"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Totoo ba ang Purgatoryo?

 

LETRA POR LETRA

Ang salitang "Purgatoryo" ay hango sa salitang Pranses na purgatoire na hango naman sa salitang Latin na purgare na ang ibig sabihin ay "pagdadalisay" o "paglilinis". Bagamat wala sa Biblia ang mismong salitang "Purgatoryo", ang doktrina naman nito'y nasa Biblia. At bagamat hindi tahasan ang pagtuturo ng Biblia tungkol sa Purgatoryo, ito nama'y maliwanag na naituro sa Simbahan sa pamamagitan ng Tradisyon. Unti-unting nilinang ng Simbahan ang doktrina ng Purgatoryo sa mga Konsilyo ng Lyons II (1274),1 Florence (1439-45), at Trent (1545-63), at mga ilang daang taon din bago ang mga konsilyong ito, ang Purgatoryo ay itinuturo na ng mga Church Fathers katulad nina Clement of Alexandria (202 A.D.), Tertullian (210 A.D.), Origen (244 A.D.),2 St. Cyprian of Carthage (251 A.D.), St. Augustine (395 A.D.), St. John Chrysostom (404 AD), at Pope St. Gregory the Great (593 A.D.). Walang katuturan na sabihing "inimbento" lang ang doktrina ng Purgatoryo dahil lang sa ang salitang "Purgatoryo" ay wala sa Biblia. Ang mga hayop sa Halamanan ng Eden ay umiiral na bago pa man sila pinangalanan ni Adan; hindi sila "inimbento" ni Adan (Genesis 2: 18-20). Ang mga salitang "Biblia" at "Cristianismo" ay wala sa Biblia — nangangahulugan ba na "imbento" lang ang Biblia at Cristianismo? Wala rin sa mga pinagbatayang sulat-kamay (manuscripts) ng Biblia ang mga pamilang ng kabanata at taludtod, subalit bakit walang tumutuligsa sa mga ito?3 Ang Purgatoryo ay isang sinaunang doktrinang matatalunton mismo sa Judaismo (tingnan sa: "1906 Jewish Encyclopedia"), sa mga kasulatan ng Bagong Tipan, at sa Tradisyon ng mga Apostol, at pormal lamang itong pinangalanang "Purgatoryo" ng Simbahang Katolika kalaunan.

 

ANO BA TALAGA ANG PURGATORYO?

Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko:

Nakabatay ang doktrina ng Simbahan sa Purgatoryo na "isang kalagayan ng pangkatapusang paglilinis," higit sa lahat, sa matandang kaugalian ng pag-aalay ng panalangin para sa mga yumao. Isinasagawa ito upang dalisayin sila at tanggapin sa langit. May sinasabi ang Banal na Kasulatan hinggil sa mga nabanggit na panalangin para sa mga yumao: "Ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin" (2 Macabeo 12: 45). Gayundin, hinggil sa apoy na nakapagpapadalisay, nasasaad sa Kasulatan: "maliligtas siya, lamang ay parang nagdaan sa apoy" (1 Cor 3: 15. Tingnan 1 Pedro 1: 7). Parehong pinahihinahon at pinalalakas ng doktrinang ito tungkol sa Purgatoryo ang turong ipinahayag ng mga Konsilyo ng Simbahan tungkol sa partikular na paghuhukom. Pinahihinahon ito sa pamamagitan ng pagpapayapa sa labis na pangamba sa mga tilamsik ng kasakiman at kasalanan, kahit sa buhay ng mga taong bukas-palad at mapagmahal.
Subalit pinatitibay din ng turo tungkol sa Purgatoryo ang diin ng partikular na paghuhukom sa radikal na hinihingi ng kaligtasan. Hindi ito isang usapin tungkol sa pagkakamit ng pinakamababang "pasadong marka" sa Diyos na di-pumapansin sa mga nalalabing mumunting kamalian. Sa halip, nararapat dalisayin maging ang mga mumunting pagkamakasalanan upang makamtan ng mga pinagpala ang buhay na walang-hanggan at mapuspos sila ng liwanag at pag-ibig ng Panginoon. Hindi natin nalalaman kung sa loob ng proseso ng kamatayan mismo o sa ibang paraan nagaganap ang proseso ng paglilinis na ito, sapagkat parehong ang mga proseso ng kamatayan at paglilinis ay kubli sa ating makalupang paningin. [KPK 2072]

Ano ang kahulugan ng "Purgatoryo" sa turo ng Simbahan?
Ang kahulugan ng Purgatoryo ay "ang kalagayan ng huling pag-lilinis." Dito maaaring linisin ang mga namatay na nasa kalagayan ng grasya subalit nabibigatan dahil sa bahid ng kasakiman at kasalanan, upang sa gayon ay makapasok sila sa walang-hanggang kaluwalhatian kasama ng Panginoon. (KPK 2104)

Hindi kailanman itinuro ng Simbahan na ang Purgatoryo ay isang "ikalawang pagkakataon" ng kaligtasan para sa mga taong nagpakasama, o para sa mga Cristianong hindi nagseryoso sa kanilang pananalig kay Jesus. Hindi rin ito isang proseso para hanguin ang mga kaluluwang nasa Impyerno. Ang Purgatoryo ay panghuling paglilinis para sa mga Cristianong nasa kalagayan ng grasya — mga taong pinananahanan ng Diyos at nakikibahagi sa Kanyang banal na buhay (Juan 14: 23; Roma 8: 11; 1 Corinto 3: 16) — subalit may mga bahid ng kasalanan at kasakiman na bagama't hindi humahantong sa kamatayang espiritwal (1 Juan 5: 16-17) ay kinakailangan pa ring linisin, sapagkat sa Kaharian ng Diyos sa Langit, "hindi makapapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos" (Pahayag 21: 27). Kaya nga't sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo: "Mapapalad ang naglilinis ng kanilang kasuutan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lunsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay." (Pahayag 22: 14).

 

NASAAN SA BIBLIA ANG PURGATORYO?

Hindi lang ang Biblia ang batayan ng mga doktrinang dapat nating sampalatayanan bilang mga Cristiano, kaya't gaano pa man ang paghahamon ng mga Protestante sa atin kung nasaan sa Biblia ang Purgatoryo, hindi tayo nagpapaapekto sa kanila. Batid nating ang Biblia at ang Tradisyon ng mga apostol ay umaagos mula sa iisang bukal, sa Salita ng Diyos na Buhay. At dahil maliwanag na itinuturo ng Tradisyon na mayroon talagang Purgatoryo, tinatanggap natin ito nang walang anumang bahid ng pagaalinlangan. Gayunman, Biblikal naman talaga ang Purgatoryo, at halos lahat ng itinuturo ng Simbahan tungkol sa Purgatoryo ay hango sa itinuturo ng Biblia. Subalit ang pagka-biblikal nito'y hindi maipapakita sa pamamagitan ng basta-bastang pagsasangkalan ng mga kapitulo at bersikulo sa Biblia. Bagkus, kinakailangan ng maayos na interpretasyon alinsunod sa gabay ng Simbahan upang maunawaan natin ito nang mabuti.

Hindi pare-pareho ang bigat ng mga kasalanan. Minsan nga'y sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo kay Poncio Pilato: "mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito." (Juan 19: 11). Para sa ating mga Katoliko, may dalawang uri ng kasalanan batay sa antas: kasalanang mortal at kasalanang benyal. "Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayang espirituwal." (1 Juan 5: 17). "Natutukso ang tao kapag siya'y naakit at napatangay sa sariling pita. Kapag ang pita ay tumubo at nag-ugat, nagbubunga ito ng pagkakasala. Kapag lumala ang kasalanan, ito'y nagbubunga ng kamatayan." (Santiago 1: 14-15) Nang tayo'y nanalig kay Jesus at nabinyagan, pinawi ng Diyos ang lahat ng mga kasalanan natin at muli tayong isinilang bilang mga anak ng Diyos na nakikibahagi sa kanyang buhay na banal. Ito ang buhay na nasa kalagayan ng grasya. Ang mga kasalanang mortal ay humahantong sa "kamatayang espirituwal" sapagkat pinapatay nito ang ating buhay na nasa kalagayan ng grasya (Lucas 15: 24, 32; Pahayag 3: 1). Ang mga kasalanang benyal (hango sa salitang Latin na venia na ang ibig sabihi'y "pagpapatawad; maipapatawad") ay hindi humahantong sa kamatayang espirituwal, subalit pinahihina at unti-unting pinipinsala ang ating buhay na nasa kalagayan ng grasya. Ang lahat ng kasalanan — mortal man o benyal — ay maipapatawad sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal o di kaya'y sa pamamagitan ng GANAP NA PAGSISISI — ang lubusang pagtalikod sa kasalanan dahil sa pagmamahal sa Diyos, at hindi lang dahil sa takot sa parusa o pagkasuklam sa kapangitan ng kasalanan.

Ang bawat kasalanan — mortal man o benyal — ay nagdudulot ng PINSALA sa ating sarili, sa ating kapaligiran, sa ating kapwa, sa lipunan, sa Simbahan, at higit sa lahat sa mapagmahal na ugnayan natin sa Panginoong Diyos. Kung gumagawa tayo ng kabutihan, nabibigyang karangalan ang Diyos (Mateo 5: 16; 2 Tesalonica 1: 11-12), subalit sa tuwing gumagawa tayo ng masama, nalalait ng mga masasamang tao ang pangalan ng Diyos (2 Samuel 12: 14; Roma 2: 24) at nasasaktan ang buong Simbahan (1 Corinto 12: 26; 2 Corinto 2: 5). Ito'y mga pinsalang hindi naglalaho o naisasaayos sa isang iglap kapag tayo'y nagsisi sa ating mga kasalanan at tumanggap ng kapatawaran. Kahit mapatawad na ang ating mga kasalanan, may mga pinsalang hindi babalik sa dati. Dahil dito, mayroon tayong pananagutan na pagbayaran ang ating mga kasalanan, at itama ang ating mga nagawang pagkakamali (1 Corinto 5: 5; 2 Corinto 2: 6). Ang pananagutan na ito ang tinatawag nating parusang makalupa o TEMPORAL NA PARUSA sa kasalanan.

Sa paanong paraan natin pinagbabayaran ang mga temporal na parusa sa kasalanan? Itinuturo ng Simbahan na may tatlong pangunahing paraan: pananalangin, pag-aayuno, at paglilimos (Mateo 6: 1-17). ➊ Sa pamamagitan ng pananalangin, napagbabayaran natin ang mga panlalait sa pangalan ng Diyos; ➋ sa pamamagitan ng pagaayuno, napagbabayaran natin ang ating pagka-makamundo; ➌ sa pamamagitan ng paglilimos, napagbabayaran natin ang perhuwisyong naidulot natin sa lipunan. Ang pagsisisi sa kasalanan ay hindi lang pahapyaw na pagamin sa kasalanan. Sinabi ni San Juan Bautista: "Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo'y nagsisisi." (Mateo 3: 8). Sinabi din ng Panginoong Jesus: "malaon na sanang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo ang mga tagaroon upang ipakilalang sila'y nagsisisi." (Mateo 11: 21). Sinabi pa ni Apostol San Santiago: "Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong mga puso, kayong pabagu-bago ang isip! Mamighati kayo, maghinagpis at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong halakhakan, at ng kapanglawan ang inyong kagalakan! Magpakababa kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo." (Santiago 4: 10). Ito ang mga pagbabata na sinasabing "kailangan pang gawin ni Cristo" na ipinagpapatuloy natin sa ating buhay (Colosas 1: 24).

Ang mga paksang ito na tinalakay natin nang bahagya — kasalanang mortal at benyal, temporal na parusa sa kasalanan, at pagbabayad-sala — ay mga mahahalagang katotohanan ng Pananampalataya na hindi tinatanggap ng mga Protestante, at siyang dahilan sa kung bakit hindi nila matanggap na may Purgatoryo. Mauunawaan lang natin ang katuturan ng pagkakaroon ng Purgatoryo kung ➊ tatanggapin nating hindi lahat ng kasalanan ay magsasadlak sa tao sa Impyerno (Lucas 12: 47-48), ➋ na ang mga kasalanan ay may kaakibat na pananagutan (Lucas 23: 41), at ➌ nang inialay ni Jesus ang kanyang buhay bilang handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan, hindi niya inalis ang ating responsibilidad na ayusin ang mga perwisyong dinulot ng mga kasalanan natin, (Mateo 18: 33; Lucas 19: 8-10) bagkus patuloy tayong itinutuwid ng Diyos upang tayo'y maging banal (Hebreo 12:5-11). "Itinutuwid naman tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal, tulad niya. Habang tayo'y itinutuwid hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis. Ngunit pagkaraan niyon, lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay." (Hebreo 12: 10-11).

Balikan na natin ngayon ang kahulugan ng Purgatoryo ayon sa turo ng Simbahan. "Ang kahulugan ng Purgatoryo ay ang kalagayan ng huling pag-lilinis. Dito maaaring linisin ang mga namatay na nasa kalagayan ng grasya subalit nabibigatan dahil sa bahid ng kasakiman at kasalanan, upang sa gayon ay makapasok sila sa walang-hanggang kaluwalhatian kasama ng Panginoon". Ang sinasabi nating mga "bahid ng kasakiman at kasalanan" ay tumutukoy ➊ sa ating nalalabing pagkamakamundo (isa sa mga pinsala ng kasalanan sa ating sarili), ➋ sa mga kasalanang benyal na hindi pa naipapatawad, at ➌ sa mga temporal na parusa sa kasalanan na hindi pa lubusang napagbabayaran. Ang Simbahan ay bukas sa posibilidad na may mga Cristianong namamatay na bagama't karapat-dapat na sa Langit, ay hindi pa "perpekto". Kinakailangan nating maging perpekto — ganap na malinis sa mata ng Diyos — bago makapasok sa Langit sapagkat "hindi makapapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos" (Pahayag 21: 27). Sabi nga sa Biblia: "Mapalad ang mga may malinis na puso sapagkat makikita nila ang Diyos" (Mateo 5: 8). Kailangan nating magpakabanal "sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito" (Hebreo 12: 14). Maliwanag na sinabi ni Apostol San Pablo: "linisin natin ang anumang nakapagpaparumi sa ating katawan at espiritu" (2 Corinto 7: 1).

Subalit may sinasabi ba ang Biblia tungkol sa paglilinis sa kabilang buhay? Meron. Sinabi ni Jesus: "Ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating" (Mateo 12: 32 Ang Biblia). Walang katuturan ang mga sinabing ito ni Jesus maliban na lamang kung may mga kasalanang ipatatawad sa tao hindi lamang sa kanyang buhay kundi pati sa kabilang buhay — sa "sanglibutang darating". Sinabi din ni Apostol San Pablo na sa ating pagkamatay, tayo'y haharap sa Pantanging Paghuhukom: "Sapagkat bawat isa ay haharap sa hukuman ni Cristo upang tumanggap ng kaukulang ganti sa kanyang ginawa, mabuti man o masama, nang siya'y nabubuhay pa sa daigdig na ito" (2 Corinto 5: 10). Anong ganti ang tatanggapin natin mula kay Cristo dahil sa mga nagawa nating kasalanang benyal? Sabi mismo ni Jesus: "Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang na parusa." (Lucas 12: 48). Ang "magaang na parusa" na iyon ay Purgatoryo. Ang Purgatoryo ay inihalintulad ni Apostol San Pablo sa isang taong naligtas ngunit "parang nagdaan sa apoy" (1 Corinto 3: 15):

"May magtatayo na gagamit ng ginto, pilak, o mahalagang bato; mayroon namang gagamit ng kahoy, dayami, o pinaggapasan. Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom. Sapagkat ang Araw na iyon ay ihahayag ng apoy na siyang susubok at maghahayag ng tunay na uri ng gawa ng bawat isa. Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay manatili, ang nagtayo nito'y tatanggap ng gantimpala. Ngunit kung masunog, mawawalan siya ng gantimpala; gayunman maliligtas siya, lamang ay parang nagdaan sa apoy." (1 Corinto 3:12-15)

Ang Purgatoryo ay pinatutunayan din ng sinauna't Biblikal na kaugalian ng pananalangin para sa mga yumao. Ang mga Judio mismo'y nagdadasal para sa mga patay, upang ang kanilang mga kaluluwa'y "palayain mula sa kasalanan" (2 Macabeo 12: 40-45). "Huwag mong ipagkait ang tulong mo sa mga patay." (Ecclesiastico 7: 33). Ang mga sinaunang Cristiano mula pa noong unang siglo ay nagdadasal din para sa mga patay upang ang mga nililinis sa Purgatoryo ay "maginhawaan" at mapabilis ang paglilinis sa kanila doon. Walang katuturan na ipanalangin ang mga kaluluwang nasa Langit, sapagkat sila'y namamahinga na sa piling ng Diyos, at sabi nga, "di sila makararanas ng kamunti mang pahirap." (Karunungan 3: 1). Wala ding katuturan na ipanalangin ang mga kaluluwang nasa Impyerno sapagkat wala na silang pag-asa, at iyon ay walang hanggang kaparusahan (Mateo 25: 46). Samakatwid, may dako sa kabilang-buhay na wala sa Langit at wala rin sa Impyerno. Sa Biblia, tinatawag itong Sheol o Hades: ang daigdig ng mga patay kung saan nasasadlak ang mga kaluluwa — mabuti man o masama — bago pa naging tao ang Panginoong Jesu-Cristo. Nang namatay si Jesus, tumungo ang kanyang kaluluwa sa Sheol upang pagpahayagan ng Mabuting Balita ang mga matutuwid na kaluluwang naroroon upang sila'y palayain at makapasok sa Langit kasama niya (1 Pedro 3: 19-20, 4: 6; Efeso 4: 9-10). "Nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling nabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa Banal na Lunsod at nakita roon ng marami." (Mateo 27: 52-53). Ito ang isa sa mga katotohanang ipinapahayag natin sa tuwing dinadasal natin sa Kredo Apostoliko na si Jesus ay "nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao." Pinatutunayan nito na ang kabilang-buhay ay hindi lang Langit at Impyerno gaya ng ipinagpipilitan ng mga Protestante. Mayroon ding dako sa kabilang-buhay na tinatawag na "mga ilalim ng lupa" na kinahahantungan ng mga Cristiano upang danasin ang panghuling paglilinis ng Purgatoryo (Filipos 2: 10; Pahayag 5: 3, 13).





  1. Ayon sa Second Council of Lyons:
    "If those who are truly repentant die in charity before they have done sufficient penance for their sins of omission and commission, their souls are cleansed after death in purgatorial or cleansing punishments . . . The suffrages of the faithful on earth can be of great help in relieving these punishments, as, for instance, the Sacrifice of the Mass, prayers, almsgiving, and other religious deeds which, in the manner of the Church, the faithful are accustomed to offer for others of the faithful." [BUMALIK]
  2. Ayon kay Origen:
    "If a man departs this life with lighter faults, he is condemned to fire which burns away the lighter materials, and prepares the soul for the kingdom of God, where nothing defiled may enter. For if on the foundation of Christ you have built not only gold and silver and precious stones; but also wood and hay and stubble, what do you expect when the soul shall be separated from the body? Would you enter into heaven with your wood and hay and stubble and thus defile the kingdom of God; or on account of these hindrances would you remain without and receive no reward for your gold and silver and precious stones? Neither is this just. It remains then that you be committed to the fire which will burn the light materials; for our God to those who can comprehend heavenly things is called a cleansing fire. But this fire consumes not the creature, but what the creature has himself built, wood, and hay and stubble. It is manifest that the fire destroys the wood of our transgressions and then returns to us the reward of our great works." (Patres Groeci. XIII, col. 445, 448). [BUMALIK]
  3. Ang pamilang ng mga kabanata sa Biblia ay gawa ni Arsobispo Stephen Langton noong ika-13 siglo. Ang pamilang ng mga taludtod naman ay gawa ni Robert Estienne noong 1551. [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF