ANG TALINGHAGA NG MAYAMAN AT SI LAZARO
Ano nga ba ang Partikular na Paghuhukom? Ayon sa katuruan ng Simbahan, "Sa kamatayan na siyang katapusan ng ating paglalakbay sa lupa, nakakaharap natin ang ating makatarungang Hukom na si Kristo, para sa paghuhukom na nagpapasya sa ating tadhana para sa buhay na walang-hanggan." (KPK 2101). Ang katotohanang ito'y inihayag mismo ng Panginoong Jesu-Cristo, sa pamamagitan ng isang talinghaga:
[19] May isang mayaman na nakabihis ng purpura at lino at araw-araw ay nagpapasasa sa pagkain. [20] At may isa namang pulubi na nagngangalang Lazaro na nakahandusay sa kanyang pintuan, puno ng mga sugat. [21] Ibig sana nitong kumain ng mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; ang mga aso ay lumalapit upang dilaan ang kanyang mga sugat. [22] Nangyari na namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. [23] Samantalang nagdurusa sa impiyerno, tumingala siya at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang sinapupunan. [24] Kaya sumigaw siya: "Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri upang palamigin ang aking dila pagkat naghihirap ako sa alab na ito." [25] "Anak," ang sagot ni Abraham, "Alalahanin mo na noong nabubuhay ka ay tinanggap mo ang mabubuting bagay, at si Lazaro naman ang masasama; kaya ngayon siya ay inaaliw at ikaw ang naghihirap. [26] Higit sa lahat, sa inyo at sa amin ay may isang napakalaking bangin, anupa't ang ibig lumipat sa inyo buhat dito ay hindi maaari, at ang naririyan naman ay hindi maaaring pumarito." [27] Sumagot ang mayaman: "Kaya isinasamo ko sa iyo, ama, na paparoonin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, [28] sapagkat may limang kapatid pa ako, upang pagpayuhan sana sila, nang huwag nilang sapitin ang dakong ito ng pagdurusa." [29] Ngunit tumugon si Abraham: "Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig sila sa mga ito." [30] Sinabi niya: "Hindi, amang Abraham; kung magsadya sa kanila ang isa sa mga patay ay magsisisi sila." [31] Sinagot siya ni Abraham: "Kung si Moises at ang mga propeta ay ayaw nilang pakinggan, kahit muling mabuhay ang isa sa mga patay ay hindi rin nila paniniwalaan." LUCAS 16: 19-31 |
Palibhasa'y talinghaga, naglalahad ito ng mas malalim na kahulugan nangangailangan ito ng paliwanag (Marcos 4: 34). Himayin natin, kung gayon, ang naturang talinghaga, at bigyang-linaw ang ilang mga mahahalagang katuruang kaugnay nito.
- "Nangyari na namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. Samantalang nagdurusa sa impiyerno, tumingala siya at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang sinapupunan."
KALULUWA. Sa Biblia, ang salitang "kaluluwa" [nephesh sa Hebreo, psyche sa Griyego, anima sa Latin, soul sa Ingles] ay may iba't-ibang kahulugang magkaka-ugnay. Isa na rito ay ang kaluluwa bilang espirituwal na sangkap ng tao. Ayon sa katuruan ng Simbahan: "Tayo ay mga espiritung may katawan . . . mayroon tayong 'walang kamatayang kaluluwang espirituwal' na pinagkalooban ng kamalayan at pagpapasya." (KPK 2086).
Ang ating kaluluwa ay hindi nagmula sa ating mga magulang o sa kung saan pa man, bagkus ay tuwiran at agad na nilikha ng Diyos nang tayo'y ipaglihi. (CCC 366). Ito ay ➊ espiritu [ruach sa Hebreo, pneuma sa Griyego, spiritus sa Latin, spirit sa Ingles] sapagkat di-pisikal na katotohanang naiiba sa katawan "Tingnan ninyo ang aking mga kamay at paa, ako nga ito; hipuin ninyo ako at pagmasdan, sapagkat ang isang espiritu ay walang laman at mga buto katulad ng nakikita ninyo sa akin." (Lucas 24: 39). Ito ay ➋ imortal sapagkat patuloy na umiiral pagkamatay ng katawan "Huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, ngunit di nakapapatay sa kaluluwa" (Mateo 10: 28. Tingnan din: 1 Samuel 28: 12-19; Sirac 46: 20; Karunungan 3: 1-4, 4: 7, 14; 2 Macabeo 15: 12-16; 2 Corinto 12: 2-4). Ito ay ➌ personal sapagkat may kamalayan, pag-iisip, damdamin, at kalooban gaya ng tatlong mga personang binabanggit sa talinghaga: ⒜ ang mayaman at ⒝ si Lazaro (na tahasan namang sinabi na silang dalawa'y "namatay"), at si ⒞ Abraham, na ayon sa Kasulata'y nabuhay nang "sandaan at pitumpu't limang taon", "namatay sa mabuting katandaan", at "inilibing... sa yungib ng Macpela... kasama ng kanyang asawang si Sara" (Genesis 25: 7-10). Ang katotohanan ng kaluluwang espirituwal, imortal, at personal ay pinatutunayan din ng Pahayag 6: 9-11:
Nang buksan ang ikalimang pananda, nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay nang dahil sa salita ng Diyos at dahil sa kanilang patotoo. Sumigaw sila nang buong lakas: "Hanggang kailan, O Panginoong banal at tunay, hindi mo ba igagawad ang katarungan at ipaghihiganti ang aming dugo sa mga mamamayan sa lupa?" Ang bawat isa sa kanila ay binigyan ng puting damit, at pinapaghintay sila ng kaunting panahon hanggang sa maganap ang bilang ng kanilang mga kasama at mga kapatid na mamamatay ding tulad nila.
Sa kamatayan, naghihiwalay ang katawan at kaluluwa • "Muling sumigaw nang malakas si Jesus, at pinakawalan ang kanyang espiritu." (Mateo 27: 50; Juan 19: 30)... • "Alalahanin mo siya bago manumbalik sa lupa ang ating katawang lupa at ang ating espiritu ay magbalik sa Diyos na may bigay nito." (Mangangaral 12: 7)... • "Makaitlo siyang umunat sa ibabaw ng bata at tumawag sa Panginoon, 'Panginoon na aking Diyos, isinasamo ko sa iyong ibalik mo sa kanya ang kaluluwa ng batang ito!' Dininig ng Panginoon ang pagsamo ni Elias, ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa kanya at nabuhay siya." (1 Mga Hari 17: 21-22). Gayon man, mariin tayong pinaaalalahanan ng Simbahan:
Taliwas sa isang karaniwang pagkakamali na katawan lamang ang namamatay at hindi ang kaluluwa, namamatay ang buong pagkatao. Bagamat patuloy na umiiral ang kaluluwa pagkahiwalay sa katawan, hindi ito nangangahulugan na hindi ito apektado ng kamatayan. Sa halip, bagamat nalalampasan ng kaluluwa ang katawan, isa rin itong anyo ng katawan. Sa gayon, waring panganib ang kamatayan para dito. (KPK 2052)
Bagama't magkaiba ang katawan at ang kaluluwa, ang kalikasang-pantao ay iisang kalikasan lamang (CCC 365) ang tao ay ang laging-magkasamang katawan at kaluluwa, sa kaparaanang laging kailangan ng katawan ang kaluluwa, at laging kailangan ng kaluluwa ang katawan. Ang tao ay hindi maituturing na tao kung siya'y katawan lang o kaluluwa lang. Ito ang malalim na dahilan kung bakit malawak ang kahulugan ng mga salitang "kaluluwa" at "espiritu" sa Biblia. Ano mang may kinalaman sa ating pagkatao pang-katawan, pang-kaluluwa, o pang-kabuuan ay maipatutungkol sa kaluluwa, sapagkat ang ating persona ay nasa kaluluwa:
"Sometimes the soul is distinguished from the spirit: St. Paul for instance prays that God may sanctify his people 'wholly', with 'spirit and soul and body' kept sound and blameless at the Lord's coming. The Church teaches that this distinction does not introduce a duality into the soul. 'Spirit' signifies that from creation man is ordered to a supernatural end and that his soul can gratuitously be raised beyond all it deserves to communion with God."CCC 367
- "Lubhang nahahapis ang aking kaluluwa na sukat kong ikamatay" (Mateo 26: 38)
- "Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas" (Lucas 1: 46-47)
- ". . . ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa na siyang layunin ng inyong pag-asa." (1 Pedro 1: 9)
- "Sagipin mo ang aking kaluluwa sa tabak" (Salmo 21: 20)
- "Baka lurayin nila na gaya ng leon ang aking kaluluwa" (Salmo 7: 2)
- ". . . ang buo ninyong pagkatao, sa espiritu [pneuma], kaluluwa [psyche] at katawan" (1 Tesalonica 5: 23)
- ". . . sino sa mga tao ang nakaaalam ng mga isipan ng tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya?" (1 Corinto 2: 11)
• • •
SADUSEO. Gaya ng mga ateista at mga Budista,1 ang mga sektang "Saksi ni Jehova" at mga "Sabadista" (Seventh-Day Adventist) ay naniniwalang "walang kaluluwa". Sila ang mga "Saduseo" ng ating kapanahunan: "Sinasabi ng mga Saduseo na walang muling pagkabuhay, walang anghel, walang kaluluwa" (Gawa 23: 8). Ayon mismo sa sinaunang mananalaysay na Judio na si Flavius Josephus (37 - 101 A.D.): "The Sadducees . . . take away the belief of the immortal duration of the soul, and the punishments and rewards in Hades." (Of the War Book II)... "The doctrine of the Sadducees is this; that souls die with the bodies." (Antiquities of the Jews Book XVIII). Hinggil sa mga kamaliang ito'y tahasan silang itinuwid ng Panginoong Jesu-Cristo:
"Ang mga tao sa daigdig na ito ay nag-aasawa at pinapag-aasawa; datapwat ang magiging mga karapat-dapat sa kabilang buhay at sa pagkabuhay ng mga patay ay hindi mag-aasawa at hindi papag-aasawahin. Sapagkat hindi na sila mamamatay palibhasa'y natutulad na sa mga anghel, at mga anak ng Diyos dahil sa sila'y mga anak ng muling pagkabuhay. Ang pagkabuhay ng nangamatay ay ipinahayag ni Moises sa talata tungkol sa nagliliyab na halaman, nang tawagin niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob. Siya ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sapagkat ang lahat ay nabubuhay nang dahil sa kanya." (Lucas 20: 34-38)
Ang di nila paniniwala sa kaluluwang espirituwal, imortal, at personal ay bunsod ng pundamentalismo/literalismo pumipili o kumakatha sila ng iisang kahulugan lamang ng salitang "kaluluwa", at saka ilalapat ang naturang kahulugan sa lahat ng mga pagkakataong binabanggit sa Biblia ang salitang "kaluluwa". Taliwas sa ganitong makitid na pananaw, kinikilala ng Simbahang Katolika ang iba't-ibang gamit ng salitang "kaluluwa", habang maingat na ipinaliliwanag yaong patungkol sa kaluluwang espirituwal ng tao.2
• • •
DAIGDIG NG MGA PATAY. Ang "sinapupunan ni Abraham" at "impiyerno" ay hindi lamang mga matalinghagang pananalita, kundi tumutukoy sa mga aktuwal na dako sa Daigdig ng mga Patay [Sheol sa Hebreo, Hades sa Griyego, Infernus sa Latin, Hell sa Lumang Ingles]: ➊ ang Gehenna (na karaniwang tinatawag na "impiyerno"), kung saan ang mga masasama ay pinarurusahan sa apoy na di namamatay, ➋ ang Purgatoryo (na karaniwang inilalarawan bilang apoy na nagpapadalisay), kung saan ang mga matutuwid ay pansamantalang pinagbabayad-sala hanggang sa maging ganap na malinis, at ➌ ang Sinapupunan ni Abraham [na mas kilala sa tawag na Limbus Patrum (Limbo of the Fathers) ang "kinaroroonan ng mga yumao" sa Kredo Apostoliko], kung saan ang mga matutuwid na ganap nang malinis ay payapang namamahinga at inaaliw, hanggang sa nanaog sa piling nila ang Panginoong Jesu-Cristo upang sila'y kanyang sunduin at iakyat kasama niya sa Paraiso. (1 Pedro 3: 18-20)
Noong kapanahunan ng Matandang Tipan, lubhang mapanglaw ang pananaw ng mga Judio hinggil sa Daigdig ng mga Patay. Itinuturing itong isang • napakadilim na lupain (Job 10: 21-22) na matatagpuan sa • "kailaliman ng daigdig" (Isaias 14: 15; Ezekiel 32: 24). Ang mga kaluluwang naroroon ay mistulang mga • "anino" (rephaim sa Hebreo Job 26: 5; Salmo 88: 11; Isaias 26: 14)3 na ang buong pagkatao'y nilamon na ng karimlan:
- "Walang nalalaman ang mga patay at di makatatanggap ng gantimpala, palibhasa ay napawi na ang kanilang alaala. Ang pag-ibig, pagkamuhi at kainggitan ay malaon nang naglaho sa kanila at di na sila magkakaroon ng bahagi sa ano mang bagay na ginagawa sa ilalim ng araw . . . walang gawa, katwiran, kaalaman o karunungan man sa daigdig sa kailaliman." (Eclesiastes 9: 5-6, 10)
- "Sapagkat hindi ka pinupuri ng Seol ni ipinagdiriwang ka ng kamatayan at hindi rin ipinagbubunyi ng mga bumababa sa hukay ang iyong kabutihan." (Isaias 38: 18)
- "Kabilang na ako sa mga nananaog sa hukay; katulad ko ang isang taong walang lakas. Ang aking higaan ay sa mga patay, katulad ng mga pinatay na nakahiga sa libingan na hindi mo na naaalaala at wala na sa iyong pagkakandili. Ako'y inihagis mo sa kalalim-laliman ng hukay, sa madilim na walang hanggang kalaliman . . . Gagawa ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay? Magsisibangon ba ang mga patay upang magpuri sa iyo? Pinag-uusapan ba nila ang iyong kagandahang-loob sa libingan, ang iyong katapatan sa mga napahamak na? Ipinakikilala ba ang iyong mga kababalaghan sa kadiliman, o kaya ang iyong kabanalan sa lupain ng pagkalimot?" (Salmo 87: 4-6, 10-12)
• • •
PAG-ASA. Ang Daigdig ng mga Patay ang itinuturing na "walang hanggang tirahan" (Eclesiastes 12: 5) na itinakda para sa lahat ng tao mabuti at masama, mayaman at mahirap (Job 3: 11-19). Lubhang nakapanlulumong tadhana, anupa't naaangkop talaga ang pananalita ng Mangangaral hinggil sa buhay ng tao: "Walang kakabu-kabuluhan, walang kakabu-kabuluhan... ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan." (Eclesiastes 12: 8). Gayon pa man, kaakibat ng kapanglawang ito ang pag-unlad ng kamalayan ng mga Judio sa patnubay ng Espiritu Santo hinggil sa tunay na kalalagayan ng tao sa kanyang "huling hantungan". Unti-unti nilang napagtanto na ang Daigdig ng mga Patay ay hindi talaga lubusang pinabayaan ng Diyos:
- "Nagsiklab ang apoy ng kagalitan ko... maging sa mga kalaliman ng daigdig sa ilalim" (Deut. 32: 22)
- "Kahit na magtago sila sa Seol ay aabutin din sila roon ng aking kamay" (Amos 9: 2)
- "Saan ako tutungo nang makalayo sa iyong espiritu? Saan ako tatakas nang makalayo sa iyong harapan? ... Bumaba man ako sa tirahan ng mga patay, naroroon ka." (Salmo 138: 7, 8)
- "Ang Seol at Abaddon ay nakikita ng Panginoon" (Kawikaan 15: 11)4
- "Sa aking kapighatian ay tumawag ako sa Panginoon at sinagot niya ako; mula sa pusod ng Seol ay nagmakaawa ako, pinakinggan mo ang aking tinig... Lumusong ako hanggang sa mga ugat ng bundok at ipininid sa akin ng lupa ang kanyang mga halang magpakailan man. Ngunit, Panginoon kong Diyos, hinango mo ang aking buhay sa hukay. Nang manghina sa loob ko ang aking kaluluwa, naalaala ko ang Panginoon at umabot sa iyo ang aking dalangin, sa iyong banal na templo." (Jonas 2: 2, 6-7)
Saan man naghahari ang Diyos, gayon din ang kanyang katarungan (Salmo 95: 10, 96: 1-2) walang pag-salang pina-iiral niya ang katarungan sa buong sansinukob, maging sa Daigdig ng mga Patay man. Ito ang naging batayan ng pag-asa na may katarungan pa ring iiral sa kabilang-buhay: • silang mga matutuwid ay nagpapahinga sa Sinapupunan ni Abraham, habang • silang mga masasama ay pinarurusahan sa Impiyerno. Ito ang laganap na paniniwala ng mga Judio noong ipangaral ng Panginoon ang talinghagang ito sa Lucas 16: 19-31.5
- "Kaya sumigaw siya: 'Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri upang palamigin ang aking dila pagkat naghihirap ako sa alab na ito.' 'Anak,' ang sagot ni Abraham, 'Alalahanin mo na noong nabubuhay ka ay tinanggap mo ang mabubuting bagay, at si Lazaro naman ang masasama; kaya ngayon siya ay inaaliw at ikaw ang naghihirap. Higit sa lahat, sa inyo at sa amin ay may isang napakalaking bangin, anupa't ang ibig lumipat sa inyo buhat dito ay hindi maaari, at ang naririyan naman ay hindi maaaring pumarito.'"
KATARUNGAN. "Alalahanin mo na noong nabubuhay ka ay tinanggap mo ang mabubuting bagay, at si Lazaro naman ang masasama; kaya ngayon siya ay inaaliw at ikaw ang naghihirap" Tahasan nitong pinatutunayan ang pagpapataw ng makatarungang hatol sa kanilang mga nasasadlak sa Daigdig ng mga Patay. Tahasan nitong pinatutunayan na ang bawat tao'y talagang humaharap sa Partikular na Paghuhukom pagkamatay niya:
- "Ang sino mang natatakot sa Panginoon ay magkakaroon ng mabuting wakas: maging sa araw ng kamatayan ay pagpapalain siya . . . . Sapagkat madali sa Panginoon sa araw ng kamatayan, na gantihin ang bawat isa nang ayon sa kanyang gawain. Ang sumandaling pagtitiis ay nagpapalimot sa nakaraang kaginhawaan, at sa pagkamatay ng tao ay napagkikilala kung ano siya. Huwag tawaging maligaya ang sino man hangga't di namamatay sa dahilang ang tao'y nakikilala sa kanyang wakas." (Sirac 1: 13, 11: 26-28)
- "Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos nito'y ang paghuhukom." (Hebreo 9: 27)
- "Pinagsisikapan natin, nasa katawan man o wala, na tayo ay kalugdan sana niya. Sapagkat tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo upang tanggapin ng bawat isa ang ganting nararapat sa kanyang ginawa habang nabubuhay, maging mabuti o masama man." (2 Corinto 5: 9-10)
"Namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham... Siya ay inaaliw" Pinatutunayan nito na hindi ipahihintulot ng Diyos na ang mga matutuwid ay masadlak sa kapanglawan ng Daigdig ng mga Patay nang tulad sa mga masasama. Wala man sila sa Langit (sapagkat nabuksan lamang ang Langit nang ang Panginoong Jesus ay nakaakyat na sa Langit), sila nama'y nasa mabuting kalalagayan:
Ngunit ang mga kaluluwa ng mga banal ay nasa kamay ng Diyos, at hindi sila maaabot ng pagdurusa. Sa paningin ng mga hangal sila'y mukhang mga patay, at ang kanilang pagpanaw ay itinuring na isang kapighatian, at ang kanilang paglisan sa atin, ganap na pagkawasak. Ngunit sila'y nasa kapayapaan. Sapagkat kung sa harap ng tao'y tunay nga silang naparusahan, datapwat ang kanilang pag-asa ay puno ng buhay na walang hanggan . . . . Ang banal, mamatay man siya nang maaga, ay matatahimik . . . Sapagkat kalugud-lugod ang kanyang kaluluwa sa Panginoon, kaya mabilis siyang hinango sa gitna ng kasamaan." (Karunungan 3: 1-4, 4: 7, 14)
"Nagdurusa sa impiyerno... Naghihirap ako sa alab na ito" Pinatutunayan nito na walang kapahingahan para sa mga masasama. Sa kanilang kamatayan, hahatulan sila ng Diyos sa walang katapusang pagdurusa. "Ilalaan ang parusa sa mga tampalasan hanggang sa araw ng paghuhukom, lalung-lalo na sa mga sumusunod sa pita ng laman at lumalapastangan sa kataas-taasang kapangyarihan" (2 Pedro 2: 9-10). Sinasabing ang mga anghel na nagkasala alalaong-baga'y si Satanas at ang iba pang mga demonyo ay itinapon sa "impiyerno" at ikinulong "sa madidilim na yungib", sa mga "walang hanggang bilangguan" sa "kailaliman ng dilim" hanggang sa pagsapit ng Araw ng Paghuhukom (2 Pedro 2: 4; Judas 1: 6). Sinasabi ring "ang Sodoma at Gomora at ang mga kalapit na lungsod na nagumon sa kahalayan at sa nakahihiyang mga kasalanan sa laman, ay ibinigay na halimbawa, sa pagpaparusa ng apoy na walang hanggan." (Judas 1: 7). Tahasang pinatutunayan nito na ang mga kaluluwa ng mga masasama, kasama ng mga demonyo, ay talagang naroroon sa Impiyerno at pinarurusahan, at doo'y mananatili sila habang hinihintay ang Araw ng Huling Paghuhukom. "Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, sa apoy na walang hanggan na inihanda sa demonyo at sa kanyang mga anghel." (Mateo 25: 41)
"Sa inyo at sa amin ay may isang napakalaking bangin, anupa't ang ibig lumipat sa inyo buhat dito ay hindi maaari, at ang naririyan naman ay hindi maaaring pumarito." Sinasagisag ng "bangin" ang pang-magpakailanmang hatol na iginagawad sa Partikular na Paghuhukom. Silang mga ibinulid sa Impiyerno ay hindi na maliligtas pa; silang mga dinala sa Sinapupunan ni Abraham ay tiyak na ang kaligtasan. Hindi na makararanas ng pagdurusa ang mga matutuwid; hindi na magwawakas ang pagdurusa ng mga tampalasan.
❝Scripture calls the abode of the dead, to which the dead Christ went down, "hell" Sheol in Hebrew or Hades in Greek because those who are there are deprived of the vision of God. Such is the case for all the dead, whether evil or righteous, while they await the Redeemer: which does not mean that their lot is identical, as Jesus shows through the parable of the poor man Lazarus who was received into "Abraham's bosom": "It is precisely these holy souls, who awaited their Savior in Abraham's bosom, whom Christ the Lord delivered when he descended into hell." Jesus did not descend into hell to deliver the damned, nor to destroy the hell of damnation, but to free the just who had gone before him.❞
CCC 633 |
NABUKSAN ANG LANGIT
Sa Kredo ay ating ipinahahayag: "Nanaog siya sa kinaroroonan ng mga yumao" ("He descended into hell"). Tumutukoy ito sa isang mahiwagang pangyayari na naganap nang ang Panginoong Jesu-Cristo ay namatay at inilibing. Habang ang katawan ay nasa libingan, ang kaluluwa ng Panginoon ay nagtungo sa Daigdig ng mga Patay upang ➊ pagpahayagan ang mga patay ng Mabuting Balita (1 Pedro 3: 18-20, 4: 6) at ➋ isama sa Paraiso silang mga matutuwid (Efeso 4: 8-10). Sa gayon, nagkaroon na ng katuparan ang pag-asa ng mga yumao na binabanggit sa Matandang Tipan:
- "Ang Panginoon ang siyang... nagpapababa sa tirahan ng mga patay at humahango roon." (1 Samuel 2: 6)
- "Ang Panginoon ang siyang nagkakaloob ng lahat ng kabutihan. Kung sino mang nais niya ay kanyang itinataas o ibinababa hanggang sa kalalim-lamiman ng pook ng mga patay." (Tobias 4: 19)
- "Hindi mo pababayaan ang aking kaluluwa sa tirahan ng mga patay" (Salmo 15: 10)
- "Mapapawi ang dilim sa bayang namimighati . . . . Ang bayang naglalakad sa karimlan ay nakakita ng isang malaking liwanag; sa mga naninirahan sa lupaing madilim ay sumikat ang isang maliwanag na tanglaw." (Isaias 8: 23, 9: 1)
- "Bahagyang naparusahan, sila'y pagpapalain ng malaki sapagkat sinubok sila ng Diyos at napatunayang karapat-dapat sa kanyang sarili. Tulad ng ginto sa apuyan, sila'y sinubok niya at waring mga alay sa paghahain, sila'y kinuha niya sa kanyang sarili." (Karunungan 3: 5-6)
Binuksan ng Panginoong Jesu-Cristo ang Langit (ang Paraiso) para sa mga tao: ang mga banal na kaluluwa ay hindi na pumapanaog pa sa Daigdig ng mga Patay, bagkus ay agad nang nakakapiling ng Panginoon sa Paraiso (Lucas 23: 43; 2 Corinto 5: 1-10, 12: 1-4; Filipos 1: 21-24).6 Tanging ang mga banal na kaluluwang nangangailangan pa ng paglilinis ang "ipabibilanggo" sa Daigdig ng mga Patay hindi sa Impiyerno kundi sa Purgatoryo at doo'y mananatili sila "hangga't di... nababayaran ang kahuli-hulihang kusing" (Mateo 5: 26) bago marapating makapasok sa Paraiso; "maliligtas siya, lamang ay magdadaan sa apoy" (1 Corinto 3: 15). Kaya't kung paanong ang mga tampalasan ay nagdurusang naghihintay sa Impiyerno hanggang sa Araw ng Paghuhukom, gayon din nama'y ang mga matutuwid ay masayang naghihintay sa Langit hanggang sa Araw ng Paghuhukom. Sila namang nasa Purgatoryo ay nagdurusang may pag-asa at pananabik, sapagkat taglay ang katiyakan ng Langit sa sandaling sila'y maging malinis na.
❝The Last Judgment will come when Christ returns in glory. Only the Father knows the day and the hour; only he determines the moment of its coming. Then through his Son Jesus Christ he will pronounce the final word on all history. We shall know the ultimate meaning of the whole work of creation and of the entire economy of salvation and understand the marvelous ways by which his Providence led everything towards its final end. The Last Judgment will reveal that God's justice triumphs over all the injustices committed by his creatures and that God's love is stronger than death.❞
CCC 1040 |
ANG HULING PAGHUHUKOM
Kung mayroon nang Partikular na Paghuhukom, ano pang saysay na dumanas ng Huling Paghuhukom? Sa Araw na iyon:
- Muling bubuhayin ang mga patay. "Muling mabubuhay ang mga matuwid at mga makasalanan" (Gawa 24: 15). "Tunay na tunay na sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at narito na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at yaong makikinig ay mabubuhay. Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, gayundin naman, ipinagkaloob sa Anak na magkaroon siya ng buhay sa kanyang sarili, at binigyan siya ng kapangyarihang humatol sa dahilang siya ang Anak ng Tao. Huwag kayong magtaka, sapagkat darating ang oras na ang kanyang tinig ay maririnig ng lahat ng mga nasa libingan; at magsisilabas ang nagsigawa ng mabuti tungo sa pagkabuhay na mag-uli sa buhay, subalit ang nagsigawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na mag-uli sa kaparusahan." (Juan 5: 25-30).
Sa gayon, ang hatol na iginawad lamang sa ating kaluluwa sa Partikular na Paghuhukom ay igagawad na sa ating buong pagkatao may katawan at kaluluwa sa Huling Paghuhukom.7 Wala nang kamatayan, at wala nang Daigdig ng mga Patay (Pahayag 20: 13-14).
- Mahahayag ang lahat ng mga lihim ng bawat isa. "Kaya't huwag muna kayong humatol kung hindi pa panahon. Hayaang dumating ang Panginoon; siya ang maghahayag ng mga bagay na natatago sa dilim at ibubunyag ang mga balak ng mga puso. Kung magkagayon ay tatanggap ang bawat isa mula sa Diyos ng papuring nauukol sa kanya." (1 Corinto 4: 5).
Sa gayon, ang hatol na iginawad sa Partikular na Paghuhukom na tanging ang kaluluwang hinatulan ang nakababatid ay malalaman ng lahat sa Huling Paghuhukom. Mahahayag sa lahat ang ganap na karangalan ng mga banal, at mahahayag din sa lahat ang ganap na kadustaan ng mga tampalasan. Ito ang magiging katuparan ng noon pa ma'y nasasaad na sa aklat ng Karunungan:
Karunungan 5: 1-8, 15-16 [1] Kung magkagayon ang banal ay haharap nang buong katatagan sa kanyang mga maniniil na hindi nagpahalaga ng kanyang mga pagpupunyagi. [2] Sa pagkakita nito, sila'y mangangatog sa matinding takot, at magugulat sa kaligtasang di-inaasahan. [3] Sasabihin nila sa isa't isa, nagsisisi at nagsisitangis sa matinding hapdi ng kaluluwa: "Ito ang minsan nating pinagtawanan at naging tudlaan ng ating mga paglibak. [4] Tayong mga ulol, itinuring nating kahangalan ang kanyang buhay, at ang kanyang kamatayan isang kahihiyan. [5] Tingni kung paano siya nabibilang sa mga anak ng Diyos; kung paanong ang kapalara'y kabilang sa mga banal! [6] Tayo pala ang lumisya sa landas ng katotohanan, at hindi lumiwanag sa atin ang tanglaw ng katarungan, at hindi sumikat sa atin ang araw. [7] Nagpakabusog tayo sa mga daan ng kasamaan at kapahamakan; naglakbay tayo sa di-maraanang mga ilang, subalit ang daan ng Panginoon ay hindi natin nakilala. [8] Ano ang napala natin sa ating kapalaluan? Ano ang naidulot sa atin ng kayamanan at ng karangyaan nito? . . . .
[15] Ngunit ang mga banal ay nabubuhay magpakailan man at nasa Panginoon ang kanilang gantimpala, at kinakandili sila ng Kataas-taasan. [16] Samakatuwid, kanilang tatanggapin ang maringal na putong, ang magandang diyadema, buhat sa kamay ng Panginoon, sapagkat lulukuban sila ng kanan niyang kamay, at ipagtatanggol sila ng kanyang bisig.
- "Soul, in many religions and philosophies, the immaterial element that, together with the material body, constitutes the human individual. In general, the soul is conceived as an inner, vital, and spiritual principle, the source of all bodily functions and particularly of mental activities. Belief in some kind of soul that can exist apart from the body is found in all known cultures . . . . Buddhism is unique in the history of religions because it teaches that the individual soul is an illusion produced by various psychological and physiological influences. Thus, it has no conception of a soul or self that can survive death."
[Saliba, John A. "Soul." Microsoft Encarta 2009. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.] [BUMALIK] - "In Sacred Scripture the term 'soul' often refers to human life or the entire human person. (Cf. Matthew 16:25-26; John 15:13; Acts 2:41.) But 'soul' also refers to the innermost aspect of man, that which is of greatest value in him, (Cf. Matthew 10:28; 26:38; John 12:27; 2 Maccabees 6 30.) that by which he is most especially in God's image: 'soul' signifies the spiritual principle in man." [CCC 363] [BUMALIK]
- Rephaim (shades sa Ingles) ang nakagisnang itawag sa mga kaluluwang naninirahan sa Sheol
• "The shades below tremble, the waters and their inhabitants. Sheol is naked before God, and Abaddon has no covering." (Job 26: 5-6 Revised Standard Version - Catholic Edition)
• "Dost thou work wonders for the dead? Do the shades rise up to praise thee? Is thy steadfast love declared in the grave, or thy faithfulness in Abaddon? Are thy wonders known in the darkness, or thy saving help in the land of forgetfulness?" (Psalm 88: 10-12 Revised Standard Version - Catholic Edition)
• "They are dead, they will not live; they are shades, they will not arise; to that end thou hast visited them with destruction and wiped out all remembrance of them." (Isaiah 26: 14 Revised Standard Version - Catholic Edition) [BUMALIK] - Abaddon. Ito'y salitang Hebreo na ang kahulugan ay "pagkawasak". Ang mga pananalitang "Seol at Abaddon" ay tumutukoy sa iisang bagay lamang: ang Daigdig ng mga Patay. Sa Bagong Tipan, nahayag ang tunay niyang pagkakakilanlan: "ang anghel ng kailaliman, ang pangalan niya sa Hebreo ay Abaddon at sa Griego ay Appollyon." (Pahayag 9: 10-11) [BUMALIK]
- Ayon kay Flavius Josephus (37 - 101 A.D.):
[source: http://penelope.uchicago.edu/josephus/hades.html]"Now as to Hades, wherein the souls of the righteous and unrighteous are detained, it is necessary to speak of it. Hades is a place in the world not regularly finished: a subterraneous region, wherein the light of this world does not shine. From which circumstance, that in this region the light does not shine, it cannot be but there must be in it perpetual darkness. This region is allotted as a place of custody for souls; in which angels are appointed as guardians to them: who distribute to them temporary punishments, agreeable to every one's behaviour and manners . . . .
"At whose gate we believe there stands an archangel, with an host: which gate when those pass through that are conducted down by the angels appointed over souls, they do not go the same way: but the just are guided to the right hand, and are led with hymns, sung by the angels appointed over that place; unto a region of light, in which the just have dwelt from the beginning of the world. Not constrained by necessity; but ever enjoying the prospect of the good things they see, and rejoicing in the expectation of those new enjoyments which will be peculiar to every one of them: and esteeming those things beyond what we have here. With whom there is no place of toil; no burning heat; no piercing cold: nor are any briers there: but the countenance of the fathers, and of the just, which they see, always smiles upon them: while they wait for that rest and eternal new life in heaven, which is to succeed this region. This place we call the bosom of Abraham . . . .
"But as to the unjust, they are dragged by force to the left hand by the angels allotted for punishment: no longer going with a good will, but as prisoners driven by violence. To whom are sent the angels appointed over them to reproach them, and threaten them, with their terrible looks; and to thrust them still downward. Now those angels that are set over these souls, drag them into the neighbourhood of hell it self. Who when they are hard by it, continually hear the noise of it; and do not stand clear of the hot vapour it self. But when they have a near view of this spectacle, as of a terrible and exceeding great prospect of fire, they are struck with a fearful expectation of a future judgment: and in effect punished thereby. And not only so, but where they see the place [or choir] of the fathers, and of the just, even hereby are they punished. For a chaos deep and large is fixed between them. Insomuch that a just man that hath compassion upon them cannot be admitted; nor can one that is unjust, if he were bold enough to attempt it, pass over it." [BUMALIK] - "By his death and Resurrection, Jesus Christ has 'opened' heaven to us. The life of the blessed consists in the full and perfect possession of the fruits of the redemption accomplished by Christ. He makes partners in his heavenly glorification those who have believed in him and remained faithful to his will. Heaven is the blessed community of all who are perfectly incorporated into Christ." (CCC 1026) [BUMALIK]
- Hinggil sa uri ng katawan sa Muling Pagkabuhay, ito'y tahasang tinalakay ni Apostol San Pablo: 1 Corinto 15: 35-57. [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF