"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Biyernes, Agosto 13, 2021

Maria: Iniakyat sa Langit


Ang turo ng Simbahan

Sa darating na ika-15 ng Agosto, muli nating ipagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Hindi ito isang paniniwala na naglalayong dakilain ang Ina ni Jesus nang higit sa nararapat, bagkus ito'y isang katotohanan ng pananampalataya na nagbibigay ng karangalan sa Diyos, naaayon sa diwa ng Ebanghelyo, at nakatutulong sa ating paglalakbay sa landas ng kabanalan. Kaya naman, walang pag-aalinlangang ipinahayag ni Pope Pius XII na silang mga itinatanggi o pinagdududahan ang doktrinang ito ay maituturing na "lubusan nang natalikod sa banal na Katolikong Pananampalataya" (Munificentissimus Deus, 45). Hindi ka tunay na Katoliko kung hindi mo ito lubos na pinaniniwalaan.

"Hinirang upang maging Ina ni Jesus na ating Tagapagligtas, si Maria ay ipinaglihi sa sinapupunan ng kanyang ina nang walang bahid-dungis ng kasalanang-mana. Sa kanyang kamatayan, ang kanyang katawan at kaluluwa ay iniakyat sa langit. Ang parehong biyayang ito ay hindi mga taliwas na aral na naghihiwalay kay Maria sa atin, kundi mga natatanging karapatan ng kaganapan at kabuuan na nagbunsod kay Maria upang magampanan ang kanyang bukod-tanging gampanin sa plano ng Diyos na iligtas ang lahat sa pamamagitan ni Kristo, ang tanging Tagapamagitan." (KPK 548)

"Sa pamamagitan ng kanyang pag-aakyat sa Langit, katawan at kaluluwa, inihahandog sa atin ni Maria ang isang konkretong huwaran ng bagong sangnilikha. Siya'y sabay-sabay na: • larawan at simula ng Simbahan na magiging ganap sa darating na panahon, at • tanda ng tiyak na pag-asa at kaginhawaan sa naglalakbay na Bayan ng Diyos." (KPK 2107)


Iniakyat hindi Umakyat

Asunsyon. Asunción. Assumption. — buhat sa salitang Latin na assumere na ibig sabihi'y "iakyat, dalhin sa taas". Si Maria ay HINDI umakyat sa Langit sa bisa ng sariling kapangyarihan tulad ng Panginoong Jesus (alalaong-baga'y Asensyon, Ascención), bagkus, siya'y iniakyat sa Langit ng Panginoong Jesus. Walang katuturan na sabihing ginagawa nitong isang diyosa si Maria, sapagkat mayroon ba namang diyosa na may katawan at kaluluwa, at walang sariling kakayahan na umakyat sa Langit?


Ang ating Pinagbabatayan

Walang umiiral na sapat na impormasyon hinggil sa kung kailan at paano namatay ang Mahal na Birhen. Hindi ito nabanggit sa mga kasulatan ng Bagong Tipan (dahil posibleng nangyari ang Asunsyon nang tapos nang maisulat ang huling aklat ng Bagong Tipan), at wala ring nabanggit ang mga Church Fathers noong unang tatlong siglo ng Cristianismo (dahil posibleng nakabaling ang kanilang atensyon sa pagtugon sa mga sari-saring erehiyang Kristolohikal noong mga panahong iyon). Noong mga ika-apat na siglo A.D., sinaliksik ito ni St. Epiphanius, Obispo ng Salamis, at siya ma'y walang naging tiyak na konklusyon.1 Ayon kay Stephen J. Shoemaker, isang dalubhasa sa kasaysayan ng Cristianismo, ang tanging laganap na paniniwala noon ay ➊ ang pagkamatay ni Maria sa Jerusalem,2 ➋ na naroon pa ang ilan sa mga Apostol nang mangyari ito, ➌ na ang kaluluwa niya ay tinanggap ng Panginoong Jesus sa Langit, at kalaunan, ➍ ang kanyang katawan ay dinala rin sa Langit.3

Mula pa noong mga ikatlong siglo A.D. ay marami nang mga kasulatang apokripa (mga huwad na kasulatang nagpapanggap na kinasihang tulad ng Biblia) ang nagtangkang isalaysay ang misteryosong kamatayan ng Mahal na Birhen. Gayunman, hindi kinilala ng Simbahang Katolika ang mga kasulatang ito, at sa katunaya'y tahasan pa ngang kinondena ni Pope Gelasius I (sa kanyang Decretum Gelasianum). Malinaw, kung gayon, na ang doktrina ng Asunsyon ay HINDI hinango sa mga huwad na kasulatan.

Ano, kung gayon, ang maaari nating pagbatayan ng ating paniniwala na ang Mahal na Birhen ay talaga ngang iniakyat sa Langit nang may katawan at kaluluwa? Ano ang mga maaari nating panghawakan?

  1. Ito'y isang aral na hindi lumalabag sa Biblia. Taliwas sa mga pagtuligsa ng mga anti-Katoliko, mapapansin na hindi naman maituturing na kakatwa sa diwa ng mga Banal na Kasulatan ang pag-aakyat sa Langit ng mga banal na tao: nariyan ang misteryosong pagkuha ng Diyos kay Enoc (Genesis 5: 24; Sirac 44: 16, 49: 14; Hebreo 11: 5), ang pagkuha ng Diyos kay Elias (2 Hari 2: 11; 1 Macabeo 2: 58), ang pagdadala sa ikatlong Langit—alalaong baga'y sa Paraiso—sa isang di ipinakilalang Cristiano (2 Corinto 12: 1-4), at ang pagpapa-akyat sa Langit sa dalawang di ipinakilalang mga propeta (Pahayag 11: 3-12). Kung sila'y minarapat iakyat sa Langit nang may katawan at kaluluwa, ang Mahal na Birheng Maria pa kaya, na pinararangalan bilang pinagpala sa lahat ng mga babae (Lucas 1: 42), at sinasabing ginawan ng Diyos ng mga dakilang bagay (Lucas 1: 49)?
  2. Ito'y isang aral na kinakatigan ng Biblia. Oo, walang salaysay hinggil sa kanyang kamatayan, pagkakalibing, muling pagkabuhay, at pag-aakyat sa Langit. Subalit may mga aral ang Biblia na nagpapahiwatig na siya'y talagang nararapat iakyat sa Langit, anupa't magiging mas malaking palaisipan kung ito'y hindi nangyari. Sa ganang atin, bilang mga Katolikong Cristiano, naninindigan tayo na suportado ng Biblia ang pagkilala kay Maria bilang • Bagong Eva, • Ipinaglihing Walang Bahid ng Salang Orihinal, • Inang Reyna ng Hari ng mga Hari, • Kaban ng Bagong Tipan, • Ina ng Simbahan — mga katotohanang sa mata ng pananampalataya ay nagbibigay sa atin ng katiyakan sa doktrina ng Asunsyon.
  3. Ito'y walang pag-aalinlangang isinama sa mga pangunahing kapistahan ng Simbahan mula noong ika-walong siglo A.D. Sa katunayan, may mga katibayan na ipinagdiriwang na ito sa Simbahan sa Palestina noon pa mang ika-limang siglo A.D. Mahalaga ito, sapagkat sabi nga, "The law of prayer is the law of faith: the Church believes as she prays. Liturgy is a constitutive element of the holy and living Tradition." (CCC 1124) Ipinahihiwatig nito ang kapasyahan ng Simbahan noong mga panahong iyon na tanggapin ang Asunsyon na kabilang sa Deposito ng Pananampalataya, na bagama't di isinasalaysay sa Biblia ay naipababatid sa Simbahan nang may katiyakan sa pamamagitan ng Banal na Tradisyon.
  4. Ito'y pormal na idineklarang dogma noong Nobyembre 1, 1950, ni Pope Pius XII, sa kanyang Apostolic Constitution na Munificentissimus Deus. Sa pamamagitan nito, pinawi ng Simbahang Katolika ang anumang mga pag-aalinlangan hinggil sa mismong pag-aakyat sa Langit kay Maria nang may katawan at kaluluwa. Hindi kasama sa dogma ang iba pang mga pinaniniwalaang detalyeng kasangkot nito gaya ng • kanyang mismong kamatayan (kaya't nagkaroon ng mga haka-haka na siya'y hindi talaga namatay), ng • kung saan ba talaga siya inilibing (pinaniniwalaang kanya ang libingang nasa may paanan ng Bundok ng Olibo), ng • kung sinu-sino ang mga Apostol na nakasaksi nito, ng • kung tunay ba ang relikya ng Sacra Cintola (ang sinturon ng Mahal na Birhen, na pinaniniwalaang ibinigay niya kay Apostol San Tomas bilang katibayan na siya'y iniakyat na sa Langit, dahil ito lamang ang Apostol na hindi nakasaksi sa kanyang Asunsyon), at kung anu-ano pa — mga paniniwalang kung may batayan sa mahabang tradisyon ng Simbahan ay mabuting paniwalaan (pious belief) subalit hindi mahalaga sa ikapagtatamo ng kaligtasan.4
"Since the universal Church, within which dwells the Spirit of Truth who infallibly directs it toward an ever more perfect knowledge of the revealed truths, has expressed its own belief many times over the course of the centuries, and since the bishops of the entire world are almost unanimously petitioning that the truth of the bodily Assumption of the Blessed Virgin Mary into heaven should be defined as a dogma of divine and Catholic faith — this truth which is based on the Sacred Writings, which is thoroughly rooted in the minds of the faithful, which has been approved in ecclesiastical worship from the most remote times, which is completely in harmony with the other revealed truths, and which has been expounded and explained magnificently in the work, the science, and the wisdom of the theologians — we believe that the moment appointed in the plan of divine providence for the solemn proclamation of this outstanding privilege of the Virgin Mary has already arrived."

POPE PIUS XII
Munificentissimus Deus, 41

 


  1. "The Holy Virgin may have died and been buried—her falling asleep was with honor, her death in purity, her crown in virginity. Or she may have been put to death—as the Scripture says, 'And a sword shall pierce through her soul'—her fame is among the martyrs and her holy body, by which light rose on the world, rests amid blessings. Or she may have remained alive, for God is not incapable of doing whatever he wills. No one knows her end." (Epiphanius of Salamis, 374 A.D.) [BUMALIK]
  2. May mga nagsasabi rin na mas malaki daw ang posibilidad na siya'y namatay sa Efeso, hindi sa Jerusalem: "Ephesus is most likely the place where Mary died, according to the private revelations of St. Bridget and Catherine Emmerich and confirmed by recent archeological findings." (Lodi, Enzo, Saints Of The Roman Calendar, Makati City: St Pauls Philippines, 2013. p. 243.) [BUMALIK]
  3. Shoemaker, Stephen J., Ancient Traditions Of The Virgin Mary's Dormition And Assumption, New York: Oxford University Press, 2004, p. 2. [BUMALIK]
  4. "Pious Belief: A doctrinal position that though not defined or part of the Church's universal ordinary teaching, is nevertheless acceptable in Roman Catholicism and consistent with the rest of Catholic faith and practice." (SOURCE: https://www.catholicculture.org/culture/library/dictionary/index.cfm?id=35592) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF