diyos, Anak ng Diyos na naging tao. Yan ang nakakalimutan natin.
Ngayon kung halimbawa ang lahat ay tutulad kay Jesus, magmamahal kay Jesus, makikiisa kay Jesus, makakaisa din natin ang ating kapwa. Mamahalin natin. Pati yung nakasamaan ng loob sa atin... Si Padre Pio malaki ang paghihirap niyan eh. Ultimo sa kanyang kapwa pari, kapwa kapatid, pinahirapan siya eh. Ultimo ng Simbahan, matataas, mga kardenal, hindi siya pinaniwalaan. Malaki ang paghihirap niya. Pero, tiniis niya. At wala siyang masamang kaisipan sa kanila. Nagpatawad siya, ipinagdasal siya; ganun din dapat tayo eh. Kung ganyan tayo, nasa atin ang Diyos, ang lahat ng tao ay hindi natin kaaway, kahit may mga sumisira sa atin, ipinagdadasal natin sila. Sapagkat nagtiis din ang Panginoong Jesus sa kanila eh. Nagdanak din ng dugo para sa kaligtasan nila kaya't sila'y hinayaan. Dapat ang ating damdamin ay kapatawaran, kaayusan. Ay edi hindi tayo maguguluhan. We will be... We don't worry. Bakit we don't worry? Because we love. Una, nandyan ang Diyos na God is love, kapiling natin. At dahil ang Diyos ay nasa atin, ang kabutihan, bunga ng love yan. Kahit yung mga gumawa satin ng masama, mamahalin natin yan. Don't worry.
Ngayon kapag ganyan tayo, nasa atin ang Diyos, puros kabutihan ang lumalabas sa atin, kahit gumagawa rin tayo ng mabuti, dun sa gumagawa sa atin ng masama, we have hope. Ang mundo ay may kap... may... may... pag-asa. Alam nyo kapag merong mga tao na nababasa natin yan sa social media, noh, kasaysayan ng mga tao na gumawa ng mabuti, yung mga taong yan, nagbibigay ng pag-asa sa mundo. Pag may isang tao na nagbigay ng limos sa isang nagugutom, nagbigay ng pagkain, nagbigay ng tulong sa maysakit, dumalaw sa maysakit... Ngayon, di pwedeng dumalaw eh. Mga namatayan hindi nga pwedeng samahan man lang sa huling sandali ang kanilang mga minamahal eh. Ay tungkulin yan eh. Pagmamahal yan eh. Hindi tayo natatakot na "Baka ako ay mahawa". Hinde. "Ang mahalaga mahal ko yan", sabi. "Bakit nyo ako mahahawa nyan, kapatid ko yan, mahal ko yan?" Kung may ganyang mga tao, gumagawa ng mabuti, may pag-asa ang mundo.
Alam nyo, pag nakikita nyo ay puro masamanagdedenggoyan, nagsasamantala sa isa't isa, nagpapatayan, kung minsan nga hindi nagpapatayan nagpapakamataywalang pag-asa yon; they don't have hope. Bakit walang hope? Ay kasi wala yung pagkilala na mayroon palang nagmamahal sa atin. Meron palang gusto ay mabuti tayo, mapabuti tayong lahat. Meron palang Diyos. At alam nyo yung mga banal, yan ay mga larawan ng Diyos sa atin, nagpapaalala sa atin. Yang banal hindi lang yung mga banal na pumanaw na. Ngayo'y ikalab... limampu't dalawang taon nang paglisan sa mundong ito ni San Padre Pio... Hindi namatay; nasa buhay na walang hanggan. Nagmamalasakit parin para sa atin kaya sila'y banal eh. Pero may mga banal na kapiling pa natin. Sila ang nagpapakita sa atin na ang Diyos ay buhay. Sapagkat ang Diyos ay nananatili sa kanilang puso, at ang buong buhay nila ay paggawa ng mabuti. Sapagkat ang Diyos ang gumagalaw sa kanila. May pag-asa pag may taong mga gay-an. At dayet... tayo'y dapat ay mga taong ganyan.
Hindi lamang tayo dapat ay may pag-asa, kundi dapat tayo ang panggalingan ng pag-asa. We should be witnesses to hope. Dapat ipakita natin na may pag-asa ang mundo. Hindi kawawa ang mundo. Hindi gugunawin ang mundo. Walang sinira ang Diyos na kanyang ginawa. Ang sumisira ay demonyo, ang sumisira ay tayong mga kalaban ng Diyos. Nilalabanan natin ang Diyos, pero para sa kabutihan lagi ang gawain ng Diyos. Dapat tayo yan... Ngayon, paano tayo magiging ganyan? Pray. Pray. Magdasal tayo.
Anobang pagdadasal? Ay e di naniwala kang ang Diyos ay nandyan, kapiling mo. Narito siya sa sambanalang... Santisimo. Pag-uwi mo, dala mo siya. At dapat ay ibigay mo sa iyong mga kasama sa bahay. Pagpunta mo sa opisina dapat dala mo yanang Diyos na nagmamahal. Dapat dala mo ang pagmamahal ng Diyos sa kanila. Hindi tayo nagmamahal; tayo'y kasangkapan lang ng pagmamahal sapagkat ang Diyos lang ang pag-ibig. Kung tayo'y nasa Diyos, tayo'y magiging kasangkapan ng pag-ibig, kasangkapan ng Diyos.
Ngayon, kung hindi ka nagdadasal, hindi ka naniniwalang may Diyos... Alam nyo, maraming mga tao para makagawa ng masama, o sapagkat sila ay may masamang ginagawa, sabi nila "Walang Diyos". Kapag nga walang Diyos ay walang kabutihan, walang kap... walang pagmamalasakit sa isa't isa. Pero kung nariyan ang Diyos, nagbibigay tayo ng pag-asa, nagbibigay tayo ng ligaya, nagbibigay tayo ng aliw sa kapwa, sapagkat nakabubuti sa kanila ang lahat ng ginagawa natin. Iniisip natin, ginagawa natin, damdamin natin, salita natin, ay maka-Diyos. Natuto tayo kay Cristo. Tinuruan tayo ng kanyang pagiging tao. At yang pagtuturong iyan, kaisa tayo ng kanyang pagiging Diyos... patungo yan sa kaganapan ng pakikiisa sa Diyos.
Kaya pray. Ang pray ay tanda na tayo ay may pananampalataya. Faith yan eh, sinasabi lang naman ni San Padre Pio, "Faith, Hope, and love". Sabi ng... ni San Pablo eh pinakalaking... pinakadakila sa lahat eh, faith. Kung di ka nagdadasal, o kulang ang iyong pagdarasal, kulang ang pagkilala mo sa Diyos, wala kang faith. Mababaw ang iyong pananampalataya. Mahina.
Kung may faith tayo kapiling natin ang Diyos. Matulog man tayo o gising, ano man ang gagawin nating kabutihan, ang Diyos ay lagi nating kapiling, maligaya tayo. And we hope, may pag-asa, at may pag-asa ang tao. Maraming tao ang nagsabi niyan eh. Pag nakatagpo sila ng taong mabuti, naghahasik ng kabutihan, sabi, "Ay, may pag-asa ang mundo." Hindi talaga totally evil, hindi magugunaw ang mundo, sapagkat mabuti ang ginagawamay mga tao na mabuti ang ginagawa. At kung may pag-asa... may pananampalataya may pag-asa, may pag-ibig. Pinaka... lahat... sa lahat ng ito pinakamahalaga ay pag-ibig, sabi ni San Pablo. At alam yon ni San Padre Pio.
At tayo'y nagmamahal kung alam nating mahal tayo ng Diyos, at tayo'y nagmamahal sa Diyos, nagmamahal sa nilikha ng Diyos pati ang kalikasan mahal natin, ang kapwa natin mahal natin, pati ang ating sarili mahal natin, ayon sa hindi makasariling pagmamahalkung nasa atin ang pagmamahal na yan, you don't have to worry. Wala tayong alalahanin. Kahit wala kayong mask, hindi tayo takot. Tayo din nama'y mamamatay. Pero hindi kamatayan yan; pupunta tayo sa buhay na walang hanggan. Pero kung nagtutulungan tayo, nagmamahalan tayo, gumagawa ng mabuti, hindi na kailangan yang mask. Hindi na kailangan yang face shield. Hindi na kailangan ang distancing. Baket? Mahal tayo ng Diyos. At mahal natin siya, at mahal natin ang isa't isa. We will only do good.
Alam nyo yung mga gumaw... lumikha ng virus, sila rin lumilikha nuong... nuong... ah... bakuna. Vaccine. Pera yan eh. Pera. Pero marami diyang gamot na ordinaryo, sabi, binababa nila, sabi, "Oy, walang kwenta yan, may side-effect yan." Lahat naman ng gamot may side-effect. Ang isang say... ang side-effect eh maaaring good maaaring bad. Pero, gawa ng tao yan. At kung sila ay gumawa ng vacci... ng virus para patayin ang maraming tao, yang vaccine, na iiimpose sa atin, obligatory, yan ay... yan ay gag... siguro sasabihin, "Ah, magaling kayo for three years, for five years, pero after five years, manghihina din kayo. Patay din kayo." Baket? Ang purpose ng taong walang Diyos, at marami sa mga... sa ating... sinasabi ng Unang Pagbasa, Mula sa Propeta Jeremias, "Mga hambog, mga... mga naniniwala sa sariling karunungan, malakas ang taglay sa... sa sarili..." yung mga walang Diyos, ang hangad niyan ay masama sa kapwa tao. At anuman ang manggaling diyan ay masama.
Kaya lalong kailangan natin ang nasa panig tayo ng Diyos. At iyan ang kailangang ipanalangin, kailangan tayo ay may pag-asa, siya lang ang pag-asa natin at nagbibigay ng pag-asa di ba, at kailangan nariyan, nariyan ang tunay na pagmamahal. Yan ang turo ni San Padre Pio at ng lahat ng mga banal. Sapagkat ang turo ni Jesus, sabi niya, "Sumunod kayo sa akin. Sundin nyo ang aking ginagawa." Kung ganyan ang ginagawa natin, no fear. Sabi yan ni Cristo eh nung siya'y muling nabuhay. Bagama't tayo magsa... magtiis ng kataku-takot na tiisin, kung tayo'y nasa Diyos, "Do not be afraid", sabi niya. "Have no fear." Anong sabi niya? "I am. Nandyan ako sa inyo. Wala kayong sukat ikatakot."
Ang si... Ang Panginoon nating Tagapagligtas na nag-alay ng kanyang buhay para sa atin ay muling nabuhay, para tayong lahat umasa, tayo ay dadalhin niya sa kalagayang walang hanggang walang kamatayan... Kaayusan. He is the great healer. Kaya tayo tinawag ni San Padre Pio dito, kaya nagkaroon ng shrine dito, ito'y milagro din eh. Itong shrine na to, milagro din eh. Akalain mong magaling... yan, merong tayong tagpuan sa Diyos at kay San Padre Pio. Anong layunin niya? Halikayo, lumapit kayo. Huwag nyo harangan. Yan, buti may mga batang nakarini, bawal daw ang 21 years old and below. Atsaka yung matatandang katulad ko, ano, 60 years old and above, bawal daw. Bakit? Yung mga bata ang malapit sa Diyos. Yung mga matatanda malapit na sa Diyos. Ay bakit natin ilalayo? Sinong may kagagawan niyan? Eh di ang demonyo. At sa pagitan, hindi na kailangang lumapit, oh bakit maraming nasa pagitan ang between 21 and 60, ay abala sa mga pekeng diyos: trabaho natin, ambisyon natin, kaligayahan natin... Yan ang bihirang nagsisimba. Pero yung mga bata, gustung-gustong magpunta sa Diyos. Nakikita nila siya. Ang mga matatanda, dapat makita ang Diyos sapagkat malapit na rin silang bigyan ng buhay na walang hanggan katulad ng mga banal. Hindi dapat ilayo sila. Sila yung pag-asa ng in-between na nagtitiwala pa sa sarili at wala pang panahon para sa Diyos. Pero sana lahat ay sa... pumunta sa Diyos.
Yan. Ulitin natin. Ang sabi ni San Padre Pio, pagnilay-nilayan natin, ito'y galing sa Diyos. Anong sabi niya? PRAY, HOPE, DON'T WORRY.
MOST REV. RAMON ARGUELLES
homily, 23 September 2020
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF