"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Linggo, Disyembre 04, 2022

Mga Paglilinaw Hinggil sa Pasko

Ang salitang "Pasko"

Dahil sa impluwensya ng mga Kastila na tinawag itong Pascua de Navidad kaya natin nakagisnang tawaging "Pasko" ang Kapanganakan ng Panginoon. Sa Espanya, naging malawak ang gamit ng salitang pascua, na sa pasimula'y tumutukoy lamang sa Pista ng Paskuwa ng mga Judio (Pascua judía, Pascua de los hebreos, Pascua de los judíos). Dahil ang Paskuwa ay isang malaking kapistahan sa Judaismo, at dahil tayong mga Cristiano ay hindi na ito ipinagdiriwang, nakaugalian nang tawaging pascua ang mga mahahalagang kapistahan sa Simbahan. Kaya't sa Espanya, bukod sa Pascua de Navidad, ikinapit din ang salitang "pasko" sa Dakilang Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon (Pascua de Resurrección) at sa Dakilang Kapistahan ng Pagpanaog ng Espiritu Santo (Pascua de Pentecostés).

Maging ano pa man ang mga nakagisnang itawag sa dakilang kapistahang ito — "Pasko," "Christmas," "Noel," "Yuletide,", "Nativity" — malinaw sa lahat ang diwa ng kapistahan: ang paggunita sa kapanganakan ng Panginoong Jesu-Cristo.


 

Masama ba ang daglat na "Xmas?"

Sa algebra, ginagamit ang titik na "x" bilang sagisag ng kawalan o kawalang-katiyakan. Dahil ito sa impluwensya ng mismong kinikilalang "ama ng algebra" na si Al-Jabr, kung saan sa kanyang mga manuskrito, ang salitang Arabo na ginamit niya para sa mga mathematical variables, kung isasalin sa Lumang Espanyol, ay "xei," na kalauna'y pinaikli at naging "x." Ang tanong: Anong kinalaman nito sa daglat na "Xmas?" Ang sagot: WALA. Hindi daglat na pang-algebra ang Xmas, kaya't walang batayan na ipagpilitang ang kahulugan nito'y ang pagtatanggal kay Cristo sa diwa ng Pasko.

Ang Xmas ay isang makatuwirang daglat ng salitang Christmas (na sa pasimula'y Christes maesse o "misa ni Cristo"), sapagkat ang "X" ay sinaunang simbolo ni Cristo, mangyaring ang titik Griyegong chi (X) ang unang titik ng Salitang Griyegong Christos. Una itong ginamit noong 1721.


 

Ang petsang ika-25 ng Disyembre

Hinggil sa aktuwal na makasaysayang petsa ng kapanganakan ng Panginoong Jesu-Cristo, wala tayong nalalaman sapagkat hindi ito naitala sa mga kasulatan ng Bagong Tipan, at hindi rin ito kabilang sa mga sinaunang kapistahan ng Simbahan. Sa katunayan, bago naging pormal na petsa ng liturhikal na pagdiriwang ng Pasko ang ika-25 ng Disyembre, may mga Cristianong ginunita ito sa ibang mga petsa: ika-20 ng Mayo; ika-19, 20, o 21 ng Abril; ika-28 ng Marso; o ika-6, 7, o 10 ng Enero. Kahit hanggang sa ating kapanahunan, may mga Cristianong Orthodox na ipinagdiriwang ang Pasko tuwing ika-pito ng Enero.

Kung gayon, anong pinagbatayan ng petsang ika-25 ng Disyembre? Maraming haka-haka hinggil dito, at bilang Katoliko, hindi tama na ipagpilitan ang alinman sa mga ito na wari ba may hawak kang isang di mapasusubaliang impormasyon na nagtatakda ng "tunay na petsa" ng Pasko. Halimbawa, ang karaniwang ipinauusong paliwanag ng mga Katolikong apolohista ay matatagpuan sa unang lathala ng magasin na "Know the Truth" ni Fr. Paul Kaiparambadan (p. 23):

St. Luke who wrote the gospel in 'orderly sequence' (Lk. 1:1) most probably got the date of the Lord's birth from Mother Mary. Scripture says Zechariah received the message from an angel while he was incensing; which shows the feast of the Dedication of the Temple on September 18-24; according to the Roman calendar. After six months, Mary received annunciation from the angel (Lk. 1:26), that is the month of March (Traditionally, the church celebrates it on March 25th.) We have to add just 9 months from this date to know the date of Christ's birth; which justifies the century's old custom of Christmas on Dec. 25.

Sa artikulo ni Jimmy Akin, isang batikang apolohista ng Catholic Answers, na may pamagat na "Was Jesus Born December 25th?," tinukoy niya ang mga patung-patong na haka-hakang pinagbabatayan nito:

  • Wala namang katiyakan kung kailan ba nangyari ang paglilingkod sa Templo ni Zacarias. Na ito'y naganap sa buwan ng Setyembre ay isa lamang ding haka-haka.
  • Hindi malinaw sa Ebanghelyo kung si Sta. Isabel ba'y agad naglihi nang bumalik si Zacarias.
  • Hindi malinaw sa Ebanghelyo kung si Maria ba'y agad naglihi makalipas ang eksaktong anim na buwan ng paglilihi ni Sta. Isabel.
  • Wala namang katiyakan na si Maria ay agad naglihi nang dinalaw siya ng anghel.
  • Wala namang katiyakan na ang Panginoong Jesus ay ipinaglihi nang eksaktong siyam na buwan.

Ang pinakalumang "katibayan" ng petsang ika-25 ng Disyembre ay batay sa mga sariling haka-haka at kalkulasyon nina St. Hippolytus (202-211 AD) at mananalaysay na si Sextus Julius Africanus (221 AD). Noong mga panahong ito'y lumaganap ang paniniwalang ang Panginoong Jesus ay ipinaglihi at namatay sa parehong petsa, na nag-ugat sa tradisyon ng mga Judio, hinggil sa "perpektong buhay" ng isang propeta. Ayon sa kalkulasyon ni Tertullian (200 AD), namatay ang Panginoong Jesus noong ika-25 ng Marso, kaya't humantong ito sa paniniwalang ito rin ang araw ng paglilihi sa Panginoon, kaya nakarating sa kalkulasyon na ika-25 ng Disyembre ang kapanganakan niya. Maging ano pa man ang pananaw natin sa bagay na ito, alalahanin lamang natin na wala namang kailangang ipaghaka-haka at kalkulahin kung sa pasimula pa'y batid na ng Simbahan ang eksaktong petsa ng Pasko.

Kung ang mga Judio ang tatanungin, hindi masamang magdiwang ng kaarawan, at maaari pa ngang sabihing may batayan ito sa mga Banal na Kasulatan at sa mga sinaunang tradisyon ng Judaismo, taliwas sa maling akala ng ilang mga anti-Katolikong sekta, na nagsasabing ito daw ay kaugaliang pagano na di daw dapat ipinagdiriwang, gaya ng Pasko. Gayon man, ang punto ng Pasko ay hindi isang karaniwang pagdiriwang ng kaarawan, kundi isang liturhikal na pagdiriwang na ang layon ay ipagbunyi at gunitain ang mga misteryo ng ating kaligtasan. Kaya nga't sa kalendaryo ng Simbahan, mayroon lamang tatlong kaarawang inaalala: Kaarawan ng Panginoon (ika-25 ng Disyembre), Kaarawan ng Mahal na Birhen (ika-walo ng Setyembre), at Kaarawan ni San Juan Bautista (ika-24 ng Hunyo). Wala tayong pakealam sa eksaktong petsa ng mga kaarawang ito dahil wala namang kinalaman ang mga naturang petsa sa ating kaligtasan. Ang mahalaga ay ang kahulugan ng mga kaarawang ginugunita, at kung paano sila nauugnay sa Misteryong Pampaskuwa ni Cristo. Ika nga sa Kredo ng Nicaea, "For us men and for our salvation he came down from heaven, and by the Holy Spirit was incarnate of the Virgin Mary, and became man." Iyan ang pinakamahalagang diwa ng Pasko na marapat ipagdiwang.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Nobyembre 30, 2022

Mali daw ang "Mother of God" dahil sa John 1:18?

"How can the RCC explain this?" — Bilang mga Katolikong Cristiano, ipinaliliwanag namin ang aming relihiyon batay sa pamantayan ng mga Banal na Kasulatan, Banal na Tradisyon, at Mahisteryo (CCC 95). Sinisikap din namin na maging makatuwiran at mapagpakumbaba, taliwas sa pag-uugali ng mga bulaang mangangaral na "mapagmataas," "parang mga hayop na walang isip," at "kinakalaban ang mga bagay na hindi nila nauunawaan" (2 Pedro 2: 10, 12 MBB).

Ngayon, bilang tugon sa naturang anti-Katolisismo na nakita ko sa Facebook, narito ang mga masasabi ko:

  • Hinggil sa larawang ginamit sa post, hindi ito imahen na ang pangunahing diwa ay ang pagpapakilala kay Maria bilang Ina ng Diyos. Bagkus, ito'y imahen ng Pagpuputong ng Korona kay Maria, na matatagpuan sa Santuário de Fátima sa Portugal. Isa itong matalinghagang paglalarawan ng kanyang dakilang katatayuan bilang Inang Reyna ng Panginoong Jesu-Cristo, ang Hari ng mga Hari. Naipaliwanag ko na ito noon sa aking artikulo tungkol sa Santo Rosaryo:

    Sa mga sinaunang kaharian (lalo na sa paghahari ni Haring Solomon), ang nagiging Reyna ng Kaharian ay ang INA NG HARI, hindi ang asawa ng Hari (1 Hari 15: 10, 13; 2 Hari 21: 1, 19, 22: 1, 18: 2; Nehemiah 2: 6; Daniel 5: 10). Siya'y tinatawag na Gebira, salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay "dakilang ginang". Ang Inang Reyna ang may kapamahalaang pangalawa lamang sa Hari. Siya'y napuputungan din ng korona, tanda ng kanyang kapangyarihan (Jeremias 13: 18) at naluluklok din siya sa isang trono na nasa kanan ng trono ng Hari (1 Hari 2: 19).

    Ang Panginoong Jesu-Cristo ay "Hari ng mga hari" (Pahayag 1: 5, 17: 14). Sa kanya ipinagkaloob ang trono ni David (Lucas 1: 32). "Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan." (Lucas 1: 33). Kaya't kung ang ina ng Hari ang Reyna sa Kaharian ni David, at si Jesus ang nagmana sa Kaharian ni David, at si Maria ang ina ni Jesus (Mateo 1: 16), samakatwid, si Maria ang Inang Reyna sa Kaharian ni Jesus. Nang dinalaw ni Maria si Elisabet, sinabi nito sa kanya: "Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?" (Lucas 1: 43). Pinatutunayan nito ang kanyang dakilang katayuan sa harap ng mga Cristianong nakakikilala sa kanya.

    Ayon sa Hebreo 1: 8-9, ang Panginoong Jesu-Cristo ang katuparan ng Salmo 45: 6-7. Subalit sa pagpapatuloy ng naturang awit hanggang sa ika-siyam na taludtod, binabanggit din ang Inang Reyna na nakatayo sa kanan ng Hari: "Samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna, palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya." Kaya kung si Jesus ang Hari sa salmong ito, si Maria naman ang Reyna.

    Sa Pahayag 12: 1, ipinakita ng Diyos kay Apostol San Juan si Maria na puspos ng kadakilaan bilang Inang Reyna ng Kaharian ng Diyos: "Isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya'y may koronang binubuo ng labindalawang bituin." Sa Biblia, ang mga araw, buwan, at bituin ay simbolo ng regalya o makaharing katayuan. Halimbawa, bago naging Tagapamahala ng Egipto ang patriarkang si Jose, nakita niya sa panaginip ang araw, buwan, at bituin na yumukod sa harap niya (Genesis 37: 9). Ang korona ng labindalawang bituin ni Maria ay sumasagisag sa Kaharian kung saan siya naging Reyna: Ang labindalawang lipi ng Israel o ang Kaharian ni David, at ang labindalawang Apostol ni Jesu-Cristo o ang mga haligi/saligan ng Kaharian ng Diyos. Kung si Maria ang Inang Reyna ng Kaharian ni David at ng Kaharian ng Diyos, samakatwid ang kanyang Anak na si Jesus ang siyang "itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal" (Pahayag 12: 5). Sa halip na sapawan o lituhin ang kadakilaan ng Panginoong Jesus, binibigyang-diin pa nga ng pagka-Reyna ni Maria ang katotohanang kay Jesus ipinagkaloob ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa (Mateo 28: 18).

    Sinasabi natin na ito'y "matalinghagang paglalarawan" sapagkat ang mga banal na imahen sa Simbahan ay laging may kaakibat na malalim na kahulugan na sinasagisag ng mga detalye at estilo ng mga ito. Sila'y mga kasangkapan ng pagninilay (CCC 2502-2503), hindi mga litratong nagpapakita ng aktuwal o literal na hitsura o pangyayari. Kaya't sa naturang imahen, hindi sinasabi ng Simbahan na gayon ang literal at eksaktong hitsura ng Ama, ng Panginoong Jesus, ng Espiritu Santo, at ng Mahal na Birhen. Hindi sinasabi ng Simbahan na gayon ang literal at eksaktong mga nangyari nang si Maria ay naging Inang Reyna ng Panginoong Jesus.

  • "Paano naging mother of God si Mary" — Natalakay ko na ito noon sa aking artikulong "Maria: Ina ng Diyos, Ina ng Simbahan." Malinaw ang pagpapaliwanag ng Simbahan hinggil sa doktrinang ito:
    "Ibinibigay ni Maria kay Jesus ang anumang ibinibigay ng ina sa sarili niyang sanggol. Sa pamamagitan niya, si Jesus ay taong totoo. Ang Anak ni Maria at ang Anak ng Diyos ay iisa at parehong persona, Emmanuel . . . . Ipinagkaisa ng Walang-hanggang Anak ng Diyos sa kanyang persona ang sanggol na ipinaglihi ni Maria sa kanyang sinapupunan sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang sanggol na iniluwal ni Maria ay Diyos-tao, si Jesus. Kung kaya't walang pag-aatubili ang mga banal na Ama ng Simbahan na tawaging 'Ina ng Diyos' (Theotokos, 'tagapagdala-ng-Diyos') ang Mahal na Birhen." [KPK 520]
  • Ngayon, paano nadawit dito ang Juan 1: 18? "No one has ever seen God. The only Son, God, who is at the Father's side, has revealed him" (NABRE). Hindi malinaw kung ano bang ipinupunto rito ng post. Hindi naman sinasabi ng taludtod na ito na walang makakakita sa Diyos kailanman; na tanging ang Anak lang ang maaaring makakita sa Ama, anupa't kahit makarating ka na sa Langit ay hindi mo pa rin makikita ang Diyos. Kung si Maria ay naiakyat na sa Langit nang may katawan at kaluluwa, samakatuwid, "nakikita" na niya ang Diyos nang harapan:
    "Beloved, we are God's children now; what we shall be has not yet been revealed. We do know that when it is revealed we shall be like him, for we shall see him as he is." (1 John 3: 2 NABRE) "Blessed are the clean of heart, for they will see God." (Matthew 5: 8 NABRE)

    Kung ang punto ng post ay ang pagsasabing hindi pa nakikita ni Maria ang Diyos nang siya'y nabubuhay pa sa daigdig, tama naman. Sa kabila ng kanyang dakilang katatayuan bilang Ina ng Diyos at Inang Reyna ng Hari ng mga Hari, namuhay din siya sa daigdig nang gaya natin — namuhay din siya nang batay sa pananampalataya, umaasa sa katuparan ng mga ipinangako ng Diyos, at naninindigan sa mga bagay na di pa niya nakikita (Hebreo 11: 1; Lucas 1: 45). Kung tutuusin, naging marapat nga siyang parangalan sa kanyang katatayuan bilang Ina ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya:

    "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpala ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!" (Lucas 1: 42-45 MBB)

•••

Karaniwan na sa social media ang mga ganitong kakatwa at mababaw na anti-Katolisismo, kung saan sadyang binabaluktot ang panig ng Simbahan para magmukhang mali o katawa-tawa. Subalit para sa anong layunin? Para magpapansin? Para magmukhang magaling sa harap ng mga inaakalang mangmang na Katoliko? Iniisip ba nilang may nagagawa silang mabuti sa mundo, at napararangalan nila ang Diyos sa gayong pag-uugali? Maging ano pa man ang motibo ng naturang post, malinaw itong nagtataglay ng halos lahat ng mga katangian ng isang bulaang mangangaral na noon pa ma'y ibinabala na sa atin nina Apostol San Pedro at San Judas Tadeo (2 Pedro 2; Judas). Agad nalalantad sa mundo kung sino ba talaga ang nasa panig ng Diyos, at kung sino ang mga nasa panig ng diyablo, ang ama ng kasinungalingan (Juan 8: 44).


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Lunes, Oktubre 31, 2022

Ang aking opinyon hinggil sa Halloween

Bilang isang Pilipinong Katoliko, ang pagdiriwang ng Undas1 ay karaniwang tungkol lamang sa dalawang pangunahing gawain: ➊ ang pagsisimba sa araw ng Todos Los Santos at Araw ng mga Patay, at ➋ ang pagdalaw sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay. Wala ka nang panahon sa mga kung anu-anong ipinauusong aktibidad na walang kinalaman sa dalawang ito, maliban na lang kung hindi ka Katoliko, o kung hindi ka pa namamatayan ng mahal sa buhay. Kaya nga't kadalasan, para lang maipagsiksikan sa kultura ng mga Pilipino ang mga kanluraning kaugalian ng Halloween gaya ng mga costume party at trick-or-treat, isinasagawa nila ang mga naturang aktibidad sa ibang mga petsa — kung minsa'y mga ilang araw bago ang mismong bisperas, at kung minsan nama'y sa mismong gabi na lamang ng ika-1 at ika-2 ng Nobyembre.


Photo by Steven Weeks on Unsplash

Wala namang makahulugang dahilan para magsabit ng mga dekorasyong nakakatakot. Wala namang makahulugang dahilan para magsuot ng mga kakaibang pananamit. Wala namang makahulugang dahilan para mamigay ng barya o kendi sa mga batang walang kamalay-malay na ang pagbating "Trick or Treat!", sa orihinal na diwa nito, ay isang pagbabanta ("Bigyan mo ako ng kendi o mamemerwisyo ako!").2 Walang makahulugang dahilan para isagawa ang mga ito, kaya't hindi ko maintindihan kung bakit naaatim ng marami na ito'y pagkaabalahan at pagkagastusan. Tila ba isa lamang itong malawakang katuwaang pambata — isang walang katuturang paglalaro na umiikot sa mga tema ng kamatayan, katatakutan, kababalaghan, at kung minsa'y ng garapalang pagpapapansin lang — na pilit ikinakapit sa mga banal na araw ng Todos Los Santos at Araw ng mga Patay. "Happy Halloween!" ang malimit na batian, bagama't literal na walang kinalaman sa bisperas ng araw ng mga banal (All Hallows' Eve) ang mga ginagawang "pagdiriwang." Isa lang talaga itong walang katuturang paglilibang na sa palagay ko'y kapata-patawad lamang sa panig ng mga batang walang muwang (1 Corinto 13: 11), at sa panig ng mga nakatatandang walang mapagtapunan ng sobra-sobrang pera at panahon nila (Mangangaral 8: 15).

Sa kabilang banda, marami pa rin ang di mapigilang pag-isipan ito nang sobrang sama. Sa kanilang pananaw, ang modernong Halloween ay walang iba kundi isang uri ng satanismo, na ang layunin ay dakilain ang mga demonyo, papanumbalikin ang mga paganong kaugalian at paniniwala, at lapastanganin ang mga Santo sa Langit at ang mga kaluluwa sa Purgatoryo. Subalit nakabatay lamang ito sa mababaw na panghuhusga, na pawang nakatuon lamang sa mga bagay na panlabas.3 Kesyo nakakita tayo ng isang batang may costume ng demonyo, iniisip agad natin na ang batang iyon ay masama, o nasa kapangyarihan ni Satanas, o may mga magulang na pabaya, imoral, tanga, at kung anu-ano pa. Umabot pa sa puntong ginawa na natin itong tagisan ng mga costume — na ang dapat daw ipasuot sa mga bata ay ang mga pananamit ng mga santo at santa.4 Ganyan na ba kababaw ang pananaw natin sa moral na katayuan ng isang tao: na nagiging "mabuti" o "masama" ka batay lang sa costume na suot mo?

Kung iisipin, may pinaghuhugutan naman ang mga naturang pagka-malisyoso. Kung titingnan sa kasaysayan, marami sa mga elemento ng moderno't sekular na pagdiriwang ng Halloween ay tila ba may pagkakahawig sa mga sinaunang paganong kaugalian, gaya ng Samhain ng mga Kelt at ng Lemuralia ng mga Romano. Tuwing Samhain (na ipinagdiriwang nang tatlong araw at gabi mula Oktubre 31), pinaniniwalaan ng mga Kelt na ang hangganan ng pisikal na mundo at espirituwal na mundo ay bahagyang nawawala, anupa't gumagala sa daigdig ang mga engkanto at kaluluwa ng mga yumao. Para daw hindi sila kunin o saktan ng mga ito, nagdadamit hayop o engkanto ang mga Kelt, at naglalagay din sila ng mga handog na pagkain sa mga pintuan ng kanilang bahay at/o sa mismong hapag-kainan. Ang Lemuralia naman (ginugunita tuwing Mayo 9, 11, at 13) ay mga araw ng paggunita sa mga kaluluwang ligaw (Lemures). Para pahinahunin ang mga ito at/o para hindi sila pumasok at mamalagi sa mga bahay na madadaanan nila, ang mga Romano'y nag-iiwan ng mga handog na pagkain at barya sa kanilang pintuan.

Hindi nga maikakaila ang mga halatang pagkakahawig, subalit may makasaysayan nga ba talagang pagkakaugnay? Hindi naman "katuwaan lang" ang Samhain at Lemuralia, kundi mga paniniwalang sineryoso ng mga sinaunang Kelt at Romano.5 Wala namang natatala sa kasaysayan na may mga kabataan noong panahong iyon na nagkukunwaring mga engkanto at masasamang espiritu, habang nagbabahay-bahay para makatanggap ng mga handog na pagkain at barya. Kung ako ang tatanungin, mas maiuugnay ko pa ang tradisyon ng trick-or-treat sa mga insidente ng panghoholdap at akyat-bahay, na kung saan karaniwan nang nagtatakip sa mukha ang mga kawatan (para di sila makilala at hindi mahuli ng mga otoridad), at pagbabantaan kang sasaktan o papatayin kapag di mo binigay ang gusto nilang kunin sa iyo. Para sa akin, ang mga kawatan ang tunay na "inspirasyon" ng pagko-costume at trick-or-treat (tingnan sa talababa #2), hindi ang mga engkanto at masasamang espiritu ng Samhain at Lemuralia.

Ngayon, ang tanong: Masama bang ipagdiwang ang Halloween? Kasalanan ba ang mga costume party, trick-or-treat, pagdedekorasyon ng mga nakakatakot, at kung anu-ano pang mga kalokohan at paglalaro? Kung mahahanapan mo ito ng makahulugang dahilan para ipagdiwang, marahil, masasabi nating hindi ito masama. Subalit kung sadya mo itong pag-aaksayahan ng pera, panahon, at pagod nang walang matinong dahilan, kung ginagamit mo lang na palusot ang Halloween para sa mga walang katuturang pagsasaya at pagpapapansin, sa palagay mo ba'y hindi ka nagkakasala?

"Kaya simula ngayon, habang nabubuhay pa kayo dito sa lupa, sundin nyo ang kalooban ng Diyos at wag ang mga pagnanasa ng katawan. Tama na yung time na sinayang nyo sa paggawa ng mga bagay na ginagawa ng mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Namuhay kayo sa kalaswaan, pagnanasa, paglalasing, sobrang pagpa-party at pag-iinuman, at nakakadiring pagsamba sa diyos-diyosan. Nagtataka sila ngayon kasi hindi na kayo nakikisama sa napakagulong pamumuhay nila, kaya binabastos nila kayo. Pero mananagot sila sa Diyos kasi sya ang magja-judge sa mga buháy at sa mga patay."

1 PETER 4: 2-5 (PVCE)

 


 

  1. Undas. Dati-rati'y "Undras", na sinasabing buhat sa salitang Espanyol na honra na ang kahuluga'y "paggalang". Ang Undas, kung gayon, ay ang pagbibigay-galang sa mga yumao — sa mga banal na yumaong nasa Langit (na ginugunita tuwing Todos Los Santos, ika-1 ng Nobyembre) at sa mga banal na yumaong nagdurusa pa sa Purgatoryo (na ginugunita tuwing Araw ng mga Patay, ika-2 ng Nobyembre). [BUMALIK]
  2. "In the 19th and early 20th centuries, young people often observed Halloween by perpetrating minor acts of vandalism, such as overturning sheds or breaking windows. Beginning in the 1930s, Halloween mischief gradually transformed into the modern ritual of trick-or-treating. Eventually, Halloween treats were plentiful while tricks became rare. Nonetheless, the tradition of Halloween pranks still survives. In some areas, October 30 (one day before Halloween) is called Mischief Night, and vandalism often reaches dangerous levels. In Detroit, Michigan, Mischief Night — known there as Devil's Night — provided the occasion for waves of arson that sometimes destroyed whole city blocks during the 1970s and 1980s." [Lanford, Brent. "Halloween." Microsoft Encarta 2009. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.] [BUMALIK]
  3. "Wag kayong humusga ayon sa panlabas lang, humusga kayo ayon sa kung ano ang tama." (John 7: 24 PVCE) [BUMALIK]
  4. Dahil lubhang nabaling ang atensyon ng marami sa pakikipagtagisan ng mga kasuotan, hindi na sumagi sa isip natin ang kakulangan sa sistema ng pagpapasuot sa mga bata ng kasuotan ng mga santo at santa. Ang Todos Los Santos ay araw ng paggunita sa lahat ng mga banal sa Langit, hindi lamang yaong mga kanonisado at beato (na may kanya-kanya nang araw na itinakda para sa paggunita sa kanila). Kung ang layunin ay gunitain ang lahat ng mga banal, hindi ba't ang mas naaangkop (at Biblikal) na costume ay simpleng puting damit lang habang may hawak na palaspas (Pahayag 7: 9)? Hindi ito sumasagi sa isip natin, palibhasa'y gusto lang talaga nating mag "fashion show" at mag picture taking sa halip na gunitain ang tunay na diwa ng Todos Los Santos. [BUMALIK]
  5. Kahit sa ating kapanahunan, ang Samhain ay patuloy na seryosong ginugunita ng mga modernong Druids at Wiccans. [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Sabado, Hulyo 09, 2022

Namatay bang anti-Katoliko si Rizal?

Appeal to False Authority

Kabilang sa mga paboritong taktika ng mga anti-Katoliko (lalo na sa social media) ay ang pagsasangkalan kay Rizal bilang "katibayan" na mali talaga ang Simbahang Katolika hinggil sa kung ano pa mang paksang nais nilang tuligsain. Hindi malinaw ang batayan nila sa kung bakit nila ito ginagawa. Iniisip ba nilang ang pagiging "pambansang bayani" ay nangangahulugang ang isang tao'y maituturing na katiwa-tiwalang dalubhasa sa mga aral ng relihiyon? Inaakala ba nilang sa "sobrang talino" ni Rizal ay imposible na siyang magkamali sa anumang paksang tinatanggap niya o tinututulan niya? Kinikilala ba nila si Rizal bilang perpektong huwaran ng isang tunay na mabuti at matalinong Pilipino? Sa tuwing kinakalaban ng isang tao ang Simbahang Katolika, gaano ba talaga kaimportante na maging "kakampi" niya si Rizal?

Sa logic may tinatawag na appeal to false authority — alalaong-baga'y ang pagsasangkalan ng mga maling tao bilang pagpapatibay sa isang argumento. Halimbawa, maling isangkalan ang isang dentista hinggil sa kawastuhan ng trabaho ng isang engineer, kahit mangyari pang siya ang pinaka-mahusay na dentista sa buong mundo. Maling isangkalan si Pia Wurtzbach hinggil sa kawastuhan ng trabaho ng isang mekaniko, kahit siya pa ang nanalong Miss Universe 2015. Oo, maaaring magsaliksik ang isang dentista tungkol sa engineering, at si Pia tungkol sa pagkukumpuni ng sasakyan, at nararapat naman talagang respetuhin ang kanilang opinyon batay sa mga naturang pagsasaliksik. Ang tanong: Ganyan ba ang ginagawa ng mga anti-Katolikong nagsasangkalan kay Rizal? Hindi. Sa halip na ilatag ang mismong mga argumento ni Rizal laban sa Simbahan upang iyon ang mapag-usapan, ang tanging isinasangkalan nila ay ang katatayuan ni Rizal bilang "pambansang bayani" at "Pilipinong henyo," kahit na ang mga karangalang ito ay hindi naman naglalagay sa kanya sa katatayuan ng isang dalubhasa sa Cristianismo.

Kung iisipin, kahit nga maging dalubhasa ka pa ng relihiyon, kahit magkaroon ka pa ng malawak na kaalaman sa Biblia at teyolohiya, hindi iyon sapat na batayan para agad paniwalaan ang anumang sasabihin mo — pabor man o hindi — hinggil sa Simbahang Katolika. Sapagkat ang tunay na lehitimong tagapagpaliwanag ng mga aral ng Panginoong Jesus ay walang iba kundi ang ating mga Obispo, batay sa kanilang katatayuan bilang mga kahalili ng mga Apostol, sa pamumuno ng Santo Papa, na siya namang kahalili ni Apostol San Pedro. Kung ibig mong pag-aralan ang tunay na aral ng Cristianismo, ang katuruan ng mga Obispo ang dapat mong pagtuunan ng pansin, na masusumpungan naman sa iba't ibang mga dokumento ng Simbahan: sa mga sinulat ng mga Santo Papa, sa mga kasulatan ng mga iba't ibang mga konsilyo ng Simbahan (lalo na ng mga Ecumenical Councils), sa mga sulat-pastoral ng CBCP, sa mga katuruan ng mga kinikilalang Church Fathers at Church Doctors, sa mga opisyal na katesismo gaya ng CCC at KPK, atbp.

Wala namang problema kung may mga taong sobrang bilib kay Rizal at kumbinsidong makatuwiran ang kanyang mga argumento laban sa Simbahan, hangga't ang mismong mga argumentong iyon ang inilalatag at ipinaliliwanag. Sa gayon, nagkakaroon pa rin ng isang tunay na makatuwirang pag-uusap hinggil sa ating mga di-pagkakasundo sa paniniwala. Subalit kung wala kang ibang gagawin kundi ang ipagsangkalan ang pagiging "pambansang bayani" at "matalino" ni Rizal, at igigiit mong sapat na ang mga iyon bilang batayan na tama ang mga pinagsasasabi niya laban sa Simbahan, ibig sabihin, HINDI KA MATINONG KAUSAP, at isa ka lamang tusong mapanlinlang na anti-Katoliko na kinakasangkapan si Rizal para sa pagtataguyod ng mga makasariling ideyolohiya.


Ang kaduda-dudang Retraction

Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na si Rizal ay naging isang anti-Katoliko. Noong April 21, 1956, inisa-isa ng Simbahan ang lahat ng kanyang mga aral at paggawi na tinuligsa ni Rizal sa kanyang mga librong Noli Me Tangere at El Filibusterismo:

"In these two novels we find passages against Catholic dogma and morals where repeated attacks are made against the Catholic religion in general, against the possibility of miracles, against the doctrine of Purgatory, against the Sacrament of Baptism, against Confession, Communion, Holy Mass, against the doctrine of Indulgences, Church prayers, the Catechism of Christian Doctrine, sermons, sacramentals and books of piety. There are even passages casting doubts on or covering with confusion God's omnipotence, the existence of hell, the mystery of the Most Blessed Trinity, and the two natures of Christ.
"Similarly, we find passages which disparage divine worship, especially the veneration of images and relics, devotion to the Blessed Virgin and the Saints, the use of scapulars, cords and habits, the praying of rosaries, novenas, ejaculations and indulgenced prayers. Even vocal prayers are included, such as the Our Father, the Hail Mary, the Doxology, the Act of Contrition, and the Angelus, Mass ceremonies, baptismal and exsequial rites, worship of the Cross, the use of holy water and candles, processions, bells and even the Sacred Sunday obligations do not escape scorn.
"We also find passages that make light of ecclesiastical discipline, especially in what concerns stole fees, alms to the Church, alms in suffrages for the dead, authority of the Pope, excommunication, education in Catholic schools, Pontifical privileges, Catholic burial, the organization of nunneries and monasteries, Confraternities, Third Orders, etc."

(Statement of the Philippine Hierarchy on the Novels of Dr. Jose Rizal, ❡ 7-9)

Ang tanong: Pinanindigan ba ni Rizal ang mga kamaliang ito hanggang kamatayan, o nagsisi ba siya at nagbalik-loob sa Katolikong Pananampalataya bago siya namatay? Sa panig ng mga anti-Katoliko, kapansin-pansin na sa pagsagot nila sa tanong na ito, ang tanging pinagtutuunan nila ng pansin ay ang kontrobersya hinggil sa pinirmahang Retraction ni Rizal. Ang kontrobersya ay dahil walang katiyakan kung alin ba sa mga umiiral na kopya ng naturang dokumento ang talagang maituturing na orihinal.1 Walang katiyakan dahil hindi pare-pareho ang mga ito — may mga mumunting pagkakaiba sa mga salita at bantas na ginamit, at sa pagkakasa-ayos ng mga talata.

Sa kabila ng kontrobersyang ito, mahalagang magkaliwanagan:

  1. May matibay na katibayan sa kasaysayan na talagang may pinirmahang retraction si Rizal; ang problema lamang ay kung paano tutukuyin ang orihinal, o kung umiiral pa ba ang naturang dokumento o naglaho na.
  2. Sa kabila ng mga pagkakaiba, nananatili pa rin naman ang diwa ng lahat ng mga umiiral na bersyon nito: Ⓐ na inaamin niya't pinagsisisihan ang kanyang pagkakasangkot sa Freemasonry at ang lahat ng kanyang mga sinulat at sinabi laban sa Simbahang Katolika, at Ⓑ nais niyang manatiling Katoliko hanggang kamatayan. Maski ano pang bersyon ang pagbatayan, walang pagbabago sa diwang nais ipatalastas.
  3. Ang retraction ni Rizal noong December 29, 1896 ay hindi ang unang pagkakataon na gumawa siya ng retraction. May nauna na siyang retraction noon pang 1895, na isusumite sana sa Obispo ng Cebu upang mapahintulutan ang kasal nila ni Josephine Bracken. Binawi niya ito nang mapagtanto niyang posible itong magamit laban sa kanya.

Mga tiyak na tanda ng pagbabalik-loob

Ang Retraction ni Rizal ay hindi natin itinuturing na tanging batayan para masabing nagbalik-loob siya sa Simbahang Katolika bago siya namatay. Dahil kung tutuusin, ang tanging silbi lang naman talaga ng naturang dokumento ay upang mapakasalan na niya si Josephine Bracken, at upang makapagsimba't makatanggap siya ng banal na komunyon sa huling pagkakataon.

Ang talagang mapanghahawakan nating tanda ng kanyang pagbabalik-loob ay ang mga ginawa niya bago siya barilin sa Bagumbayan noong December 30, 1896:

  • December 29, 1896, 7:15 AM, hiningi niya kay Fr. Luis Viza ang imahen ng Sagradong Puso na inukit niya noong estudyante pa siya ng Ateneo.
  • 9 AM, matapos mag-almusal, humingi siya ng aklat dasalan, na ibinigay naman ni Fr. Estanislao March.
  • 10 AM hanggang 12:30 PM, nag-usap sina Rizal, Fr. Jose Vilaclara, at Fr. Estanislao March hinggil sa mga paksang relihiyoso, at sa kinakailangan niyang gawing retraction. Matapos niya itong rebisahin, pinirmahan ni Rizal ang naturang retraction mga bandang 3 PM.
  • 3 PM hanggang 5:30 PM, nagdasal si Rizal kasama sina Fr. Vilaclara at Fr. March. Kabilang sa mga dinasal ay ang Acts of Faith, Hope, at Charity, at mga panalangin para sa mga naghihingalo. Mahalaga ito, sapagkat malinaw na nasasaad sa Act of Faith na tinatanggap mo ang lahat ng mga katuruan ng Simbahang Katolika, at sa pananampalatayang ito'y ibig mong mabuhay at mamatay.
  • December 30, 1896, 4 AM, muling nagdasal si Rizal sa harap ng altar.
  • Sa sulat ni Rizal sa kanyang pamilya, hiniling niyang lagyan ng krus ang kanyang magiging libingan.
  • 5 AM, dumating si Josephine Bracken. Ikinasal sila, nagdiwang ng Banal na Misa, at nangumpisal si Rizal kay Fr. March. Kalauna'y nagkaroon ulit ng Misa, at doon na si Rizal tumanggap ng komunyon. Muli, mahalaga ito, dahil walang sinumang Pari ang papayag na bigyan ng komunyon si Rizal malibang nagbalik-loob na talaga ito sa Katolikong Pananampalataya.
  • Ang huling regalo ni Rizal kay Josephine ay isang relihiyosong librong pang-Katoliko, ang Imitation of Christ. Sa maikling mensaheng isinulat niya sa libro, tinawag niya si Josephine na "my dear and unhappy wife." Ipinahihiwatig nito na talagang naikasal sila bago siya namatay, at ito'y isang kasal sa bisa ng Sakramento ng Matrimonyo — na hindi naman mapahihintulutang mangyari malibang may maisusumite siyang pormal na retraction.
  • Nang si Rizal ay dinadala na sa Bagumbayan, inabutan siya ni Fr. March ng imahen ng Mahal na Birhen, at hinalikan naman niya ito nang paulit-ulit.

Iyan ay mga pangyayaring maraming nakasaksi at maayos na naitala sa kasaysayan.2 Sa harap ng mga katotohanang ito, hindi ba't isang napakalaking kabalintunaan at kalapastanganan na rin sa alaala ni Rizal, ang patuloy na pagkasangkapan sa kanya ng mga anti-Katoliko para kalabanin ang Simbahang Katolika?

 


 

  1. Wala pang mga Xerox machine noong kapanahunan ni Rizal, kaya't kung ibig mong magkaroon ng "eksaktong kopya" ng isang dokumento, uupa ka ng mga tao na marunong manggaya ng sulat-kamay at pirma. Epektibo naman ang ganitong sistema, subalit ang problema, paano kung magkamali sila sa pagkopya, o kung sadya nila itong iwasto o baguhin, o maglagay sila ng mga paliwanag o pananda o karagdagang impormasyon (mga sidenotes, ika nga) subalit nakaligtaang sabihin na hindi iyon bahagi ng dokumentong kinokopya nila? At paano kung magkahalu-halo ang orihinal at ang mga kopya nito, paano mo na matutukoy ang orihinal na dokumento? [BUMALIK]
  2. References: "Jose Rizal: Life, Works, and Writings of a Genius, Writer, Scientist, and National Hero" by Gregorio F. Zaide, Sonia M. Zaide. | "Did Jose Rizal Die a Catholic? Revisiting Rizal's Last 24 Hours Using Spy Reports" by Rene Escalante. | "Retraction ni Jose Rizal: Mga bagong dokumento at pananaw" by Michael Charleston "Xiao" Briones Chua.

    Ang mga sinaunang dokumentong mapagbabatayan natin ay ang tinaguriang "Cuerpo de Vigilancia" report, na maituturing na isang walang kinikilingang eyewitness account hinggil sa mga huling oras ni Rizal (walang pagkiling sa panig ng Simbahan, ni sa panig ng mga Freemasons), at ang mismong mga sinulat ni Rizal sa kanyang pamilya at sa kanyang asawang si Josephine Bracken. [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Hunyo 19, 2022

Masama bang tawaging "Padre" ang mga Pari?

"Huwag ninyong tawaging ama ang sino mang tao sa lupa, sapagkat iisa lamang ang inyong Ama na nasa langit."

MATEO 23: 9-10

Kung iisipin, dito sa atin sa Pilipinas, wala namang tumatawag sa Pari ng "ama," "tatay," "itay," "papa," "amang," o "tatang." Ang nakagisnang tawag ay "Padre," (na halata namang impluwensya lamang ng mga Kastila) o di kaya'y ang Amerikanong salitang "father" para sa mga naaasiwa sa makalumang tono ng "Padre." Oo, pare-pareho ang literal na kahulugan ng mga ito, subalit malinaw din naman sa atin na pagdating sa mga Pari, ginagamit lamang ang mga naturang salita bilang pagkilala sa kanilang mismong pagka-pari, hindi para palitan ang Diyos Ama bilang iisa at pangkalahatang Ama ng sangnilikha. Sa totoo lang, makapagtuturo ba tayo ng kahit isang Katoliko na may gayong maling pananaw?

Sapagkat sino bang matinong Katoliko ang mag-iisip na pinapalitan ng Pari ang Diyos, gayong sila pa nga ang nagtuturo sa atin na kilalanin ang Diyos Ama at maging laging masunurin sa Kanya? Sa katunayan, anumang paggalang na iginagawad natin sa mga lingkod ng Simbahan, maging sa sino mang Pari o kahit sa mismong Santo Papa, ay iginagawad lamang alang-alang sa Diyos na naglagay sa mga naturang lalaki sa kanilang mga katungkulan sa Simbahan. Sa Katolikong pananaw, ang mga Pari ay nakikibahagi lamang, sa limitadong kaparaanan at sa mas nakabababang antas, sa walang hanggan at panlahatang pagka-ama ng Diyos Ama sa Langit. Halata naman na sila mismo'y napaiilalim din sa pagka-ama ng Diyos.

Mismong ang mga Apostol ay nakababatid na mayroon silang maka-amang katayuan sa Simbahan. Sabi nga ni San Pablo: "Maaari kayong magkaroon ng libu-libong guro kay Cristo, ngunit hindi ng maraming ama. Sapagkat kay Cristo Jesus isinilang ko kayo sa pamamagitan ng ebanghelyo." (1 Corinto 4: 15). Kung totoo yan sa mga Apostol, totoo rin iyan sa kanilang mga kahaliling Obispo, at sa limitadong antas, ay totoo rin naman sa mga Pari (na nagsisilbing mga kinatawan at kamanggagawa ng nakasasakop na Obispo sa isang diyosesis). Taliwas sa mga pagtuligsa, malinaw ang Biblikal na sandigan ng ating kaugalian. Malinaw na hindi natin nilalabag ang diwa ng Mateo 23: 9-10.

Ang pamamahala sa Simbahan ay katulad ng pamamahala ng isang ama sa kanyang sariling mag-anak (1 Timoteo 3: 4-5; 1 Tesalonica 2: 11). Hindi kalabisan na ituring ang mga Pari bilang mga "amang pangkaluluwa" dahil iyon naman talaga ang pangunahing pananagutan nila sa harap ng Diyos: "Tumalima kayo sa inyong mga pinuno at pasakop sa kanila, sapagkat sila ang nag-aalaga sa inyong mga kaluluwa at mananagot sa inyo." (Hebreo 13: 17). Ngayon, kung "Cristiano" ang tingin mo sa iyong sarili, subalit hindi mo naman matanggap na may mga Cristiano ring gumaganap bilang tagapangalaga ng kaluluwa mo, ibig sabihin, hindi ka totoong Cristiano. Hindi ka totoong nagpapasakop sa Diyos Ama. Hindi ka kabilang sa kanyang sambahayan. Isa kang suwail at mapagmataas na anak. Ikaw ang totoong nagmamapuri sa harap ng Diyos, hindi ang mga Paring tinutuligsa mo.

"Though priests of the New Testament, in virtue of the sacrament of Orders, exercise the most outstanding and necessary office of father and teacher among and for the People of God, they are nevertheless, together with all Christ's faithful, disciples of the Lord, made sharers in his Kingdom by the grace of God's call. For priests are brothers among brothers with all those who have been reborn at the baptismal font. They are all members of one and the same Body of Christ, the building up of which is required of everyone . . . . The Christian faithful, for their part, should realize their obligations to their priests, and with filial love they should follow them as their pastors and fathers. In like manner, sharing their cares, they should help their priests by prayer and work insofar as possible so that their priests might more readily overcome difficulties and be able to fulfill their duties more fruitfully."

SECOND VATICAN COUNCIL
Presbyterorum Ordinis, 9

Magkagayon man, hindi ito nangangahulugan na ang pagtawag sa mga Pari ng "Padre" ay isang pirmihang kaugaliang nagsimula mismo sa mga Apostol. Bagkus, nagsimula ito sa mga monghe (source: NJBC), at kalauna'y lumaganap sa Simbahan dahil karamihan sa mga naoordenahang Pari ay kabilang sa mga ordeng relihiyoso. Noong 1800's, sa pangunguna ni Nicholas Cardinal Wiseman, isinulong niyang tawaging "Padre" ang lahat ng mga Pari, relihiyoso man ito o hindi. At ito na nga ang kaugaliang nakasanayan ng lahat.

Kung gayon naman pala, bakit hindi na lang pagbigyan ang reklamo ng mga anti-Katoliko, at gumamit na lang tayo ng ibang mga taguri sa Pari? Hindi tamang pagbigyan sila dahil ang mismong batayan ng kanilang pagrereklamo ay mali. Hindi naman kinikilala ng mga anti-Katoliko ang sagradong katayuan ng mga Pari bilang mga inordenahang presbitero ng Simbahan, at sa simula pa lang ay itinataguyod na nila ang pagka-suwail sa mga lehitimong pinuno ng Simbahan. Kung pagbibigyan sila, parang kinunsinte pa natin ang kanilang mga pagkakamali. Mas natuturuan natin sila ng kung ano ba ang wastong Cristianong pananaw sa mga pinuno ng Simbahan kung pinaninindigan natin ang ating kaugalian.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Martes, Marso 08, 2022

Nilapastangan ba ni VP Robredo ang Novaliches Cathedral?

UPDATED: 9:32 PM 3/10/2022

Hinggil sa mga templo o bahay-dalanginan na tinatawag nating "simbahan," marami tayong mga nakagisnang pagkilos at pag-uugali na nagpapahayag ng ating paggalang sa mga itinuturing nating "banal na lugar." Kapag may nadaraanang simbahan, nag-aantanda ng krus. Bago pumasok sa loob, binebendisyunan ang sarili ng agua bendita. Kung may suot na sumbrero, inaalis. Para sa ilang mga "makaluma" at "konserbatibong" kababaihan, nagsusuot pa ng belo. Bago maupo, naninikluhod (iluluhod ang kanang tuhod) habang nakaharap sa tabernakulo, kung saan naroon ang Tunay na Presensya ng Panginoon. Kung dadaan sa harap ng altar (na sumasagisag sa Panginoong Jesus), yumuyuko. At kapag nakaupo na, mananahimik (maliban siyempre sa mga pagtugon sa Misa at sa mga isinasagawang debosyon). Kung may mga nagbabantay, sinasaway ang mga pulubi o nagtitinda na pagala-gala sa loob o gumagambala sa mga nagdadasal. Bawal ang pagkain at inumin, maliban na lang kung lubhang kailangan. Hangga't maaari, pinapatay ang cellphone o nilalagay sa silent mode, at iniiwasan ang pagdutdot ng mga gadgets. Pinaaalalahanan din tayong magsuot ng maayos na pananamit (kagalang-galang, hindi makatawag-pansin, atbp.). Bawal matulog (maliban siyempre kung pansamantalang ginawang evacuation center ang simbahan, at iba pang katulad na sitwasyon). Maupo nang maayos (huwag itataas ang paa, at nakaunat ang mga braso na akala mo'y nakaupo sa sofa at parang nasa bahay lang). Huwag maglaro at magpakalat-kalat. Huwag magpunta sa santuwaryo kung wala ka namang tungkuling pangliturhiya na gagampanan doon (ang naka-angat na lugar kung saan naroon ang altar, tabernakulo, at ang upuan ng obispo at/o pari). At bago lumabas ng simbahan, muling humarap sa tabernakulo at maninikluhod.

Ang daming seremonyas. Ang daming arte. Sobrang higpit. Masyadong seryoso. Napaka-importante ba talagang masunod ang lahat ng iyan? Masyado ba nating pinakukumplika ang relasyon natin sa Diyos? May pinagbabatayan ba ang mga naturang pagkilos at alituntunin? Sa aking palagay, mukhang meron. Mabigat ang katuruan ng Second Council of Lyons (1274 AD) hinggil sa wastong asal sa loob ng simbahan:

"Holiness befits the house of the Lord; it is fitting that he whose abode has been established in peace should be worshipped in peace and with due reverence. Churches, then, should be entered humbly and devoutly; behaviour inside should be calm, pleasing to God, bringing peace to the beholders, a source not only of instruction but of mental refreshment. Those who assemble in church should extol with an act of special reverence that name with is above every name, than which no other under heaven has been given to people, in which believers must be saved, the name, that is, of Jesus Christ, who will save his people from their sins. Each should fulfil in himself that which is written for all that at the name of Jesus every knee should bow; whenever that glorious name is recalled, especially during the sacred mysteries of the mass, everyone should bow the knees of his heart, which he can do even by a bow of his head. In churches the sacred solemnities should possess the whole heart and mind; the whole attention should be given to prayer. Here where it is proper to offer heavenly desires with peace and calm, let nobody arouse rebellion, provoke clamour or be guilty of violence. The consultations of universities and of any associations whatever must cease to be held in churches, so also must public speeches and parliaments. Idle and, even more, foul and profane talk must stop; chatter in all its forms must cease. Everything, in short, that may disturb divine worship or offend the eyes of the divine majesty should be absolutely foreign to churches, lest where pardon should be asked for our sins, occasion is given for sin, or sin is found to be committed . . . Those indeed who impudently defy the above prohibitions, in addition to the sanctions imposed by ordinaries and their deputies, will have to fear the sternness of the divine retribution and our own until, having confessed their guilt, they have firmly resolved to avoid such conduct for the future."

Ngayon, ang tanong: Nang isagawa noong March 1 sa Cathedral-Shrine and Parish of the Good Shepherd ang di-umano'y "dialogue" sa pagitan nina VP Robredo, ng mga kapartido niya, at ng mga pari, relihiyoso, at layko, na ang sinasabing layunin ay ang nagkakaisang pakikipaglaban sa pagpapakalat ng mga kasinungalingan at fake news, nasunod ba ang mga panuntunang ipinag-uutos ng Konseho?1


SCREENSHOTS SOURCE: https://youtu.be/peay3SZkrcU

SECOND COUNCIL OF LYONS:

"Churches, then, should be entered humbly and devoutly; behaviour inside should be calm, pleasing to God, bringing peace to the beholders, a source not only of instruction but of mental refreshment."

TANONG:
  • Sa paanong paraan nagsipasok ang mga tao sa loob ng simbahan?
  • Kalmado ba sila? Kalugud-lugod ba sa Diyos ang mga pagkilos nila? Payapa ba ang kanilang mga aktibidad?
SECOND COUNCIL OF LYONS:

"Those who assemble in church should extol with an act of special reverence that name with is above every name, than which no other under heaven has been given to people, in which believers must be saved, the name, that is, of Jesus Christ"

TANONG:
  • Kaninong pangalan ang pinagpupugayan ng mga tao? Kaninong pangalan ang ipinagsisigawan nila?
  • "But there was no Mass inside the cathedral... Instead of clutching rosaries and missalettes, the people seated in the pews were flashing the 'Laban' sign in the air. Instead of singing religious hymns, they were chanting, 'Leni! Leni! Leni!'" (Source: Rappler)
SECOND COUNCIL OF LYONS:

"In churches the sacred solemnities should possess the whole heart and mind; the whole attention should be given to prayer."

TANONG:
  • Sino ang naghahari sa puso't isipan ng mga naroroon?
  • Sa panalangin ba nakatuon ang kanilang buong atensyon?
  • "One elderly woman tied a pink ribbon around her forehead, the words 'Leni R. is my president' written over in black ink. Tears streamed down her face as she saw Vice President Leni Robredo enter the cathedral from the side of the altar." (Source: Rappler)
SECOND COUNCIL OF LYONS:

"Here where it is proper to offer heavenly desires with peace and calm, let nobody arouse rebellion, provoke clamour or be guilty of violence."

TANONG:
  • Nang paulit-ulit na magsigawan ang mga tao, "Leni! Kiko!", sinasaway ba sila? Pinatatahimik ba sila, o mas lalo pang kinukunsinteng magsigawan?
SECOND COUNCIL OF LYONS:

"The consultations of universities and of any associations whatever must cease to be held in churches, so also must public speeches and parliaments. Idle and, even more, foul and profane talk must stop; chatter in all its forms must cease."

TANONG:
  • Maituturing bang "public speech" ang pagtatalumpati ni VP Robredo? At tama bang gawin niya iyon habang nasa santwaryo, at nasa harap ng altar?
  • "In a podium placed directly in front the altar, Robredo was given a chance to address the faithful eager for the clean and decent government she promises to lead if she wins the presidency." (Source: Rappler)
  • Nagkekwentuhan ba ang mga tao? Anu-ano ang mga pinag-uusapan nila?

Walang masama na magendorso at tumuligsa, hangga't malinaw sa lahat na isinasagawa ito alinsunod sa pamantayan ng Pananampalataya at Moral na ipinahahayag ng Simbahan. Sa usapin ng mabuti at masama, batas ng Diyos ang dapat manaig, hindi ang batas ng tao. Kung Katoliko ang isang kandidato, wala ba siyang karapatang humingi ng saklolo at basbas ng Simbahan? Kapag ba kandidato ka at nagsimba ka, at nakihalubilo ka at nanalanging kasama ng mga kapwa mo Katoliko (maging sila'y mga obispo, pari, madre, mga lider layko, atbp.), nilalabag mo ba ang "separation of church and state"?

Sa kabilang banda, gaano man kabuti ang sasabihin mo, tama ba na sa loob ng simbahan ka manalumpati? Wala ka mang intensyong bastusin ang simbahan, tama ba na balewalain mo ang mga nakagisnang pagbibigay-galang sa mga banal na lugar, bunsod ng kasabikan mong suportahan ang napupusuan mong kandidato? Hindi ba natin nababastos ang Panginoon kung dinadaan-daanan lang natin ang altar at ang tabernakulo na parang wala lang? Wala bang masama na magpanhik-panaog sa santuwaryo para kumuha ng litrato ng isang kandidato?

Nakakalungkot na sa tuwing napag-uusapan ito sa social media, may ilang mga Katoliko na ipinagwawalang-bahala lang ang mga tila kabalbalang nangyari sa loob ng simbahan noong araw na iyon. Alam naman daw ng mga obispo at pari iyon; mas alam daw nila ang disiplinang ipinatutupad ng Canon Law kaysa sa ating mga layko lang. Puro ka lang daw reklamo dahil ibang kandidato ang gusto mo. Nakababahala ang ganitong bulag na pagtitiwala sa mga lider ng simbahan, na tila ba nakakalimutan nang ang mga pasimuno ng mga sinaunang erehiya (gaya ng Arianism at Monophysitism), pati na rin ng mga malawakang iskismo (gaya ng ginawa ng mga Simbahang Ortodoksa), ay pawang mga obispo at pari rin!

Nilapastangan ba ni VP Robredo ang Novaliches Cathedral? Sa palagay ko, hindi. Nilapastangan ba ng mga taga-suporta niya ang Novaliches Cathedral? Sa palagay ko rin, hindi. Ang nangyari ay isang kapabayaan, isang pagwawalang-bahala sa mga inaakalang "maliliit na bagay" alang-alang sa mga itinuturing na "higit na mahalagang bagay". Sasagi pa ba sa isip ng mga tao na respetuhin ang simbahan, kung kumbinsido sila sa puso nila na nakikipaglaban sila sa isang napakalaking pwersa ng kasamaan, na ang tanging naiiisip na solusyon ay ang mailuklok sa pagka-pangulo si VP Robredo?

 


 

  1. Ang mismong diyalogo ay hindi isinagawa sa loob ng katedral. [BUMALIK]
  2.  


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Linggo, Enero 30, 2022

Ang Kaplastikan ng National Bible Sunday

Ngayong linggo ipinagdiriwang natin ang Pambansang Linggo ng Biblia. Bakit nga ba? Sino bang nagsabi na gawin natin ito? Sa katunayan, hindi naman ito isang pagdiriwang na pinasimulan mismo ng Simbahang Katolika, bagkus ay pinasimulan ng pamahalaan sa pangunguna ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, at saka inamyendahan ng mga dating Pangulong Corazon Aquino at Fidel Ramos, at ng kasalukuyang Pangulo, Rodrigo Duterte.

PROCLAMATION No. 2242
DECLARING THE LAST SUNDAY OF NOVEMBER AS BIBLE SUNDAY AND THE WEEK FOLLOWING AS NATIONAL BIBLE WEEK AND EVERY YEAR THEREAFTER.

WHEREAS, it is a policy of the State enunciated in the Constitution that the government shall aid and encourage the development of the moral character and personal discipline of the people;

WHEREAS, certain activities pursued in the exercise of religious freedom contribute to the attainment of this goal which should receive the encouragement and support of the government upon the condition that all religious sects shall be accorded the same priveleges and opportunities;

WHEREAS, the Bible has been recognized by both Christians and non-Christians alike as an exellent source of principles for the development of moral character and personal discipline;

WHEREAS, Christian churches throughout the country celebrate Bible Sunday every year to encourage the reading of the Holy Bible as an instrument to develop moral character, personal discipline, understanding and unity among our people;

WHEREAS, it is fitting and proper that national attention be focused on the important role played by the reading and study of the Bible in molding the moral fiber of our citizenry.

NOW, THEREFORE, I, FERDINAND E. MARCOS, President of the Philippines, by virtue of the powers vested in me by law, do hereby declare the first Sunday of Advent as Bible Sunday and the week following as National Bible Week and every year thereafter under the auspices of the Philippine Bible Society and other involved organizations.

I encourage radio stations throughout the country to air Bible readings everyday during the week.

IN WITNESS WHEREOF, I have hereunto set my hand and caused the seal of the Republic of the Philippines to be affixed.

Done in the City of Manila this 19th day of November, in the year of Our Lord, nineteen hundred and eighty-two.

PROCLAMATION No. 44
AMENDING PROCLAMATION NO. 2242

WHEREAS, it has been unanimously agreed upon by the members of the Philippine Bible Society, Inc. Board that the observance of National Bible Week and Bible Sunday be held at a time when there are no other celebrations or activities to make the celebration more exclusive and meaningful;

NOW, THEREFORE, I, CORAZON C. AQUINO, President of the Philippines, by virtue of the powers vested in me by law, do hereby declare the last week of January, 1987 as National Bible Week and the Sunday ending as Bible Sunday and every such week and day of every year thereafter as such National Bible Week and Bible Sunday, under the auspices of the Philippine Bible Society, Inc. and other involved organizations.

I urge radio and television stations throughout the country to air, and the print media to feature, Bible readings everyday during the week.

IN WITNESS WHEREOF, I have hereunto set my hand and caused the seal of the Republic of the Philippines to be affixed.

Done in the City of Manila, this 21st day of November, in the year of Our Lord, nineteen hundred and eighty-six.

PROCLAMATION No. 1067
DECLARING THE LAST WEEK OF JANUARY OF EVERY YEAR AS NATIONAL BIBLE WEEK

WHEREAS, it is a policy of the state enunciated in the Constitution that the government shall aid and encourage the development of the moral character and spiritual foundation of the Filipino people;

WHEREAS, certain activities pursued in the exercise of religious freedom contribute to the attainment of this goal which should receive the encouragement and support of the government upon the condition that all religious denominations of whatever persuasion shall be accorded the same priveleges and opportunities;

WHEREAS, the Holy Bible is recognized by both Christians and non-Christians alike as an exellent source of life-giving principles to develop a values-oriented, morally strong and socially responsible citizenry;

WHEREAS, it is fitting and proper that national attention be focused on the importance of reading and studying the Bible in molding the spiritual, moral and social fiber of our citizenry;

NOW, THEREFORE, I, FIDEL V. RAMOS, President of the Philippines, by virtue of the powers vested in me by law, do hereby declare the last week of January of every year as National Bible Week.

This supersedes Proclamation No. 44 dated November 21 1986.

IN WITNESS WHEREOF, I have hereunto set my hand and caused the seal of the Republic of the Philippines to be affixed.

Done in the City of Manila, this 26th day of August in the year of Our Lord, nineteen hundred and ninety seven.

PROCLAMATION No. 124
DECLARING THE MONTH OF JANUARY OF EVERY YEAR AS NATIONAL BIBLE MONTH CULMINATING IN THE LAST WEEK THEREOF AS NATIONAL BIBLE WEEK

WHEREAS, the State recognizes the religious nature of the Filipino people and the elevating influence of religion in human society;

WHEREAS, while maintaining neutrality in its treatment of all religious communities, the government is not precluded from pursuing valid objectives secular in character even if it would have an incidental result affecting a particular religion or sect;

WHEREAS, the 1987 Constitution calls on the government to support efforts to strengthen the ethical and spiritual values and to develop the moral character of the Filipino people;

WHEREAS, history bears witness to the profound impact of the Bible on the life of nations, and to how it has moved and inspired many people, including statesmen and social reformers, to work for the betterment of their fellow human beings even at great cost to themselves;

WHEREAS, it is fitting and proper, for the molding of the spiritual, moral and social fiber of our citizenry, that national attention be focused on the importance of reading and studying the Bible;

NOW, THEREFORE, I RODRIGO ROA DUTERTE, President of the Philippines, by virtue of the powers vested in me by law, do hereby declare the month of January of every year as National Bible Month, culminating in the last week of January as the National Bible Week.

IN WITNESS WHEREOF, I have hereunto set my hand and caused the seal of the Republic of the Philippines to be affixed.

Done in the City of Manila, this 5th day of January, in the Year of our Lord, two thousand and seventeen.

Kinikilala ng gobyerno ang kahalagahan ng pagbabasa at pag-aaral ng Biblia, subalit tungo sa anong layunin?

  • Sa Proclamation No. 2242, ang layunin ay "molding the moral fiber of our citizenry."
  • Sa Proclamation No. 1067, may mga nadagdag: "molding the spiritual, moral and social fiber of our citizenry." Gayon din ang sinasabi sa Proclamation No. 124.

Bakit kaya kinailangang idagdag ang espirituwal at panlipunang pagpapahalaga? Tila may kinalaman dito ang nasasaad sa umiiral na Konstitusyon. Sa panahon ni Pangulong Marcos, ang itinataguyod ng Konstitusyon ay ang "moral character and personal discipline." Sa Konstitusyon ng 1987, kasama na sa mga itinataguyod ang "spiritual foundation," "ethical and spiritual values," atbp. Ito'y mga layuning maganda sa pandinig, pero ano bang paliwanag dito ng mga pangulong naglabas ng mga naturang proklamasyon? Para sa kanila, ano bang sukatan ng isang taong may moral, espirituwal, at panlipunang pagpapahalaga? At mabisa nga bang nakakamit ang mga layuning ito sa pamamagitan lang ng pagbabasa at pag-aaral ng Biblia? Sa totoo lang, nauunawaan ba nila ang mga pinagsasasabi nila?

Ano bang gusto ng gobyerno na gawin natin tuwing "National Bible Month"? Ang tanging binabanggit ay ang panghihikayat sa mga istasyon ng radyo at telebisyon at sa iba't ibang print media na magtampok ng mga pagbasa sa Biblia araw-araw sa buong panahon ng pagdiriwang. Kakatwa, dahil kahit walang panghihikayat ng gobyerno, dati na itong ginagawa ng Simbahan, at araw-araw pa nga sa buong taon, hindi lang tuwing Enero. Araw-araw ay may Banal na Misa, at alam naman nating ang mga pagbasa ng Biblia ay isang mahalaga at permanenteng bahagi ng ating mga pagsamba at debosyon mula pa noong kapanahunan ng mga Apostol magpasa-hanggang ngayon. Ganyan din sa mga pagsamba at pagtitipong ginagawa sa ibang mga sekta. Maliban na lang kung sadya kang magbubulag-bulagan o magbibingi-bingihan, o kung lubos mong tatalikuran ang Cristianong Pananampalataya at permanente kang maninirahan sa isang malayo at liblib na isla, kabundukan, o kuweba, hindi mo magagawang takasan ang Biblia sa iyong pang araw-araw na pamumuhay. Namumuhay tayo ngayon sa isang bansang lagi ka na lang may maririnig o makikitang Bible verse, sa ayaw mo man o sa gusto, napapansin mo man o hindi.

Kaya nga ang tanong: Sa kabila ng laganap na presensya ng Biblia sa buhay nating mga Pilipino, bakit parang wala namang pagunlad sa ating mga moral, espirituwal, at panlipunang pagpapahalaga? Ang daming sumusuporta sa diborsyo, bagama't letra-por-letra na ngang nasusulat: "For I hate divorce, says the LORD, the God of Israel" (Malachi 2: 16 NABRE). Binabalewala natin ang pagkakaroon ng kabit, pagtatalik ng mga di kasal, homoseksuwalidad, paglalasing, atbp., gayong tahasan na ngang sinasabi: "Do not be deceived; neither the immoral, nor idolaters, nor adulterers, nor homosexuals, nor thieves, nor the greedy, nor drunkards, nor revilers, nor robbers will inherit the kingdom of God." (1 Corinthians 6: 9-10 RSVCE2). Sa Facebook, ang daming mga mahihilig magdebate gamit ang Biblia, at karaniwan na sa kanilang magmurahan, magbintangan, magsiraan, magbantaan, atbp. Kung hindi naman tayo nagagawang mapagbuti ng Biblia sa kabila ng di matatakasang presensya nito sa buhay natin, ano pang pakinabang ng pagkakaroon ng "National Bible Week" o "National Bible Month"?

Hindi ko maiwasang isipin na ang mga naturang proklamasyon ay pawang pagdadamit-tupa lang ng gobyerno, at ang talagang layunin ay ang magbait-baitan at magkunwaring kaibigan ng Cristianismo, habang dahan-dahang nagpapatupad ng mga imoral na batas at programa. Kung talagang kinikilala natin ang kahalagahan ng Biblia, bakit hindi isama ang Bible Study sa curriculum ng elementarya, hayskul, at kolehiyo? Bakit kay dali lang para sa gobyerno na limitahan o ipagbawal ang pagsisimba, gayong sa Banal na Misa binabasa at naipaliliwanag nang maayos ang Biblia? Bakit may mga pinunong naluluklok sa katungkulan kahit lantarang imoral, lantarang kumakalaban sa Simbahan, lantarang sumasalungat sa mga aral ng Biblia? Hindi ako laban sa pagkakaroon ng pambansang linggo/buwan ng Biblia, bagkus laban ako sa paimbabaw na pagdiriwang nito.

Ang landas ng kabutihan ay hindi lang tungkol sa pagbabasa at pag-aaral ng Biblia. Ang pagpapahalaga sa Biblia ay hindi naisasagawa sa pamamagitan ng mga walang kapararakang pagsasangkalan ng mga pinili, wala sa konteksto, at sinaulong taludtod. Balewala ang pamamahagi ng mga Biblia kung wala namang kalakip na tamang pagpapaliwanag. Walang saysay ang mga pagpapaliwanag, kung hindi bubuksan ng Panginoon ang isip ng taong pinagpapaliwanagan. At sayang lang ang biyaya ng katotohanan, kung wala ka namang kababaang-loob at paninindigan na tumalima rito. Sa likod ng tila mabuting layunin ng "National Bible Month" ay ang mga nagkukubling kamalian ng Sola Scriptura, kapaimbabawan ng mga pulitiko, at mababaw na konsepto ng pagiging "mabuting mamamayan."

"We can get to heaven without reading the Bible. If that were not so, then people who are unable to read would be in a very hopeless state. If it were necessary to read the Bible in order to get to heaven, most of the people who lived before the invention of printing (over five hundred years ago) also would find heaven closed to them."

LEO J. TRESE
The Faith Explained (3rd edition), p. 559


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Enero 12, 2022

Ang Aking Opinyon Hinggil kay Maxene Magalona

UPDATED: 11:08 AM 1/12/2023

Sino ba si Maxene Magalona?

  • Isinilang noong ika-23 ng Nobyembre, 1986, anak ng sikat at yumaong rapper na si Francis Magalona, si Maxene Sofia Maria Magalona ay isang aktres, assistant director, modelo, host, at yoga instructor.
  • Nakapagtapos ng bachelor's degree sa Social Sciences sa Ateneo de Manila University, noong Marso, 2010.
  • Aniya, malaki ang naitutulong sa kanya ng yoga para lunasan o ibsan ang kanyang Complex Post Traumatic Stress Disorder (C-PTSD).1

 

Ang kontrobersyal na Instagram post

Kamakaila'y naging usap-usapan, lalo na sa panig ng mga Katolikong apolohista, ang post ni Maxene hinggil sa kanyang paninindigan na "hindi labag sa Diyos" ang kanyang paggamit sa imahen ni Ganesha para sa pag-aalis ng mga balakid sa buhay, ng mga kristal para sa kaliwanagan ng pag-iisip at wagas na pag-ibig, ng mga japamala para sa pagbigkas ng mga Sanskrit mantra, at ng sage at palo santo para sa pagtataboy ng mga negatibong enerhiya at pagbibigay-galang sa daigdig ng mga espiritu. Nabanggit din niya na kaakibat ng mga ito ay ang paggamit niya ng mga benditadong rosaryo na binasbasan sa Fatima, Portugal (Kung totoong benditado, ibig sabihi'y lantaran siyang nagkakasala ng sacrilege — alalaong-baga'y paglapastangan sa bagay na banal), at ang kanyang pagdarasal ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria dahil nagdudulot ang mga ito sa kanya ng kapayapaaan ng kalooban.

Pinagsabihan niya ang kanyang mga kritiko:

  • Dapat respetuhin ang lahat ng mga relihiyon at paniniwala.
  • Ang relihiyon, bagama't isang magandang paraan ng pagpapahayag ng pananampalataya, ay di maituturing na tanging paraan.
  • Kalooban ng Diyos na magkaroon ng pagkakaisa at kaayusan sa mundo, sa kabila ng mga magkakaibang relihiyon at paniniwala.
  • Ang Diyos ay enerhiya, ang Diyos ay pag-ibig, at ang relihiyon ay pag-ibig, kaya't ang Diyos ang kanyang relihiyon.2

 

Ang dahilan ng pagkatalikod ni Maxene

Hindi biro ang pinagdaraanang hirap ng mga taong may C-PTSD. Bukod sa mga karaniwang sintomas ng post-traumatic stress disorder,3 nakararanas din sila ng mga karagdagang sintomas: magulong emosyon, negatibong pananaw sa sarili, masidhing damdamin ng kahihiyan, pagsisisi, at kabiguan, at hirap sa pakikipagkapwa. Ilan sa mga mariing inirerekumenda ng mga psychologists sa panggagamot ng kundisyong ito — sapagkat ang sinasabing bisa ay kinakatigan ng mga siyentipikong ebidensya — ay ang mga sumusunod:

  1. Cognitive behavioral therapy (CBT)
  2. Cognitive processing therapy (CPT)
  3. Cognitive therapy (CT)
  4. Prolonged exposure therapy (PE)

Sa kabila ng mga ito, may mga nauusong "alternatibong pamamaraan" ng panggagamot sa C-PTSD — na walang sapat na mga pag-aaral na pinagbabatayan — at kabilang dito yaong tinatawag na "Trauma-sensitive Yoga", at ito marahil ang tinutukoy ni Maxene na di-umano'y nakatutulong sa kanyang kundisyon.

Maaari bang mag-yoga ang isang Cristiano? Oo, subalit may paalaala ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) hinggil dito. Sa inilabas nilang "Primer on New Age" noong January 8, 2003, paliwanag ng mga Obispo:

"Some techniques of yoga, Zen, tai chi, qi gong, and similar practices have become widely used in Christian circles. These techniques include certain postures, certain body movements, the use of mantras, and breath control. They have been found useful to bring about relaxation, quieting, inner silence, awareness, and focusing.

"These techniques and practices emerged from various Eastern religious contexts, such as Hinduism, Buddhism, or Taoism. Nevertheless some of their techniques can be separated from their original religious presuppositions, though admittedly often with some difficulty. • To the extent that this separation from a non-Christian religious setting is possible and is in fact carried out, and • to the extent that they are situated in the setting of the Christian worldview, these techniques can be used as preparations or as aids for Christian prayer." (no. 31)

Oo, maaaring makatulong ang yoga sa kundisyon ni Maxene. Oo, bilang binyagang Katoliko, maaari siyang mag-yoga, KUNG ➊ gagamitin lamang niya yaong mga elemento ng yoga na talagang nakatutulong, at ➋ ihihiwalay niya ang mga ito sa di-Cristianong kontekstong orihinal na pinaggagamitan sa kanila, at ➌ gagamitin niya ang mga ito batay sa isang maka-Cristianong pananaw. Madali bang gawin ang mga ito? Ayon na rin mismo sa CBCP, hindi. Ang tanong: Nagawa ba ni Maxene ang mga iyon? Alam nating hindi, kaya't kung iisipin, walang dapat ikagulat kung siya'y natalikod sa Cristianong Pananampalataya. Nangyari sa kanya ang kapahamakang pangkaluluwa na noon pa ma'y ibinabala na ng Simbahan:

"Some of these programs teach simple techniques of relaxation, of concentration, or of strengthening the memory or the will, which produce immediate results in their clients. These techniques, which have nothing extraordinary about them, are often wrapped in pseudoscientific language and are held up as great discoveries or secrets of ancient wisdom. Without warning the client, they frequently move from psychological or emotional therapy, to non-Christian doctrines regarding the spiritual world, incorporating elements of pantheism, gnosticism, and Eastern non-Christian religions and spiritualities, especially Buddhism, Hinduism, and Taoism. They tend to attribute a supernatural character to even the most modest results of their techniques. From there they go on to convince, the clients of their 'special powers,' their 'enlightened consciousness,' or whatever they choose to assert. Some of these programs are presented as excellent complements to Christianity, when in fact they, are based on concepts that are incompatible with Catholic Christian faith." (Ibid, no. 28)

Bakit ka "triggered"?

"If you get triggered by this post, you have to ask yourself why." Ito ang pambungad na tugon ni Maxene sa mga Cristianong sinasaway siya sa kanyang kamalian. Ayon sa Merriam-Webster, ang kahulugan ng "triggered" ay "caused to feel an intense and usually negative emotional reaction". Mayroon nga bang mga na-"triggered" ng post ni Maxene? Bilang isang Cristiano, nagkaroon ka ba ng matinding negatibong damdamin nang malaman mo ang mga kakatwang seremonyas na ginagawa niya para tugunan ang mga sari-saring pangkaisipan, pangdamdamin, at pangespirituwal niyang pangangailangan? Kung ako ang tatanungin, sa totoo lang, wala akong pakealam. Desisyon iyan ni Maxene para sa sarili niya. Hindi ko siya personal na kilala. Wala siyang mahalagang papel sa buhay ko, at wala rin akong mahalagang papel sa buhay niya. Siya'y nasa hustong gulang na, nasa katinuan, may pinag-aralan, may pera, atbp. — naipagkaloob na sa kanya ang mga pagkakataong kilalanin ang relihiyon kung saan siya nabinyagan. Kung hindi niya ibig unawain ang panig ng Simbahan, siya na ang pumili ng sarili niyang kapahamakan.

Bilang mga Katoliko, tinuruan tayo ng Second Vatican Council na rumespeto sa kalayaang pang-relihiyon ng bawat tao; nasasaad iyan sa dokumentong Dignitatis Humanae na itinaguyod ni Pope Paul VI noong December 7, 1965. Subalit anong ibig sabihin niyan? Nangangahulugan ba na walang tama at mali sa mga paksang relihiyoso? Nangangahulugan ba na pare-pareho lang ang lahat ng mga relihiyon? Kalooban ba ng Diyos na magkagulu-gulo ang sangkatauhan pagdating sa relihiyon?

Bilang mga Katoliko, mahalagang maging malinaw sa atin ang tunay na diwa ng religious freedom. Ito ang mga puntong dapat nating isaisip:

  1. Ang nag-iisang tunay na relihiyon ay lubos na namamalagi (subsists in) sa Simbahang Katolika (CCC 816). Oo, maraming di Cristianong relihiyon, at hindi sila mga tunay na relihiyon. Oo, maraming mga di-Katolikong Simbahan at pamayanang eklesiyal, at marami silang mga kakulangan at pagkakamali. Sa Simbahang Katolika lamang masusumpungan ang tunay na relihiyon, taglay ang lahat ng mga katotohanang mapanligtas, lahat ng mga kaparaanan ng kaligtasan, at siyang tanging pinangangalagaan ng Diyos mula sa lubos na pagkalipol (indefectibility) at pormal na pagtuturo ng kamalian (infallibility). Malinaw, kung gayon, na hindi mo maaaring sabihin na pare-pareho lang ang lahat ng mga relihiyon. Hindi mo maaaring ipantay ang Simbahang Katolika sa mga di-Cristianong relihiyon at paniniwala. Hindi mo maaaring ituring ang Simbahang Katolika na isa lamang sa maraming pwedeng pagpilian. Bilang Katoliko, dapat alam mo na ang religious indifferentism — alalaong-baga'y ang paniniwalang pare-pareho lang ang lahat ng mga relihiyon sa mundo — ay isang erehiyang tahasang kinokondena ng Simbahang Katolika.
  2. Tungkulin ng bawat tao na hanapin ang katotohanan, tanggapin ito, at panindigan ito. Habang nagpupunyagi ang Simbahan na ipalaganap ang Ebanghelyo, inaasahan naman ng Diyos na ang bawat tao ay magkukusang makinig sa tinig ng Simbahan, sa tulong ng grasya at ng katutubong kakayahang mag-isip at mangatuwiran.
  3. Ang pananampalataya ay isang malayang pagtugon; hindi ito maaaring ipilit. Habang kalooban ng Diyos na "maligtas ang lahat ng tao at sumapit sa pagkakilala sa katotohanan" (1 Timoteo 2: 4), hindi ito sapilitang mangyayari sa ayaw mo man o sa gusto. Ililigtas ka ng Diyos, subalit inaasahan niya ang iyong pagtalima. Ipakikilala niya sa iyo ang katotohanan, subalit hihintayin niyang pag-aralan mo ito, pag-isipan mo ito, unawain mo ito, at kusang-loob na tanggapin ito. IYAN ANG DAHILAN KUNG BAKIT KAILANGAN NG RELIGIOUS FREEDOM. Pinoprotektahan ng kalayaang ito ang dignidad ng bawat tao, at binubuksan ang pintuan ng kaligtasan para sa lahat.

Isang kabalintunaan na habang iginigiit ni Maxene na nirerespeto niya ang lahat ng mga relihiyon at paniniwala, tahasan naman niyang iniinsulto ang Diyos na naghayag ng kanyang sarili sa mga patriarka at mga propeta, at kalauna'y sa pamamagitan ng kanyang Anak na nagkatawang-tao. Kung may inihayag ang Diyos, dapat mo siyang paniwalaan; hindi mo ihahanay ang kanyang mga salita sa mga katuruan ng ibang relihiyon. Ang Diyos ng Cristianong Relihiyon ay hindi isang "enerhiya" na maaaring maniobrahin ng mga rituwal, mantra, pinatuyong dahon, at kristal. Napaka-dakila ng ating Diyos:

"Iisa ang totoo at buhay na Diyos, Manlilikha at Panginoon ng langit at lupa, makapangyarihan, walang-hanggan, di-masukat, di-malirip, di-maarok na karunungan at kalooban at sa bawa't kaganapan . . . isang natatanging buod pang-espirituwal, tunay na payak at di-nagbabago . . . tunay at totoong naiiba kaysa sa mundo, pinakabanal sa Kanyang Sarili, at may di-maipahayag na kadahilanan sa lahat ng nabubuhay o maaaring maisip maliban sa Kanyang Sarili." (KPK 303)

Ano si Ganesha ng Hinduismo kung ikukumpara sa nag-iisang tunay na Diyos? Anong mga "balakid" ang kaya niyang tanggalin na hindi kayang tanggalin ng Diyos? Anong kapangyarihan na meron siya na wala ang Diyos? Ang pagtitiwala sa isang diyus-diyusan ay malinaw na paglapastangan, malinaw na pangiinsulto, at malinaw ding isang anyo ng pagmamalaki sa panig ng taong sumasamba sa ibang diyos. "Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos maliban sa akin." (Exodo 20: 3) — Ano't napakadaling kinalimutan ni Maxene ang una't napakahalagang utos na ito? Gayon na lang ba ang naging epekto ng C-PTSD sa kanyang pag-iisip, kaya't nawalan na siya ng kakayahang mapagtanto ang matibay na pangangatuwiran sa likod ng Cristianong Pananampalataya?

Hinggil sa paggamit ng mga kristal para sa kaliwanagan ng pag-iisip at wagas na pag-ibig, walang kailangang pagtalunan sapagkat malinaw na ito'y walang anumang siyentipikong pinagbabatayan.4 Ito'y isang uri ng pamahiin, at sa gayo'y itinuturing na kasalanang mortal sa ating mga Katoliko ang paniniwala sa mga ito. Walang masama na ma-"triggered" sa mga di-siyentipikong "lunas" na itinataguyod ni Maxene, dahil maaaring magdulot iyan ng mga pisikal na kapahamakan (na maaaring humantong sa kamatayan) sa mga taong maniniwala sa kanya, na sa halip na magpagamot sa mga totoong doktor ay gagamutin na lang ng mga kristal ang kanilang mga malubhang karamdaman.


Huwag tayong mananahimik

Kapag may mali, sawayin at itama; ganyan ang totoong nagmamahal. Kung mahal mo ako, at natuklasan mong itinuturo ng relihiyon ko na kailangan kong uminom ng lason para makapasok sa Langit, hindi mo ba ako pipigilan? Kung itinuturo ng relihiyon ko na ialay sa aming diyosa ang puso ng anak mo, ibibigay mo ba sa akin ang anak mo para ipapatay, bilang pagrespeto sa aking paniniwala? Kung ang relihiyon ko ay galit sa mga rebulto ng mga Santo, wala bang karapatang umalma ang mga Katoliko kung maninira ako ng rebulto? Kung nakasisira sa kalikasan at nasasangkot sa mga kaso ng child labor ang pagmimina ng mga kristal na ginagamit ni Maxene, pababayaan mo na lang ba siya sa pangongolekta niya ng mga kristal?

Oo, may C-PTSD ka, pero kung ginagamit mo iyan bilang sandata para kalabanin ang Diyos at ang kanyang Simbahan, wala kaming pakealam sa C-PTSD mo. Hindi kailanman naging gamot sa C-PTSD (at sa anumang sakit sa pag-iisip) ang pagtalikod sa Cristianong Pananampalataya. Hindi dahilan ang C-PTSD para balewalain ang agham. Hindi batayan ang C-PTSD para patahimikin ang tinig ng katuwiran, at sa halip ay makinig sa kung ano mang walang katuturang pinagsasasabi ng "kaluluwa" mo. Kaya't kung meron man akong mensahe kay Maxene, ang masasabi ko na lang ay, "Magpasalamat ka dahil may mga tao pang nagmamalasakit na ituwid ka. Magpasalamat ka dahil hindi ka sinusukuan ng Diyos. At kung may natitira pang kahit kaunting pagka-Katoliko sa puso mo, magsisi ka na't sundin ang tunay na diwa ng 'Ama Namin' at 'Aba Ginoong Maria' na hanggang ngayo'y dinarasal mo pa rin, at mangumpisal ka na sa lalong madaling panahon. Magbalik-loob ka na sa Simbahang ipinakikilala ng Birheng nagpakita sa Fatima, Portugal, kung saan binasbasan ang mga rosaryo mo."5

"Ipangaral mo sana ang salita, maging masigasig ka sa kapanahunan at di man sa kapanahunan; sumaway, mangaral, magpayo nang buong tiyaga at aral. Sapagkat darating ang panahon na hindi na maaatim ng mga tao ang mabuting aral; sa halip, dala ng kanilang mga pithaya at sa pangangati ng kanilang mga tainga ay magbubunton sa kanilang sarili ng mga guro at itatalikod ang tainga sa katotohanan at ibabaling naman sa mga alamat."

2 TIMOTEO 4: 2-4

 


 

  1. Source: "Maxene Magalona practices yoga to heal and release 'past traumas'" [GMA News Online] [BUMALIK]
  2. "God is energy. God is love. And love is my religion. Therefore, God is my religion." — Sa ganitong mga pananalita, kung saan sadyang iniiwasan ang taguring "Cristiano" o "Katoliko" bilang pagkakakilanlan ng kanyang relihiyon, tahasang ipinahahayag ni Maxene ang kanyang pagkatalikod Sa Cristianong Pananampalataya. Sapagkat si Maxene ay isang binyagang Katoliko, maaari na siyang ituring na isang erehe (At posible pa ngang isang apostata, sapagkat ang pinaniniwalaan niyang "diyos" ay hindi na tumutugma sa mga pangunahing pagkakakilanlan ng Diyos.). [BUMALIK]
  3. "Post-traumatic stress disorder (PTSD) is a mental and behavioral disorder that can develop because of exposure to a traumatic event, such as sexual assault, warfare, traffic collisions, child abuse, domestic violence, or other threats on a person's life. Symptoms may include disturbing thoughts, feelings, or dreams related to the events, mental or physical distress to trauma-related cues, attempts to avoid trauma-related cues, alterations in the way a person thinks and feels, and an increase in the fight-or-flight response. These symptoms last for more than a month after the event . . . A person with PTSD is at a higher risk of suicide and intentional self-harm." (Source: Wikipedia) [BUMALIK]
  4. "There is no peer-reviewed scientific evidence that crystal healing has any effect; it is considered a pseudoscience. Alleged successes of crystal healing can be attributed to the placebo effect. Furthermore, there is no scientific basis for the concepts of chakras, being 'blocked', energy grids requiring grounding, or other such terms; they are widely understood to be nothing more than terms used by adherents to lend credibility to their practices. Energy, as a scientific term, is a very well-defined concept that is readily measurable and bears little resemblance to the esoteric concept of energy used by proponents of crystal healing." (Source: Wikipedia) [BUMALIK]
  5. "If people attend to my requests, Russia will be converted and the world will have peace. If not, she [Russia] will scatter her errors throughout the world, provoking wars and persecutions of the Church. The good will be martyred, the Holy Father will have much to suffer, and various nations will be destroyed.
    "In the end my Immaculate Heart will triumph. The Holy Father will consecrate Russia to me; it will be converted, and a certain period of peace will be granted to the world. In Portugal the dogmas of the Faith will always be kept."
    — Mensahe ng Mahal na Birhen ng Fatima, July 13, 1917. (Source: The Miracle Hunter)

    Anong "Church" ang tinutukoy niya, hindi ba't ang Simbahang Katolika? Sino ba ang "Holy Father", hindi ba't ang Santo Papa? Ano ba ang mga "dogmas of the Faith" na mananatili sa Portugal, hindi ba't ang Pananampalatayang Katolika? Conversion (pagsisisi sa kasalanan at paninindigan sa Cristianong Pananampalataya) hindi religious syncretism (paghahalu-halo ng mga paniniwala ng iba't ibang relihiyon) ang nagdudulot ng kapayapaan sa mundo! [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF