FEATURED POST

Maria: Ina ng Diyos, Ina ng Simbahan

REPOSTED : 9:32 PM 5/20/2024   INA NG DIYOS Sa ating pagtawag sa Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos (sa Griyego ay Theotokos na ang kahulugan ay "babaeng-nagsilang-sa-Diyos" — "God-bearer" sa literal na Ingles), HINDI ito nangangahulugan na ipinakikilala rin natin siya bilang: isang Diyosa na nauna pang umiral sa Diyos, isa pang Persona ng Diyos — alalaong-baga'y "Diyos Ina" — kasama ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ("Kwatronidad"), ina, hindi lamang ni Jesus, kundi ng buong Santisima Trinidad (Ama, Anak, at Espiritu Santo). Bagkus, ang naturang taguri ay nangangahulugan na — "Ibinibigay ni Maria kay Jesus ang anumang ibinibigay ng ina sa sarili niyang sanggol. Sa pamamagitan niya, si Jesus ay taong totoo. Ang Anak ni Maria at ang Anak ng Diyos ay iisa at parehong persona, Emmanuel . . . . Ipinagkaisa ng Walang-hanggang Anak ng Diyos sa kanyang persona ang sanggol na ipinaglihi ni Maria sa kanyang sinapupun...

Ang Pagimbento sa Krus

Ayon sa tradisyon, noong ika-3 ng Mayo 326 A.D., naimbento ni Reyna Helena, ang ina ni Emperador Constantino, ang tunay na krus na pinagpakuan sa Panginoong Jesus. "Inimbento", sapagkat ang orihinal na kahulugan ng salitang Latin na inventio ay "pagtuklas" (to come upon, find, come across, discover). Kalaunan, inilipat sa ika-14 ng Setyembre ang paggunita sa araw na iyon.

Subalit iginigiit ng sektang "Mga Saksi ni Jehova" na talagang inimbento lang daw ng Simbahang Katolika ang krus, sapagkat ayon daw sa Biblia ang talagang pinagpakuan sa Panginoon ay isa lamang daw tuwid na poste. Hindi malinaw kung ano ba talagang gusto nilang sabihin dito. Katibayan ba ito ng "katangahan" ng Simbahang Katolika, na hindi marunong umunawa ng Biblia? Katibayan ba ito na ang Simbahang Katolika ay isa talagang "paganong relihiyon" na nagpapanggap na Cristiano, at may katusuhang ipinagpapatuloy ang mga sinaunang maling paniniwala? Isa lang ang malinaw sa akin: isa itong tusong pamamaraan para pagmukhaing katangi-tangi ang isang bagong litaw na sekta (nagsimula noong 1872), at sa gayo'y makapukaw sa interes ng mga Katolikong salat sa kaalaman. Isang kabalintunaan lang na sa pasimula'y wala silang reklamo sa krus, anupa't pinalamutian pa nila ng krus ang piramideng monumento ni Charles Taze Russell, ang pasimuno ng kanilang sekta.

Sa isa sa kanilang mga ipinamimigay na babasahin, may mababasang ganito:

"Si Jesus ay hindi namatay sa isang krus. Siya'y namatay sa isang haligi, o isang tulos. Ang Griegong salita na isinaling 'krus' sa maraming Biblia ay tumutukoy sa isa lamang piraso ng kahoy. Ang sagisag ng krus ay nagmula sa mga sinaunang huwad na relihiyon. Ang krus ay hindi ginamit o sinamba ng sinaunang mga Kristiyano." ("Mga Paniniwala at Kaugaliang Di-Nakalulugod sa Diyos", Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, 2006. p. 23.)

Sinasabi nila ito batay lamang sa kanilang literal na pakahulugan sa salitang Griyegong stauros. Oo, ang krus ng Panginoon ay maituturing na isang poste (kaya't walang problema kung tawaging poste), at oo, gawa naman talaga ito sa kahoy (kaya't walang problema kung tawaging piraso ng kahoy), subalit hindi naman lahat ng poste o piraso ng kahoy ay mga tuwid na tulos na walang sanga. Mapapansin na sa mga sinaunang manuskrito ng Bagong Tipan, gumamit ang mga eskriba ng staurogram—isang simbolong daglat ng salitang stauros na nasa anyo ng isang krus (makikita sa mga manuskritong P66, P45, at P75). Mayroon ding mga katibayang arkeyolohikal tulad ng Alexamenos Graffito (mga ikalawa o ikatlong siglo A.D.) at Pozzuoli Graffito (mga una o ikalawang siglo A.D.) na malinaw na nagpapakita sa nasasakdal na nakapako sa isang krus, hindi sa isang tulos o haligi. Pinatototohanan din ng mga Ama ng Simbahan noong ikalawang siglo A.D.—ang manunulat ng Epistle of Barnabas, si St. Justin Martyr, Tertulian, at St. Irenaeus—na ang Panginoong Jesus ay talagang ipinako sa krus.

Oo, may mga simbolong pagano na kahugis ng krus, at sila'y may mga kaakibat na kahulugang pagano na maaaring maging taliwas sa ating relihiyon. Subalit dahil lang ba dito'y masama na ring gamitin ang krus bilang sagisag ng ating pananampalataya? Hindi ba't minsan nang binigyan ni Apostol San Pablo ng Cristianong kahulugan ang isang paganong altar (Gawa 17: 22-31)? Kung maaari itong gawin sa isang paganong dambana na sadyang nagpaparangal sa isang diyus-diyusan, anong pumipigil sa atin na gamitin din ang krus at bigyan din ito ng bagong kahulugan—kahulugang hindi nagpapaalaala ng anumang katuruang pagano, kundi ng mga katotohanan ng Pananampalatayang Cristiano?

"Sa ganang akin, wala akong ibang ipinagmamalaki kundi ang krus ng ating Panginoong Jesucristo."

(GALACIA 6: 14)


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

POPULAR POSTS (LAST 30 DAYS)

Bakit Bawal Mag-asawa ang mga Pari?

Babae, Anong Pakialam Ko Sa Iyo?

Makapagliligtas ba ang Pananampalataya Lamang?

Masama Bang Magdiwang ng Kaarawan?

Ang Aking Opinyon hinggil kay Blessed Carlo Acutis