"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Maria: Iniakyat sa Langit nang may Katawan at Kaluluwa

"Bumangon ka, O Panginoon, sa iyong pahingahan, ikaw at ang kaban ng iyong kamahalan."

SALMO 131: 8

Ayon sa katuruan ng Simbahang Katolika,

"ang pinangalagaang maging malaya mula sa lahat ng bahid dungis ng kasalanang-mana, ang kalinis-linisang Birhen, ay iniakyat — katawan at kaluluwa — sa makalangit na kaluwalhatian pagkatapos ng kanyang paglagi sa lupa. Sa pag-aakyat sa kanya sa langit upang makapisan ang kanyang Anak na si Kristong nabuhay na mag-uli, at sa kaganapan ng kanyang katauhan, ipinahahayag ni Maria ang kaganapan ng gawaing pagtubos ng Diyos para sa ating lahat, isang palatandaan ng tiyak na pag-asa at kaginhawaan para sa naglalakbay na bayan ng Diyos". (KPK 524)
Tahasan itong ipinahayag bilang dogma ng pananampalataya noong unang araw ng Nobyembre 1950 ni Pope Pius XII sa kanyang Apostolic Constitution na Munificentissimus Deus.

May "batayan" ba ito sa Biblia? Maaaring "pagbatayan" ang mga pagbasa at salmo na ginagamit sa Misa tuwing ika-15 ng Agosto, kung kailan ginugunita natin ang dakilang kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit kay Maria — Unang Pagbasa: Pahayag 11: 19; 12: 1-6, 10; Salmong Tugunan: 44 (45): 9*, 10, 11, 12, 16; Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15: 20-27; at ang Ebanghelyo: Lucas 1: 39-56.

 

UNANG PAGBASA: PAHAYAG 11: 19; 12: 1-6, 10

  • ". . . bumukas ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang kaban ng kanyang tipan sa loob ng templo" (t. 19). Ang Kaban ng Tipan ay ang banal na sisidlan/baul na ipinagawa ng Diyos kay Moises, kung saan nakatago "ang sisidlang ginto na may mana, ang tungkod ni Aron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan" (Hebreo 9: 4). Sa ibabaw ng kaban nakapatong ang Luklukan ng Awa, kung saan pumapanaog ang Luwalhati ng Diyos (sa anyong nagniningning na ulap) upang makipagtagpo kay Moises (Exodo 25: 22; 40: 34).
  • Subalit ang Kaban ba ng Lumang Tipan ang nakita sa templo ng Diyos sa langit? Hindi, sapagkat ang Kaban ng Lumang Tipan ay itinago ni Propeta Jeremias sa isang yungib sa bundok ng Sinai, at "ang dakong ito ay hindi dapat malaman hangga't di tinitipon uli ng Diyos ang kanyang bayan at nagdadalang habag sa kanila" (2 Macabeo 2: 4-7). Isa pa, ayon na rin mismo sa Sulat sa mga Hebreo, ang kubol na dalanginan, ang kaban, mga paghahandog, atbp. sa Lumang Tipan ay pawang mga "larawan na tumutukoy sa kasalukuyan . . . mga larawan ng mga bagay sa langit" (Hebreo 9: 9, 23). Samakatuwid, ang pang-langit na Kaban ng Bagong Tipan ang talagang nakita sa templo ng Diyos sa langit.
  • Kung sa Kaban ng Tipan nakalagay ang mana, dinala naman ni Maria sa kanyang sinapupunan ang "tunay na tinapay na bumabang galing sa langit" — si Jesus (Juan 6: 28-35). Kung sa Kaban ng Tipan nakalagay ang tungkod ni Aron na sagisag ng kanyang pagiging Punong Saserdote/Pari, dinala naman ni Maria sa kanyang sinapupunan ang siyang "pari magpakailanman" — si Jesus (Hebreo 7, 8, 9). Kung sa Kaban ng Tipan nakalagay ang mga tapyas ng bato na kinatititikan ng tipan, dinala naman ni Maria sa kanyang sinapupunan ang Salitang-Diyos na nagkatawang-tao — si Jesus (Juan 1: 1-2, 14). Kung sa Kaban ng Tipan pumapanaog ang Luwalhati ng Diyos sa anyong ulap, kay Maria naman bumaba ang Espiritu Santo at lumilim ang kapangyarihan ng Kataas-taasan (Lucas 1: 35). Sa madaling salita, ang pang-langit na Kaban ng Bagong Tipan ay si Maria.
  • Ito ang dahilan kung bakit matapos makita ang Kaban ng Tipan sa templo ng Diyos sa langit, ang pangitain ay agad napalitan ng isang dakilang tanda: "isang babaeng nararamtan ng araw, nasa ilalim ng kanyang mga paa ang buwan at sa ulo ay may koronang may labindalawang bituin. Siya ay nagdadalang-tao . . . Isinilang niya ang isang lalaki na maghahari sa lahat ng mga bansa . . ." (t. 1, 2, 5). Ang pang-langit na kaban ay ang babaeng naglihi at nagsilang sa Tagapagligtas.1
"It was fitting that she, who had kept her virginity intact in childbirth, should keep her own body free from all corruption even after death. It was fitting that she, who had carried the Creator as a child at her breast, should dwell in the divine tabernacles. It was fitting that the spouse, whom the Father had taken to himself, should live in the divine mansions. It was fitting that she, who had seen her Son upon the cross and who had thereby received into her heart the sword of sorrow which she had escaped when giving birth to him, should look upon him as he sits with the Father, It was fitting that God's Mother should possess what belongs to her Son, and that she should be honored by every creature as the Mother and as the handmaid of God."

JOHN DAMASCENE (697 A.D.)
Dormition of Mary


SALMONG TUGUNAN: 44 (45): 9*, 10, 11, 12, 16

  • Ang ating itinutugon: "Sa kanan mo, nakatayo yaong reyna, Palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya" (t. 9). Sino ang "reyna" na tinutukoy dito? Sa Kaharian ni David, ang ina ng hari, hindi ang asawa ng hari, ang siyang kinikilalang reyna. Kaya't nang pumunta si Bat-Seba kay Haring Solomon, "Tumayo ang hari upang siya'y salubungin, yumuko sa kanya, at saka naupo sa kanyang trono. Nagpakuha ng isa pang trono, inilagay sa kanyang kanan at doon naupo ang ina." (1 Hari 2: 19). Ayon sa Sulat sa mga Hebreo, ang katuparan ng Awit 45 ay ang Panginoong Jesus (Hebreo 1: 8-9). Kung gayon, ang reynang nakatayo sa kanan niya ay ang kanyang ina — ang Mahal na Birheng Maria.
  • Ang Panginoong Jesus ang nagmana ng Kaharian ni David, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan (Lucas 1: 31-33). Samakatuwid, si Maria ang kanyang reyna, anupa't ang mga taong nakauunawa nito ay nagpapakumbaba sa kanya, gaya ni Elisabet: "Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?" (Lucas 1: 43). Kung walang hanggan ang paghahari ni Jesus, samakatuwid, hindi nagwakas ang pagiging reyna ni Maria nang siya'y mamatay. Siya'y muling binuhay ng kanyang anak at inakyat sa langit nang may katawan at kaluluwa upang magharing kasama niya nang walang hanggan. [Kaya nga't sa pangitain sa Pahayag 12, ang sanggol na maghahari ay isinilang ng isang babaeng may korona — isang reyna.]

 

IKALAWANG PAGBASA: 1 CORINTO 15: 20-27

  • "Sapagkat kung paanong kay Adan namatay ang lahat, gayundin naman ang lahat ay bubuhayin kay Cristo. Subalit ang bawat isa ay sa kanya-kanyang kalagayan: una si Cristo, ang pangunahing bunga; pagkatapos, sa kanyang pagdating, ang mga kay Cristo naman." (t. 22-23). Hinggil sa Pag-aakyat sa Langit kay Maria, dalawang mahalagang katotohanan ang ipinakikita nito. Una, ang nangyari kay Maria ay hindi kakaiba: ito mismo ang ganap na pagliligtas na gagawin ng Diyos sa mga taong nananalig at sumusunod sa Panginoong Jesu-Cristo. Pangalawa, maagang tinanggap ni Maria ang ganap na pagliligtas na ito sapagkat siya ang Bagong Eva na kapisan ng Bagong Adan: siya ang "babae" ng Protoevangelium na dumurog sa ulo ng "ahas" sa pamamagitan ng kanyang "binhi". Kaya naman, kung si Cristo ay naunang bumangon mula sa kamatayan at umakyat sa langit, kasama niyang nauna ang kanyang ina: nang mamatay si Maria, siya'y muling binuhay at iniakyat sa langit.

 

EBANGHELYO: LUCAS 1: 39-56

  • "Pinagpala ka sa mga babae at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan" (t. 42). Muli, ipinakikita nito na si Maria ang Bagong Eva na kapisan ng Bagong Adan sa pagtatagumpay sa kasalanan at kamatayan. Ito ang dahilan kung bakit ang pagiging "pinagpala" ng Mahal na Birheng Maria ay sadyang itinugma sa pagiging "pinagpala" ng Panginoong Jesu-Cristo.
  • Sa bahaging ito ng Ebanghelyo ni San Lucas, sadya nang ipinakilala si Maria bilang Kaban ng Bagong Tipan, sa pamamagitan ng paggamit ng mga katulad na salita, pangyayari, lugar, at pagkilos na nasusulat sa 2 Samuel 6 — ang salaysay hinggil sa paglilipat ng Kaban ng Tipan sa Jerusalem. Pinatutunayan nito na si Maria ang pang-langit na Kaban ng Bagong Tipan, na minarapat dalhin sa loob ng templo ng Diyos sa langit nang may katawan at kaluluwa:
    • "nagsitungo sa Baal at Juda... na nasa isang burol" (2 Samuel 6: 2, 3) "pumaroon sa bulu-bundukin, sa isang lungsod ng Juda" (Lucas 1: 39)
    • "samantalang...sumasayaw . . . buong siglang sumasayaw . . . lumulukso at sumasayaw" (2 Samuel 6: 5, 14, 16) "lumukso ang sanggol" (Lucas 1: 41)
    • "nang may hiyawan at tugtog ng trumpeta" (2 Samuel 6: 15) "Sumigaw siya nang malakas" (Lucas 1: 42)
    • "Paanong darating sa akin ang kaban ng Panginoon?" (2 Samuel 6: 9) "At bakit ipinagkaloob sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay magsadya sa akin?" (Lucas 1: 43)
    • "Sa pagkakatigil ng kaban ng Panginoon sa bahay ni Obededon ng Gat sa loob ng tatlong buwan" (2 Samuel 6: 11) "Si Maria ay tumigil sa piling ni Isabel sa loob ng tatlong buwan" (Lucas 1: 56)
". . .for the glory of Almighty God who has lavished his special affection upon the Virgin Mary, for the honor of her Son, the immortal King of the Ages and the Victor over sin and death, for the increase of the glory of that same august Mother, and for the joy and exultation of the entire Church; by the authority of our Lord Jesus Christ, of the Blessed Apostles Peter and Paul, and by our own authority, we pronounce, declare, and define it to be a divinely revealed dogma: that the Immaculate Mother of God, the ever Virgin Mary, having completed the course of her earthly life, was assumed body and soul into heavenly glory."

POPE PIUS XII
Munificentissimus Deus, 44

NAMATAY BA SI MARIA BAGO SIYA INIAKYAT SA LANGIT NANG MAY KATAWAN AT KALULUWA?

Oo. Ayon sa ating pambansang katesismo: "Sa kanyang kamatayan, ang kanyang katawan at kaluluwa ay iniakyat sa langit" (KPK 548). Sa tradisyon, tinatawag itong Dormition ("pagkatulog") sapagkat ang Mahal na Birhen ay hindi dumanas ng masakit na kamatayan, bagkus ay mapayapang pumanaw na tulad ng isang nakatulog lamang. Nakapagtataka na may mga Pilipinong Katoliko sa ating kapanahunan na hindi naniniwala dito, gayong sa mismong Awit ng Pasyong Mahal ay detalyadong isinasalaysay ang pagkamatay ng Mahal na Birheng Maria at ang paglilibing sa bangkay niya:

Dito na kapagkuwan / sila ay binendisyunan / kaluluwa'y biglang nanaw / parang natutulog lamang / ang Birheng Inang namatay . . . . Agad na nilang pinasan / yaong mahal na katawan / marami nama't makapal / ang taong nangagsiilaw / hanggang dumating sa hukay . . . . Doon sa isang aldea / ng Hetsemaning laguerta / ay may handang hukay sila / pagbabaunang talaga / sa bangkay ng Birheng Ina . . . . Kanila nang pinagyaman / yaong marikit na hukay / isinilid kapagkuwan / at saka nila tinakpan / niyaong batong nalalaan. // Ano'y ng mailibing na / yaong bangkay ni Maria / nangagsiuwi na sila, / ang iba'y nangagsitira / sa libingang mahal niya.

Ang kamatayan ng Mahal na Birhen ay tahasang binabanggit sa 1891 Baltimore Catechism, sa 1910 New Catholic Dictionary, sa 1913 Catholic Encyclopedia, at kahit sa mismong dokumentong Munificentissimus Deus (kung saan sinipi ang iba't ibang mga tradisyon hinggil sa kamatayan ni Maria, sa kanyang bangkay na walang-pagkabulok, sa kanyang pinagka-libingan, at sa kanyang muling pagkabuhay).2

Malimit ikatuwiran ng ilan na sa mismong pagpapahayag ng dogma sa Munificentissimus Deus ay hindi daw sinabing namatay ang Mahal na Birhen, bagkus ang ginamit lamang na pananalita'y "pagkatapos ng kanyang paglagi sa lupa" ("having completed the course of her earthly life"). Subalit kung sasangguniin ang mga pangunahing katesismo, ang naturang pananalita ay maliwanag na tumutukoy sa kamatayan: "Tinatawag tayo ng Diyos sa kanya sa kamatayan na siyang katapusan ng ating makalupang paglalakbay" (KPK 2057) . . . "Death is the end of man's earthly pilgrimage . . . When 'the single course of our earthly life' is completed" (CCC 1013).

Malinaw nga ang turo ng Simbahang Katolika hinggil sa kamatayan ng Mahal na Birhen, anupa't ang anumang mga paniniwalang taliwas dito ang talagang maituturing na haka-haka lamang, na hindi kinakatigan ng Banal na Tradisyon at ng tahasang pagtuturo ng Mahisteryo.3

"The Apostles took up her body on a bier and placed it in a tomb; and they guarded it, expecting the Lord to come. And behold, again the Lord stood by them; and the holy body having been received, He commanded that it be taken in a cloud into paradise: where now, rejoined to the soul, she rejoices with the Lord's chosen ones."

SAINT GREGORY OF TOURS (549 A.D.)


BASAHIN DIN: Maria: Iniakyat sa Langit (Agosto 15, 2021)


  1. Ang babae sa ika-12 kabanata ng Aklat ng Pahayag ay matalinghagang tumutukoy sa Bayan ng Diyos ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan. Gayon man tumutukoy din ito kay Maria, sapagkat kabilang siya sa Bayan ng Diyos, at may mga bagay na tinutukoy na siya lamang ang maaaring gumawa/tumanggap, hindi para sa sarili, kundi para sa bayan ng Diyos (gaya ng isang kinatawan) — siya ang naglihi at nagsilang kay Jesus, siya ang ganap na pinangalagaan mula kay Satanas (ang kanyang Inmaculada Concepcion), at siya ang hinirang na ina ng mga tapat na alagad ni Jesus (Juan 19: 26-27; Pahayag 12: 17). [BUMALIK]
  2. ". . . the great Mother of God, like her only begotten Son, had actually passed from this life" (14) . . . . 'Venerable to us, O Lord, is the festivity of this day on which the holy Mother of God suffered temporal death' (17) . . . . 'As he kept you a virgin in childbirth, thus he has kept your body incorrupt in the tomb and has glorified it by his divine act of transferring it from the tomb' (18) . . . . the dead body of the Blessed Virgin Mary remained incorrupt (20) . . . . 'It was fitting that she, who had kept her virginity intact in childbirth, should keep her own body free from all corruption even after death' (21) . . . . 'she has received an eternal incorruptibility of the body together with him who has raised her up from the tomb and has taken her up to himself in a way known only to him' (22)" [BUMALIK]
  3. Sa gayon, ito ang nagsisilbing pagtutuwid sa pagkakamali ng aking naunang sanaysay noong taong 2006, kung saan binanggit kong "Nang matapos na ang kanyang panahon dito sa daigdig (namatay man siya o hindi ay hindi natin tiyak; subalit posibleng namatay muna siya katulad ni Jesus), siya'y may katawan at kaluluwang kinuha ng Diyos at dinala sa kaluwalhatian ng Langit." [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF