"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Lunes, Mayo 20, 2024

Maria: Ina ng Diyos, Ina ng Simbahan

REPOSTED: 9:32 PM 5/20/2024

 

INA NG DIYOS

Sa ating pagtawag sa Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos (sa Griyego ay Theotokos na ang kahulugan ay "babaeng-nagsilang-sa-Diyos" — "God-bearer" sa literal na Ingles), HINDI ito nangangahulugan na ipinakikilala rin natin siya bilang:

  • isang Diyosa na nauna pang umiral sa Diyos,
  • isa pang Persona ng Diyos — alalaong-baga'y "Diyos Ina" — kasama ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ("Kwatronidad"),
  • ina, hindi lamang ni Jesus, kundi ng buong Santisima Trinidad (Ama, Anak, at Espiritu Santo).

Bagkus, ang naturang taguri ay nangangahulugan na —

"Ibinibigay ni Maria kay Jesus ang anumang ibinibigay ng ina sa sarili niyang sanggol. Sa pamamagitan niya, si Jesus ay taong totoo. Ang Anak ni Maria at ang Anak ng Diyos ay iisa at parehong persona, Emmanuel . . . . Ipinagkaisa ng Walang-hanggang Anak ng Diyos sa kanyang persona ang sanggol na ipinaglihi ni Maria sa kanyang sinapupunan sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang sanggol na iniluwal ni Maria ay Diyos-tao, si Jesus. Kung kaya't walang pag-aatubili ang mga banal na Ama ng Simbahan na tawaging 'Ina ng Diyos' (Theotokos, 'tagapagdala-ng-Diyos') ang Mahal na Birhen." [KPK 520]

Ito'y isang napaka-liwanag na kahulugang imposibleng ikalito ng isang tunay na Katolikong Cristiano, lalo pa't tahasan namang ipinahahayag sa mismong Kredo ng mga Apostol (na dinarasal sa lingguhang Misa at sa tuwing nagdarasal ng Santo Rosaryo) kung sino ba talaga ang Panginoong Jesu-Cristo, at kung paano nga ba siya nagkaroon ng kaugnayan sa Mahal na Birheng Maria: "Sumasampalataya ako kay Jesu-Cristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo. Ipinanganak ni Santa Mariang Birhen."

Ang pagpaparangal sa Mahal na Birhen bilang "Ina ng Diyos" ay isang matandang tradisyon na makikita sa mga katuruan ng mga Ama ng Simbahan — Ignatius (110 A.D.), Hippolytus (217 A.D.), Gregory Thaumaturgus (262 A.D.), Peter of Alexandria (305 A.D.), Methodius (305 A.D.), Alexander of Alexandria (324 A.D.), Athanasius (365 A.D.), Epiphanius (374 A.D.), Ambrose (377 A.D.), Gregory Nazianzus (382 A.D.). Hindi rin ito katangi-tangi sa Simbahang Katolika — kaisa niya rito ang mga Simbahang Ortodoksa, mga Protestanteng Luterano at Anglikano, at Iglesia Filipina Independiente.

HINDI layunin ng naturang taguri na sambahin ang Mahal na Birhen, parangalan siya nang higit sa nararapat, o gawin siyang kapalit sa mga diyosa ng paganismo (upang mahikayat ang mga pagano na umanib sa Simbahan). Bagkus, isa itong mahalagang pamamaraan ng pagpapahayag ng Simbahan sa kanyang pananampalataya hinggil sa Panginoong Jesus: hinggil sa kanyang pagiging tunay na Diyos at tunay na Tao. Ang taguring "Ina ng Diyos," bagama't iginagawad sa Mahal na Birheng Maria, ay hindi talaga tungkol sa kanya, kundi sa Panginoong Jesu-Cristong Anak niya.

"The Virgin Mary, being obedient to his word, received from an angel the glad tidings that she would bear God."

IRENAEUS (189 A.D.)
Against Heresies

KAISAHANG HIPOSTATIKO

Sa Panginoong Jesu-Cristo ➊ ang pagka-Diyos (Divine nature) at ang pagka-tao (human nature) ay nagkakaisa sa iisang persona (hypostasis), ➋ sa paraang ang pagkakaiba (distinctiveness) ng pagka-Diyos at pagka-tao ay hindi nawala, ➌ bagkus ang lahat ng mga katangian ng pagka-Diyos ay nananatili (kumpleto ang pagka-Diyos), at ang lahat ng mga katangian ng pagka-tao ay nananatili (kumpleto ang pagka-tao). Ito ang hiwaga ng kaisahang hipostatiko (hypostatic union), na buong ingat na ipinaliwanag at pinagtibay sa mga Konsilyo Ekumeniko ng Ephesus (431 A.D.), Chalcedon (451 A.D.), Constantinople II (553 A.D.), at Constantinople III (680 A.D.). Nangangahulugan ito na:

  • Ang Panginoong Jesu-Cristo ay maaaring tawaging Diyos/Anak-ng-Diyos, sapagkat taglay niya ang kalikasan ng pagka-Diyos.
  • Maaari din siyang tawaging Tao/Anak-ng-Tao, sapagkat taglay niya ang kalikasan ng pagka-tao.
  • Sa kanyang pagiging tao, ang lahat ng kanyang mga pagkilos, katangian, at karanasang pang-tao — may katawan at kaluluwa, pinangalanang "Jesus," ipinaglihi, isinilang, pinasuso, inaruga, naging masunuring anak kina Jose at Maria, natulog, napagod, nauhaw, nagutom, nakita, narinig, nahipo, naamoy, umunlad sa kaalaman, nagtrabaho bilang karpintero, walang alam sa kung kailan magaganap ang Huling Paghuhukom, tumangis, sinampal, sinuntok, dinuraan, pinutungan ng koronang tinik, nagpasan ng sariling krus, nadapa, ipinako sa krus, sinibat sa tagiliran, namatay, inilibing, muling nabuhay, umakyat sa Langit, atbp. — ay maipatutungkol sa kanyang iisang Persona: ang Anak.
  • Sapagkat ang Diyos Anak ay Diyos, na taglay ang kalikasan ng pagka-Diyos, at sa kanya maipatutungkol ang mga pagkilos, katangian, at karanasang pang-tao nang siya'y magkatawang-tao, maaari din namang sabihin na ang Diyos ay ipinaglihi, isinilang, pinasuso, inaruga, atbp. Maaaring sabihin na ang babaeng naglihi, nagsilang, nagpasuso, at nag-aruga sa kanya, bagama't tao lang, ay tunay na naging ina ng Diyos.

Sa Biblia, sinasabing ang Anak mismo ang "sinugo ng Diyos," "ipinanganak ng babae," "tumalima," "nagtiis" (Galacia 4: 4-5; Hebreo 5: 8-9). Ang "may gawa ng buhay" (Gawa 3: 15) — alalaong-baga'y ang Salitang-Diyos (Juan 1: 1-5) — ang ipinako at namatay sa krus. Walang dalawang persona na umiiral sa Panginoong Jesus, bagkus "iisa ang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya'y nangyayari ang lahat at sa kaparaanan niya tayo nabubuhay" (1 Corinto 8: 6). Malinaw nga na mayroon lamang iisang Personang tinutukoy, at Siya ang ipinaglihi at isinilang ni Maria. At dahil ang Personang ito ay Diyos (ang Salitang-Diyos — Juan 1: 1-5), si Maria ay naglihi at nagsilang — alalaong-baga'y "ina" — ng Diyos. Isa itong nakamamanghang hiwaga, anupa't naibulalas ni Elisabet kay Maria: "Pinagpala ka sa mga babae at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan. At bakit ipinagkaloob sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay magsadya sa akin?" (Lucas 1: 42-43).

Dahil sa kaisahang hipostatiko ni Cristo kaya nararapat tawaging "Ina ng Diyos" si Maria, anupa't ang pagtanggi na tawagin siyang "Ina ng Diyos" ay nagiging katumbas din ng pagtanggi sa kaisahang hipostatiko, at sa gayo'y katumbas din ng maling pagkakakilala sa Panginoong Jesu-Cristo.

 

INA NG SIMBAHAN

Sinabi ng Panginoong Jesus: "Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang siya kong ina at mga kapatid." (Mateo 12: 50). Kung tayong mga Cristiano ay nagiging kapatid ng Panginoong Jesus dahil sa ating pagsunod sa kalooban ng Amang nasa langit, anupa't tayo'y nagiging marapat tawaging mga "anak ng Diyos" (1 Juan 3: 1), ang isang Cristiano ay maaari ding maging ina ng Panginoong Jesus at sa gayo'y marapat tawaging "ina ng Diyos" dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Amang nasa langit — na siya namang maliwanag na natupad ni Maria.

Sa Ebanghelyo ni Juan, si Maria ang hinirang na ina ng "minamahal na alagad," at siya'y tinanggap sa "tahanan" ng naturang alagad (Juan 19: 25-27). Sa Aklat ng Pahayag, ang babaeng nagsilang sa lalaking "maghahari sa lahat ng mga bansa" ay siya ring ina ng mga "tumutupad ng mga utos ng Diyos at nagtataglay ng patotoo kay Jesus" (Pahayag 12). Maliwanag ang implikasyon: ang babaeng minarapat maging INA NG DIYOS nang dahil sa kanyang pananampalataya, ay siya ring babaeng minarapat maging INA NG SIMBAHAN — ang INA sa "tahanan" ng bawat "minamahal na alagad", ang INA ng sambayanang "tumutupad sa mga utos ng Diyos at nagtataglay ng patotoo kay Jesus." Napakalaki ng naitutulong ng kanyang mga panalangin, sapagkat sa Ebanghelyo ni San Juan, siya rin ang babaeng ang mga kahilinga'y di matatangihan ni Jesus kahit hindi pa niya "oras", hangga't silang nagpapasaklolo sa kanya ay ➊ tumatalima sa tagubilin ni Maria: "Gawin ninyo ang ano mang sabihin niya sa inyo," ➋ at ang hinihiling na biyaya'y maghahayag ng "kaluwalhatian" ni Jesus, at lalong magpapatibay sa pananampalataya ng kanyang mga alagad. (Juan 2: 1-12).

"Knowledge of the true Catholic doctrine regarding the Blessed Virgin Mary will always be a key to the exact understanding of the mystery of Christ and of the Church."

POPE PAUL VI
Redemptoris Mater, 47


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF