"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Lunes, Oktubre 18, 2021

Mga Personal na Tanong Tungkol sa Santo Rosaryo

Ano ang Santo Rosaryo para sa iyo?

Para sa akin, isa itong mahalagang debosyon; isang mahalagang bahagi ng pakikipag-ugnayan ko sa Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Birhen. Ang halos kalahating oras na ginugugol para dasalin ito, ang paguulit-ulit ng mga dasal, ang paggalaw ng mga daliri sa kuwintas na rosaryo, ang pagninilay sa mga mahahalagang pangyayari sa Ebanghelyo, ang lahat ng iyan ay napakalaking tulong para patahimikin ang isip sa labis na pagkabalisa, at ituon ang pansin sa mga bagay na mas mahalaga, mas mabuti, mas dakila.

Paano nakakatulong ang paulit-ulit na dasal?

Likas na sa tao ang magpaulit-ulit. Kapag problemado ka, masaya ka, nababalisa ka, nananabik ka, atbp., hindi ba't paulit-ulit mong iniisip ang mga iyon? Madali para sa atin na makagawian ang paulit-ulit na dasal sa Rosaryo dahil hindi ito kakaiba sa atin; napaka-natural nito. Sumasabay ang mga dasal sa paulit-ulit na takbo ng ating isipan. At habang sumasabay, nagsisilbi silang gabay para sa tamang pag-iisip. Napaaalalahanan tayo kung ano ba ang mas dapat na iniisip natin kaysa sa ating mga alalahanin sa buhay. Habang inuulit mo ang Aba Ginoong Maria, naaalala mo na mayroon nga palang isang dakilang babae na nasa langit, at siya ay nanay ng Diyos at nanay mo rin. Ang nanay na ito ay minamahal ka nang higit pa sa pagmamahal ng nanay mo dito sa lupa, at hinihiling mo sa kanyang ipagdasal ka hanggang sa huling araw mo dito sa lupa. Sa pagdarasal ng Rosaryo, isipin mo na parang naglalakbay ka sa panahon kasama ni Maria, habang pinupuntahan ninyo ang iba't ibang mga pangyayari sa buhay niya at ng Panginoong Jesus.

Sa Rosaryo, 53 Aba Ginoong Maria at isang Aba Po Santa Mariang Reyna ang dinarasal, habang anim na Ama Namin at anim na Luwalhati lang ang dinarasal. Hindi ba't mas pinararangalan nito si Maria kaysa sa Diyos?

Kapag gusto mong kumain ng paborito mong pagkain, maghapon ka bang nasa mesa habang kinakain iyon? Hindi, sa katunayan nga, napakahaba na ng kalahating oras para kainin mo iyon. Subalit gaano katagal ang panahong ginugugol mo sa pamamalengke para bumili ng mga kailangang sangkap, sa paghihiwa at pagbabalat ng mga gulay na lulutuin, sa mismong pagluluto mo nito sa ibabaw ng kalan, atbp.? Hindi ba't mas mahabang panahon ang nagugugol kaysa sa sandaling panahong ginugugol mo sa mismong pagkain ng niluto mo? Ibig bang sabihin, mas mahalaga para sa iyo ang pamamalengke at pagluluto kaysa makakain ng paborito mong pagkain? Ganoon din sa pagdarasal ng Santo Rosaryo. Ang Diyos ang gusto mong parangalan. Ang Diyos ang gusto mong tumulong sa iyo. Ang Diyos ang gusto mong isipin. Ang Diyos ang sinasampalatayanan mo at pinagtitiwalaan mo at sinasamba mo. Mas marami kang dasal kay Maria dahil tinutulungan ka niyang manalangin sa Diyos. Siya ang gumagabay sa iyo at sinasamahan ka sa paglalakbay mo patungo kay Jesus. Kung baga sa isang atleta, si Maria ang trainer/coach mo habang nagsasanay ka, habang si Jesus naman ang medalya/tropeyo/premyo mo sa sinalihan mong palakasan/kumpetisyon. Isa pa, nakakalimutan na nating 30 taon ang ginugol ng Panginoong Jesus kasama si Maria, habang tatlong taon lamang sa kanyang pampublikong ministeryo. Hindi ibig sabihin na mas mahalaga ang pananahimik sa Nazaret kasama ni Maria kaysa sa pangangaral ng kaharian ng Diyos, bagkus, ang 30 taon na iyon ay naging mahalagang bahagi ng paghahanda sa kanyang dakilang misyon ng pagliligtas sa sangkatauhan.

Bakit ka laging may dalang rosaryo sa bulsa sa tuwing lumalabas ng bahay?

Nagdadala ako ng rosaryo hindi para magdasal sa jeep o habang nakapila o habang break time sa trabaho o habang may hinihintay na kung ano. Oo, may mga debotong gumagawa ng gayon, pero hindi ako. Yang mga sitwasyong nabanggit ko, importante sa mga iyan ang presence of mind; hindi pwedeng may iba kang iniisip. Kapag nagrosaryo ka sa jeep, baka makalagpas ka sa bababaan mo, o baka madukutan ka, o baka hindi ka makapaghanda sakaling babangga na pala sa kasalubong na sasakyan yung jeep o kung nawalan na pala ito ng preno at dederetsto na sa bangin, atbp. Kapag nagrosaryo ka sa pila, baka makalimutan mong umusad, o baka iba ang mapilahan mo, at muli, baka madukutan ka, atbp. Walang masama na magdasal sa mga sitwasyong iyan, pero kapag may mahalaga kang ginagawa, bigyan mo ng kaukulang atensyon yung ginagawa mo.

May tamang lugar at panahon sa pagrorosaryo. Kung sakaling matagpuan ko ang sarili ko sa tamang lugar at panahon na iyon habang nasa labas ako ng bahay, eh di magrorosaryo ako. Halimbawa, kung may panahon akong sumaglit sa isang simbahan o kapilya, eh di magrorosaryo ako doon.

Ang talagang pumukaw sa akin na magdala lagi ng rosaryo sa bulsa ay nang may mapanood ako sa balita na isang lalaking namatay sa aksidente, at ang tanging nakita sa bulsa niya ay yung rosaryo niya. Siyempre, hindi naman ako nagpaplanong maaksidente at makitaan din ng rosaryo sa bulsa. Gusto ko lang na sakaling mamatay ako, yung pagiging Katoliko ko ang unang mahalagang impormasyong makukuha ng mga imbestigador tungkol sa akin; yung hanggang sa huling sandali ng buhay ko ay may nagawa ako para paalalahanan ang mundo na magdasal din ng Rosaryo, kasi napakagandang debosyon nito, at napakalaki ng naitutulong sa ating pananampalataya.

Pakiramdam mo ba protektado ka kapag may dala kang rosaryo sa bulsa?

Parang oo, kasi nababalisa ako kapag natutuklasan kong nakalimutan kong dalhin yung rosaryo ko, katulad ng pagkabalisa kapag nakakalimutan ko yung wallet ko o yung panyo ko o yung cellphone ko, atbp. Parang pakiramdam ko, hindi ako handang makibaka sa anumang hamon na meron sa labas ng bahay kapag wala akong dalang rosaryo sa bulsa. Pero hindi ko iniisip na nagbibigay ng "mahiwagang proteksyon" yung rosaryo sa akin. Sabi ko nga, diba, tanggap ko na ang posibilidad na mamatay ako kapag lumalabas ako ng bahay. Para sa akin, hindi anting-anting ang rosaryo, kundi isang banal na bagay na nagpapaalala sa akin sa Diyos.

Bakit di ka nalang magdala ng Biblia kaysa rosaryo?


"Hindi magkasalungat ang Biblia at ang Rosaryo; walang dahilan para mamili ako sa dalawa."

Una, dahil hindi magkakasya ang Biblia sa bulsa ko. Pangalawa, dahil hindi ako lumalabas ng bahay para magbasa ng libro. Pangatlo, dahil may mga Bible apps na ako sa cellphone ko, kaya parang may dala na rin akong Biblia kapag lumalabas ako. At pang-apat, hindi naman magkasalungat ang Biblia at ang Rosaryo; walang dahilan para mamili ako sa dalawa. Dahil sa mga natututunan ko sa Biblia, mas lalo kong nagugustuhang magrosaryo, at dahil sa pagrorosaryo, mas lalo kong naaalala yung mga natututunan ko sa Biblia, lalo na yung Ebanghelyo.

Saka kalabisan naman pati yun, yung lalabas ka para mamalengke tapos magdadala ka ng Biblia? Papasok ka sa trabaho, may dala kang Biblia? Katulad ng pagrorosaryo, may tamang oras at lugar sa pagbabasa ng Biblia. Saka, wala ka bang tiwala sa memorya mo? Iniisip mo bang makakalimutan mo lahat ng mga binasa mo kapag lumabas ka ng bahay? Pastor ka ba na kailangang lagi kang handang mangaral? Kung tulad ko, meron kang mga personal na dahilan sa pagdadala ng Biblia, eh di magdala ka ng Biblia. Pero huwag mong hatulan yung pananampalataya ng kapwa mo Cristianong minabuting magdala ng ibang banal na bagay kaysa Biblia. Yung iba nagsusuot ng krusipiho. Yung iba may dalang mga holy cards. Yung iba may scapular at miraculous medal. Yung iba walang dalang kahit ano, pero mas mabuti at mas banal na tao kaysa sa iyo. May kanya-kanya tayong paraan kung paano "baunin" sa labas ng bahay yung relihiyon natin, at walang dapat ituring na "mas mabuti" sa mga iyan, dahil pare-parehong mabuti yan.

Alin ang mas gusto mo: magrosaryo nang sarilinan o nang sama-sama?

Mas gusto kong magrosaryo nang sarilinan dahil kapag sumasali ako sa sama-samang pagrorosaryo, naoobliga akong sabayan sila. Kapag sobrang bagal nilang magrosaryo, eh di wala akong choice kundi magdasal din nang napakabagal. Kapag sobrang bilis naman, eh di pati ako nagmamadali rin. Nakakagambala rin ng isip kapag mali-mali ang mga pagbigkas nila ng dasal: "Aba ginoong Maria, napupuno ka ng grasa", "Hell Mary, pull of grace", "Pray for us sinners now and at the hour of our far death, Amen." Madalas kong marinig ang ganyang mga mali-maling pagdarasal sa isang kalapit na parokya sa lugar namin. Nahahati agad ang isip ko, dahil may bahaging gustong seryosohin ang pagdarasal, habang may bahaging automatic na pinipintasan ang mga maling naririnig ng tenga ko. Parang mas napapagod ako at nababalisa, kaysa mapahinga at mapayapa ang isip ko. Siguro dulot na rin ito ng pagiging introvert ko.

Siyempre depende pa rin naman yan sa sitwasyon. May mga taong mas nakapagdarasal nang maayos at taimtim kapag sama-samang nagdarasal. Saka siyempre, sabi nga ng Panginoon, kapag marami kayong nagkakaisa sa panalangin, nandun siyang kasama ninyo, di ba? May mga sama-samang pagrorosaryo na pwede sa akin, pero karamihan ay hindi ko talaga gusto.

Nagrorosaryo ka ba bago matulog?

Minsan oo, minsan hindi. Hangga't maaari, iniiwasan kong magrosaryo bago matulog dahil kapag oras na ng pagtulog, mas nangingibabaw ang antok kaysa sa pagnanais kong magdasal. Ang mangyayari niyan, mamadaliin ko ang pagrorosaryo para makatulog na agad, o kaya nama'y pilit na dadahan-dahanin ang pagrorosaryo at mamamalayan ko na lang na nakatulog na pala ako. Mas gusto kong magrosaryo tuwing umaga o tuwing hapon.

Anong masasabi mo sa mga di-Katolikong tinutuligsa ang Santo Rosaryo?

Naiintindihan ko naman ang panig nila, kasi makakapagrosaryo ka lang kung Katoliko ka eh; hindi mo yan magagawang dasalin kung may mga agam-agam ka sa mga katuruan ng Simbahan. Siyempre, kung hindi ka Katoliko, natural, "masama" ang tingin mo sa Rosaryo. Kung ayaw mo sa Simbahang Katolika, ayaw mo din siyempre sa mga debosyon niya. Sa tingin ko, pag-aaksaya ng panahon na ipagtanggol ko ang Rosaryo sa kanila at hikayatin silang dasalin ito, kasi ang talagang kailangang lunasan ay yung mismong ugat ng anti-Katolisismo nila. Kailangan muna nilang maintindihan na tama yung Pananampalataya natin, kasi iyan yung pundasyon ng lahat ng mga debosyong ginagawa natin. Nang sumulat ako ng apolohetiko tungkol sa Rosaryo, hindi ako umaasa na, "Ah, kapag may anti-Katolikong nakabasa nito, maliliwanagan siya at magrorosaryo na rin." Hindi ako nag-iisip nang ganon. Ang inaasam ko, "Sana naman hindi na niya isiping masama kaming tao dahil nagrorosaryo kami. Sana naman hindi na niya isiping nilalapastangan namin ang Diyos kapag nagrorosaryo kami. Sana naman hindi na niya isiping ang tanga-tanga namin kaya kami nagrorosaryo." Ganyan kasi mag-isip ang karamihan sa mga anti-Katoliko. Masamang tao ka daw, nilalapastangan mo daw ang Diyos, ang tanga-tanga mo daw. Tumigil ka na sa pagrorosaryo para maging mabait ka na, para maging okay ka na sa Diyos, para hindi ka na tanga. Kadalasan talaga, below the belt ang atake ng mga anti-Katoliko sa atin, at yun yung talagang gusto nating pawiin sa tulong ng apolohetika.

Naniniwala ka ba sa "15 Promises" ng Santo Rosaryo?

Oo, pero hindi sa lebel ng isang dogma o sa encyclical ng Santo Papa o sa talata sa CCC. Nakabatay yung paniniwala ko sa pagtitiwala ko sa Diyos na handang magbigay ng dakilang gantimpala kapalit ng pagsunod mo sa isang simpleng instruction. Kung baga, naniniwala ako sa isang napaka-mapagbigay na Diyos, na kung magrorosaryo ka lang, handa siyang buhusan ka ng kataku-takot na biyaya. Siya yung Diyos na kapag may ginawa kang mabuti, kahit gaano man yan kaliit, tuwang-tuwa na siya at halos kaladkarin ka na papuntang langit. Yan yung Diyos na kilala ko, kaya hindi ako nagugulat sa mga dakilang biyaya na sinasabing matatamo mo kapag nagrosaryo ka. Siyempre, ang pagrorosaryo, hindi mo iyan pwedeng ipampalit sa pagsisimba, sa pangungumpisal, sa pagbabasa ng Biblia, sa pagpapakabanal, atbp. Pero kahit maliit lang na bagay yan, malaki pa rin ang naitutulong niyan sa buhay natin. Parang upos yan ng sigarilyo sa isang tuyong kagubatan. Napakaliit at parang walang kakwenta-kwentang ningas lang yan, pero pwedeng pagsimulan ng isang napakalaking forest fire. Parang COVID-19 lang yan, napakaliit nung virus, pero nakapagdulot ng global pandemic. Ganyan dapat yung pananaw natin sa mga kung anu-anong sinasabing "promises" sa mga ganito-ganyang debosyon. Oo, debosyon lang yan, maliit na bagay lang yan, pero kapag taimtim mong dinasal, unti-unti kang nilalapit sa Diyos, pinatitibay yung pananampalataya mo, at humahantong sa mga patung-patong na biyaya mula sa langit.

Anong masasabi mo sa mga Katolikong ayaw magrosaryo?

Ang masasabi ko, "Bakit ayaw nyo? Anong meron?" Mahirap unawain kung bakit may mga bagay na maganda para sa iyo pero para sa iba hindi. Yun lang siguro ang masasabi ko sa kanila, ang tanungin sila kung bakit. Anong meron sa buhay-espirituwal mo na hindi pwedeng magkaroon ng lugar ang Santo Rosaryo? May kakaiba ba sa pag-iisip mo? Nahihirapan ka bang magnilay? Hindi ka ba sanay sa matagal na pagdarasal? Magkakaproblema lang naman tayo kung kaya ka di nagrorosaryo ay dahil sa impluwensya ng mga anti-Katoliko. Pero bukas ako sa posibilidad na meron talagang mga Katoliko na may naiibang espirituwalidad, may naiibang relasyon sa Diyos at sa Mahal na Birhen, may naiibang pamamaraan ng debosyon at pananalangin. Ang mahalaga diyan ay yung respeto natin sa isa't isa. Wala namang obligasyon na magrosaryo tayo. Kahit ang Mahal na Birhen, sa mga Aparisyon niya, ang pagkaka-alam ko, hindi niya tayo inuutusang magrosaryo, bagkus, nakikiusap siya sa atin, na baka naman, kung pwede lang naman, kung hindi nakaka-abala sa iyo, pwede bang magrosaryo ka? Sino namang Katoliko na may matigas na puso ang hindi mahihimok sa pakikiusap ng nanay natin sa langit, hindi ba? Maliban na lang talaga, kung may mabigat at makatuwirang dahilan kung bakit hindi sila pwedeng magrosaryo. Kapag ganun naman ang sitwasyon, walang problema dun.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF