"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Biblikal ba ang Pagdarasal ng Rosaryo?

"Sa wakas, mga kapatid, ang lahat ng totoo, ang lahat ng marangal, ang lahat ng matuwid, ang lahat ng malinis, ang lahat ng kaibig-ibig, ang lahat ng kapuri-puri, ang lahat ng banal at dapat papurihan — ang mga bagay na ito ay dapat ninyong pag-ukulan ng pag-iisip." (Filipos 4: 8)

 

MGA TINUHOG NA BUTIL

Ginaya lang ba sa mga pagano ang mga tinuhog na butil ng Santo Rosaryo? Hindi. Bago pa man lumitaw sa mundo ang mga paganong relihiyon na gumagamit din ng mga tinuhog na butil sa pananalangin (Hinduism, Buddhism, Islam), ang mismong sining ng pagtutuhog ng mga butil ay umiiral na noon pa mang Middle Paleolithic Period (mga 180,000 - 40,000 taon nang nakararaan).1 Noon pa ma'y gumagamit na ang mga sinaunang tao ng mga tinuhog na butil bilang palamuti, alahas, kasangkapang pamilang, pangkalakal, atbp. Nang ito'y gamitin ng mga mananampalatayang Katoliko bilang pambilang sa kanilang mga panalangin, ito'y maituturing nang isang karaniwang kasangkapan na hindi eksklusibong maiuugnay sa mga paganong relihiyon.

 

PAULIT-ULIT NA DASAL

Makasusumpong ba sa Biblia ng mga inuulit-ulit na dasal? Oo. Isa sa mga di-napapansing anyo ng panitikan sa Biblia ay ang mga salmo alpabetiko (acrostics) — ito'y mga awit o tula na ang mga taludtod ay nagsisimula sa titik na batay sa pagkakasunud-sunod ng mga ito sa alpabetong Hebreo.2 Di umano, ang Griyegong makata at dramaturgong si Epicharmus (nabuhay noong ika-limang siglo B.C.) ang kumatha ng gayong estilo ng pagtula. Ginagawa ang salmo alpabetiko para sa mas madaling pagsasaulo: ang alpabetong Hebreo ang nagsisilbing kasangkapan upang madaling maalala ang pagkakasunud-sunod ng mga taludtod. Ipinahihiwatig nito ang paulit-ulit na paggamit sa mga naturang tula o salmo (dahil wala namang katuturan na sauluhin ang isang salmong minsan mo lamang gagamitin). Mapapansin na taglay nito ang mga pangunahing elementong tinutuligsa ng mga anti-Katoliko sa debosyon ng Santo Rosaryo: ➊ inuulit-ulit na panalangin, ➋ kasangkapang pantulong sa ginagawang pagpapaulit-ulit, at ➌ pamamaraang buhat sa mga pagano, sapagkat si Epicharmus — na may-katha ng estilong akrostik — ay hindi naman isang mananampalatayang Judio.

Bukod sa mga salmo alpabetiko, makababasa rin sa Biblia ng mga salmong nag-uulit-ulit ng isang taludtod o pangungusap. Halimbawa nito'y ang Salmo 117 at Salmo 135 na paulit-ulit na sinasabi ang "(sapagkat) walang hanggan ang kanyang awa"; Salmo 150 na paulit-ulit ang mga salitang "Purihin ninyo ang Panginoon", "Purihin ninyo siya", at "Purihin siya"; at Daniel 3: 52-90 na paulit-ulit ang mga salitang "Magsiawit kayo at ipagdangal siya magpakailan man". Sinasabi rin na sa Langit, ang Diyos ay walang tigil na pinupuri ng mga serapin sa mga pananalitang "Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos, ang makapangyarihan sa lahat, na siya noong una, ngayon at paririto." (Pahayag 4: 8; tingnan din: Isaias 6: 2-3).

Kaya naman, nang sabihin ng Panginoong Jesus na "Sa inyong mga panalangin ay huwag magsalita ng marami katulad ng mga Hentil" (Mateo 6: 7),3 hindi ang mismong paulit-ulit na dasal ang kanyang tinutuligsa, kundi ang paulit-ulit na dasal udyok ng kawalang-pagtitiwala sa Diyos, "na ang akala ay diringgin sila dahil sa dami ng kanilang sinasabi". Sa gayong pananaw, ang pagpapaulit-ulit ng dasal ay hindi na maituturing na panalangin, kundi nagiging walang kabuluhang pagdaldal o pag-iingay na lamang,4 na ang layon ay sapilitang pasunurin ang Diyos. Subalit ang paulit-ulit na dasal udyok ng pananampalataya at lubos na pagtitiwala ay totoong kinalulugdan ng Diyos at kanyang tinutugon sa tamang panahon (Lucas 11: 5-13, 18: 1-8). Kung hindi gayon, paano ipaliliwanag ang pananalangin ng Panginoong Jesus nang buong magdamag (Lucas 6: 12), at ang paulit-ulit niyang panalangin sa Getsemani ("Sila ay iniwan niya at muling nanalangin, na sinasabi ang gayunding mga kataga" — Mateo 26: 44)? Sinasalungat ba ni San Pablo ang Panginoon, nang kanyang itagubilin sa mga taga-Tesalonica na "manalangin nang walang humpay" (1 Tesalonica 5: 16)?

 

PAG-AANTANDA NG KRUS

Ang "pag-aantanda" ay ang paggamit ng anumang nakikitang bagay o pagkilos bilang "tanda" (sign) ng anumang pahatid-kaalamang ibig ipatalastas (Lucas 1: 22, 62); sa madaling salita, isang "sign language" ang Pag-aantanda ng Krus. Sa Pag-aantanda ng Krus, ➊ ang nakikitang pagkilos ay ang pagtalunton ng hugis ng krus gamit ang kanang kamay na dinadala sa noo, pababa sa ilalim ng dibdib, paakyat sa kaliwang balikat patungong kanang balikat, at saka pagtitiklupin ang mga palad. At ➋ ang pahatid-kaalamang nais ipahayag ng naturang pagkilos ay:

  • Ang mismong kalakip nitong panalangin: "Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen." (Mateo 28: 19) Sa gayon, tinutupad nito ang tagubilin ni Apostol San Pablo: "At ano man ang inyong gawain, maging sa salita o sa gawa, ang lahat ay gawin ninyo sa ngalan ng Panginoong Jesus" (Colosas 3: 17). Sinisimulan, kung gayon, ang pagdarasal ng Santo Rosaryo, sa ngalan ni Jesus (na siya ring ngalan ng Ama at ng Espiritu Santo — iisang Diyos, tatlong Persona: ang pangalan nila ay YHWH, ayon sa Exodo 3: 14).5
  • Ang ating paggunita sa pagkapako at pagkamatay sa krus ng Panginoong Jesu-Cristo para sa ating kaligtasan. Mahalaga ito, sapagkat ayon nga kay Apostol San Pablo: "Ang aral ng krus... ay lakas ng Diyos . . . Ang aming iniaaral ay si Cristong ipinako sa krus" (1 Corinto 1: 18, 23); "Wala akong ibang ipinagmamalaki kundi ang krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo." (Galacia 6: 14).
  • Ang pagpapanibago ng ating pangakong tatalikuran ang lahat upang sumunod sa Panginoon. Sabi nga ng Panginoong Jesus: "Ang sino mang nagmamahal sa kanyang ama at ina, sa kanyang asawa at mga anak, sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Ang sino mang di magpasan ng kanyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko." (Lucas 14: 26-27).
  • Ang ating pagpapa-saklolo sa Panginoong Jesus na ipag-adya tayo sa mga kaaway. Ito'y sapagkat ayon kay Apostol San Pablo, silang mga namumuhay sa kasamaan ay "mga kaaway ng krus ni Cristo" (Filipos 3: 18).

Gumagamit tayo ng nakikitang tanda upang bigyang-diin ang nais nating ipahayag: talagang nagpapa-pansin tayo, talagang sinasadya nating ipakita, talagang ipinamumukha natin sa ating sarili at sa sinumang makakakita sa atin, upang sa gayon, gaya ni Apostol San Pablo, ay buong katapangan nating masasabi sa mundo: "Maliwanag na ipinakita sa inyo si Jesucristong nakapako sa krus." (Galacia 3: 1).6

Sa katunayan, ang Tanda ng Krus ay matatagpuan na sa mismong mga kasulatan ng Matandang Tipan. Ito'y mga "tanda" sapagkat ito'y mga bagay o pagkilos na nakikita at nagsisilbing anino ng dakilang katotohanang magaganap sa Bagong Tipan: ang kamatayan ni Jesus sa krus. Nariyan ang pagtataas ng mga kamay ni Moises habang ang mga Israelita'y nakikipag-laban sa mga Amalekita: "Kung itinataas ni Moises ang kanyang mga kamay ay nananaig sa laban ang Israel, ngunit kung ibinababa, si Amalek naman ang nananalo" (Exodo 17: 11).7 Nariyan ang imahen ng ahas na tanso (Bilang 21: 8-9), na ayon na rin mismo sa Panginoong Jesus: "At kung paano itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, gayun din dapat itaas ang Anak ng Tao, upang ang sino mang sumasampalataya sa kanya ay magkamit ng buhay na walang hanggan." (Juan 3: 14-15); "Kapag itinaas na ninyo ang Anak ng Tao, makikilala ninyo na ako nga siya" (8: 28) — ipinahihiwatig ng pagtataas ng ahas ang "pagtataas" kay Jesus sa krus. At nariyan din ang titik na tav (ayon sa sinauna, hindi sa kasalukuyang alpabetong Hebreo), na ang hitsura'y katulad ng isang krus (✝),8 na sabi nga sa aklat ni Propeta Ezequiel: "Sinabi sa kanya ng Panginoon, Lumibot ka sa lungsod, lumibot ka sa Jerusalem at tatakan ng krus ang mga noo ng mga taong humihibik at umiiyak dala ng lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa sa loob ng lungsod . . . Patayin ninyo ang matanda, binata, dalaga, bata at babae hanggang sa malipol ang lahat, subalit huwag ninyong galawin ang sino mang may tatak na krus." (Ezequiel 9: 4, 6).

 

ANG KREDO

May batayan ba sa Biblia ang "Ang Sumasampalataya" ("Kredo ng mga Apostoles")? Isa-isahin natin:

  • Sumasampalataya ako sa Diyos, Amang makapangyarihan sa lahat (Malaquias 2: 10; Genesis 28: 3), na may gawa ng langit at lupa. (Genesis 1: 1)
  • Sumasampalataya ako kay Jesu-Cristo, iisang Anak ng Diyos (Juan 3: 18), Panginoon nating lahat (1 Corinto 8: 6).
  • Nagkatawang-tao siya (Juan 1: 14; 1 Juan 4: 2) lalang ng Espiritu Santo (Mateo 1: 18, 20). Ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. (Lucas 1: 26-45)
  • Pinagpakasakit ni Poncio Pilato (Juan 19: 1-16). Ipinako sa krus (Galacia 3: 1), namatay (Juan 19: 30-37), inilibing (Juan 19: 38-42).
  • Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao (1 Pedro 3: 18-20). Nang may ikatlong araw ay nabuhay na mag-uli (1 Corinto 15: 1-8).
  • Umakyat sa langit (Gawa 1: 9-11). Naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat (Gawa 7: 55; Colosas 3: 1).
  • Doon magmumulang paririto at huhukom sa nangabuhay at nangamatay na tao. (2 Timoteo 4: 1)
  • Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo. (Mateo 28: 19; 2 Corinto 3: 17-18)
  • Sa banal na Simbahang Katolika (Mateo 16: 18-19, 28: 18-20; Roma 1: 8, 16: 16; Efeso 5: 25-27), sa kasamahan ng mga banal (1 Corinto 12: 12-27).
  • Sa kapatawaran ng mga kasalanan (Juan 20: 22-23; Gawa 2: 38).
  • Sa pagkabuhay na muli ng nangamatay na tao. (1 Corinto 15: 51-58)
  • At sa buhay na walang hanggan. Amen. (Juan 3: 16).

 

AMA NAMIN

At sino namang HANGAL kaya, na pati ba naman ang Ama Namin ay pagdududahan pa kung nasa Biblia? Ito'y nasa Mateo 6: 9-13. Ito ba'y itinakdang huwaran lamang, at di dapat dasalin nang letra-por-letra? Hindi, sapagkat sabi ng Panginoong Jesus: "Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo: Ama, sambahin ang ngalan mo; mapasa amin ang kaharian mo . . ." (Lucas 11: 2-4) — isang panalanging ibig mismo ng Panginoon na ulit-ulitin natin.

 

ABA GINOONG MARIA

May batayan ba sa Biblia ang Aba Ginoong Maria? Isa-isahin natin:

  • "Aba ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo." (Lucas 1: 28)
  • "Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong Anak na si Jesus." (Lucas 1: 42)
  • "Santa Maria" Hindi ba nararapat tawaging "santa" (banal-na-babae) si Maria? Kataka-taka na ibig ng mga anti-Katoliko na ipagkait kay Maria ang karangalang ito, gayong sa 1 Pedro 3: 5, maliwanag na binabanggit na noong unang panaho'y may mga "banal na babae" na namuhay sa daigdig, kabilang na si Sara na asawa ni Abraham. Sinasabi ba ng mga lapastangang anti-Katolikong ito na mas banal pa ang mga babae noong panahon ng Matandang Tipan kaysa kay Maria — siya na bukod na pinagpala sa babaeng lahat?
  • "Ina ng Diyos" Kung ang Panginoong Jesu-Cristo ay Diyos (Juan 1: 1-5), at si Maria ang naglihi at nagsilang sa kanya, samakatuwid, Si Maria ay naglihi at nagsilang — alalaong-baga'y ina — ng Diyos. Siya ang dakilang Theotokos (tagapagdala-ng-Diyos).
  • "Ipanalangin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kami ay mamamatay. Amen." Dahil sa Kaisahan ng mga Banal (Communion of Saints), maaari nating idalangin sa mga Santo/Santa na nasa Langit ang ating mga "paghihirap" upang sa pamamagitan ng kanilang pananalangin para sa atin, tayo naman ay nababahaginan ng kanilang "kagalakan" sa Langit. (1 Corinto 12: 13, 18, 21, 26). Sa lahat ng mga Santo/Santang nasa Langit, higit na mabisa ang mga panalangin ni Maria para sa Simbahan, sapagkat siya ang hinirang ng Panginoong Jesus bilang Ina ng kanyang mga minamahal na alagad (Juan 19: 25-27). Ang reynang nagsilang sa lalaking maghahari sa lahat ng mga bansa, ang siya ring ina ng mga "tumutupad ng mga utos ng Diyos at nagtataglay ng patotoo kay Jesus" (Pahayag 12).

Tayong mga tumatawag kay Maria sa pamamagitan ng panalanging ito ang nagiging katuparan ng mga salita mismo ni Maria:

"Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap niya ang kababaan ng kanyang lingkod. Narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng sali't saling lahi, sapagkat gumawa sa akin ang Makapangyarihan sa lahat ng mga dakilang bagay." (Lucas 1: 46-49)

Ayon sa tradisyon, ang pagdarasal ng Santo Rosaryo ay nagmula sa pagdarasal ng 150 na Aba Ginoong Maria bilang pamalit sa pagdarasal ng 150 na Salmo. Kung gayon, maituturing itong isang talinghaga: Ang lahat ng mga pagpapala na ipinahihiwatig lamang sa mga Salmo ng Matandang Tipan ay nagkaroon ng katuparan sa pinagpalang babae na si Maria at sa pinagpala niyang anak na si Jesus. Ayon na rin mismo sa Panginoong Jesu-Cristo, siya ang katuparan ng "lahat ng nasusulat... sa Batas ni Moises, mga Propeta, at mga Salmo" (Lucas 24: 44).

Malinaw, kung gayon, na sa tuwing paulit-ulit na dinarasal ang Aba Ginoong Maria, paulit-ulit ding naipahahayag ang mga dakilang katotohanan ng Pananampalatayang Cristiano. Ito ang dahilan kung bakit itinuturing ang Santo Rosaryo bilang mabisang sandata laban sa mga erehiya. Ang Aba Ginoong Maria ay isang "munting kredo" ng mga mahahalagang katuruan hinggil sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

 

LUWALHATI

Luwalhati sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo. Kapara ng sa unang-una, ngayon at magpakailanman, magpasawalang-hanggan. Amen. Dito'y maliwanag na ipinahahayag ang Cristianong Pananampalataya sa iisang Diyos na may Tatlong Persona — ang Banal na Santatlo (Mateo 28: 19; 2 Corinto 13: 13). Ito ang pinaikli ng mas mahabang "Luwalhati sa Kaitaasan" (Gloria in Excelsis) na inaawit sa Banal na Misa.9 Tahasang naipahahayag nito na tanging ang Santatluhang Diyos ang sinasamba, at si Maria'y pinararangalan lamang alang-alang sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kanyang karangalan. Sabi nga ni Maria, "Gumawa sa akin ang Makapangyarihan sa lahat ng mga dakilang bagay" (Lucas 1: 49). Agad nitong natutugunan ang mga malisyosong paratang ng mga anti-Katoliko, na di-umano'y sinasamba natin si Maria sa tuwing dinarasal ang Santo Rosaryo. Hindi sa dami ng mga salita nababatay kung sinasamba mo ba ang dinadalanginan mo; nakabatay ito sa kung ano bang nilalaman ng iyong puso, pinanghahawakan ng iyong makatuwirang pag-iisip, at sa kahulugan ng mga salitang namumutawi sa iyong mga labi.

PAGNINILAY NG MGA MISTERYO

Labag ba sa Biblia na pagnilayan ang mga katotohanan ng Pananampalataya? Hindi. Mismong ang Diyos ay nag-utos noon kay Josue: "Pagbulay-bulayin mo ito araw at gabi nang maisakatuparan mong mabuti ang lahat ng nakasulat dito; sa gayon ay magiging matiwasay ang iyong mga gawain at magtatagumpay ang iyong nilalayon." (Josue 1: 8). Sa ating pagninilay sa mga Misteryo ng Santo Rosaryo, tinutularan natin si Maria, na "tinandaan... at pinagdili-dili sa kanyang puso" (Lucas 2: 19; 51) ang lahat ng kanyang mga karanasan kay Jesus.

May batayan ba sa Biblia ang mga misteryong pinagninilayan sa Santo Rosaryo? Isa-isahin natin:

  • Ang mga Misteryo ng Tuwa:
    1. Ang Pagbati ni Anghel Gabriel kay Santa Maria (Lucas 1: 26-38)
    2. Ang Pagdalaw ni Santa Maria kay Santa Isabel (Lucas 1: 39-56)
    3. Ang Kapanganakan ni Jesus (Lucas 2: 1-20)
    4. Ang Paghahain kay Jesus sa Templo (Lucas 2: 22-40)
    5. Ang Pagkakita kay Jesus sa Templo (Lucas 2: 41-52)
  • Ang mga Misteryo ng Liwanag:
    1. Ang Pagbautismo kay Jesus sa Ilog Jordan (Mateo 3: 13-17)
    2. Ang Kasalan sa Kana (Juan 2: 1-11)
    3. Ang Pagpapahayag ni Jesus sa Paghahari ng Diyos (Marcos 1: 14-15)
    4. Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus (Mateo 17: 1-8)
    5. Ang Pagtatatag ng Banal na Eukaristiya (1 Corinto 11: 23-26)
  • Ang mga Misteryo ng Hapis:
    1. Ang Pananalangin ni Jesus sa Halamanan ng Getsemane (Lucas 22: 39-53)
    2. Ang Paghampas kay Jesus na Nagagapos sa Haliging Bato (Lucas 22: 63-65)
    3. Ang Pagpuputong ng Koronang Tinik (Mateo 27: 11-27)
    4. Ang Pagpasan sa Krus (Lucas 23: 26-32)
    5. Ang Pagkapako at Pagkamatay ni Jesus sa Krus (Juan 19: 18-42)
  • Ang mga Misteryo ng Luwalhati:
    1. Ang Muling Pagkabuhay (1 Corinto 15)
    2. Ang Pag-akyat sa Langit (Gawa 1: 3-12)
    3. Ang Pagpanaog ng Espiritu Santo (Gawa 1: 12 - 2: 27)
    4. Ang Pag-aakyat sa Langit kay Santa Maria (Pahayag 11: 19 - 12: 17)
    5. Ang Pagpuputong ng Korona kay Santa Maria (Pahayag 12: 1)

Tinatawag ang mga itong "misteryo" ("hiwaga") hindi dahil sa hindi natin sila maunawaan, bagkus dahil habang sila'y taimtim na pinagninilayan, unti-unti din namang umuunlad ang ating pagkakakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo (2 Pedro 3: 18). Udyok na lamang talaga ng kababawan ng pag-iisip kung pati ba naman ang pagtawag sa mga ito ng "misteryo" ay tutuligsain pa ng mga anti-Katoliko. Si Apostol San Pablo na rin ang nagsasabi: "Dakila nga, ayon sa palagay ng lahat, ang HIWAGA ng kabanalan: siya ay ipinahayag sa laman, inaring matuwid sa pamamagitan ng Espiritu, napakita sa mga anghel, ipinangaral sa mga Hentil, sinampalatayanan sa daigdig, iniakyat sa kaluwalhatian." (1 Timoteo 3: 16).

"Being human, we easily become tired and slipshod, but the devil makes these difficulties worse when we are saying the Rosary. Before we even begin, he makes us feel bored, distracted, or exhausted; and when we have started praying, he oppresses us from all sides, and when after much difficulty and many distractions, we have finished, he whispers to us, 'What you have just said is worthless. It is useless for you to say the Rosary. You had better get on with other things. It is only a waste of time to pray without paying attention to what you are saying; half-an-hour's meditation or some spiritual reading would be much better. Tomorrow, when you are not feeling so sluggish, you'll pray better; leave the rest of your Rosary till then.' By tricks of this kind the devil gets us to give up the Rosary altogether or to say it less often, and we keep putting it off or change to some other devotion."

ST. LOUIS DE MONTFORT
The Secret Of The Rosary

ABA PO SANTA MARIANG HARI

Ang "Aba Po Santa Mariang Hari" ay ang Tagalog ng Salve Regina, na isang awiting kinatha ng mongheng si Hermann Contractus (pumanaw nang 1054), bilang parangal kay Maria na nagbigay sa kanya ng lakas na magpatuloy sa buhay sa kabila ng pagiging lumpo buhat pa nang ipanganak. Isa itong madamdaming awitin na kinasasangkutan ng mga panaghoy, na agad pinapawi ng pagtitiwalang sa tulong ni Maria'y makakamtan natin ang kanyang "pinagpalang bunga ng sinapupunan" na si Jesus. [Sa mga anti-Katolikong mangmang na tinutuligsa ang paggamit natin ng salitang "hari" sa halip na "reyna", marapat ipaunawa sa kanila na sa sinaunang Tagalog ang salitang "hari" ay parehong panlalaki at pambabae, habang ang "reyna" ay salitang-hiram lamang buhat sa Kastila. Gayon din ang salitang "ginoo" na ginagamit sa Tagalog ng orihinal na Ave Maria sa Latin.]

Lumalabag ba ito sa Biblia? Nagpapahayag ba ito ng pagsamba kay Maria? Isa-isahin natin:

  • "Aba po Santa Mariang Reyna" Paano nga ba naging reyna si Maria?

    Sa mga sinaunang kaharian (lalo na sa paghahari ni Haring Solomon), ang nagiging Reyna ng Kaharian ay ang INA NG HARI, hindi ang asawa ng Hari (1 Hari 15: 10, 13; 2 Hari 21: 1, 19, 22: 1, 18: 2; Nehemiah 2: 6; Daniel 5: 10). Siya'y tinatawag na Gebira, salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay "dakilang ginang". Ang Inang Reyna ang may kapamahalaang pangalawa lamang sa Hari. Siya'y napuputungan din ng korona, tanda ng kanyang kapangyarihan (Jeremias 13: 18) at naluluklok din siya sa isang trono na nasa kanan ng trono ng Hari (1 Hari 2: 19).

    Ang Panginoong Jesu-Cristo ay "Hari ng mga hari" (Pahayag 1: 5, 17: 14). Sa kanya ipinagkaloob ang trono ni David (Lucas 1: 32). "Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan." (Lucas 1: 33). Kaya't kung ang ina ng Hari ang Reyna sa Kaharian ni David, at si Jesus ang nagmana sa Kaharian ni David, at si Maria ang ina ni Jesus (Mateo 1: 16), samakatwid, si Maria ang Inang Reyna sa Kaharian ni Jesus. Nang dinalaw ni Maria si Elisabet, sinabi nito sa kanya: "Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?" (Lucas 1: 43). Pinatutunayan nito ang kanyang dakilang katayuan sa harap ng mga Cristianong nakakikilala sa kanya.

    Ayon sa Hebreo 1: 8-9, ang Panginoong Jesu-Cristo ang katuparan ng Salmo 45: 6-7. Subalit sa pagpapatuloy ng naturang awit hanggang sa ika-siyam na taludtod, binabanggit din ang Inang Reyna na nakatayo sa kanan ng Hari: "Samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna, palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya." Kaya kung si Jesus ang Hari sa salmong ito, si Maria naman ang Reyna.

    Sa Pahayag 12: 1, ipinakita ng Diyos kay Apostol San Juan si Maria na puspos ng kadakilaan bilang Inang Reyna ng Kaharian ng Diyos: "Isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya'y may koronang binubuo ng labindalawang bituin." Sa Biblia, ang mga araw, buwan, at bituin ay simbolo ng regalya o makaharing katayuan. Halimbawa, bago naging Tagapamahala ng Egipto ang patriarkang si Jose, nakita niya sa panaginip ang araw, buwan, at bituin na yumukod sa harap niya (Genesis 37: 9). Ang korona ng labindalawang bituin ni Maria ay sumasagisag sa Kaharian kung saan siya naging Reyna: Ang labindalawang lipi ng Israel o ang Kaharian ni David, at ang labindalawang Apostol ni Jesu-Cristo o ang mga haligi/saligan ng Kaharian ng Diyos. Kung si Maria ang Inang Reyna ng Kaharian ni David at ng Kaharian ng Diyos, samakatwid ang kanyang Anak na si Jesus ang siyang "itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal" (Pahayag 12: 5). Sa halip na sapawan o lituhin ang kadakilaan ng Panginoong Jesus, binibigyang-diin pa nga ng pagka-Reyna ni Maria ang katotohanang kay Jesus ipinagkaloob ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa (Mateo 28: 18).

  • "Ina ng Awa" Sa kanilang nakakikilala kay Maria, halata naman na ang Panginoong Jesus, kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo, ang pinagmumulan ng awa (Marcos 5: 19-20; 1 Timoteo 1: 2). Si Maria ang ina ni Jesus kaya siya naging "Ina ng Awa".
  • "Ikaw ang kabuhayan at katamisan; Aba pinananaligan ka namin." (our life, our sweetness, our hope) Siya ang ating "buhay" sapagkat nang siya'y nanalig sa balita ng anghel, nagdulot siya ng buhay para sa kanyang sarili at sa buong sangkatauhan.10 Siya ang ating "katamisan" (makatang pagsasabi na siya'y kalugud-lugod) sapagkat ang Diyos mismo ang nalulugod sa kanya (Lucas 1: 30).11 Siya ang ating "pag-asa", sapagkat ayon nga sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko, "Sa pag-aakyat sa kanya sa langit upang makapisan ang kanyang Anak na si Kristong nabuhay na mag-uli, at sa kaganapan ng kanyang katauhan, ipinahahayag ni Maria ang kaganapan ng gawaing pagtubos ng Diyos para sa lahat, 'isang palatandaan ng tiyak na pag-asa at kaginhawaan para sa naglalakbay na bayan ng Diyos'." (KPK 524). Malinaw nga, kung gayon, na walang anumang ipinahihiwatig ang mga pananalitang ito na si Maria ay sinasamba o isang diyosang ipinapantay sa Diyos.
  • "Ikaw nga ang tinatawagan namin, pinapanaw na taong anak ni Eba. Ikaw rin ang pinagbubuntuhang hininga namin ng aming pagtangis dini sa lupang bayang kahapis-hapis." Ipinahihiwatig ng pananambitang ito ang pagkilala natin kay Maria bilang tunay na "Eva", "ang ina ng lahat ng nabubuhay" (Genesis 3: 20). Bilang siya ang ina ng "minamahal na alagad" (Juan 19:26-27), alalaong-baga'y ng mga "sumusunod sa utos ng Diyos at nananatiling tapat sa katotohanang inihayag ni Jesus" (Pahayag 12: 17), may kababaang-loob tayong nagpapasaklolo sa kanya na ating tunay na ina kay Cristo (Marcos 3: 33, 35, 10: 29-30), upang sa pamamagitan ng kanyang mga panalanging di matatanggihan ni Jesus (Juan 2: 1-11), ay marapatin din naman ng Panginoong Jesu-Cristo na saklolohan tayo sa lahat ng ating mga suliranin sa buhay.
  • "Ay Aba pintakasi ka namin, ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain" Muli, ang kanyang pagiging "pintakasi" (advocate) ay alinsunod sa konteksto ng kanyang pagiging Inang Reyna, Santa, at Ina ng Simbahan. Hindi natin siya ipinapantay sa pagiging Tagapamagitan ng Panginoong Jesus.12 Ang panawagan naman na ilingon niya sa atin ang kanyang "maawaing mga mata" ay hindi nangangahulugan na siya'y kinikilala nating isang maawaing diyosa na nanonood sa kalangitan; bagkus ang tinutukoy nito'y ang pagiging maawaing dapat taglayin ng tao sa kanyang kapwa — "Anak ko... huwag mong ilayo ang paningin sa nangangailangan" (Sirac 4: 1).
  • "at saka kung matapos yaring pagpanaw sa amin, ipakita mo sa amin ang iyong Anak na si Hesus. Santa Maria, Ina ng Diyos, maawain, maalam, at matamis na Birhen." Sa ating pagkamatay, ang Panginoong Jesu-Cristo ang nais nating makatagpo, at ito ang ipina-kikiusap natin kay Maria. "Maawain, maalam, at matamis na Birhen" (O clement, O loving, O sweet Virgin Mary) — Muli, ito'y isang paglalambing kay Maria, at nagpapahayag ng mga kapita-pitagang katangiang pantao, hindi ng pagka-diyosa.

 

UTOS NG PANGINOON

Ipinag-utos ba ng Panginoong Jesus ang pagdarasal ng Santo Rosaryo? Mahalagang linawin dito kung paano ba natin natatalastas ang mga utos ng Panginoong Jesus. Ang ➊ sarilinang pagbabasa ng Biblia (na may pagmamarunong na tinanggalan ng mga deuterocanonicong mga kasulatan) at ang ➋ sarilinang pagbibigay-kahulugan sa iyong nabasa (sa pag-aakalang obligasyon pa ng Diyos na liwanagin ang iyong pag-iisip), ➌ batay sa paniniwalang "Biblia lang" ang kailangan mo (alalaong-baga'y ang erehiya ng Sola Scriptura), ay HINDI kailanman makapag-papatalastas sa tao ng mga utos ng Panginoong Jesus. Bagkus, ang ipinatatalastas ng gayong kamalian ay mga utos ni Satanas — siyang "ama ng kasinungalingan" (Juan 8: 44), na may kapangahasang ginamitan ng Biblia ang mismong Panginoong Jesus nang ito'y kanyang tuksuhin sa ilang (Mateo 4: 5-7). Ang kanilang natatalastas ay ang mga liku-likong pang-unawa ng mga "walang nalalaman at mahihina" (2 Pedro 3: 16), na ipinagmamagaling na ipaliwanag ang mga Banal na Kasulatan sa bisa ng sariling kakayahan (2 Pedro 1: 20-21).

Sapagkat ang Simbahang Katolika ang makasaysayang pagpapatuloy ng Simbahang itinayo ng Panginoong Jesu-Cristo sa ibabaw ng pagka-bato ni Apostol San Pedro (Mateo 16: 18-19), sa kanya rin napatutungkol ang mga salita ng Panginoon: "Ang makinig sa inyo ay nakikinig sa akin, ang tumanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin, ang tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin." (Lucas 10: 16). Kung mariing itinataguyod ng iba't ibang mga Santo Papa ang debosyon ng Santo Rosaryo,13 ibig sabihin, ang Panginoong Jesus talaga ang nagtataguyod sa pamamagitan nila. Ang Diyos mismo ang humihimok sa atin na magdasal ng Santo Rosaryo.





  1. Tingnan sa opisyal na web site ng "Current World Archaeology" magazine (https://www.world-archaeology.com), sa artikulong "World's Oldest Beads Just Got Older". [BUMALIK]
  2. Mga salmo alpabetiko sa Biblia: Salmo 9-10, 25, 34, 37, 111, 112, 119, 145; Panaghoy 1-4; Nahum 1: 2-8; Ecclesiastico 51: 13-29. [BUMALIK]
  3. "And in praying do not heap up empty phrases as the Gentiles do" (RSVCE2). [BUMALIK]
  4. ". . . nilalapitan ako ng bayang ito sa salita lamang at pinararangalan ako sa mga labi lamang, samantalang malayo sa akin ang puso nila . . ." (Isaias 29: 13) [BUMALIK]
  5. Hinggil sa malalim na kahulugan ng pangalang YHWH, tingnan sa CCC 206-213.

    "Out of respect for the holiness of God, the people of Israel do not pronounce his name. In the reading of Sacred Scripture, the revealed name (YHWH) is replaced by the divine title 'LORD' (in Hebrew Adonai, in Greek Kyrios). It is under this title that the divinity of Jesus will be acclaimed: 'Jesus is LORD'." (CCC 2019) [BUMALIK]

  6. Ayon kay Tertullian (160-220 A.D.):
    "In all our actions, when we come in or go out, when we dress, when we wash, at our meals, before resting to sleep, we make on our forehead the sign of the cross. These practices are not committed by a formal law of scripture, but tradition teaches them, custom confirms them, and faith observes them."

    Ayon kay St. Cyril of Jerusalem (315-87 A.D.):
    "Let us not be ashamed to confess the Crucified. Be the cross our seal, made with boldness by our fingers and on our brow and in everything: over the bread we eat, and the cups we drink; in our goings out and our comings in; before our sleep, when we lie down and when we awake; when we are travelling, and when we are at rest. Make it on your forehead so that the devils, at sight of the standard of the King, may flee away trembling." [BUMALIK]

  7. Ayon kay St. Justin Martyr (100-165 A.D.):
    "When the people waged war with Amalek, and the son of Nave (Nun) by name Jesus (Joshua), led the fight, Moses himself prayed to God, stretching out both hands, and Hur with Aaron supported them during the whole day, so that they might not hang down when he got wearied. For if he gave up any part of this sign, which was an imitation of the cross, the people were beaten, as is recorded in the writings of Moses; but if he remained in this form, Amalek was proportionally defeated, and he who prevailed prevailed by the cross. For it was not because Moses so prayed that the people were stronger, but because, while one who bore the name of Jesus (Joshua) was in the forefront of the battle, he himself made the sign of the cross." [BUMALIK]
  8. Hindi ito kathang-isip lamang ng Simbahang Katolika, na ipinagpipilitang hugis Latin na krus ang sinaunang letrang tav, dahil hindi mukhang krus ang naturang titik sa makabagong alpabetong Hebreo. Mismong ang 1906 Jewish Encyclopedia na ang nagsasabi na talagang hugis krus ito.
    (http://jewishencyclopedia.com/articles/4776-cross) [BUMALIK]
  9. Papuri sa Diyos
    Papuri sa Diyos sa kaitaasan.
    At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan Niya.
    Pinupuri Ka namin, dinarangal Ka namin, sinasamba Ka namin, Ipinagbubunyi Ka namin, pinasasalamatan Ka namin, dahil sa dakila Mong angking kapurihan.
    Panginoong Diyos, Hari ng Langit, Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.
    Panginoong Hesukristo, Bugtong na Anak,
    Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama.
    Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa Ka sa amin.
    Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, tanggapin Mo ang aming kahilingan.
    Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama, maawa ka sa amin.
    Sapagkat Ikaw lamang ang Banal, Ikaw lamang ang Panginoon, Ikaw lamang, O Hesukristo ang kataas-taasan, kasama ng Espiritu Santo sa kadakilaan ng Diyos Ama. Amen. [BUMALIK]
  10. Ayon kay St. Irenaeus (189 A.D.):
    "Consequently, then, Mary the Virgin is found to be obedient, saying, 'Behold, 0 Lord, your handmaid; be it done to me according to your word.' Eve . . . who was then still a virgin although she had Adam for a husband — for in paradise they were both naked but were not ashamed; for, having been created only a short time, they had no understanding of the procreation of children . . . having become disobedient, was made the cause of death for herself and for the whole human race; so also Mary, betrothed to a man but nevertheless still a virgin, being obedient, was made the cause of salvation for herself and for the whole human race . . . . Thus, the knot of Eve's disobedience was loosed by the obedience of Mary. What the virgin Eve had bound in unbelief, the Virgin Mary loosed through faith." [BUMALIK]
  11. Kalabisan ba na sabihing si Maria ang ating "katamisan"? Sa mga lubhang malisyosong anti-Katolikong pinag-iisipan pa ito nang masama, ibig din ba nilang tuligsain ang malambing na pagtawag ng "sweetheart" at "honey"? Pararatangan din ba nila ng pagsamba sa diyus-diyusan ang mga gumagamit ng mga salitang ito? [BUMALIK]
  12. Ayon sa Catechism of the Catholic Church,
    "Mary's function as mother of men in no way obscures or diminishes this unique mediation of Christ, but rather shows its power. But the Blessed Virgin's salutary influence on men . . . flows forth from the superabundance of the merits of Christ, rests on his mediation, depends entirely on it, and draws all its power from it. No creature could ever be counted along with the Incarnate Word and Redeemer; but just as the priesthood of Christ is shared in various ways both by his ministers and the faithful, and as the one goodness of God is radiated in different ways among his creatures, so also the unique mediation of the Redeemer does not exclude but rather gives rise to a manifold cooperation which is but a sharing in this one source." (CCC 970) [BUMALIK]
  13. Ayon kay Pope Leo XIII sa kanyang encyclical na Supremi Apostolatus Officio (paragraph 5),
    "Since, therefore, it is clearly evident that this form of prayer is particularly pleasing to the Blessed Virgin, and that it is especially suitable as a means of defense for the Church and all Christians, it is in no way wonderful that several others of Our Predecessors have made it their aim to favor and increase its spread by their high recommendations. Thus Urban IV testified that 'every day the Rosary obtained fresh boon for Christianity.' Sixtus IV declared that this method of prayer 'redounded to the honor of God and the Blessed Virgin, and was well suited to obviate impending dangers'; Leo X that 'it was instituted to oppose pernicious heresiarchs and heresies'; while Julius III called it 'the glory of the Church'. So also St. Pius V, that 'with the spread of this devotion the meditations of the faithful have begun to be more inflamed, their prayers more fervent, and they have suddenly become different men; the darkness of heresy has been dissipated, and the light of Catholic faith has broken forth again.' Lastly Gregory XIII in his turn pronounced that 'the Rosary had been instituted by St. Dominic to appease the anger of God and to implore the intercession of the Blessed Virgin Mary'." [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF