Ang doktrina ng Inmaculada Concepcion (alalaong-baga'y "kalinis-linisang paglilihi") ay nangangahulugan na ang Mahal na Birheng Maria, "mula't sapul sa paglilihi sa kanya ay pinangalagaan upang di mabahiran ng dungis ng kasalanang-mana alang-alang sa mga kagalingang dulot ni Kristo Jesus na Tagapagligtas ng sangkatauhan" (KPK 523). Nangyari ito "bilang paghahanda sa kanyang misyon na maging ina ng bugtong na Anak ng Diyos ayon sa laman" (KPK 394). Bagama't isang sinaunang aral na may batayan sa Banal na Kasulatan at sa Banal na Tradisyon, ito'y pormal lamang na naging dogma noong ika-walo ng Disyembre 1854, sa papal bull ni Pope Pius IX na Ineffabilis Deus.
Wherefore, in humility and fasting, we unceasingly offered our private prayers as well as the public prayers of the Church to God the Father through his Son, that he would deign to direct and strengthen our mind by the power of the Holy Spirit. In like manner did we implore the help of the entire heavenly host as we ardently invoked the Paraclete. Accordingly, by the inspiration of the Holy Spirit, for the honor of the Holy and undivided Trinity, for the glory and adornment of the Virgin Mother of God, for the exaltation of the Catholic Faith, and for the furtherance of the Catholic religion, by the authority of Jesus Christ our Lord, of the Blessed Apostles Peter and Paul, and by our own: "We declare, pronounce, and define that the doctrine which holds that the most Blessed Virgin Mary, in the first instance of her conception, by a singular grace and privilege granted by Almighty God, in view of the merits of Jesus Christ, the Savior of the human race, was preserved free from all stain of original sin, is a doctrine revealed by God and therefore to be believed firmly and constantly by all the faithful."
POPE PIUS IX |
MAY BATAYAN SA BANAL NA KASULATAN
- "Kayo ng babae'y laging mag-aaway, Binhi mo't binhi niya'y laging maglalaban. Ito ang dudurog ng ulo mong iyan, At ang sakong niya'y ikaw ang tutuklaw" (Genesis 3: 15). Ito ang tinatawag na Protoevangelium o "Unang-Ebanghelyo," kung saan ipinangako ng Diyos ang pagtatagumpay ng tao sa kasalanan at sa diyablo sa pamamagitan ng "binhi ng babae." Natupad na nga ito: ang "binhi ng babae" ay ang Panginoong Jesu-Cristo (ang Bagong Adan), at ang "babae" ay ang Mahal na Birheng Maria (ang Bagong Eva). Ipinahihiwatig ng mga salitang "laging mag-aaway . . . laging maglalaban" na ang "babae" at ang kanyang "binhi" ay hindi kailanman naging makasalanan at hindi kailanman napailalim sa kapangyarihan ng diyablo.
Ang unang Eva ay dinaya ng isang tuso at suwail na anghel (Genesis 3: 1; Pahayag 12: 9), habang ang bagong Eva ay pinagpahayagan ng Mabuting Balita ng isang anghel na naglilingkod sa harapan ng Diyos (Lucas 1: 19, 26-28). Ang unang Eva ay nawalan ng pananalig sa Diyos at sumuway (Genesis 3: 6; 1 Timoteo 2: 14), habang ang bagong Eva ay nanalig sa Diyos at tumalima (Lucas 1: 38). Ang unang Eva ang naging sanhi ng pagkakasala nila ni Adan at sa gayo'y pumasok nga sa mundo ang kasalanan at kamatayan, subalit ang pananalig at pagtalima ng bagong Eva ang nagpapasok sa mundong ito ng kaligtasan at buhay na walang hanggan na walang iba kundi si Jesu-Cristong Panginoon. "Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!" (Lucas 1: 45)
- "Magalak ka, puspos-ng-biyaya, ang Panginoon ay sumasaiyo" (Lucas 1: 28). Malalim ang kahulugan ng pagbating ito ng Anghel Gabriel sa Mahal na Birhen, anupa't "Sa mga pangungusap na ito ay nagitla siya at pinag-isip-isipan niya ang maaaring kahulugan ng gayong pagbati" (t. 29). [1] Ang salitang "puspos-ng-biyaya" ay ang nakagisnang salin ng salitang Griyego na kecharitomene, na ang buong kahulugan ay "ikaw-na-babaeng-nagtataglay-hanggang-ngayon-ng-biyayang-tinanggap-mo-noon." Ipinahihiwatig nito na ang Mahal na Birhen ay sadyang inihanda ng Diyos upang maging ina ng Salitang-Diyos na Nagkatawang-tao (Juan 1: 1, 14). Ang Mahal na Birhen ay laging kalugud-lugod sa Diyos patunay na siya nga ang "babae" ng Protoevangelium.
- "Pinagpala ka sa mga babae at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan" (Lucas 1: 42). Sa gayong pagbati inihalintulad ni Sta. Isabel ang Mahal na Birhen sa dalawang "pinagpalang babae" ng Matandang Tipan: ➊ Si Jael, na pumukpok sa ulo ni Sisara, ang punong kawal ni Haring Jabin na kaaway ng Israel (Hukom 5: 24-27), at ➋ si Judith, na pumugot sa ulo ni Holofornes, ang punong kawal ni Haring Nabucodonosor na kaaway ng Israel (Judith 13: 18). Mas dakila sa kanila ang Mahal na Birhen, sapagkat siya nga ang "babae" ng Protoevangelium dinurog niya ang ulo ng diyablo sa pamamagitan ng "bunga" ng kanyang sinapupunan, ang Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Mahal na Birhe'y naligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan pa rin ng Panginoong Jesus (Lucas 1: 47), subalit sa mas dakilang kaparaanan. Kung tayo'y inahon at hinugasan mula sa kasalanan, siya nama'y pinigilang mabahiran ng kasalanan. Nang sinabi ni San Pablo na ang "lahat ng tao ay nagkasala" (Roma 3: 23), tumutukoy ito sa Salang Orihinal ("kasalanang mana") na minana ng sangkatauhan kina Adan at Eba. Saklaw pa rin nito ang Mahal na Birhen, hindi bilang isang kalagayang kinasadlakan din niya, kundi isang kalagayang naiwasan niya sa bisa ng biyaya ng Diyos na naghanda sa kanya. Siya'y hindi lamang isang pangkaraniwang babaeng pinagbuntis ng Diyos, bagkus siya'y mahalagang bahagi sa plano ng Diyos sa simula pa: "Ngunit nang dumating ang takdang panahon, sinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y mabibilang na mga anak ng Diyos." (Galacia 4: 4-5).
MAY BATAYAN SA BANAL NA TRADISYON
- Ayon kina Justin Martyr (155 A.D.) at Irenaeus (189 A.D.), si Maria ang bagong Eva ang "masunuring birhen" na nagtuwid sa mga kamalian ng "masuwaying birhen." Pinaghambing nila ang Genesis 3 at Lucas 1: Nagdulot ng kasalanan at kamatayan sa sangkatauhan ang kawalang-pananampalataya at pagsuway ng Birheng Eva, subalit nagdulot naman ng kaligtasan sa sangkatauhan ang pananampalataya at pagtalima ng Birheng Maria. Ipinakikita nito ang paninindigan ng sinaunang Simbahan na si Maria ang "babae" ng Protoevangelium.
- Ayon kina Origen (244 A.D.), Hippolytus (235 A.D.), Ephraim (361 A.D.), Ambrose (387 A.D.), at Gregory Nazianzen (390 A.D.), ang Mahal na Birheng Maria ay "walang bahid," "dalisay," "kabanal-banalan." Ito'y lagi nilang iniuugnay sa gampanin ng Mahal na Birhen bilang Ina ng Diyos na siya'y naging banal dahil sa paghahandang ginawa ng Diyos sa kanya upang maging karapat-dapat maglihi at magsilang sa Salitang-Diyos na Nagkatawang-tao.
Consequently, then, Mary the Virgin is found to be obedient, saying, "Behold, 0 Lord, your handmaid; be it done to me according to your word." Eve . . . who was then still a virgin although she had Adam for a husband — for in paradise they were both naked but were not ashamed; for, having been created only a short time, they had no understanding of the procreation of children . . . having become disobedient [sin], was made the cause of death for herself and for the whole human race; so also Mary, betrothed to a man but nevertheless still a virgin, being obedient [no sin], was made the cause of salvation for herself and for the whole human race. . . . Thus, the knot of Eve's disobedience was loosed by the obedience of Mary. What the virgin Eve had bound in unbelief, the Virgin Mary loosed through faith.
IRENAEUS |
- Lubhang nagulumihanan ang Mahal na Birhen, hindi sa karaniwang nakasisindak na presensya ni Anghel San Gabriel (tingnan ang mga reaksyon nina Daniel at Zacarias: Daniel 8: 16-18; Lucas 1:11-12), kundi tanging sa mismong pagbati nito sa kanya (Lucas 1:29), isang malinaw na katibayan na ito'y isang di-pangkaraniwang pagbati. [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF