"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Martes, Mayo 30, 2023

Kapag may kapamilya kang naaakit sa ibang relihiyon

Bilang Katoliko, alam nating ang Simbahang Katolika ang nag-iisang tunay na relihiyon. Bagama't maaaring makasumpong ng mga elemento ng katotohanan, kabutihan, at kabanalan sa mga di-Katolikong simbahan at mga sekta, walang katuturan na talikuran ang Simbahan para umanib sa alinman sa kanila, mangyaring nasa Simbahang Katolika ang buong katotohanan at ang lahat ng kaparaanan ng kabutihan at kabanalan. Kaya naman, kung may mga Katoliko mang naaakit sa ibang relihiyon, dalawa lamang ang naiisip kong posibleng dahilan: (a) kamangmangan, o (b) pagmamataas. Kamangmangan, sapagkat hindi nagsisikap na tuklasin at unawain ang mga aral ng Simbahan, anupa't napakadaling malinlang at mapaniwala ng sinumang tusong mangangaral. Pagmamataas, sapagkat sa kanilang puso'y naghahanap lang talaga sila ng relihiyong ituturo lamang ang mga gusto nilang marinig.

Kung may kapamilya kang naaakit sa ibang relihiyon, mapapaisip ka tuloy: "Napakatanga ba ng kapamilya ko para agad-agad maniwala sa mga sinasabi ng mga di-Katoliko? Sarili lang ba ang iniintindi nila at wala talaga silang pakealam sa Diyos, at ang tingin nila sa relihiyon ay isa lamang asosasyong maaari nilang palit-palitan at pakinabangan?" Alinman sa mga ito ay nakababagabag isipin. Magkahalong galit at lungkot ang marararamdaman mo, at hindi mo malaman kung kanino ka ba dapat magalit at malungkot. Sa sarili mo ba, dahil hindi mo naturuan o nagabayan o naipagdasal nang maayos ang kapamilya mo? Sa kapamilya mo ba, dahil hindi sila makaintindi o masama ang kanilang ugali? Sa mga di-Katoliko bang lumalapit sa kanila, dahil sa pananamantala ng mga ito sa kahinaan ng iyong kapamilya?

Nababagabag ka dahil nagmamahal ka. Tanggap mo ang katangahan ng kapamilya mo, pero hinding hindi ka papayag na may mapanamantalang lolokohin silang maniwala sa mali. Napagpapasensyahan mo ang masamang ugali ng kapamilya mo, pero hinding hindi mo sila pababayaang mapahamak nang dahil sa mga maling desisyon nila sa buhay. Nakababagabag, dahil napagtatanto mong nagkulang ka pala. Hindi pala sapat na tinanggap mo lang ang katangahan nila. Dapat pala'y nagsikap ka ring turuan sila nang kahit unti-unti lang. Hindi pala sapat na pagpapasensyahan mo lang sila. Dapat pala'y agad mo silang sinasaway sa mga sinsay nilang pag-uugali upang makapamuhay sila nang matuwid.

Kaakibat ng pagmamahal ay ang tukso na akuhin ang napakaraming responsibilidad na hindi mo naman dapat inaako para sa mga taong minamahal mo. Kung tanga o masama ang ugali ng isang kapamilya, maaaring may ginampanan kang papel sa kung bakit sila nagkagayon, pero hindi tamang isisi mo lahat sa sarili mo. May sarili naman kasi silang pag-iisip at pagpapasya. Maliban na lamang kung sila'y mga menor de edad o nakatatandang baliw o may problema sa pag-iisip, anumang maling desisyon ang gawin nila sa buhay nila ay hindi mo na kontrolado at labas na sa iyong mga pananagutan. Sa halip na mabagabag sa unti-unti nilang pagkahumaling sa ibang relihiyon, bakit hindi mo na lang sabihin sa kanila, "Buhay mo yan kaya bahala ka kung anong gusto mong gawin at paniwalaan. Kung may tanong ka tungkol sa Simbahang Katolika, nandito lang ako. Alam mong tutol ako sa binabalak mo, at anumang oras na handa ka nang makinig sa akin, magsabi ka lang." Mahirap magpigil sa sarili at huwag makialam, subalit dapat din nating matutunang magpaubaya at makuntento sa pagtatakda ng mga ➊ malinaw na hangganan ("Bahala ka kung anong gusto mong gawin at paniwalaan... Alam mong tutol ako sa binabalak mo"), at ng mga ➋ malinaw na pagpipilian ("Nandito lang ako... Magsabi ka lang").

Sa naturang pagpapaubaya, hindi ko sinasabing lubusan mo na silang pababayaang mapariwara. Kung sa tingin mo ay kailangan mo silang iligtas sa isang mapanganib na sitwasyon, gawin mo, kaakibat ng paliwanag sa ➊ kung bakit mo sila iniligtas, ➋ ano sa palagay mo ang sanhi ng kanilang pagkapahamak, ➌ at pagbibigay sa kanila ng kalayaang magpasya kung tatanggapin ba nila ang tulong mo o mas gugustuhin pa rin nilang manatili sa sitwasyong ikinapapahamak nila. At kung sa kasawiang-palad ay paninindigan pa rin nila ang mali, wala ka nang magagawa kundi ang pabayaan sila. Nagampanan mo na ang responsibilidad mo. Bahala na ang Panginoon sa kanilang katigasan ng ulo.

"Wag nyong isipin na nandito ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Nandito ako para magdala ng gulo, hindi kapayapaan. Nandito ako para paglabanin ang anak na lalaki at ang tatay nya, ang anak na babae at ang nanay nya, at ang daughter-in-law laban sa mother-in-law nya. At magiging kaaway ng isang tao ang mismong member ng pamilya nya.
"Kung mas mahal mo ang tatay o nanay mo kesa sa akin, hindi ka deserving na maging disciple ko. Kung mas mahal mo ang anak mo kesa sa akin, hindi ka deserving na maging disciple ko."

MATTHEW 10: 34-37 PVCE


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF