Noong ika-28 ng Oktubre 2021, nag-upload ng video si Bishop Socrates Villegas sa kanyang Facebook page, na may pamagat na "You are Priceless!" Narito ang kanyang mga sinabi:
Halimbawa po si tatay meron siyang kerida. Nag-usap sila, "Sa araw na ito, sa panahong ito, sa lugar na ito, magtatagpo tayo." At hindi siya tumupad; nang-indyan siya dun sa kanyang kerida. Kasalanan ba 'yon?
Halimbawa may ginawang masama 'yung kuya mo at sabi niya sa'yo, "Kapag nahuli, sabihin mo lang 'Hindi totoo.' Ituro mo na lang 'yung kapitbahay naten. Ako na bahala sa McDonald's mo o sa burger mo sa susunod na lalabas tayo." Pero hindi ka nagsinungaling. Sinabi mo 'yung totoo. Di ka tumupad sa usapan. Kasalanan ba 'yon?
Mga minamahal kong kapatid, ang sagot ay hinde.
Bakit hindi kasalanan? Kasi wala kang pananagutan, wala kang sagutin na tumupad sa isang usapan na kasalanan, o kaya ay ilegal, o labag sa batas. You are not obliged to fulfill an immoral or illegal contract.
Halimbawa 'yung tauhan ng kandidato o 'yung kandidato mismo bigyan ka ng daan-daan o libu-libo para iboto siya. Pero tinanggap mo, pero hindi mo siya ibinoto. Kasalanan ba 'yon? Walang pananagutan o sagutin na tumupad sa isang usapan na ilegal o imoral. Ang pagbili ng boto at pagbenta ng boto ay kasalanan sa Diyos at labag sa batas. Pero kung ika'y nagugutom, kung ikaw ay nangangailangan, puwede mong tanggapin 'yon pero huwag mong tutuparin 'yung ipinagagawa sa'yo. Sapagkat kung gumagawa 'yung kandidato ng isang ilegal at masamang bagay, at idinadamay ka pa, sabihin mo sa kanya, "Ikaw na lang ang gumawa ng kasalanang 'yan. Huwag mo na akong idamay." Puwede mong tanggapin 'yung pera pero hindi dahil nangangako kang tutuparin 'yung usapan, kundi dahil meron kang matinding pangangailangan para sa iyo at sa iyong pamilya.
You are not obliged to fulfill an immoral, illegal contract. Ibig sabihin kapag masama ang pinag-usapan, kapag masama ang ipinagagawa, kahit anong gawin, piliin mo ang Diyos hindi 'yung kandidato na binibili ang boto mo. Choose God not the candidate who wants to insult you by buying your vote and saying to you, "May presyo ka. Alam ko kung magkano ka." Isagot mo sa kanya, "Ang presyo ko ay ang Katawan at Dugo ni Cristo. I am priceless." You are priceless. Huwag kang pabili sapagkat hindi ka pwedeng ibenta. Ang presyo mo ay ang pag-ibig ng Diyos para sa iyo.
Salamat po.
Hindi simpleng isyu ang mga usaping moral
Nagbigay si Obispo Villegas ng tatlong halimbawa ng mga makasalanan/ilegal na usapan. Naging mitsa ito ng mga pagtatalu-talo sa social media, palibhasa'y masyadong payak at mababaw ang paliwanag dito ng mahal na Obispo. Hindi ko sinasabing mali ang mga sinabi niya; sa katunaya'y sumasang-ayon pa nga ako sa kanya. Subalit mahalaga ring maipaunawa sa tao ang masalimuot na katotohanan sa likod ng ating mga moral na pagpapasya bilang mga Cristiano. Marami kasing posibilidad. Maraming pwedeng maging detalye na nagpapakumplika sa isang sitwasyon. Alalahanin natin na sa paghatol ng moral na pananagutan ng isang tao, hindi lamang ang ➊ mismong kasalanang ginawa ang ipinagsasaalang-alang; kasamang ipinagsasaalang-alang ang ➋ layunin ng ginawang kasalanan, at ang ➌ mga pangyayaring kinapapalooban ng kasalanan (KPK 711, 728).
Suriin natin isa-isa ang mga binigay na halimbawa ni Bishop Villegas upang maintindihan ninyo ang ibig kong sabihin:
- Halimbawa po kausapin ka ng kaibigan mo, "Magnakaw ka ng dalawampung bote ng softdrinks sa grocery. Sampu sa'yo, sampu sa'kin." Pero hindi ka tumupad at hindi ka nagnakaw. Kasalanan ba 'yon?
- Masamang magnakaw; tahasang kinokondena yan sa Sampung Utos ng Diyos (Exodo 20: 15). Subalit paano kung mayroon kang matinding pangangailangan isang sitwasyon na ➊ di maikakaila (obvious) na may ➋ agarang pangangailangan (urgent necessity) para sa mga bagay na ➌ kailangan mo para mabuhay (essential needs), at ang ➍ tanging paraan (only possible option available) para tugunan ang nasabing pangangailangan ay ang gamitin/kunin ang pag-aari ng kapwa mo? Sa mata ng Diyos, hindi ito pagnanakaw (CCC 2408). Subalit kung magkulang ka ng kahit isa sa apat na mga kundisyong ito, saka natin masasabing nagkakasala ka ng pagnanakaw.
- Ngayon, sa unang halimbawa, wala namang indikasyon ng matinding pangangailangan. Kahit saang anggulo tingnan, masama ang nais gawin, at masama ang iminumungkahing kasunduan. Sa katunaya'y dehado ka pa nga, dahil ikaw lang ang gagawa ng pagnanakaw; hindi ka tutulungan ng kaibigan mo. Kapag nahuli ka, ikaw lang ang mananagot sa Batas. At wala ka ring matatanggap na kahit na ano mula sa kaibigan mo, dahil ikaw din mismo ang kukuha ng mga bote ng softdrinks na paghahatian ninyo!
- Kung tanggihan mo ang masamang alok na ito ng kaibigan mo, hindi ka talaga nagkakasala. Walang pagnanakaw na nangyari. Hindi ka nagimbot. At kaakibat ng pagtanggi mo ay ang pagpapaunawa sa iyong kaibigan na masama ang kanyang balak. Kung hindi siya magsisi at kung magalit pa siya sa iyo, problema na niya iyon. Pero ikaw mismo, wala kang ginawang masama at malinis ang konsensya mo sa harap ng Diyos at ng lipunan.
- Paano kung sumang-ayon ka sa plano ng kaibigan mo, pero kalauna'y nagsisi ka at di mo na itinuloy ang pagnanakaw? Nagkasala ka dahil sa pagsang-ayon mo; noong mga sandaling iyon, sa puso mo'y parang nagnakaw ka na (Exodo 20: 17). Noong mga sandaling iyon, kinunsinti mo pa ang masamang pagnanasa ng kaibigan mo (1 Corinto 5: 11). Kaya naman, may pananagutan ka sa harap ng Diyos na ➊ lumapit sa Sakramento ng Kumpisal at ➋ pagsabihan ang iyong kaibigan. Iyan ang batayan ng pagkakasala mo, hindi ang di mo pagtupad sa masamang kasunduan ninyo ng kaibigan mo.
- Paano kung itinuloy mo ang pagnanakaw pero sa halip na tig-sampu kayo ng bote ng softdrinks, isang bote lang ang ibinigay mo sa kaibigan mo at 19 bote ang sa iyo? Nagkakasala ka ba sa kaibigan mo dahil hindi ka naging "patas" sa kanya? Wala kang kasalanan sa kaibigan mo, dahil walang bisa ang kasunduan ninyo, mangyaring iyon ay isang masamang kasunduan. Pero nagkasala ka sa Diyos at sa may-ari ng grocery na ninakawan mo. May pananagutan ka sa Diyos at sa may-ari ng grocery.
- Paano kung itinuloy mo ang pagnanakaw pero kalauna'y nagsisi ka at itinapon mo ang mga ninakaw mo, o di kaya'y ipinamahagi ang mga iyon sa mga mahihirap, o iniwan mo na lang sa loob ng simbahan, o kung anu-ano pang mga "alternatibong kabutihan" na naiisip mo? Sa aking palagay, kulang ang pagbabayad-sala na ginawa mo. Ang dapat mong gawin ay ➊ isauli ang mga ninakaw mo sa mismong grocery na ninakawan mo (CCC 2412), ➋ umamin sa ginawang pagkakasala, ➌ humingi ng tawad sa may-ari ng grocery at tanggapin ang anumang makatarungang parusa na ipapataw sa iyo, at ➍ kung may pagkakataon ay pagsabihan ang iyong kaibigan na talikdan ang gayong masamang gawain.
- Kataka-taka na magkakaroon ka ng kaibigang uudyukan kang magnakaw. Depende sa sitwasyon, maaaring magkaroon ka rin ng moral na obligasyon na putulin ang inyong pagkakaibigan, lalo na kung nakikita mong hindi siya nakikinig sa mga pagsaway mo sa mga masamang pagnanasa niya.
- Halimbawa po si tatay meron siyang kerida. Nag-usap sila, "Sa araw na ito, sa panahong ito, sa lugar na ito, magtatagpo tayo." At hindi siya tumupad; nang-indyan siya dun sa kanyang kerida. Kasalanan ba 'yon?
- Masamang makiapid; tahasang kinokondena yan sa Sampung Utos ng Diyos (Exodo 20: 14). Anumang gawain na napapaloob sa kahulugan ng pakikiapid ay malinaw na kasalanan, at labag din ito sa Batas. Ang pagkakaroon ng kerida ay maliwanag na kasalanan. Hindi mahalaga kung mabait ka sa kerida mo. Hindi mahalaga kung "patas" ka sa asawa mo at sa kerida mo dahil pareho mo silang sinusustentuhan. Hindi mahalaga kung mas nakakasundo mo ang kerida mo kaysa sa asawa mo. Hindi mahalaga kung mas mabuting "asawa" at "ina" ang kerida mo kaysa sa asawa mo. Ang kerida ay kerida, at ang tanging una mong ginagawa kung nagkaroon ka ng kerida ay ang paglapit sa Sakramento ng Kumpisal, ang permanenteng pakikipaghiwalay sa kerida mo, at ang habambuhay na pagbabayad-sala sa asawa mong pinangakuan mong habambuhay na mamahalin at aalagaan! Sa aking palagay, balewala ang anumang kaakibat na kabutihang kailangan mo ring gawin kung hindi mo muna tutuparin ang mga ito.
- Ngayon, ang pakikipagtagpo sa kerida ay hindi naman agad-agad na maituturing na kasalanan. Pwede kang makipagtagpo upang maayos na makipaghiwalay at pag-usapan ang anumang kinakailangang kaayusan (halimbawa, kung may anak kayong kailangan mong sustentuhan, o may negosyo kayong magkasamang naipundar, atbp.). Pwede kang makipagtagpo upang kayo'y mangumpisal ang una at kinakailangang hakbang tungo sa pagsisisi at pagbabagong-buhay ninyong dalawa. Pwede kang makipagtagpo upang bisitahin lang ang naging anak ninyo. Siyempre, hindi ito ang mga sitwasyong nasa isip ni Bishop Villegas. Ang sa palagay kong tinutukoy niya rito ay ang pakikipagtagpo upang gumawa ng mga gawain ng pakikiapid: magtatalik kayo, magbabahay-bahayan kayo, magroromansahan kayo, atbp. Sa gayong masamang kasunduan, ang hindi mo pagtupad ay hindi kasalanan.
- Dahil ba sa nang-indyan ka sa kerida mo, masasabi na nating may kabutihan kang nagawa? Depende sa intensyon at sa sitwasyon. Mabuti na hindi ka nakipagtagpo, pero paano kung kaya mo lang ito ginawa ay dahil nagkaroon ng emergency? O tinamad ka lang? O na-traffic ka? O nasiraan ang jeep na sinasakyan mo? O nakalimutan mo yung usapan ninyo? O natakot ka na baka may makakita sa inyo? Maraming pwedeng maging dahilan ng hindi mo pagsipot sa usapan ninyo, subalit nananatili ka pa rin sa kasalanan ng pangangalunya noong sandaling sumang-ayon ka sa usapan ninyo ng kerida mo, nagkasala ka na, tuparin mo man o hindi ang usapan ninyo. Nagiging mabuti lang ang di mo pagtupad sa usapan kung ito'y udyok ng pagsisisi at ng determinasyong makikipaghiwalay ka na. May kabutihan kang ginawa kung ang di mo pagsipot ay nagsilbing unang hakbang sa pagtalikod mo sa kasalanan.
- Paano kung nagtagpo pa rin kayo, subalit kalauna'y nakonsensya kayo at di na ninyo itinuloy ang pangangalunya ninyo? Hindi kayo nagtalik, nagbahay-bahayan, o nagromansahan, bagkus nagpasya kayong tapusin na ang relasyon ninyo at magbalik-loob na sa Diyos. Nagkasala pa rin kayo sa Diyos noong sandaling nagkasundo kayo na magtatagpo. Dahil noong mga sandaling iyon, pareho kayong sumang-ayon sa masama, pareho kayong nagplano nang masama. Noong mga sandaling iyon, hindi pa kayo nagsisisi. Noong mga sandaling iyon, determinado pa kayong magkasala. Kaya naman, kabilang pa rin iyon sa mga kasalanang dapat ikumpisal at dapat ipagbayad-sala.
- Halimbawa may ginawang masama 'yung kuya mo at sabi niya sa'yo, "Kapag nahuli, sabihin mo lang 'Hindi totoo.' Ituro mo na lang 'yung kapitbahay naten. Ako na bahala sa McDonald's mo o sa burger mo sa susunod na lalabas tayo." Pero hindi ka nagsinungaling. Sinabi mo 'yung totoo. Di ka tumupad sa usapan. Kasalanan ba 'yon?
- Masamang sumaksi nang di totoo; tahasang kinokondena yan sa Sampung Utos ng Diyos (Exodo 20: 14). Makikita sa halimbawa ang patung-patong na kasalanan na kaakibat ng iminumungkahing pagsisinungaling: ➊ kinunsinte mo ang kasamaan ng kuya mo, ➋ ipinagkait mo ang katarungan sa lipunang napinsala ng kasamaan niya, ➌ sinira mo ang reputasyon ng kapitbahay ninyo at idinamay pa sa problemang wala siyang kinalaman, ➍ hinayaan mong madaig ka ng sarili mong katakawan. Malinaw na ito'y masamang kasunduan. Bilang Cristiano, may moral na obligasyon kang tanggihan ito. Gumagawa ka ng kabutihan sa hindi mo pagsisinungaling, sa pagsasabi mo ng totoo, sa di mo pagtupad sa usapan ninyo ng kuya mo. Wala kang ginawang kasalanan. Wala kang anumang pananagutan sa kapatid mo. Iyan ang sa tingin ko'y punto ni Bishop Villegas.
- Subalit paano kung sumang-ayon ka sa usapan ninyo ng kuya mo at nailibre ka na niya sa McDonald's ayon sa napag-usapan, subalit nang mahuli siya'y sinabi mo ang totoo, at hindi mo ibinintang sa kapitbahay yung krimen niya dahil nakonsensya ka kalaunan? Wala kang kasalanan sa kapatid mo (dahil walang bisa ang kasunduan ninyo, mangyaring iyon ay masama), subalit may kasalanan ka pa rin sa Diyos dahil ➊ noong mga sandaling nag-usap kayo, sumang-ayon ka sa masamang hangarin ng kapatid mo; noong mga sandaling iyon, nagpasya ka nang tumupad sa masamang kasunduan. Noon ding mga sandaling iyon, ➋ nagpadaig ka sa katakawan mo at kalauna'y ➌ natupad mo pa ang masamang pagnanasa mo. Oo, mabuti na nagsisi ka sa bandang huli kaya't pinili mong gawin ang tama nang mahuli ang kapatid mo. Subalit hindi nito pinapawi ang iyong naunang masamang kapasyahan, ang iyong naunang katakawan, at ang pakikinabang mo sa kasamaang ginawa mo. Mayroon kang pananagutan sa harap ng Diyos na ➊ pagsisihan ang naunang pagpili mo sa masama, ➋ ipagbayad-sala ang kinain mo sa McDonald's udyok ng katakawan mo, at ➌ pagsikapang lunasan ang iyong katakawan upang hindi na ito muling magudyok sa iyo sa mga maling desisyon sa buhay. Pero sa kapatid mo mismo, wala kang pananagutan hindi hinihingi ng katarungan na bayaran mo siya ng katumbas na halaga ng ipinanglibre niya sa iyo sa McDonald's.
- Paano kung sa simula pa lang ay wala ka na talagang layuning pagtakpan ang kapatid mo? Paano kung sa simula pa lang ay plano mo na siyang lokohin at nais mo lang samantalahin ang pagkakataon na makalibre ka sa McDonald's? Pinaniwala mo siyang pagtatakpan mo siya. Nakuha mo ang gusto mo; nakakain ka sa McDonald's nang libre. Pero nang mahuli siya'y hindi mo siya pinagtakpan, at hindi mo rin idinamay ang kapitbahay ninyo. Nagkasala ka ba sa kapatid mo? Oo. Nagkasala ka ba sa Diyos? Oo. Pero ang kasalanan mo ay hindi dahil sa di mo pagtupad sa kasunduan. Nagkasala ka dahil: ➊ nagsinungaling ka sa kapatid mo ipinagkait mo sa kanya ang katotohanan; sa halip na pagsabihan siya sa krimen niya at hikayating magsisi, mas pinili mo pang papaniwalain siyang kakampi ka niya at walang masama sa naging usapan ninyo. At ➋ nagpadaig ka sa katakawan mo sa halip na manindigan sa kung ano ang tama at mabuti para sa iyo at sa kapatid mo.
- Paano kung plano mo na talagang lokohin sa simula pa lang ang kapatid mo na papapaniwalain mo siyang sumasang-ayon ka sa usapan, pero hindi ka tutupad sa usapan at wala kang matakaw na pagnanasa na makakain nang libre sa McDonald's, bagkus sasakyan mo lang ang plano ng kuya mo para turuan siya ng leksyon? Nais mong ituwid ang kuya mo. Iniisip mong magaling siyang magtagó mula sa mga pulis, kaya't ito na lamang ang tanging paraan para maparusahan siya sa mga krimen niya. Sa palagay ko, magkakasala ka pa rin kung gagawin mo yan. Kung tutol ka sa kasamaan ng kuya mo, tungkulin mong sabihin iyon sa kanya sa simula pa lang. Sa simula pa lang, sabihin mo nang tutol ka sa krimen na ginawa niya. Sa simula pa lang, sabihin mo nang tutol ka sa imimumungkahi niyang kasunduan sa iyo. Huwag mong mamaniobrahin ang sarili mong kapatid sa pamamagitan ng pagsisinungaling sa kanya (CCC 2485, 2486). Irespeto mo ang dignidad niya bilang tao, at hayaang siya mismo ang malayang magpasya para sa sarili kung pakikinggan niya o hindi ang pagtutuwid mo sa kanya. Hindi maituturing na pagmamahal o pagmamalasakit ang pangmamaniobra ng kapwa.
Marami pang posibleng sitwasyon na pwedeng kasangkutan ng mga nabanggit na tatlong halimbawa ni Bishop Villegas, at magiging napakahaba na ng post na ito kung pag-iisipan ko pa ang lahat ng mga iyon. Sapat nang maipakita natin na pagdating sa mga usaping moral, hindi ito isang simpleng isyu na basta-basta mabibigyan ng simple't panlahatang kasagutan. Ito marahil ang naging pagkakamali ni Bishop Villegas sa video niya. Sa halip na maliwanagan ang mga tao, marami pa ang mas lalong naguluhan at posible pang naudyukan nang mga maling moral na pagpapasya, lalung-lalo na sa mismong pinaka-punto ng video niya: kung dapat ba o hindi na tumanggap ng pera sa vote buying.
Is it alright to accept money as long as one votes according to one's conscience?
No, it is not alright. If the source of the money is clean, accepting it without voting for the candidate who gave it makes you a liar. And if you vote for the candidate, you have actually sold your vote. If the source of the money is not clean, then you become a cooperator in evil because you accept it.
By accepting any money from candidates, no matter from what source and with what intention, you are perpetuating a form of dirty politics which encourages graft and corruption, for today's vote buyers are tomorrow's grafters.CATHOLIC BISHOPS' CONFEFERENCE OF THE PHILIPPINES
Catechism on the Church and Politics, February 1998
Maaari mo bang tanggapin yung perang ipinambibili ng boto mo?
Ang simpleng sagot ay HINDI, maliban lang kung may matinding pangangailangan ka alalaong-baga'y nasa isang sitwasyon ka na may di maikakailang agarang pangangailangan para sa mga bagay na kailangan mo para mabuhay, at ang tanging paraan para tugunan ang mga iyon ay ang tanggapin mo ang perang inaabot sa iyo ng pulitiko para bilhin ang boto mo. Mahalagang pag-isipan natin iyan nang matagal. Hindi lahat ng mga inaakala mong "matinding pangangailangan" ay "matindi" talaga o "kailangan" mo talaga. Mahalaga ring mapagtanto mo na sa mata ng Batas, kahit pa may matinding pangangailangan ka, maaari ka pa ring makasuhan kung mapatutunayang ibinenta mo ang boto mo (Omnibus Election Code - Article XXII, Section 261). Handa ka bang makasuhan at makulong?
Iyan ang sa palagay kong ipinupunto ni Bishop Villegas nang sabihin niyang "kung ika'y nagugutom, kung ikaw ay nangangailangan, puwede mong tanggapin 'yon". Bukod pa sa pagkakaroon ng matinding pangangailangan, nilinaw din ng Obispo ang iba mo pang moral na pananagutan:
- Huwag tutuparin ang kasunduan.
- Sabihan mo yung pulitiko na masama ang ipinagagawa niya.
- Huwag kang mangangako na tutuparin mo yung ipinagagawa niya.
- Sabihin mo na kaya mo tinatanggap ay dahil may matindi kang pangangailangan.
- Ipahayag mo ang pananampalataya mo: "Ang presyo ko ay ang Katawan at Dugo ni Cristo."
Siyempre, kung gagawin mo ang lahat ng iyan, tila malabong bayaran ka pa. Pero sakaling ipilit pa rin sa iyo yung pera dahil umaasa yung pulitiko na magbabago pa yung isip mo o iniisip nilang baka plastik ka lang talaga, eh di tanggapin mo. Pero muli, tanggapin mo lang kung mayroon kang matinding pangangailangan. Ihanda mo rin ang iyong sarili na maparusahan ayon sa itinatakda ng Batas,1 at huwag na huwag kang magrereklamo sa anumang abala o mas lalong malaking pinsala na maaaring idulot niyan sa iyo.
Ang mali ni Bishop Villegas, kulang ang kanyang pagpapaliwanag hinggil sa konsepto ng "matinding pangangailangan", na ang tanging paliwanag na ikinapit niya rito ay "kung nagugutom ka". Hindi naman lahat ng gutom ay agad hahantong sa kamatayan. Posible ba talagang malagay ka sa isang sitwasyon na ang tanging mapagkukunan mo ng makakain ay ang perang ipinambibili ng boto mo? May pagkukulang din siya sa paghahambing ng sitwasyon ng vote buying sa tatlong halimbawang ibinigay niya, na gaya ng ipinakita natin ay maaaring kasangkutan ng mga lalong kumplikadong sitwasyon na nagpapagulo lang sa moral na pagpapasya ng tao. Nagkulang din si Bishop Villegas nang hindi niya banggitin na ang pagtanggap ng pera sa vote buying ay isang krimen na may kaukulang parusa na maaaring mas lalong magpalala sa problema ng isang taong may matinding pangangailangan.
Sa kabilang banda, huwag nating ikatuwiran na kesyo galing din naman sa taumbayan ang perang ipinambibili ng boto mo kaya tanggapin mo na lang din. Mali iyon, dahil kahit mangyari pang totoo ang inaakala mo, hindi naman ikaw ang taumbayan. Kung katarungan ang paiiralin, hindi mo yan maaaring pakinabangan mag-isa, bagkus, kailangan mong pantay-pantay na ipamahagi sa lahat ng mga taong pinagnakawan. Ang tanong: magagawa mo ba iyon? Malamang hindi, at malamang, hindi udyok ng anumang pagmamalasakit sa bayan ang dahilan kaya mo tatanggapin ang pera. Ipinagmamatuwid mo lang ang kamunduhan mo at kawalang-respeto mo sa sarili. Maraming tuwang-tuwa at agad-agad sinang-ayunan ang mga di-pinagnilayang pahayag noon ni Vice President Robredo, dahil nakakahanap sila rito ng palusot para tumanggap ng pera sa vote buying. Huwag naman po sana tayong ganyan mag-isip!
"Mga kapatid ko, huwag naisin ng marami na maging guro, yamang nalalaman na ninyo na mahigpit ang ihahatol sa atin, sapagkat tayong lahat ay nagkakamali."SANTIAGO 3: 1
Kapag Simbahan ang nagsalita
Kapag isang arsobispo gaya ni Bishop Socrates Villegas ang nagsasalita hinggil sa isang moral na isyu, huwag tayong padalus-dalos sa pagsang-ayon o pagsalungat sa kanya. Bilang Cristiano, tungkulin mong pagnilayan ang mga itinuturo niya. Huwag kang puro "Amen" lang. Huwag kang puro reklamo at sangkalan nang sangkalan ng "Separation of Church and State". Gamitin mo ang utak mo. Gamitin mo rin ang puso mo. Alalahanin mo na nagsasalita ang Simbahan hindi lang para magpapansin, kundi upang gabayan ka tungo sa tunay na moral na pagpapasya. Mahal ka ng Simbahan. Gusto ng Simbahan na mapunta ka sa Langit. At alalahanin mong pagdating sa mga usapin ng pananampalataya at moral, ang tinig ng Simbahan ang higit na mapagkakatiwalaan sa lahat.
- "Any person found guilty of any election offense under this Code shall be punished with imprisonment of not less than one year but not more than six years and shall not be subject to probation." (Omnibus Election Code - Article XXII, Section 264) [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF