"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Miyerkules, Oktubre 20, 2021

Hindi Porke't Katoliko Ako

REVISED: 8:13 AM 2/21/2022

Bago ang lahat, nais kong humingi ng pasensya sa mga mambabasa. Hayaan ninyong maging emosyonal muna ako sa blog post na ito. Hindi ninyo naman kailangang sumang-ayon sa mga sasabihin ko, ni isiping isa itong naaangkop na tugon ng isang Katolikong Cristiano.

Kung may mga taong malimit maging biktima ng pananamantala, pang-aabuso, pang-wawalang-hiya, pang-aalipusta, pang-aabala, malamang tayong mga Cristiano iyon. Bakit? Dahil inaasahan ng mundo na obligado kang maging mabait, mahinahon, at mapagpatawad sa lahat ng oras. Inaasahan nilang hindi ka marunong magalit at magreklamo. Inaasahan nilang maaari kang abusuhin nang paulit-ulit, at ikaw namang si "Tanga" ay buong giliw na magpapa-api at magpapa-ubaya. Inaasahan nilang kahit wala silang aktuwal na pagsisisi at pagbabayad-sala sa Diyos at sa iyo, maaari pa rin silang magpabalik-balik sa buhay mo na parang walang nangyari. Tanga ka kasi eh. Utu-uto ka kasi eh. "Mabait" ka kasi eh.

"Jef kumusta na kayo ni mama mo nawala kc yung old kng cp andon yung number ni mama kaya di ako makakontac sa inyo... c ____ awa ng Dios binatilyo pwd Jef mahingi yung number ni mama salamat God bless at ingat kayo.. ito ang cp number ____ pakibigay ke mama mo. salamat ulit"

Isang araw ay bigla ko na lang natanggap ang mensaheng ito sa Facebook Messenger. Sino ba yan? Siya ang aking tiya, kapatid ng tatay ko. Ang binabanggit niyang "binatilyo" na ay ang anak ng kuya ko nasa malayong probinsya kasama ng tatay ko. Maraming taon ko nang pinutol ang komunikasyon ko sa kanilang lahat dahil naubos na ang pasensya ko sa kanila. At bakit naman? Naturingan pa naman akong isang Cristianong manunulat ng apolohetika, at ganyan pala ang pag-uugali ko? May malalim na sugat po kasing pinagbabatayan yan. Tao pa rin naman akong nasasaktan. At kapag nasaktan ka, hindi ka ba umaaray?

Ang kuya ko ang sumunog ng bahay namin. Binantaan niyang papatayin kami ng nanay ko. At bago pa man naganap ang krimeng ito, sa loob ng mahigit sampung taon na kasama namin siya sa bahay ay nagdulot siya ng malaking pamemerwisyo: laging nagwawala, laging naninira ng gamit, laging sumisigaw at nagmumura, laging naghahanap ng away, laging nagiiskandalo. Mga ilang araw bago niya sinunog ang bahay, pinalayas niya kami sa bahay. Katawa-tawang isipin, hindi ba? Anak ka lang, pero hindi mo papapasukin sa bahay ang nanay at kapatid mo? Wala kang trabaho, wala kang naipundar sa bahay, nasa pangalan ng mga magulang mo ang titulo ng bahay ninyo, at dahil sa kung ano mang personal na ipinagiinarte mo sa buhay ay mamemerwisyo ka nang ganyan? At buong pagmamalaki pa niyang ipinagmamatuwid ang kanyang pag-uugali, at pinalalabas na siya pa ang "biktima", at kami ng nanay ko ang masama. Nangangatuwiran siya na wari ba "karapatan" pa niyang gawin ang lahat ng mga kasamaang ginagawa niya. Walang pagsisisi. Walang pagbabayad-sala.

At ano naman ang masasabi ng tatay ko at ng tiya ko hinggil dito? Walang pagsaway sa mga halatang masamang pag-uugali ng kapatid ko. Sa katunayan, nang masunog ang bahay, mas inasikaso pa nila ang kapatid ko kaysa kami ng nanay ko. Nang maaresto at makulong ang kapatid ko, wala silang inatupag kundi kung paano siya mapapalaya. Nais pa nila akong obligahin at konsensyahing dalawin siya sa kulungan. "Depressed" daw kasi siya. Unawain daw namin siya. Kawawa naman daw siya. Hayaan lang daw namin siyang mura-murahin kami at pagbantaang papatayin, dahil hindi naman daw iyon tototohanin. Hindi maarok ng utak nila na maraming kaso ng mga patayan sa lipunan natin ay pawang mga magkakapamilya, magkakamag-anak, at magkakakilala.

Sa huli, sa pamamagitan ng pangmamaniobra sa bulok na proseso ng hustisya sa Pilipinas (kinumbinsi nila ang nanay ko na gumawa ng statement na nagsasabing aksidente lang ang pagkakasunog ng bahay, at nagbayad sila ng abugado para asikasuhin agad ang pagpapa-dismiss ng kaso), nakalaya ang kapatid ko. Salamat daw sa Diyos. Ngayon, makalipas ng mahigit limang taon, heto't biglang nagpaparamdam ang tiya ko — ang tiya kong nagbubulag-bulagan, kakampi ng kasamaan, ipokrita.

Nagagalit ba ako? Oo, naman. Sino bang matinong tao ang hindi sasama ang loob sa ganyang balintuwad na sitwasyon? Lumipas na ang mahigit limang taon pero hanggang ngayo'y napeperwisyo pa rin kami ng nanay ko sa pagkakasunog ng bahay. Hindi naman kasi madaling bumangon sa ganyang klase ng trahedya. Napakarami pang kailangang ayusin sa bahay. May mga importanteng gamit na nawala, pero hindi ko na mapalitan dahil sapat lang ang kinikita ko para sa pagkain, gamot, at mga buwanang bayarin (kuryente, tubig, atbp.). Pero higit pa sa galit ang nararamdaman kong TAKOT at PAGKABAHALA, na sa sandaling magpatay-malisya ako sa mga nangyari, ay magsisimula nanaman ang panibagong pamemerwisyo. At makatuwiran ang pagkabahalang ito, dahil wala namang pagsisisi at pagbabayad-salang ginagawa ang kapatid ko at ang tatay ko at ang tiya ko. Kumbinsido silang sila pa ang nasa panig ng kabutihan at katarungan. Kumbunsido silang sila pa ang mga mabubuting tao. Kumbinsido silang kakampi nila ang Diyos sa kabila ng mga pinaggagagawa nila. At para sa akin, nakakatakot ang mga ganyang klaseng tao.

Bilang Cristiano, dapat kang magpatawad, pero dapat mo ring mahalin ang sarili mo. Hanggang kailan mo balak ipasampal ang mga pisngi mo nang paulit-ulit? Kahit ang Panginoong Jesus ay umalma sa di makatarungang pagsampal sa kanya (Juan 18: 23). Kahit ang Santo Papa ay bantay-sarado ng mga Swiss Guards. Kahit ang Vatican City ay may mga pader at sariling kapulisan. Ang pagiging mapagpatawad ay hindi kailanman nangahulugan na bubusabusin mo na ang sarili mo sa kamay ng mga masasama!

Magpatawad ka hanggang pitumpu't pitong beses, sabi ng Panginoon (Mateo 18: 22), na alam naman nating ang talagang ibig sabihin ay pagpapatawad na walang limitasyon. Subalit hindi ibig sabihin na ang pagpapatawad ang tanging tugon ng Cristiano sa mga taong nagkakasala sa kanya. May tamang proseso pa rin itong pinagdaraanan: kausapin nang sarilinan, magsama ng isa o dalawang saksi, isumbong sa Simbahan, at kung wala pa ring pagsisisi at naninindigan pa sa ginawang kasalanan sa iyo, ay "ipalagay mo siyang tulad ng Hentil at publikano." (Mateo 18: 15-17). May mga pagkakataon talaga na kailangan mong putulin ang relasyon mo sa mga taong mapanganib. Hindi mo kailangang makisama at magpaubaya sa lahat ng pagkakataon!

"Huwag patuluyin sa bahay at huwag batiin. Ang sino mang bumati sa kanya ay nakikiisa sa masasamang gawain nito."

2 JUAN 1: 10-11

Kaya nga, sino ka mang nagkasala sa kapwa mo, mahiya ka naman. Alalahanin mo ang napakalaking responsibilidad mo na ayusin ang mga sinira mo. Hindi obligado ang mga biktima mo na pagkatiwalaan ka. Hindi katungkulan ng mga winalang-hiya mo na unawain ka, patuluyin ka pa sa buhay nila, tumugon sa mga pangungumusta mo, at kalimutan ang mga nangyari. At huwag ka rin naman sanang makapal ang mukha na baliktarin ang sitwasyon, at palitawing kami pang mga biktima mo ang masama dahil ayaw na naming makisama pa sa iyo. Mahirap ang landas ng pagpapakabanal. Kung ang mabuting tao nga ay nahihirapan, ang mga masasamang tao pa kaya? Hindi basta-basta naitutuwid ang masamang pag-uugali. Hindi kayo pwedeng "bumalik sa dati" — sa dati na pinagtitiisan ka ng biktima mo sa mga krimen mo. Maawa naman kayo sa mga biktima ninyo! Maawa naman kayo sa mga taong ang tanging hangad ay mamuhay nang tahimik. Maawa naman kayo sa mga taong sawang-sawa na, pagod na pagod nang umunawa, magpasensya, magpatawad. Hindi porke't Katoliko ako ay maaari na ninyo akong apak-apakan.

P.S. Iyan nga pala ang dahilan kung bakit nawalan ako ng pananampalataya sa Diyos sa mga sumunod na dalawang taon. Oo, naging ateista ako noon. Mga taong 2017 nang unti-unti akong kumalma, nakapag-isip-isip, hanggang sa kalauna'y nakapag-kumpisal. At kahit nagbalik-loob na ako, masasabi kong tila ba nagkaroon ng isang permanenteng ateista na naninirahan sa puso ko — isang munting tinig na laging nagpapaalala sa akin na ang mundong ito ay napaghaharian ng MASAMA.

"Huwag makisama sa kanino mang kapatid kung siya ay mahalay, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, mapanglait, mapaglasing, o mandarambong; sa ganyang tao ay huwag kahit makisalo . . . Paalisin ang masama sa piling ninyo."

1 CORINTO 5: 11, 13


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF