EDITED: 10:27 PM 10/25/2023
Patrick Roque, Iglesia ni Cristo Central Temple (Commonwealth Avenue, Quezon City)(2018-02-07), edited using Ulead PhotoImpact 7.0 by McJeff F., CC BY-SA 4.0
Sa unang lathala ng magasin na "Know The Truth" ni Fr. Paul Kaiparambadan, sa pahina 18, ay may ganitong sinasabi hinggil sa sektang "Iglesia ni Cristo" ni Felix Manalo:
"When Jesus instituted His Church, it was registered in the hearts of those who repent and baptize in the Holy name of Trinity. It is a spiritual Kingdome, guided and regulated, not by rules of any state, but by the Holy Spirit. It can never be called or officially registered as a commercial corporation, with a trade mark, instituted for financial security, and one person as the owner of all financial and temporal assets! Jesus said: 'You can not serve God and mammon at a time.
'Iglecia Ni Cristo' of Mr. Manalo is officially registered as a Corporation on July 27, 1914. The Executive minister of this Corporation Mr. Erano Manalo certifies: 'That he is the executive minister of the Church of Christ, a religious corporation sole, originally registered in the Bureau of Commerce, Division of Archives, patents, Copyright and Trade Marks...' The Corporation is guided, not by the Holy Spirit; but by The Department of Commerce and Industry, in Manila.
Jesus says: 'You have made the house of my father, a market place'."
Marami akong mga katanungan at agam-agam hinggil sa mga pahayag na ito ni Fr. Paul:
- Anong ibig niyang sabihin na ang Simbahan ay "rehistrado" sa puso ng mga Cristiano? Maaari mo ba itong gamiting isang legal na pangangatuwiran sa harap ng anumang pamahalaan?
- Bilang isang "kahariang espirituwal," ang Simbahan ay di maaaring mapailalim sa anumang batas ng estado hindi ba't mapanganib ang gayong pag-iisip? Hindi ba't ito'y maaari ding ikatwiran ng kahit na anong relihiyon, at nagbibigay sa kanila ng kalayaang gawin ang anumang maibigan nila, mabuti man o masama?
- Lahat ba ng korporasyon ay maituturing na pang-komersyo? Wala bang pagkakaiba ang "commercial corporation" sa "religious corporation"?
- Maituturing bang imoral o kasalanan ang mismong pagpaparehistro bilang korporasyon (corporation sole), pagkakaroon ng opisyal na tatak, pagtitiyak sa seguridad ng pananalapi, at pagtatalaga ng iisang taong may-hawak ng mga pananalapi at ari-arian ng isang relihiyon?
- Masama ba ang mismong Bureau of Commerce? Kalaban ba ito ng Cristianismo? Masama bang magkaroon ng anumang ugnayan ang Simbahan at ang anumang kawanihan ng gobyerno?
Sa paglalahad ko ng mga katanungang ito, hindi ko nilalayong tuligsain si Fr. Paul at ang iba pang mga apolohistang may katulad na pangangatuwiran. Mas lalo rin namang hindi ko layong ipagtanggol ang sekta ni Felix Manalo, na alinsunod sa Katolikong pananaw ay (1) hindi maituturing na isang totoong simbahan, at (2) ang mga kaanib ay hindi maituturing na mga Cristiano.1 Bagkus, ang layon ko'y ang magkaroon ng makatotohanan at patas na pananaw hinggil sa pagpaparehistro ng anumang relihiyon bilang isang korporasyon. Bilang isang Katolikong layko, wala naman akong moral na obligasyon na sumang-ayon kay Fr. Paul at sa sinumang apolohistang Katoliko hinggil sa paksang ito. Maaari akong kumatha ng sarili kong opinyon nang ayon sa patnubay ng Pananampalataya at ng sarili kong pagsasaliksik.
Alinsunod sa Revised Corporation Code of the Philippines (RCC), ang isang religious corporation ay maaaring mabalangkas bilang isang (a) corporation sole kung ito'y pinangangasiwaan ng iisang pinuno (Section 108), o isang (b) religious society kung ito'y pinangangasiwaan ng isang kapulungan (Section 114). Taliwas sa mga paratang ni Fr. Paul, ang parehong balangkas na ito ay hindi nangangahulugan na ang mga pananalapi at ari-arian ng isang relihiyon ay pag-aari na ng namumunong indibiduwal o kapulungan. Bagkus, sila'y kinikilalang mga "katiwala" lamang ng mga ito: "For the purpose of administering and managing, as trustee, the affairs, property and temporalities of any religious denomination, sect or church" (Section 108). Kung iisipin, ang pagpaparehistro ng isang relihiyon bilang isang religious corporation ang siya pa ngang nagtitiyak na ang mga pananalapi at ari-arian ng naturang relihiyon ay hindi personal na pag-aari ng sinumang tao o kapulungan para gamitin sa kanilang mga personal na kapakinabangan, kundi pag-aari ng mismong rehistradong relihiyon at maaari lamang gamitin para sa mga layunin nito: "A corporation sole may purchase and hold real estate and personal property for its church, charitable, benevolent, or educational purposes, and may receive bequests or gifts for such purposes" (Section 111).
Sa pamamagitan ng pagpaparehistro bilang isang korporasyon, ang isang relihiyon ay nagiging isang legal entity alalaong-baga'y isang pormal na pangkat-relihiyosong nagtatamasa ng mga karapatan at tungkulin sa lipunang kinabibilangan nito. Alalahanin nating sa ilalim ng Konstitusyon, ang bawat relihiyon ay napagkakalooban ng mga natatanging karapatan at tungkulin alinsunod sa itinatakdang pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado. Ang tanong: kung may isa, dalawa, o higit pang katao ang kakatha ng mga doktrinang espirituwal at mga seremonya, bubuo ng isang pangkat, at magpapakilala sa lipunan bilang isang relihiyon, ito ba'y agad-agad na magkakaloob sa kanila ng mga karapatan at tungkulin ng isang relihiyon sa ating bansa? Maaari na ba silang magtayo ng mga gusaling sambahan at huwag magbayad ng amilyar? Maaari na ba silang tumanggap ng mga donasyon? Maaari na ba silang magtayo ng mga paaralan at ituro doon ang kanilang mga paniniwala? Kung hindi iparerehistro ang naturang relihiyon, hindi ba hinihingi ng katarungan na ang igawad sa kanila ay ang mga karapatan at tungkuling naaangkop lamang sa mga indibiduwal, asosasyon, o korporasyong pang-komersyo? Bakit sila tatratuhing relihiyon kung di naman rehistrado?
Nang may mga Obispong nasangkot sa tinaguriang "Pajero Scandal" mga halos isang dekada na ang nakararaan, ipinaliwanag ni Archbishop Oscar Cruz na ang mga naturang sasakyan, bagama't nakapangalan sa mga indibiduwal na Obispo, ay hindi nila personal na pag-aari, bagkus ay nakapangalan lamang sa kanila dahil ang bawat diyosesis ay isang corporation sole. Walang katuturan ang naturang paliwanag kung hindi natin tatanggapin ang halatang katotohanan: na ang mga diyosesis ng Simbahang Katolika sa Pilipinas, gaya ng sekta ni Felix Manalo, ay nagpaparehistro rin sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang mga korporasyong pang-relihiyon. Sa katunayan, mismong ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ay nagpaparehistro rin sa SEC. Malinaw ang lumilitaw na kabalintunaan dito: Kung ang sekta ni Felix Manalo ay ituturing mong isang negosyo batay lamang sa katuwirang sila'y rehistrado bilang korporasyon, hindi ba't dapat mo ring ituring na negosyo ang mga Katolikong diyosesis na rehistrado rin bilang mga korporasyon? Ang mga diyosesis bang rehistrado sa SEC ay hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo? Sila ba'y "naglilingkod sa kayamanan" at "ginagawang palengke ang bahay ng Ama"?
Hindi ako dalubhasa sa batas, at ang lahat ng mga ito'y pawang opinyon ko lamang bilang isang Katolikong layko na nagsisikap unawain ang panig ng mga anti-Katoliko, alang-alang sa diwa ng ekumenismo.2 Sa aking pananaw, wala akong nakikitang masama sa pagpaparehistro ng isang relihiyon bilang isang korporasyon. Ang pagiging korporasyon ay hindi agad nangangahulugan na ang isang relihiyon ay negosyo lamang, o na ito'y napaiilalim sa kapangyarihan ng tao sa halip na sa Diyos. Walang masamang layunin ang pamahalaan sa pagtatakda ng mga batas para sa isang korporasyong pang-relihiyon. Bilang isang Katolikong Cristiano, labag sa aking konsensya na tuligsain ang sekta ni Felix Manalo at paratangan ito ng kung anu-ano dahil lamang sa sila'y rehistrado bilang corporation sole.
- Ayon sa paglilinaw ng Congregation for the Doctrine of the Faith hinggil sa mga katuruan ng Second Vatican Council, ang isang pamayanan ng mga mananampalataya ay maituturing na simbahan kung ito'y nagtataglay ng apostolikong paghalili ng mga Obispo [LINK]. Malinaw na ang sekta ni Felix Manalo ay walang obispong may apostolikong paghalili, kaya't hindi sila isang "simbahan" bagkus ay "pamayanang eklesiyal" lamang. Ang kanilang mga kaanib ay hindi maituturing na Cristiano, sapagkat ang tunay na Cristiano ay yaong napawalang-sala sa bisa ng Sakramento ng Binyag (Vatican II, Unitatis Redintegratio, 3). Hindi tunay ang binyag sa sekta ni Felix Manalo, sapagkat hindi iginagawad sa ngalan ng Santatluhang Diyos. [BUMALIK]
- "We must get to know the outlook of our separated brethren. To achieve this purpose, study is of necessity required, and this must be pursued with a sense of realism and good will. Catholics, who already have a proper grounding, need to acquire a more adequate understanding of the respective doctrines of our separated brethren, their history, their spiritual and liturgical life, their religious psychology and general background." (Vatican II, Unitatis Redintegratio, 9) [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF