"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

- ADS -

- ADS -

Huwebes, Hunyo 30, 2022

Ang aking opinyon hinggil sa pelikulang "Everything Everywhere All at Once"


Image by Gerd Altmann from Pixabay


Huwag kang magpatangay sa mga sari-saring papuring tinanggap ng pelikulang ito. Huwag kang palilinlang sa mga maaksyong labanan, sa mga katatawanan, sa mga matinding kadramahan, at sa mga animo'y malalalim na pamimilosopo. Oo, totoong napakahusay ni Michelle Yeoh sa pagganap ng kanyang papel, at ito lang marahil ang masasabi kong tanging matinong dahilan para panoorin ang naturang pelikula. Subalit sa kabuuan, isa lamang itong basurang lalason sa isip ng mga manonood, at sasayangin ang oras mo sa pagbubulay-bulay ng mga bagay na walang katuturan.

Naging paborito kong aktres si Michelle Yeoh dahil sa pelikulang Crouching Tiger, Hidden Dragon. Kaya't mula noon, sa tuwing nababalitaan ko ang kahit anong pelikulang ginaganapan niya, pangunahing tauhan man siya sa mga iyon o hindi, at kahit wala talaga siya sa mismong pelikula kundi nag-boses lang sa isang CGI animated character (gaya ng sa Kung-fu Panda 2), asahan mong magkakainteres akong lagi na panoorin ang mga iyon. Nakakalungkot lang dahil karamihan sa kanila'y hindi talaga gaanong "de-kalidad" — hindi naman "pangit" pero mga uri ng pelikulang madaling kalimutan (gaya ng The Touch, Sunshine, at The Mummy: Tomb of the Dragon Emperor). Nakakalungkot din dahil kadalasan, may kung anong "mali" o "kakatwa" sa mga pag-arte ni Yeoh, na alam mong hindi talaga niya kasalanan kundi ng mga pabayang direktor (dahil kitang-kita naman ang husay niya sa mga pelikulang Crouching Tiger Hidden Dragon, Memoirs of a Geisha, Reign of Assassins, Crazy Rich Asians, atbp.).


Ano bang problema?

Ngayon, heto nanaman at nadawit si Yeoh sa isang abnormal na pelikulang punung-puno ng mga basura, na kung hindi lang talaga dahil sa kanya ay walang matinong dahilan para pag-aksayahan mo ito ng panahong panoorin. Anu-ano ang mga basurang iyon? Ito'y mga basurang pang-kaisipan na bumabalahura sa mga batayang katotohanan ng buhay at sa ating mga moral na paninindigan bilang mga Cristiano. Bilang Katoliko, mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw na pag-iisip, ng kakayahang mapansin ang mga kamalian ng mundo na may katusuhang isinusubo sa iyo. Narito ang ilan sa mga kamaliang napansin ko:

  1. Homoseksuwalidad. Oo, alam ko, katatapos lang ng "buwan ng kapalaluan," at tila ba napaka-walanghiyang tao ko sa mata ng sanlibutan kung magsasalita ako ng kahit na anong laban sa mga LGBTQI+. Subalit isang lantad na katotohanan ang paninindigan ng Simbahan sa bagay na ito: Hindi kailanman magiging tama ang seksuwal na relasyon ng magkaparehong kasarian. Iyan ay punto-por-punto nang naipaliwanag ng CBCP sa sulat pastoral na "The Dignity and Vocation of Homosexual Persons." Makinig ang may pandinig. Hanggang kailan tayo magbibingi-bingihan sa mga paliwanag ng Simbahan? Walang pang-uusig at diskriminasyong nasasaad sa kanyang mga katuruan, pero mas pinipili ng mundo na mag-galit-galitan laban sa mga inaakala nilang di makatarungang panghuhusga at panggigipit daw sa kanila ng isang "ipokritong simbahan" (palibhasa'y kasusumpungan din naman kasi ng mga bakla at tomboy sa kanyang hanay). Mas pinipili ng mundo na mag-inarte at mamilosopo at magdunung-dunungan sa halip na harapin ang totoo. At kabilang sa mga pag-iinarte at pamimilosopo at pagdudunung-dunungang ito ay ang mga ganitong klase ng pelikula, kung saan buong katusuhang ikinikintal sa isipan ng mga manonood na ang mga homoseksuwal na relasyon ay "normal," "matino," at nagbibigay ng "totoong kaligayahan" sa buhay ng tao.
  2. Kabastusan. Kailangan ba talagang magpakita ng mga malalaswang bagay at mga malalaswang eksena sa isang pelikula para magpatawa? Kung sa palagay natin ay "wala namang masama" sa mga birong ito, iyon mismo ang basura. Iyon mismo ang lason: Ang gawing normal sa ating paningin ang mga bagay na bilang Cristiano'y hindi mo dapat sadyang tinitingnan. Ang kasamaang binabalewala, kalauna'y tinatanggap at unti-unting sinusubukan, hanggang sa maging bisyong handang panindigan hanggang kamatayan.
  3. Kamunduhan. Sapat na ba ang mundong ito para masumpungan ng tao ang totoong magpapaligaya sa kanya? Kung maisasabuhay mo ang lahat ng posibilidad na meron ka sa mundong ito, posible bang matagpuan mo yaong perpektong buhay na wala ka nang hahanapin pa o mairereklamo pa? Bilang Cristiano, dapat malinaw sa isipan mo ang sagot: Hindi. Sapagkat ang tunay at ganap na magpapaligaya sa tao ay walang iba kundi ang Diyos — siyang Unang Sanhi ng sanlibutan at lubusang naiiba sa sanlibutan.

    Kung iisipin, tama ang isa sa mga pamimilosopong binanggit sa pelikula, na "kung ilalagay mo ang lahat ng bagay sa isang tinapay, nalalantad ang katotohanan: Na ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan." Wala naman talaga. Nasa Biblia ang aral na iyan (Eclesiastes 1: 2; Filipos 3: 8). At kung aalalahanin natin na nilikha ng Diyos ang sanlibutan buhat sa wala, malinaw, kung gayon, na ang sanlibutan ay walang angking halaga na maaaring makapagpuno sa anumang "wala" o "kulang" sa atin. Kung iisipin, tama naman talaga na "talikuran" ang mundong ito upang hanapin ang tunay na kahulugan ng buhay. Subalit ang pagtalikod na ito ay hindi upang magpatiwakal o ibalik ang sarili sa kawalan. Tinatalikuran mo ang sanlibutan upang hanapin ang Diyos. At kapag nasumpungan mo na ang Diyos, saka lang talaga nagkakaroon ng kahulugan ang buhay natin dito sa mundo. Saka lang talaga nagkakaroon ng kahulugan ang mga hirap at sakit, ang mga kunsumisyon, ang mga kawalang katuturan, ang mga pangit na relasyon, atbp.

    Nakababagabag na tila ba sadyang inaalis ng pelikulang ito ang Diyos sa usapin ng kahulugan ng buhay. At ano ang ipinampalit nila rito? Kamunduhan. Pinagtatakpan ng madamdaming musika at ng napakahusay na pag-arte ni Yeoh ang kababawan ne kesyo magiging masaya ka kapag napasa-iyo ang ganito-ganiyang materyal na bagay, o kapag nagawa mo ang ganito-ganiyang aktibidad, o naka-relasyon mo si ganito-ganiyan, o kapag naisakatuparan mo ang mga abnormal na pagnanasa mo, o kapag nagpatay-malisya ka sa mga bagay na alam mong taliwas sa mga nakagisnang moral na paninindigan mo. Antig na antig ang damdamin mo hindi dahil sa pagkakatanto sa isang tunay na mabuting aral, kundi dahil hinainan ka ng basura sa isang ginintuang plato.

  4. Paglibak sa relihiyon. Marahil, napagtanto ng mga direktor ang di maiiwasang relihiyosong implikasyon ng pelikula, kaya't may bahagi itong nagpapakita ng tila isang templo at grupo ng mga mananamba, sa pangunguna ng pangunahing kontrabida na si Jobu Tupaki. Subalit sa halip na magpakita ng makatotohanang mukha ng relihiyon, itinanghal ito bilang isang sistemang baliw, sarado ang pag-iisip, marahas, walang pagmamahal; alalaong-baga'y lahat ng mga bagay na katakwil-takwil sa modernong pananaw. Isa itong tusong pamamaraan para ikintal sa isipan ng mga manonood na ang relihiyon ay isang malaking kalokohan na naghahatid sa atin sa mga maling desisyon sa buhay.

"Even a broken clock is right twice a day." — Stephen Hunt

"May pera sa basura," ika ng kasabihan. Tinatayang kumita na ang pelikulang ito ng mahigit $80 milyon nitong buwan ng Hunyo, at maaaring madagdagan pa ito habang unti-unting natutuklasan ng mundo ang napaka-gandang palabas na ito. Oo, sa kabila ng mga basura, maganda pa rin naman talaga, at napaka-plastik ko naman kung igigiit kong hindi ako nasiyahan sa panonood. Halu-halong emosyon ang mararanasan mo mula simula hanggang wakas, at marami ka pa rin namang matututunan:

  1. Pagpapahalaga sa pamilya. Pahalagahan mo ang asawa't mga anak mo. Pahalagahan mo ang mga magulang mo. Pag-usapan nang maayos ang mga problema. Unahin ang kapakanan nila kaysa sa mga sari-saring kaabalahan sa buhay. Hindi man masusumpungan sa mundong ito ang perpektong kaligayahan at kapayapaan (na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay), ang pinakamahalagang kayamanan na mayroon tayo sa mundong ito ay ang ating pamilya.
  2. Pagpapahalaga sa bawat sandali ng buhay. Gaano man kaliit o kalaki, kung iyan ay mabuti, pahalagahan at ipagpasalamat mo. At kahit ano pa man ang mangyari sa buhay natin, mabuti man o masama, hangga't patuloy tayong lumalaban (sa mabuting pamamaraan), maaari pa ring maging makabuluhan ang buhay natin. Manghinayang ka para matuto sa mga pagkakamali, subalit huwag kang magsasawang bumangon at magsimulang muli. Hindi tayo nabubuhay sa isang mundong nilikha lang ng mga nagsasanga-sangang pagkakataon, kundi sa isang mundong may kaayusan (at bilang Cristiano, batid nating ang Diyos ang sadyang nagsa-ayos nito), kung saan ang bawat posibilidad ay laging may kaakibat na pagkakataong maging mabuti at mapagmahal.
  3. Pagpapahalaga sa sarili at sa kapwa. "You are not unlovable... There is always something to love," sabi ni Evelyn Wang (ang karakter ni Yeoh). Oo, marami tayong kapalpakan, pero hindi ibig sabihin na puro na lang tayo kapalpakan. Kung nakikita mo ang pagkakamali ng kapwa mo, huwag ka namang maging bulag sa mga bagay na tama at mabuti at maganda sa kanila. At kung may mga taong galit sa atin o ayaw sa atin, o mga mahal sa buhay na iniiwan tayo o pinagtataksilan tayo o sa pakiramdam nati'y hindi tayo pinahahalagahan nang nararapat, huwag mo itong hahayaang bumulag sa iyo para hindi mo makita ang sarili mong halaga. Buksan mo ang mga mata mo sa mga bagay na tama, mabuti, at maganda sa iyo. (Tumutugma ito sa maka-Judio at maka-Cristianong pananaw na ang bawat tao ay nilikhang kalarawan ng Diyos.)

"Avert my eyes from what is worthless;
by your way give me life."


PSALM 119: 37 NABRE


Mapanagutang panonood ng basura

Sabi ng Panginoong Jesus, "These are the signs that will be associated with believers: in my name they will cast out devils; they will have the gift of tongues; they will pick up snakes in their hands, and be unharmed should they drink deadly poison; they will lay their hands on the sick, who will recover." (Mark 16: 17-18 JB). Kung mahina ang pananampalataya mo, huwag mo na lang itong panoorin dahil magpupunla lamang ito sa iyo ng mga balintuwad na pananaw sa buhay. Maraming paraan para masiyahan sa panonood ng mga pelikula nang hindi ikinokompromiso ang ating mga moral na paninindigan at makatotohanang pananaw. Pero kung sa palagay mo ay may matibay kang pananalig at may malinaw na pag-iisip, at kung tulad ko'y paborito mo rin si Michelle Yeoh, sino ba ako para pigilan kang manood? Pero bilang Cristiano, maging responsable ka rin naman. Kaakibat ng panonood ng mga basurang pelikula ay ang ilang mga pananagutan:

  • "cast out devils" — Isiwalat ang mali. Palayasin ang mga demonyong kinasangkapan ang pinilakang tabing para maghasik ng kasinungalingan sa mundo.
  • "have the gift of tongues" — Huwag kang mananahimik. Ipahayag mo ang katotohanan. Ipahayag mo ang tama. Hayaang marinig ng mundo ang malinaw na pagkakaiba ng tama at mali.
  • "they will pick up snakes in their hands, and be unharmed should they drink deadly poison" — Hindi ka man magawang tuklawin ng mga "ahas" sa pelikulang ito, at hindi ka man magawang "lasunin" ng panonood mo nito, alalahanin mo na ang ahas ay ahas pa rin, at ang lason ay lason pa rin. Hindi porke't ligtas ka sa ahas ay maaari mo nang abutan ng ahas ang kapwa mo. Hindi porke't ligtas ka sa lason ay maaari mo nang painumin ng lason ang kapwa mo. Kung sa palagay mo ay hindi ka napapahamak sa panonood mo nito, huwag ka namang maging kasangkapan ng ikapapahamak ng iba.
  • "they will lay their hands on the sick, who will recover." — Sa mga kapwa mong nakapanood na nito at nalason na, pagmalasakitan mo silang ituwid nang landas. Maging kasangkapan ka ng Panginoon sa pagpapagaling sa ating mundong nabatbat ng mga sari-saring karamdamang pangkaluluwa nang dahil sa panonood ng mga basurang pelikula.

Depression

Ang dami kong sinabi. Pinuri at pinintasan ko ang pelikula, pero ano ba sa palagay ko ang talagang pangkalahatang tema nito? Sa tingin ko, isa itong pelikula tungkol sa depression — ang mga karaniwang sanhi nito, ang mga yugtong pinagdaraanan nito, ang mga karaniwang pamamaraan para balewalain ito o hanapan ng pansamantalang lunas (labis na pagpapaka-abala, pamimilosopo, pagrerebelde sa mga nakagisnan, kamunduhan, paghahanap ng perpektong taong uunawa sa iyo, atbp.), hanggang sa pinaka-malalang yugto na kung saan ibig mo na lang maglaho sa mundong ibabaw. Marahil, ito ang talagang punto, ang talagang pinaka-importanteng mensahe na dapat maarok ng mga manonood. Isa itong laganap na sakit sa ating kapanahunan, na hindi mo agad mamumukhaan at mahahanapan ng matinong solusyon kung hindi mo mamahalin ang sarili mo, o kung walang taong magmamahal sa iyo. Sa pakikibaka sa sakit na depression, lubhang kinakailangan ng mundo ang pagmamahal — pagmamahal sa sarili, pagmamahal sa pamilya, at pagmamahal sa kapwa, kahit pa sa kapwang kinaiinisan.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Hunyo 19, 2022

Masama bang tawaging "Padre" ang mga Pari?

"Huwag ninyong tawaging ama ang sino mang tao sa lupa, sapagkat iisa lamang ang inyong Ama na nasa langit."

MATEO 23: 9-10

Kung iisipin, dito sa atin sa Pilipinas, wala namang tumatawag sa Pari ng "ama," "tatay," "itay," "papa," "amang," o "tatang." Ang nakagisnang tawag ay "Padre," (na halata namang impluwensya lamang ng mga Kastila) o di kaya'y ang Amerikanong salitang "father" para sa mga naaasiwa sa makalumang tono ng "Padre." Oo, pare-pareho ang literal na kahulugan ng mga ito, subalit malinaw din naman sa atin na pagdating sa mga Pari, ginagamit lamang ang mga naturang salita bilang pagkilala sa kanilang mismong pagka-pari, hindi para palitan ang Diyos Ama bilang iisa at pangkalahatang Ama ng sangnilikha. Sa totoo lang, makapagtuturo ba tayo ng kahit isang Katoliko na may gayong maling pananaw?

Sapagkat sino bang matinong Katoliko ang mag-iisip na pinapalitan ng Pari ang Diyos, gayong sila pa nga ang nagtuturo sa atin na kilalanin ang Diyos Ama at maging laging masunurin sa Kanya? Sa katunayan, anumang paggalang na iginagawad natin sa mga lingkod ng Simbahan, maging sa sino mang Pari o kahit sa mismong Santo Papa, ay iginagawad lamang alang-alang sa Diyos na naglagay sa mga naturang lalaki sa kanilang mga katungkulan sa Simbahan. Sa Katolikong pananaw, ang mga Pari ay nakikibahagi lamang, sa limitadong kaparaanan at sa mas nakabababang antas, sa walang hanggan at panlahatang pagka-ama ng Diyos Ama sa Langit. Halata naman na sila mismo'y napaiilalim din sa pagka-ama ng Diyos.

Mismong ang mga Apostol ay nakababatid na mayroon silang maka-amang katayuan sa Simbahan. Sabi nga ni San Pablo: "Maaari kayong magkaroon ng libu-libong guro kay Cristo, ngunit hindi ng maraming ama. Sapagkat kay Cristo Jesus isinilang ko kayo sa pamamagitan ng ebanghelyo." (1 Corinto 4: 15). Kung totoo yan sa mga Apostol, totoo rin iyan sa kanilang mga kahaliling Obispo, at sa limitadong antas, ay totoo rin naman sa mga Pari (na nagsisilbing mga kinatawan at kamanggagawa ng nakasasakop na Obispo sa isang diyosesis). Taliwas sa mga pagtuligsa, malinaw ang Biblikal na sandigan ng ating kaugalian. Malinaw na hindi natin nilalabag ang diwa ng Mateo 23: 9-10.

Ang pamamahala sa Simbahan ay katulad ng pamamahala ng isang ama sa kanyang sariling mag-anak (1 Timoteo 3: 4-5; 1 Tesalonica 2: 11). Hindi kalabisan na ituring ang mga Pari bilang mga "amang pangkaluluwa" dahil iyon naman talaga ang pangunahing pananagutan nila sa harap ng Diyos: "Tumalima kayo sa inyong mga pinuno at pasakop sa kanila, sapagkat sila ang nag-aalaga sa inyong mga kaluluwa at mananagot sa inyo." (Hebreo 13: 17). Ngayon, kung "Cristiano" ang tingin mo sa iyong sarili, subalit hindi mo naman matanggap na may mga Cristiano ring gumaganap bilang tagapangalaga ng kaluluwa mo, ibig sabihin, hindi ka totoong Cristiano. Hindi ka totoong nagpapasakop sa Diyos Ama. Hindi ka kabilang sa kanyang sambahayan. Isa kang suwail at mapagmataas na anak. Ikaw ang totoong nagmamapuri sa harap ng Diyos, hindi ang mga Paring tinutuligsa mo.

"Though priests of the New Testament, in virtue of the sacrament of Orders, exercise the most outstanding and necessary office of father and teacher among and for the People of God, they are nevertheless, together with all Christ's faithful, disciples of the Lord, made sharers in his Kingdom by the grace of God's call. For priests are brothers among brothers with all those who have been reborn at the baptismal font. They are all members of one and the same Body of Christ, the building up of which is required of everyone . . . . The Christian faithful, for their part, should realize their obligations to their priests, and with filial love they should follow them as their pastors and fathers. In like manner, sharing their cares, they should help their priests by prayer and work insofar as possible so that their priests might more readily overcome difficulties and be able to fulfill their duties more fruitfully."

SECOND VATICAN COUNCIL
Presbyterorum Ordinis, 9

Magkagayon man, hindi ito nangangahulugan na ang pagtawag sa mga Pari ng "Padre" ay isang pirmihang kaugaliang nagsimula mismo sa mga Apostol. Bagkus, nagsimula ito sa mga monghe (source: NJBC), at kalauna'y lumaganap sa Simbahan dahil karamihan sa mga naoordenahang Pari ay kabilang sa mga ordeng relihiyoso. Noong 1800's, sa pangunguna ni Nicholas Cardinal Wiseman, isinulong niyang tawaging "Padre" ang lahat ng mga Pari, relihiyoso man ito o hindi. At ito na nga ang kaugaliang nakasanayan ng lahat.

Kung gayon naman pala, bakit hindi na lang pagbigyan ang reklamo ng mga anti-Katoliko, at gumamit na lang tayo ng ibang mga taguri sa Pari? Hindi tamang pagbigyan sila dahil ang mismong batayan ng kanilang pagrereklamo ay mali. Hindi naman kinikilala ng mga anti-Katoliko ang sagradong katayuan ng mga Pari bilang mga inordenahang presbitero ng Simbahan, at sa simula pa lang ay itinataguyod na nila ang pagka-suwail sa mga lehitimong pinuno ng Simbahan. Kung pagbibigyan sila, parang kinunsinte pa natin ang kanilang mga pagkakamali. Mas natuturuan natin sila ng kung ano ba ang wastong Cristianong pananaw sa mga pinuno ng Simbahan kung pinaninindigan natin ang ating kaugalian.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF