Sa apolohetika, mahalaga ang pagiging totoo at makatuwiran sa abot ng ating makakaya.1 Dahil kung ipinagtatanggol natin ang ating Pananampalataya batay sa mga kasinungalingan, mga kaduda-dudang datos, at mga sinsay na pangangatuwiran, hindi ba't mas lalo lamang nating pinagmumukhang mali ang Simbahang Katolika?2 Hindi ba't mas lalo lamang nating ginagatungan ang mga pagtuligsa ng mga anti-Katoliko laban sa atin? Sa halip na maparangalan, nababastos pa natin ang Diyos. Sa halip na makatulong, mas nagiging sanhi pa tayo ng pagkapahamak ng ating kapwa.3 Kung talagang may takot tayo sa Diyos at kung talagang may malasakit tayo, dapat nating seryosohin ang pagsabak sa apolohetika. At kaakibat ng pagseseryosong ito ay ang matapat na pagsisiyasat sa mga argumento at pag-uugaling nakasanayan na natin.
Sa naturang pagsisiyasat, siyempre, bilang Katoliko'y hindi tayo bukas sa posibilidad na mali ang mga aral ng Simbahan, sapagka't ang Simbahan mismo, sa kanyang kabuuan, ay hindi kailanman mabubulid sa kamalian (infallibility). Bagkus, bukas tayo sa posibilidad na tayo, bilang mga indibiduwal na Katolikong layko, ay maaaring magkamali. At kung magkagayon, walang lugar para sa mga pagmamataas, pagmamalinis, at pagmamatuwid. Kung nagkamali tayo, itama ang sarili o matutong tumanggap sa pagtutuwid ng iba. Kung may kalabuan sa ating mga sinasabi, sikaping linawin at ayusin ang ating mga pagpapaliwanag. "Do not try to excuse your faults, try to correct them," ika nga ni St. John Bosco.
I. Nagkakaisang Cristianismo nang unang sanlibong taon?
Hindi naman talaga maikakaila na sa pasimula'y mayroon lamang iisang apostolikong Simbahang umiiral, at ito'y nakilala sa taguring Katoliko,4 subalit kalabisan naman na sabihing nanatiling gayon ang sitwasyon sa sumunod na sanlibong taon, at di-umano'y nagkaroon lamang ng mga pagkakawatak-watak nang humiwalay ang mga Simbahang Ortodoksa at ang mga sektang Protestante. Isang lantad na katotohanan sa kasaysayan na maraming Cristiano ang nabulid sa mga erehiya noon pa mang mga sinaunang kapanahunan ng Simbahan,5 at may mga hiwalay na simbahang nabuo, at nagpapatuloy pa ring umiiral hanggang sa kasalukuyan, gaya ng Assyrian Church of the East at ng Syrian Jacobite Church of Antioch.
Sa katunayan, nabanggit na rin mismo ni Apostol San Juan ang tungkol sa mga tinagurian niyang "anti-Cristo" sa kanyang kapanahunan (1 Juan 2: 18-19) mga Cristianong kusang umalis sa kaisahan ng Simbahan dahil sa kanilang mga sinsay na paniniwala: "Sa atin sila nanggaling ngunit hindi sila atin, sapagkat kung sila ay atin, nanatili sana sila sa atin." Binalaan niya ang mga mananampalataya na "huwag patuluyin sa bahay at huwag batiin" ang mga naturang tao, dahil "ang sino mang bumati sa kanya ay nakikiisa sa masasamang gawain nito." (2 Juan 1: 10-11) Pinatutunayan nito ang pagkakaroon ng mga hiwalay na sekta noon pa mang kapanahunan ng mga Apostol, partikular yaong mga sektang nabulid sa erehiya ng docetism.
II. Ang ekklēsía kath' hólēs ng Gawa 9:31
Kapag sinaliksik natin ang kasaysayan ng pangalan ng Simbahan, agad nating matutuklasan na ang taguring "Simbahang Katolika" ay unang nasulat sa panitikang Cristiano, hindi sa alinmang kasulatan ng Bagong Tipan, kundi sa sulat ni St. Ignatius sa mga taga-Smyrna noong 107 A.D.6 Gayon man, mapapansin sa mismong konteksto na hindi ito maaaring maging unang pagkakataon na ipinakilala niya ang Simbahan nang gayon. Nabanggit lamang niya ito nang walang anumang kaakibat na paliwanag, na wari ba'y inaasahan na niyang matagal na itong alam ng mga taga-Smyrna. At kung ipagsasaalang-alang na si San Ignacio ay naging Obispo ng Antioquia sa loob nang mahigit 30 taon bago siya namatay sa Roma noong 108 A.D., makatuwirang maipagpapalagay na ang taguring "Simbahang Katolika" ay isang tradisyong maaaring nagmula mismo sa mga Apostol, o kung hindi man, ay isang tradisyong batid ni Apostol San Juan at sinang-ayunan niya (dahil buhay pa si San Juan noong mga panahong iyon; pumanaw siya noong 99 A.D.).
"See that ye all follow the bishop, even as Christ Jesus does the Father, and the presbytery as ye would the apostles. Do ye also reverence the deacons, as those that carry out the appointment of God. Let no man do anything connected with the Church without the bishop. Let that be deemed a proper Eucharist, which is administered either by the bishop, or by one to whom he has entrusted it. Wherever the bishop shall appear, there let the multitude also be; even as, wherever Jesus Christ is, there is the Catholic Church."
IGNATIUS OF ANTIOCH |
Subalit may kakatwang ipinauuso ang maraming Katolikong apolohista, lalo na sa hanay nating mga Pilipino. Matatagpuan daw sa Biblia ang pangalan ng Simbahan, at ito'y nasusulat daw sa Gawa 9:31, kung saan tinawag daw ang Simbahan sa taguring "Ekklesia Katholes," na katumbas din daw ng taguring "Simbahang Katolika." Para sa akin, mali ito sapagkat:
- Wala namang salitang Griyegong "katholes." Bagkus, ang matatagpuan sa Gawa 9:31 ay isang parirala: ang salitang ⓐ kath' na ginamit bilang pang-ukol (preposition) sa salitang ⓑ hólēs, na ginamit naman bilang pang-uri (adjective). Kung isasalin sa Ingles, ang pariralang kath' hólēs ay "throughout all," na ang kahulugan ay hindi naman "pangkalahatan" o "pandaigdigan" (alalaong-baga'y "universal," na siyang kahulugan ng katholikos), kundi "sa kabuuan" lamang (ng kung ano mang partikular na bagay o grupong tinutukoy sa konteksto). Ang kath' hólēs ay hindi kasingkahulugan ng katholikos, at ito'y halata naman sa mismong taludtod: "Kaya ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay nagtatamasa ng kapayapaan at katatagan." Kung "pandaigdigan" ang ibig sabihin ng kath' hólēs, nagiging walang katuturan ang naturang taludtod, dahil tahasan na ngang sinabi kung saang mga partikular na lugar lamang ang pinag-uusapan.
- Batay sa konteksto, ang pinatutungkulan ng pang-uring hólēs ay ang mga salitang Ioudaías (Judea), Galilaías (Galilea), at Samarías (Samaria), hindi ang salitang ekklesia. Kaya nga't sa mismong pagkakasalin ng Douay-Rheims Bible, ang sinabi'y "Now, the church had peace throughout all Judea and Galilee and Samaria." Ang kabuuan ng mga naturang lugar ang tinutukoy, hindi ang kabuuan ng Simbahan. Hindi sinabing "throughout-all church," ni "church throughout all" mga pariralang kahit ipagpilitan pa'y hindi maaaring maging katumbas ng "Simbahang Katolika" sapagkat hindi kumpleto ang diwang ipinahahayag. Bakit? Ang ibig sabihin ng "throughout all" ay "sa buo," subalit sa buong ano? Kung sa buong daigdig, oo, iyon ang "katoliko" o "pandaigdigan." Subalit tahasan na ngang sinabi kung sa buong ano ba: sa buong Judea, Galilea, at Samaria! Ang sadyang pagtatanggal sa konteksto ng mga salitang ekklēsía kath' hólēs, palibhasa'y nagkataong magkatabi ang mga ito sa iisang pangungusap, at kesyo katunog nito ang pariralang "Iglesia Katolika" sa Tagalog, kung gayon, ay mapanlinlang isang cherry picking fallacy.
Gayon pa man, mayroon naman talagang mga bahagi ng Bagong Tipan kung saan talagang ipinatungkol sa salitang ekklesia ang pang-uring holos: Gawa 5:11 (holen ten ekklesian), Gawa 15:22 (hole te ekklesia), at Roma 16:23 (holes tes ekklesias). "Buong simbahan" ang katumbas ng mga ito sa Filipino, subalit muli, hindi tamang magpadalus-dalos at igiit na ang pagiging "buo" at pagiging "pandaigdigan" ay pareho lang. Hindi tamang isangkalan na ang mga salitang holos, kath' hólēs, at katholikos ay magkakasing-kahulugan nang dahil lamang sa ang salitang katholikos ay nagbuhat sa mga salitang kata at holos, sapagkat iyon ay isang kaso ng etymological fallacy. Bagama't may kaugnayan ang isang salita sa mga salitang-ugat na pinagmulan nito, hindi ito nangangahulugan na sila'y magkasingkahulugan na. Dahil kung pareho lang naman pala ang kahulugan, bakit pa kinailangang kumatha ng bagong salita buhat sa mga naturang salitang-ugat, hindi ba?
Bilang Katoliko, wala tayong pangangailangan na hanapan ng letra-por-letrang batayan sa Biblia ang pangalan ng Simbahan, dahil hindi naman kailanman itinakda ng Diyos ang gayong sistema. Batid nating ang pinagbabatayan ng ating Pananampalataya ay ang laging magkasamang Banal na Kasulatan at Banal na Tradisyon, na walang pagkakamaling ipinaliliwanag ng Mahisteryo (CCC 95). Kung sa pagdaan ng panahon ay napagpasyahan ng Simbahan na ipakilala ang kanyang sarili sa taguring "Simbahang Katolika", marapat itong tanggapin nang may masunuring pagsang-ayon, dahil ang anumang pormal na kapasyahan ng Simbahan ay maituturing na kasamang pinagpasyahan ng Espiritu Santo (Gawa 15: 28).
Isa pa, hindi ang letra-por-letrang salita, kundi ang diwa ng salita ang mahalaga. Masusumpungan ba sa Biblia ang diwa ng pagiging pangkalahatan o pandaigdigan ng Simbahan? Oo, at ito'y tahasang nasusulat sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Marcos:
"Kaya magsihayo kayo at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng bansa, binyagan sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sumunod sa mga ipinag-utos ko. Tandaan ninyo na ako ay sumasainyo sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng daigdig." (Mateo 28: 19-20) . . . . "Magsihayo kayo sa buong daigdig at ipangaral ninyo ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. Ang sumampalataya at mabinyagan ay maliligtas; ang hindi sumampalataya ay parurusahan." (Marcos 16: 15-16).
III. Gaano ba talaga karami ang mga sektang Protestante?
Hindi maikakaila na nasa mismong sinsay na sistema ng Protestantismo ang dahilan ng pagkawatak-watak ng mga Cristiano sa napakaraming magkakaibang mga denominasyon.7 Subalit ang tanong: Gaano nga ba talaga karami ang mga nasabing denominasyon? 18,000?8 32,000?9 45,000? Dito sa atin sa Pilipinas, may mga nagsasabing may mahigit daw na 100 denominasyong Protestante (at matapos ng World War II ay sinasabing umabot pa ng mahigit 200),10 na tila tumutugma naman sa listahan ng Philippine Statistics Authority.
Madaling magsangkalan ng mga malalaking numero, subalit malinaw din ba sa atin kung ano bang pinagbabatayan ng mga naturang datos? Kung titingnan ang sistema ng pagbibilang na isinagawa ng Center for the Study of Global Christianity ng Gordon-Conwell Theological Seminary, ang bilang nilang 45,000 ay hindi lamang tumutukoy sa mga denominasyong Protestante, bagkus kasama rin dito ang 234 na mga "denominasyong Katoliko" na alam nating mali, sapagkat ang Simbahang Katolika ay iisang Simbahan lamang. Kaya lumobo ang bilang ay dahil ang mga denominasyong umiiral sa isang bansa ay itinuturing nilang mga hiwalay na denominasyon, kahit pa nagkakaisa naman ang mga ito o nasa ilalim ng iisang pinaka-mataas na pamunuan. Ganyan ang naging sistema ng pagbibilang sa mga reperensyang nagpapakita ng mga lubhang malalaking numero, anupa't ang payo ni Scott Eric Alt ng National Catholic Register:
"Catholics need to stop citing this number, not only because it is outlandishly false but because it is not the point how many Protestant denominations there are. The point is the scandal of division and the love of private judgment that has caused so much of it. The scandal would be no less if there were two denominations, and no greater if there were two million. Any division in the body of Christ is a scandal. To argue over how many is a red herring. It is an argument about how many angels can dance on the head of a pin." (Scott Eric Alt, "We Need to Stop Saying That There Are 33,000 Protestant Denominations")
IV. Mga Maling Pagpapaliwanag sa Hiwaga ng Santisima Trinidad
Bilang mga Katoliko, sumasampalataya tayo sa iisang Diyos na may tatlong Persona: ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Magkakapantay sa pagka-Diyos, sa kaparaanang hindi pinaghahatian ang iisang pagka-Diyos, bagkus ang bawat isa'y taglay ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos (CCC 253). Hindi sila tatlong Diyos, kundi iisang Diyos lamang, sa bisa ng kanilang perpektong pagkakaisa (CCC 266, 267). Ito ang pinaka-dakilang hiwaga ng ating Pananampalataya.
Maihahalintulad ba ang Diyos sa isang pakete ng 3-in-1 coffee mix na binubuo ng tatlong sangkap: kape, asukal, at gatas? O sa prutas na mangga na binubuo ng tatlong bahagi: balat, laman, at buto? Maling-mali na ihambing ang Diyos sa mga bagay na ito, dahil parang sinasabi na rin natin na ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay mga "sangkap" o "bahagi" ng iisang Diyos, taliwas sa aral na ang bawat Persona ay nagtataglay ng buong kapuspusan ng pagka-Diyos.
Maihahalintulad ba ang Diyos sa mathematical expression na 1×1×1=1
? Hindi, sapagkat sa multiplication expression na A×B=C
, ang A
ang multiplicand o ang numerong nais paramihin, habang ang B
ay ang multiplier o ang bilang na nagtatakda kung ilang beses idadagdag ang A
sa sarili nito. Ngayon, kung sasabihin nating AMA × ANAK × ESPIRITU SANTO
, ito'y isang walang katuturang pangungusap. Sa halip na maipaliwanag, pinagulo at ginawa lamang nating walang katuturan ang doktrina ng Banal na Santatlo.
Isipin kasi natin kung bakit nga ba naging 1×1×1=1
. Ang 1
, kung "pararamihin" nang isang beses, ay 1
pa rin, dahil walang pagpaparaming naganap. Subalit kung "pararamihin" ito ng dalawang beses (alalaong baga'y 1×2
), ang resulta (product) ay 2
dahil ang katumbas nito sa addition ay 1+1
. Hindi naaakma na gumamit ng multiplication expression sa pagpapaliwanag ng aral ng Santisima Trinidad, dahil hindi naman "idinadagdag" ng Ama ang sarili niya sa sarili niya, para magkaroon ng Anak at ng Espiritu Santo. At wala tayong makatuwirang naipaliliwanag kung ihahalintulad ang Ama sa isang multiplicand at ang Anak at ang Espiritu Santo bilang mga multiplier ng Ama.
V. Posible ba ang Simbahang walang Biblia?
Hinggil dito'y malinaw at tahasan ang paninindigan ng Second Vatican Council:
"It is clear, therefore, that sacred tradition, Sacred Scripture and the teaching authority of the Church, in accord with God's most wise design, are so linked and joined together that one cannot stand without the others, and that all together and each in its own way under the action of the one Holy Spirit contribute effectively to the salvation of souls." (Dei Verbum, 10)
Sa kabila nito, bakit may mga kapwa Katoliko tayong nagsasabi na magagawa pa rin daw ng Simbahan na maipalaganap ang Ebanghelyo batay lang sa Tradisyon na kahit walang Biblia, magagawa pa rin tayong gabayan ng Simbahan tungo sa daan ng kaligtasan? Kung walang Biblia, hindi makatatayo ang Tradisyon at ang Mahisteryo. Kailangan ang laging pagsasama-sama ng tatlong ito (ito rin mismo ang batayan ng pagtutol natin sa Sola Scriptura, sapagkat hindi rin maaaring makatayo ang Biblia kung walang Tradisyon at Mahisteryo).
Ngayon, kung ikakatuwiran nating "nakatayo" naman sina Enoc, Noe, Abraham, at iba pang mga patriarka bago pa man naisulat ang Torah sa kapanahunan ni Moises, at ang mga sinaunang Cristiano ay "nakatayo" naman noong unang siglo kahit hindi pa naisusulat ang mga kasulatan ng Bagong Tipan, may mga bagay-bagay tayong nakakaligtaan:
- Ang mga nasabing kapanahunan ay tumutukoy sa mga panahong nagpapahayag pa ang Diyos sa pamamagitan ng mga patriarka, mga propeta, at mga apostol (Hebreo 1: 1-2). Sa sandaling matapos na ang pagpapahayag (CCC 65, 66, 67), kailangan mo na ngayong matibay na panghawakan ang mga tradisyon at mga kasulatang pinaglalagakan ng mga naturang pagpapahayag (2 Tesalonica 2: 15).
- Kahit noong mga panahong di pa nasusulat ang Bagong Tipan, ang mga kasulatan ng Matandang Tipan ang nagsilbing "Biblia" ng mga Apostol at ng mga sinaunang Cristiano, kaya't walang anumang yugto sa kasaysayan ng Simbahang Katolika na siya'y nakatayo nang batay lang sa Tradisyon at Mahisteryo.
Siyempre, hindi ibig sabihin na kailangan sa kaligtasan ng bawat Cristiano ang pribadong pagbabasa ng Biblia o ang pakikinig sa mga pagbasa mula rito. Oo, noong mga panahong di pa naiimbento ang mga makinang panlimbag, at noong karamihan pa ng mga Cristiano ay hindi marunong bumasa at sumulat, nakadepende lamang ang mga tao sa mga pasalitang pangangaral ng Simbahan. Subalit ang mga naturang pasalitang pangangaral ay bunga ng taimtim na pag-aaral ng Mahisteryo sa mga kasulatan at tradisyong naipagkatiwala na sa kanya mula pa noong una, kaya't hindi maaaring ituring ang mga naturang pasalitang pangangaral bilang bunga ng Tradisyon lang at/o ng Mahisteryo lang.
Ilan lamang ito sa mga kamaliang malimit kong mapansin sa mga kapwa ko Katoliko, lalo na yaong mga mahihilig makipagtalo sa social media. Marami na rin akong natalakay na iba pang mga kamalian sa blog na ito, gaya ng mga maling pananaw tungkol sa petsa ng Pasko, ang maling pagsasangkalan sa Gawa 23:11 bilang "batayan" ng paglilipat ng pamunuan ng Simbahan mula sa Jerusalem patungong Roma, ang maling impormasyon hinggil sa di-umano'y sinaunang rebulto ni San Pedro, at ang di makatarungang panghuhusga sa sektang "Iglesia ni Cristo" batay lamang sa kanilang pagiging isang rehistradong corporation sole. Ito'y mga paksang sadyang napakahirap ipaunawa sa mga Katolikong hindi marunong tumanggap ng mga pagkakamali. Ito'y mga paksang tiyak na pagsasamantalahan ng mga anti-Katoliko sapagkat maaari nilang gamitin ang mga ito laban sa atin. Subalit bilang Katoliko, dapat mo pa bang problemahin ang mga bagay na ito? Bilang Katoliko, manatili tayo sa kung ano lang ang tama at mabuti, kahit gaano pa kalaking kunsumisyon ang idulot ng mga ito sa atin.
- "In situations that require witness to the faith, the Christian must profess it without equivocation" (CCC 2471). [BUMALIK]
- "In the minds of many Christians today the term apologetics carries unpleasant connotations. The apologist is regarded as an aggressive, opportunistic person who tries, by fair means or foul to argue people into joining the Church. Numerous charges are laid at the door of apologetics: its neglect of grace, of prayer, and of the life-giving power of the word of God; its tendency to oversimplify and syllogize the approach to faith; its dilution of the scandal of the Christian message; and its implied presupposition that God's word should be judged by the norm of fallible, not to say fallen, human reason."
(Dulles, Avery. A History of Apologetics. Eugene, OR: Wipf and Stock Publishers, 1999. p. xv.) [BUMALIK] - "Since it violates the virtue of truthfulness, a lie does real violence to another. It affects his ability to know, which is a condition of every judgment and decision. It contains the seed of discord and all consequent evils. Lying is destructive of society; it undermines trust among men and tears apart the fabric of social relationships." (CCC 2486). [BUMALIK]
- "The word catholic (Greek katholikos) means 'universal' and has been used to designate the church since its earliest period, when it was the only Christian church"
["Roman Catholic Church." Microsoft Encarta, 2009.]. [BUMALIK] - "During its early centuries, the Christian church dealt with many heresies. They included, among others, docetism, Montanism, adoptionism, Sabellianism, Arianism, Pelagianism, and gnosticism."
[Britannica, T. Editors of Encyclopaedia (2023, January 26). heresy. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/topic/heresy] [BUMALIK] - "The first recorded use of the word is found in the writings of Ignatius of Antioch.... In the existing documents that have come down to us, Ignatius is the first to use the word catholic in reference to the Church."
(Steve Ray, "What Does Catholic Mean?") [BUMALIK] - "Protestants have always made much of the Bible, but acceptance of its authority has not led unanimity among them. Differing interpretations of the same Bible have produced the most divided movement of any in the great world religions, as hundreds of sects in at least a dozen great Protestant families of churches (Anglicanism, Congregationalism, Methodism, Presbyterianism, Lutheranism, the Baptist churches, and the like) compete in free societies... Protestantism, more than Roman Catholicism and Orthodoxy, has faced two recurrent problems. The first relates to the internal unity of the movement. From the Reformation until the present, Protestants have sought concord but more often than not have remained in dispute."
("Protestantism", Grolier International Encyclopedia, 1995.) [BUMALIK] - "The 1980 World Book of Religions listed over eighteen thousand different Christian denominations."
(Fox, Robert J. Protestant Fundamentalism and the Born Again Catholic. Alexandria, South Dakota: Fatima Family Apostolate, 1990. p. 73.) [BUMALIK] - "Why are Bible Christians fragmented into over 32000 distinct denominations with respective mini-popes in cacophony of inconsonant doctrines, and further dividing?"
(De Vera, Edgardo C. Catholic Soul: Concise Essays in Catholic Apologetics. Quezon City: Shepherd's Voice Publications, Inc, 2005. p. 2.) [BUMALIK] - "From the start, Protestant churches in the Philippines were plagued by disunity and schisms. At one point after World War II, there were more than 200 denominations representing less than 3 percent of the populace. Successful mergers of some denominations into the United Church of Christ in the Philippines and the formation of the National Council of Churches in the Philippines (NCCP) brought a degree of order. In the 1990s, there remained a deep gulf and considerable antagonism, however, between middleclass-oriented NCCP churches and the scores of more evangelical denominations sprinkled throughout the islands."
["Religion in the Philippines: Witches, Holy Mountains, Missionaries and Homegrown Protestant Sects" Accessed: 9:22 AM 2/13/2023] [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF