"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Lunes, Oktubre 31, 2022

Ang aking opinyon hinggil sa Halloween

Bilang isang Pilipinong Katoliko, ang pagdiriwang ng Undas1 ay karaniwang tungkol lamang sa dalawang pangunahing gawain: ➊ ang pagsisimba sa araw ng Todos Los Santos at Araw ng mga Patay, at ➋ ang pagdalaw sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay. Wala ka nang panahon sa mga kung anu-anong ipinauusong aktibidad na walang kinalaman sa dalawang ito, maliban na lang kung hindi ka Katoliko, o kung hindi ka pa namamatayan ng mahal sa buhay. Kaya nga't kadalasan, para lang maipagsiksikan sa kultura ng mga Pilipino ang mga kanluraning kaugalian ng Halloween gaya ng mga costume party at trick-or-treat, isinasagawa nila ang mga naturang aktibidad sa ibang mga petsa — kung minsa'y mga ilang araw bago ang mismong bisperas, at kung minsan nama'y sa mismong gabi na lamang ng ika-1 at ika-2 ng Nobyembre.


Photo by Steven Weeks on Unsplash

Wala namang makahulugang dahilan para magsabit ng mga dekorasyong nakakatakot. Wala namang makahulugang dahilan para magsuot ng mga kakaibang pananamit. Wala namang makahulugang dahilan para mamigay ng barya o kendi sa mga batang walang kamalay-malay na ang pagbating "Trick or Treat!", sa orihinal na diwa nito, ay isang pagbabanta ("Bigyan mo ako ng kendi o mamemerwisyo ako!").2 Walang makahulugang dahilan para isagawa ang mga ito, kaya't hindi ko maintindihan kung bakit naaatim ng marami na ito'y pagkaabalahan at pagkagastusan. Tila ba isa lamang itong malawakang katuwaang pambata — isang walang katuturang paglalaro na umiikot sa mga tema ng kamatayan, katatakutan, kababalaghan, at kung minsa'y ng garapalang pagpapapansin lang — na pilit ikinakapit sa mga banal na araw ng Todos Los Santos at Araw ng mga Patay. "Happy Halloween!" ang malimit na batian, bagama't literal na walang kinalaman sa bisperas ng araw ng mga banal (All Hallows' Eve) ang mga ginagawang "pagdiriwang." Isa lang talaga itong walang katuturang paglilibang na sa palagay ko'y kapata-patawad lamang sa panig ng mga batang walang muwang (1 Corinto 13: 11), at sa panig ng mga nakatatandang walang mapagtapunan ng sobra-sobrang pera at panahon nila (Mangangaral 8: 15).

Sa kabilang banda, marami pa rin ang di mapigilang pag-isipan ito nang sobrang sama. Sa kanilang pananaw, ang modernong Halloween ay walang iba kundi isang uri ng satanismo, na ang layunin ay dakilain ang mga demonyo, papanumbalikin ang mga paganong kaugalian at paniniwala, at lapastanganin ang mga Santo sa Langit at ang mga kaluluwa sa Purgatoryo. Subalit nakabatay lamang ito sa mababaw na panghuhusga, na pawang nakatuon lamang sa mga bagay na panlabas.3 Kesyo nakakita tayo ng isang batang may costume ng demonyo, iniisip agad natin na ang batang iyon ay masama, o nasa kapangyarihan ni Satanas, o may mga magulang na pabaya, imoral, tanga, at kung anu-ano pa. Umabot pa sa puntong ginawa na natin itong tagisan ng mga costume — na ang dapat daw ipasuot sa mga bata ay ang mga pananamit ng mga santo at santa.4 Ganyan na ba kababaw ang pananaw natin sa moral na katayuan ng isang tao: na nagiging "mabuti" o "masama" ka batay lang sa costume na suot mo?

Kung iisipin, may pinaghuhugutan naman ang mga naturang pagka-malisyoso. Kung titingnan sa kasaysayan, marami sa mga elemento ng moderno't sekular na pagdiriwang ng Halloween ay tila ba may pagkakahawig sa mga sinaunang paganong kaugalian, gaya ng Samhain ng mga Kelt at ng Lemuralia ng mga Romano. Tuwing Samhain (na ipinagdiriwang nang tatlong araw at gabi mula Oktubre 31), pinaniniwalaan ng mga Kelt na ang hangganan ng pisikal na mundo at espirituwal na mundo ay bahagyang nawawala, anupa't gumagala sa daigdig ang mga engkanto at kaluluwa ng mga yumao. Para daw hindi sila kunin o saktan ng mga ito, nagdadamit hayop o engkanto ang mga Kelt, at naglalagay din sila ng mga handog na pagkain sa mga pintuan ng kanilang bahay at/o sa mismong hapag-kainan. Ang Lemuralia naman (ginugunita tuwing Mayo 9, 11, at 13) ay mga araw ng paggunita sa mga kaluluwang ligaw (Lemures). Para pahinahunin ang mga ito at/o para hindi sila pumasok at mamalagi sa mga bahay na madadaanan nila, ang mga Romano'y nag-iiwan ng mga handog na pagkain at barya sa kanilang pintuan.

Hindi nga maikakaila ang mga halatang pagkakahawig, subalit may makasaysayan nga ba talagang pagkakaugnay? Hindi naman "katuwaan lang" ang Samhain at Lemuralia, kundi mga paniniwalang sineryoso ng mga sinaunang Kelt at Romano.5 Wala namang natatala sa kasaysayan na may mga kabataan noong panahong iyon na nagkukunwaring mga engkanto at masasamang espiritu, habang nagbabahay-bahay para makatanggap ng mga handog na pagkain at barya. Kung ako ang tatanungin, mas maiuugnay ko pa ang tradisyon ng trick-or-treat sa mga insidente ng panghoholdap at akyat-bahay, na kung saan karaniwan nang nagtatakip sa mukha ang mga kawatan (para di sila makilala at hindi mahuli ng mga otoridad), at pagbabantaan kang sasaktan o papatayin kapag di mo binigay ang gusto nilang kunin sa iyo. Para sa akin, ang mga kawatan ang tunay na "inspirasyon" ng pagko-costume at trick-or-treat (tingnan sa talababa #2), hindi ang mga engkanto at masasamang espiritu ng Samhain at Lemuralia.

Ngayon, ang tanong: Masama bang ipagdiwang ang Halloween? Kasalanan ba ang mga costume party, trick-or-treat, pagdedekorasyon ng mga nakakatakot, at kung anu-ano pang mga kalokohan at paglalaro? Kung mahahanapan mo ito ng makahulugang dahilan para ipagdiwang, marahil, masasabi nating hindi ito masama. Subalit kung sadya mo itong pag-aaksayahan ng pera, panahon, at pagod nang walang matinong dahilan, kung ginagamit mo lang na palusot ang Halloween para sa mga walang katuturang pagsasaya at pagpapapansin, sa palagay mo ba'y hindi ka nagkakasala?

"Kaya simula ngayon, habang nabubuhay pa kayo dito sa lupa, sundin nyo ang kalooban ng Diyos at wag ang mga pagnanasa ng katawan. Tama na yung time na sinayang nyo sa paggawa ng mga bagay na ginagawa ng mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Namuhay kayo sa kalaswaan, pagnanasa, paglalasing, sobrang pagpa-party at pag-iinuman, at nakakadiring pagsamba sa diyos-diyosan. Nagtataka sila ngayon kasi hindi na kayo nakikisama sa napakagulong pamumuhay nila, kaya binabastos nila kayo. Pero mananagot sila sa Diyos kasi sya ang magja-judge sa mga buháy at sa mga patay."

1 PETER 4: 2-5 (PVCE)

 


 

  1. Undas. Dati-rati'y "Undras", na sinasabing buhat sa salitang Espanyol na honra na ang kahuluga'y "paggalang". Ang Undas, kung gayon, ay ang pagbibigay-galang sa mga yumao — sa mga banal na yumaong nasa Langit (na ginugunita tuwing Todos Los Santos, ika-1 ng Nobyembre) at sa mga banal na yumaong nagdurusa pa sa Purgatoryo (na ginugunita tuwing Araw ng mga Patay, ika-2 ng Nobyembre). [BUMALIK]
  2. "In the 19th and early 20th centuries, young people often observed Halloween by perpetrating minor acts of vandalism, such as overturning sheds or breaking windows. Beginning in the 1930s, Halloween mischief gradually transformed into the modern ritual of trick-or-treating. Eventually, Halloween treats were plentiful while tricks became rare. Nonetheless, the tradition of Halloween pranks still survives. In some areas, October 30 (one day before Halloween) is called Mischief Night, and vandalism often reaches dangerous levels. In Detroit, Michigan, Mischief Night — known there as Devil's Night — provided the occasion for waves of arson that sometimes destroyed whole city blocks during the 1970s and 1980s." [Lanford, Brent. "Halloween." Microsoft Encarta 2009. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.] [BUMALIK]
  3. "Wag kayong humusga ayon sa panlabas lang, humusga kayo ayon sa kung ano ang tama." (John 7: 24 PVCE) [BUMALIK]
  4. Dahil lubhang nabaling ang atensyon ng marami sa pakikipagtagisan ng mga kasuotan, hindi na sumagi sa isip natin ang kakulangan sa sistema ng pagpapasuot sa mga bata ng kasuotan ng mga santo at santa. Ang Todos Los Santos ay araw ng paggunita sa lahat ng mga banal sa Langit, hindi lamang yaong mga kanonisado at beato (na may kanya-kanya nang araw na itinakda para sa paggunita sa kanila). Kung ang layunin ay gunitain ang lahat ng mga banal, hindi ba't ang mas naaangkop (at Biblikal) na costume ay simpleng puting damit lang habang may hawak na palaspas (Pahayag 7: 9)? Hindi ito sumasagi sa isip natin, palibhasa'y gusto lang talaga nating mag "fashion show" at mag picture taking sa halip na gunitain ang tunay na diwa ng Todos Los Santos. [BUMALIK]
  5. Kahit sa ating kapanahunan, ang Samhain ay patuloy na seryosong ginugunita ng mga modernong Druids at Wiccans. [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF