"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Sabado, Hulyo 15, 2023

Hindi bawal ang Orans at paghahawak-kamay sa Ama Namin

Noong nakaraang buwan, naglahad ako ng sarili kong opinyon hinggil sa usaping ito. Mabuti naman at muli itong binigyang-linaw ng CBCP ngayong buwan (bagama't ginawa na nila ito noon pa mang 2005). Sana nama'y hindi na ito muling maging isyu sa hinaharap, at tigilan na ang mga walang basehang panghuhusga at pagdudunung-dunungan.

Linggo, Hulyo 02, 2023

Pentekostes: Kaarawan ng Simbahan?


Duccio di Buoninsegna artist QS:P170,Q15792, Duccio di Buoninsegna 018, edited using ULEAD PhotoImpact 12 by McJeff F., CC0 1.0

"Iniisip ng ibang tao na mas importante ang isang araw kesa sa ibang araw. Sa iba naman, pare-pareho lang ang lahat ng araw. Kailangan nating mag-decide talaga. Yung mga nagpapahalaga sa isang araw, ginagawa nila yun para i-honor ang Panginoon."

(ROMANS 14: 5-6 PVCE)

Sa tuwing ipinagdiriwang ng Simbahan ang Linggo ng Pentekostes, naging karaniwan na sa marami ang pagbati ng "Maligayang kaarawan!" sa Simbahan, kaakibat ng pagbibigay-diin sa halos 2000 taong edad nito. Subalit may ilang mga Katolikong "apolohista" ang tinutuligsa ito, at iginigiit na ang "tunay na kaarawan" daw ng Simbahan ay hindi Linggo ng Pentekostes kundi Biyernes Santo. Batay ito sa kanilang pribadong interpretasyon ng mga nasasaad sa Catechism of the Catholic Church kung saan literal nga namang sinasabi kung paano "iniluwal" ang Simbahan mula sa tagiliran ng Panginoong Jesus:

"The Church is born primarily of Christ's total self-giving for our salvation, anticipated in the institution of the Eucharist and fulfilled on the cross. 'The origin and growth of the Church are symbolized by the blood and water which flowed from the open side of the crucified Jesus.' 'For it was from the side of Christ as he slept the sleep of death upon the cross that there came forth the 'wondrous sacrament of the whole Church.'' As Eve was formed from the sleeping Adam's side, so the Church was born from the pierced heart of Christ hanging dead on the cross." (CCC 766)

Ang mga ginamit na batayan dito ng CCC ay ang mga dokumento ng Vatican II (Lumen Gentium at Sacrosanctum Concilium) at ang mga katuruan ni St. Ambrose. Ang tanong: Katumbas na rin ba ito ng pagsasabing ito lamang ang tanging maituturing na "kaarawan" ng Simbahan, at sinumang magtuturo ng naiibang petsa ay nagtuturo ng maling aral? Ganyan ang pananaw ng ilan, at buong sigasig nilang pinagsasabihan ang kapwa nila Katoliko na tigilan na ang pagbabatian ng "Maligayang kaarawan!" sa Simbahan tuwing Linggo ng Pentekostes. Isang kabalintunaan lamang na hindi nila ginagamit ang CCC 766 para tuligsain din ang pagkilala sa Mahal na Birhen bilang "Bagong Eba," gayong malinaw din namang nasasaad dito na ang Bagong Eba ay ang Simbahan! Nangyayari ang mga ganyang kabalintunaan dahil tulad ng ginagawa ng mga Protestanteng Pundamentalista sa Biblia, isinasailalim nila sa kanilang pribadong interpretasyon ang CCC. Hindi nila ipinagsasaalang-alang ang kabuuang aral ng Simbahan at ang mismong buhay na tradisyon ng Simbahan.

Dapat nating maipaunawa sa mga "apolohistang" ito na ang pagturing sa Pentekostes bilang kaarawan ng Simbahan ay hindi naman isang "makabago" at "di-pinag-isipang" pausong kaugalian. Sa katunayan, mismong sa Lumen Gentium ay may sinasabi rin hinggil sa kung paano nga ba itinatag ng Panginoong Jesus ang Simbahan: "Rising from the dead He sent His life-giving Spirit upon His disciples and through Him has established His Body which is the Church as the universal sacrament of salvation." (LG 48) Malinaw nitong sinasabi na ang Simbahan ay naitatag bilang pandaigdigang sakramento ng kaligtasan, nang ang Espiritu Santo'y nanaog sa mga alagad. Kaya nga't noon pang ika-18 ng Mayo, 1986, sa kanyang sulat-ensiklikal na Dominum et Vivificantem, tahasang sinabi ni Pope St. John Paul II:

  • "...the Second Vatican Council speaks of the Church's birth on the day of Pentecost. This event constitutes the definitive manifestation of what had already been accomplished in the same Upper Room on Easter Sunday. The Risen Christ came and 'brought' to the Apostles the Holy Spirit." (#25)
  • "The time of the Church began at the moment when the promises and predictions that so explicitly referred to the Counselor, the Spirit of truth, began to be fulfilled in complete power and clarity upon the Apostles, thus determining the birth of the Church." (#25)

Hindi ito magkakasalungat na mga aral, kundi magkakaibang paraan lamang ng pagpapaliwanag sa iisang katotohanang ipinahahayag. Sa gayon, mas lumalalim ang pagkakaunawa natin sa kung paano nga ba nagsimula ang Simbahang Katolika, at kung paano tayo pinababanal ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Simbahan. Walang anumang "malisyoso," "mangmang," o "heretikong" layunin ang mga Katolikong ginugunita ang kaarawan ng Simbahan tuwing Linggo ng Pentekostes, lalo pa't isa itong kaugaliang minana lang naman natin mula mismo kay Pope St. John Paul II!

Mangangatuwiran naman ang ilang mga "apolohista" na kesyo sinabi lamang daw iyan ni Pope St. John Paul II noong 1986, at kalauna'y nagbago raw ang isip niya upang bigyang daan ang "opisyal" na doktrina ng CCC. Iyan ay isang di pinag-isipang pagpapalusot na lamang, dahil kung titingnan sa ating mismong pambansang katesismo, tahasan ding itinuturo ang Pentekostes bilang kaarawan ng Simbahan: "...ang Espiritu Santong ipinadala ng Ama at ng Kristong Muling Nabuhay, ang siyang nagluwal sa unang pamayanang Kristiyano, ang Simbahang mula sa mga Apostol." (KPK 1301) Kung mayroon mang mga dokumentong maituturing na "opisyal na interpretasyon" ng CCC, di maikakailang kabilang sa mga ito ang KPK, na isang katesismong ipinaprubahan ng Vatican noong ika-anim ng Marso, 1997 (at sa gayo'y napapaloob sa panahon ng panunungkulan ni Pope St. John Paul II).

Sa pagdaan ng panahon, patuloy na ginugunita ng Simbahang Katolika ang Pentekostes bilang kaarawan ng Simbahan, at ito'y tahasang itinataguyod ng mga Santo Papa (St. John Paul II, Benedict XVI, at Francis), taliwas sa pagmamarunong ng ilang mga Katolikong "apolohista" na tinutuligsa ito.

ST. JOHN PAUL II

  • [May 31, 1998] "It is in the meeting between the Holy Spirit and the human spirit that we find the very heart of what the Apostles experienced at Pentecost. This extraordinary experience is present in the Church born of that event and accompanies her down the centuries."
  • [June 24, 1998] "On Pentecost the Holy Spirit descends and the Church is born."
  • [June 10, 2000] "This promise was fulfilled on the day of Pentecost: the Spirit, descending upon the Apostles, gave them the necessary light and strength to teach the nations and to proclaim Christ's Gospel to them all. In this way the Church was born and lives in the fruitful tension between the Upper Room and the world, between prayer and proclamation.... On the day when we celebrate the memorial of the Church's birth, we want to express heartfelt gratitude to God for this twofold, and ultimately one, witness, which has involved the great family of the Church since the day of Pentecost. We want to give thanks for the witness of the first community of Jerusalem which, through the generations of martyrs and confessors, has become the inheritance of countless men and women down the ages around the world."
  • [June 3, 2001] "The Church is born as missionary, because she is born of the Father who sent Christ into the world, she is born of the Son who, dead and risen, sent the Apostles to all nations, and she is born of the Holy Spirit, who pours out on them the necessary light and force to accomplish their mission."

BENEDICT XVI

  • [June 4, 2006] "On the day of Pentecost, the Holy Spirit descended with power upon the Apostles; thus began the mission of the Church in the world.... The Church, gathered with Mary as at her birth, today implores: 'Veni, Sancte Spiritus! - Come, Holy Spirit, fill the hearts of your faithful and kindle in them the fire of your love!'. Amen."
  • [May 27, 2007] "Today, we celebrate the great feast of Pentecost, in which the liturgy has us relive the birth of the Church"
  • [May 11, 2008] "The Church which is born at Pentecost is not primarily a particular Community — the Church of Jerusalem — but the universal Church, which speaks the languages of all peoples."
  • [May 31, 2009] "Today the Church throughout the world is reliving the Solemnity of Pentecost, the mystery of her birth, her own 'Baptism' in the Holy Spirit (cf. Acts 1:5) which occurred in Jerusalem 50 days after Easter, precisely on the Jewish Feast of Pentecost."

FRANCIS

  • [June 2, 2017] "Brothers and Sisters, may the forthcoming Feast of Pentecost — which is the birthday of the Church — find us concordant in prayer, with Mary, Jesus' Mother and our own. And may the gift of the Holy Spirit make us abound in hope."
"To celebrate the Church's birthday, then, we can look to three moments: the beginning of time, when the Church was conceived in the mind of God; Good Friday, when the Church was born from the heart of Jesus; and Pentecost, when the Holy Spirit first visibly sent the Church on a mission. All three understandings help us appreciate how God's plan for our sanctification continues to unfold through the Church."

FR. DAVID ENDRES
A Question of Faith: When was the Church Born?


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Hunyo 18, 2023

Ang Aking Opinyon Hinggil sa Tamang Postura sa Tuwing Dinarasal ang "Ama Namin"


Photo by Haley Rivera on Unsplash

"Sinasabi ko sa inyo, kung katulad lang ng pagsunod ng mga teachers ng Law at mga Pharisees ang pagsunod nyo sa kalooban ng Diyos, hinding-hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng langit."

MATTHEW 5: 20 PVCE

Paano nga ba: Ⓐ Nakataas ang mga kamay (Orans Posture), Ⓑ maghawak-hawak ng mga kamay, o Ⓒ magtitiklop ng mga palad? Mula pa nang pagkabata, ang nakagisnan ko na ay ang B, at kung nakakakita man ako ng gumagawa ng A, ito'y kapag may mga taong walang malapit na katabi na mahahawakan ng kamay. Ang kadalasan kong nakikitang gumagawa ng C ay mga madre, at kung minsa'y mga sakristan. Batay sa mga karanasang ito, ang naging pananaw ko'y pare-parehong tama ang A, B, at C. At mukha namang walang masama o mali sa opinyon kong ito dahil 18 taon na ang nakararaan, nagkaroon na ng paglilinaw hinggil dito ang Simbahan, at sinabing "hindi pinagbabawalan" ang mga layko na gawin ang B,1 at may mga katesismo ding nasulat noon pang 2002 na tahasang nagtuturo ng A.2

Gayon man, sa pagdaan ng panaho'y unti-unti akong namulat sa mga umiiral na reklamo hinggil sa A at B. Kung sasangguniin kasi ang Institutio Generalis Missalis Romani (General Instructions of the Roman Missal — GIRM), walang anumang binabanggit hinggil sa kung ano bang dapat o di dapat na postura ng mga kamay ng mga layko habang dinarasal ang Ama Namin. Ang tanging sinasabi lamang ay ➊ dapat tayong nakatayo (#43), at ➋ dapat natin itong dasalin kasama ng pari (#81, #152), habang ang pari lamang ang tahasang sinasabing "nakaunat ang mga kamay" (#152, #237).

Batay dito, makatuwiran ba nating masasabi na hindi maaaring "pilitin" ang sinumang layko na gawin ang A o B, o kahit pa ang C? Madaling sumagot ng "Oo," subalit sa #43 ay may sinasabi ring ganito: "With a view to a uniformity in gestures and postures during one and the same celebration, the faithful should follow the directions which the deacon, lay minister, or priest gives according to whatever is indicated in the Missal." Tila ba nangangahulugan ito na kung mismong ang pari ang mag-aanyaya o magbabawal sa atin na gawin ang A, B, o C, tungkulin nating sumunod. Sa katunayan, ito lang din mismo ang prinsipyong sinusunod ko. Kung sa aking pagsisimba ay may tahasang paganyaya na gawin ang A, B, o C, iyon ang gagawin ko. At kung wala namang tahasang sinasabi ng gagawin, kung ano ang nakikita kong ginagawa ng nakararami, iyon ang gagayahin ko. Kung mayroon man akong dapat iwasan, iyon ay ang sadyang pagsasarili ng postura na sumisira sa kaisahan ng pagdiriwang. Ika nga ni St. Ambrose, "When in Rome, do as the Romans do" — sakyan mo lang kung ano man ang kaugalian sa isang simbahan, nang hindi ginagawang malaking isyu ang mga pagkakaiba ng kaugalian.

Orans Posture ng mga layko sa pagdarasal ng Ama Namin: labag nga ba sa Canon Law?

"In the celebration of the Eucharist, deacons and lay persons are not permitted to say the prayers, especially the eucharistic prayer, nor to perform the actions which are proper to the celebrating priest" (CCL 907). Ika-15 ng Agosto, 1997, sa inilabas na dokumento ng Vatican na "On Certain Questions Regarding the Collaboration of the Non-ordained Faithful in the Sacred Ministry of Priest," Artikulo 6 § 2, tinukoy ang mga paglabag sa naturang canon, at muling sinabi, "Neither may deacons or non-ordained members of the faithful use gestures or actions which are proper to the same priest celebrant." Ngayon, kung ayon sa GIRM ay pari lamang ang "nakaunat ang mga kamay" sa pagdarasal ng Ama Namin, ibig bang sabihin, ang mga laykong gagawa nito ay lalabag sa CCL? Sa pananaw ng ilan, oo daw, subalit ayon sa paglilinaw ng CBCP noong 2005 at ng Obispo ng San Fernando ngayong taon, hindi. Kung magkagayon, kaninong interpretasyon ang mas matimbang: Ang interpretasyon ba ng mga laykong "apolohista," o ang interpretasyon ng CBCP?

Kung titingnan ang konteksto ng Canon 907, tumutukoy lamang ito sa pagtatangka ng mga di-inordenahan sa pagka-pari—alalaong-baga'y mga diakono at layko—na mag- "quasi preside" sa Misa. Ang tanong: Ganyan ba ang ginagawa ng mga laykong naka-Orans Posture sa Ama Namin? Pumapanhik ba sila sa santwaryo para palitan ang pari? Pinangungunahan na ba nila ang pagdiriwang ng Misa kapag naroon na sa bahaging dinarasal ang Ama Namin?

Sa kabilang banda, kung walang tahasang posturang pang-kamay na itinatakda ang Simbahan, maituturing bang "pagbabago" sa batas ng liturhiya kung aanyayahan o pagbabawalan ang mga maninimba na gawin ang A, B, o C? Kakailanganin pa ba muna ng pahintulot ng Apostolic See bago maipatupad ang mga ito (tingnan ang #395)? Bilang isang Katolikong layko na walang pormal na pag-aaral sa mga ganitong klaseng paksang pang-liturhikal, hindi ko alam ang sagot. Marahil, sa mga sitwasyong nakalilito, ang pinakamabuting gawin ay maging masunurin — kung anong sasabihin ng obispo, kung anong sasabihin ng pari, at kung makarating man ito sa Apostolic See, sunod lang nang sunod, maliban na lamang kung ito'y kaso ng isang halatang-halatang kamalian o kasamaan. Hindi kasalanang mortal kung sakaling sumunod ka sa mali bunsod ng isang totoong nakalilitong sitwasyon. (CCC 1857)

At heto na nga. Taong 2005, sinasabing "hindi ipinagbabawal" ang A at B. taong 2020, bunsod ng COVID-19 Pandemic (at hindi dahil sa pagiging "mali" ng B), saka nagkaroon ng tahasang pagbabawal sa B ang CBCP.3 Ika-pito ng Pebrero ngayong taon, naglabas ng Circular Letter ang Archdiocese of San Fernando, Pampanga, kung saan partikular na tinalakay ang mga isyu hinggil sa A at B, at may mga ganito silang sinabi:

  • "That the faithful should not do the 'orans' position during the Lord's Prayer is not historically founded. It is not liturgically founded; it is not legislated in any rubric or norm in the liturgical books. Every now and then a mere opinion comes out."
  • "In the past, the Lord's Prayer was considered a priestly prayer; the liturgical reform promoted by the Second Vatican Council has restored it as a prayer of the whole celebrating assembly. Therefore, the 'orans' posture expresses the prayer directed to God by his children. This gesture is not a case of the laity trying to usurp priestly functions."
  • "Wherefore, to provide the People of God in the Archdiocese of San Fernando the clarification on these matters, we reiterate the following policies:
    1. The people may extend their hands apart and upwards, the ancient 'orans' gesture used by the priest during the Lord's Prayer in the celebration of the Mass.
    2. The people may raise and hold hands while singing the 'Our Father' during the celebration of the Mass.
    3. As a matter of exception, particular liturgical directives are issued accordingly when there are medical health concern/s that calls for needed prohibitions of this or other liturgical practices and/or activities."

Malinaw ang mga naging konklusyon dito ng Archdiocese ng San Fernando: Hindi pinagbabawalan ang mga maninimba na gawin ang A o B, dahil hindi kailanman naging labag sa batas-liturhikal ang mga ito, at wala silang anumang malisyosong kahulugan. Anumang mga isinusulong na argumentong tumutuligsa sa mga ito ay pawang opinyon lang na walang batayan sa kasaysayan o sa alinmang mga batas-liturhikal.4 Mahalagang mga katuruan ito, dahil maituturing na pagsasagamit ng ordinary magisterium ng kanilang obispo, at sa gayo'y katungkulan ng mga mananampalataya ng kanilang diyosesis na magkaroon ng "relihiyosong pagsang-ayon." (religious assent) [CCC 892]

Subalit kamakailan, may kakatwa nanamang nangyari: Ika-16 ng Hunyo ngayong taon, ang Diocese of Dumaguete naman ang naglabas ng Circular Letter, kung saan sinasabi:

"There have been confusions among our lay faithful concerning the hand posture proper to them especially during the Lord's Prayer in the celebration of the Holy Mass. I therefore decree that each person attending the Holy Mass should join his/her own hands during the singing or recitation of the Lord's Prayer while the priest extends his hands in prayer (orans posture). This will ensure clarity and uniformity of hand gesture among the faithful participating in the Holy Mass." [No. 1053 - 14 -2023]

Mapapansin na wala itong kaakibat na paliwanag na nagsasabing "mali" o "masama" ang A o B. Bagkus, pagsasagamit lamang ito ng karapatan ng obispo na magtakda ng kaayusan na papawi sa mga kalituhan, upang magkaisa ang lahat sa pagdiriwang ng Misa (gaya ng nasasaad sa #43 ng Institutio Generalis Missalis Romani). Simple lang ang dapat gawin dito: Kung taga-Dumaguete ka o kung magsisimba ka sa alinmang parokyang sakop ng kanilang diyosesis, sumunod ka sa mandato. Subalit sinasamantala naman ito ngayon ng mga mapanuligsang Katolikong "apolohista" na tutol sa A at B, at isinasangkalan nila ito bilang kumpirmasyon ng kanilang mga argumentong nauna nang pinabulaanan ng Archdiocese of San Fernando.5 Isa itong nakababagabag na ugaling laganap sa mga Katolikong ang tingin sa sarili'y "tagapagtanggol" ng tama at mali sa Simbahan, subalit ang talagang ipinagtatanggol ay ang sariling opinyon sa halip na ang mga opisyal na katuruan ng mga obispo sa ating bansa.


"Every now and then a mere opinion comes out." — Archdiocese of San Fernando


Napakadaling magsangkalan ng mga kung anu-anong artikulo mula sa internet na tila kinakatigan ang pananaw na mali talaga ang A at B. Subalit kung babasahing mabuti ang mga ito, ito ba'y mga pormal na katuruan ng mahisteryo, o opinyon lang ng isang indibiduwal na pari o layko? Kabilang sa mga malimit isangkalan ay ang mga sumusunod:

  • "The Faithful Are NOT To Use the Orans Posture During the Our Father" — Ito'y artikulong sinulat lamang ng isang layko na si Jason Izolt. Hindi mahalaga ang anumang mataas na pinag-aralan niya sa mga bagay-bagay, dahil ito'y isang usaping ang mga obispo lamang ang tunay na makapagbibigay-linaw.
  • "Orans Posture at Mass" — Ito'y artikulong sinulat ni Fr. Charles Grondin, na kung babasahi'y tahasan naman niyang inamin na ang kaniyang mga pagpapaliwanag ay sarili lamang niyang opinyon.
  • "What to Do About Gestures During Mass" — Ito'y transcript ng pag-uusap ng apolohistang si Tim Staples at ng isang caller, at makikitang nagbigay lamang din siya ng sarili niyang opinyon sa isyu, at sa huli'y ipinayo pa na ipaubaya na lamang sa mga obispo ang desisyon hinggil dito.

Kung ako ang tatanungin, kuntento na ako sa pagpapaliwanag na nasasaad sa Circular Letter ng Archdiocese of San Fernando. At kung may mga diyosesis mang magkakaroon ng pagbabawal sa A at B, at mag-uutos na gawin lamang ang C, kuntento lang din akong sumunod sakaling magawi ako sa kanilang teritoryo para magsimba. Para sa akin, hindi nagdudulot ng anumang seryosong problemang pangdoktrina o pangliturhiya ang A at B. Hindi ito isang seryosong usaping kailangang pagtalunan sa social media, at gawing batayan ng panghuhusga sa kapwa ko Katoliko.

"Ang Diyos ay hindi Diyos ng gulo; sya ay Diyos ng kaayusan.... Dapat lahat ng gagawin nyo, nasa tama at maayos na paraan."

1 CORINTHIANS 14: 33, 40 PVCE

 


 

  1. "There is no prohibition on the holding of hands during the singing of the Lord's Prayer during the Mass. This was the clarification being made by Fr. Anscar Chupungco, OSB, executive secretary of the Commission on Liturgy of the Catholic Bishops Conference of the Philippines.... Fr. Chupungco issued the clarification on behalf of Bishop Romulo Valles, chairman of the Episcopal Commission on Liturgy." (SOURCE: During the "Lord's Prayer" CBCP says holding of hands is allowed — PhilStar/Cebu News) [BUMALIK]
  2. "Kapag dinarasal natin ang Ama Namin, dapat tayong tumulad kay Hesus sa Krus. Dapat tayong tumayo, ilahad ang mga kamay at buksan ang mga palad." (Fr. Paolo O. Pirlo, SHMI, "Katesismo ng Kabataang Pilipino." Manila: Sons of Holy Mary Immaculate Quality Catholic Publications, 2002. p. 181.) [BUMALIK]
  3. "In this moment of uncertainty about the illness caused by this virus, and upon the health recommendations of our medical experts, we... discourage our faithful from holding hands during the singing/praying of the 'Our Father'" (Circular No. 20-05, January 29, 2020) — Pansinin na ang salitang ginamit ay "discourage," na tila ba nagpapahiwatig na hindi ito isang lubos at striktong pagbabawal. [BUMALIK]
  4. Ang mga naturang "opinyon" ang malimit nating makikitang pinagtatalunan sa social media, na buong pagmamalaking ipinagpipilitan ng mga kabataang "apolohista." [BUMALIK]
  5. "In a statement, the archdiocese said the raising and holding of hands when reciting or singing the Lord's Prayer is a practice that is allowed under the General Instruction of the Roman Missal. The archdiocese also emphasized that the Italian Roman Missal allowed the Catholic faithful to hold and raise hands during the Lord's Prayer as it signifies the fraternal communion that the people have as children of God 'when this is done with dignity.'" (SOURCE: Pampanga brings back Our Father hand postures — PhilStar) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Biyernes, Hunyo 02, 2023

Labag ba sa mga aral ng Simbahan ang teorya ng ebolusyon?

[PREVIOUSLY UPLOADED AT: saibabawngbato.20m.com ON: 05/18/2019 | UPDATED: today]

"Ang salaysay sa Genesis ay hindi nagtuturo o kaya ay sumasalungat
sa teoriya ng ebolusyon ayon sa agham."
KPK 324




MGA PAGLILINAW AT PAGTUTUWID

Kapansin-pansin na sa tuwing napag-uusapan ng mga Pilipinong Katoliko ang paksang ito, lumulutang ang mga sari-saring maling pagkakaunawa hinggil sa agham, sa ugnayan ng Simbahan at ng agham, sa kahulugan ng salitang "teorya," at sa kung paano ba dapat inuunawa ang salaysay ng paglikha sa Biblia (partikular, sa nasusulat sa aklat ng Genesis). Nagkakalitu-lito rin maging sa panig ng mga ateista sa paggamit ng mga salitang "kreasyonismo" (creationism) at "intelihenteng disenyo" (intelligent design). Ang mga ito'y nangangailangan ng mga paglilinaw at pagtutuwid, nang sa gayon, ang mga pag-uusap hinggil sa Teorya ng Ebolusyon ay maging makatotohanan, makatuwiran, at may matinong pinatutunguhan.


  1. AGHAM/SIYENSYA (science)

    Ito ay ang pag-aaral ng mga bagay/pangyayari sa pisikal na mundo — alalaong-baga'y ng mga naoobserbahang bagay na maaaring matalastas ng makatuwirang pag-iisip ng tao — sa pamamagitan ng pamamaraang siyentipiko (scientific method), isang proseso ng pag-aaral na karaniwang binubuo ng mga sumusunod na hakbang:

    1. obserbasyon sa bisa ng mga kakayahang pandamdam (nakikita, naririnig, naaamoy, nalalasahan, nahahaplos), at sa tulong ng mga pinagtitiwalaang instrumentong panukat at ng mga instrumentong nagpapalawig sa mga limitadong pandamdam ng tao;
    2. pagkatha ng hypothesis, alalaong-baga'y mga makatuwirang haka-haka na maaaring subukin o kalkulahin, na ipinagpapalagay na nagbibigay-kapaliwanagan sa isang partikular na pangyayaring naoobserbahan sa kalikasan;
    3. pagsasagawa ng mga eksperimento kung saan sinusubok ang isang hypothesis, habang maingat at wastong itinatala ang mga nakakalap na datos;
    4. pagkatha ng isang kapani-paniwala/makatotohanan subalit maaaring-mapabulaanang* konklusyon [*Mahalagang katangian ng isang siyentipikong konklusyon ang falsifiability, sapagkat tinitiyak nito na ang isang siyentista ay hindi binubulag ng sarili niyang paniniwala]; at
    5. pagsangguni sa mga kinikilalang pamayanan ng mga siyentista (scientific community) upang ipasiyasat sa kanila ang naturang konklusyon (peer review), hanggang sa puntong ito'y pormal na sang-ayunan, pabulaanan, o baguhin/paunlarin tungo sa isang mas makatotohanang kapaliwanagan.

    Kapag ang naturang kapaliwanagan ay napatutunayan ngang totoo sa maraming mga eksperimento at mga obserbasyon, itinuturing na itong isang "teorya" (scientific theory), at kung kinasasangkutan ng mga kalkulasyong pang-matematika na naghahatid sa isang tiyak o katiwa-tiwalang prediksyon, ito'y itinuturing na isang "batas" (scientific law) [pansinin ang siyentipikong gamit ng mga naturang salita, taliwas sa karaniwan o pampanitikang gamit ng mga ito]. Ang isang siyentipikong kapaliwanagan ay ipinagpapalagay na laging totoo sa lahat ng oras at lugar, kahit na ang mga eksperimento at obserbasyong pinagbabatayan nito ay imposible namang maisagawa sa lahat ng oras at lugar (sapagkat wala namang tao ang nabubuhay magpakailanman at umiiral sa lahat ng lugar). Ang agham, kung gayon, ay isang inductive discipline — alalaong-baga'y buhat sa mga limitadong batayan ay kumakatha ng mga panlahatang konklusyon.1

    Ang pagiging "siyentipiko," kung gayon, ay hindi nangangahulugan na ang isang kapaliwanaga'y hindi na maaaring mabago o mapalitan. Imposible namang makagawa ng isang perpekto, magpakailanman, at panlahatang eksperimento at obserbasyon. Imposible namang ang lahat ng mga siyentista ay hindi nagkakamali, hindi nakakalimot, tapat sa kanilang mga ginagawa, at hindi naiimpluwensyahan ng mga makasarili at makamundong hangarin. Sa sandaling may matuklasang pagkakamali, pagkukulang, o bagong kaalaman, o sa sandaling makasaksi ng mga naiibang resulta taliwas sa mga inaasahan, ang isang kapaliwanagang siyentipiko ay kailangang baguhin o talikdan. Ito ang dahilan kaya makatuwiran nating masasabi na wala talagang lubos na katiyakan sa mga ipinaliliwanag ng agham — hindi nawawala ang posibilidad na ang mga ipinag-papalagay nating "siyentipikong katotohanan" ngayon ay mapatutunayang mali o kulang pala sa hinaharap. Ang "katiyakan" ng agham ay laging nakabatay sa kung alin ba yaong may pinaka-malaking posibilidad ng pagiging totoo (highest degree of probability).


  2. AGHAM vs. RELIHIYON?

    Ayon kay Apostol San Pablo: "Mula sa pagkalalang ng daigdig, ang mga katangiang di-nakikita ng Diyos, maging ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at ang kanyang pagka-Diyos, ay nakikita sa kanyang mga ginawa." (Roma 1: 20). Ipinahihiwatig nito na ang Pananampalatayang Cristiano ay kinasasangkutan, hindi lamang ng pag-aaral ng mga katotohanang inihayag ng Diyos, kundi pati ng pag-aaral ng mga katotohanang pang-kalikasan. Ang isang tunay na Katolikong Cristiano ay nagpapahalaga sa pag-aaral ng agham, sapagkat sa pamamagitan nito'y lalo niyang nakikilala ang Diyos,2 at lalong umuunlad ang pagka-unawa niya sa mga gampanin niya sa mundong pinaglagyan sa kanya. Ipinakikita nito ang ugnayan, hindi ang pagsasalungatan, ng agham at relihiyon. Ipinakikita nito na ang pag-aaral ng agham ay hindi idinagdag o isiningit lang sa Katolikong kaisipan sa pagdaan ng panahon, kundi isang mahalaga at permanenteng bahagi ng Katolikong pananaw hinggil sa katotohanan ng buhay.

    • "Though faith is above reason, there can never be any real discrepancy between faith and reason. Since the same God who reveals mysteries and infuses faith has bestowed the light of reason on the human mind, God cannot deny himself, nor can truth ever contradict truth. Consequently, methodical research in all branches of knowledge, provided it is carried out in a truly scientific manner and does not override moral laws, can never conflict with the faith derive from the same God. The humble and persevering investigator of the secrets of nature is being led, as it were, by the hand of God in spite of himself, for it is God, the conserver of all things, who made them what they are." (CCC 159)
    • "The question about the origins of the world and of man has been the object of many scientific studies which have splendidly enriched our knowledge of the age and dimensions of the cosmos, the development of life-forms and the appearance of man. These discoveries invite us to even greater admiration for the greatness of the Creator, prompting us to give him thanks for all his works and for the understanding and wisdom he gives to scholars and researchers." (CCC 283)
    • "Hindi salungat ang Pananampalatayang Kristiyano sa ating pag-iisip. Bagkus, tanging ang mga may isip na nilalang lamang ang maaaring maniwala." (KPK 147)

    Hindi magka-away ang Simbahang Katolika at ang agham. Pinatutunayan ito ng pag-iral ng Pontifical Academy of Sciences sa Vatican City sa Roma, ng mga Katolikong unibersidad na nagtuturo ng iba't ibang sangay ng agham, ng mga Katolikong ospital na nanggagamot hindi sa pamamagitan ng mga dasal, rituwal, at milagro kundi sa pamamagitan ng mga maka-agham na pamamaraan ng panggagamot, ng mga siyentipikong pasilidad na ginagamit sa astronomiya tulad ng Vatican Observatory at ng Vatican Advanced Technology Telescope, at ng mga batikang Katolikong siyentista na may mga mahahalagang naiambag sa kasalukuyang kaalamang siyentipiko.3

    Kung magka-gayon, bakit may mga pagkakataon na tinutuligsa ng Simbahan ang ilang mga siyentista (malimit gamiting halimbawa ang mga kaso nina Galileo Galilei, Giordano Bruno, at Roger Bacon)? Marami't masalimuot ang mga dahilan, at ang mga ito'y hindi dahil kinakalaban ng Simbahan ang agham. Tinutuligsa sila ng Simbahan sapagkat:

    • Ipinagpipilitan nila ang mga hypothesis na hindi pa talaga napatutunayan.
    • Ipinagpipilitan nila ang mga konklusyon na batay sa mga kulang-kulang at kaduda-dudang mga datos.
    • Ipinangangahas nilang magmarunong tungkol sa mga paksang hindi naman saklaw ng siyentipikong pag-aaral, gaya ng mga paksa sa teolohiya at pilosopiya, habang isinasangkalan ang agham bilang "katibayan" ng kanilang mga pag-aangkin.
    • Ipinakikilala nilang "katotohanang siyentipiko" ang mga kapaliwanagang kung susurii'y pawang mga postulata (postulate), pala-palagay (assumption), o pamimilosopo lamang (sophism).
    • Itinataguyod nila ang mga imoral na gawain habang ginagawang panakip-butas ang agham.
    • Itinataguyod nila ang paniniwalang nasa agham daw ang tanging pamantayan ng katiyakan, ang kasagutan daw sa lahat ng mga katanungan ng tao (scientism). Ito'y isang malaking pagkakamali, sapagkat mahalaga ring pamantayan ang pananampalataya, pag-ibig, pilosopiya at katuwiran, matematika, atbp. sa pag-unawa at pagbibigay-kahulugan sa mga hiwaga ng buhay at pag-iral. Mabuting alalahanin dito ang isang kasabihang mula sa batikang psychologist na si Abraham Maslow: "Kung ang tanging kasangkapan mo ay isang martilyo, ang tingin mo sa bawat problema ay isang pako."

    Hindi maaaring tanggapin ng Simbahang Katolika — at ng kahit sino mang matino at edukadong tao — ang gayong mga pang-aabuso ng mga siyentista, na dapat ay laging matapat na sumusunod sa mga pamamaraang siyentipiko (na siyang tanging tiyak na pamantayan ng tunay na kaalamang maka-agham), at hindi lumalampas sa mga hangganan ng siyentipikong pagsasaliksik.4 Ang pagsalungat sa isang abusadong siyentista ay hindi pagtuligsa sa agham, bagkus ay pagtatanggol pa nga sa integridad ng agham. Gayon man, hindi ito nangangahulugan na ang Simbahan mismo ay laging nasa tamang panig, at siya mismo'y hindi rin nasasangkot sa mga pang-aabusong tinutuligsa niya. Ang mahalaga rito'y ang pagkakaroon ng makatotohanan at patas na pananaw sa tuwing nagkakaroon ng mga sigalot sa pagitan ng Simbahang Katolika at ng ilang mga siyentista. Dapat iwasan dito ang mga di-pinag-iisipang panghuhusga, na agad-agad nagtuturing sa Simbahan bilang "tanga," "mapamahiin," o "napag-iwanan ng panahon" gayong sa abot ng kanyang makakaya'y matalino niyang hinaharap ang mga pagtuligsang ibinabato sa kanyang mga aral ng mga mapagmataas na siyentista noon at sa kasalukuyan.


  3. SIYENTIPIKONG TEORIYA (scientific theory)

    "Teoriya lang iyan, kaya hindi iyan totoo!" — Ang madalas na batikos ng marami laban sa Teorya ng Ebolusyon, batay sa kanilang lubhang mababaw na pagkakaunawa sa pang-akademyang gamit ng salitang "teorya." Subalit ano nga ba talaga ang tamang kahulugan nito? Ang siyentipikong teorya ay hindi isang haka-haka na walang pinagbabatayan, kundi isang kalipunan ng mga kapaliwanagan hinggil sa isang bagay/pangyayari sa pisikal na mundo batay sa mga kaalamang maka-agham, mga kalkulasyong pang-matematika, at iba pang sangay ng kaalaman. Ayon na rin mismo kay Pope St. John Paul II, "A theory is a metascientific elaboration, distinct from the results of observation but consistent with them. By means of it a series of independent data and facts can be related and interpreted in a unified explanation . . . It is constantly tested against the facts . . . . it borrows certain notions from natural philosophy." (Address to the Pontifical Academy of Sciences, 22 October 1996, paragraph 4)


  4. KREASYONISMO (creationism)

    Ang salitang Kreasyonismo ay maaaring bigyang-kahulugan sa dalawang paraan: ➊ maka-pundamentalista at ➋ maka-Katoliko. Ito'y pagkakaibang di alintana ng marami, kaya't mahalagang linawin natin.

    Sino ba ang mga Pundamentalista? Sila'y "kilusang nagtatakwil sa makasaysayang pagbubuo ng Biblia, gayundin ng uring pampanitikan nito at ang pag-aaral ng sinaunang kahulugan. Binibigyang-diin nito ang literal na pakahulugan bilang tanging pamantayan para sa lahat ng Kristiyanong paniniwala at asal" (KPK, 2007 edition, Talahulugan, p. 734). Siyempre, palibhasa'y di matatagpuan sa literal na pagbabasa ng Biblia ang anumang aral o salaysay hinggil sa ebolusyon ng tao, kaya't tinutuligsa rin ng kilusang ito ang lahat ng mga teorya ng ebolusyon. Kung ano ang literal na isinasalaysay sa aklat ng Genesis hinggil sa pagkakalikha ng tao, iyon lang ang kanilang pinaniniwalaan. Ito ang ibig nating sabihin sa "maka-pundamentalistang" Kreasyonismo.

    Bagama't laganap na paniniwala sa hanay ng mga Protestante at ng ilang mga Katoliko (na salat sa pang-unawa at lubhang naiimpluwensyahan ng mga kamalian ng Protestantismo), ang gayong maka-pundamentalistang doktrina ng Kreasyonismo ay hindi itinuturo ng Simbahang Katolika. Bagkus, ayon sa karaniwang pagtuturo ng Simbahan:

    • "Ang salaysay sa Genesis ukol sa paglikha ay nakatuon sa 'bakit', ang kahulugan at layunin ng lahat ng bagay. Hindi itinuturo ng Biblia kung paanong ang langit ay nabuo kundi kung paano makararating doon . . . Ang salaysay sa Genesis ay hindi nagtuturo o kaya ay sumasalungat sa teoriya ng ebolusyon ayon sa agham. Ang anim na 'mga araw' ay hindi nangangahulugan ng 24 na oras sa isang araw... Ito lamang ay pamamaraan ng kinasihang may-akda sa paglalahad ng mga katotohanang ipinapahayag ng Genesis sa tulang biblikal." (KPK 324).
    • "Ang salaysayin sa Biblia tungkol sa paglikha sa mundo, ay hindi dapat tanggapin bilang isang paliwanag na sientipiko, sapagkat ang Biblia ay hindi isang aklat ng ciencia. Ang layunin ay ipahayag ang pag-iral ng Diyos na siyang pinanggalingan ng lahat ng bagay, at ang Kanyang kapangyarihan sa lahat ng mga nilikha . . . . ang layunin, ay tulungan ang tao sa daan ng kabanalan at kaligtasan." (Almario 32, 34)5

    Mismong ang kasalukuyang Santo Papa ay tahasang pinabubulaanan ang maka-pundamentalistang doktrina ng Kreasyonismo. Sa pahayag ni Pope Francis sa mga siyentista ng Pontifical Academy of Sciences noong ika-27 ng Oktubre ng taong 2014, sinabi niya sa kanila:

    "When we read the account of Creation in Genesis we risk imagining that God was a magician, complete with an all powerful magic wand. But that was not so. He created beings and he let them develop according to the internal laws with which He endowed each one, that they might develop, and reach their fullness. He gave autonomy to the beings of the universe at the same time in which He assured them of his continual presence, giving life to every reality. And thus Creation has been progressing for centuries and centuries, millennia and millennia, until becoming as we know it today, precisely because God is... the Creator who gives life to all beings. The beginning of the world... derives directly from a supreme Principle who creates out of love . . . Evolution in nature does not conflict with the notion of Creation, because evolution presupposes the creation of beings who evolve."

    Hindi tayo mga pundamentalista. Hindi tayo nakikiisa sa kanilang doktrina ng Kreasyonismo. Binabasa natin ang Biblia sa wastong pamamaraan — ipinagsasaalang-alang ang makasaysayang pagkakabuo nito, ang mga uri ng panitikang ginamit nito, at ang mga sinaunang kahulugan nito.6 Bukod pa riyan, ang ating pagbabasa ng Biblia ay laging kaisa ng Banal na Tradisyon at ng Mahisteryo.7 Sa ating pagtanggi sa maka-pundamentalistang Kreasyonismo, hindi natin hinahamak ang Biblia, bagkus ay ipinagtatanggol pa nga natin ito mula sa mga maling interpretasyon ng mga pundamentalista: mga interpretasyong humahantong sa di-makatuwirang pagtuligsa sa Teorya ng Ebolusyon.

    Sa Kredo ay ipinahahayag natin: "Sumasampalataya ako sa iisang Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa, ng lahat na nakikita at di nakikita . . . Sumasampalataya ako sa iisang Panginoong Jesu-Cristo... sa pamamagitan niya ginawa ang lahat . . . Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, Panginoon at Nagbibigay-Buhay". Itinuturo din ng Simbahan na ang ating "walang-kamatayang kaluluwang espirituwal na pinagkalooban ng kamalayan at pagpapasya" ay tuwirang nilikha ng Diyos sa mismong sandali na tayo'y ipaglihi, at ito'y hindi nagmula sa ating mga magulang o sa anumang materyal na bagay sa sanlibutan (KPK 2086; CCC 366). Ito ang tunay na diwa ng Kreasyonismo na ating sinasampalatayanan, hindi ang Kreasyonismo na itinuturo ng mga pundamentalista. Ito ang maka-Katolikong Kreasyonismo na sa pananaw ng Simbahan ay hindi sumasalungat sa Teorya ng Ebolusyon.


  5. TEORIYA NG INTELIHENTENG DISENYO (Intelligent Design Theory)

    Ang Diyos ang "pinanggalingan ng lahat ng umiiral, sa pamamagitan ng isang malaya at mapagmahal na pagkilos ng Kanyang banal na kalooban at karunungan" (KPK 325). "Anong dami ng iyong mga gawa, O Panginoon! Ginawa mo ang lahat nang may karunungan" (Salmo 103: 24). Nangangahulugan ba ito na itinuturo din ng Simbahang Katolika ang Teorya ng Intelihenteng Disenyo? Hindi. Ang naturang "teorya" ay batay sa mga katuruan ng biochemist na si Michael Behe. Aniya, sa kalikasan ay makasusumpong daw ng mga anyo ng buhay (life forms) at mga prosesong bayolohikal (biological processes) na kinasasangkutan ng isang lubhang masalimuot na sistema na kung mababawasan ng kahit isang bahagi, ang buong sistema, di umano, ay lubos na mapawawalang-bisa — katangiang tinagurian niyang irreducible complexity.8 Ipinahihiwatig daw nito na ang mga naturang bahagi ay magkaka-sabay na umiral; hindi daw maaaring maging resulta ng unti-unting pag-unlad ayon sa proseso ng ebolusyon, bagkus ay sadyang "dinisenyo" at nilikha ng isang "intelihenteng sanhi."

    Bagama't nakatutuksong ikatuwiran na ang naturang "intelihenteng sanhi" ay ang Diyos (at gayon nga ang malimit na ginagawa ng maraming Cristiano, lalo na ng mga Protestante, upang patunayan ang pag-iral ng Diyos), ito'y isang malaking pagkakamali, sapagkat nagdudulot ito ng maling pagkaka-kilala sa Diyos, at maling pagkaka-unawa sa kung paano nga ba nilikha ng Diyos ang sanlibutan. Ang Diyos ang Unang Sanhi, siyang lumikha sa lahat ng bagay buhat sa wala (creatio ex nihilo).9 At dahil buhat sa wala, walang nilalang ang maka-iiral sa bisa ng sarili. Ang buong sanlibutan ay patuloy na umiiral sapagkat patuloy na pinaiiral ng Diyos. Isang kabalintunaan na sabihing "gawa ng Diyos" ang isang bagay o pangyayari dahil lang sa hindi ito mahanapan ng maka-agham na paliwanag (God-of-the-Gaps fallacy, Argumentum Ad Ignorantiam). Bagkus, ang Diyos ang saligan ng lahat ng pag-iral — hawak niya ang buong sanlibutan, ang lahat ng mga batas-kalikasan, ang lahat ng mga nilalang at pangyayari. Sinasalamin ng lahat ng bagay sa sanlibutan ang karunungan ng Diyos, hindi lamang ng mga bagay na nakamamangha, kumplikado, o kataka-taka. Hindi ang tunay na Diyos na Manlilikha ng lahat, kundi isang "tusong pakialamerong nagpapapansin" ang ipinakikilala ng Teorya ng Intelihenteng Disenyo. Ayon na rin mismo kay Fr. George V. Coyne S.J., dating director ng Vatican Observatory, "The Intelligent Design movement... actually belittles God, makes him too small and paltry". "Intelligent Design isn't science, even if it pretends to be."

    Bagama't si Michael Behe ay isang Katoliko, hindi ito sapat na batayan upang agad-agad tanggapin ang kaniyang "teorya" ng Intelihenteng Disenyo. Ang mga ipinaliliwanag ng kanyang "teorya" ay maaari lamang maging batayan ng pagka-mangha sa mga gawa ng Diyos (na humahantong sa pagpupuri sa kanya, na siyang "may gawa ng kagandahan" — Karunungan 13: 3), subalit hindi ng isang matibay na batayang makatuwiran at maka-agham na nagpapabulaan sa Teorya ng Ebolusyon, ni nagpapatunay sa pag-iral ng Diyos.

"Science can purify religion from error and superstition; religion can purify science from idolatry and false absolutes. Each can draw the other into a wider world, a world in which both can flourish."

POPE ST. JOHN PAUL II
Letter to Reverend George V. Coyne, S.J., Director of the Vatican Observatory, 1 June 1988

ANG TEORYA NG EBOLUSYON AYON SA PAGKAKAUNAWA NG SIMBAHANG KATOLIKA

Nang tahasang ituro ng Simbahan na "ang salaysay sa Genesis ay hindi nagtuturo o kaya ay sumasalungat sa teoriya ng ebolusyon ayon sa agham" (KPK 324), ano nga bang ibig niyang sabihin sa "teoriya ng ebolusyon"? Nangangahulugan ba ito na ang Simbaha'y walang nakikitang mali sa kahit na anong sabihin ng mga siyentista hinggil sa teoryang ito? Hindi. Noong ika-23 ng Hulyo 2004, sa dokumentong may pamagat na "Communion and Stewardship: Human Persons Created in the Image of God" na inilabas ng International Theological Commission,10 matatagpuan ang buod ng pagkakaunawa ng Simbahan sa Teorya ng Ebolusyon:

"According to the widely accepted scientific account, the universe erupted 15 billion years ago in an explosion called the 'Big Bang' and has been expanding and cooling ever since. Later there gradually emerged the conditions necessary for the formation of atoms, still later the condensation of galaxies and stars, and about 10 billion years later the formation of planets. In our own solar system and on earth (formed about 4.5 billion years ago), the conditions have been favorable to the emergence of life. While there is little consensus among scientists about how the origin of this first microscopic life is to be explained, there is general agreement among them that the first organism dwelt on this planet about 3.5-4 billion years ago. Since it has been demonstrated that all living organisms on earth are genetically related, it is virtually certain that all living organisms have descended from this first organism. Converging evidence from many studies in the physical and biological sciences furnishes mounting support for some theory of evolution to account for the development and diversification of life on earth, while controversy continues over the pace and mechanisms of evolution. While the story of human origins is complex and subject to revision, physical anthropology and molecular biology combine to make a convincing case for the origin of the human species in Africa about 150,000 years ago in a humanoid population of common genetic lineage. However it is to be explained, the decisive factor in human origins was a continually increasing brain size, culminating in that of homo sapiens. With the development of the human brain, the nature and rate of evolution were permanently altered: with the introduction of the uniquely human factors of consciousness, intentionality, freedom and creativity, biological evolution was recast as social and cultural evolution." [❡ 63] [SOURCE: http://www.vatican.va/roman_curia/congregations/cfaith/cti_documents/rc_con_cfaith_doc_20040723_communion-stewardship_en.html]

Ayon sa kahatulan ng Simbahan, ang naturang teorya ay hindi sumasalungat sa Pananampalatayang Katolika, kaya't malaya ang sinumang Katoliko na paniwalaan ito (at marami ngang naniniwala, kabilang na ang mismong kasalukuyang Santo Papa, Pope Francis). Gayunma'y mariin tayong pina-aalalahanan ng Simbahan hinggil sa mga batayang aral ng ating Pananampalataya na hindi maaaring baguhin o balewalain, at pinag-iingat din tayo mula sa mga maling aral na may-katusuhang ikinakapit sa teoryang ito ng maraming mga abusadong siyentista sa ating kapanahunan. Sa ating sariling pagpapasya na maniwala sa Teorya ng Ebolusyon, lubhang mahalagang mapa-alalahanan tayo:

  • Ang Teorya ng Ebolusyon ay hindi maituturing na tangi at pangkalahatang paliwanag hinggil sa pinagmulan ng lahat ng bagay na umiiral.11
  • Ang agham ay patuloy na nagbabago, subalit ang mga katotohanan ng Pananampalataya ay hindi nagbabago — anomang katotohanang inihayag ng Diyos ay totoo magpakailanman. Ang agham, kung gayon, ay hindi dapat gamiting pamantayan sa kung paano ba dapat inuunawa ang mga nilalaman ng Pananampalataya. Hindi maaaring baguhin ang Pananampalataya upang itugma sa mga sinasabi ng agham.12
  • Ang Sangnilikha ay hindi lamang tungkol sa mga bagay na nakikita, kundi pati sa mga bagay na di-nakikita — mga katotohanang espirituwal — na hindi nasasaklaw ng agham, subalit inihayag ng Diyos, kaya't hindi dapat pagdudahan o pilit hanapan ng siyentipikong katibayan.
  • Bagama't itinuturing ng Simbahan ang salaysay ng paglikha sa Genesis bilang isang tulang biblikal na di dapat nakatuon lamang sa literal na pagbibigay-kahulugan, mariing ipinahahayag ng Simbahan na sina Adan at Eba ay mga totoong tao — hindi sila alamat, hindi sila sumasagisag sa isang populasyon, at walang sinumang tao ang hindi nagmula sa kanila.13
  • Isang malaking pagkakamali na akalaing ang ebolusyon ay isang bulag na sapalarang walang takdang nilalayon, sapagkat ang buong sanlibutan at ang lahat ng mga pwersa at batas-kalikasan na sangkot sa proseso ng ebolusyon ay matatalunton sa Unang Sanhi — sa Diyos. Sa pamamagitan ng Diyos nalikha ang lahat, at sa pamamagitan din ng Diyos nagpapatuloy ang lahat ng umiiral. Walang "aksidente", "nagkataon", o "wala lang" sa sanlibutang ito. Anumang inaakalang bunga ng sapalaran ay sapalaran lamang sa diwa ng pagiging "malaya sa pakikialam ng tao", subalit ang lahat ay talagang nananatiling napaiilalim sa pangkalahatang pamamahala ng Diyos.

Sa huli, mahalagang mapagtanto nating ang Teorya ng Ebolusyon ay hindi pormal na katuruan ng Simbahan, at hindi kailanman magiging pormal na katuruan ng Simbahan. Bakit? Sapagkat ang teoryang ito ay patungkol sa maka-agham na pag-aaral — hindi patungkol sa mga katotohanan ng Pananampalataya at Moral na Pamumuhay. Ang tanging magagawa para sa atin ng Simbahan ay patuloy na siyasatin ang mga kaalamang maka-agham, at gabayan tayo sa tuwing naaapektuhan ng mga ito ang mga katotohanang sinasampalatayanan natin.14

"The Teaching Authority of the Church does not forbid... research and discussions... take place with regard to the doctrine of evolution . . . However, this must be done in such a way that the reasons for both opinions, that is, those favorable and those unfavorable to evolution, be weighed and judged with the necessary seriousness, moderation and measure, and provided that all are prepared to submit to the judgment of the Church, to whom Christ has given the mission of interpreting authentically the Sacred Scriptures and of defending the dogmas of faith."

POPE PIUS XII
Humani Generis, par. 36, 12 August 1950


 
 

 
  1. ". . . in both everyday reasoning and scientific reasoning regarding matters of fact... induction plays a central role . . . Inductive inference is used in almost all fields, including education, psychology, physics, chemistry, biology, and sociology . . . . While it is tempting to try to justify induction by pointing out that inductive reasoning is commonly used in both everyday life and science, and its conclusions are, by and large, proven to be correct, this justification is itself an induction and therefore it raises the same problem: Nothing guarantees that simply because induction has worked in the past it will continue to work in the future."
    [Marti, Genoveva. "Induction (logic)." Microsoft Encarta 2009. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.] [BUMALIK]
  2. Ang gayong pamamaraan ng pagkakilala sa Diyos ang siyang pinag-aaralan at itinuturo sa natural theology — isang sinaunang pamamaraan na masusumpungan mismo Biblia. (Tingnan sa: Roma 1: 19-20; Karunungan 13: 1, 5; Salmo 13: 1; Mga Gawa 17: 22-31) [BUMALIK]
  3. Ilan sa mga batikang Katolikong siyentista na may mga mahahalagang naiambag sa agham ay sina: Saint Albertus Magnus (cosmogony), André Marie Ampère (electrodynamics), Luigi Galvani (electrophysiology), Augustin Jean Fresnel (optics), René-Just Haüy (crystallography), Louis Pasteur (microbiology), Gregor Johann Mendel (genetics, hereditary theory), at Georges Édouard Lemaître (Big Bang Theory). [Para sa mas malawig na listahan: "A List of 244 Priest-Scientists" (LINK) | "A Short List of Lay Catholic Scientists" (LINK)] [BUMALIK]
  4. Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko,

    ". . . Nabubuhay tayo sa isang makamundong panahon na kung saan ang 'maging tiyak' ay nangangahulugan ng kakayahang patunayan ito sa pamamagitan ng eksperimento at 'makaagham' na paraan. Subalit ito'y isang pangitaing makatuwiran [rationalistic illusion]. 'Nabilog ang ating ulo' sa pamamagitan ng sarili nating gawain: ang agham at teknolohiya ngayon." (142)
    ". . . napapagtanto nating wala sa ating mga personal na mahahalagang pagpapasya maging sa ating mga pangunahing adhikain at pananaw sa buhay, kalayaan, pag-ibig, atbp. ang maaaring 'patunayan' ng mga eksperimento ng agham." (143)
    "Likas nating nababatid na ang mga tao at lalo na ang Diyos na-panglahat-ng-tao [all-personal God] ay hindi kailanman maibababa sa antas na dapat 'patunayan' sa pamamagitan ng eksperimento buhat sa agham." (145)

    "Ang pagkakaiba ng mga salaysay na ito ayon sa Biblia at ang pagpapaliwanag ng paglikha ayon sa agham ay maaaring maihalintulad sa dalawang paraan ng paglalarawan sa isang gawang-sining, halimbawa ay isang magandang ipinintang larawan. Ang 'paano' (ayon sa agham) na pagpapaliwanag ay nakatuon sa mga materyales na ginamit, ang sukat, bigat, gulang, mga kulay at ang buong pamamaraan ng pagpipinta ng larawan. Ang kakaibang uri ng paliwanag ay ang 'bakit', na kapwa binibigyang-kahulugan ang mga layunin at hangarin ng artista, at ang 'kahulugan at katotohanan' ng ipinintang larawan. 'Ipinahahayag' ng ipinintang larawan ang pag-uugali at katauhan ng taong ipininta.
    "Ang parehong uri ng 'pagpapaliwanag' ay totoo at mahalaga. Pareho silang nagpupuno sa isa't isa at magkasamang nagbibigay ng mas buong pang-unawa sa ipinintang larawan." [323] [BUMALIK]

  5. Almario, Cirilo R. Liwanag at Buhay: Mga Aral Katoliko Batay sa Banal na Kasulatan. Bulacan: FETI Printing & Trading, 1989. [BUMALIK]
  6. Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko,

    "Ang likas na pag-iisip natin ang nagsasabi sa ating hanapin kung ano ang nasa isip ng kinasihang manunulat kapag binibigyang-kahulugan ang isang teksto. Nangangailangan ito ng ilang pangunahing kaalaman tungkol sa mga panlipunan, pangkalakalan, at pangrelihiyong kalagayan ng mga manunulat sa kanilang natatanging makasaysayang kalagayan." (93)
    "Kailangan nating tingnan ang kanyang kaanyuang pampanitikan (halimbawa, mga kuwentong pangkasaysayan, orakulo ng propeta, tula o talinghaga/parabula) na ginagamit ng manunulat . . . . Malaki ang maitutulong ng kaalaman tungkol sa kasaysayan ng pagpapaliwanag ng teksto, lalo na ang paggamit nito sa liturhiya ng Simbahan." [94] [BUMALIK]

  7. Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko,

    "Ayon sa pinakamarunong na panukala ng Diyos, magkakaugnay at magkakasama ang banal na Tradisyon, ang Banal na Kasulatan, at ang gampaning magturo ng Simbahan (Mahisteryo) sa paraang hindi maaaring makatayo ang isa kung wala ang dalawa. Lahat sama-sama, at ang bawat isa ayon sa kani-kanilang paraan sa ilalim ng pagbubunsod ng iisang Espiritu Santo, ay mabisang kumikilos para sa ating kaligtasan." [97] [BUMALIK]

  8. Malimit gamiting halimbawa ng isang bagay na may irreducible complexity ay ang bacterial flagellum. [BUMALIK]
  9. "Hindi ko mawari kung paano kayong lumitaw sa aking sinapupunan; hindi ako ang nagbigay sa inyo ng hininga at buhay, di ako ang nagsangkap ng inyong katawan . . . Isinasamo ko sa iyo, anak ko, na tanawin mo sana ang langit at ang lupa, at malasin ang lahat ng naroroon at talastasin na iyon ay ginawa ng Diyos buhat sa wala at ang buong sangkatauhan ay ginawa sa ganoon ding paraan." (2 Macabeo 7: 22, 28) [BUMALIK]
  10. "In fulfilment of the proposal made by the first Ordinary Assembly of the Synod of Bishops, Pope Paul VI, on 11 April 1969, instituted, in connection with the Congregation for the Doctrine of the Faith, an International Theological Commission . . . .
    "The task of the Commission is that of helping the Holy See and primarily the Congregation for the Doctrine of the Faith in examining doctrinal questions of major importance . . . .
    "The Commission is composed of theologians from diverse schools and nations, noted for their knowledge and faithfulness to the Magisterium of the Church. The members, which number no more than 30, are nominated by the Holy Father..."

    [SOURCE: The Holy See (opisyal na website ng Vatican)] [BUMALIK]
  11. Sa sulat-ensiklikal na Humani Generis ni Pope Pius XII na inilabas noong ika-12 ng Agosto 1950, sinabi ng Santo Papa:

    "If anyone examines the state of affairs outside the Christian fold, he will easily discover the principle trends that not a few learned men are following. Some imprudently and indiscreetly hold that evolution, which has not been fully proved even in the domain of natural sciences, explains the origin of all things, and audaciously support the monistic and pantheistic opinion that the world is in continual evolution. Communists gladly subscribe to this opinion so that, when the souls of men have been deprived of every idea of a personal God, they may the more efficaciously defend and propagate their dialectical materialism.
    "Such fictitious tenets of evolution which repudiate all that is absolute, firm and immutable, have paved the way for the new erroneous philosophy which, rivaling idealism, immanentism and pragmatism, has assumed the name of existentialism, since it concerns itself only with existence of individual things and neglects all consideration of their immutable essences."
    (❡ 5-6) [BUMALIK]

  12. Sa dokumentong Lamentabili Sane — ang Syllabus of Errors (alalaong baga'y buod o talaan ng mga maling aral) — na inilabas ng Sacred Congregation of the Holy Office (na ngayon ay Congregation for the Doctrine of the Faith) at pormal na pinagtibay at ipinatupad ni Pope Pius X, noong ika-3 ng Hulyo 1907, tahasang kabilang sa listahan ng mga maling aral ang mga sumusunod:

    "Scientific progress demands that the concepts of Christian doctrine concerning God, creation, revelation, the Person of the Incarnate Word, and Redemption be re-adjusted." (64)
    "Modern Catholicism can be reconciled with true science only if it is transformed into a non-dogmatic Christianity; that is to say, into a broad and liberal Protestantism." (65) [BUMALIK]

  13. "When, however, there is question of another conjectural opinion, namely polygenism, the children of the Church by no means enjoy such liberty. For the faithful cannot embrace that opinion which maintains that either after Adam there existed on this earth true men who did not take their origin through natural generation from him as from the first parent of all, or that Adam represents a certain number of first parents. Now it is no no way apparent how such an opinion can be reconciled with that which the sources of revealed truth and the documents of the Teaching Authority of the Church propose with regard to original sin, which proceeds from a sin actually committed by an individual Adam and which, through generation, is passed on to all and is in everyone as his own." (Humani Generis, 37)

    Sa katunaya'y kinakatigan naman ito ng kasalukuyang agham. Sa librong "Science in Seconds" ni Hazel Muir, sinasabi: "All people living today are descended from a single female dubbed 'mitochondrial Eve' who lived in Africa about 110,000-130,000 years ago. Scientists deduced this from modern genetic analysis of the DNA in human mitochondria, which is inherited via the maternal line." (New York: Quercus Publishing Inc., 2013. p. 196) [BUMALIK]

  14. "Pope John Paul II stated some years ago that 'new knowledge leads to the recognition of the theory of evolution as more than a hypothesis. It is indeed remarkable that this theory has been progressively accepted by researchers following a series of discoveries in various fields of knowledge' ('Message to the Pontifical Academy of Sciences on Evolution' 1996). In continuity with previous twentieth century papal teaching on evolution (especially Pope Pius XII's encyclical Humani Generis), the Holy Father's message acknowledges that there are 'several theories of evolution' that are 'materialist, reductionist and spiritualist' and thus incompatible with the Catholic faith. It follows that the message of Pope John Paul II cannot be read as a blanket approbation of all theories of evolution, including those of a neo-Darwinian provenance which explicitly deny to divine providence any truly causal role in the development of life in the universe. Mainly concerned with evolution as it 'involves the question of man,' however, Pope John Paul's message is specifically critical of materialistic theories of human origins and insists on the relevance of philosophy and theology for an adequate understanding of the 'ontological leap' to the human which cannot be explained in purely scientific terms. The Church's interest in evolution thus focuses particularly on 'the conception of man' who, as created in the image of God, 'cannot be subordinated as a pure means or instrument either to the species or to society.' As a person created in the image of God, he is capable of forming relationships of communion with other persons and with the triune God, as well as of exercising sovereignty and stewardship in the created universe. The implication of these remarks is that theories of evolution and of the origin of the universe possess particular theological interest when they touch on the doctrines of the creation ex nihilo and the creation of man in the image of God." ["Communion and Stewardship: Human Persons Created in the Image of God", ❡ 64.] [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Mayo 30, 2023

Kapag may kapamilya kang naaakit sa ibang relihiyon

Bilang Katoliko, alam nating ang Simbahang Katolika ang nag-iisang tunay na relihiyon. Bagama't maaaring makasumpong ng mga elemento ng katotohanan, kabutihan, at kabanalan sa mga di-Katolikong simbahan at mga sekta, walang katuturan na talikuran ang Simbahan para umanib sa alinman sa kanila, mangyaring nasa Simbahang Katolika ang buong katotohanan at ang lahat ng kaparaanan ng kabutihan at kabanalan. Kaya naman, kung may mga Katoliko mang naaakit sa ibang relihiyon, dalawa lamang ang naiisip kong posibleng dahilan: (a) kamangmangan, o (b) pagmamataas. Kamangmangan, sapagkat hindi nagsisikap na tuklasin at unawain ang mga aral ng Simbahan, anupa't napakadaling malinlang at mapaniwala ng sinumang tusong mangangaral. Pagmamataas, sapagkat sa kanilang puso'y naghahanap lang talaga sila ng relihiyong ituturo lamang ang mga gusto nilang marinig.

Kung may kapamilya kang naaakit sa ibang relihiyon, mapapaisip ka tuloy: "Napakatanga ba ng kapamilya ko para agad-agad maniwala sa mga sinasabi ng mga di-Katoliko? Sarili lang ba ang iniintindi nila at wala talaga silang pakealam sa Diyos, at ang tingin nila sa relihiyon ay isa lamang asosasyong maaari nilang palit-palitan at pakinabangan?" Alinman sa mga ito ay nakababagabag isipin. Magkahalong galit at lungkot ang marararamdaman mo, at hindi mo malaman kung kanino ka ba dapat magalit at malungkot. Sa sarili mo ba, dahil hindi mo naturuan o nagabayan o naipagdasal nang maayos ang kapamilya mo? Sa kapamilya mo ba, dahil hindi sila makaintindi o masama ang kanilang ugali? Sa mga di-Katoliko bang lumalapit sa kanila, dahil sa pananamantala ng mga ito sa kahinaan ng iyong kapamilya?

Nababagabag ka dahil nagmamahal ka. Tanggap mo ang katangahan ng kapamilya mo, pero hinding hindi ka papayag na may mapanamantalang lolokohin silang maniwala sa mali. Napagpapasensyahan mo ang masamang ugali ng kapamilya mo, pero hinding hindi mo sila pababayaang mapahamak nang dahil sa mga maling desisyon nila sa buhay. Nakababagabag, dahil napagtatanto mong nagkulang ka pala. Hindi pala sapat na tinanggap mo lang ang katangahan nila. Dapat pala'y nagsikap ka ring turuan sila nang kahit unti-unti lang. Hindi pala sapat na pagpapasensyahan mo lang sila. Dapat pala'y agad mo silang sinasaway sa mga sinsay nilang pag-uugali upang makapamuhay sila nang matuwid.

Kaakibat ng pagmamahal ay ang tukso na akuhin ang napakaraming responsibilidad na hindi mo naman dapat inaako para sa mga taong minamahal mo. Kung tanga o masama ang ugali ng isang kapamilya, maaaring may ginampanan kang papel sa kung bakit sila nagkagayon, pero hindi tamang isisi mo lahat sa sarili mo. May sarili naman kasi silang pag-iisip at pagpapasya. Maliban na lamang kung sila'y mga menor de edad o nakatatandang baliw o may problema sa pag-iisip, anumang maling desisyon ang gawin nila sa buhay nila ay hindi mo na kontrolado at labas na sa iyong mga pananagutan. Sa halip na mabagabag sa unti-unti nilang pagkahumaling sa ibang relihiyon, bakit hindi mo na lang sabihin sa kanila, "Buhay mo yan kaya bahala ka kung anong gusto mong gawin at paniwalaan. Kung may tanong ka tungkol sa Simbahang Katolika, nandito lang ako. Alam mong tutol ako sa binabalak mo, at anumang oras na handa ka nang makinig sa akin, magsabi ka lang." Mahirap magpigil sa sarili at huwag makialam, subalit dapat din nating matutunang magpaubaya at makuntento sa pagtatakda ng mga ➊ malinaw na hangganan ("Bahala ka kung anong gusto mong gawin at paniwalaan... Alam mong tutol ako sa binabalak mo"), at ng mga ➋ malinaw na pagpipilian ("Nandito lang ako... Magsabi ka lang").

Sa naturang pagpapaubaya, hindi ko sinasabing lubusan mo na silang pababayaang mapariwara. Kung sa tingin mo ay kailangan mo silang iligtas sa isang mapanganib na sitwasyon, gawin mo, kaakibat ng paliwanag sa ➊ kung bakit mo sila iniligtas, ➋ ano sa palagay mo ang sanhi ng kanilang pagkapahamak, ➌ at pagbibigay sa kanila ng kalayaang magpasya kung tatanggapin ba nila ang tulong mo o mas gugustuhin pa rin nilang manatili sa sitwasyong ikinapapahamak nila. At kung sa kasawiang-palad ay paninindigan pa rin nila ang mali, wala ka nang magagawa kundi ang pabayaan sila. Nagampanan mo na ang responsibilidad mo. Bahala na ang Panginoon sa kanilang katigasan ng ulo.

"Wag nyong isipin na nandito ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Nandito ako para magdala ng gulo, hindi kapayapaan. Nandito ako para paglabanin ang anak na lalaki at ang tatay nya, ang anak na babae at ang nanay nya, at ang daughter-in-law laban sa mother-in-law nya. At magiging kaaway ng isang tao ang mismong member ng pamilya nya.
"Kung mas mahal mo ang tatay o nanay mo kesa sa akin, hindi ka deserving na maging disciple ko. Kung mas mahal mo ang anak mo kesa sa akin, hindi ka deserving na maging disciple ko."

MATTHEW 10: 34-37 PVCE


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Pebrero 13, 2023

Pagsisiyasat sa mga Nakasanayang Apolohetika

UPDATED: 4:05 PM 5/22/2023

Sa apolohetika, mahalaga ang pagiging totoo at makatuwiran sa abot ng ating makakaya.1 Dahil kung ipinagtatanggol natin ang ating Pananampalataya batay sa mga kasinungalingan, mga kaduda-dudang datos, at mga sinsay na pangangatuwiran, hindi ba't mas lalo lamang nating pinagmumukhang mali ang Simbahang Katolika?2 Hindi ba't mas lalo lamang nating ginagatungan ang mga pagtuligsa ng mga anti-Katoliko laban sa atin? Sa halip na maparangalan, nababastos pa natin ang Diyos. Sa halip na makatulong, mas nagiging sanhi pa tayo ng pagkapahamak ng ating kapwa.3 Kung talagang may takot tayo sa Diyos at kung talagang may malasakit tayo, dapat nating seryosohin ang pagsabak sa apolohetika. At kaakibat ng pagseseryosong ito ay ang matapat na pagsisiyasat sa mga argumento at pag-uugaling nakasanayan na natin.

Sa naturang pagsisiyasat, siyempre, bilang Katoliko'y hindi tayo bukas sa posibilidad na mali ang mga aral ng Simbahan, sapagka't ang Simbahan mismo, sa kanyang kabuuan, ay hindi kailanman mabubulid sa kamalian (infallibility). Bagkus, bukas tayo sa posibilidad na tayo, bilang mga indibiduwal na Katolikong layko, ay maaaring magkamali. At kung magkagayon, walang lugar para sa mga pagmamataas, pagmamalinis, at pagmamatuwid. Kung nagkamali tayo, itama ang sarili o matutong tumanggap sa pagtutuwid ng iba. Kung may kalabuan sa ating mga sinasabi, sikaping linawin at ayusin ang ating mga pagpapaliwanag. "Do not try to excuse your faults, try to correct them," ika nga ni St. John Bosco.


I. Nagkakaisang Cristianismo nang unang sanlibong taon?

Hindi naman talaga maikakaila na sa pasimula'y mayroon lamang iisang apostolikong Simbahang umiiral, at ito'y nakilala sa taguring Katoliko,4 subalit kalabisan naman na sabihing nanatiling gayon ang sitwasyon sa sumunod na sanlibong taon, at di-umano'y nagkaroon lamang ng mga pagkakawatak-watak nang humiwalay ang mga Simbahang Ortodoksa at ang mga sektang Protestante. Isang lantad na katotohanan sa kasaysayan na maraming Cristiano ang nabulid sa mga erehiya noon pa mang mga sinaunang kapanahunan ng Simbahan,5 at may mga hiwalay na simbahang nabuo, at nagpapatuloy pa ring umiiral hanggang sa kasalukuyan, gaya ng Assyrian Church of the East at ng Syrian Jacobite Church of Antioch.

Sa katunayan, nabanggit na rin mismo ni Apostol San Juan ang tungkol sa mga tinagurian niyang "anti-Cristo" sa kanyang kapanahunan (1 Juan 2: 18-19) — mga Cristianong kusang umalis sa kaisahan ng Simbahan dahil sa kanilang mga sinsay na paniniwala: "Sa atin sila nanggaling ngunit hindi sila atin, sapagkat kung sila ay atin, nanatili sana sila sa atin." Binalaan niya ang mga mananampalataya na "huwag patuluyin sa bahay at huwag batiin" ang mga naturang tao, dahil "ang sino mang bumati sa kanya ay nakikiisa sa masasamang gawain nito." (2 Juan 1: 10-11) Pinatutunayan nito ang pagkakaroon ng mga hiwalay na sekta noon pa mang kapanahunan ng mga Apostol, partikular yaong mga sektang nabulid sa erehiya ng docetism.


II. Ang ekklēsía kath' hólēs ng Gawa 9:31

Kapag sinaliksik natin ang kasaysayan ng pangalan ng Simbahan, agad nating matutuklasan na ang taguring "Simbahang Katolika" ay unang nasulat sa panitikang Cristiano, hindi sa alinmang kasulatan ng Bagong Tipan, kundi sa sulat ni St. Ignatius sa mga taga-Smyrna noong 107 A.D.6 Gayon man, mapapansin sa mismong konteksto na hindi ito maaaring maging unang pagkakataon na ipinakilala niya ang Simbahan nang gayon. Nabanggit lamang niya ito nang walang anumang kaakibat na paliwanag, na wari ba'y inaasahan na niyang matagal na itong alam ng mga taga-Smyrna. At kung ipagsasaalang-alang na si San Ignacio ay naging Obispo ng Antioquia sa loob nang mahigit 30 taon bago siya namatay sa Roma noong 108 A.D., makatuwirang maipagpapalagay na ang taguring "Simbahang Katolika" ay isang tradisyong maaaring nagmula mismo sa mga Apostol, o kung hindi man, ay isang tradisyong batid ni Apostol San Juan at sinang-ayunan niya (dahil buhay pa si San Juan noong mga panahong iyon; pumanaw siya noong 99 A.D.).

"See that ye all follow the bishop, even as Christ Jesus does the Father, and the presbytery as ye would the apostles. Do ye also reverence the deacons, as those that carry out the appointment of God. Let no man do anything connected with the Church without the bishop. Let that be deemed a proper Eucharist, which is administered either by the bishop, or by one to whom he has entrusted it. Wherever the bishop shall appear, there let the multitude also be; even as, wherever Jesus Christ is, there is the Catholic Church."

IGNATIUS OF ANTIOCH
Letter to the Smyrneans

Subalit may kakatwang ipinauuso ang maraming Katolikong apolohista, lalo na sa hanay nating mga Pilipino. Matatagpuan daw sa Biblia ang pangalan ng Simbahan, at ito'y nasusulat daw sa Gawa 9:31, kung saan tinawag daw ang Simbahan sa taguring "Ekklesia Katholes," na katumbas din daw ng taguring "Simbahang Katolika." Para sa akin, mali ito sapagkat:

  1. Wala namang salitang Griyegong "katholes." Bagkus, ang matatagpuan sa Gawa 9:31 ay isang parirala: ang salitang ⓐ kath' na ginamit bilang pang-ukol (preposition) sa salitang ⓑ hólēs, na ginamit naman bilang pang-uri (adjective). Kung isasalin sa Ingles, ang pariralang kath' hólēs ay "throughout all," na ang kahulugan ay hindi naman "pangkalahatan" o "pandaigdigan" (alalaong-baga'y "universal," na siyang kahulugan ng katholikos), kundi "sa kabuuan" lamang (ng kung ano mang partikular na bagay o grupong tinutukoy sa konteksto). Ang kath' hólēs ay hindi kasingkahulugan ng katholikos, at ito'y halata naman sa mismong taludtod: "Kaya ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay nagtatamasa ng kapayapaan at katatagan." Kung "pandaigdigan" ang ibig sabihin ng kath' hólēs, nagiging walang katuturan ang naturang taludtod, dahil tahasan na ngang sinabi kung saang mga partikular na lugar lamang ang pinag-uusapan.

  2. Batay sa konteksto, ang pinatutungkulan ng pang-uring hólēs ay ang mga salitang Ioudaías (Judea), Galilaías (Galilea), at Samarías (Samaria), hindi ang salitang ekklesia. Kaya nga't sa mismong pagkakasalin ng Douay-Rheims Bible, ang sinabi'y "Now, the church had peace throughout all Judea and Galilee and Samaria." Ang kabuuan ng mga naturang lugar ang tinutukoy, hindi ang kabuuan ng Simbahan. Hindi sinabing "throughout-all church," ni "church throughout all" — mga pariralang kahit ipagpilitan pa'y hindi maaaring maging katumbas ng "Simbahang Katolika" sapagkat hindi kumpleto ang diwang ipinahahayag. Bakit? Ang ibig sabihin ng "throughout all" ay "sa buo," subalit sa buong ano? Kung sa buong daigdig, oo, iyon ang "katoliko" o "pandaigdigan." Subalit tahasan na ngang sinabi kung sa buong ano ba: sa buong Judea, Galilea, at Samaria! Ang sadyang pagtatanggal sa konteksto ng mga salitang ekklēsía kath' hólēs, palibhasa'y nagkataong magkatabi ang mga ito sa iisang pangungusap, at kesyo katunog nito ang pariralang "Iglesia Katolika" sa Tagalog, kung gayon, ay mapanlinlang — isang cherry picking fallacy.

    Gayon pa man, mayroon naman talagang mga bahagi ng Bagong Tipan kung saan talagang ipinatungkol sa salitang ekklesia ang pang-uring holos: Gawa 5:11 (holen ten ekklesian), Gawa 15:22 (hole te ekklesia), at Roma 16:23 (holes tes ekklesias). "Buong simbahan" ang katumbas ng mga ito sa Filipino, subalit muli, hindi tamang magpadalus-dalos at igiit na ang pagiging "buo" at pagiging "pandaigdigan" ay pareho lang. Hindi tamang isangkalan na ang mga salitang holos, kath' hólēs, at katholikos ay magkakasing-kahulugan nang dahil lamang sa ang salitang katholikos ay nagbuhat sa mga salitang kata at holos, sapagkat iyon ay isang kaso ng etymological fallacy. Bagama't may kaugnayan ang isang salita sa mga salitang-ugat na pinagmulan nito, hindi ito nangangahulugan na sila'y magkasingkahulugan na. Dahil kung pareho lang naman pala ang kahulugan, bakit pa kinailangang kumatha ng bagong salita buhat sa mga naturang salitang-ugat, hindi ba?

Bilang Katoliko, wala tayong pangangailangan na hanapan ng letra-por-letrang batayan sa Biblia ang pangalan ng Simbahan, dahil hindi naman kailanman itinakda ng Diyos ang gayong sistema. Batid nating ang pinagbabatayan ng ating Pananampalataya ay ang laging magkasamang Banal na Kasulatan at Banal na Tradisyon, na walang pagkakamaling ipinaliliwanag ng Mahisteryo (CCC 95). Kung sa pagdaan ng panahon ay napagpasyahan ng Simbahan na ipakilala ang kanyang sarili sa taguring "Simbahang Katolika", marapat itong tanggapin nang may masunuring pagsang-ayon, dahil ang anumang pormal na kapasyahan ng Simbahan ay maituturing na kasamang pinagpasyahan ng Espiritu Santo (Gawa 15: 28).

Isa pa, hindi ang letra-por-letrang salita, kundi ang diwa ng salita ang mahalaga. Masusumpungan ba sa Biblia ang diwa ng pagiging pangkalahatan o pandaigdigan ng Simbahan? Oo, at ito'y tahasang nasusulat sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Marcos:

"Kaya magsihayo kayo at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng bansa, binyagan sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sumunod sa mga ipinag-utos ko. Tandaan ninyo na ako ay sumasainyo sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng daigdig." (Mateo 28: 19-20) . . . . "Magsihayo kayo sa buong daigdig at ipangaral ninyo ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. Ang sumampalataya at mabinyagan ay maliligtas; ang hindi sumampalataya ay parurusahan." (Marcos 16: 15-16).

III. Gaano ba talaga karami ang mga sektang Protestante?

Hindi maikakaila na nasa mismong sinsay na sistema ng Protestantismo ang dahilan ng pagkawatak-watak ng mga Cristiano sa napakaraming magkakaibang mga denominasyon.7 Subalit ang tanong: Gaano nga ba talaga karami ang mga nasabing denominasyon? 18,000?8 32,000?9 45,000? Dito sa atin sa Pilipinas, may mga nagsasabing may mahigit daw na 100 denominasyong Protestante (at matapos ng World War II ay sinasabing umabot pa ng mahigit 200),10 na tila tumutugma naman sa listahan ng Philippine Statistics Authority.

Madaling magsangkalan ng mga malalaking numero, subalit malinaw din ba sa atin kung ano bang pinagbabatayan ng mga naturang datos? Kung titingnan ang sistema ng pagbibilang na isinagawa ng Center for the Study of Global Christianity ng Gordon-Conwell Theological Seminary, ang bilang nilang 45,000 ay hindi lamang tumutukoy sa mga denominasyong Protestante, bagkus kasama rin dito ang 234 na mga "denominasyong Katoliko" — na alam nating mali, sapagkat ang Simbahang Katolika ay iisang Simbahan lamang. Kaya lumobo ang bilang ay dahil ang mga denominasyong umiiral sa isang bansa ay itinuturing nilang mga hiwalay na denominasyon, kahit pa nagkakaisa naman ang mga ito o nasa ilalim ng iisang pinaka-mataas na pamunuan. Ganyan ang naging sistema ng pagbibilang sa mga reperensyang nagpapakita ng mga lubhang malalaking numero, anupa't ang payo ni Scott Eric Alt ng National Catholic Register:

"Catholics need to stop citing this number, not only because it is outlandishly false but because it is not the point how many Protestant denominations there are. The point is the scandal of division and the love of private judgment that has caused so much of it. The scandal would be no less if there were two denominations, and no greater if there were two million. Any division in the body of Christ is a scandal. To argue over how many is a red herring. It is an argument about how many angels can dance on the head of a pin." (Scott Eric Alt, "We Need to Stop Saying That There Are 33,000 Protestant Denominations")

IV. Mga Maling Pagpapaliwanag sa Hiwaga ng Santisima Trinidad

Bilang mga Katoliko, sumasampalataya tayo sa iisang Diyos na may tatlong Persona: ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Magkakapantay sa pagka-Diyos, sa kaparaanang hindi pinaghahatian ang iisang pagka-Diyos, bagkus ang bawat isa'y taglay ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos (CCC 253). Hindi sila tatlong Diyos, kundi iisang Diyos lamang, sa bisa ng kanilang perpektong pagkakaisa (CCC 266, 267). Ito ang pinaka-dakilang hiwaga ng ating Pananampalataya.

Maihahalintulad ba ang Diyos sa isang pakete ng 3-in-1 coffee mix na binubuo ng tatlong sangkap: kape, asukal, at gatas? O sa prutas na mangga na binubuo ng tatlong bahagi: balat, laman, at buto? Maling-mali na ihambing ang Diyos sa mga bagay na ito, dahil parang sinasabi na rin natin na ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay mga "sangkap" o "bahagi" ng iisang Diyos, taliwas sa aral na ang bawat Persona ay nagtataglay ng buong kapuspusan ng pagka-Diyos.

Maihahalintulad ba ang Diyos sa mathematical expression na 1×1×1=1? Hindi, sapagkat sa multiplication expression na A×B=C, ang A ang multiplicand o ang numerong nais paramihin, habang ang B ay ang multiplier o ang bilang na nagtatakda kung ilang beses idadagdag ang A sa sarili nito. Ngayon, kung sasabihin nating AMA × ANAK × ESPIRITU SANTO, ito'y isang walang katuturang pangungusap. Sa halip na maipaliwanag, pinagulo at ginawa lamang nating walang katuturan ang doktrina ng Banal na Santatlo.

Isipin kasi natin kung bakit nga ba naging 1×1×1=1. Ang 1, kung "pararamihin" nang isang beses, ay 1 pa rin, dahil walang pagpaparaming naganap. Subalit kung "pararamihin" ito ng dalawang beses (alalaong baga'y 1×2), ang resulta (product) ay 2 dahil ang katumbas nito sa addition ay 1+1. Hindi naaakma na gumamit ng multiplication expression sa pagpapaliwanag ng aral ng Santisima Trinidad, dahil hindi naman "idinadagdag" ng Ama ang sarili niya sa sarili niya, para magkaroon ng Anak at ng Espiritu Santo. At wala tayong makatuwirang naipaliliwanag kung ihahalintulad ang Ama sa isang multiplicand at ang Anak at ang Espiritu Santo bilang mga multiplier ng Ama.


V. Posible ba ang Simbahang walang Biblia?

Hinggil dito'y malinaw at tahasan ang paninindigan ng Second Vatican Council:

"It is clear, therefore, that sacred tradition, Sacred Scripture and the teaching authority of the Church, in accord with God's most wise design, are so linked and joined together that one cannot stand without the others, and that all together and each in its own way under the action of the one Holy Spirit contribute effectively to the salvation of souls." (Dei Verbum, 10)

Sa kabila nito, bakit may mga kapwa Katoliko tayong nagsasabi na magagawa pa rin daw ng Simbahan na maipalaganap ang Ebanghelyo batay lang sa Tradisyon — na kahit walang Biblia, magagawa pa rin tayong gabayan ng Simbahan tungo sa daan ng kaligtasan? Kung walang Biblia, hindi makatatayo ang Tradisyon at ang Mahisteryo. Kailangan ang laging pagsasama-sama ng tatlong ito (ito rin mismo ang batayan ng pagtutol natin sa Sola Scriptura, sapagkat hindi rin maaaring makatayo ang Biblia kung walang Tradisyon at Mahisteryo).

Ngayon, kung ikakatuwiran nating "nakatayo" naman sina Enoc, Noe, Abraham, at iba pang mga patriarka bago pa man naisulat ang Torah sa kapanahunan ni Moises, at ang mga sinaunang Cristiano ay "nakatayo" naman noong unang siglo kahit hindi pa naisusulat ang mga kasulatan ng Bagong Tipan, may mga bagay-bagay tayong nakakaligtaan:

  • Ang mga nasabing kapanahunan ay tumutukoy sa mga panahong nagpapahayag pa ang Diyos sa pamamagitan ng mga patriarka, mga propeta, at mga apostol (Hebreo 1: 1-2). Sa sandaling matapos na ang pagpapahayag (CCC 65, 66, 67), kailangan mo na ngayong matibay na panghawakan ang mga tradisyon at mga kasulatang pinaglalagakan ng mga naturang pagpapahayag (2 Tesalonica 2: 15).
  • Kahit noong mga panahong di pa nasusulat ang Bagong Tipan, ang mga kasulatan ng Matandang Tipan ang nagsilbing "Biblia" ng mga Apostol at ng mga sinaunang Cristiano, kaya't walang anumang yugto sa kasaysayan ng Simbahang Katolika na siya'y nakatayo nang batay lang sa Tradisyon at Mahisteryo.

Siyempre, hindi ibig sabihin na kailangan sa kaligtasan ng bawat Cristiano ang pribadong pagbabasa ng Biblia o ang pakikinig sa mga pagbasa mula rito. Oo, noong mga panahong di pa naiimbento ang mga makinang panlimbag, at noong karamihan pa ng mga Cristiano ay hindi marunong bumasa at sumulat, nakadepende lamang ang mga tao sa mga pasalitang pangangaral ng Simbahan. Subalit ang mga naturang pasalitang pangangaral ay bunga ng taimtim na pag-aaral ng Mahisteryo sa mga kasulatan at tradisyong naipagkatiwala na sa kanya mula pa noong una, kaya't hindi maaaring ituring ang mga naturang pasalitang pangangaral bilang bunga ng Tradisyon lang at/o ng Mahisteryo lang.


Ilan lamang ito sa mga kamaliang malimit kong mapansin sa mga kapwa ko Katoliko, lalo na yaong mga mahihilig makipagtalo sa social media. Marami na rin akong natalakay na iba pang mga kamalian sa blog na ito, gaya ng mga maling pananaw tungkol sa petsa ng Pasko, ang maling pagsasangkalan sa Gawa 23:11 bilang "batayan" ng paglilipat ng pamunuan ng Simbahan mula sa Jerusalem patungong Roma, ang maling impormasyon hinggil sa di-umano'y sinaunang rebulto ni San Pedro, at ang di makatarungang panghuhusga sa sektang "Iglesia ni Cristo" batay lamang sa kanilang pagiging isang rehistradong corporation sole. Ito'y mga paksang sadyang napakahirap ipaunawa sa mga Katolikong hindi marunong tumanggap ng mga pagkakamali. Ito'y mga paksang tiyak na pagsasamantalahan ng mga anti-Katoliko sapagkat maaari nilang gamitin ang mga ito laban sa atin. Subalit bilang Katoliko, dapat mo pa bang problemahin ang mga bagay na ito? Bilang Katoliko, manatili tayo sa kung ano lang ang tama at mabuti, kahit gaano pa kalaking kunsumisyon ang idulot ng mga ito sa atin.

 


 

  1. "In situations that require witness to the faith, the Christian must profess it without equivocation" (CCC 2471). [BUMALIK]
  2. "In the minds of many Christians today the term apologetics carries unpleasant connotations. The apologist is regarded as an aggressive, opportunistic person who tries, by fair means or foul to argue people into joining the Church. Numerous charges are laid at the door of apologetics: its neglect of grace, of prayer, and of the life-giving power of the word of God; its tendency to oversimplify and syllogize the approach to faith; its dilution of the scandal of the Christian message; and its implied presupposition that God's word should be judged by the norm of fallible, not to say fallen, human reason."
    (Dulles, Avery. A History of Apologetics. Eugene, OR: Wipf and Stock Publishers, 1999. p. xv.) [BUMALIK]
  3. "Since it violates the virtue of truthfulness, a lie does real violence to another. It affects his ability to know, which is a condition of every judgment and decision. It contains the seed of discord and all consequent evils. Lying is destructive of society; it undermines trust among men and tears apart the fabric of social relationships." (CCC 2486). [BUMALIK]
  4. "The word catholic (Greek katholikos) means 'universal' and has been used to designate the church since its earliest period, when it was the only Christian church"
    ["Roman Catholic Church." Microsoft Encarta, 2009.]. [BUMALIK]
  5. "During its early centuries, the Christian church dealt with many heresies. They included, among others, docetism, Montanism, adoptionism, Sabellianism, Arianism, Pelagianism, and gnosticism."
    [Britannica, T. Editors of Encyclopaedia (2023, January 26). heresy. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/topic/heresy] [BUMALIK]
  6. "The first recorded use of the word is found in the writings of Ignatius of Antioch.... In the existing documents that have come down to us, Ignatius is the first to use the word catholic in reference to the Church."
    (Steve Ray, "What Does Catholic Mean?") [BUMALIK]
  7. "Protestants have always made much of the Bible, but acceptance of its authority has not led unanimity among them. Differing interpretations of the same Bible have produced the most divided movement of any in the great world religions, as hundreds of sects in at least a dozen great Protestant families of churches (Anglicanism, Congregationalism, Methodism, Presbyterianism, Lutheranism, the Baptist churches, and the like) compete in free societies... Protestantism, more than Roman Catholicism and Orthodoxy, has faced two recurrent problems. The first relates to the internal unity of the movement. From the Reformation until the present, Protestants have sought concord but more often than not have remained in dispute."
    ("Protestantism", Grolier International Encyclopedia, 1995.) [BUMALIK]
  8. "The 1980 World Book of Religions listed over eighteen thousand different Christian denominations."
    (Fox, Robert J. Protestant Fundamentalism and the Born Again Catholic. Alexandria, South Dakota: Fatima Family Apostolate, 1990. p. 73.) [BUMALIK]
  9. "Why are Bible Christians fragmented into over 32000 distinct denominations with respective mini-popes in cacophony of inconsonant doctrines, and further dividing?"
    (De Vera, Edgardo C. Catholic Soul: Concise Essays in Catholic Apologetics. Quezon City: Shepherd's Voice Publications, Inc, 2005. p. 2.) [BUMALIK]
  10. "From the start, Protestant churches in the Philippines were plagued by disunity and schisms. At one point after World War II, there were more than 200 denominations representing less than 3 percent of the populace. Successful mergers of some denominations into the United Church of Christ in the Philippines and the formation of the National Council of Churches in the Philippines (NCCP) brought a degree of order. In the 1990s, there remained a deep gulf and considerable antagonism, however, between middleclass-oriented NCCP churches and the scores of more evangelical denominations sprinkled throughout the islands."
    ["Religion in the Philippines: Witches, Holy Mountains, Missionaries and Homegrown Protestant Sects" Accessed: 9:22 AM 2/13/2023] [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF