Sinong Gusto Mong Maging Santo Papa?


AI-generated image


Sa pagpanaw ni Pope Francis, nagsimula na naman ang mga post sa social media na tila ba nagkakampanya na ng kani-kanilang mga kursunadang kardenal sa pagka-papa. Sana daw mapili si Kardenal XYZ, dahil siya'y mabait, matalino, konserbatibo, atbp. Sana daw manalo si Kardenal ABC, dahil kasing-ugali niya si Pope Francis, at mapagkakatiwalaang magpapatuloy sa kasalukuyang takbuhin ng Simbahan. Sana daw si Kardenal 123 na lang, para magkaroon na ng Pilipinong Santo Papa at nang siya'y lalong makapagbigay-karangalan sa bansa. Subalit ang mga pamantayang ito'y pawang makamundo at walang katiyakan. Yung mabait ngayon, maaari pa rin namang maging masama sa hinaharap, o baka nga may itinatagong sama ng ugali o maitim na balak na hindi pa lamang nabibisto (Eclesiastes 7:20; Roma 16:17-18). Yung akala mong matalino, maaari pa rin namang madulas ang dila at magturo ng mga kung anu-anong nakalilito at nakapanliligaw na aral (Santiago 3:1-2). At yung pagdadala ng karangalan sa bansa, ano namang kinalaman niyan sa pagsasakatuparan ng misyon ng Simbahan (Galacia 1:10)?

Hindi malinaw kung ano bang tunay na layunin sa likod ng mga naturang pangangampanya. Umaasa ba silang makararating sa mga kardenal ang kanilang mga pinagsasasabi, at sa gayo'y makaimpluwensya sa magiging resulta ng nalalapit na conclave? Hinihikayat ba nila ang mga layko na magsama-samang magingay at magpapansin hanggang sa ang mga kardenal ay mapilitang sundin ang kalooban ng nakararami? Gusto ba nilang magkaisa tayo sa pananalangin hanggang sa "ipanalo ng Diyos" ang isang partikular na kardenal? Naniniwala ba silang may matatanggap silang espesyal na benepisyo mula sa Langit o sa Simbahan, kapag napili ang kardenal na ikinakampanya nila? O baka naman simula nanaman ito ng panibagong yugto ng paninira sa sinumang mahahalal na inaakalang di-karapat-dapat?

Walang masama na hangaring mahalal sa pagka-papa ang sinumang inaakala nating magiging mahusay na pinuno ng Simbahang Katolika. Iyan din naman kasi siguro ang nasa isip ng mga kardenal habang isinasagawa ang conclave. Hindi ba't sa proseso ng pagpili ng kahalili ni Judas Iscariote, naglatag din naman si Apostol San Pedro ng mga kinakailangang katangian, at hindi ba't nagkaroon din naman sila ng listahan ng mga kandidato batay sa mga naturang pamantayan (Gawa 1:21-23)? Kung may ganyang sistema sa pagpili ng kahalili ni Judas, sa pagpili pa kaya sa kahalili ni Apostol San Pedro? Hindi natin alam kung ano bang tumatakbo sa isip ngayon ng mga kardenal, at kung malinaw na ba sa isip ng bawat isa kung sino ang iboboto nila at kung bakit. Gayon man, umaasa tayo na tulad ng mga Apostol, ang pagpili ng susunod na Santo Papa ay hindi lamang nakasalalay sa pagkakaroon ng pasadong marka batay sa anumang pinanghahawakang pamantayan ng isang "mabuting Santo Papa," kundi lalo't higit sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos: "Ikaw, Panginoon, na nakatatarok sa puso ng lahat ng tao, ipakilala mo kung sino... ang iyong hinirang" (Gawa 1:24).

"During the vacancy of the Apostolic See, and above all during the time of the election of the Successor of Peter, the Church is united in a very special way with her Pastors and particularly with the Cardinal electors of the Supreme Pontiff, and she asks God to grant her a new Pope as a gift of his goodness and providence. Indeed, following the example of the first Christian community spoken of in the Acts of the Apostles, the universal Church, spiritually united with Mary, the Mother of Jesus, should persevere with one heart in prayer; thus the election of the new Pope will not be something unconnected with the People of God and concerning the College of electors alone, but will be in a certain sense an act of the whole Church. I therefore lay down that in all cities and other places, at least the more important ones, as soon as news is received of the vacancy of the Apostolic See and, in particular, of the death of the Pope, and following the celebration of his solemn funeral rites, humble and persevering prayers are to be offered to the Lord, that he may enlighten the electors and make them so likeminded in their task that a speedy, harmonious and fruitful election may take place, as the salvation of souls and the good of the whole People of God demand."

POPE ST. JOHN PAUL II
Universi Dominici Grecis, 84


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

POPULAR POSTS (LAST 30 DAYS)

Maria: Iniakyat sa Langit Nang may Katawan at Kaluluwa

Itinuro ba ni Pope Francis ang Erehiya ng Sola Scriptura?

Mga Paglilinaw Hinggil sa Pasko

Maria: Ina ng Diyos, Ina ng Simbahan

Bakit Bawal Mag-asawa ang mga Pari?