PINIPINTUHO, HINDI SINASAMBA
Ang mga Santo/Santa ba'y iginagalang at minamahal natin nang higit sa Diyos? Hindi. Malaki ang paggalang at pagmamahal natin sa kanila, subalit ang Diyos lamang ang lubos nating iginagalang at minamahal. Pinipintuho natin ang mga Santo/Santa (dulia, veneration), habang ang Diyos lamang ang ating sinasamba (latria, adoration). Pinipintuho natin sila alalaong-baga'y ginugunita, pinararangalan, tinutularan, at dinadalanginan alinsunod sa mga pamamaraan ng pamimintuho na itinatakda o pinahihintulutan ng Simbahan (ang debosyon natin sa kanila'y laging nasa ilalim ng gabay ng Simbahan, hindi ng sariling mga sentimyento lamang), alang-alang sa Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat ng kabanalan at karangalang tinataglay nila. Sa gayon, higit na nabibigyang-karangalan ang Diyos: "Sa pamamagitan nila'y ipinakilala ng Panginoon ang kanyang kadakilaan, At ipinamalas ang kanyang kapangyarihan sa mula't mula pa." (Ecclesiastico 44: 2) Kung iisipin, hindi ba't parang binabastos mo na rin ang Diyos kung sa halip na pintuhuin ay binabalewala mo pa ang mga taong pinabanal niya at binigyan niya ng karangalan? Ang isang anti-Katolikong Cristianong nagsasabing "sinasamba" daw niya ang Diyos subalit sadya namang tumatangging mamintuho sa mga Santo/Santa ay mapagpaimbabaw.
Pinipintuho natin ➊ ang mga banal na anghel, at ➋ ang mga kaluluwa ng mga banal na yumao (Hebreo 12: 22-24; Pahayag 7: 9-17), lalung-lalo na silang mga nakapukaw sa pananampalataya ng marami at naging kasangkapan ng Diyos sa pagkakaloob ng mga pagpapala, anupa't pormal silang kinikilala ng Simbahan (sa mga proseso ng beatification at canonization).1 ➌ Ang Mahal na Birheng Maria ay pinag-uukulan natin ng pinaka-mataas na pamimintuho ("hyperdulia") sapagkat siya ang Ina ng Diyos (Lucas 1: 43),2 at kasunod naman niya sa karangalan (protodulia) ang kanyang kalinis-linisang esposong ➍ si San Jose, na "itinuring-na-ama" ng Panginoon (Lucas 2: 48; 3: 23).3
Ginagawa natin ito bilang pakikibahagi sa Kaisahan ng mga Banal kaisahang ang Panginoong Jesu-Cristo ang nagsakatuparan, sa bisa ng kapangyarihan ng Espiritu Santo:
". . . tayong lahat . . . ay bininyagan sa iisang Espiritu upang bumuo ng iisang katawan, at tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu . . . Ngayon inilagay ng Diyos ang mga bahagi ng katawan, ang bawat isa ayon sa minabuti niya . . . Hindi masasabi ng mata sa kamay: 'Hindi kita kailangan.' O kaya ng ulo sa mga paa: 'Hindi ko kayo kailangan' . . . Kung ang isang bahagi ay naghihirap, ang lahat ng bahagi ay naghihirap na kasama niya, at kung ang isang bahagi ay pinararangalan, ang lahat ng bahagi ay nagagalak na kasama niya." (1 Corinto 12: 13, 18, 21, 26)
Ang mga banal na taong nasa daigdig pa ("Simbahang Naglalakbay"), ang mga banal na kaluluwang nililinis pa sa Purgatoryo ("Simbahang Nagdurusa"), at ang mga Santo/Santa na nasa Langit na ("Simbahang Nagtagumpay") ay bumubuo sa iisang Katawan ni Cristo. Kaya naman, ang pangangailangan ng isa ay pangangailangan din ng lahat maaari nating idalangin sa mga Santo/Santa na nasa Langit ang ating mga "paghihirap" upang sa pamamagitan ng kanilang pananalangin para sa atin, tayo naman ay nababahaginan ng kanilang "kagalakan" sa Langit. Ang mga problema natin ay problema din nila, at nagkakaisa tayong lahat sa paghingi ng saklolo sa Diyos para sa ikalulutas ng mga ito.
Bakit pa kailangang hilingin sa mga Santo/Santa na ipanalangin nila tayo, sa halip na "dumeretso" na lang sa Diyos? Ito'y sapagkat IKINALULUGOD NG DIYOS sa tuwing ipanapanalangin natin ang isa't-isa:
"Una sa lahat, ipinakikiusap kong paabutin ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan, panalangin, pamanhik, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Gayon din ang gawin ninyo para sa mga hari at mga maykapangyarihan upang makapamuhay tayo nang tahimik at payapa, marangal at may kabanalan. Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas na ang ibig ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan." (1 Timoteo 2: 1-4)
Kaya nga, walang masama bagkus ay napakabuti pa nga na ipanalangin natin ang ibang tao, at lalong walang masama na hilingin natin sa iba na ipanalangin naman nila tayo (Mateo 5: 44; Santiago 5: 16; 1 Timoteo 2: 1-4; Roma 15: 30; Efeso 6: 19; Colosas 4: 3-4; atbp). Mas maraming nagpapasalamat sa Diyos kung marami tayong nananalangin sa kanya:
"Kami'y iniligtas niya noon sa tiyak na kamatayan at patuloy na inililigtas, at umaasang patuloy na ililigtas sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa kanya dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami." (2 Corinto 1: 10-11)
Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid (Santiago 5: 16), kaya't sa ating pagdalangin sa Diyos, inaanyayahan natin ang mga Santo/Santa na manalanging kasama natin, upang lalong mabigyang-lugod ang Diyos at ipagkaloob niya ang mas lalong ikabubuti natin, alinsunod sa kapasyahan ng Santo/Santang nilapitan natin. Sa mga anti-Katolikong sadyang matigas ang ulo hinggil sa bagay na ito, marapat lang na ibalik sa kanila ang kanilang pagrereklamo: Bakit pa hihingi ng tulong sa mga doktor, pulis, bumbero, atbp., sa halip na "dumiretso" sa Diyos? hindi dahil pinapalitan nila ang Diyos o sinasamba sila gaya ng Diyos, bagkus kalooban ng Diyos na biyayaan tayo sa pamamagitan nila.
"Ama, lingapin mo ang iyong Simbahang laganap sa buong daigdig. Puspusin mo kami sa pag-ibig kaisa ni N. na aming Papa, at ni N. na aming Obispo at ng tanang kaparian. Alalahanin mo rin ang mga kapatid naming nahimlay nang may pag-asang sila'y muling mabubuhay gayun din ang lahat ng mga pumanaw. Kaawaan mo sila at patuluyin sa iyong kaliwanagan. Kaawaan mo at pagindapatin kaming lahat na makasalo sa iyong buhay na walang wakas. Kaisa ng Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos, kaisa ng mga apostol at ng lahat ng mga banal na namuhay dito sa daigdig nang kalugud-lugod sa iyo, maipagdiwang nawa namin ang pagpupuri sa ikararangal mo sa pamamagitan ng iyong Anak na aming Panginoong Jesu-Cristo . . . . Sa pamamagitan ni Cristo, kasama niya at sa kanya ang lahat ng parangal at papuri ay sa iyo, Diyos Amang makapangyarihan, kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen." |
WARI'Y PAGSAMBA, SUBALIT DI SINASAMBA
Ang mga pagkilos na karaniwang nagpapahiwatig ng pagsamba sa Diyos (gaya ng pagyuko, pagluhod, pagpapatirapa, pag-aalay) ay maaari ding gawin bilang tanda ng paggalang sa mga Santo/Santa. Sa Biblia, NAPAKARAMING HALIMBAWA ng mga pagyuko, pagluhod, pagpapatirapa, at paghahandog na isinagawa bilang paggalang sa mga banal na tao, mga propeta, mga hari, at mga anghel (Genesis 18: 2, 19: 1, 37: 9, 49: 8; Exodo 18: 7; 2 Samuel 1: 2, 9: 6, 8, 14: 4, 22, 33, 19: 8, 14: 20; 1 Hari 1: 16, 19, 23, 31, 18: 7; 2 Hari 1: 13; 1 Cronica 21: 21, 29: 20; Daniel 2: 46-48, 8: 15-18; Ruth 2: 10). Nagiging masama lamang ang mga ito sa tuwing isinasagawa na may intensyong sumamba (Gawa 10: 25-26, 14: 8-18; Pahayag 19: 10, 22: 8-9). HINDI SINAWAY nina Apostol San Pablo at Silas ang bantay-bilangguan na nagpatirapa sa kanila, sapagkat iyon ay pamimintuho lamang (Gawa 16: 29). HINDI SINAWAY ng mga anghel ang mga babaeng nagpatirapa sa kanila ("lumuhod, sayad ang mukha sa lupa") dahil iyon ay pamimintuho lamang (Lucas 24: 4-5). Natatalastas ang pagkakaiba batay sa layunin at konteksto ng pagkilos.
Hindi tama na hahatulan natin ang isang pagkilos batay lang sa panlabas at sa ating mga personal na saloobin sa mga ito. Sa kabilang banda, nagsisilbi itong paalaala sa atin na hindi porke't ang Diyos ay iyong dinadasalan, niluluhuran, niyuyukuan, pinagpapatirapaan, atbp. ay maituturing ka nang talagang "sumasamba" sa kanya. Sa ganang atin, ang pagsamba sa Diyos ay ang ➊ pag-aalay sa kanya ng pinaka-mahalagang handog na maaaring maihandog ng tao ang Katawan at Dugo ng Panginoong Jesus sa Banal na Sakripisyo ng Misa, at ang ➋ lubos na pananalig, pagtitiwala, at pagmamahal sa kanya.
SUMASALAHAT-NG-DAKO AT MAY-PANLAHATANG-KAALAMAN
Iginigiit naman ng ilang mga anti-Katoliko na sa tuwing dinadalanginan ang mga Santo/Santa, sila daw ay naituturing na mga diyos at diyosa, sapagkat kakailanganin daw maging sumasalahat-ng-dako (omnipresent) para marinig ang mga panalangin sa lahat ng panig ng mundo, at maging may-panlahatang-kaalaman (omniscient) para marinig at maunawaan ang lahat ng mga panalangin sa iba't ibang wika, na dinarasal nang sabay-sabay at kung minsa'y nang pabulong o sa isip lamang. Subalit gayon nga ba talaga ang kaso? Kailangan mo nga ba talagang maging isang diyos o diyosa para maisakatuparan ang mga ito? May ilang mga bagay na dapat linawin:
- Ang lahat ng mga Katolikong nagpapasaklolo sa isang Santo/Santa ay hindi bumubuo sa pangkalahatang-sangnilikhang umiiral, at ang lahat ng mga panalangin ng mga ito ay hindi bumubuo sa pangkalahatang impormasyong maaaring malaman at maunawaan, kaya naman, ang makarinig at makaunawa ng mga panalangin ng lahat ng mga Katoliko sa buong daigdig ay hindi maituturing na katumbas din ng pagiging sumasalahat-ng-dako at may-panlahatang-kaalaman. Nahahayag, kung gayon, ang mali at napaka-babaw na pagka-unawa ng mga anti-Katoliko sa kahulugan ng mga salitang ito, pati ang kanilang napaka-malisyosong pag-iisip na ipinagpipilitang pagmukhaing masama ang isang bagay na hindi naman masama, upang may maikatuwiran na lang sa kanilang patuloy na paninira sa Simbahang Katolika.
- Sa mismong panalanging Ama Namin, idinudulog ng isang tao sa Diyos ang pangangailangan ng lahat ng tao: "Bigyan mo kami ng aming kakanin . . . Patawarin mo kami sa aming mga sala . . . Huwag mo kaming ipahintulot sa tukso . . . Iadya mo kami sa lahat ng masama". Nangangahulugan ba ito na sinumang mananalangin ng Ama Namin ay isang taong sumasalahat-ng-dako at may-panlahatang-kaalaman? Nangangahulugan ba ito na siya'y isang diyos o diyosa? Kung maaari itong gawin ng isang tao dito sa daigdig, hindi ba ito maaaring gawin ng isang banal na tao na nasa langit na? At kung maaari nga, paano ka makikinabang sa bisa ng panalangin niya, malibang ipahayag mo sa harap ng Diyos ang pakikiisa mo sa taong iyon, sa pamamagitan ng pananalangin?
- "Magaling, mabuti at tapat na utusan. Yayamang naging tapat ka sa kakaunting bagay, ipagkakatiwala ko sa iyo ang marami; pumasok ka sa kasayahan ng iyong panginoon" (Mateo 25: 21) Naririnig at nauunawaan ng mga Santo/Santa sa Langit ang lahat ng mga panalanging inilalapit sa kanila, hindi sa bisa ng pagiging mga diyos at diyosang sumasalahat-ng-dako at may-panlahatang-kaalaman, kundi sa bisa ng pagiging mga utusan ng Panginoon na pinagkatiwalaan niya ng maraming bagay.
- Bagama't maituturing na isang "mahimalang kakayahan" ang makarinig at makaunawa ng mga panalangin, hindi ito nangangahulugan na ang mga Santo/Santa ay kinikilala nang mga mapaghimalang diyos at diyosa. Ang kanilang mahimalang kakayahan ay dahil sa bisa ng kanilang pananampalataya at sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesus: "Tunay na tunay kong sinasabi sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko, at mahigit pa, sapagkat ako ay pasasa Ama. Lahat ng hingin ninyo sa pangalan ko ay aking gagawin, upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. Ang iyong hingin sa akin sa pangalan ko ay aking gagawin." (Juan 14: 12-14)
NAKAPAGLILIGTAS
"Ngayon ay nagagalak ako sa aking mga tinitiis dahil sa inyo, at pinupunan sa aking laman ang mga kulang sa mga paghihirap ni Cristo na patungkol sa kanyang katawan na dili iba't ang iglesya" (Colosas 1: 24) Sa katunaya'y wala naman talagang "kulang" sa mga paghihirap ng Panginoong Jesus (Hebreo 10: 10). Ang tinutukoy dito ni San Pablo, sa pamamaraang matalinghaga, ay ang pakikibahagi niya sa gawaing mapanligtas ni Jesus. Mahalaga sa ating kaligtasan ang pamimintuho sa mga Santo/Santa, hindi dahil sa pinapalitan nila ang pagiging Tagapagligtas ng Panginoong Jesus, kundi dahil nakikibahagi rin sila sa gawaing mapanligtas ni Jesus.4 Ang pananalangin natin para sa isa't isa ay maaaring kasangkutan ng mga kahilingang may kinalaman sa kaligtasan: para sa kapatawaran ng mga kasalanan (Mateo 6: 12; 1 Juan 5: 16), para maipag-adya sa mga tukso at kasamaan (Mateo 6: 13), para sa ikapapaging-ganap ng kabanalan at kalinisan ng buong pagkatao (1 Tesalonica 5: 23), at para sa pagtatamo ng karunungang humahantong sa higit na pagkakilala sa Diyos (Efeso 1: 17). Hindi ba kailangan sa kaligtasan ang mga bagay na ito? Hindi maaaring sabihin ninuman na hindi niya kailangan ang mga Santo/Santa para sa kanyang kaligtasan (1 Corinto 13: 18-21).
"Ang ilang nag-aalinlangan ay palakasin ang loob: ang iba naman ay iligtas at hanguin sa apoy..."
JUDAS 1: 22 |
KASUKLAM-SUKLAM SA PANGINOON
"Hindi dapat makasumpong sa inyo . . . ng manghuhula, manghuhula sa mga ulap, salamangkero, mahiko, ni ng mangkukulam, sumasangguni sa mga multo o espiritu, tumatawag sa mga patay. Ang sino mang gumawa ng mga bagay na iyan ay kasuklam-suklam sa Panginoon" (Deuteronomio 18: 10-12). Ang Pamimintuho ba sa mga Santo/Santa ay "pagsangguni sa mga multo o espiritu" o "pagtawag sa mga patay"? Hindi:
- May mga pamamaraan bang isinasagawa ang Simbahan upang ang mga Santo/Santa ay masangguni natin na sila'y ating makausap, matanong, at mahingan ng payo? WALA. Walang ibang pamamaraan ng paglapit sa kanila liban sa panalangin.
- Itinuturo ba ng Simbahan na lumapit tayo sa mga "multo" alalaong-baga'y mga espiritung namamalagi sa isang lugar (sa kanilang libingan o pinagkamatayan) o gumagala sa daigdig? HINDI. Ang Jerusalem na makalangit na ating "nilalapitan" ay lungsod ng mga banal, hindi ng mga multo: "Ang nilapitan ninyo'y ang Bundok ng Sion at ang lunsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos . . ." (Hebreo 12: 22-23)
Ang kinasusuklaman ng Diyos na "sumasangguni sa mga multo o espiritu, tumatawag sa mga patay" ay tumutukoy sa mga paggawing pagano: "dahil sa mga kasuklam-suklam na iyan kung kaya pinalalayas ng Panginoon mong Diyos ang mga bansang iyan sa harap mo" (t. 12). Ang tanong: pamimintuho ba sa mga Santo/Santa ang ginagawa ng mga paganong kinasusuklaman ng Diyos? HINDI. Wala ngang katuturan na ihalintulad ang Pamimintuho sa mga Santo/Santa sa "pagtatawag sa mga patay" sapagkat walang anumang pagkakatulad ang dalawa. (Basahin din: Espiritismo ba ang pananalangin sa mga Santo?)
Kakitiran na lamang ng pag-iisip kung ipagpipilitang ang lahat ng uri ng "pagkausap" at "paglapit" sa mga patay ay tumutukoy lamang sa pagsangguni at pagtatawag ng mga multo/espiritu na binabanggit sa Biblia. Bilang isang magandang halimbawa, hindi ba't karaniwan nang "kinakausap" ng mga nagluluksa ang mga yumao nilang mahal sa buhay, gaya ng ginawa ni Haring David kina Jonatan at Absalom (tingnan sa: 2 Samuel 1: 26; 18: 33; 19: 4)? "Pagtawag sa patay" ba ang kanilang ginawa? "Sumangguni" ba sila "sa mga multo at espiritu" nang dahil doon?
SAAN MAKIKITA SA BIBLIA
Dapat ba silang gunitain, purihin, at igalang?
- Ang mabuting may-bahay ay pararangalan ng buong bayan (Kawikaan 31: 30-31)
- Ang Mahal na Birheng Maria ay aalalahanin at pupurihin ng lahat ng salinlahi (Lucas 1: 48-49) katangi-tangi ang Mahal na Birhen, sapagkat siya'y may katawan at kaluluwang nabubuhay sa piling ng Diyos sa Langit.
- Ang mga banal na tao noong unang panahon ay pupurihin ng lahat ng salinlahi (Sirac 44: 1-2, 13-15)
- Ang babaeng nagbuhos ng pabango kay Jesus ay aalalahanin sa tuwing ipangangaral ang Ebanghelyo (Mateo 26: 13)
- Purihin ang mga anghel na naglilingkod sa Diyos (Tobias 11: 14)
- Igalang ang mga anghel ng Diyos (Exodo 23: 20-22; 1 Corinto 11: 10; Hebreo 13: 1-2)
- Ginagantimpalaan ng Diyos ang tumatanggap sa mga propeta at sa mga mabubuting tao (Mateo 10: 41-42)
Dapat ba silang tularan?
- Tularan ang mga taong nagtitiis at nananalig sa Diyos (Hebreo 6: 12)
- Tularan ang mga banal na babae noong unang panahon (1 Pedro 3: 4-6)
- Alalahanin ang mga banal na pinuno ng Simbahan na yumao na; tularan sila (Hebreo 13: 7)
- Tularan ang halimbawa ni arkanghel Miguel (Judas 1: 8-9)
Maaari ba nila tayong ipanalangin?
- Idalangin ang isa't-isa; mabisa ang panalangin ng taong matuwid (Santiago 5: 16-17; Job 42: 7-9; Genesis 20)
- Nang basbasan ni Israel ang mga anak ni Jose, ganito ang nilalaman ng kanyang panalangin: "Ang anghel na nagligtas sa akin sa madlang kasamaan, ay siya nawang magpala sa mga batang ito" (Genesis 48: 16)
- Paanyaya sa mga anghel ng Diyos at sa mga espiritu ng mga matutuwid na magpuri sa Diyos (Daniel 3: 58, 86)
- Ang mga anghel ang nagdadala ng ating mga panalangin sa Diyos (Tobias 12: 12, 15; Mateo 18: 10)
- Ipinapanalangin tayo ng mga banal na saserdote at propeta na yumao na (2 Macabeo 15: 12-16)
- Ipinapanalangin tayo ng mga anghel at ng dalawampu't apat na mga pinuno ng iglesya na nasa Langit (Pahayag 5: 8)
- Kaisa natin ang mga anghel at mga espiritu ng mga taong banal na nasa Langit (Hebreo 12: 22-23)
Mali bang tawagin silang "Santo"/"Santa"?
- "Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming bangkay ng nangamatay na banal" (Mateo 27: 52)
- ". . . lahat ng iglesya ng mga banal" (1 Corinto 14: 34)
- "Hindi na kayo mga taga-ibang lupa at mga dayuhan, kundi mga kababayan ng mga banal at mga kasambahay ng Diyos" (Efeso 2: 19)
- "Dumating na ang Panginoon na kasama ang kanyang libu-libong mga banal" (Judas 1: 14)
- ". . . sa banal niyang mga apostol at propeta" (Efeso 3: 5)
- "mga banal na propeta" (2 Pedro 3: 2)
- "O langit, magalak ka ng dahil sa kanya, O mga banal, mga apostol at mga propeta" (Pahayag 18: 20)
- ". . . mga banal na babae" (1 Pedro 3: 5)
- Ayon sa librong "The Essential Catholic Handbook" (Missouri: Liguori Publications, 1997.):
BEATIFICATION A declaration by the pope that a deceased person lived a holy life and is now in heaven and is worthy of public veneration on a limited (not universal) basis in the Church. This act usually follows upon a process by which the life, virtue, reputation for holiness, ministry, and writings of the person are intensely scrutinized by the Congregation for the Causes of Saints in Rome. Those who are beatified are called "blessed". (p. 143).
CANONIZATION The declaration by the pope that a person is a saint, is now in heaven, and is worthy of veneration by all the faithful. This declaration is usually preceded by the process of beatification and by a detailed examination of the person's life and writings; two miracles ascribed to his or her intercession must ordinarily be authenticated by the Church before the declaration is made. (p. 152). [BUMALIK] - Ayon sa Second Vatican Council (Lumen Gentium, 66):
"Placed by the grace of God, as God's Mother, next to her Son, and exalted above all angels and men, Mary intervened in the mysteries of Christ and is justly honored by a special cult in the Church . . . This cult, as it always existed, although it is altogether singular, differs essentially from the cult of adoration which is offered to the Incarnate Word, as well to the Father and the Holy Spirit, and it is most favorable to it." [BUMALIK]
- Ayon kay Pope Leo XIII (Quamquam Pluries, 3):
"The special motives for which St. Joseph has been proclaimed Patron of the Church, and from which the Church looks for singular benefit from his patronage and protection, are that Joseph was the spouse of Mary and that he was reputed the Father of Jesus Christ. From these sources have sprung his dignity, his holiness, his glory. In truth, the dignity of the Mother of God is so lofty that naught created can rank above it. But as Joseph has been united to the Blessed Virgin by the ties of marriage, it may not be doubted that he approached nearer than any to the eminent dignity by which the Mother of God surpasses so nobly all created natures. For marriage is the most intimate of all unions which from its essence imparts a community of gifts between those that by it are joined together. Thus in giving Joseph the Blessed Virgin as spouse, God appointed him to be not only her life's companion, the witness of her maidenhood, the protector of her honor, but also, by virtue of the conjugal tie, a participator in her sublime dignity." [BUMALIK]
- Ayon sa Second Vatican Council (Lumen Gentium, 50):
"Nor is it by the title of example only that we cherish the memory of those in heaven, but still more in order that the union of the whole Church may be strengthened in the Spirit by the practice of fraternal charity.
(Cf Eph 4, 1-6.)
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF