"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Atis: Isang Komentaryo

GENERAL REVISION: 8:15 PM 6/20/2024

Sa isang blog post noong August 24, 2020, nabanggit ko ang tungkol sa kaibigan kong ateista na sumulat ng "libro" niya sa Wattpad na pinamagatan niyang "Atis." Dahil tapos na daw niyang isulat ang naturang "libro," naisip kong sumapit na rin ang tamang panahon upang gawan ko ito ng isang pormal na komentaryo.

Ang lahat ng mga sasabihin ko rito ay pawang sariling opinyon ko lamang, at hindi ko itinatanghal bilang isang "Katolikong tugon" sa usapin ng ateismo. Gayon man, bilang Katoliko, siyempre, malaki ang impluwensya ng Katolikong Pananampalataya sa aking mga opinyon, kaya't masasabi pa ring isa itong "maka-Katolikong" komentaryo — isang komentaryong may halatang "pagkiling" sa Simbahang Katolika. May mga bahaging sasang-ayon ako kay Cortez, at may mga bahagi rin namang tututol ako sa mga sinasabi niya. Hindi ko sadyang ipagtatanggol ang Simbahan, at hindi ko rin naman sadyang tutuligsain ang mga opinyon ni Cortez. Sa abot ng aking makakaya, sinikap kong manatiling patas at makatotohanan sa kabuuan ng komentaryong ito, alang-alang sa diwa ng ekumenismo na itinuturo ng Second Vatican Council.


Napolee007, Sitapalam, edited using PhotoImpact 7.0 by McJeff F., CC BY-SA 4.0

  1. PART 1 - Babala at Paunang Paalala sa Mga Magbabasa [UPLOADED: 11:46 AM 3/21/2022]
  2. Prologo [UPLOADED: 8:26 PM 3/21/2022]
  3. Bakit Ako Atis? [UPLOADED: 9:04 AM 3/22/2022]
  4. Epigraph #1 [UPLOADED: 5:44 PM 3/22/2022]
  5. Respeto Nalang! [UPLOADED: 11:12 PM 3/25/2022]
  6. Epigraph #2 [UPLOADED: 11:11 PM 3/26/2022]
  7. God Is Good [UPLOADED: 2:07 AM 3/27/2022]
  8. Epigraph #3 [UPLOADED: 6:45 AM 3/28/2022]
  9. Kampon ni Satanas [UPLOADED: 1:34 AM 3/30/2022]
  10. Epigraph #4 [UPLOADED: 12:00 PM 3/31/2022]
  11. Bakla, Tomboy o Shokoy? [UPLOADED: 10:46 PM 4/2/2022]
  12. Epigraph #5 [UPLOADED: 5:07 PM 4/3/2022]
  13. Personal Experience [UPLOADED: 12:52 AM 4/5/2022]
  14. Epigraph #6 [UPLOADED: 9:30 PM 4/8/2022]
  15. Amen! [UPLOADED: 8:22 AM 4/10/2022]
  16. Epigraph #7 [UPLOADED: 10:00 PM 4/12/2022]
  17. Kapalaran [UPLOADED: 2:09 PM 4/13/2022]
  18. Epigraph #8 [UPLOADED: 5:18 PM 4/13/2022]
  19. Makabuluhang Panaginip Nga Ba? [UPLOADED: 10:04 PM 4/13/2022]
  20. Epigraph #9 [UPLOADED: 7:00 PM 4/14/2022]
  21. Supernatural Event? O Coincidence? [UPLOADED: 11:28 PM 5/14/2022]
  22. Epigraph #10 [UPLOADED: 5:38 PM 5/16/2022]
  23. Teorya at Unggoy [UPLOADED: 6:10 AM 5/30/2022]
  24. Epigraph #11 [UPLOADED: 2:06 PM 5/30/2022]
  25. Cherry Picking Tactics [UPLOADED: 10:23 PM 6/12/2022]
  26. Epigraph #12 [UPLOADED: 11:47 AM 7/1/2022 | REVISED: 8:15 AM 8/4/2022]
  27. Inconsistencies At Its Finest [UPLOADED: 8:58 PM 8/13/2022 (part I)]

 


 


PART 1 - Babala at Paunang Paalala sa Mga Magbabasa [BASAHIN]


Kung manipis ang balat mo, o madali kang ma-offend... Huwag mo nang ipagpatuloy ang iyong pagbabasa ng librong ito.
  • Bakit nga ba may mga taong madaling ma-offend? Kung iisipin, tao lang naman ang nakaka-offend sa kapwa tao. Wala namang iba pang elemento sa kalikasan na maaaring maka-offend sa iyo. Sino bang ma-ooffend sa lamok, sa langgam, sa lindol, sa bagyo, sa pagputok ng bulkan, o sa paglaganap ng isang virus? Parang wala naman. Maski ano pang kasamaan o trahedya ang mangyari sa buhay natin, maski ano pang nakakaistorbo o nakakairitang bagay ang maranasan natin sa mundong ibabaw, walang katuturang ma-offend. Oo, nakakaramdam tayo ng pagkainis, pagka-kunsume, pagka-balisa, atbp., pero wala tayong partikular na personang pinatutungkulan ng damdamin natin. Maaari sigurong ma-offend ka sa sitwasyon ("Buwisit na buhay 'to!"), o di kaya'y sa sarili mo ("Tatanga-tanga kasi ako!"), pero sa sandaling mahimasmasan ka, napagtatanto mong wala namang dapat kainisan, dahil sadya lang talagang nabubuhay tayo sa mundong hindi laging umaayon sa gusto nating mangyari.1

    Na-ooffend tayo sa kapwa tao natin dahil naniniwala tayong obligasyon ng tao na respetuhin ang kapwa niya tao. Ayaw mong masasabihan ka ng tanga, at tuwang-tuwa ka naman kapag napupuri kang matalino. Pero ano bang kahalagahan ng mga iyan? May tuwiran bang kinalaman sa buhay at kamatayan mo ang opinyon ng kapwa mo sa iyo? Mura-murahin mo man ako, sigawan mo man ako, pagsalitaan mo man ako ng mga kung anu-anong masasamang salita, kung hanggang diyan lang naman ang magagawa mo, walang dahilan para problemahin kita. Ituturing kitang isa lamang sa mga walang katuturang ingay sa kalikasan na pwede kong huwag pansinin, layuan, at patahimikin kung kinakailangan.

    Sa kabilang banda, sa buhay natin, natuto na tayong maging maingat. Alam nating ang mga pangit na opinyon laban sa atin, kapag napabayaan, ay humahantong sa aktuwal na pang-aapi, pananakit, pananamantala, at kung minsa'y pagpatay. Sa tuwing nakakaramdam tayo ng pagka-offend, hudyat na iyon para maging maingat sa isang nagbabadyang panganib. Sentido kumon na ang nagsasabi na hindi ka aanuhin ng mga taong may respeto sa iyo. Pero yung mga taong may ibang iniisip, yung mga taong ang tingin sa iyo ay mas mababa ka sa kanila, yung mga taong ang tingin sa iyo ay may mali o may pagkukulang ka, sila ang mga taong mas may posibilidad na panghimasukan ang buhay mo at gawan ka ng kung anu-ano.

    Kaya naman, sa tingin ko, kung madali kang ma-offend sa mga kung anu-anong bagay sa buhay mo, mas lalong dapat na hindi ka nagpapatay-malisya. Oo, hindi mo dapat sayangin ang oras mo na mainis sa mga bagay na wala namang tuwiran at agarang perwisyong naidudulot sa iyo, subalit makatuwirang paglaanan pa rin ng oras ang pag-iisip at pagtataya sa anumang di kaiga-igayang sitwasyon. Dapat mo ring tingnan kung ang mga bagay na nakaka-offend sa iyo ay maaaring magdulot ng totoong malalang problema kalaunan. Sa kaso ng librong ito ni Cortez, kung Cristiano ka at na-ooffend ka sa mismong konsepto ng isang librong nagtataguyod ng ateismo, hindi iyon katanggap-tanggap na dahilan para lubos mo na itong ipagwalang-bahala. Importanteng maging malinaw sa iyo kung mayroon ba itong problemang maaaring idulot sa iyo o wala, at hindi iyon mangyayari malibang basahin mo ang mga sinulat niya.

Kung ikaw naman ay kaanib alin man sa mga relihiyong mababanggit ko dito, Congratulations. Panahon na para magising ka sa katotohanan. At kung hindi man nabanggit ang relihiyon mo dito, Congrats! Safe ka.
  • Cliché nang isipin ng kahit sinong manunulat na ang mga sinulat niya ay may naiaambag sa pagtataguyod at pagpapalaganap ng katotohanan sa mundo. Kung Cristiano ka, natural lang na isipin mong mas mulat ka sa katotohanan kaysa sa mga di-Cristiano. Ganoon lang din sa panig ng mga ateista. Pare-pareho lang tayong bilib sa mga sarili natin. Nagkakaproblema lang naman kung sarili lang natin ang gusto nating pakinggan.
Sumang-ayon ka man sa mga isinulat ko dito, o dumagdag sa mga haters ko, o korning-korni sa mga jokes ko, pasalamat padin ako dahil itinuloy mo ang pagbabasa.
  • Isa ito sa mga pag-uugaling di dapat mawala sa kahit sinong manunulat: Ang marunong magpasalamat. Maliban siguro kung ikaw ang tipo ng tao na sadyang mahilig sa mga libro, para sa karaniwang tao, ang pagbabasa ng kahit na anong libro ay isang abala. Nakakapagod sa pakiramdam ang magbasa, kahit wala ka namang halos ginagawa kundi ang titigan lang ang mga tekstong nasa harap mo. At bukod sa nakakapagod, gumugugol ka rin ng mahabang oras para dito. Halimbawa, sa kaso ko, kailangan ko ng mga dalawa o tatlong araw para basahin nang buo ang isang librong may 200 na pahina.

    Subalit ang pagpapasalamat ay hindi lang dapat dinadaan sa literal at pahapyaw na pagpapasalamat. Dapat ay gumagawa ka rin ng paraan para maging madali ang pagbabasa sa mga sinulat mo. Kailangan nating iwaksi ang pantasyang may mga taong kusa at magiliw na magsisikap na basahin ang mga sinusulat natin, at agad-agad nilang maiintindihan ang anumang mga ipinupunto natin.

Hindi naman ako masyadong galit sa mga relihiyosong tao, ang tao kasi pwede pang magbago at magising sa kanilang dating kahibangan, gaya ko na dati ding bobo at lulong sa masamang bisyo, bisyong relihiyon.
  • Muli, pagdating sa usapin ng mga bagay na nakaka-offend o nakaka-galit, habang kapwa tao lang ang talagang nakapagdudulot sa atin ng damdaming ito, wala akong nakikitang matinong dahilan para maging malawak ang saklaw nito. Posible ba talagang magalit ka sa napakaraming tao? Hindi ko nakikita ang pangangailangang baguhin ang mundo, ni lunasan ang anumang inaakala kong "kabobohan" ng iba.2 Bakit? Dahil sa normal na buhay ng isang normal na tao, magagalit ka lang naman sa sandaling may lumapastangan sa "comfort zone" mo. Pero kung hindi ka naman aktuwal na nasasaktan, napeperwisyo, o nalalagay ang buhay sa panganib, hindi ba't walang matinong dahilan para magalit ka? Maging bobo man ang sangkatauhan, kung napaliligiran naman ako ng isang "pader" na pumipigil sa pagpasok ng anumang perwisyong dulot nila, bakit pa ako magagalit? Magpaka-bobo na sila hangga't gusto nila. Maghasik na sila ng perwisyo hangga't gusto nila. Pero magagalit lang ako kapag may nakapasok na sa "pader" ko. Oo, wari'y napaka-makasarili ng ganitong pananaw, subalit mas kapani-paniwala ito kaysa sa pag-aangkin ng isang indibiduwal na di-umano, mayroon siyang pangmalawakang pagkabalisa.
  • Kapag ba relihiyoso ka, ibig sabihin, nahihibang ka na rin? Hinggil sa usapin ng "kahibangan," mas pinagtutuunan ko ng pansin ang pakahulugang legal nito. Ayon sa website na LAW.COM,
    insanity. n. mental illness of such a severe nature that a person cannot distinguish fantasy from reality, cannot conduct her/his affairs due to psychosis, or is subject to uncontrollable impulsive behavior.

    Bilang isang Katolikong Cristiano, may kakayahan ba akong matukoy ang pagkakaiba ng pantasya at katotohanan? Nagagampanan ko ba ang mga karaniwang gawain at pananagutan ko sa lipunan? Mayroon ba akong mga pag-uugali o pagkilos na kusa at lagi kong ginagawa, at wala akong kontrol sa mga ito? Mangangailangan ng mahabang pagsusuri ng mga eksperto sa psychology at psychiatry para walang pagsalang matukoy kung talaga bang nababaliw na ako, kaya't hindi ko rito ipangangahas na patunayan ang sarili kong katinuan. Hayaan nating ang mga totoong dalubhasa ang humatol sa estado ng aking pag-iisip.

    Subalit alinsunod sa pamantayan ni Cortez, sapat na daw ang pagiging "relihiyosong tao" ko para masabing "nahihibang" ako. Siyempre, nakayayamot na nasasabihan kang "hibang" batay sa isang mababaw at sablay na pamantayan. Hindi ito kakatigan sa alinmang korte, ni sa alinmang lehitimong pamayanang siyentipiko. Subalit muli, ano bang kahalagahan sa buhay ko ng opinyon ni Cortez? Gaano ba kaimportante sa akin na ituring niya akong "matino?" Hangga't walang panganib o pakinabang na dulot sa buhay ko ang isang gaya ni Cortez, wala ring dahilan para seryosohin ko ang opinyon niya hinggil sa estado ng aking pag-iisip.

  • Sinasabi ni Cortez na dati rin siyang "bobo" at nalulong sa "masamang bisyo" ng relihiyon. Muli cliché na ang mga ganitong pananalita. Karaniwan lang na isipin ng isang tao na tama ang ginawa niyang pagtalikod sa mga dating paniniwala at paguugali. Hindi sumasagi sa isip natin ang posibilidad ng isang panibagong "pagka-gising" kung saan mapagtatanto mong nagkamali ka pala ng tinalikuran, o kulang pa pala ang mga tinalikuran mo, o akala mo lang pala ay tumalikod ka na pero hawak ka pa rin sa leeg ng mga tinalikuran mo, atbp. Bilib na bilib tayo sa mga sarili nating desisyon. (overconfidence effect)
Minsan, pinipilit kong intindihin ang takbo ng kanilang isip sa kabila ng panglalason sa kanila ng mga preachers ng kanilang mga relihiyon.
  • Sa paanong paraan niya kaya "iniintindi" ang takbo ng isip ng mga relihiyosong tao? Bilang isang Katolikong Cristiano, kailan ko ba masasabi kung ang isang taong tumutuligsa sa aking relihiyon ay "pinipilit" akong "intindihin?" Sa puntong ito (dahil nakatuon pa lamang ako sa bahaging ito ng libro niya), masasabi kong iniintindi mo ako kung kaakibat ng pagturing mo sa akin na "nahihibang" ay ipaliliwanag mo rin naman, punto por punto, sa kung paano ako napabilang sa siyentipiko at legal na klasipikasyon ng pagiging hibang. Linawin mo kung bakit "katinuan" ang ateismo at "kahibangan" ang pagiging relihiyoso.

    Sa panig ng Simbahang Katolika, "pinipilit" din ba niyang "intindihin" ang panig ng mga ateista? Mukhang oo, batay sa mga katuruan ng Vatican II. Positibo at maunawain ang tono ng pananalita ng Simbahan sa dokumentong Gaudium Et Spes:

    "Atheism must be accounted among the most serious problems of this age, and is deserving of closer examination." (19)

    "In her loyal devotion to God and men, the Church has already repudiated and cannot cease repudiating, sorrowfully but as firmly as possible, those poisonous doctrines and actions which contradict reason and the common experience of humanity, and dethrone man from his native excellence. Still, she strives to detect in the atheistic mind the hidden causes for the denial of God; conscious of how weighty are the questions which atheism raises, and motivated by love for all men, she believes these questions ought to be examined seriously and more profoundly." (21)

    "While rejecting atheism, root and branch, the Church sincerely professes that all men, believers and unbelievers alike, ought to work for the rightful betterment of this world in which all alike live; such an ideal cannot be realized, however, apart from sincere and prudent dialogue. Hence the Church protests against the distinction which some state authorities make between believers and unbelievers, with prejudice to the fundamental rights of the human person. The Church calls for the active liberty of believers to build up in this world God's temple too. She courteously invites atheists to examine the Gospel of Christ with an open mind." (21)

  • Kung ako ang tatanungin, ang wastong "pagintindi" sa panig ng iba ay ang pakikinig nang walang panghuhusga at walang tangkang panghihikayat na talikuran ang panig nila. Oo, mahalaga ang panghihikayat na talikuran ang mali, subalit isa itong hiwalay na proseso sa mismong proseso ng pagtataguyod ng pagkakaunawaan. Pag-aralan mo ang kanilang mga sinasabi. Ikumpara mo ito sa sarili mong paniniwala. Sumangguni ka sa mga eksperto. Dapat ay maging malinaw sa iyo sa kung paano ba sila naging "tama" o "mali" batay sa pamantayan mo, at sa kung paano ka naman naging "tama" o "mali" sa pamantayan nila.
Ako ay nababahala sa sistema ng relihiyon at kung paano ito nakakaapekto hindi lang sa mga tao sa ating paligid kundi pati ng naidudulot ng kanilang paniniwala at kasamaan sa buong mundo. Kung tutuusin, hindi ko maitatawag na ateista ang aking sarili kundi isang anti-religion dahil naniniwala akong ang relihiyon ang ugat ng lahat ng kasamaan sa mundo. Mas mapayapa ang mundo kung walang siraulong nag-imbento nito. Pero dahil hindi ko kukumbinsihin ang kasamaan ng relihiyon, at hangga't nakakaapekto sa karapatan ng bawat tao ang sistema nito, hindi ako titigil sa pangbabatikos sa mga manlolokong ito.
  • Marami akong tanong sa bahaging ito. Anong eksaktong "sistema ng relihiyon" ang tinutukoy niya? Sa paanong paraan nagdudulot ng kasamaan sa mundo ang mga naturang sistema? At kailan nga ba nagiging "mabuti" o "masama" ang isang bagay? Posible ba talagang matukoy ng isang indibiduwal ang "ugat" ng lahat ng kasamaan sa mundo? Maaari ba nating ilista ang lahat ng mga "kasamaan" na ito, siyasatin sila, at walang pag-aalinlangang isisi sa relihiyon ang kanilang pag-iral?
  • Naisip ko lang: Yung ituring akong "nahihibang" batay lang sa aking pagiging relihiyosong tao, sa halip na batay sa pamantayan ng agham, mabuti ba iyon o masama? At kung masama, "nababahala" rin kaya si Cortez sa gayong di makatarungan at di makatotohanang panghuhusga sa kapwa?
  • Naisip ko lang din: Bilang isang Katolikong Cristiano, anu-ano na bang mga kasamaan ang naidulot ko sa mundo? Anu-ano na bang mga perwisyo ang naidulot ko sa aking pamilya, sa aking mga kaibigan, sa kapaligiran, o kahit kay Cortez mismo — mangyaring naging magkatrabaho kami nang mahigit dalawang taon? Ilang buhay na ba ang winasak ko nang dahil sa aking Katolikong Pananampalataya?
  • Tama naman na mabahala tayo sa kasamaan. At hindi rin naman maaaring sabihin na walang ginagawang masama ang anumang relihiyon, kahit pa ang Cristianismo. Batid ng Simbahang Katolika ang sentimyento ni Cortez, at ito'y binabanggit din sa mga katuruan ng Vatican II:
    "Moreover, atheism results not rarely from a violent protest against the evil in this world, or from the absolute character with which certain human values are unduly invested, and which thereby already accords them the stature of God. Modern civilization itself often complicates the approach to God not for any essential reason but because it is so heavily engrossed in earthly affairs." (Gaudium et Spes, 19)

    "Believers can have more than a little to do with the birth of atheism. To the extent that they neglect their own training in the faith, or teach erroneous doctrine, or are deficient in their religious, moral or social life, they must be said to conceal rather than reveal the authentic face of God and religion." (Gaudium et Spes, 19)

    Ang tanong ay kung ano ba ang naguudyok sa isang tao na "mabahala" sa kasamaan sa mundo. Bakit mo nga ba ito pinoproblema? Ang pagdurusa at kamatayan ay mga pangkalahatang karanasang hindi matatakasan ninuman. Magpakabuti ka man o magpakasama, hindi mawawala ang pagdurusa at kamatayan sa mundo.3 Ano bang inaasahan mong mangyari sa sandaling "mabunot" mo ang ugat ng lahat ng kasamaan, gayong hindi mo naman magagawang lunasan ang sariling pagdurusa at kamatayan? Maging sa panig nga ng mga hayop ay may patayan, nakawan, panggagahasa, pananakop, pang-aalipin, panlilinlang, atbp., subalit wala naman silang "relihiyon" na pinag-uugatan ng mga mararahas, malulupit, at mapaminsalang pagkilos nila. At wala rin naman tayong mapapala kung pakealaman man natin ang sistema ng buhay ng mga hayop para sawatahin ang mga kasamaang "likas" na sa kanila, at pilitin silang mamuhay ayon sa pamantayan ng pantaong pagpapakabait.

    Sa totoo lang, kung walang Diyos at kinukunsume ko ang sarili ko sa pambabatikos sa mga inaakala kong "kasamaan" at sa pagtataguyod ng mga inaakala kong "kabutihan," hindi ko na dapat lokohin ang sarili ko na may kung anong makahulugang adhikain akong ipinaglalaban sa buhay. Tungkol lang talaga ito sa "comfort zone" ko. "Mabuti" ang anumang pabor sa sarili kong mundo, at "masama" ang anumang lumalapastangan sa sarili kong mundo. May pakealam lang talaga ako sa sarili kong mundo. Ako ang sukatan ng tama at mali. Ako ang tunay na pamantayan ng moralidad. Ako ang "Diyos" sa sarili kong mundo — isang mundong hindi ko rin naman lubos na kontrolado, isang mundong hindi kailanman mawawalan ng pagdurusa at kamatayan. Pero dahil ito lang ang meron ako, poprotektahan ko ang "mundong" ito. At lahat kayong lumalapastangan sa "mundong" ito, galit ako sa inyong lahat.

    Sa kabilang banda, sa panig ko bilang isang Katolikong Cristiano, hindi hadlang ang pagdurusa at kamatayan para magsumikap akong gawin ang pinaniniwalaan kong tama at itaguyod ang pinaniniwalaan kong mabuting pamumuhay. Bakit? Dahil ang Diyos na sinasamba ko ang siyang panginoon ng buhay at kamatayan, at siya'y isang mapagmahal na Diyos, at inuutusan niya akong magmahal ng kapwa gaya ng sarili. Ang Diyos na ito ay makatarungan na nagtakda ng hangganan ng buhay ng tao, at hahatulan ang lahat batay sa mga ginawa ng mga ito nang sila'y nabubuhay pa: Langit para sa mga nanindigan sa panig ng kabutihan, at impyerno sa kanila na nanindigan sa panig ng kasamaan. Ibig sabihin, may katuturan ang pakikibaka ko sa kasamaan. Hindi suntok sa hangin ang mga pagsusumikap ko. Kahit ano pang problema ang dumating sa buhay ko, may pag-asa akong mapanghahawakan.

Ang huli kong maipapayo ay magtabi kayo ng banal na aklat o bibliya sa inyong pagbabasa nito bilang kaugnayan o katibayan na puro ito kalokohan.
  • Mahabang libro ang Biblia, binubuo ng iba't ibang uri ng panitikan, sinulat ng iba't ibang tao mula sa iba't ibang panahon. Sinumang tao na magsasabing ito'y "puro kalokohan" ay dapat magbigay ng listahan ng mga naturang kalokohan, kaakibat ng paliwanag sa kung paano sila naging "kalokohan." Maaasahan ba natin ang gayon sa pagbabasa ng libro ni Cortez? Maituturing ba si Cortez na isang literary critic ng Biblia?4

[UMAKYAT]



Labing anim na taon gulang ako noon nang magumpisa akong maging relihiyosong tao. Mula sa pagiging katoliko ay nagconvert ako at nabautismuhan ako sa Iglesia ni Cristo.... Makalipas ang ilang taon kong pag-aaksaya ng panahon at pera sa Iglesia ni Cristo, hindi pa nakontento ang katangahan ko at sinubukan ko pang mag Born Again.
  • Dating Katoliko daw si Cortez. Hindi malinaw kung ang pagtalikod niya sa Katolikong Pananampalataya ay nangyari din sa edad na 16. Hindi malinaw kung anu-ano ba ang mga dahilan ng pagkatalikod niya. Subalit ang pag-anib niya sa sektang Iglesia ni Cristo ay nagpapahiwatig na noong mga panahong iyon, tinanggap na rin niya nang walang pag-aalinlangan ang lahat ng mga karaniwang paninira ng Iglesia ni Cristo sa Simbahang Katolika. Marahil, kabilang noon si Cortez sa mga naniniwalang sumasamba tayo sa mga rebulto, kay Maria, at sa iba pang mga Santo at Santa; na nagiimbento tayo ng mga tradisyon na salungat sa Biblia, na ang Santo Papa ang anti-Cristo, na ang Crusades at Inquisition ay mga malulupit na aktibidad na isinagawa para sapilitang ipatanggap ang Katolikong relihiyon sa sangkatauhan, at kung anu-ano pang anti-Katolikong paninira. Ang iniisip ko lang: Nang mapagtanto niyang mali pala ang Iglesia ni Cristo, sumagi rin ba sa isip niyang magbalik-aral sa mga totoong aral at kasaysayan ng Katolikong relihiyon? Mukhang hindi, dahil matapos madismaya sa sekta ni Manalo ay sa Born Again naman siya lumipat.
Sa kanila naman, parang 3 in 1 si diyos. Diyos Ama na, naging anak at espiritu santo pa. Iisa lang sila pero tatlo daw ang katangian. Holy Trinity ang tawag nila dito.
  • Ito daw ang aral ng Santisima Trinidad na natutunan niya sa mga Born Again. Hindi ba niya naalalang itinuro ito sa kanya noong Katoliko pa siya? Hindi ito aral na orihinal sa mga Born Again; bagkus doktrinang Katoliko ito na minana lamang ng mga Born Again.5

    Iniisip ko kung naaangkop pa bang ipaliwanag ko sa bahaging ito ang buod ng doktrina ng Santisima Trinidad. Iniisip ko rin kung hanggang saan ba ang mga natutunan ni Cortez hinggil sa doktrinang ito. Iniisip ko kung hanggang saan ba umabot ang kanyang "pagpipilit" na "intindihin" ang "takbo ng isip" ng mga di-umano'y nagimbento ng doktrinang ito. Siguro, makukuntento na lang muna ako sa pagsasabing sa pamantayan ng pilosopiya at kahit pa ng agham, posibleng magkaroon ng "marami" pero totoong "iisa." May matinong paliwanag sa doktrina ng Santisima Trinidad, pero kung ipaliliwanag mo ito sa paraang katawa-tawa, mali, at kulang-kulang, hindi ba't nagiging kaso na yan ng strawman fallacy?

Bawal ang kumain ng dugo, bawal ang pagsama sa mga kapistahan, pag-sayaw... Bawal ang pakikipag-relasyon sa hindi kapatid... Isipin mo yun? Pati ang pag-iibigan ng dalawang tao pinakekealaman ng relihiyon? .... Bawal din ang dugo, bawal bumoto sa eleksyon at bawal manumpa sa watawat o sumabay sa pagkanta ng pambansang awit ng pilipinas... Ipinagbabawal ang mag donate ng dugo dahil katumbas daw nito ay ang pagkain nadin ng dugo.... Mas pipiliin nilang mawalan ng hanapbuhay kaysa magtrabaho sa araw ng sabado, bawal maglaba, magluto, magwalis etc... Bawal din sa kanila ang pagkain ng karne ng baboy o hayop na split hoof o biyak ang paa, at ilang pagkain sa dagat na walang kaliskis gaya ng hito, hipon at pusit...
  • Naglitanya si Cortez ng mga sari-saring "ipinagbabawal" ng mga relihiyong pinanggalingan niya (magmula sa Iglesia ni Cristo, Saksi ni Jehova, at Seventh Day Adventist). Sumagi rin kaya sa isip niya na ni isa sa mga "bawal" na ito ay hindi kailanman itinuro sa Simbahang Katolika? Sa dami ng mga relihiyon sa mundo, iniisip ba niyang lahat sila'y may mga katulad na kakatwa at di makatwirang mga pagbabawal? Mukhang hindi, dahil tila ba nabura na sa alaala niya ang Katolikong relihiyon, liban sa alaalang minsan siyang naging Katoliko bago siya nahumaling sa iba't ibang mga sekta.
  • Sa kabilang banda, alang-alang sa pagiging patas, nais kong marinig ang panig ng mga sektang ito. Ano bang basehan ng mga naturang pagbabawal? At talaga nga bang itinuturo nila na maaari itong maging batayan ng walang hanggang kaligtasan o walang hanggang kapahamakan ng isang tao? Sa kasamaang palad, walang ibinahaging reperensya si Cortez. Hindi niya inilahad nang maayos ang panig ng mga relihiyong kinaiinisan niya. Iniisip ko kung "pinilit" din ba niyang "intindihin" ang "takbo ng isip" nila, at ito ang naging resulta.
Isa lang ang nakikita ko sa relihiyon. Kapangyarihan... kapangyarihang makontrol ang mga tao.
  • Nakita rin kaya ni Cortez kung paano halos lipulin ng mga Romano ang mga Judio sa Jerusalem noong 70 AD? Nakita rin ba niya kung ano ang sinapit ni Pope Pius VI sa kamay ni Napoleon Bonaparte? Batid ba niya ang sitwasyon ng mga Cristiano sa North Korea? Marami kang pwedeng "makita" sa relihiyon, at oo, kabilang sa mga maaari mong "makita" ay ang pananamantala at pang-aabuso sa kapangyarihan. Subalit sa mga halimbawang nabanggit, hindi naman "kapangyarihan" ang nakikita ko kundi kahinaan.
  • Iniisip ko: Bilang ako'y isang Katolikong Cristiano, ang tingin ba ni Cortez sa akin ay naghahangad ako ng kapangyarihang kontrolin siya? O iniisip din ba niyang may kapangyarihang kumokontrol sa akin? Wala pa naman akong nararanasan na may isang kinatawan ng Simbahang Katolika na pumunta sa bahay namin para maningil ng handog, siyasatin kung "sumasampalataya" pa ba kami, pilitin kaming mangumpisal, at kung anu-ano pang anyo ng pang-aalipin.
  • Isa pang iniisip ko: Kung papasok ako sa seminaryo at magpapari ako, naging pari ako, naging obispo ako, naging kardenal ako, at kalauna'y nahalal akong Santo Papa, anupa't anumang "kapangyarihan" mayroon ang Simbahang Katolika ay hawak ko na. Iyon ba ang pinaka-punto kung bakit ako pumasok ng seminaryo sa simula pa lang? At bakit ibibigay sa akin ang "kapangyarihan" ng Simbahan? Sino ba ako? Sa palagay ko, mas kapani-paniwala lang ang akusasyon ng "kapangyarihan" kung may iisang pamilya o angkan na kumokontrol sa isang relihiyon. Pero sa kaso ng Simbahang Katolika, sino ba ang totoong benepisyaryo ng kapangyarihan niya? Mayroon bang makapangyarihang pamilya na totoong may-ari ng Simbahang Katolika?
  • "Then he sat down, called the Twelve, and said to them, 'If anyone wishes to be first, he shall be the last of all and the servant of all.'" (Mark 9:35 NABRE) — Hindi ko alam kung ano ang nakikita rito ni Cortez, subalit kung ako ang tatanungin, wala akong nakikitang "mapangmaniobrang kapangyarihan" sa katuruang ito ng Panginoong Jesus.
Makapangyarihan nga ang relihiyon at higit sa lahat, mapera. Walang binabayarang tax. Best networking. Power!
  • Karaniwan na sa halos lahat ng mga anti-Katoliko at ateista na sabihing pera-pera lang ang relihiyon. Pero kung iisipin, karaniwan din naman sa kahit sinong tao na sabihing pera-pera lang ang lahat ng mga institusyong hindi niya gusto. Kung sa pamantayan ko ay hindi karapat-dapat gastusan si X, ibig sabihin, pera-pera lang si X. Hangga't nananatiling "mali" sa pananaw ni Cortez ang lahat ng mga relihiyon, wala rin namang kahit na anong paliwanag hinggil sa pananalapi ng Simbahan na magiging katanggap-tanggap sa kanya.
  • Sa kabilang banda, sa panig ko naman, kung nais kong akusahan si X ng pagiging pera-pera, di nararapat na malibre sa amilyar, "networking" lang, at kung anu-ano pa, hindi ba dapat may batayan ang pagrereklamo ko? Kailangan kong magsagawa ng isang aktuwal na audit. May hawak ba akong mga dokumento? Mga financial reports? Naiintindihan ko ba ang mga gastusin ni X? O humahatol lang ba ako batay lang sa mga personal na nakikita ko, nababalitaan ko, o napapantasya ko? Isa lang ang malinaw sa akin: Wala ako sa posisyon para panghimasukan at husgahan ang pananalapi ng iba. Kulang ako sa impormasyon, kulang ako sa karapatang legal, at sa totoo lang, wala talaga akong pakealam. Kung may mga tao o institusyon sa paligid ko na nagpapasasa sa pera, ano namang kabuluhan noon gayong mamamatay din naman sila? Hindi naman nila "madadala sa hukay" yan, ika nga. At ako naman, sariling pera ko lang ang dapat pinoproblema ko.
Ibang klase din ang inoofer nilang produkto sa pagsunod sa kanilang mga relihiyon. Buhay na walang hanggan, wala nang pag-iyak, wala nang kalungkutan, walang kapighatian. Naiisip ko palang parang ang boring ng ganoong buhay. Walang emosyon. Parang ang gantimpala nila ay sakit sa pagiisip. Patawa-tawa kalang habang nanonood ng mga nagluluksa sa hell, tapos bigla kayo luluhod pag daan ng diyos. Ngiti-ngiti tapos salita magisa, sabay suntok pag si satanas ang dumaan. Iyan naba yung gantimpala ko sa matagal kong sinayang na panahon sa pagsunod sa relihiyon nyo? ... Ang imaginary friend na mapagmahal at makapangyarihan ooferan ka ng isang produkto na imaginary heaven, pag di mo tinanggap, doon ka sa imaginary hell.
  • Hindi ko alam kung ito nga ba talaga ang "gantimpala" na itinuturo ng Iglesia ni Cristo, Born Again, Saksi ni Jehova, at Seventh Day Adventist. Ito lang ang alam ko: Isa nanaman itong kaso ng strawman fallacy. Dahil sa totoo lang, kahit sa Katolikong pananaw, nakapangingilabot ang ganyang klase ng "gantimpala." Sa totoo lang, mas matino at mas mabuti pa ang Katolikong impyerno kaysa sa katarantaduhang "langit" na yan! Sang-ayon ako sa pananaw ni Cortez na iyan ay talagang maihahalintulad sa sakit sa pag-iisip.

    Sa kabilang banda, maituturing bang "walang emosyon" kung wala nang dahilan para malungkot at mamighati ka? Kalungkutan at kapighatian ba ang nagpapasaya sa buhay ng tao? Nababagot ba si Cortez kapag hindi siya malungkot?

[UMAKYAT]


Bakit Ako Atis? [BASAHIN]


"Bakit ka atheist? Hindi mo ba nararamdaman ang kapangyarihan ng diyos araw-araw? Yung mga blessing niya? At mga nilikha niya?" — Sa totoo lang hindi talaga. Mas ramdam ko ang siyensiya araw-araw.
  • Natawa ako nang sobra sa binanggit na ito ni Cortez. Bakit nga ba may mga Cristianong isinasangkalan ang "pakiramdam" bilang batayan ng paniniwala sa Diyos? Ang limang pandamdam ng tao ay nakatatalastas lang ng mga bagay sa pisikal na mundo at sa napaka-limitadong kaparaanan. Kung sinasabi mong "naramdaman" mo ang Diyos, parang sinabi mo na rin na ang Diyos ay isang katotohanang pisikal na napapaloob sa saklaw ng mga limitado mong pandamdam. Sa katunayan, kahit ano pang kagimbal-gimbal na milagro ang masaksihan ng tao, hindi iyon maituturing na katibayan ng Diyos. Bakit? Dahil imposible namang "masaksihan" ang mga katangian ng walang hanggang kapangyarihan (omnipotence) [dahil kakailanganin mo ng isang walang hanggang panukat ng kapangyarihan], sumasalahat na presensya (omnipresence) [dahil kakailanganin mong maging sumasalahat din ng lugar para matiyak na "naroon" nga talaga ang Diyos sa lahat ng lugar], at kung anu-ano pang sinasabing "pagka-perpekto" ng Diyos.
  • Ang tanong ay kung ano bang mga maaaring ipinahihiwatig ng "nararamdaman" mo. Kung may nakikita akong pumapailanlang na usok, kalabisan bang maghaka-haka ako na may nasusunog? Kung nahihilo ako o sumasakit ang ulo ko, masyado lang ba akong paranoid kung iisipin kong baka tumataas nanaman ang blood pressure ko nang higit sa normal? Kung sa paglalakad ko ay makakita ako ng grupo ng mga taong nagsisigawan at nagtatakbuhan papalayo, tatahakin ko pa rin ba ang direksyong pinanggalingan nila? Maraming makatotohanang konklusyon na maaaring marating ang tao sa bisa ng mga simpleng obserbasyon, mga konklusyong hindi agad saklaw ng mga pandamdam pero may posibilidad na maging tama.

    Siyempre, kalabisan namang isipin na kesyo may napulot akong sanlibong piso sa daan ay maituturing ko na iyon na "blessing." Anong malay ko kung nahulog pala iyon sa bag ng isang snatcher habang tumatakbo siya papalayo mula sa biktima niyang pinagsasaksak niya nang sampung beses? "Blessing" pa rin ba yon? Maaari akong makaramdam ng kakaibang sigla at saya at linaw ng pag-iisip sa simpleng pag-inom ng matapang na kape sa umaga — kapeng wala akong kamalay-malay ay buhat pala sa isang kumpanyang inaapi ang mga empleyado, nangmamaltrato ng mga hayop, at nakikipag-transaksyon sa mga makapangyarihang sindikato ng pornograpiya, prostitusyon, at ilegal na droga. Tama pa rin bang sabihin na "kapangyarihan" iyon ng Diyos na nagbibigay sa akin ng lakas na harapin ang bagong umaga?

  • Ano kayang ibig sabihin ni Cortez sa "mas ramdam" niya ang siyensiya araw-araw? Ginawa niyang halimbawa ang wifi, kaakibat ng birong, "Naputulan na ata tayo! Hindi ko na siya masagap gaya ng diyos!" Mismong sa panig ng siyensya ay may mga konklusyong imposibleng "maramdaman" (alalaong-baga'y masaklaw ng obserbasyon) gaya ng dark matter, dark energy, quantum superposition, atbp. Sa aking mismong sariling katawan, hindi ko naman "ramdam" ang lahat ng bahagi ko. Ano bang malay ko kung ano ang totoong hitsura ng bunbunan ko, gayong imposible ko itong makita nang derekta? Sa pagtalastas natin ng mga bagay na itinuturing nating "totoo," magkakasamang ginagamit ang mga pandamdam, katuwiran, at paniniwala — paniniwalang nabubuhay ako sa isang mundong maaaring maunawaan, tuklasin, pag-aralan. Kung ayaw natin sa salitang "paniniwala," eh di tawagin natin itong postulate o axiom.6 Ang punto ko? Kung naniniwala ako sa Diyos, hindi ito dahil sa pakiramdam lang o sa pangangatuwiran lang o sa pananampalataya lang. Isa itong konklusyong pinag-isipang mabuti.
"Everything happens for a reason. May plano ang diyos sayo kaya ka nagkakaganyan." — Talaga? Anong klaseng plano? Plano niya din bang magpatiwakal ang tao? Pag sinuntok ba kita sa mukha at sinabi kong it happen for a reason, magagalit ka?
  • Isa ito sa mga cliché na pampalubag-loob ng maraming Cristiano bilang tugon sa kumplikadong usapin ng pag-iral ng kasamaan sa mundo. Sa kabilang banda, isa itong di maiiwasang konklusyon kung talagang naniniwala kang nilikha ng Diyos ang lahat, anupa't sa mga tanong ni Cortez, malinaw ang sagot. Plano ba ng Diyos na magpatiwakal ang mga taong nagpatiwakal? Oo, kasama iyon sa plano niya. Plano ba ng Diyos na suntukin mo ako sa mukha? Oo, kasama iyon sa plano niya. Lahat ng karumal-dumal na krimen na nangyari, nangyayari, at mangyayari pa lang — lahat ng iyan ay nasa plano ng Diyos. Lahat ng posibleng kunsumisyon, kawalang-katarungan, pagdurusa, atbp. — lahat yan ay kasama sa mga plano niya. Ang paglitaw ng ateismo, kasama yan sa plano ng Diyos. Yung pagtatanong mo at pagrereklamo hinggil sa plano niya, kasama pa rin iyon sa plano ng Diyos. Kung talagang may Diyos at siya ang lumikha sa lahat ng bagay na umiiral, hindi pwedeng mangyari na may mga bagay at pangyayari sa sanlibutang ito na hindi kasama sa mga plano niya.
  • Sa palagay ko, sa tuwing nauungkat ang paksang ito ng mga ateista, hindi nakatutulong ang anumang uri ng pagmamatuwid at pagpapaliwanag sa inaakalang "plano" ng Diyos para sa isang tao. Ang tanging mahalaga rito ay magkaliwanagan sa kung totoo nga ba talagang may Diyos. Dahil kung totoong may Diyos, walang kailangang pagtalunan hinggil sa "plano" niya. Kung totoong may Diyos, wala ka nang magagawa para baguhin, sawatahin, o takasan ang mga plano niya. [Sa bahaging "KUNG SI D AY ANG DIYOS" ng sanaysay kong "Totoo bang may Diyos?" tinalakay ko nang mas detalyado ang paksang ito, bagama't kakailanganing basahin ang buong sanaysay para maunawaan ang punto ng aking mga ginawang pangangatuwiran.]
"Huwag mong sisihin ang diyos sa mga naranasan mo." — Sige kay satanas nalang natin isisi. Tutal hilig niyong iparatang kay satanas lahat ng masamang nangyayari sa mundo kahit ang diyos ang sinasabi niyong makapangyarihan sa mundo. Punyeta.
  • Hindi ko alam kung sinong nagmamagaling na Cristiano ang nagsabi nang gayon kay Cortez. Hindi masamang "sisihin" ang Diyos sa mga problema mo dahil mismong si Job ay ginawa iyon:
    "He took a potsherd to scrape himself, as he sat among the ashes. Then his wife said to him, 'Are you still holding to your innocence? Curse God and die!'' But he said to her, 'You speak as foolish women do. We accept good things from God; should we not accept evil?' Through all this, Job did not sin in what he said." (Job 2: 8-10 NABRE)

    Hindi nagkasala si Job sa paninindigan niyang sa Diyos nanggaling ang mga problemang dumating sa buhay niya. Wala nga naman kasing pwedeng panggalingan pa ang kahit ano. Kung ang Diyos ang Unang Sanhi ng lahat ng bagay na umiiral, ibig sabihin, siya din ang sanhi ng lahat ng mga kunsumisyon, trahedya, problema, atbp. At hindi makatuwirang isumpa ang Diyos nang dahil dito (gaya ng mungkahi ng asawa ni Job) dahil tao ka lang. Sino ka ba para maging obligado ang Diyos na puro mabubuting bagay lang ang dapat niyang ibigay sa iyo? Sino ka ba na dapat asikasuhin ng Diyos, ikaw na nilikhang buhat sa kawalan at walang angking halaga, liban sa halagang sa Diyos din naman nanggaling?

    Siyempre, isa itong konseptong mahirap masikmura ng mga ateista dahil pumapasok na ito sa paksa ng buhay-espirituwal. Maraming natutuwang pagtalunan ang mga doktrina, pero unti-unti nang nababagot kapag pagsasabuhay na ng pananampalataya ang pinag-uusapan. Dahil halata naman kung saang "kadramahan" papunta ito. Kung isa akong nilalang na walang halaga, at sa kabila nito'y minarapat pa rin akong pairalin ng Diyos at bigyan ng mga mabubuting bagay, hindi ba't nagpapahiwatig ito na may pakealam sa akin ang Diyos — na mahal talaga niya ako? At kung pinadadalhan niya ako ng mga problema, hindi ko makuhang magreklamo dahil batid ko sa puso ko na may mapagmahal na dahilan ang lahat ng ito. Hiling ko na lang, gaya ni Job, na ➊ ipaliwanag ng Diyos ang dahilang iyon, o di kaya'y ➋ huwag na niyang patagalin ang paghihirap ko, tutal lahat naman ng tao ay mamamatay.

Libu-libong mga inosenteng tao at kabataan ngayon ang namamatay dahil sa gutom at matitinding sakit, namomolestiya, inaabuso at iba't iba pang anyo ng kasamaan at paghihirap sa mundo. Kung hindi alam ng diyos ang mga bagay na ito ay isa siyang ignoranteng diyos. Kung alam niya ang mga bagay na ito ngunit hinahayaan niya lamang mangyari ito, hindi siya mapagmahal na diyos. Kung alam niya ngunit hindi niya kayang pigilan, ay hindi siya makapangyarihang diyos. Dahil dito, isa lamang ang makatwirang konklusyon ko, God is absent from physical reality.
  • Kapansin-pansin ang pagkahumaling ng mga ateista sa mga ganitong philosophical paradox hinggil sa pagiging makapangyarihan ng Diyos. Muli, walang nababanggit si Cortez hinggil sa mga batayan ng mga naturang paniniwala, ni sa kung paano ba nakagisnang tinutugon ng mga Cristianong pilosopo ang iba't ibang uri ng omnipotence paradox. Naisip ba niya kung paano tayo nakarating sa konklusyon na ang Diyos ay makapangyarihan, mapagmahal, at may-panlahatang kaalaman? Hindi ito dahil sa Biblia lang o sa kahit alinmang tradisyon. Bunga ito ng pilosopiya. Bunga ito ng katuwiran. Isa ito sa mga konklusyong — ayon mismo sa Katolikong pananaw ay — posibleng marating ng tao kahit wala kang kamuwang-muwang sa Cristianismo. [Muli, isa ito sa mga paksang tinalakay ko sa sanaysay na "Totoo bang may Diyos?"]
  • Napapawi ang lahat ng mga pagrereklamo sa mga nangyayaring kasamaan sa mundo sa sandaling mapagtanto natin ang dalawang importanteng katotohanan: ➊ Na may Diyos, at ➋ hindi ka Diyos. Kung may Diyos, walang kapangyarihan sa sanlibutan — "mabuti" man ito o "masama" — na maaaring makahigit sa kapangyarihan niya. Maging gaano pa man kalubha ang mangyaring kasamaan sa mundo, hindi iyon maituturing na "katapusan" ng tunggalian ng mabuti at masama (anupa't masasabi nating "natalo" ang kabutihan, at walang nagawa ang Diyos), kundi bahagi lamang ng isang nagpapatuloy na proseso na magtatapos sa pinaniniwalaang "Araw ng Paghuhukom," kung saan ang katarungan ng Diyos ang mananaig. Kung iisipin, ni hindi mo na rin nga kailangang maniwala sa Araw ng Paghuhukom. Kahit sa pananaw ng agham, ang buong sanlibutan ay nakatakdang "masira" — pagkasirang hindi mapipigilan o matatakasan sa bisa ng anumang "pagpapakabuti" o "pagpapakasama" na gawin ng tao.

    Sa ganang akin, kapag naiisip ko na ang lahat ng tao — mabuti man o masama, matalino man o mangmang, ateista man o teista — ay pare-parehong napaiilalim sa mga malalaking pwersa ng sanlibutan, tila ba nawawalan ng "kapangyarihan" (sa pananaw ko) ang kahit na anong katarantaduhang gawin ng tao. Lahat tayo ay mamamatay. Lahat tayo ay nakapende sa pagkain, tubig, at hangin. Lahat tayo ay nakapende sa planeta natin, at sa araw na iniikutan ng planeta natin. Paano mo masasabing "walang kapangyarihan" ang Diyos na sawatahin o lunasan ang kasamaan, gayong ang mismong lupang tinutuntungan ng mga paa ng isang masamang tao ay nilikha ng Diyos? Ang Diyos ay hindi isang "makapangyarihang elemento" sa loob ng sanlibutan (Oo, hindi maaaring maging "physical reality" ang Diyos), hindi isang "superhero" na tagapagtanggol ng mga inaapi at tagapagparusa ng mga nangaapi. Ang Diyos ay walang iba kundi ang mismong sanhi at pinagbabatayan ng patuloy na pag-iral ng lahat ng bagay na umiiral (Gawa 17: 28). Kung may nangyayaring hindi maganda sa buhay ng isang tao, labas na sa usapan kung may kapangyarihan ba ang Diyos na pigilan o lunasan iyon. Ang tanging kailangang pag-isipan ay kung bakit niya ba iyon ipinahihintulot na mangyari. At isa sa mga napagtanto ng Simbahang Katolika na sagot sa "Bakit" na ito ay ang kakayahan ng Diyos na gawing sanhi ng lalong malaking kabutihan ang isang kasamaan (CCC 312).

Sa katunayan ay nagkaroon na ng isang pagsisiyasat noong 2010 sa amerika (US Religious Knowledge Survey) kung saan isinukat ang pangkabuuhang kaalamanan sa aral at kasaysayan ng relihiyon sa mundo. Kabilang ang iba't ibang mga protestante, katoliko, at ateista sa pagsisiyasat. Sa unang pagsisiyasat tungkol sa pangkabuuhang kaalaman sa biblia at kristiyanismo, lumabas na ang mga ateista ang nakakuha ng pinakamataas na puntos na 6.7/12, ang mga katoliko naman ay nakakuha ng puntos na 5.4/12, habang ang mga protestante naman ay nakapuntos ng 6.5/12. Walang binatbat ang mga mapagmagaling na mga relihiyosong tao, mukhang sa tsismis lang talaga sila magkaka-award. Sa ikalawang pagsisiyasat tungkol sa pangkabuuhang kaalaman sa relihiyon, lumabas na ang mga ateista padin ang may pinakamataas na puntos na umabot sa 7.5/11 ang kanilang puntos, 4.7/11 naman ang puntos ng katoliko, at 4.6/11 naman ang sa mga protestante. Inihayag na mas maraming alam ang mga ateista pag dating sa biblia o pangkabuuhang kaalaman sa relihiyon kumpara sa mga relihiyosong katoliko at iba't iba pang mga protestante. Pahiya ang mga tsismoso at tsismosa, mga ipokrito at iprokrita.
  • Nang mabasa ko ang bahaging ito, ang unang tanong na pumasok sa isip ko: Nasaan ang source mo? Ano yang "US Religious Knowledge Survey" na yan na di-umano'y isinagawa noong 2010? Matapos ng isang mabilisang paghahanap sa Google, natagpuan ko ang posibleng pinanggalingan: Ang Pew Research Center. At aaminin ko, nalungkot ako. Nalungkot ako dahil agad kong nakita ang ginawang cherry picking fallacy ni Cortez. Nalungkot ako dahil gusto kong maniwala na patas si Cortez sa mga ginagawa niyang pagtuligsa, subalit lumalabas na katulad lang din pala siya ng isang karaniwang mapang-maniobrang anti-Katoliko.

    Sa sinasabi niyang "unang pagsisiyasat" na tungkol sa "Bible and Christianity," ang mga ateista daw ang nakakuha ng pinakamataas na puntos na 6.7/12. Mali. Ang nakakuha ng pinakamataas na puntos ay ang mga Mormons na may puntos na 7.9/12, sunod ay ang mga "White evangelical" na Protestante na may puntos na 7.3/12. Sa sinasabi naman niyang "ikalawang pagsisiyasat" na tungkol sa "World Religions," ang mga ateista pa rin daw ang nangunguna sa puntos na 7.5/11. Mali. Ang pinakamataas ay mga Jewish, na nakakuha ng puntos na 7.9/11. Sa kabuuan, oo, nanguna ang mga ateista at agnostik sa puntos na 20.9/32, ang mga Judio sa puntos na 20.5/32, mga Mormons sa puntos na 20.3/32 (pansinin na halos magkakapantay lang ang mga puntos ng naunang tatlong grupong ito), mga Protestante sa puntos na 16/32, at mga Katoliko sa puntos na 14.7/32.

    Sa kaso ko naman, hinanap ko ang orihinal na survey na pinasagutan noong 2010, pero mukhang wala na. Bagkus ang meron na lamang ay ang survey na may petsang July 23, 2019. At ang puntos na nakuha ko matapos ng isang mabilisang pagsasagot? 14/15. Bobo na ba ako sa lagay na iyan dahil sumablay ako nang isang puntos? Subalit hindi iyan ang isyu rito. Makatuwiran bang hatulan ang pagiging "bobo" o "matalino" ko batay sa isang survey na sinagutan ng ibang tao? Alalahanin nating mayroong tinatawag na fallacy of composition — hindi porke't may mga "bobong" Katoliko na sumagot ng survey ay bobo na rin ang buong Simbahang Katolika. Hindi porke't may mga "bobong" Protestante na sumagot ng survey ay bobo na ang lahat ng mga Protestante. At hindi porke't may mga "matatalinong" ateista na sumagot ng survey ay matalino na rin ang lahat ng mga ateista.

Ang moralidad ay katangian ng isang tao, hindi isang impluwensya ng isang diyos o relihiyon.
  • Bakit kaya parang hawig ito sa doktrina ng Simbahang Katolika hinggil sa natural law? Naaalala kaya ito ni Cortez noong Katoliko pa siya?
Ang relihiyon ang nagdudulot ng paghihiwa-hiwalay sa halip na mapagkaisa nito ang mga tao. Sa katunayan, ang relihiyon ang ikatlo sa sanhi ng mga digmaan sa mundo... The Crusades... Thirty Years War... Lebanese Civil War... Second Sudanese Civil War... Imagine? Ilang inosenteng tao na ang namatay sa ngalan ng relihiyon? Kung totoong sa diyos ang relihiyon, bakit ganito? Puro patayan, krimen, karahasan at paghihiwa-hiwalay? Hindi ba dapat kapayapaan ang idinudulot nito sa sangkatauhan?
  • Isang lantad na katotohanan sa kasaysayan na may mga digmaang naisagawa nang dahil sa relihiyon, kaya't hindi ko na aabalahin ang sarili kong saliksikin ang kasaysayan ng mga digmaang binanggit dito ni Cortez. Ang tanong ay kung kinakatigan ba ng mga ito ang konklusyon na ang relihiyon ay nagdudulot ng paghihiwa-hiwalay, patayan, krimen, at karahasan. Wala pa naman akong napapatay na tao. Wala pa naman akong naaalalang tinuruan ako ng Simbahang Katolika na pumatay, manakit, o gumawa ng anumang krimen. Isa pa, isa rin namang lantad na katotohanan na may mga aral ang Simbahang Katolika na tahasang kumokondena sa mga nasabing kasamaan:

    • PATAYAN"The murder of a human being is gravely contrary to the dignity of the person and the holiness of the Creator." (CCC 2320)
    • PANDURUKOT, TERORISMO, PAGPAPAHIRAP, PAMIMINSALA SA KATAWAN"Kidnapping and hostage taking bring on a reign of terror; by means of threats they subject their victims to intolerable pressures. They are morally wrong. Terrorism threatens, wounds, and kills indiscriminately; it is gravely against justice and charity. Torture which uses physical or moral violence to extract confessions, punish the guilty, frighten opponents, or satisfy hatred is contrary to respect for the person and for human dignity. Except when performed for strictly therapeutic medical reasons, directly intended amputations, mutilations, and sterilizations performed on innocent persons are against the moral law." (CCC 2297)
    • DIGMAAN"Because of the evils and injustices that all war brings with it, we must do everything reasonably possible to avoid it." (CCC 2327)
  • May isang uri ng "digmaan" na nakaligtaang banggitin ni Cortez: Ang Gombe Chimpanzee War. Oo, digmaan ng mga unggoy. Siyempre, wala namang kakayahan ang mga chimpanzee na magimbento ng relihiyon. Nabanggit na ni Cortez ang iba pang pangunahing dahilan ng digmaan: Economic gain at teritoryo. Kahit mawala ang relihiyon, hindi mawawala ang mga alitan sa mundo, hindi lang sa "mundo" ng mga tao, kundi kahit maging sa "mundo" ng mga hayop. Pero wala na tayong pakealam sa mga ito, hindi ba? Bakit pa natin tatalakayin ang mga kumplikadong sanhi ng pag-aaway-away? Isisi na lang natin lahat sa relihiyon, dahil sabi nga ni Cortez, ang relihiyon daw ang talagang "ugat" ng lahat ng kasamaan sa mundo. Sa pananaw ni Cortez, tila ba walang mali kung mag cherry picking tayo ng mga halimbawa ng digmaan, at pagtuunan lamang ng pansin ang pang-relihiyong elemento ng mga ito.
  • Naisip ko lang: Kapag ba namatay o naperwisyo ka nang dahil sa digmaan, agad bang nangangahulugan na "inosente" ka na? Yung mga namatay sa digmaang binanggit ni Cortez — Crusades, Thirty Years War, Lebanese Civil War, Second Sudanese Civil War — kung pare-parehong mga "relihiyosong tao" ang nagpatayan sa mga naturang digmaan, anong uri ng "inosenteng biktima" ang nasa isip ni Cortez? Anu-ano ba ang mga pamantayan ng pagiging "inosente?" Kung sumabak ako sa digmaan para protektahan ang mga itinuturing kong inosente, nagiging masamang tao ba ako? Kung nakipagdigma ako upang protektahan ang sarili ko sa di makatarungang pang-uusig sa mga relihiyosong tao, maituturing pa rin bang "marahas" ang relihiyon ko?
Hindi ko sinasabing masama ang lahat ng relihiyosong tao at mabuti ang lahat ng ateista, gaya ng karamihan, may kupal din talagang ateista at may mabuti din talagang relihiyosong tao.
  • Siyempre, isang mabisang cliché na maghugas kamay at magbigay ng mga pampalubag-loob na mensahe sa mga taong inakusahan mong tanga, instrumento ng kasamaan, at kung anu-ano pa. Siyempre, walang kinalaman ang relihiyon sa kung paano naging "mabait" ang mga relihiyosong taong ito, dahil relihiyon nga daw ang "ugat" ng lahat ng kasamaan. Mabait ka daw, pero bobo ka pa rin at di ka dapat tularan ng susunod na henerasyon — isang napaka-positibong mensahe, buhat sa isang ateistang "pinipilit" daw "intindihin" ang "takbo ng isip" ng mga relihiyosong tao. Sa kabilang banda, kung sa kabila ng pagiging ateista ay naging "kupal" ka pa rin, anong sanhi ng naturang "kakupalan?" Kasalanan pa rin ba ng relihiyon iyon? Kung maaari palang sisihin ang relihiyon sa pagiging masama ng isang relihiyoso, hindi ba maaaring sisihin ang ateismo sa pagiging masama ng isang ateista?

[UMAKYAT]


Epigraph #1 [BASAHIN]


Three steps to become an Atheist:
  1. Pick any god you don't believe.
  2. Give reasons why you don't believe in this god.
  3. Apply the same reason to your god.

Pretty simple.

  • Subukan nga natin ito:

    1. Pumili ng Diyos na hindi ko pinaniniwalaan: Zeus.
    2. Magbigay ng mga dahilan kung bakit hindi ako naniniwala kay Zeus:
      Hindi maiaangkop kay Zeus ang mga katangian ng Unang Sanhi — partikular ang mga katangian ng pagiging ➊ payak, ➋ magpakailanman, at ➌ ganap.
    3. Gamitin ang parehong dahilan sa iyong diyos:
      Subalit maiaangkop naman sa Diyos ng Judaismo, Cristianismo, at Islam ang mga katangian ng Unang Sanhi.

    Hindi ako naging ateista.

    Sa katunayan, mabisang pinabubulaanan ng pilosopiya ng Unang Sanhi ang mga paniniwala hinggil sa Brahman, Qi, at Tao, at pati ang lahat ng mga diyos at diyosang kabilang sa kategorya ng pantheism, animism, polytheism, at dualism. Hindi kalabisan na sabihing "kakatwa" ang Diyos ng Judaismo, na kalauna'y siya pa ring kinilalang Diyos ng Cristianismo (na sinasabi nating nagkaroon ng karagdagang paghahayag na may tatlong persona sa iisang Diyos na ito), na kalauna'y pinanghawakan pa rin ng mga Muslim (bagama't itinatakwil nila ang doktrina ng Santisima Trinidad, pati na ang iba pang mga di-umano'y "imbentong" aral ng mga Apostol).

    Mahaba-habang pagtalakay ito, at hindi mauunawaan nang maayos malibang magkaliwanagan tayo sa kung ano bang mga implikasyon ng pagiging Unang Sanhi ng sanlibutan. (Basahin: Totoo bang may Diyos?) Sabihin na lang natin na ang naturang epigraph ay may dalawang malaking pagkakamali: ➊ fallacy of false equivalence at ➋ fallacy of oversimplification.

(sa kaharian sa langit)

Jesus: Baby Tim, nakikita mo ba ang lalaking yun na paakyat ngayon dito sa langit?

Tim: Opo Jesus, nakikita ko po siya. Bakit po?

Jesus: Yun yung lalaking pumatay sayo at sa mga magulang mo nung mahimbing kang natutulog. Nag-sisi na siya at nanghingi ng kapatawaran sakin. Kaya ngayon kasama na natin siya dito sa langit. Mag hi ka naman.

Tim: Taena ka!

  • Hindi malinaw ang punto ng epigraph na ito. Sinasabi ba ni Cortez na ganitong aral ang matatagpuan sa Biblia? Alin sa mga pinanggalingang relihiyon niya ang nagtuturo ng gayon: Katoliko, Iglesia ni Cristo, Born Again, Saksi ni Jehova, o Seventh Day Adventist? Mahahatulan ko lang ito batay sa sukatan ng Katolikong Pananampalataya, na nagsasabing ang pagpapaging-matuwid (justification) sa isang makasalanan ay isang panghabambuhay na proseso na hindi nadadaan sa mga pahapyaw na pagsisisi sa kasalanang nagawa. Bukod pa riyan, ang aral ng Simbahang Katolika hinggil sa mga "Huling Bagay" (eschatology) ay hindi kasing-babaw ng naturang paglalarawan. (CCC 1020-1065).

    Sa kaso ni "Baby Tim," imposibleng nakarating siya sa Langit nang may nalalabi pang galit sa puso. At sa kaso naman ng "lalaki," imposibleng nakarating siya sa Langit malibang lubos nang napawalang-sala at napaging-banal. Iniisip ko tuloy kung isa nanaman ba itong kaso ng strawman fallacy na pinagmumukha lang katawa-tawa ang mga Cristianong aral tungkol sa pagpapawalang-sala at eskatolohiya, para magmukhang "matino" ang ateismo.

Anonymous: Bakit ang mga atheist pumupunta ng simbahan kung hindi naman sila naniniwala sa diyos?

Atheist: Pakikisama. Eh bakit ang mga naniniwala sa diyos nagsusuot ng helmet at seatbelts, nagla-lock ng bahay at sasakyan, at tumitingin sa kalsada bago tumawid? Akala ko ba naniniwala kayong pinoprotektahan kayo ng diyos sa lahat ng oras?

  • Hindi malinaw kung ano bang "simbahan" ang tinutukoy dito. Muli, mahahatulan ko lang ito batay sa sarili kong karanasan bilang Katoliko. Wala namang nagtatanod sa mga tarangkahan ng simbahan para usisain ang mga nagsisipasok kung Katoliko ba sila o hindi. Sa pagsisimula ng Misa, wala namang anunsyo na naguutos na magsilabas ang lahat ng mga ateista. Hangga't walang ginagawang mga panggugulo at paglapastangan sa mga karapatan, kahit sino mang di-Katoliko ay maaaring maglabas-pasok sa mga simbahan.
  • Sino bang nagsabing naniniwala ang mga Cristiano na "protektado" sila ng Diyos sa lahat ng oras? Binabantayan ka nang walang palya, oo, dahil ang Diyos ay sumasalahat-ng-dako at may-panlahatang-kaalaman. Pero hindi na tayo protektado sa mga sakit, panganib, katangahan, aksidente, at kung anu-ano pa, dahil sa SALANG ORIHINAL (CCC 385-421). Mismong ang Panginoong Jesus ay hindi nagtamasa ng 24/7 na proteksyon, kaya nga pwede siyang suntukin, sampalin, sabunutan, hampasin, duraan, kaladkarin, ipako sa krus, at kung anu-ano pa.

[UMAKYAT]


Respeto Nalang! [BASAHIN]


Sa totoo lang ay tama naman na kailangan natin respetuhin ang paniniwala ng iba. Hindi naman ako tutol dito, sa katunayan, respeto naman talaga ang dapat nating pinapairal sa tuwing mayroon tayong makakasalamuhang may ibang paniniwala.
  • Hindi ito puro salita lang. Ako mismo ay makapag-papatotoo na si Cortez ay marunong rumespeto ng kapwa. Hindi niya ako kailanman pinakealaman ni inusig nang dahil lang sa Katoliko ako. Siguro dahil hindi ko rin naman gaanong ipinakikita ang pagiging relihiyoso ko sa opisina, at dahil na rin sa hindi naman kami gaanong nag-uusap, kaya sa pangkalahata'y naging payapa, maayos, at propesyunal ang ugnayan naming dalawa. Kahit sa Facebook, hindi niya ako kailanman inaway sa tuwing nagpopost ako ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa pagiging Katoliko ko maliban sa mga bihirang pag-"haha" react, na hindi naman nakakasama ng loob dahil alam ko namang ateista siya at normal lang na maging katawa-tawa sa pananaw niya ang mga paksang relihiyoso. May mga panahong madalas siyang mag-share ng mga meme na lumilibak sa relihiyon, na bagama't nakatutuksong sagutin ay madali namang ipagwalang-bahala at lagpasan na lang sa newsfeed mo. Bakit mo nga naman kasi didibdibin ang isang hamak na meme? Ang mas nararapat bigyan ng komento ay ang mga detalyadong pagpapaliwanag ng panig gaya ng isang sanaysay, research paper, o ng mismong librong ito na sinulat ni Cortez sa Wattpad.
Pero ang ikinakainis ko dito ay nagiging norm nalang ang pagsasabi ng 'respeto nalang!' Madalas sabihin ng karamihan pero hindi nila magawa sa kanilang sarili. Parang hindi nila alam ang tunay na ibig sabihin ng salitang respeto. Gusto nila ng respeto, pero gusto din nilang isubo sayo yung paniniwala nila.
  • Sino bang gustong sarilinin lang ang paniniwala niya? Nakakatawa, dahil isa ako sa mga taong iyon. Sa totoo lang, kakayanin kong panindigan ang mga pinaniniwalaan kong tama kahit buong mundo pa ang magkaisa sa pagsasabing mali ako. Hindi ako ang tipo ng tao na aabalahin ang sarili niyang kumbinsihin ang ibang tao na tanggapin ang mga paniniwala niya. Sa katunayan, ang mismong pag-iral ng website/blog na ito ay hindi upang ipalaganap ang Katolikong Pananampalataya, kundi upang depensahan ang sarili ko at ang mga mahal ko sa mga di makatarungang pangingialam at panghuhusga sa aming pagiging Katoliko. Nagkakaproblema lang naman talaga kapag dinidiktahan ka sa kung ano ba ang dapat mong paniwalaan. Tama si Cortez: Talagang nakakainis ang mga taong pilit isinusubo sa iyo ang paniniwala nila.

    Sa kabilang banda, hindi ako naniniwala sa isang lubos na pagrespetong walang pakealamanan. Bakit? Dahil sa ayaw man natin o sa gusto, kone-konektado ang mga buhay natin. Ano man ang gawin mo — mabuti man o masama, maliit man o malaki — ay may totoong epekto sa lipunang ginagalawan mo. Kahit ang simpleng pagsimangot sa isang kakilalang bumati sa iyo sa daan ay maaari ngang maging mitsa ng unti-unting depresyon at pagpapatiwakal ng kakilala mong iyon. Pilitin man nating magkanya-kanya sa sari-sarili nating mga mundo, hindi natin matatakasan ang katotohanang iisang mundo lang talaga ang ginagalawan nating lahat. Ika nga ng kantang "Pananagutan" na sinulat ni Fr. Eduardo Hontiveros SJ:

    Walang sinuman ang nabubuhay, para sa sarili lamang,
    Walang sinuman ang namamatay, para sa sarili lamang.
    Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa.
    Tayong lahat ay tinipon ng Diyos
    Na kapiling nya.

    Kung kabilang ako sa isang relihiyong naniniwalang dapat naming bunutin ang mga ngipin namin pagsapit ng edad na 18, hindi mo ba kami pakekealaman, ni pipigilan sa aming halatang katarantaduhan? Kung sumali ang kapatid mo sa isang kultong naniniwalang dapat silang makipagtalik sa kanilang propeta para magtamo ng buhay na walang hanggan, pababayaan mo na lang ba ang kapatid mo? Kapag hiniling ng kapitbahay mo na ibigay mo sa kanila ang alaga mong aso bilang handog na susunugin para daw pawiin na ng diyosa nila ang COVID-19 sa mundo, irerespeto mo ba ang paniniwala nila at magiliw na ipasusunog ang alaga mo?

    May mga bagay na hindi karespe-respeto. May mga bagay na hindi maaaring ipagwalang-bahala. At sa usapin ng "respeto," ang unang-una mong rerespetuhin ay ang pamayanang nagkakaloob sa iyo ng mga karapatan, benepisyo, at pakinabang. Dahil kung hindi mo rerespetuhin ang pamayanang ito, isa kang "salot" na dapat umalis (kahit pa "mabuting tao" ka sa pananaw mo). At kung ayaw mong umalis, nararapat kang parusahan,7 sapilitang pasunurin ayon sa mga itinakdang kaayusan, ikulong,8 o di kaya'y bitayin ka na lang kung kinakailangan. Tila kalupitan sa ganitong prangkahang pagpapaliwanag, pero iyan mismo ang sistema para pangalagaan ang tinatawag nating "common good" ng isang pamayanan. Kaya nga walang isyu kung may mga pagkakataong sadyang sinusugpo ng mga otoridad ang mga itinuturing nilang mapanganib na kulto. Nagkaka-isyu lamang kung kathang-isip lang pala ang mga ibinibintang na "panganib" (gaya ng sinapit ng mga sinaunang Cristiano sa kamay ng paganong Emperyo ng Roma).

    Hindi maaaring isangkalan ang relihiyon para gumawa ng mga kung anu-anong pang-aabuso sa lipunan. Ayon na rin yan sa turo ng Vatican II:

    "The right to religious freedom is exercised in human society: hence its exercise is subject to certain regulatory norms. In the use of all freedoms the moral principle of personal and social responsibility is to be observed. In the exercise of their rights, individual men and social groups are bound by the moral law to have respect both for the rights of others and for their own duties toward others and for the common welfare of all. Men are to deal with their fellows in justice and civility.
    "Furthermore, society has the right to defend itself against possible abuses committed on the pretext of freedom of religion. It is the special duty of government to provide this protection. However, government is not to act in an arbitrary fashion or in an unfair spirit of partisanship. Its action is to be controlled by juridical norms which are in conformity with the objective moral order. These norms arise out of the need for the effective safeguard of the rights of all citizens and for the peaceful settlement of conflicts of rights, also out of the need for an adequate care of genuine public peace, which comes about when men live together in good order and in true justice, and finally out of the need for a proper guardianship of public morality.
    "These matters constitute the basic component of the common welfare: they are what is meant by public order. For the rest, the usages of society are to be the usages of freedom in their full range: that is, the freedom of man is to be respected as far as possible and is not to be curtailed except when and insofar as necessary."
    (Dignitatis Humanae, 7)

    Ipinahihiwatig ng lahat ng ito na alang-alang sa ikabubuti ng marami, may obligasyon ang bawat sektor ng lipunan na unawain ang isa't isa at panatilihing bukas ang komunikasyon tungo sa pagtutulungang itaguyod ang iisang pamayanang kinabibilangan ng lahat. Hindi maaaring magkakanya-kanya tayo. Hindi maaaring magkaroon tayo ng mga sari-sariling mundo. Hindi maaaring sasarilinin ko lang aking relihiyon, at sasarilinin mo lang ang pagiging ateista mo. Kailangan ng isang aktibo at nagpapatuloy na diyalogo kung saan maaaring matukoy ang mga punto ng pagkakasundo at mga punto ng di pagkakasundo, at sa kung saang mga punto maaaring gumawa ng kompromiso na pakikinabangan ng lahat.

Sigurado akong isa kadin sa tawang-tawa kapag nakakakita ka ng meme sa facebook tungkol sa relihiyon ng iba.
  • Sa totoo lang, hindi ako natatawa sa mga ganyan. Sabi ko nga sa post ko noong October 11, 2020 (Pamagat: "Meron ka bang Facebook account?"):
    "...hindi maituturing na 'pagpapahayag ng Ebanghelyo' ang pagtuya sa ibang relihiyon, ang pagshe-share ng mga memes, inspirational quotes, at mga Bible verse na walang kalakip na paliwanag, ang pakikipag-talo sa mga anti-Katoliko na sa simula pa'y alam mo nang hindi marunong makipag-usap nang matino... Ilang beses mo nang niloko ang sarili mo na may nagagawa kang mabuti at magaling sa buhay, dahil lang sa mga post mong may kinalaman sa mga banal na paksa?"
Hindi ko maintindihan kung bakit ang hirap para sa kanila intindihin na wala akong pakealam sa mga pamahiin nila at hindi ako naniniwala sa mga kagaguhang ito. At hinding-hindi ko gagawin ang kabalastugan na pamahiin na yan na walang maayos na explenasyon. Wala naman daw mawawala kung susundin? Meron, yung lohika at pagiging intelektwal na tao mo. Na makikita ito ng ilang kabataan, paniniwalaan, at maipapasa ang kamang-mangan sa susunod na henerasyon nila. No way I will tolerate these shits.
  • Nauunawaan ko ang sentimyento ni Cortez dito (na ibinahagi niya hinggil sa mga nangyari nang mamatay ang tatay niya). Sa tuwing may namamatay, dito na pumapapel ang mga kamag-anak na akala mo'y mga nagpaka-dalubhasa sa mga pamahiin. Ito ang paraan nila para pagtakpan ang kamatayan — isang problemang batid nilang walang solusyon, isang problemang talo ka na sa simula pa lang, isang problemang hindi mo matatakasan at laging nakabantay sa iyo. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kung anu-anong pamahiin, nakalilikha sila ng ilusyon na "kontrolado" pa rin nila ang sitwasyon. Ito ang nagbibigay sa kanila ng pagkaka-abalahan kahit wala namang iba pang kailangang gawin pa kundi ang ilibing ang bangkay ng yumao. At kadalasan, nagpapatuloy ang mga katarantaduhan hanggang sa pa-siyam, ika-40 araw, at babang luksa. Lagi kang abala sa pagtupad sa mga kung anu-ano, para akalain mong may nagagawa ka pa rin para sa namatay. Ginagawa mo ito dahil ayaw mong maging totoo sa sarili mo, na ang talagang nais mong gawin ay ang maglabas ng sama ng loob at ipagluksa ang importanteng tao na nawala at batid mong hindi mo na ulit makikita pa.

[UMAKYAT]


Epigraph #2 [BASAHIN]


God: Let there be ants!
Ants: Cool! Thanks God!
God: Hmmmm.. Let there be Ant-eaters!
Ants: Dude, wtf???
  • Ano kayang nais ditong sabihin ni Cortez? Na kung totoong may Diyos, hindi siya lilikha ng mga nilalang na magkakainan, magpapatayan, o gagawa ng anumang maaaring ikapinsala ng isa't isa? Nasa isip ba niya rito ang misteryosong kalalagayan ng mundo bago nangyari ang Salang Orihinal nina Adan at Eba, ang kakatwang sistema ng buhay sa Halamanan ng Eden? Nasa isip din ba niya ang inaasahan nating "bagong langit at bagong lupa" na isasakatuparan ng Diyos sa wakas ng panahon (Isaias 11: 6-9, 65: 25)? Kung sa pananaw niya ay may mali sa mga hayop na nagkakasakitan, nagpapatayan, at nagkakainan, iyan ay isang pananaw na hindi natatangi sa kanya, ni isang idealismong orihinal na pinantasya ng mga ateista sa modernong panahon. Bagkus, iyan din mismo ang pananaw ng bawat mananampalatayang Judio at Cristiano noon pa mang unang panahon.

    Ayon sa Pananampalatayang Katolika, ang kasalanan — ang kasalanan ng mga anghel at ang kasalanan ng mga tao — ang nagpasimula ng anumang nakapipinsala o nakamamatay na bagay sa mundo. Ito'y isang paniniwalang tahasang nababanggit sa Biblia:

    "God did not make death, nor does he rejoice in the destruction of the living. For he fashioned all things that they might have being, and the creatures of the world are wholesome.... But by the envy of the devil, death entered the world, and they who are allied with him experience it." (Wisdom 1: 13-14; 2: 24 NABRE)

    Sa Katolikong pananaw, naniniwala tayo na ang buong sangnilikha ay nasa kalagayan ng isang proseso — na wari ba "naglalakbay" tayo patungo sa isang destinasyon kung saan naroon ang talagang pang-magpakailanmang plano ng Diyos para sa lahat.

    Isa pa, ano bang kinalaman ng kaginhawaan o kahirapan ng sinumang nilalang sa usapin ng kung may Diyos ba o wala? Para sa akin, isa itong non sequitur. Kahit mangyari pang ang lahat ng nilalang sa mundo ay maginhawa at masaya at di nakararanas ng kahit anong hirap, sakit, at kamatayan, hindi nito mapatutunayan na may isang Unang Sanhi na may walang hanggang kapangyarihan, magpakailanmang umiiral, nasa-lahat-ng-dako, atbp. Napakababaw namang takbo ng pag-iisip na kesyo nadapa ako ay maituturing na itong "katibayan" na wala talagang Diyos, at kesyo nakabangon ako sa pagkakadapa ay may Diyos nga talaga.

Jesus: Love your enemies, love your neighbour as you love yourself.
Pedro: Pero jesus, paano pag bakla po o tomboy sila?
Jesus: Nabulol ako Pedro. Sa impyerno yarn!
Pedro: ...
  • Ipinahihiwatig nito ang matinding impluwensya ng pundamentalismo kay Cortez, na dala-dala pa rin niya sa kabila ng pagiging ateista niya. Oo, may mga taludtod sa Biblia na tahasang kumokondena sa pagtatalik ng magkaparehong kasarian, at kung uunawain mo lamang sa literal na interpretasyon (na siyang ginagawa ng mga pundamentalista) ay talagang hahantong sa konklusyon na "deretso sa impyerno" ang lahat ng mga "bakla" at "tomboy." Subalit hindi ganyan kababaw ang pang-unawa ng mga Judio at ng Simbahang Katolika sa usapin ng homoseksuwalidad. Ang tanong: Mangyaring "pinipilit unawain" ni Cortez ang panig ng mga "relihiyosong tao," kasama rin ba sa mga sinikap niyang pag-aralan ang panig ng Simbahang Katolika? O kuntento na lang ba siya sa inaakala niyang alam na niya, o sa mga pahapyaw na nababasa niya sa social media, o sa mga Katolikong nakakasalamuha niya? Heto nanaman ba tayo — Strawman fallacy nanaman ba ang sistemang paiiralin niya rito?
Preachers: Hello 911? Nasusunog ang simbahan namin! Magpadala kayo ng bumbero!
911: Sorry, all our engines are busy helping tax-paying customers. Nasubukan niyo na bang manalangin?
  • Ano bang sinasabi ng Saligang Batas hinggil sa usapin ng libreng buwis para sa Simbahan? Ayon sa Artikulo VI, Seksyon 28, Numero 3:
    "Dapat malibre sa pagbabayad ng bwis ang mga institusyong pangkawanggawa, mga simbahan, at mga rektorya o mga kumbento na kaugnay nito, mga mosque, di pangnegosyong mga sementeryo, at lahat ng mga lupain, mga gusali, at mga mehora na aktwal, tuwiran, at tanging gamit sa mga layuning panrelihyon, pangkawanggawa, o pang-edukasyon."

    Mapapansin na tungkol lang ito sa pagbabayad ng amilyar, hindi sa lahat ng uri ng buwis na pinababayaran sa mga mamamayan. At hindi ang mismong Simbahan (bilang isang relihiyon) ang tinutukoy, kundi ang gusaling ginagamit para sa mga layuning pangrelihiyon ang "libre" sa buwis. Lahat ng Katoliko — obispo, pari, diyakono, madre, monghe, at layko — ay hindi naman libre sa pagbabayad ng VAT, donor's tax, income tax, atbp.

    Ngayon, wala naman akong nabasa sa Fire Code of the Philippines na ang mga gusaling libre sa amilyar (gaya ng simbahan, mosque, paaralan, bahay-ampunan, atbp.) ay hindi prayoridad tulungan kapag nasusunog. Ano, kung gayon, ang gustong mangyari ni Cortez: Na tanggalin ang libreng amilyar sa mga simbahan? Sa aking palagay, malalagay sa kompromiso ang Separation of Church and State kapag ginawa yan. Gusto ba niyang ipasunog ang mga simbahan? O ikatutuwa ba ni Cortez kung sadyang pababayaan ng mga bumbero ang mga simbahang nasusunog? O iniisip ba niyang kung talagang may Diyos, ang mga simbahan ay di tatablan ng apoy kaya't di dapat humihingi ng tulong sa bumbero?

  • "Nasubukan niyo na bang manalangin?" — Kung sa bawat pagdalangin ay agad natutupad ang ipinagdasal, ibig bang sabihin ay totoo ngang may Diyos? Sa palagay ko, hindi. Sa totoo lang, mas pinatutunayan pa nga nito na wala talagang Diyos. Bakit? Dahil mangangahulugan ito na ang mga dasal ay mga natural na pwersa sa kalikasan, na maaaring gamitin para maniobrahin ang iba pang mga pwersa sa kalikasan (sa madaling salita, pagturing ito sa dasal bilang salamangka). Hindi na ito isang mapagpakumbabang pakikipag-usap sa isang nakatataas na Diyos na may sariling pag-iisip at pagpapasya kung pagbibigyan ba niya o hindi ang hinihiling mo. Magiging mahaba ang paliwanag sa kung bakit kailangan ng tao na magdasal, subalit sa bahaging ito, sabihin na lang natin na hindi tayo nagdadasal para paikutin ang Diyos sa mga palad natin.

    Isa pang naisip ko: Kung ang Diyos ang lumikha sa lahat at nagpapanatili sa pag-iral ng lahat, ibig sabihin, siya rin ang lumikha sa mga bumbero. Ngayon, kung humingi ako ng saklolo sa Diyos sa panalangin, hindi ba niya ako maaaring tulungan sa pamamagitan ng mga bumbero? Nalilimitahan ba ang "kapangyarihan" ng Diyos sa mga "mapaghimalang pagkilos" lang? At kung hindi man ako nanalangin pero tinulungan pa rin ako ng mga bumbero, makatuwiran bang sabihin na walang kinalaman ang Diyos sa tulong na natanggap ko? At kung sakali namang walang bumberong dumating, at ako lang mag-isa ang umapula sa apoy at tumulong sa sarili ko, wala bang kinalaman ang Diyos sa ginawa kong pagtulong sa sarili, gayong bilang aking manlilikha, sa kanya rin naman nanggaling ang kakayahan kong tulungan ang sarili ko?

[UMAKYAT]


God Is Good [BASAHIN]


Ayon sa aral ng mga relihiyon, isa ang pagiging mabuti sa katangian ng mapagmahal na diyos. "God is good all the time."
  • Bago tayo makarating sa kung saan-saan, siguro linawin muna natin ang kahulugan ng "kabutihan." Ano bang pagkakaiba ng mabuti sa masama? Paano ko ba masasabi na mabuting tao ako, o masamang tao ako? Madalas nating ipagwalang-bahala ang hiwagang ito, na sa katunaya'y isang paksang pinag-isipan nang matagal ng mga sinaunang pilosopo, at hanggang sa ngayo'y walang maituturing na pandaigdigang pamantayang katanggap-tanggap sa lahat.

    Maraming mga iminumungkahing pamantayan ng moralidad: Hedonism, stoicism, epicureanism, utilitarianism, situationism, power ethics, humanism, atbp. Alin sa mga iyan ang tama at nasa katuwiran? Sa panig nating mga Cristiano, hindi na natin ito pinag-iisipan dahil kuntento na tayo sa sarili nating pamantayan: Ang Diyos mismo. Dahil siya ang lumikha sa lahat ng bagay, kung ano ang gusto niya, yun ang "mabuti"; kung anong ayaw niya, iyon ang "masama." Hindi ka makapag-rereklamo dahil walang kakayahan ang isang may-hangganang kaisipan para husgahan ang isang walang-hanggang kaisipan. Kahit magkaisa pa ang lahat ng katalinuhang umiiral sa mundo, ang mga ito'y hindi makapag-iisip ng mas lalong "mabuti" sa "kabutihan" ng Diyos. [Hindi maaaring makahigit ang epekto sa sanhing pinagmulan nito.] Kung tutuusin, hindi sapat na sabihing "God is good" lang. Ang mas angkop sabihin ay ang Diyos mismo ang kabutihan ("God is goodness) — ang kabutihan niya'y walang hanggang lumalampas sa rurok ng kabutihang maaaring maabot ng tao. Siya ang mismong pamantayan ng kabutihan.

  • Isa pang importanteng dapat linawin ay ang konsepto ng "pagmamahal." Paano mo nasasabi na mahal mo ang isang tao? Kapag ba binibigyan mo siya ng kalayaang gawin ang lahat ng maibigan niya? Kapag ba ibinibigay mo sa kanya ang lahat ng materyal na bagay na nakapagpapasaya sa kanya? Kapag ba ikaw na ang nag-iisip, kumikilos, at nagsasalita para sa kanya? Kapag ba pinoprotektahan mo siya sa lahat ng posibleng panganib, sakit, galos, pagkabalisa, atbp.? Kapag ba ipinagsisiksikan mo ang sarili mo sa kanya kahit ayaw niya sa iyo? Sa panig nating mga Cristiano, ang pagmamahal ng Diyos ay tungkol sa malayang pakikibahagi ng tao sa mismong kalikasan niya bilang Diyos (2 Pedro 1: 4) — iyan ang pinaka-plano, ang pinaka-dahilan kung bakit tayo nilikha. Ang pagmamahal ng Diyos ay nangangahulugan na ang sarili niya mismo ang nais niyang ibigay sa atin, subalit gusto niya na ikaw mismo ay malayang pipiliin siya.
  • "Ayon sa aral ng mga relihiyon" — Mukhang hindi talaga aral ng mga relihiyon ang tinutukoy dito ni Cortez, kundi ang mga di-pinag-isipang pagiinarte ng mga Cristianong nakakasalamuha niya. Dahil sa totoo lang, sa panig ng mga relihiyon, ang ethics ay isang napakalawak na paksa.
"Anong klaseng pagibig ang walang hanggang kaparusahan sa lawang apoy? Parang too much love will kill you ba?"
  • Sa post ko noong August 17, 2020 na may pamagat na "Ang Diyos ay Pag-ibig, kaya Magdusa Ka," tila malaking kabalintunaan ang naging konklusyon ko: "Kahit ang mismong pagkakasadlak sa impyerno ay maituturing na isang mapagmahal na pagkilos ng Diyos." Kaya nagmumukhang kontradiksyon ang impyerno ay dahil • sa mababaw o sablay na pananaw ng tao sa sarili niyang halaga bilang nilalang, • sa kung ano bang dahilan kaya siya nilikha ng Diyos, • sa kung paano ba dapat magmahal, at • sa kung ano bang pinagmumulan ng "walang hanggang pagpapahirap" sa impyerno.
"Sa dami ng populasyong ito na naaapektuhan ng kahirapan sa buong mundo, masasabi mo pa ba ang mga kataga mong God is Good? O ano ang magandang plano ng diyos sa mga taong ito? Kung totoo ang diyos na mapagmahal at makapangyarihan, anong klaseng pagmamahal ba itong ginagawa niya? Anong ginagawa ng diyos mo? Pinapanood ang mga taong ito kung paano maghirap at mamatay? Anong klaseng diyos ang kayang tiisin ang kaniyang mga nilikha para pahirapan, hayaang mamolestiya at magahasa ng mga siraulong malilibog?"
  • Ang tanong: Kung ang lahat ng mga problemang binabanggit ni Cortez ay biglang mahimalang malutas, ibig bang sabihin ay totoo ngang may Diyos, at talaga ngang mapagmahal ang Diyos na ito? Hindi. Mapapansing ito'y mga problemang pwedeng malutas sa bisa ng mga kapangyarihang matatagpuan din naman sa sanlibutan. Kung nabusog ako, pinatutunayan lang nito ang pag-iral ng pagkaing nakabubusog, hindi ng Diyos. Kung may nagtangkang gahasain ako subalit biglang namatay ang rapist ko, pinatutunayan lang nito ang pag-iral ng kapangyarihang pumapatay sa mga rapist, hindi ng walang hanggang kapangyarihan ng Diyos. Sa usapin ng pag-iral ng Diyos, ang ikabubuti o ikasasama ng kalalagayan ng tao ay mga non sequitur — hindi nakapagpapatunay o nakapagpapabulaan sa pag-iral ng Diyos.

    Aaminin ko, nakakakunsume ang kabanatang ito ng libro ni Cortez, dahil pawang nakatuon lamang sa mga personal na pagrereklamo at paglilitanya ng mga problema sa buhay ng tao, na akala mo nama'y hindi ito seryosong pinagiisipan ng mga "relihiyosong tao" na binabatikos niya. Wala ba siyang masasabi sa paliwanag ng mga Judio sa usaping ito? Yung panig nating mga Katoliko, pinakinggan ba niya? Ako mismo'y may sariling opinyon sa isyung ito na sa palagay ko, alinsunod sa dikta ng katuwiran, ay hindi maaaring humantong sa konklusyon na walang Diyos o na "masama" ang Diyos. Sa huli'y ang naging konklusyon ko na lang:

    "Kailangan dito ang KABABAANG-LOOB — mahirap unawain, tanggapin, lunasan, o pagtiisan ang mga kasamaan sa mundo, subalit kailangan kong manatili sa panig ng kabutihan, katotohanan, at kagandahan, taglay ang matibay na pagtitiwalang ang kabutihan, katotohanan, at kagandahan ni D ay lagi at tiyak na mananaig pagdating ng takdang panahon, at alinsunod sa kaparaanang gusto niya. Si D, kung gayon, ay isang makatuwirang batayan ng aking pag-asa — pag-asang ang kabutihan, katotohanan, at kagandahan ay walang pagsalang mananaig sa bandang huli. Hindi katangahan ni pagbubulag-bulagan man ang magtiwala sa Diyos sa gitna ng mga pagdurusa; manapa'y nagpapakita pa nga ng lubhang kamangmangan silang mga tumutuligsa sa pag-iral ng Diyos nang dahil sa mga pagdurusa. Oo, seryosong usapin ang pagdurusa, subalit wala itong makatuwirang kaugnayan sa usapin ng kung may Diyos ba o wala, at kung mabuti nga ba siya o hindi, o kung maganda ba siya o hindi." ("Totoo bang may Diyos?")

    [NOTE: Sa naturang sanaysay, "D" ang ginamit kong pantawag sa Unang Sanhi, para ipakita sa mambabasa na maaari kang makarating sa mga naging konklusyon ko kahit hindi mo iugnay sa kahit na anong relihiyon ang maka-pilosopiyang konsepto ng Diyos.]

  • Kung mayroon mang nakakatuwa sa kabanatang ito, ito ay ang mismong paghihimagsik ni Cortez laban sa kasamaan at katangahan. Ang hindi sumasagi sa isip niya ay kung paano ba siya nagkaroon ng ganoong klaseng paninindigan. Saan nanggaling ang pagpapahalaga niya sa mga bagay na totoo at mabuti, at pagkadusta niya sa mga bagay na mali at masama? Pakumplikahin man natin ang mga paliwanag sa kung paano ito nagkaroon ng puwang sa isip ng tao, maaari pa ring ikatuwiran na ito'y bagay na nagbuhat sa sanlibutan, at ang sanlibutan nama'y nagbuhat sa Unang Sanhi na walang pinagbuhatan. Ang pagpapahalaga sa kabutihan at ang pagkasuklam sa kasamaan ay isang katotohanang matatalunton sa Unang Sanhi. At kung magkagayon, katangahan pa rin ba na sabihing ang Unang Sanhi mismo ang Kabutihan, siyang totoo at tiyak na pamantayan ng kabutihan, at walang hanggang nakahihigit sa rurok ng kabutihang maaaring maabot ng sinumang nilalang? Kung nagagalit ka sa kasamaan, hindi ba't mas lalong nagagalit ang Diyos? At kung nakakaisip ka ng mga posibleng solusyon sa kasamaan, wala bang mas perpektong solusyon na naiisip ang Diyos — isang solusyong isasakatuparan niya sa panahon at paraang gusto niya, maarok man ito ng isipan mo o hindi?

[UMAKYAT]


Epigraph #3 [BASAHIN]


Bakit ang mga pari, pastor at ministro pag nanghihingi ng pera
sinasabi nila para ito sa diyos?

Pero kapag ikaw na ang nangangailangan ng pera ang sasabihin nila,
"manalangin ka sa Diyos."?

  • May punto nga naman. Kung ang buong sanlibutan ay nilikha ng Diyos buhat sa wala (creatio ex nihilo), anong mayroon ang sanlibutan na maaaring "kailanganin" ng Diyos? Anong maibibigay ng tao para punan ang anomang wala sa Diyos, gayong ang lahat ng mayroon ka ay sa kanya rin naman nanggaling? Walang katuturan na sabihing "para sa Diyos" ang anumang materyal na bagay na hinihingi ng Simbahan. Ang perang hinihingi ay laging para sa ➊ mga karaniwang gastusin ng isang institusyon, ➋ para sa ikabubuhay ng pari (na wala namang iba pang trabaho o negosyong ikabubuhay), at ➌ para sa mga gastusin sa pagkakawanggawa.

    Gayon man, may teolohikal na batayan kung bakit sinasabing "para sa Diyos" ang ginagawa mo para sa Simbahan. Dahil ang Panginoong Jesus ang "ulo" ng Simbahan na kanyang "katawan," ibig sabihin, ang ginagawa mo sa Simbahan ay parang sa Panginoong Jesus mo na rin ginagawa. Minarapat ng Panginoon na damayan ang Simbahan sa kanyang makalupang paglalakbay hanggang sa wakas ng panahon.

    Sa kabilang banda, minarapat din ng Panginoong Jesus na damayan lahat ng taong naghihirap at nagdurusa, kaya ang pagtulong sa kapwang nangangailangan ay parang "pagtulong" na rin sa Diyos:

    "'For I was hungry and you gave me food, I was thirsty and you gave me drink, a stranger and you welcomed me, naked and you clothed me, ill and you cared for me, in prison and you visited me.' Then the righteous will answer him and say, 'Lord, when did we see you hungry and feed you, or thirsty and give you drink? When did we see you a stranger and welcome you, or naked and clothe you? When did we see you ill or in prison, and visit you?'' And the king will say to them in reply, 'Amen, I say to you, whatever you did for one of these least brothers of mine, you did for me.'" (Matthew 25: 35-40 NABRE)
  • Hindi ko pa naranasang humingi ng tulong sa Simbahan sa panahon ng kagipitan, kaya hindi ko alam kung tatanggihan ba nila ako at sasabihang "manalangin na lang" kapag ginawa ko iyon. Isa pa, tila ba hindi praktikal na hihingi ka ng tulong-pinansyal sa isang institusyon na nakaasa lang din sa donasyon. Hindi rin naman ako aktibong nakikilahok sa mga gawaing pangkawanggawa ng parokya namin, kaya hindi ko alam sa kung paanong paraan nga ba tumutulong sa mahihirap ang Simbahan. Siguro, sakaling magkaleche-leche ang buhay ko, ang paglapit sa Simbahan ang magiging kahuli-hulihang pagpapasaklolo na "may dignidad" na gagawin ko, bago ko itapon ang nalalabing respeto sa sarili at mamalimos na lang sa kalsada.
Dear Humans,

Rape someone and pay
50 pieces of silver to her dad. It's okay.
(Deuteronomy 22:29)

Eat pork or shrimp, you'll go to hell!
(Leviticus 11:7,10-11)

Sincerly,
God.

  • Ano nga ba ang eksaktong sinasabi sa Deuteronomy 22:29? "If a man comes upon a young woman, a virgin who is not betrothed, seizes her and lies with her, and they are discovered, the man who lay with her shall give the young woman's father fifty silver shekels and she will be his wife, because he has violated her. He may not divorce her as long as he lives." (22: 28-29 NABRE) Ang tanong: Kinukunsinti ba nito ang krimen ng panggagahasa? Sinasabi ba ng Diyos na "okay" lang manggahasa? Hindi. Malinaw sa konteksto na kasalanan ang panggagahasa, at sinumang magkakasala nang gayon ay may mga kaparasuhang haharapin.

    Malinaw din sa konteksto na ang mga "birhen ng Israel" ay dapat igalang (taludtod #19). Subalit hindi lang ang dangal ng babae ang ipinagsasaalang-alang, kundi pati ang dangal ng kanyang asawa o magiging asawa, at ang dangal ng kanyang ama. Mapapansin sa mga naunang taludtod na magkakaiba ang mga panuntunang ipinatutupad depende sa sitwasyon at sa kung kaninong mga "dangal" ba ang nasasagasaan (taludtod #13-29).

    Sa kaso ng babae sa taludtod #28-29, dahil hindi naman nakatakdang ikasal ang babae, at nang siya'y kunin ng lalaki ay walang anumang tangka ng pagtutol (di tulad sa taludtod #24 na ang babae ay humingi ng saklolo), ang dangal ng ama ang mas pinaboran (kaya babayaran ng "fifty silver shekels"). Pareho naman silang mapaiilalim sa mga tungkulin ng matrimonyo habambuhay.

    Madaling magreklamo at magsangkalan ng sariling pananaw sa kung ano ba ang makatarungang dapat gawin dito, habang nakakalimutan natin na sa panig ng mga sinaunang Israelita, hindi naman mga kung sinu-sino lang ang humahatol sa mga kaso ng pagkakasala. Hindi naman mga pribadong indibiduwal na nagdudunung-dunungan sa aklat ng Deuteronomio ang hahayaang humatol. Ang mga Israelita ay hindi mga "sinaunang Protestante" na nakasandal lang sa literal na interpretasyon ng Torah. Sa katunayan, mas detalyado at lubhang nagpapahalaga sa dangal ng kababaihan ang mga nasasaad sa Talmud (ang "pasalitang Torah" ng mga Judio). May proseso ng paglilitis sa mga kaso ng panggagahasa, at hindi rin naman ito isang malupit na prosesong sarado sa pagpapatawad, kompromiso, at pag-apela.

  • Ano naman ang aktuwal na nasusulat sa Leviticus 11: 7, 10-11? "...and the pig, which does indeed have hoofs and is cloven-footed, but does not chew the cud and is therefore unclean for you... But of the creatures that swarm in the water or of animals that otherwise live in the water, whether in the sea or in the rivers, all those that lack either fins or scales are loathsome for you, and shall always be loathsome to you. Their meat you shall not eat, and their carcasses you shall loathe." (NABRE)
  • Wala namang binabanggit dito tungkol sa pagkakasadlak sa impyerno kapag kumain ka ng baboy o hipon. Ang sinasabi lang dito ay magiging "marumi" ka. Nasasaad sa Leviticus 16 ang mga seremonya ng "paglilinis" na kailangang gawin. Ngayon, sa Katolikong pananaw, ano bang totoong "silbi" ng mga batas tungkol sa bawal na pagkain? Ayon sa paliwanag ni George Leo Haydock, may apat na dahilan:

    1. "to exercise the people in obedience and temperance;"
    2. "to restrain them from the vices of which these animals were symbols;"
    3. "because the things here forbidden were for the most part unwholesome, and not proper to be eaten;"
    4. "that the people of God, by being obliged to abstain from things corporally unclean, might be trained up to seek a spiritual cleanness."

    Makikita na sa Katolikong pananaw, hindi tayo naniniwalang may moral na implikasyon ang mga kautusan tungkol sa mga ipinagbabawal na pagkain sa mga Israelita, maliban na lang kung ang mga ito'y talagang literal na "madumi" o di mabuti sa kalusugan. Ang mahalaga ay ang mga kabutihang asal na nais mahubog, at sa pagpupunyagi na makamit ang pangkaluluwang kalinisan.

Kung hindi alam ni Eba at Adan kung ano ang tama at mali bago nila
kainin ang ipinagbabawal na prutas,
Paano nila nalaman na mali ang hindi pagsunod sa utos ng diyos na huwag kainin ito?
  • Tama ang obserbasyon ni Cortez: Bago pa man nila kainin ang "ipinagbabawal na prutas," may matinong pag-iisip na sina Adan at Eba. Maaari silang utusan ng Diyos dahil nakakaintindi sila. Ang tanong talaga ay kung ano bang klaseng "karunungan" ang ibinibigay ng umano'y "tree of the knowledge of good and evil" (Genesis 2: 9 NABRE). Binanggit ng komentaryo ng NABRE ang iba't-ibang mga pananaw hinggil dito:
    "Knowledge of good and evil: the meaning is disputed. According to some, it signifies moral autonomy, control over morality (symbolized by 'good and evil'), which would be inappropriate for mere human beings; the phrase would thus mean refusal to accept the human condition and finite freedom that God gives them. According to others, it is more broadly the knowledge of what is helpful and harmful to humankind, suggesting that the attainment of adult experience and responsibility inevitably means the loss of a life of simple subordination to God."

    Halata naman sa mga kakatwang salaysay sa mga unang kabanata ng Genesis hinggil sa paglikha, sa unang tao, at sa kanilang pamumuhay sa Halamanan ng Eden na ito'y isang matalinghagang panitikan na nangangailangan ng malalim na pag-unawa. Mismong sa panig ng mga Judio ay hindi itinuturing na literal na puno ang "punongkahoy ng karunungan." Nagkakaproblema lang naman kapag ipinagpipilitan natin na tanging ang letra-por-letrang interpretasyon ang talagang tamang interpretasyon (fundamentalism), o di kaya'y ang mga personal na opinyon natin ang mas makatotohanan at makatuwiran kaysa opinyon ng mga totoong dalubhasa sa mga sinaunang panitikan. Hindi masamang kumatha ng sariling opinyon, pero dapat ay bukas ka sa posibilidad na maaari kang magkamali o magkulang.

[UMAKYAT]


Kampon ni Satanas [BASAHIN]


Gaya ng diyos na hanggang ngayon ay walang pruweba at walang sukatan ang pag-iral sa mundong ibabaw, hindi din po kami naniniwala sa satanas.
  • Hindi ko alam kung anong klaseng mga Cristiano ang nakakasalamuha ni Cortez para magkaroon sila ng ganoong takbo ng pag-iisip: Na kapag ateista ka ay Satanista ka na rin. Kung aalalahanin ko ang mga panahong naging ateista ako, ni hindi sumagi sa isip ko na gawing diyos, idolo, bayani, o kung ano pa man si Satanas. Bakit nga naman siya magkakaroon ng puwang sa buhay ko, gayong mismong si Satanas ay bahagi ng inaakala kong "alamat" ng Diyos ng Cristianismo, hindi ba? Kung hindi totoo ang Diyos ng Cristianismo, ibig sabihin hindi rin totoo ang mga anghel, at sa gayo'y hindi rin totoo ang mga tumalikod na anghel, alalaong-baga'y mga demonyo.
  • Isang kabalintunaan na hahanapan natin ang Diyos ng "sukatan ng pag-iral sa mundong ibabaw." Siyempre, hindi ka kailanman magkakaroon ng gayong klaseng pruweba, dahil para "masukat" ang Diyos, kakailanganin mo ng isang panukat na nakahihigit sa Diyos. Kapag nagawa mong sukatin ang Diyos gamit ang anumang panukat sa mundong ito, hindi Diyos ang nasukat mo kundi isang nilalang na taga-sanlibutan din, at oo, maaari itong maging pinakamalakas, pinakamatalino, pinakamabait, atbp., subalit hindi siya Diyos kundi isa lamang nilalang. Paano mo susukatin ang walang hanggang kapangyarihan? Anong pagsusulit ang maaari mong pasagutan sa Diyos para masukat ang kanyang walang hanggang karunungan? Anong kailangang gawin ng Diyos para patunayan ang kanyang walang hanggang pag-ibig? Imposibleng masukat ang lahat ng ito, pero hindi ibig sabihin na hindi na totoo o hindi na kapani-paniwala, dahil para maging Unang Sanhi, may mga katangian ang Diyos na "kailangan" niyang taglayin. Sa ganang akin, nakatalastas ako ng tatlong "kinakailangang katangian" ng Unang Sanhi: ➊ simplicity, ➋ eternity, at ➌ perfection. [Totoo bang may Diyos?]
Ito ang nakagisnan na paniniwala ng karamihan. Kapag hindi ka naniniwala sa kung anong pinaniniwalaan nila, tiyak na kampon ka ni satanas.
  • Nasipi na natin ang ilan sa mga katuruan ng Vatican II hinggil sa isyu ng ateismo, at makikita naman na ni minsa'y hindi sinabing "kampon ni Satanas" ang mga ateista. Binanggit pa nga na tayo mismong mga Cristiano ay may pananagutan sa kung bakit nagkaroon ng ateismo sa mundo (Gaudium et Spes, 19).
Kung tutuusin, mas makatuwiran pa ang mga satanista kaysa sa mga kristiyano. Kung moralidad lang naman ang pag-uusapan, wala pa akong nabalitaan na isang satanista na pumatay ng kristiyano dahil hindi ito naniwala kay satanas. Make sense? Oo, ang mga naniniwala lang sa diyos ang pumapatay para sa kanilang relihiyon.
  • Cliché na para sa sinumang tao na bumabatikos kay X na magpakita ng simpatya sa mga sinasabing "kalaban" ni X. Kaya hindi na nakakagulat kung sa buong kabanata na ito ay maglitanya si Cortez ng mga di-umano'y "kabutihan" ni Satanas at ng Satanismo, at kung paanong naging "biktima" si Satanas ng mga maling aral ng relihiyon, at kung paanong naging "bida" si Satanas at "kontrabida" ang Diyos. Cliché na ang sistemang pagbali-baliktarin ang mga nakagisnang papel at pamantayan.

    Sa kabilang banda, hindi malinaw kung ano bang klaseng "satanista" ang tinutukoy ni Cortez dito. Tinutukoy ba niya ang "Church of Satan" na itinatag ni Anton Szandor LaVey? Ito'y isang organisasyong tahasang nagpapakilalang ateista. Wala daw silang pinaniniwalaang diyos, at mas lalong hindi sila naniniwala sa diyablo. Ang isa pang grupong kaugnay nito ay ang "Temple of Set" na itinatag naman ni Michael Aquino, at kinikilala nilang diyos si Satanas, na ang totoong pangalan daw ay "Set." Alin sa dalawang ito ang sinasabi niyang "mas makatuwiran?" Alin sa dalawang ito ang sinasabi niyang daig pa ang mga Cristiano sa usapin ng moralidad?

At least, ang mga satanista ay hindi pumatay upang pilitin kang maniwala sa kanila o gumawa ng masama alang-alang sa kanilang paniniwala.
  • Ano kayang ibig sabihin dito ni Cortez? Na sapat na ang pagiging Satanista para ituring ang isang tao na matino at mabait, at sapat na ang pagiging relihiyoso para ang isang tao ay maging baliw at masama? Mas malaki ba ang posibilidad na malagay ako sa kapahamakan kung may kasama akong "relihiyosong tao" kaysa kung may kasama akong "satanista?" Kung may mga relihiyosong tao na gumagawa ng krimen sa ngalan ng relihiyon, nangangahulugan ba agad na lahat ng mga relihiyosong tao ay gumagawa rin ng mga naturang krimen, at ang lahat ng relihiyon ay nagtuturong gawin ang mga naturang krimen? Dapat ba akong kabahan kung may nakatabi akong madre sa jeep, at dapat bang gumaan ang loob ko kung may nakatabi akong satanista? Ang dami kong tanong, pero simple lang naman ang punto ko rito: Makatuwiran bang magsagawa ng panlahatang panghuhusga ng kapwa batay lang sa kanilang pagiging relihiyoso o satanista?

    Halimbawa'y may natuklasang duguang bangkay sa kalsada. Sa dibdib niya ay may nakabaong kutsilyo. Mayroon ding dalawang taong natagpuan sa crime scene: Si St. Teresa of Calcutta (nagtatag ng Missionaries of Charity) at si Anton LaVey (nagtatag ng Church of Satan). Sino kaya sa kanilang dalawa ang salarin? Si Mother Teresa ba, porke't sa pamantayan ni Cortez ay mga baliw at mapanganib ang mga relihiyosong tao? O si Anton LaVey ba, porke't "kampon" siya ni Satanas? Bilang makatuwirang tao, wala akong ura-uradang aakusahan sa kanilang dalawa, bagkus pareho silang sasailalim sa patas na imbestigasyon.

Tanungin natin ang biblia kung ilang tao ang pinatay ni Satanas... Ang kabuuhan ng napatay ni Satanas sa biblia ay sampu... Ngayon tingnan natin kung ilan ang pinatay ng mapagmahal na diyos sa biblia. Ayon sa pag-aaral, sa lumang tipan ay mahigit dalawang milyon ang pinaslang ng mapagmahal na diyos, hindi pa kasama dito ang mga namatay sa baha noong panahon ni Noah, ang paglipol sa Sodom at Gomorrah, at iba pang mga salot ng diyos. Dami noh? Pang world class killer ang peg. God is good all the time nga. Gagu!
  • Hindi ko maintindihan ang punto rito ni Cortez. Mas maraming napatay ang Diyos. Kaunti lang ang napatay ni Satanas. Samakatuwid, mas mapagmahal ba si Satanas kaysa sa Diyos? Yun ba ang punto?9

    Sa ganang akin, ang kailangan lang naman dito ay magkaroon ako ng katiyakan sa aking sarili kung totoo bang mayroong "pagmamahal" sa mundong ito o wala. Kung meron, saan ito nanggaling? Lahat ng bagay na umiiral sa mundong ito ay matatalunton pabalik sa Unang Sanhi. At kung magkagayon, ang "pagmamahal" ng Unang Sanhi ay maituturing na payak, magpakailanman, at ganap. Kung tutuusin, hindi sapat na sabihing "mapagmahal" ang Diyos; mas tamang sabihin na ang Diyos mismo ang pagmamahal. "God is love," (1 John 4: 8 NABRE) ika nga mismo sa Biblia.

    "See now that I, I alone, am he, and there is no god besides me. It is I who bring both death and life, I who inflict wounds and heal them, and from my hand no one can deliver."

    DEUTERONOMY 32: 39 NABRE

    Nakakatawa na inabala pa ni Cortez ang kanyang sarili sa paglilista ng mga "pinatay" ng Diyos. Dahil sa Salang Orihinal, lahat ng tao ay namamatay — maging ang Panginoong Jesu-Cristo mismo at ang Mahal na Birheng Maria ay dumanas ng kamatayan. Hindi mo na kailangang pahirapan ang sarili mo sa pagbibilang, dahil sa totoo lang, lahat ng tao ay "pinapatay" ng Diyos. At hindi lang kamatayan, kundi lahat ng mga kahirapan, sakit, katangahan, aksidente, panggagahasa, atbp. ay sadyang ipinahintulot o iginawad ng Diyos sa sangkatauhan, at sa lahat ng bagay na nabubuhay sa mundong ibabaw.

    Ngayon, nangangahulugan ba na dahil sa mga ito'y hindi talaga mabuti at mapagmahal ang Diyos ng Cristianismo? Sa totoo lang nakakagaan ng loob habang tinutuligsa ni Cortez ang mga krimen ng pagpatay, pang-aabuso, panggagahasa, atbp., pero nakakalungkot dahil sa halip na harapin ang tunay na dahilan ng kasamaan ay minabuti na lamang niya na isisi sa Diyos at sa relihiyon ang lahat. Sa halip na unawain at papanagutin ang mismong mga indibiduwal na gumagawa ng mga kasamaan, sa halip na pag-aralan ang sikolohiya ng mga krimen, ibunton na lang natin ang lahat ng galit, pagrereklamo, at paninisi sa Diyos? Maraming beses ko nang nabasa ang Biblia at ang iba't ibang mga katesismo, at kailanma'y wala akong nabasang ipinag-utos ng Diyos: "Magpatayan kayo para masunod ang gusto ninyo, apihin ninyo ang isa't-isa, gahasain ninyo ang sinumang maibigan ninyo, humayo kayo at pilitin ang mundo na maging Cristiano, at isisi ninyo sa demonyo ang lahat ng problema ninyo."

  • Kung sisiyasatin ang kaso ng mga taong sinasabing "pinaslang ng mapagmahal na diyos," ito ba'y mga taong sabay ding ipinakikilala ng Biblia na mga walang muwang, kaawa-awa, mababait, kapaki-pakinabang sa lipunan, banal, huwaran ng kabutihan at kabayanihan, matatalino, at kung ano pa mang pamantayan ng pagiging "mabuti" at "matino" at "inosente?" Ano nga bang dapat gawin ng isang "mapagmahal na Diyos" sa isang lipunang gaya ng Sodom at Gomorrah? Ano bang tunay na "mapagmahal na solusyon" ang maimumungkahi ni Cortez, at sa paanong paraan ito nakahihigit sa ginawa ng Diyos? Nakalimutan na ba ni Cortez ang kakatwang pag-uusap ng Diyos at ni Abraham bago nangyari ang paggunaw sa Sodom at Gomorrah? (Genesis 18: 20-32 NABRE) —

    So the LORD said: The outcry against Sodom and Gomorrah is so great, and their sin so grave, that I must go down to see whether or not their actions are as bad as the cry against them that comes to me. I mean to find out.
    As the men turned and walked on toward Sodom, Abraham remained standing before the LORD.
    Then Abraham drew near and said: "Will you really sweep away the righteous with the wicked? Suppose there were fifty righteous people in the city; would you really sweep away and not spare the place for the sake of the fifty righteous people within it? Far be it from you to do such a thing, to kill the righteous with the wicked, so that the righteous and the wicked are treated alike! Far be it from you! Should not the judge of all the world do what is just?"
    The LORD replied: If I find fifty righteous people in the city of Sodom, I will spare the whole place for their sake.
    Abraham spoke up again: "See how I am presuming to speak to my Lord, though I am only dust and ashes! What if there are five less than fifty righteous people? Will you destroy the whole city because of those five?" I will not destroy it, he answered, if I find forty-five there.
    But Abraham persisted, saying, "What if only forty are found there?" He replied: I will refrain from doing it for the sake of the forty.
    Then he said, "Do not let my Lord be angry if I go on. What if only thirty are found there?" He replied: I will refrain from doing it if I can find thirty there.
    Abraham went on, "Since I have thus presumed to speak to my Lord, what if there are no more than twenty?"" I will not destroy it, he answered, for the sake of the twenty.
    But he persisted: "Please, do not let my Lord be angry if I speak up this last time. What if ten are found there?" For the sake of the ten, he replied, I will not destroy it.

    Malinaw ang mga implikasyon: ➊ Hindi humahatol ang Diyos batay lang sa limitado at nagkakamaling pananaw ng tao, ➋ talagang masama ang mga mamamayan ng Sodom at Gomorrah, ➌ handa ang Diyos na pagpasensyahan sila alang-alang sa mga mabubuting taong naninirahan doon, at ➍ hindi basta-basta ipahihintulot ng Diyos na madamay ang mga mabubuting tao sa mga pagpaparusang inilaan niya sa mga masasama. Ipinahihiwatig nito na anumang salaysay sa Biblia na nagsasabing "nilipol" ng Diyos ang isang makasalanang lipunan, tiwala tayong walang mga inosente o mabubuting tao na nadadamay. At kung sakali mang may nadamay, ito'y mayroong mapagmahal na dahilan, nalalaman man natin iyon o hindi, at abot man iyon ng pang-unawa natin o hindi. Bago pa man maginarte ang mga ateista hinggil sa inaakalang "kalupitan" ng Diyos, nauna nang maginarte si Abraham, at maliwanag ang naging tugon ng Diyos sa mga ito.

Feeling ko mas superhero pa ang dating ni satanas kaysa kay hesus, na walang ginawa kundi magpacute at magtour sa jerusalem. Si Satanas, inudyok pa si Eba na kainin ang fruit of knowledge kaya ang tayo natuto magisip at may katalinuhan at katwiran. Samantalaga yung diyos, pinagbawal yung talino satin, baka daw kasi mapagtanto natin na isa pala siyang likhang isip.
  • Wala nga bang ginawa ang Panginoong Jesus kundi "magpacute" at "magtour" sa Jerusalem? Maituturing ba ang pahayag na ito ni Cortez, sa pamantayan ng literary criticism, bilang isang katanggap-tanggap na buod ng apat na Ebanghelyo? O sinasabi lang niya ito dahil ateista siya, at "kailangan" maging mali at katawa-tawa ang kahit na anong may kinalaman sa Cristianismo? Muli, nais kong maging patas sa komentaryong ito (kahit nagkakapatung-patong na ang mga di-makatuwirang panghuhusga ni Cortez). Nais kong makakita ng kumpletong listahan ng mga naturang "pagpapa-cute" at "pagtour" na ito. Talaga nga bang puro pagpapapansin at pamamasyal lang ang inatupag ng Panginoong Jesus sa loob ng mga tatlong taong pampublikong ministeryo niya? Isa lang ang natitiyak ko rito: Kung pagpapapansin at pamamasyal rin lang ang pag-uusapan, tila mas tumutugma ito sa mga social media accounts ni Cortez (sa Facebook, Instagram, YouTube, Wattpad, atbp.) kaysa sa mga ginawa ng Panginoong Jesu-Cristo na naitala sa apat na Ebanghelyo.
  • Hinggil sa usapin ng "fruit of knowledge," natalakay na natin ito nang ito'y banggitin ni Cortez sa Epigraph #3, kaya't hindi ko na uulitin ang mga nasabi ko na.

[UMAKYAT]


Epigraph #4 [BASAHIN]


Preachers: Ako ang sugo ng diyos na maghahatid sa inyo ng mensahe!

Everyone: Ano ang mensahe ng diyos?

Preachers: Mag-abuloy kayo ng pera sa sugo ng diyos!

Everyone: Praise the lord. Amen!

  • Gaya nga ng mga nabanggit ko na, cliché na para sa kahit sinong galit/tutol sa relihiyon na tuligsain ang kahit na anong pera, kayamanan, ari-arian, o benepisyong tinatamasa ng isang relihiyon. Nauunawaan ko naman ang mga ganitong sentimyento, dahil kung iisipin:

    1. Kung inaangkin mong isa kang institusyon na itinatag ng Diyos o may "espesyal" na koneksyon sa Diyos, at ang naturang Diyos ang sinasabi mong maylikha sa buong sanlibutan sampu ng lahat ng mga bagay na umiiral dito, nakikita at di-nakikita, eh bakit hindi mo na lang derektang hingin sa Diyos ang lahat ng kailangan mo? Bakit ka hihingi sa kapwa mong may mga sariling pangangailangan din na mas dapat nilang inuuna kaysa sa iba? Kung ikaw ay "sugo ng Diyos," bakit hindi ka na lang magpasustento sa mismong Diyos na nagsugo sa iyo?
    2. Kung ang isang relihiyon ay talagang di makatuwiran, walang basehan, at mapatutunayang gawa-gawa lang, ibig sabihin, sayang lang ang lahat ng mga kayamanan at benepisyong tinatamasa nito, na dapat ay kumpiskahin ng gobyerno para gamitin sa mga bagay na pakikinabangan ng nakararami sa lipunan.

    Sa kabilang banda, maaari din namang ikatuwiran:

    1. Hindi ba't kaya nga nilikha ng Diyos ang sanlibutan (sampu ng mga batas-kalikasang nagtatakda ng mga pisikal na kaayusan — mga kaayusang pinag-aaralan ng agham at natatalastas ng ating makatuwirang pag-iisip), at kaya nga niya inilagay ang tao sa sanlibutan, ay upang mamuhay tayo nang ayon sa mga limitasyon/pagkukulang ng sanlibutan? Eh ano naman kung Simbahan ka? Eh ano naman kung sugo ka o propeta ka? Dahil pare-pareho lang tayong inilagay sa mundo, pare-pareho lang din tayong magdaranas ng lahat ng mga problema at kunsumisyong meron sa mundong ito, at pare-pareho lang din ang mga uri ng solusyong kailangan natin para sa mga naturang problema at kunsumisyon. Ibig sabihin, kung ikaw na "normal" na tao ay nangangailangan ng pera, hindi kakatwa kung ang "sugo ng Diyos" ay mangailangan din ng pera.
    2. Sa paanong paraan ba magkakapera ang isang propeta kung ang mga ipinagagawa sa kanya ng Diyos niya ang pinaglalaanan niya ng mas mahabang panahon at pagsusumikap? Kung hindi niya ibig manghingi ng abuloy, kakailanganin niyang magdoble-kayod. Bukod sa mga gawain ng isang propeta, kailangan niyang magnegosyo o magtrabaho para sa iba, o di kaya'y mangaso, mangisda, maghanap ng makakaing prutas o gulay sa kagubatan, magtanim/magsaka sa sariling pataniman (Subalit paano siya magkakaroon ng lupaing pagtataniman?), magkalkal ng mga basura, o kung ano pa man. Mapapansin na ganyan ang naging sistema noon ni Apostol San Pablo: "In toil and drudgery, night and day we worked, so as not to burden any of you." (2 Thessalonians 3: 8 NABRE). Subalit gawin man niya ito o hindi ay non sequitur sa usapin ng kung totoo ba o hindi ang Diyos na nagsugo sa kanya. Hindi porke't pabigat ka sa lipunan ay peke na ang pagka-sugo mo, at hindi porke't hindi ka nanghihingi ng abuloy ay totoong sugo ka na. Walang kinalaman ang ugali ng sugo sa kung may Diyos ba o wala.
    3. Kung ang Diyos ang lumikha sa lahat, ibig sabihin, siya rin ang lumikha sa mga taong may kakayahang magbigay ng abuloy sa mga propeta niya. Kung hinihingan ka ng abuloy ng isang propeta, hindi ito dahil ayaw siyang tulungan ng Diyos kaya sayo siya nagpapasaklolo. Bagkus, kalooban ng Diyos na magkaroon ka ng bahagi sa gawain ng propetang iyon: Minarapat ng Diyos na gawin kang kasangkapan ng kanyang kagandahang-loob sa mga taong isinusugo niya, upang sa gayo'y magkaroon kayo ng mapagmahal na ugnayan sa isa't isa. Oo, masyadong "madrama" ang ganitong pananaw, pero may punto naman. Kalooban ng Diyos ng Cristianismo ang isang sangkatauhang nagkakaisa, nagtutulungan, nagmamahalan. Ngayon, kung tumanggi kang tumulong, kung gusto mong mag-solo sa buhay, kung ayaw mong magmahal ng kapwa, ang Diyos pa rin ba ang may problema? Ang Diyos pa rin ba ang masama at walang pakealam sa pangangailangan natin? Mapalalampas ng Diyos ang lahat ng mga katarantaduhan ng isang tao hanggang sa huling hininga nito (upang bigyan ng pagkakataong magsisi, magbalik-loob, at magbayad-sala), subalit pagharap ng kaluluwa niya sa hukuman ni Cristo, saka na magkakaroon ng paniningil (2 Corinto 5: 10):
      "Depart from me, you accursed, into the eternal fire prepared for the devil and his angels. For I was hungry and you gave me no food, I was thirsty and you gave me no drink, a stranger and you gave me no welcome, naked and you gave me no clothing, ill and in prison, and you did not care for me." (Matthew 25: 41-43 NABRE)

      "Whoever receives you receives me, and whoever receives me receives the one who sent me. Whoever receives a prophet because he is a prophet will receive a prophet's reward, and whoever receives a righteous man because he is righteous will receive a righteous man's reward. And whoever gives only a cup of cold water to one of these little ones to drink because he is a disciple — amen, I say to you, he will surely not lose his reward." (Matthew 10: 40-42 NABRE)

Huwag na huwag kayong magtitiwala sa mga taong nililinis ang kanilang mga konsensya sa kanilang mga kasamaan at kasalanan
Sa pamamagitan ng paghingi ng tawad sa kanilang mga dino-diyos.
Kung nagkasala ka kay Pedro, manghingi ka ng tawad kay Pedro.
Kung nakagawa ka ng kasamaan kay Juan, manghingi ka ng tawad kay Juan.
Huwag kang ipokrito.
  • Tama si Cortez dito, at nais ko pang dagdagan: Huwag kang magtitiwala sa mga taong kuntento na sa paghingi lang ng tawad. Sa tuwing may ginawa kang masama sa kapwa mo, marami kang dapat gawin:

    1. Pagsisihan ang kasalanan sa Diyos, sa Simbahan, at sa mismong kapwang ginawan ng kasalanan. Sa Cristianong pananaw, kailangan ang ganyang kumpletong pagsisisi, dahil sa tuwing nagkakasala ang tao, pare-parehong napipinsala ang ugnayan natin sa Diyos, sa Simbahan, at sa lipunan. Naisasakatuparan ito sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal, sa direktang pakikipagkasundo sa kapwang ginawan ng masama, at sa kusang-loob na pagpapaubaya sa anumang mga kaparusahang itinatakda ng batas.
    2. Kailangang magbayad-sala. Ayusin ang mga perwisyong idinulot. Ibalik ang anumang ninakaw. Gumawa ng mga paraan upang mapawi o maibsan ang pagdurusang idinulot sa kapwa. Kung mamatay kang hindi pa ito lubos na natutupad, ipagbabayad-sala mo ang mga nalalabing "karumihan" na ito sa Purgatoryo, sa kaparaanang Diyos lamang ang nakaaalam, na sa makalupang pananaw ay maihahalintulad lamang natin sa "apoy na nagpapadalisay."

      Ngayon, muli, sa Katolikong pananaw, maaaring akuhin ng Panginoong Jesus — kaisa ng Mahal na Birheng Maria at ng lahat ng mga Santo at Santa sa Langit — ang pagbabayad-salang ito, sa bisa ng walang-hanggang halaga ng kanyang Sakripisyo sa Krus, kaisa ng mga sakripisyo at mabubuting gawa ng Mahal na Birheng Maria at ng lahat ng mga Santo at Santa. Ang mga Apostol (at kalauna'y ang kanilang mga kahaliling Obispo) ang pinagkalooban ng kapangyarihang igawad ang naturang "pagpapatawad" — pagpapatawad na kalauna'y tinaguriang indulhensya — kapalit ng mga alternatibong gawain ng kabanalan (mga panalangin at debosyon, pagkakawanggawa, pagdalaw sa Santisimo Sakramento, atbp.).

      Bakit kinailangan ko pang ungkatin ang mga doktrina ng purgatoryo at indulhensya rito? Ito'y upang ipakita na sa Katolikong relihiyon, ang kasalanan ay hindi isang problemang ipinagwawalang-bahala, ni itinuturing na lubusang nalulutas sa bisa ng mga pahapyaw na pagsisisi sa Diyos. Laging kaakibat ng kasalanang pinagsisihan ang pananagutang magbayad-sala.

    3. Kailangan ng radikal na pagtalikod sa kasalanan at pagbabagong-buhay. Hindi maaari ang paulit-ulit na sistemang matutukso, magkakasala, magsisisi, magbabayad-sala, at matutukso at magkakasala nanaman. Sa Katolikong pananaw, hindi katanggap-tanggap ang mga pag-iinarteng, "Hindi naman ako santo!" Bilang Katoliko, katungkulan mong pagsumikapang maging santo. Kung halimbawa'y nagkasala ka sa asawa mo, kung nambabae ka, hindi sapat na magsisi at magbayad sala ka. Katungkulan mo ring maging mas lalong mabuting asawa, maging mas lalong banal na asawa. Hindi tama na babalik ka sa dating kalalagayan bago ka nambabae. Ang tanging direksyon na ipinahihintulot sa iyo ng Diyos ay ang direksyon tungo sa espirituwal na pag-unlad. "So be perfect, just as your heavenly Father is perfect." (Matthew 5: 48 NABRE)

    Nakalulungkot na ito'y mga Katolikong aral na hindi batid at hindi nasusunod ng maraming Katoliko, kaya't mauunawaan ko kung sa pananaw ng mga anti-Katoliko at ateista ay tila ba kinakasangkapan lang natin ang mga panalangin ng pagsisisi at ang Sakramento ng Kumpisal bilang "paghuhugas-kamay" sa mga katarantaduhang hindi naman talaga tunay na pinagsisisihan at paulit-ulit pang ginagawa.

Atheist: Anong pagkakaiba ni hesus at ng litrato ni hesus?
Katoliko: Simbolo namin ang mga litrato ni hesus.
Pastor at Ministro: Si Jesus ay totoo, hindi ang mga litratong sinasamba niyo.
Atheist: Mali kayong tatlo. Ang litrato ni hesus ay maaari mong isabit gamit lamang ang isang pako.
Katoliko, Pastor at Ministro: ...
  • Hindi ko maunawaan ang punto ng biro na ito, at sa kung paanong paraan nito pinatutunayan na • walang Diyos, • mali ang lahat ng mga relihiyon at nasa katuwiran ang ateismo, o kung ano pa mang ipinaglalaban ni Cortez. Oo, maraming pako ang kinailangan para "isabit" sa Krus ang Panginoong Jesus, habang ang mga larawan niya ay maaari mong "isabit" nang isang pako lang. O tapos, ano na?

    Hindi mo naman maaaring sabihing mali ang sinagot ng "Katoliko," dahil "simbolo" naman talaga ang isa sa mga makatuwirang silbi ng isang litrato. Hindi rin naman maaaring sabihing mali ang sinagot ng "Pastor at Ministro," dahil totoo naman talaga ang Panginoong Jesus, at hindi naman talaga "totoong Jesus" ang isang litrato lang. Tama rin naman na batikusin ang pagsamba sa mga larawan. Paano ba sila naging "mali?" Sa pananaw ba ng "Atheist" ay mayroon lamang iisang maaaring kahulugan ang diwa ng "pagkakaiba" na tinatanong niya — na alinsunod sa konteksto ng tanong, at sa alituntunin ng balarila at semantika, ang tanging maaaring tukuyin lamang nito ay ang tungkol sa kung ilang pako ang maaaring gamitin para isabit ang Panginoong Jesus at ang larawan niya? Hindi ba maaaring sabihin na lahat sila ay may tamang naisagot? Makatuwiran ba talagang palitawin na ang "Atheist" lang ang tama rito? Ganyan na lang ba katindi ang pangangailangan ni Cortez na magmukhang matalino kaysa sa mga Katoliko, Pastor at Ministro?

    Mahilig tayo sa mga ganitong pamimilosopo — sa mga tinaguriang fallacy of ambiguity. Tuwang-tuwa tayo sa artipisyal na "katalinuhang" naigagawad natin sa ating mga sarili, sa halip na magkaroon ng makatotohanang kaalaman sa mga bagay-bagay, at patas na pagkilala sa kung ano man ang mabuti, tama, o maganda sa mga taong hindi natin "kakampi." Malinaw sa naturang epigraph na walang intensyon ang "Atheist" na tuklasin ang malalim na aral ng Simbahang Katolika hinggil sa mga imahen ng Panginoong Jesus — isang aral na kinailangan pang ipaliwanag ng isang Konsilyo Ekumeniko para mabigyang-linaw (hindi sapat na sabihing "simbolo" lang ang mga ito).

    Sinasalamin ng naturang epigraph kung ano bang uri ng ateismo ang itinataguyod ni Cortez sa "libro" niya. Ito'y isang ateismong mapangmaniobra, mapanlamang, mapanghusga, at mapagmataas. At bilang Katoliko, napaaalalahanan ako na sikaping huwag tularan ang mga naturang masasamang pag-uugali. Sa pagpapatuloy ng komentaryong ito, kailangan kong sikapin na maging patas, makatotohanan, at makatuwiran sa lahat ng mga sasabihin ko. Mahirap gawin, pero kailangan, dahil sa totoo lang, mayroon pa bang nakakikilala kay Cortez na handang abalahin ang kanyang sarili na gumawa ng ganitong komentaryo?

[UMAKYAT]


Bakla, Tomboy o Shokoy? [BASAHIN]


  • Nang una kong mabasa ang kabanatang ito (mga dalawang taon na marahil ang nakararaan), ang unang pumasok sa isip ko ay argumentum ad passiones — isang uri ng argumentum ad populum (iginigiit na totoo/tama hindi dahil makatuwiran kundi dahil iyon ang paniniwala ng nakararami). Bakit "ad passiones" ("sa mga emosyon")? Dahil tila ang buong layunin ng kabanata ay ibaling ang atensyon ng mambabasa mula sa makatuwirang paglilirip sa usapin ng pag-iral ng Diyos, tungo sa pag-antig sa damdamin ng mga tinaguriang miyembro ng LGBTQI+, para palitawing "kakampi" nila ang mga ateista, at "kalaban" nila ang lahat ng mga relihiyon.

    Palibhasa'y laganap na sa lipunan ang pakikisimpatya sa mga miyembro ng LGBTQI+, at dahil may mga umiiral nang batas laban sa mga di makatarungang diskriminasyon sa kanila, nagiging malaking tulong sa pagtataguyod ng kung anu-ano (kabilang na ng ateismo) ang pakikisawsaw sa mga isyung ipinaglalaban ng mga ito. Sa panahon natin ngayon, mas nagmumukha kang "mabait" at "matino" kung nakikisali ka sa pagwawagayway ng "bandera ng kapalaluan."

    Ano nga naman kasi ang kaugnayan ng paksang ito sa pag-iral ng Diyos? Kung pabor sa LGBTQI+ ang isang relihiyon, nangangahulugan din ba na totoo ang diyos nila at tama ang relihiyon nila? Kung makatuwiran tayong mag-isip, alam nating HINDI. Kahit mapatunayan pang mali ang lahat ng relihiyon sa usapin ng LGBTQI+, hindi nito napabubulaanan ang pag-iral ng Diyos. At kung totoong may Diyos at tutol siya sa mga natatanging pag-uugali at pamumuhay ng mga miyembro ng LGBTQI+, ibig sabihin, tayong mga tao ang totoong nagkamali sa pagkakaunawa sa kung ano nga ba talaga ang tama at mabuti (sapagkat hindi maaaring mangyari na maging "mas tama" o "mas mabuti" ang nilikha kaysa lumikha).

"Ang pagiging bakla o tomboy ay isang mabigat na kasalanan sa Diyos. At kahit saan mo tingnan, hindi talaga tama ang pakikipag relasyon o pagaasawa ng kapwa lalaki at babae." — ang diyos ng pagibig galit sa nagmamahalan lamang? I don't think so.
  • Ang tanong ay kung ano nga bang paliwanag sa likod ng pagsasabing "mabigat na kasalanan" ang pagiging "bakla" o "tomboy,"" at sa kung paanong "hindi talaga tama" ang pakikipag-relasyon sa kaparehong kasarian. Sa Katolikong pananaw, may kinalaman ito sa ➊ tunay na kahulugan ng seksuwalidad, sa ➋ tunay na kahulugan ng pag-aasawa, sa ➌ tunay na kahulugan ng pagtatalik, at sa ➍ tunay na kahulugan ng pagmamahal. (CCC 2331-2400) Siyempre, dahil ang mga pagpapaliwanag ay kinasasangkutan ng mga katuruang relihiyoso, walang pakealam dito si Cortez. Sa pananaw ng mga ateista, anumang relihiyosong kapaliwanagan ay pawang kathang-isip lang at bunga lang daw ng mga pagdudunung-dunungan sa Biblia — mga kapaliwanagang agad pinatatahimik sa pamamagitan ng pagsasangkalan ng isang balintuwad na interpretasyon ng separation of church and state. Subalit sa ganitong pagtangging makinig sa panig ng Simbahan, sino ngayon ang lumalabas na nang-gigipit? Sino ngayon ang sarado ang pag-iisip? Sino ngayon ang di makatarungan at ipinagpipilitan ang paniniwala?

    Nabubuhay tayo sa panahong kapuri-puri sa marami ang konsepto ng "pagmamahalan" kahit hindi naman malinaw sa atin kung ano ba talagang kahulugan nito. Sa paanong paraan nga ba "nagmamahalan" ang mga magkasintahan at mga mag-asawa? Sa paanong paraan ba ito naiiba sa pagmamahal mo sa magulang, kaibigan, at alagang hayop? Gaano ba kadakila ang pagmamahalan ng magkaparehong kasarian upang maituring itong pamantayan ng panghuhusga sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos? Ito ang mga bagay na gusto kong maintindihan, hindi lamang sa panig ng mga ateista, kundi sa panig din ng mga nagmamahalang LGBTQI+. Sa panig ng Simbahang Katolika, minsan nang tinangka ni Pope Benedict XVI na ipaliwanag ang malalim na paksa ng pagmamahal (sa kanyang unang encyclical letter noong December 25, 2005: Deus Caritas Est). Si Cortez ba, ano bang paliwanag niya sa "pag-ibig," yaman rin lang na napakarami niyang ipinaghihimutok laban sa aniya'y huwad na pag-ibig ng Diyos ng Cristianismo?

"Kaya naglabas ang diyos ng kakaibang sakit gaya ng AIDS, para lipulin ang masasamang gawa ng tao. Inilagay talaga ng diyos yun dahil dumadami na ang mga bakla at mga tomboy." — Ano kaya ang plano ng diyos kung bakit nilagay ang Cancer at Dengue sa mundo? Siguro para sa mga mapanghusga at mga ipokritong gaya mo?
  • Hindi ko alam kung saang relihiyon kabilang ang taong nagsabi nang gayon kay Cortez. Ang alam ko lang, sa panig nating mga Katoliko, sa sulat-pastoral ng CBCP na "In the Compassion of Jesus," (inilabas noong January 23, 1993) nasasaad: "For us, an encounter with people infected with HIV-AIDS should be a moment of grace — an opportunity for us to be Christ's compassionate presence to them as well as to experience His presence in them." Sa pananaw ng Katolikong Pananampalataya, ang mga nagkakasakit ng AIDS ay hindi itinuturing na mga taong pinarurusahan ng Diyos, kundi mga kapwa nating sinasamahan ng Panginoong Jesus sa kanilang mga pinagdaraanan, at sila'y dapat nating kahabagan at tulungan. Hindi isinisisi sa mga "bakla" at "tomboy" ang paglitaw at paglaganap ng AIDS. Hindi sinasabing ang mga "bakla" at "tomboy" na namatay sa AIDS ay nararapat lang mamatay. Sa kabilang banda, hindi na siguro kasalanan ni Cortez kung wala siyang muwang sa pag-iral ng sulat-pastoral na ito, dahil ilang taong gulang pa lang ba siya noong taong 1993?
"Mali kasi ng pagpapalaki sa mga anak nila kaya ang tao naliligaw ng landas at nagiging bakla o tomboy. Kasalanan din yan ng mga magulang." — Malalaman mo yang sinasabi mo kapag nagka-anak na ng bakla o tomboy.
  • Tama naman si Cortez. Subalit mali rin namang sabihin na walang naging papel ang ginawang pagpapalaki ng magulang. Maraming elemento ang naka-aapekto sa pagkakahubog ng ating natatanging pagkatao, at kabilang dito ang karanasan natin sa piling ng mga taong nag-aruga sa atin nang tayo'y mga bata pa. Ang talagang nakakainis dito ay ang pag-uugali ng mga tao sa tuwing hinugusgahan ka nila at dinidiktahan sa kung paano mo dapat palakihin ang anak mo. Kung hindi naman hinihingi ang opinyon mo, o kung wala ka namang pormal na edukasyon sa developmental psychology, sino ka ba para pagsabihan ang kapwa mo na "mali" ang pagpapalaki nila sa anak nila?
Alam kong mahigpit na ipinagbabawal ng diyos ng mga kristiyano ang pakikipag relasyon sa kapwa lalake o babae dahil nilikha ng diyos ang lalaki para sa babae, at ang babae para sa lalaki. Kasuklam-suklam sa mata ng diyos ang mga bakla at tomboy (Leviticus 18:22, 20:13). Sa katunayan, kahit ang pagtingin ng may kalaswaan sa isang tao ay kasalanan din para sa diyos ayon sa biblia (Matthew 5:27-28).
  • Hindi ko alam sa kung paanong paraan ba ipinaliliwanag ng Iglesia ni Cristo, Born Again, Saksi ni Jehova, at Seventh Day Adventist ang kanilang mga katuruan hinggil sa LGBTQI+. Iyon lang nga ba ang batayan ng pagtutol nila — ang pagsasangkalan ng Leviticus 18:22, 20:13? Sa pagtalakay ng Catechism of the Catholic Church sa paksa ng homoseksuwalidad, mapapansing ni hindi nito sinipi ang mga naturang taludtod (CCC 2357-2359).

    Ano nga bang nasusulat sa Leviticus 18: 22, 20: 13?

    "You shall not lie with a male as with a woman; such a thing is an abomination." (Leviticus 18: 22 NABRE)

    "If a man lies with a male as with a woman, they have committed an abomination; the two of them shall be put to death; their bloodguilt is upon them." (Leviticus 20: 13 NABRE)

    Tumutukoy ba ito sa ating modernong konsepto ng pagiging "bakla" at "tomboy?" Hindi. Bagkus, tumutukoy lamang ito sa mismong • akto ng pagtatalik ng isang • nakatatandang lalaki ("ish" ang salitang Hebreong ginamit) at • menor de edad na lalaki ("zachar" ang salitang Hebreong ginamit) [LINK]. Ang tinutuligsa rito ng Biblia ay ang sinaunang kaugalian ng Greek pederasty. Isa itong kaugaliang may malalim na ugat sa paganismo, at makatuwirang maipagpapalagay na hahantong sa kahalayang nangyari at lumaganap sa Sodoma at Gomora, kaya sinasabing isa itong gawaing kasuklam-suklam, at maaari pa ngang patawan ng parusang kamatayan. Hindi ito basta-basta maihahalintulad sa mga masalimuot na kaso ng LGBTQI+ sa ating kapanahunan.

  • Ano namang sinasabi sa Matthew 5: 27-28?

    "'You have heard that it was said, 'You shall not commit adultery.' But I say to you, everyone who looks at a woman with lust has already committed adultery with her in his heart.'" (NABRE)

    Ang tanong ay kung ano bang ibig sabihin ng "pagtingin nang may kahalayan" sa isang tao. Ayon sa turo ng Simbahan: "Lust is disordered desire for or inordinate enjoyment of sexual pleasure. Sexual pleasure is morally disordered when sought for itself, isolated from its procreative and unitive purposes." (CCC 2351)

    Ipagsaalang-alang natin ang isang kongkretong halimbawa para maunawaan natin ito nang maayos:

    Tiningnan ko si Cortez. Nakaramdam ako ng kakaiba sa aking sarili. "Kinilig" ako, ika nga. Ang agarang interpretasyon ko sa aking pakiramdam: "Ang guwapo naman niya." Mabilis na nagkapatung-patong ang mga kakaibang pakiramdam: Bumilis ang tibok ng puso ko, namula ang pisngi ko, nauutal ako sa pagsasalita, natataranta ako, at wala pang isang minuto'y pati ang maselang bahagi ng katawan ko ay nagkaroon na rin ng reaksyon. Tanong: Tiningnan ko ba si Cortez nang may kahalayan? HINDI, sapagkat ito'y mga reaksyong pangkaisipan at pangkatawan na hindi ko naman lubusang kontrolado.

    Ngayon, kung nagpasya ako sa aking sarili, "Gusto ko ang pakiramdam na ito, at ipagpapatuloy ko ito," at patuloy kong tiningnan si Cortez. Nagsimula akong magpantasya ng pakikipag-relasyon at pakikipagtalik sa kanya. Kahit wala na siya sa paningin ko'y patuloy ko pa rin siyang inisip at pinagpantasyahan, na humantong sa masturbation, pangmamaniobra at pangaakit, at mga pagpaplano sa kung paano magiging "kami," o kung hindi man, ay kung paano ko siya "matitikman." IYAN ANG KAHALAYAN, sapagkat kusa kong ginatungan ang mga pagnanasa ko kay Cortez, at ang mismong mga gusto kong mangyari ay taliwas sa tunay na diwa ng matrimonyo at pagtatalik ng mag-asawa — na kung saan • ibinibigay ng lalaki at babae ang kanilang buong sarili sa isa't isa ("unitive purpose"), na humahantong sa • paglilihi sa supling ("procreative purpose") na ang sangkap ng katawa'y parehong nagbuhat sa kanyang mga magulang, kaya't maituturing na isang buháy na tanda ng • habambuhay na pagkakaisa at pagmamahalan ng kanyang ama at ina ("lifetime commitment; indissolubility of marriage").

Ayon sa pag-aaral, habang nabubuo ang isang embryo, ang mga genes na may kaugnayan sa sex ay papatay-sindi bilang tugon sa pagbabago-bago sa antas ng hormone sa sinapupunan, na parehong ginagawa ng ina at anak. Sa katunayan, natutukoy na ng mga siyensya kung ang isang sanggol sa sinapupunan ay magiging bakla, tomboy o straight.... Hindi pa lubos na nalalaman kung bakit ang isang tao ay maaaring maging tomboy, bakla, tuwid, o bisexual. Ngunit ipinakita ng pananaliksik na ang orientasyong sekswal ay sanhi ng isang bahagi ng mga biological factor na nagsisimula bago ipanganak. Hindi makapagpapasya ang mga tao kung sino ang nakakaakit sa kanila, at ang therapy, paggamot, o panghihikayat ay hindi magbabago sa oryentasyong sekswal ng isang tao... Ang mga pagbabago sa epigenetic ay nagsasangkot ng mga pagbabago sa mga protina na nagbubuklod ng mahabang mga hibla ng DNA at maaaring maipasa sa mga supling. Ang homosekswalidad ay maaaring madala mula sa sariling mga genes ng mga magulang patungo sa isang prenatal genes upang labanan ang labis na testosterone, at dahil dito ay maaaring mabago nito ang pag-activate ng gene sa mga lugar ng utak ng bata na sangkot sa sekswal na pang-akit at kagustuhan.
  • Una sa lahat, sa palagay ko, katungkulan ni Cortez na banggitin ang source ng mga ginawa niyang pagpapaliwanag dito, na sa tingin ko'y sobrang hawig sa pananalita ng artikulong ito: "Homosexuality May Start in the Womb" (na ang may-akda ay si Elizabeth Norton). Bilang isang manunulat na nangangarap makapaglathala ng sariling libro, tungkulin mong maging responsable sa pagbibigay ng karampatang pagkilala sa mga pinagkukuhanan mo ng impormasyon. Hindi porke't isina-Tagalog mo ang isang bahagi ng artikulong orihinal na nakasulat sa Ingles ay hindi ka na nagkakasala ng plagiarism.
  • Pangalawa, hindi mangmang ang Simbahang Katolika hinggil sa mga umiiral na siyentipikong pag-aaral tungkol sa homoseksuwalidad. Sabi nga ng CBCP, "A comprehensive explanation for same-sex attraction or homosexual tendencies and inclinations remains elusive to this day, but research undertaken within various branches of science and medicine at various levels indicate that male and female homosexuality, though different in character, have both biological and environmental causes." ("The Dignity and Vocation of Homosexual Persons") Hindi ko alam kung ano bang mga pinagsasasabi ng ibang relihiyon, ngunit kung panig ng Simbahang Katolika ang pag-uusapan, kabilang ang mga datos ng agham sa mga ipinagsasaalang-alang niya pagdating sa kanyang mga katuruan hinggil sa mga miyembro ng LGBTQI+.
  • Pangatlo, bilang isang Katolikong Cristiano, wala akong nakikitang kontradiksyon sa pagitan • ng mga sinasabing biological/genetic causes ng homoseksuwalidad at • ng doktrina ng Simbahan. Sa katunayan, tumutugma pa nga ang mga ito sa doktrina ng Salang Orihinal, na nagsasabing ang kalikasang pantao (human nature) na ipinamana sa sangkatauhan nina Adan at Eba, ay isang kalikasang napinsala/pinahina ng kasalanan, anupa't naging katutubo na sa atin ang iba't ibang makasalanang pag-iisip at pag-uugali (CCC 402-409).

    Ngayon, hindi naman porke't "likas" na sa iyo ang pagiging "bakla" o "tomboy" ay agad nang nangangahulugan na "tama" o "nararapat isabuhay at itaguyod" ang pagpapaka-"bakla" o pagpapaka-"tomboy." Ayon sa mga pag-aaral, "likas" din naman sa tao ang ang pagiging marahas, pero hindi ibig sabihin na dapat itong ituring na "normal," "mabuti," "kapuri-puri," at "karapat-dapat sa mga tanging karapatan." Hindi porke't sinasaway ka sa mga mararahas mong pag-uugali ay biktima ka na ng diskriminasyon. Isa pang halimbawa ay ang obesity, na ayon sa mga pag-aaral ay posible ring sanhi ng mga problema sa genes ng isang tao. Dahil ba dito'y dapat ding "respetuhin" ang labis na katabaan, pabayaan na lamang ito, at ituring na "mabuti," "kapuri-puri," "normal," at magtakda pa ng mga taunang pagdiriwang para dito? Maituturing bang diskriminasyon kung hihikayatin mo ang isang obese na magpakonsulta sa doktor para makita kung may masama na bang epekto sa kalusugan niya ang kanyang labis na katabaan?

Kung ganoon, bakit may diskriminasyon sa mga ito? Sa totoo lang kahit ang salitang bakla at tomboy ngayon ay ginagawa nang biro sa tao... Naging norm nalang din ang pagtawag ng bakla sa kapwa na parang isa itong kapansanan o disability. Na parang nakakapang-diri ang ilan sa mga ganitong tao. Nakakalungkot isipin pero ito ang dahilan kung bakit ang ilang bakla o tomboy ay nagtatago at natatakot na ilantad ang sarili sa mundo. Halos mawalan ng karapatang pantao ang mga kagaya nila... Ang ilan sa mga bansa ay hinahatulan ng kamatayan ang homosekswal. Ganito sila kalulupit sa mga taong ito. Ang dahilan? Dahil labag ito sa kanilang relihiyon at paniniwala.
  • Marami akong mga pangit na karanasang nati-trigger, ika nga, ng bahaging ito ng libro ni Cortez. Hayaan ninyong ikwento ko ang isa.

    Nang maging call center agent ako sa isang kumpanya, nagkaroon ako ng katrabaho na ang pangalan ay Angel. Magkatabi lang kami ng workstation. Bilang introvert, likas na sa akin ang kawalang-gana ko sa mga mahahaba at walang katuturang pakikipag-tsismisan at pakikipag-biruan. At dahil "lalambot-lambot" din akong kumilos, hindi nagtagal at naging tudlaan ako ng halos araw-araw na pang-aasar ng damuhong katrabaho kong ito.

    Sa totoo lang, galit na galit ako sa sitwasyon. Una, dahil hindi na kami mga bata para magkaroon ng mga ganoong eksena ng walang katuturang asaran at kulitan. At pangalawa, noong mga panahon iyon ay marami akong mga mabibigat na problemang personal na pinagdaraanan, at hangga't maaari'y ibig ko na lang ituon ang lahat ng atensyon ko sa trabaho kapag nasa trabaho ako. Umabot sa puntong nakakabastos na. Nang magsumbong ako sa team leader namin, hindi ako nagalinlangang sabihing sexual harassment na ang mga ginagawa ni Angel sa akin.

    Hindi iyan ang unang pagkakataon na nakaranas ako ng di-makataong pagtrato ng mga kaklase sa paaralan at katrabaho sa opisina. Porke ba't tahimik ako, porke ba't "lalamya-lamya" ako, porke ba't kakaiba akong kumilos sa isang "normal" na lalaki, ay karapat-dapat na akong asarin at pagkatuwaan? Sa tuwing naaalala ko ang sama ng loob ko sa mga sitwasyong iyon, sa totoo lang, parang gusto kong pumatay na lang ng tao.

    Sa kabila ng mga karanasang ito, hindi sumagi sa isip ko na sisihin ang relihiyon. Bakit? Dahil sa lahat ng pagkakataon, ni minsa'y di ko kinakitaan ng pagka-relihiyoso ang mga umapi sa akin. Hindi naman nila ako inapi sa ngalan ng relihiyon nila. Inapi nila ako dahil sadya lang talagang masama ang mga ugali nila. Dahil kung katuruan rin lang ng Simbahang Katolika ang pag-uusapan, hindi kailanman kinunsinti ng Simbahan ang diskriminasyon:

    "The number of men and women who have deep-seated homosexual tendencies is not negligible. This inclination, which is objectively disordered, constitutes for most of them a trial. They must be accepted with respect, compassion, and sensitivity. Every sign of unjust discrimination in their regard should be avoided. These persons are called to fulfill God's will in their lives and, if they are Christians, to unite to the sacrifice of the Lord's Cross the difficulties they may encounter from their condition." (CCC 2358)
Ang same-sex at same sex marriage ay karapatan ng isang tao. Kung hindi ka sang-ayon dito, huwag mong gawin... Ngunit wala kang karapatan na gawin itong batas... Wala kang karapatan na gawin itong batas pangkalahatan.
  • Sa usapin ng mga sinasabing "karapatan" ng isang tao, hindi mo ito maihihiwalay sa lipunang kinabibilangan ng taong iyon. Ang lipunan ang nagkakaloob at nagtatanggol sa mga karapatan ng kanyang mamamayan, at iginagawad niya ang mga naturang karapatan dahil nakatutulong ang mga ito sa pangkalahatang ikabubuti ng lipunan.

    Ang tanong: Sa paanong paraan nakatutulong sa pangkalahatang ikabubuti ng lipunan ang pagtatalik at/o pagpapakasal ng magkaparehong kasarian? Mahaba at kumplikadong usapin ito, subalit pagtuunan natin ang pinaka-seryosong punto sa lahat — ang mismong ikapananatili ng lipunan. Dahil hindi maaaring makapag-supling ang pagtatalik ng magkaparehong kasarian, nangangahulugan ito na ang mga pakikipag-relasyon ng magkaparehong kasarian ay nakadaragdag sa mga sanhi ng pagkalipol ng isang lipunan. Maituturing itong isang banta sa pangkalahatang ikabubuti, dahil sadya nitong "pinapatay" ang populasyon.

    Anong naiisip na solusyon sa bantang ito? Kung mag-aampon ka, sinong gagawa ng mga batang aampunin mo? Saan sila manggagaling: Sa loob ba o labas ng lipunan?

    Kung dadaanin sa in vitro fertilization at surrogacy, hindi ba nakokompromiso ang dignidad at karapatang-pantao ng lalaking pagkukunan ng semilya, at ng babaeng magpapagamit ng matres niya? Higit sa lahat, paano na ang mismong dignidad at karapatang-pantao ng mga naturang bata — na sumilang, hindi dahil sa pagmamahalan ng sariling bayolohikal na magulang (na di tuwirang nagtatakwil sa kanya), kundi udyok • ng mga personal na interes ng mga homoseksuwal na mag-asawa, • ng pakikisangkot ng mga siyentista, at • ng pangangailangan ng lipunan na panatilihin ang populasyon? At huwag din nating kalimutan kung gaano ba kalaki ang gastos para sa mga prosesong ito. "The average cost of surrogacy can range from $90,000 to $130,000" (LINK). "The average cost of an IVF cycle in the U.S. costs $12,000 to $17,000" (LINK).

    Hindi kalabisan ang mga pahayag ng CBCP: "Denying homosexual unions the social and legal status of marriage simply affirms that these unions, as well as other non-marital unions similar to them, are not equivalent to marriage because they cannot give society what marriages can give. This is not opposed to justice. On the contrary, justice demands it . . . . It is one thing for individual persons to freely engage in their private activities, and another very different thing for them to demand that the state sanction these activities, especially when they would harm the common good."

  • Mapapansin na ang paninindigan ng Simbahang Katolika sa isyung ito ay hindi lang batay sa walang kapararakang pagsasangkalan ng Katolikong doktrina para ipagpilitan ito sa lahat ng tao. Bagkus, batay ito sa isang makatotohanang pagtanaw sa kung ano ba talagang pangkalahatang ikabubuti ng lipunang kinabibilangan niya.

    Sa kasamaang-palad, hindi na Katoliko si Manny Pacquiao [na siyang tinutuligsa rito ni Cortez, dahil sa pagsasabi nitong "masahol pa sa hayop" ang mga LGBTQI+, at ito'y labag sa Biblia, atbp.], kaya't naging mababaw ang mga batayan niya ng pagtutol sa homoseksuwal na pagtatalik at pagpapakasal.

Ang isang bagay na hindi ko maintindihan sa isang bakla o tomboy ay ang pananatiling relihiyoso o maka-diyos kuno. Samantalang ang diyos mismo nila ang nasusuklam sa kanila... Halos lahat ng sekta ng relihiyong kristiano ay kontra sa homosexual... Hindi ako laban sa homosekswal pero bes para talagang imposibleng maging relihiyosong tao sa kabila nang pangmamaliit nila sayo dahil isa kang bayot o tibo! Hindi nila kayo tinitingan bilang isang tao. Gising! Huwag matakot sa imyerno, ipaglaban mo ang karapatang pantao mo!
  • Muli, ito na nga ang sinasabi ko sa simula pa lang: Ang argumentum ad passiones ni Cortez. Talagang hindi niya maiiintindihan kung paano naging posible na magkaroon ng isang debotong Katoliko na LGBTQI+, dahil sa totoo lang, duda akong pagtitiyagaan niyang pag-aralan ang panig ng Simbahang Katolika sa usaping ito.

[UMAKYAT]


Epigraph #5 [BASAHIN]


Pari: Ang pakikipagtalik ay nilikha ng diyos para lamang sa ikinasal na mag-asawa. Hindi ito para sa mga magjowa na hindi pa ikinakasal, at mas lalong hindi ito para sa mga bakla at tomboy na magkapareho ang kasarian.

Bakla: Sige nga father, patingin kami ng marriage contract ni Eba at Adan?

Pari: ...

  • Nabanggit na natin ang panig ng Simbahang Katolika hinggil sa isyung inuungkat nanaman ng epigraph na ito, kaya't hindi ko na uulitin pa ang mga nasabi ko na.

    Sa kabilang banda, walang saysay na hanapan ng "marriage contract" sina Adan at Eba dahil sila pa lang ang tao sa mundo nang maging mag-asawa sila, at wala pang umiiral na pamayanang kailangan nilang pakitaan ng ebidensya ng kasal para makapakinabang sila ng mga karapatan at benepisyong ipinagkakaloob ng naturang pamayanan para sa mga mag-asawa. At isa pa, sila'y nasa Halamanan ng Eden. Tuwiran nilang nakakasalamuha ang Diyos. Walang pagkagutom, pagkakasakit, pagod, katangahan, at iba pang mga kahinaan (state of original holiness and justice). Hindi nila kailangan ng isang pamayanang magkakaloob sa kanila ng mga karapatan at benepisyo, dahil ang Diyos na mismo ang tuwirang nagkakaloob ng mga iyon.

    Muli, isa itong tusong pangmamaniobra sa damdamin ng mga bakla para makumbinsi silang maging ateista. Ang pagtutol mo o pagsang-ayon sa mga aral ng Simbahang Katolika hinggil sa kasal at pakikipagtalik ay hindi importante (non sequitur, ika nga) sa usapin ng pag-iral ng Diyos at maging sa usapin ng kung ang Simbahang Katolika ba ang tunay na Simbahang itinatag ng Diyos. Sa aking palagay, walang naitutulong ang epigraph na ito para katigan ang ateismo.

Kung naniniwala ka at nagpapasalamat ka na tinulungan ka ng diyos na makita ang iyong nawawalang 500 pesos,

At hinayaan niya ang anim na taong gulang na bata na abusuhin ng pastor sa parehong oras,

Siraulo ka.

  • Imposible namang maarok ng isipan ng sinumang tao ang "buong katotohanan" sa likod ng mga pangyayari sa buhay niya. Yung 500 pesos ko, anong malay ko kung kinailangan palang pasagasaan sa pison ang 500 inosenteng sanggol para maipagkaloob sa akin ang perang iyon? Anong malay ko kung sa masalimuot na pagsasanga-sanga ng mga sanhi at epekto, masasagasaan din pala ako ng pison makalipas nang tatlong araw nang dahil sa 500 pesos ko, na naiwasan sanang mangyari kung hindi ko na lang ito nakita?

    Makatuwiran ang reakson ni Cortez: Siraulo talaga ang mga di-pinagiisipang pagpapasalamat sa panalangin. Ipinahihiwatig ng mga naturang pagpapasalamat ang napakababaw at napaka-makasariling pananaw natin sa buhay. Kung nagpapasalamat tayo sa Diyos, hindi maaaring mawaglit sa ating isipan ang tatlong mahalagang katotohanan:

    1. Walang mayroon ako na di galing sa Diyos.
    2. Lahat ng nangyayari sa akin ay dumaan sa mga kamay ng Diyos, at sa gayo'y laging nagbibigay sa akin ng kalayaang piliin ang aking ikabubuti o ikapapahamak, at
    3. Kahit ano pang mangyari, mabuti man o masama, pabor man sa aking kasalukuyang sitwasyon o hindi, laging kaakibat ng mga ito ang mas lalong malaking kabutihan na walang pagsalang ipagkakaloob ng Diyos sa akin kung buong pagtitiwala at pagtitiyaga kong paninindigan ang pagpili sa kabutihan.

    Sapat na ang tatlong iyan para lagi akong magpasalamat, pero hindi ibig sabihin na hindi na tayo magrereklamo. Hindi ibig sabihin na dapat pang magpasalamat sa Diyos ang batang inabuso ng pastor. Ang sinasabi natin dito, pagdating sa mga masasamang bagay na nangyayari sa mundo na hindi na natin kontrolado, huwag nating iisipin na ang mga ito'y "pinababayaan" lang ng Diyos. May katarungan sa Araw ng Paghuhukom. May Langit at Impyerno. Hahatulan ang lahat batay sa kanyang mga ginawa nang nabubuhay pa.

    Narito pa ang isang dakilang hiwaga. Sa Cristianong pananaw, buo ang paninindigan nating minarapat ng Panginoong Jesus na makipag-kaisa sa lahat ng mga biktima ng kawalang-katarungan sa mundo. Nang inabuso ng pastor ang anim na taong gulang na bata, naroon ang Panginoong Jesus sa akto ng pang-aabuso, hindi bilang manonood, kundi bilang biktima rin. Naroon siya na wari'y anim na taong gulang din, sumisigaw ng saklolo, umiiyak, takot na takot. Hindi ito kadramahan lang. Hindi natin ito gawa-gawa lang bilang pampalubag-loob sa mga biktimang hindi natulungan. Ang hiwagang ito ay inihayag ng Panginoong Jesus sa talinghaga niya hinggil sa Huling Paghuhukom:

    "Then he will say to those on his left, 'Depart from me, you accursed, into the eternal fire prepared for the devil and his angels. For I was hungry and you gave me no food, I was thirsty and you gave me no drink, a stranger and you gave me no welcome, naked and you gave me no clothing, ill and in prison, and you did not care for me.'
    Then they will answer and say, 'Lord, when did we see you hungry or thirsty or a stranger or naked or ill or in prison, and not minister to your needs?'
    He will answer them, 'Amen, I say to you, what you did not do for one of these least ones, you did not do for me.'
    And these will go off to eternal punishment"
    (Matthew 25: 41-46 NABRE)
  • Muli, hindi ibig sabihin na hindi na tayo magagalit. Hindi ibig sabihin na ipagpapatay-malisya na lang natin ang mga krimeng hindi natin masawata. Huwag sanang mangyari na sa pagharap natin sa hukuman ng Panginoong Jesus, sasabihin niya sa atin, "Namroblema ako, pero nagsend ka lang ng Bible verse. Ginahasa ako, pero sinabi mo pang patawarin ko ang rapist ko dahil may plano ang Diyos. Pagkain ang kailangan ko, pero mga motivational quotes ang ipinakain mo sa akin. Sumigaw ako ng saklolo, pero nagdasal ka lang."
Why would God use his powers to kill everyone on earth?
But not feed everyone on earth?
  • Hanggang sa katapusan ba ng libro ni Cortez ay magpapaulit-ulit ang mga pagrereklamo hinggil sa lahat ng mga problemang dinaranas ng tao sa mundong ibabaw? Malinaw naman sa aral ng Judaismo at Cristianismo na hindi kalooban ng Diyos na magpatayan tayo, o di kaya'y pagkaitan ng pagkain ang mga nagugutom. Pwedeng ikatwiran na kaya ipinahintulot ang kalayaang magpatayan ay upang matuto tayong pahalagahan ang buhay ng isa't isa. Pwedeng sabihin na kaya itinakda ang panghabambuhay na kagutuman ay upang matuto tayong magtulungan, at para mapagtanto natin ang halaga ng tunay na pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Marami nang naging pagninilay ang mga Santo at Santa sa tanang kasaysayan ng Cristianismo hinggil sa misteryo ng mga pagdurusa sa mundo. Kailan kaya mababanggit ni Cortez ang kahit isa sa mga pagninilay na ito?

    Kung iisipin, hindi kailangan ng milagro para pakainin ang lahat ng nagugutom sa mundong ibabaw. Naniniwala akong sa kasalukuyang estado ng sangkatauhan, posibleng mapakain at mabusog ang lahat ng tao. Pero bakit hindi nangyayari? Anong pumipigil sa atin? Ang Diyos ba? Noong nagsisimula pa lang ang Simbahan, hindi ba't minsan nang tinangka ng mga sinaunang Cristiano na bumuo ng isang sistemang wala nang magugutom o mangangailangan?

    "All who believed were together and had all things in common; they would sell their property and possessions and divide them among all according to each one's need." (Acts 2: 44-45 NABRE)

    "The community of believers was of one heart and mind, and no one claimed that any of his possessions was his own, but they had everything in common... There was no needy person among them, for those who owned property or houses would sell them, bring the proceeds of the sale, and put them at the feet of the apostles, and they were distributed to each according to need." (Acts 4: 32, 34-35 NABRE)

    Ang tanong: Bakit hindi nagtagal ang sistemang ito? Sa katunayan, nagpapatuloy pa rin naman ang sistemang ito sa mga monasteryo at mga kumbento, at maging sa mismong maliliit na mundong kinabibilangan natin (hindi ba natin naranasan na maging palamunin ng sariling magulang?). Pero bakit hindi na maipatupad sa buong Simbahan? Bakit hindi natin maipatupad sa buong planeta? Marami tayong maituturong dahilan, subalit isa lang ang malinaw sa akin: Ang lahat ng mga maiisip nating dahilan ay pawang kagagawan din nating mga tao. Wala namang ginagawa ang Diyos para pigilan ang sangkatauhan na tularan ang sinaunang Simbahan; tayo ang pumipigil sa ating mga sarili. At kapag iginiit nating, "Eh, maski ano pa mang mga dahilan yan, basta yung Diyos na lang ang magpakain!", hindi ba't parang may mali? Dahil sa puso mo, alam mong hindi iyan ang totoong solusyon sa problema ng kagutuman. Bakit mo hihilingin sa Diyos na punuin niya ng tubig ang balde mong butas-butas? Hindi ba dapat ayusin mo muna ang balde mo, o di kaya'y humiling ka sa Diyos ng bagong balde? O di kaya'y hilingin mong baguhin niya ang buong pagkatao mo para hindi ka na kailanman mangailangan ng tubig? "Whoever drinks the water I shall give will never thirst; the water I shall give will become in him a spring of water welling up to eternal life." (John 4: 14 NABRE) — Hindi ba't yung mga ganyang klaseng biyaya ang mas dapat nating hinihiling sa Diyos?

  • Sa kabilang banda, malinaw naman sa lahat ng mga Judio at mga Cristiano ang mga implikasyon ng kasalanan nina Adan at Eba:

    "Cursed is the ground because of you!
    In toil you shall eat its yield
    all the days of your life.
    Thorns and thistles it shall bear for you,
    and you shall eat the grass of the field.
    By the sweat of your brow
    you shall eat bread,
    Until you return to the ground,
    from which you were taken;
    For you are dust,
    and to dust you shall return."

    (Genesis 3: 17-19 NABRE)

    Bakit may kamatayan? Bakit may kagutuman? Iyan ang sinaunang sagot — Original Sin. Ang tao na nilikhang buhat sa wala (2 Macabeo 7: 28), ang tao na walang angking halaga na dapat pahalagahan (Salmo 8: 3-4), ang tao na kasing-halaga lang ng lupang inaapakan niya (Genesis 18: 27), dahil sa hindi malirip na kagandahang-loob ng Diyos ay sa pasimula'y nilikha na nagtatamasa ng mga espesyal na benepisyo: Walang kagutuman, walang dapat pagpaguran, walang kamatayan. Nang magkasala, binawi ang mga naturang benepisyo, pero hindi lubos na pinabayaan, bagkus binigyan pa rin ng mga pagkakataong magtamo ng buhay na walang hanggan (Salmo 16: 10-11). Sa kabila ng mga pinagdaraanan natin sa buhay, posible pa rin para sa ating mga Cristiano na magkaroon ng positibong pananaw, na hindi nagrereklamo at nagpapantasya ng kung ano ba ang mga dapat at di dapat ginagawa ng Diyos para sa atin.

[UMAKYAT]


Personal Experience [BASAHIN]


  • Isang kabalintunaan na matapos ang mga paulit-ulit na pagrereklamo hinggil sa mga kasamaang nangyayari sa mundo, at matapos ng isang kabanatang hitik sa argumentum ad passiones na ipinagmamatuwid ang "pagmamahalan" ng mga magkaparehong kasarian, ay masusundan naman ang mga ito ng isang kabanatang nagsasabi na ang mga emosyon at damdamin ay "maaaring pangloloko lamang ng ating utak." Sabi ni Cortez, "Naniniwala ang ating utak sa kung ano ang gusto mong ipaniwala dito." Ang tanong: Hinggil sa usapin ng moralidad o ethics, ano bang batayan natin? Sa tuwing mariin nating tinututulan ang mga kaso ng panggagahasa sa mga menor de edad, mga digmaan at patayan, diskriminasyon sa mga "bakla" at "tomboy," atbp. ano bang batayan ng ating mga pagtutol? Ito ba'y udyok lamang ng dalisay na katuwiran, o may bahid din ito ng mga emosyon? Kapag nagmahal ka (ng ibang kasarian o ng parehong kasarian man), anong pinagbabatayan ng pagmamahal na ito: Katuwiran ba o emosyon? Sa mga paniniwalang relihiyoso lamang ba laging nagkakamali ang emosyon ng tao, o maaari din itong magkamali sa ating mga moral na paghatol at sa ating pagmamahal sa kapwa?
Isa ang personal experience na ginagamit ng mga relihiyon upang patunayan nila sa ibang tao ang mga milagro, hindi pangkaraniwang kaganapan at patunay na kapangyarihan ng diyos o diyablong mandaraya.
  • Totoo yan sa halos lahat ng mga relihiyosong tao sa mundo, maging Cristiano man o kaanib ng ibang relihiyon. May kanya-kanya silang karanasan sa kung paano daw sila tinulungan ng "Diyos" nila, o kung paano nila nararamdaman ang naturang "Diyos" sa buhay nila. Pansinin na ang mga ginagamit kong panghalip dito ay "sila" at "nila." Bakit? Kasi hindi ako kasali. Cristiano lang ako, pero wala akong maibabahaging mga katulad na karanasan. Sa tuwing nagdarasal ako, wala akong kakaibang nararamdaman. Kapag nagbabasa ako ng Biblia, suyang suya, tamad na tamad, at hirap na hirap ako. Nang minsang dumalo nga ako sa isang "healing service" sa isang parokya, nagtutumbahan ang lahat ng mga pinatungan ng kamay ng pari, pero nang ako na ang patungan niya ng kamay, wala namang bumabang "kapangyarihan" sa akin, at siyempre'y hindi rin ako natumba. Nakahipo't nakahalik na ako ng mga relikya ng mga Santo at ng mga kilalang "milagrosong" imahen (gaya ng Itim na Nazareno sa Quiapo), subalit parang wala naman akong naranasang "milagrosong pakiramdam," at ang mga problemang ipinagdasal ko'y hindi naman "milagrosong nalutas." Nang magka-COVID ako, nagdasal ako, pero ang proseso ng paggaling ko ay tila wala namang bahid ng milagro, kundi umaalinsunod sa natural na proseso ng paggaling batay sa paliwanag ng siyensya.

    Sa kabila nito, bakit Cristiano pa rin ako? Bakit naniniwala pa rin ako sa Diyos? Dahil para sa akin, hindi kailangan ng mga himala at ng mga kakaibang pakiramdam para patunayang may Diyos. Sabi ko nga sa post ko noong July 13, 2021 (pamagat: "Himala: Pagninilay sa MATEO 11: 20-24"):

    "Kung iisipin, hindi naman kailangan ng himala para patunayang may Diyos. Kahit ang dumi ng aso, kung pag-aaralan mo, ay maghahatid sa iyo sa pananampalataya! Sapagkat nabubuhay tayo sa isang sanlibutang pinatatakbo ng mga sanhi at epekto, ang simpleng pagninilay sa pinagsimulan ng lahat ng mga sanhi ay maghahatid sa iyo sa pagkakatantong may Unang Sanhi na nagpapa-iral sa lahat ng bagay. Milagro man o natural na pangyayari, ang lahat ng ito ay matatalunton sa iisang Diyos na lumikha sa lahat at nagpapanatili sa pag-iral ng lahat."
Ayon sa mga pag-aaral, tinatawag itong Religious Delusion. Kahit ang ilan sa mga psychologist ay naniniwala na mas delusyonal o mahilig sa haka-haka at kasabihan ang mga relihiyon. Dahil sa ang relihiyosong paniniwala ay umiiral sa ilabas ng siyensiya, mas madalas silang makitang delusyonal sa pananaw ng isang makatwirang tao. Mas madali silang maniwala sa mga kondensadang naghugis hesus sa champorado, sinasapian kalaunan ay mapag-aalamang may sakit, milagrong pag-iyak ng dugo ng mga birheng maria, asong pula ang mata at patiwarik maglakad at iba't iba pang kalokohan.
  • Porke't relihiyoso ba ang isang tao ay mapapaniwalain na agad ito sa mga kung anu-anong di makatuwiran? Kapag napag-uusapan ang pagkakaroon ng critical thinking ng mga relihiyosong tao, ang unang-unang pumapasok sa isip ko ay walang iba kundi ang mga Pariseo. Bakit? Tunghayan natin ang mga nangyari sa ika-siyam na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan: Ang salaysay tungkol sa lalaking ipinanganak na bulag.

    Nang mabalitaan ng mga Pariseo na siya'y pinagaling ng Panginoong Jesus, agad-agad ba silang naniwala? Mga kapaliwanagang relihiyoso lang ba ang kanilang ipinagsaalang-alang? Hindi. Nagimbestiga sila. Pinagpaliwanag nila ang lalaki kung paano siya pinagaling ng Panginoon (v.15). Nagtalu-talo sila hinggil sa teyolohikal na implikasyon ng mga nangyari (v.16-17). Ipinatawag nila yung mga magulang nung lalaki para usisain kung talaga nga bang ipinanganak na bulag yung anak nila (v.18-19). Muli nilang inusisa yung lalaki kung ito ba'y naiimpluwensyahan lang ng paghanga niya kay Jesus (v.24), at sumagot ito na ang alam lang niya'y bulag siya at ngayo'y nakakakita na (v.25). Pinagpaliwanag ulit siya ng mga Pariseo kung anong eksaktong ginawa ng Panginoon para pagalingin siya, siguro, para subukin kung tutugma pa rin ito sa mga nauna niyang sinabi (v.26). Malinaw na ipinakikita nito na kahit noong unang siglo A.D. pa lang, hindi basta-basta naniniwala sa mga milagro ang mga Judio.

    Noon pa mang kapanahunan ng mga Apostol ay batid na ng mga tao ang posibilidad na may mga relihiyosong nababaliw o naghahalusinasyon lang (Gawa 2: 13, 26: 24-25), na nagpapahiwatig na hindi sila ang mga tipo ng taong madaling naniniwala sa mga kung anu-ano. Maging sa Lumang Tipan, makikitang ang mga propeta ay marunong magimbestiga at maghanap ng ebidensya (Daniel 13, 14). Hindi na kataka-taka kung maging sa makabagong panahon, maingat ang Simbahang Katolika sa paghatol sa mga pinaniniwalaang aparisyon o pagpapakita (Tingnan: Norms Regarding the Manner of Proceeding in the Discernment of Presumed Apparitions or Revelations).

Kung gusto mo talagang patunayan o malaman na totoo ang diyos, huwag kang tumingin sa loob ng iyong utak, tumingin ka sa iyong paligid at sa mundong iyong tinatahak.
  • Tama si Cortez. Ang tawag diyan ay natural theology. "Mula sa pagkalalang ng daigdig, ang mga katangiang di-nakikita ng Diyos, maging ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at ang kanyang pagka-Diyos, ay nakikita sa kanyang mga ginawa." (Roma 1: 20)

[UMAKYAT]


Epigraph #6 [BASAHIN]


Nanay: (Nagdadasal) Lord God, nag-aalala ako sa aking anak. Siyam na taong gulang na siya pero kinakausap niya padin ang kaniyang imaginary friend. Ikaw na po ang bahala sa kaniya. Amen.

The irony is real.

Wala nang mas malala pa sa kabaliwan ng taong kumakausap ng imaginary friend at lord nya,

May imaginary enemy pa!

  • Sa epigraph na ito, hindi ko maiwasang isipin: Ano ang ipinagkaiba ng Diyos ng Cristianismo sa mga kathang-isip na kaibigan ng isang bata, at sa "diyos" ayon sa mga strawman argument ni Cortez? Hindi ko na ibig ulitin at pakumplikahin ang mga bagay na maraming beses ko nang nabanggit sa mga naunang komentaryo. Sa tatlong ito, sa Diyos ng Cristianismo lamang maipatutungkol ang mga katangian ng Unang Sanhi. Kung iisipin, sa kanyang di makatuwirang pagtuligsa sa Diyos ng Cristianismo, si Cortez ang talagang kumakatha ng "imaginary enemy" niya. Sa kaso ni Cortez, hindi "kabaliwan" ang nakikita ko, kundi dalawang posibilidad: ➊ Di sinasadyang kamangmangan sa mga doktrina ng Cristianismo tungkol sa Diyos, o ➋ masamang pag-uugali na sadyang pinagmumukhang katawa-tawa ang Cristianong relihiyon kahit batid niyang may matalinong paliwanag sa mga paksang tinutuligsa niya.
Sa Pilipinas, may tatlong klase ng mayayaman.
  1. Drug lord
  2. War lord
  3. Praise the lord!
  • Sa tinaguriang "Philippines' 50 Richest" ng Forbes para sa taong 2021, alin kaya sa mga nasa listahan ang maituturing nating "Drug lord," "War lord," at "Praise the lord?" Sa naturang listahan, nasaan ang CBCP? Nasaan ang pangalan ng mga Obispo at kaparian? Nasaan si Eduardo Manalo ng INC? Nasaan si Mike Velarde? Nasaan si Apollo Quiboloy? Wala nga ba talagang ibang paraan para yumaman, malibang sa pamamagitan ng ipinagbabawal na gamot, pakikipagpatayan, at pangmamaniobra ng relihiyon? Wala bang legal at matuwid na pamamaraan ng pagpapayaman? Kapag ba mayaman ang isang relihiyon o isang pastor ay agad nangangahulugang masama at negosyo lang talaga ang naturang relihiyon? Sino bang tao o asosasyon sa mundong ibabaw ang may-karapatan at mapagkakatiwalaang humatol hinggil sa tamang paggamit ng kayamanan? Kapag ba mayaman ang isang tao, dapat ba siyang sisihin sa paghihirap ng iba? Kasalanan ba ng mga malapalasyong simbahan sa Vatican City kaya may mga taong walang matirhan at natutulog lang sa kalsada at sa ilalim ng mga tulay? Magwawakas ba ang kahirapan sa mundo sa sandaling kamkamin ng mga bansa ang lahat ng mga ari-arian ng Simbahang Katolika upang idagdag sa kabang-yaman nila? Porke't mayaman ka ba ay masamang tao ka na? Porke't mahirap ka ba ay mabuting tao ka na? Kapag namulubi na ang Simbahang Katolika, magiging katanggap-tanggap na ba siya sa mga mata ni Cortez at ng iba pang mga ateista? Nasusukat ba ang pagiging totoo o di-totoo ng isang diyos batay sa taglay na yaman ng relihiyong sumasamba sa naturang diyos?

    Marami akong tanong dahil hindi ko ibig makiuso sa mga di pinagiisipang panghuhusga hinggil sa moralidad ng pagiging mayaman at mahirap. Cliché na ang ganitong sistema sa panig ng mga taong kumakalaban sa relihiyon, at di na ako magtataka kung isa itong temang paulit-ulit na mauungkat sa libro ni Cortez.

    Nabanggit ko na ang mga makatuwirang batayan sa kung bakit kailangan din ng mga relihiyon na magkapera (tingnan sa Epigraph #4) kaya hindi ko na uulitin ang mga nasabi ko na. Balikan na lamang ng mga mambabasa ang mga naunang paliwanag.

[UMAKYAT]


Amen! [BASAHIN]


"Nakakita ng isang post sa facebook ng batang may kakaibang sakit, maliit at mapayat ang katawan, kasing laki naman ng pakwan ang ulo. May caption na 1 like 1 prayer, sa comment section naman, puro 'Amen!' ang iyong mababasa. Pag-sangayon ng karamihan sa batang nagkasakit. Umabot ng 10,000 ang likes at 5000 shares, sumikat ang page na nagpost, mas lalong dumami ang sumangayon at nag-amen. Napakamot ako sa ulo."
  • May punto si Cortez dito. Maging ako'y napapakamot din ng ulo. Sa social media makasusumpong ka ng isang kakatwang espirituwalidad, na kung saan ang mga panalangin ay ipino-post lang sa comment section (na akala mo nama'y may Facebook account ang Diyos na maaari mong i-tag) sa halip na aktuwal na lumuhod o magpatirapa o tumingala sa langit para makipag-usap sa Diyos. Lagi kong iniisip kung nananalangin nga ba talaga sila sa "totoong buhay" o nagpo-post lang sila ng panalangin sa Facebook para magpakitang-tao. Sapagkat kung talagang ibig mong ipagdasal ang iyong kapwa, hindi mo naman kailangang ipamalita pa ito; wala namang iba pang kailangang makaalam ng dasal mo liban sa Diyos mismo.

    Malaking kalokohan din ang mga tila awtomatikong pag-amen sa mga post na nananawagan ng tulong, o kahit maging sa mga balita at patalastas lang na ipino-post ng page ng CBCP, Radio Veritas, at Vatican News. Minsa'y nag-post lang ng "paunawa" ang page ng Quiapo Church hinggil sa isang "Technical Problem" sa kanilang live streaming, at marami pa ring nag-comment ng "Amen." [link] Iniisip ko kung mga "totoong tao" ba ang mga nagko-comment ng gayon, o baka mga "troll" lang. At kung mga "totoong tao" nga, naiintindihan ba nila ang mga pinagsasasabi nila sa tuwing naga-amen sila?

"Ano nga ba ang ibig sabihin ng amen? Ayon sa ilang diksyonaryo, amen is a declaration of affirmation. Sa ibang translation ng ingles, ang ibig sabihin nito ay 'verily', 'truly' or 'so be it' sa madaling salita ay pag sang-ayon."
  • Tama si Cortez. Bukod pa rito, mayroon din itong malalim na teyolohikal na kahulugan sa ating Katolikong Pananampalataya (CCC 1061-1065):
    "Jesus Christ himself is the 'Amen.' He is the definitive 'Amen' of the Father's love for us. He takes up and completes our 'Amen' to the Father: 'For all the promises of God find their Yes in him.'" (CCC 1065)
Ano nga ba ang silbi ng panalangin o dasal? Ang hirap kasing unawain, na ang isang taong nakatanggap ng iPhone X sa kaniyang nanay na naghahanap buhay sa abroad ay nagpost sa kaniyang facebook account ng 'Another blessing! Thanks God for this new phone'. Anong kahibangan ang ginawa ng diyos at inuna kapang bigyan ng mamahaling smartphone habang mamatay-matay na ang isang pulubing bata sa gutom na nakailang-ulit nang nanalangin ng piatos o sardinas pangtawid gutom pero hindi biniyayaan?
  • Mali naman talaga na yung iPhone X lang ang ipinagpasalamat mo sa Diyos. Mali naman talaga na pinipili mo lang ang mga itinuturing mong "blessing." Dahil sa totoo lang, lahat-lahat sa buhay natin, mabuti man o masama, ay dapat nating ipagpasalamat, at dapat nating ituring na biyaya. Bakit? Dahil ang Diyos ang lumikha sa lahat at nagpapanatili sa pag-iral ng lahat. Lahat ng nangyayari sa buhay natin ay bahagi ng plano ng Diyos: Maaaring alinsunod mismo sa kalooban niya (positive will), o maaaring ipinahihintulot niyang mangyari (permissive will).

    Ang tanong: Bakit ipinahihintulot ng Diyos ang mga kasamaan at pagdurusa sa mundo? Bakit hindi niya sinaklolohan ang pulubing batang nagugutom, habang binibigyan pa ng iPhone X ang ibang batang may maginhawang pamumuhay? Sa Katolikong pananaw, isa itong misteryo. Nabanggit ko na ang ilan sa mga dahilan, pero dahil mukhang magpapaulit-ulit ang mga ganitong klaseng pagrereklamo hanggang sa katapusan ng libro ni Cortez, kaya't magpaulit-ulit na lang din tayo:

    1. Kung naniniwala't naninindigan ako na mayroon talagang pagkakaiba ang mabuti at masama sa mundong ito, hinihingi ng katuwiran na ang Diyos — na siyang Unang Sanhi ng sanlibutan — ang siyang maituturing na pamantayan ng lahat ng kabutihan, siyang maituturing na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan. Siya mismo ang kabutihan.
    2. Kung ang Diyos ang kabutihan, kabutihan din ang layon niya para sa sanlibutan. Hindi maaaring mangyari na ginusto niya ang anumang kasamaang nangyayari sa mundo. Kung may mga kasamaan mang nangyayari, walang ibang makatuwirang dahilan liban sa ang mga ito'y pansamantalang ipinahintulot ng Diyos na mangyari, at kalauna'y mapananaigan ng kabutihan ng Diyos.
    3. Walang kapangyarihan ang mga naturang kasamaan na sawatahin ang mabuting layon ng Diyos para sa sanlibutan, dahil hindi naman maaaring maging mas makapangyarihan ang sanlibutan kaysa sa Unang Sanhi ng sanlibutan. Kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng posibleng kasamaang nangyari, nangyayari, at mangyayari pa lang sa sanlibutan, hindi sila kailanman makahihigit sa kabutihan ng Diyos.
    4. Ang pananaig ng kabutihan laban sa kasamaan ay maaasahan natin sa araw ng paghuhukom: Una, sa partikular na paghuhukom sa kaluluwa ng bawat nangangamatay na tao, at sa huli'y sa huling paghuhukom na magaganap sa wakas ng panahon.
  • Sa kabila ng mga naturang apat na paliwanag, bakit pa rin natin sinasabing "misteryo?" Dahil mahirap unawain kung "bakit" at "hanggang kailan" ang pagpapahintulot ng kasamaan na dinaranas ng bawat indibiduwal. Walang sinumang tao ang makatatalastas ng buong katotohanan hinggil sa buhay ng bawat nilalang sa mundo — iyan ay mga katotohanang mahahayag lamang sa lahat sa Huling Paghuhukom. Napakadaling tuligsain ang batang nakatanggap ng iPhone X, subalit anong malay mo kung makalipas ng masalimuot na pagsasanga-sanga ng mga sanhi at epekto, ang naturang gadget pala ang naging sanhi para hindi mangyari ang World War III, o para mapakain ang milyun-milyong kabataang nagugutom, o para matuklasan ang lunas sa lahat ng uri ng cancer?
    Legolas: "He was taken by both shadow and flame: A Balrog of Morgoth. For we went needlessly into the net of Moria."

    Galadriel: "Needless were none of the deeds of Gandalf in life. We do not yet know his full purpose."

    THE LORD OF THE RINGS: THE FELLOWSHIP OF THE RING (Extended Edition)

    Napakadaling kaawaan ang pulubing batang nagugutom na hindi pinakain ng Diyos, subalit anong malay mo kung makalipas ng masalimuot na pagsasanga-sanga ng mga sanhi at epekto, ang pagpapakain pala sa kanya ay hahantong sa kanyang paglaki bilang isang taong hayok sa kahalayan, na dumukot sa tatlong kabataang babae para gawing sex slave sa loob ng 20 taon, o di kaya'y tatanda pala siyang batugan na walang silbi sa lipunan, o kaya'y magiging sanhi siya ng pagkalipol ng lahat ng mga Pilipino at ng pagkabura ng bansang Pilipinas sa mapa ng daigdig?

    Ano nga bang malay natin, di ba? Gayon ma'y sapat na ang mga nabanggit na apat na dahilan bilang batayan ng pagtitiwala sa Diyos — • Pagtitiwala na kahit hindi ko talastas ang lahat ng maaaring idulot ng gagawin kong kabutihan, hangga't sinusunod ko ang kalooban ng Diyos, walang pagsalang sa kabutihan din hahantong ang lahat. • Pagtitiwala na kahit dumating sa puntong wala na akong magawa para labanan o sawatahin o lunasan ang mga kasamaan at pagdurusa sa mundo, maipagpapasa-Diyos ko ang mga naturang sitwasyon, at makaaasa akong kabutihan pa rin ang mananaig sa huli.

  • Anong "silbi" ng panalangin? May isang mahalagang katotohanan na hindi natin napagtatanto rito. Ayon kay Fr. Leo J. Trese, sa kanyang librong "The Faith Explained",
    "We owe God the duty of prayer. Prayer is an act of justice, not merely an act of piety. Prayer is a debt we must pay, not merely a graceful gesture that we choose to make." (p. 536)

    Oo, sa Katolikong pananaw, ang pananalangin ay isang obligasyon — ito'y isang katungkulang dapat mong tuparin sa Diyos, sa sandaling mapagtanto mong may Diyos. Dahil siya ang lumikha sa lahat at nagpapanatili sa pag-iral ng lahat, at sa gayo'y sa kanya nagmumula ang lahat-lahat ng mayroon ako, at siya ang may-ari sa akin nang buong-buo, hinihingi ng katarungan na lagi akong magpasalamat sa kanya, na lagi kong kilalanin siya bilang aking panginoon, na lahat ng kailangan ko ay sabihin ko sa kanya. "Rejoice always. Pray without ceasing. In all circumstances give thanks, for this is the will of God for you in Christ Jesus." (1 Thessalonians 5: 16-18 NABRE)

Ganito kasi kagulo yan eh, ang prayer o panalangin ay parang malaking kontradiksyon sa sinasabi nilang divine plan ng diyos. Hindi ba ang panalangin ay paghingi ng kapatawaran, ng biyaya at pagpapasalamat? Kasi kung naniniwala silang may magandang plano ang diyos para sa kanila, bakit pa sila mananalangin at manghihingi ng kung ano sa diyos? Kung plano niyang masagasaan ka mamaya ng truck, huwag kanang manalangin na humaba buhay mo dahil sinasalungat mo ang kagustuhan ng diyos mo.
  • Nagiging "magulo" lang naman, nagiging "kontradiksyon" lang naman, sa tuwing ipinangangahas ng isang tao na ipagmarunong kung ano bang plano ng Diyos para sa kanya at sa sinumang nilalang. Kung nagdasal ako ng mahabang buhay, at maya-maya'y nasagasaan ako ng truck, sinalungat ko ba ang plano ng Diyos? Hindi, sapagkat kalooban naman talaga niyang manalangin ako palagi. Kalooban naman talaga niyang mabuhay ako kaysa mamatay. Kalooban naman talaga niya ang ikabubuti ko kaysa ikapapahamak. Kung sang-ayon sa mga kalooban niya ang hinihiling ko sa panalangin, hindi ko "kinokontra" ang plano niya, bagkus ay kumikilos pa nga ako nang ayon sa plano niya.

    Kailan masasabi na kinokontra ko ang plano ng Diyos? Iyon ay kung sinasadya kong huwag magdasal. Iyon ay kung hinahanap ko ang sarili kong kapahamakan (hindi ako nagiingat sa pagtawid, hindi ako sumusunod sa batas trapiko, atbp.) Iyon ay kung gustung-gusto ko pang may mga taong nasasagasaan ng truck at namamatay. Muli, dahil ang Diyos ang kabutihan, ang mga kasamaang nangyayari sa mundo ay mga bagay na ipinahihintulot lamang niya, mga posibilidad na nakapaloob sa plano ng Diyos, pero laging may kaakibat na posibilidad ng mas lalong malaking kabutihan. Isa pa, kung ang pagkakaroon ko ng mahabang buhay, makalipas ng masalimuot na pagsasanga-sanga ng mga sanhi at epekto, ay hahantong pala sa isang walang kakwenta-kwentang buhay ng pagkakalulong ko sa droga, pornograpiya, sugal, at pagsali sa isang kultong kumakain ng karne ng mga bagong silang na sanggol, hindi ba't mas mabuti pa ngang masagasaan na lang ako ng truck? Sabi nga ng Panginoon:

    "Which one of you would hand his son a stone when he asks for a loaf of bread, or a snake when he asks for a fish? If you then, who are wicked, know how to give good gifts to your children, how much more will your heavenly Father give good things to those who ask him." (Matthew 7: 9-11 NABRE)

    Kung hahantong sa ikapapariwara ko ang mahabang buhay, tama pa rin bang tuparin ng isang mapagmahal na Diyos ang panalangin ko para sa mahabang buhay? Hindi ba't naging mas mapagmahal pa nga ang Diyos, kung ipinahintulot niyang masagasaan na lang ako ng truck, kung sa pagkamatay ko'y magiging karapat-dapat pala akong makapasok sa Langit? Muli, hindi ibig sabihin na ipagpapatay-malisya na lang natin ang lahat ng mga nasasagasaan ng truck sa mundo. Utos ng Diyos at idinidikta rin naman ng ating budhi na laging tutulan, sawatahin, at lunasan ang lahat ng mga kasamaan at pagdurusa sa mundo. Ang sinasabi natin, sa mga kasamaan at pagdurusang hindi na natin kontrolado at ipinagpapasa-Diyos na lang natin, may makatuwirang dahilan para manatiling nagtitiwala sa Diyos.

    Ngayon, hinggil sa pananalangin at sa mga bagay na "naitakda" na, nagiging "magulo" lang naman kung inaalis natin sa plano ng Diyos ang mismong akto ng pananalangin. Hindi ba maaaring maging kasama sa plano ng Diyos na magkaloob ng mga biyaya sa kundisyon na hihilingin mo muna sa panalangin ang mga naturang biyaya? Dahil ang Diyos ang lumikha sa akin, siya rin ang nagplano/nagtakda ng lahat ng posible kong iisipin, gagawin, at sasabihin. Kasama sa mga plano niya para sa akin ay ang posibilidad na makapagdasal ako kung gusto kong magdasal, at kasama rin naman sa mga plano niya kung tutuparin ba niya o hindi ang ipinagdarasal ko. Paano iyan naging magulo?

Kung ang isang tao ay nais talaga tumulong sa mga litratong nakakahabag na batang may cancer o namatay sa kalubha-lubhang karamdaman, bakit hindi magdonate sa mga charity o di kaya'y makiisa sa mga outreach program? Kaysa yung pa amen-amen ka diyan sa picture na punyeta hindi talaga nakakatulong.
  • Tama si Cortez. Hindi nakakatulong ang mga walang katuturang pag-like at share, at pagko-comment ng "amen" sa social media. Oo, dapat nating ipanalangin ang lahat ng bagay, pero pagdating sa mga sitwasyong meron ka namang magagawa, kumilos ka"If a brother or sister has nothing to wear and has no food for the day, and one of you says to them, 'Go in peace, keep warm, and eat well,' but you do not give them the necessities of the body, what good is it?" (James 2: 15-16 NABRE) At kung ipagdadasal mo ang kapwa mo, kailangan ba talagang ipangalandakan mo pa sa Facebook?
    "When you pray, do not be like the hypocrites, who love to stand and pray in the synagogues and on street corners so that others may see them. Amen, I say to you, they have received their reward. But when you pray, go to your inner room, close the door, and pray to your Father in secret. And your Father who sees in secret will repay you." (Matthew 6: 5-6 NABRE)

[UMAKYAT]


Epigraph #7 [BASAHIN]


Freedom of Religion
means you can practice any religion you want. It doesn't mean you can use your belief to dictate what others can and cannot do.

Your religion guides you.
Not all of us.
Amen.

  • Sa mga naunang komentaryo, partikular sa kabanatang "Respeto Nalang!", natalakay na natin ang usapin hinggil sa kalayaang pang-relihiyon at kung bakit hindi ito maaaring mangahulugan ng pagrespetong walang pakealamanan. Kung ibig ng bawat miyembro ng isang lipunan ng isang maayos at mapayapang pamumuhay, tungkulin nilang panatilihin ang pagkakaunawaan, tukuyin ang mga punto ng pagkakasundo at di pagkakasundo, at kung kinakailanga'y gumawa ng mga kompromiso na pakikinabangan ng lahat.

    Ibig sabihin, tama si Cortez: Hindi tamang ipagpipilitang "isubo" sa madla ang paniniwala ng alinmang relihiyon. Subalit hindi rin naman tama ang sapilitang pagpapatahimik sa isang relihiyon batay sa isang mababaw at di-makatuwirang interpretasyon ng separation of church and state. Kahit ateista ka pa, kung kasama mong naninirahan sa iisang pamayanan ang isang grupong relihiyoso, tungkulin ninyong mag-usap nang matino at pakisamahan nang maayos ang isa't isa, kung talagang totoo kayo sa inyong paninindigan nang pagrespeto sa karapatang-pantao ng bawat indibiduwal.

Atheist: So, ang ibig sabihin mo sakin na ikinasal at nakipagtalik ang propeta niyong si Muhammad sa 9 years old na bata,

Pero bawal kayo kumain ng ham at bacon?

Muslim: ... Bombahin kita!

  • Bilang Katoliko, wala akong moral na obligasyon na ipagtanggol ang panig ng mga Muslim, subalit mayroon akong moral na obligasyon na magkaroon ng patas na pananaw sa likod ng kung ano mang tinutuligsa rito ni Cortez laban sa kanila. Isa-isahin nga natin:

    1. Nakipagtalik ba si Muhammad sa isang menor de edad? Ang tinutukoy dito ni Cortez ay ang ikatlong asawa ni Muhammad na si Aisha, at ayon na rin mismo sa mga sinulat nito, na siya'y talagang ipinakipag-kasundong makasal sa edad na anim, at kalauna'y nakasal at nakipagtalik sa edad na siyam. Subalit maituturing ba itong isang tiyak na impormasyong pangkasaysayan? At higit sa lahat, sa panig ng mga Muslim, maituturing ba itong tiyak na batayan para pahintulutan ang pag-aasawa at pakikipagtalik sa menor de edad? Mukhang hati ang mga opinyon hinggil dito, dahil ayon sa opinyon ng ilang mga dalubhasa, "It is impossible to know with any certainty how old Aisha was. What we do know is what the Qur'an says about marriage: that it is valid only between consenting adults, and that a woman has the right to choose her own spouse." (Myriam Francois-Cerrah, "The truth about Muhammad and Aisha", The Guardian)
    2. Bawal ba sa Muslim ang kumain ng ham at bacon? Oo, sapagkat bawal sa kanilang kumain ng baboy. "He hath only forbidden you dead meat, and blood, and the flesh of swine, and that on which any other name hath been invoked besides that of Allah. But if one is forced by necessity, without wilful disobedience, nor transgressing due limits,- then is he guiltless. For Allah is Oft-forgiving Most Merciful." (Quran 2:173)
    3. Karaniwan na bang pag-uugali ng mga Muslim na "bombahin" ang sinumang tumutuligsa sa mga katuruan nila? Ayon sa mga pag-aaral,
      "More generally, Muslims mostly say that suicide bombings and other forms of violence against civilians in the name of Islam are rarely or never justified, including 92% in Indonesia and 91% in Iraq. In the United States, a 2011 survey found that 86% of Muslims say such tactics are rarely or never justified. An additional 7% say suicide bombings are sometimes justified and 1% say they are often justified." (Michael Lipka, "Muslims and Islam: Key findings in the U.S. and around the world", Pew Research Center)
Love your enemies!
While I torture my enemies in Hell forever.

— God.

  • Mayroon na akong naisulat sa blog ko na partikular na tumatalakay sa paksang ito, at maraming beses ko na rin itong nabanggit sa mga naunang komentaryo. Basahin: "Ang Diyos ay Pag-ibig, kaya Magdusa Ka." Sa aking palagay, hindi ang Diyos ang sanhi ng mga pagdurusang nararanasan sa impyerno. Bagkus, ang pag-ibig ng Diyos ang dahilan kaya nananatiling umiiral ang kanyang mga "kaaway" magpakailanman, habang ang malaya at permanenteng pagpapasyang isumpa ang Diyos ang dahilan ng kanilang walang katapusang paghihirap.

    Hindi maituturing na pagmamahal ang pagpuksa sa mga ayaw sa iyo, at mas lalong hindi rin maituturing na pagmamahal na ipagsiksikan mo ang iyong sarili sa kanila. Kung sa opinyon ni Cortez, ang mga masasamang tao ay dapat puksain, o di kaya'y sapilitang "pabaitin" na parang makinang walang isip, o di kaya'y sapilitang gawing "masaya" sa piling ng Diyos at ng mga totoong mabubuting tao, kahit determinado na sila sa kanilang puso na ayaw nila sa Diyos, hindi ba't parang mas lalo pa itong malaking katarantaduhan?

    Muli, isa nanaman itong kaso ng strawman fallacy (na tila paboritong tema ni Cortez sa halos lahat ng mga "epigraph" niya) na naglalayong pagmukhaing tanga o katawa-tawa ang mga aral ng relihiyon na mayroon namang makatuwirang batayan kung pagsisikapan mo lang saliksikin at pag-aralan.

[UMAKYAT]


Kapalaran [BASAHIN]


  • Wala akong masyadong masasabi sa kabanatang ito dahil bilang Katoliko, malinaw naman ang paninindigan ng Simbahang Katolika laban sa iba't ibang uri ng okultismo:
    "Astrology, the horoscope, tarot cards, spiritism (the seeking of communications with the spirits of the dead), are examples of occult practices. Occult practices aim to enable humans to know, activate, and control the hidden forces and influences outside them, and the potentialities or energies that lie dormant in their own selves . . . . Christians thinking in the light of their faith do not deny the existence of certain forces and energies still little known and insufficiently studied. It is the function of science to study these better in order to put them at the service of the true progress of human beings. Nevertheless, Christians grounded in Biblical revelation reject practices and experiences that attempt to control or domesticate God, humans, and the universe, in the process impairing the freedom of human consciousness and thus becoming means of manipulation of humans and of things." [CBCP, "Primer on New Age," January 8, 2003]
  • Sa mga nagnanais ng mas malalim pang pagsasaliksik hinggil sa panig ng Simbahan, sa encyclical letter na Fides et Ratio ni Pope St. John Paul II, sa footnote #57, inilista ang iba pang mga sinaunang katuruan ng mahisteryo laban sa astrolohiya.
  • Sa panig naman ng mga Katolikong nahuhumaling sa maling paggawing ito, agad namang nabibisto sa sandaling pagpaliwanagin mo sila, ang kanilang kamangmangan sa mga katuruan ng Simbahan at sa mga pag-aaral ng agham. Ang madalas lang na sasabihin nila, "Wala namang mawawala," "Hindi naman ako mamamatay," "Mabuti nang sigurado," "Wala namang masama kung susubukan," atbp. May naisulat na ako noong August 10, 2021 hinggil sa isyung ito (Basahin: "Maniniwala ka ba sa mga Manghuhula?"), kaya't hindi ko na uulitin ang mga nasabi ko na. Puntahan na lamang ng sinomang nais itong basahin.
  • Sa kabilang banda, hindi ko maiwasang mag-isip: Anong kinalaman nito sa usapin ng pag-iral ng Diyos? Nakakatulong ba sa panig ng ateismo ang pagiging mali ng astrolohiya at ng iba pang anyo ng okultismong panghuhula? Kahit maging mali pa ang lahat ng mga ito (at iyon ang paninindigan ng Simbahang Katolika), ibig bang sabihin ay wala ngang Diyos? Habang sumasang-ayon ako sa mga ipinaglalaban ni Cortez sa kabanatang ito, mahalagang magkaroon tayo ng malinaw na pag-iisip at hindi mailihis sa tunay na isyu na tinitira ng libro niya.

[UMAKYAT]


Epigraph #8 [BASAHIN]


Ang abortion ay bawal dahil daw sa labag ito sa batas ng diyos.

Oo. Ang diyos na nagpapatay ng sandamakmak na kabataan, pumatay sa lahat ng panganay na bata sa Egypt, at lumunod ng milyon-milyong tao kabilang na ang mga kabataan sa Noah's Ark.

Batas ng diyos mo mukha mo.

  • Napaisip ako: Anong eksaktong ipinaglalaban ni Cortez dito? Sinasang-ayunan ba niya ang abortion dahil ang mga argumentong ginagawa laban dito ay batay sa mga relihiyosong paliwanag na kakikitaan ng mga inaakalang kontradiksyon? Ipagpalagay nating mali ang lahat ng relihiyon at wala talagang Diyos. Kung si Cortez ang tatanungin at pagpapaliwanagin, dapat ba o di dapat ipagbawal ang abortion? Interisado akong malaman. Sa panig ng Simbahang Katolika, mapapansing hindi ito tungkol sa pagpapangalandakan na kesyo "utos ng Diyos" kaya niya tinututulan ang abortion, bagkus tungkol ito sa pagbibigay-diin sa karapatan ng sanggol na nasa sinapupunan na magkaroon ng pagkakataong mabuhay.
  • Muli, hindi na natin kailangang magsaliksik hinggil sa mga kaso ng mga taong "pinapatay" ng Diyos, dahil lahat ng tao ay namamatay. Hindi itinakda ng Diyos na magkaroon ng mapaghimalang proteksyon-sa-kamatayan ang mga sanggol, bagkus hinayaan niyang tayo mismo ang mangalaga sa buhay nila. Kung may mga sanggol na namamatay sa sakit, sakuna, aksidente, krimen, atbp., iyan ay mga kamatayang ipinahintulot ng Diyos na mangyari, kaya't makatuwiran nating "maisisisi" sa kanya ang mga ito. Hinggil sa misteryong ito — sa hiwaga ng kung bakit at hanggang kailan ipinahihintulot ng Diyos ang mga pagdurusa at kamatayan sa lahat ng tao, maging sa mga inosente at walang muwang na mga sanggol — iyan ay maraming beses ko nang natalakay sa mga naunang komentaryo, kaya't hindi ko na uulitin ang mga nasabi ko na.
  • Subalit paano ipaliliwanag ang mga bahagi ng Biblia kung saan sinasabing nililipol ng Diyos ang isang populasyon, o di kaya'y kasamang pinarurusahan pati ang mga bata, atbp.? Paano mo ito itutugma sa mga utos na "Mahalin ang kapwa" at "Huwag kang papatay," kung ang Diyos mismo ay tila walang awang pumapatay ng mga taong hindi siya sinusunod?

    Nagkakaroon ng kabalintunaan sa sandaling makalimutan mo na tao ka lang, at Diyos siya. Kung ikaw na tao lang ay marunong maawa at magmahal, sino ka para sabihing mas maawain at mas mapagmahal ka sa Diyos? Kung ikaw na tao lang ay marunong magmalasakit sa kapakanan ng mga sanggol, sino ka para sabihing ang Diyos ay walang malasakit? Saan nagmumula ang awa at pagmamahal mo? Kung ang Diyos ang Unang Sanhi ng sanlibutan, hindi ba't siya rin ang sanhi ng awa't pagmamahal na mayroon ka? At hanggang saan ba ang epekto ng awa at pagmamahal mo para sa mga batang kinaaawaan at minamahal mo — Handa mo ba silang ampunin, pag-aralin, palakihin, gabayan hanggang pagtanda, pamanahan ng mga ari-arian, atbp.? Kahit magawa mo pa ang lahat ng posibleng "pagmamahal" na kayang ibigay ng tao, mabibigyan mo ba sila ng buhay na walang hanggan? Maibibigay mo ba sa kanila ang perpektong kaligayahang hindi magwawakas? Bilang tao, talastas mo ba talaga ang tunay na ikabubuti ng kapwa mo, at may kakayahan ka bang igawad sa kanila ang mga kabutihang iyon?

    Iyan ang isang hiwaga na mahalagang idikdik natin sa ating isipan bilang mga Cristiano. Huwag na huwag kang magkakamaling isipin na mas mabuti ka sa Diyos. Kung si A ang sanhi ni B, hindi maaaring mangyari na magtaglay si B ng anumang mabuting katangiang nakahihigit kay A. Kung mabait si B, hinihingi ng katuwiran na nakahihigit ang kabaitan ni A.

    Narito pa ang isang payak na katotohanang madali nating makalimutan: Na ang pag-iral ay likas lamang sa Diyos, habang ang pag-iral ng bawat nilalang ay nakadepende lamang sa Diyos. "In him we live and move and have our being" (Acts 17: 28 NABRE). Walang sinumang nilalang sa mundo ang may angking halagang dapat pahalagahan ng Diyos, sapagkat lahat ng nilalang ay buhat sa wala, habang ang Diyos lamang ang magpakailanmang umiiral. Ang ikabubuhay o ikamamatay ng sangkatauhan ay hindi nakadaragdag ni nakababawas man sa pagka-Diyos ng Diyos.

    Kahit ngayon mismo'y ipag-utos ng Diyos na ihagis sa gilingan ng karne ang lahat ng mga sanggol, hindi ito maituturing na kalupitan. Bakit? ➊ Dahil Diyos siya, at ➋ at dahil siya mismo ang nag-utos na gawin iyon. Siya ang nagkakaloob ng buhay at pag-iral, kaya't siya rin ang tanging may karapatang bawiin ang buhay at pag-iral. Kung nababagabag tayo sa napaka-brutal na halimbawang ito, iyon ay dahil sa ating katutubong bait na likas nang nagdidikta sa atin na protektahan ang buhay ng mga walang muwang, anupa't sakali mang magkaroon ng gayong kautusan ang Diyos, agad tayong magrereklamo at magmamakaawa — maliban na lang kung napananaigan na ng kasamaan ang ating puso (1 Hari 3: 26). At malakas ang loob nating mamagitan sa Diyos alang-alang sa kapakanan ng mga taong kinaaawaan natin, dahil nga kung tayo na tao lang ay marunong maawa, siya pa kaya? (Genesis 18: 16-33; Exodo 32: 7-14; Jonas 4). Dito na papasok ang PAGTITIWALA: Na kahit ang Diyos ay magpapatay pa ng "sandamakmak na kabataan," nakatitiyak akong may perpektong kabutihan at pagmamahal sa likod ng pagpapapatay na ito, maarok man iyon ng aking limitadong pang-unawa o hindi. Maaari pa ngang ikatwiran na sa mga gayong sitwasyon, ang talagang inaasahan ng Diyos na mangyari ay ang tahasan mong pagrereklamo sa naturang utos — na iyon ay isa lamang talagang pagsubok kung buong tiwala ka bang mamamagitan sa Diyos alang-alang sa mga itinuturing mong inosente, o basta ka na lamang susunod nang di man lang nakakaramdam ng kahit kamunting malasakit sa kapwa.

  • Sa kabilang banda, dito na rin papasok ang kahalagahan na masumpungan ang tunay na relihiyon, sapagkat kung nalinlang ka ng isang huwad na relihiyon na nagtuturo ng isang huwad na diyos, at ipinag-uutos daw ng naturang diyos na gumawa ka ng mga kung anu-anong katarantaduhan, at dahil nga utu-uto ka'y sumunod ka naman, hindi ba't napakalaking perwisyo nito sa lipunan at sa iyong sarili? Hindi natin nararanasan ang ganitong mga kaso, dahil bilang Katoliko, batid nating ang Simbahang Katolika ay isang relihiyong marunong rumespeto sa pangkalahatang ikabubuti (common good) ng pamayanang kinabibilangan niya. At sakali mang humantong sa puntong maging kaaway ng Simbahan ang estado, alam din nating mas pipiliin nating magpapatay sa estado bilang mga martir, kaysa makipagpatayan sa estado. "Do not return evil for evil, or insult for insult... But even if you should suffer because of righteousness, blessed are you... For it is better to suffer for doing good, if that be the will of God, than for doing evil." (1 Peter 3: 9, 14, 17 NABRE)
"Women should remain silent in the churches. They are not allowed to speak. If they want to inquire about something, they should ask their own husbands at home. For it is disgraceful for a woman to speak in the church." — 1 Corinthians 14:34-35

So girls, STFU!

  • Marami akong tanong hinggil sa naturang sipi na yan sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto. Anu-ano ba ang mga dahilan para magsalita ang isang tao sa loob ng simbahan? Para mangaral? Para manalangin? Para magkwentuhan? Para magdiskusyon hinggil sa mga paksang relihiyoso? Kapag may nasusunog at may isang babaeng nakakita nito, magkakasala ba siya kung sisigaw siyang, "May sunog!"? Dapat bang manahimik ang babaeng iyon, at hintayin niyang makauwi sila sa bahay bago niya sabihin sa asawa niya na nasusunog na pala ang simbahan? At paano kung wala pa siyang asawa — sinong kakausapin at pagtatanungan niya?

    Wala pang mga gusaling "simbahan" noong panahong iyon. Hindi pagdiriwang ng Banal na Misa ang tinutukoy ni San Pablo. Sa mga naunang taludtod, makikitang ang pinag-uusapan ay ang natatanging sitwasyon ng mga Cristianong taga-Corinto, na kung saan sa kanilang mga pagtitipon ay may mga kung anu-anong nangyayari: "So what is to be done, brothers? When you assemble, one has a psalm, another an instruction, a revelation, a tongue, or an interpretation." (1 Corinthians 14: 26 NABRE). Ang naturang magulong sistema ng mga taga-Corinto ang tinatalakay ni San Pablo. Mapapansin na hindi lang mga babae ang pinatatahimik niya:

    • "If anyone speaks in a tongue, let it be two or at most three, and each in turn, and one should interpret. But if there is no interpreter, the person should keep silent in the church and speak to himself and to God." (verse #27-28 NABRE)
    • "Two or three prophets should speak, and the others discern. But if a revelation is given to another person sitting there, the first one should be silent." (verse #29-30 NABRE)

    Mapapansin din na sa mga naunang kabanata ng 1 Corinto, binabanggit ang mga propetesang nananalangin at nagpapahayag ng propesiya sa mga pagtitipon (1 Corinto 11: 5-6), na hindi naman pinatatahimik ni San Pablo, bagkus ay pinagsusuot lamang ng belo bilang sagisag na sa isang mag-asawa, ang lalaki ang tumatayong ulo ng sambahayan at ang asawa niyang babae ay nagpapasakop sa kanya — isang kaayusang sumasagisag naman sa kaugnayan ng Panginoong Jesu-Cristo sa kanyang Simbahan, at sa kaugnayan ng Panginoong Jesu-Cristo sa Diyos Ama (1 Corinto 11: 3). Hindi ibig sabihin na itinuturing ang mga babae na "mas mababang nilalang" kaysa sa mga lalaki, dahil dagdag nga ni San Pablo, "Woman is not independent of man or man of woman in the Lord. For just as woman came from man, so man is born of woman; but all things are from God." (verse #11-12 NABRE)

  • Hindi ko alam sa kung paanong paraan ba ipinaliliwanag ng Iglesia ni Cristo, Born Again, Saksi ni Jehova, at Seventh Day Adventist ang 1 Corinto 14: 34-35, kaya't di ko rin alam kung paanong nakarating si Cortez sa konklusyon na nangangahulugan daw itong itinuturo ni San Pablo na ang mga babae ay walang karapatang magsalita at nararapat patahimikin ng mga lalaki. Sa panig ng Simbahang Katolika, isang lantad na katotohanan sa kanyang kasaysayan na ang mga kababaiha'y hindi pinatatahimik:
    "In the history of the Catholic Church, women have played a variety of roles and the church has affected societal attitudes to women worldwide in significant ways. Influential Catholic women have included theologians, abbesses, monarchs, missionaries, mystics, martyrs, scientists, nurses, hospital administrators, educationalists, religious sisters, Doctors of the Church, and canonised saints." (Wikipedia, Women in the Catholic Church)
GF: If you don't love me back, I'll make sure you'll burn forever!

Atheist BF: That's creepy. Sounds familiar. Sounds like God.

  • Dalawang kababawan ang masusumpungan sa epigraph na ito: ➊ Ang mababaw na konsepto ng pag-ibig na talamak sa ating lipunan, at ang ➋ mababaw na pagkakaunawa sa impyerno na talamak sa mga ateista. Pareho nang natalakay ang mga naturang kababawan sa mga naunang komentaryo, kaya't hindi ko na uulitin ang mga naipaliwanag ko na. Sa kabilang banda, gaya ng inaasahan, paulit-ulit ang tema ng mga epigraph ni Cortez sa libro niya. Sinusunod kaya niya rito ang balintuwad na prinsipyong, "Repeat a lie often enough and it becomes the truth?"

[UMAKYAT]


Makabuluhang Panaginip Nga Ba? [BASAHIN]


  • Wala akong masyadong masasabi sa kabanatang ito dahil isa nanaman itong paksang walang kinalaman sa usapin ng pag-iral ng Diyos. Bilang Katoliko, hindi naman dahil sa panaginip kaya ako humantong sa konklusyon na may Diyos. Sabi nga sa First Vatican Council, "Holy mother Church holds and teaches that God, the source and end of all things, can be known with certainty from the consideration of created things, by the natural power of human reason".

    Gayon pa man, maituturing na isang makatuwirang posibilidad na ang Diyos ay makipag-usap sa tao sa pamamagitan ng panaginip. Bakit? Dahil bilang Diyos, siya ang lumikha sa lahat ng bagay, kaya't malaya niyang magagamit ang kahit na ano sa sanlibutang ito, kabilang na ang mismong utak ng tao, para sabihin ang anumang nais niyang sabihin sa atin. Ang tanong: Paano ako makatitiyak na kinakausap nga talaga ako ng Diyos sa aking panaginip? May mga pamantayan akong ipagsasaalang-alang:

    1. Gaano ba kalinaw at kadetalyado ang panaginip ko? Sigurado ba ako sa mga naaalala ko nang magising ako, o may mga detalyeng bunga na lang ng haka-haka at sariling interpretasyon?
    2. Tumutugma ba sa mga katuruan ng Simbahan ang mensaheng natanggap ko, o nagtuturo ba ito ng mga bagong aral, naguudyok na salungatin ko ang Simbahan, o naguutos sa akin ng mga bagay na di makatuwiran, imoral, at walang katuturan? Ito'y mga katanungang hindi ko kinakailangang sarilinin at ipagdunung-dunungan, bagkus ang pinaka-praktikal at pinaka-matinong gawin ay isangguni ito sa aming kura-paroko. Hindi ako magtatanong sa mga kung sinu-sinong mga "paranormal expert," "psychic," at kahit sa mga kapwa ko Katolikong nagdudunung-dunungan.
    3. Nasa katinuan pa ba ako? Anong diagnosis sa akin ng mga lisensyadong psychologist at/o psychiatrist? Kung matuklasang may problema nga talaga ako sa pag-iisip, eh di tapos ang usapan — Hindi ko dapat seryosohin ang panaginip ko, bagkus ang mas dapat kong seryosohin ay kung paano lulunasan ang aking kabaliwan.

    Mismong ang Biblia ay nagbabala sa pagiging mapaniwalain sa mga panaginip:
    Empty and false are the hopes of the senseless,
    and dreams give wings to fools.
    Like one grasping at shadows or chasing the wind,
    so anyone who believes in dreams.
    What is seen in dreams is a reflection,
    the likeness of a face looking at itself.
    How can the unclean produce what is clean?
    How can the false produce what is true?
    Divination, omens, and dreams are unreal;
    what you already expect, the mind fantasizes.
    Unless they are specially sent by the Most High,
    do not fix your heart on them.
    For dreams have led many astray,
    and those who put their hope in them have perished.
    (Sirach 34: 1-7 NABRE)

[UMAKYAT]


Epigraph #9 [BASAHIN]


"Sloth"

Walked 57 miles from south america to middle east to get onboards
Noah's Ark.

At 6 ft. per minute while awake for only 4 hours a day.

No shit!

  • Saan matatagpuan ang mga hayop na tinatawag na "sloth?" Sa mga kagubatan ng South at Central America (Source: Encarta). Gaano sila kabilis kumilos? Kung maglalakad sa lupa, mga 6-8 ft per minute, at kung maglalambitin sa mga puno ay mga 15 ft per minute (Source: Guinness World Records). Bago maganap ang delubyo na binabanggit sa aklat ng Genesis, pinaglakad ba ng Diyos ang isang pares ng sloth mula sa South America patungo sa kinaroroonan ng daong ni Noe? Oo daw (Source: Imahinasyon ni Cortez).

    Subalit ano ba ang punto ng epigraph na ito? Dahil di makatotohanan at katawa-tawa sa modernong pananaw na isiping ang lahat ng uri ng taga-lupang hayop ay pinapunta ng Diyos sa daong ni Noe, ibig sabihin, ang mismong Biblia ay di makatotohanan at katawa-tawa, at sa gayo'y ang Diyos na ipinakikilala ng Biblia ay di makatotohanan at katawa-tawa.

    Ang tanong: Napabubulaanan ba nito ang pag-iral ng Diyos? Sa aking palagay, hindi. Kahit ipagpalagay pang mali ang lahat ng relihiyon sa mundo, nananatili pa ring makatuwiran ang mga argumento hinggil sa pag-iral ng Diyos. Kaya nga't nasasabi ng Simbahang Katolika: "Starting from creation, that is, from the world and from the human person, through reason alone one can know God with certainty as the origin and end of the universe, as the highest good, and as infinite truth and beauty." (CCCC 3)

    Ngayon, kung makatuwirang maiuugnay ang Biblia sa Diyos na ito, kung makatuwirang maipapakita na talaga ngang niloob ng Diyos na gamitin itong pamamaraan para ipatalastas sa tao ang anumang katotohanang ibig niyang ipatalastas, mangangahulugan ito na anumang inaakala nating "di makatotohanan" o "katawa-tawa" sa Biblia ay mga maling akala lang talaga. Sa halip na magmataas, buong pagpapakumbaba nating ituturing ang mga iyon na misteryo — mga bagay na mahirap unawain, kaya't ating pinagsisikapang saliksikin, pag-aralan, pagnilayan. Hindi mo ipagpipilitan ang nauna mong konklusyon na ang mga nabasa mo ay "di makatotohanan" o "katawa-tawa." Napagtatanto mong tao ka lang, at walang kakayahan ang mortal na utak mo na husgahan ang walang hanggang karunungan ng Diyos.

    Iyan ang mga mahahalagang puntong dapat maintindihan natin sa tuwing napipintasan ang Biblia ng mga kung anu-ano. Sabi nga ni Duane Cartujano, isang Katolikong apolohista at manunulat,

    "We know that the Bible came from God, that is, that it was inspired by him, because the Church tells us so. And we believe the Church because we believe Christ, who founded the Church. Jesus quoted from the Old Testament (which showed its authority), and the apostles and their followers compiled the New Testament, all under the guidance of the Holy Spirit. That is the core of the argument. A non-believer might not accept that logic, but that is why accepting the Bible takes faith."
    ["The Catholic Church has the Answers: Answers to Over 100 Questions of Both Catholics and Non-Catholics". Quezon City: Claretian Communications Foundation, Inc., 2018. p. 3.]
  • Kailangan ngang magkaliwanagan sa mga puntong ito bago sagutin ang mga pangungutya sa teksto ng Biblia. Kung babalikan ang imahinasyon ni Cortez, talaga nga bang pinaglakad ng Diyos ang isang pares ng sloth mula sa South America patungo sa kinaroroonan ng daong ni Noe? Pwedeng oo, at pwedeng hindi. Kung oo, hindi kailangang mag-panukala ng mga katawa-tawang eksena. Hindi rin dapat alisin ang posibilidad ng himala, (Halimbawa, kung si Felipe ay maaaring bitbitin ng Espiritu ng Diyos at dalhin kung saan-saan, ang isang pares pa kaya ng sloth? — Gawa 8: 39). Kung hindi naman, pwedeng sabihin na ito'y isa lamang talagang alamat na binigyan ng maka-Diyos na interpretasyon, ika nga ng paliwanag sa NABRE, "The biblical story ultimately draws upon an ancient Mesopotamian tradition of a great flood, preserved in the Sumerian flood story, the eleventh tablet of the Gilgamesh Epic, and (embedded in a longer creation story) the Atrahasis Epic."

    "Our curiosity often impedes our reading of the Scriptures, when we wish to understand and mull over what we ought simply to read and pass by."

    THE IMITATION OF CHRIST

    Mabuting pag-aralan ang mga pang-akademyang impormasyon hinggil sa teksto ng Biblia, subalit sa ganang atin, higit na mahalaga ang espirituwal na kahulugan na ipinatatalastas ng salaysay ng Genesis hinggil sa nangyaring delubyo:

    "For Christ also suffered for sins once, the righteous for the sake of the unrighteous, that he might lead you to God. Put to death in the flesh, he was brought to life in the spirit. In it he also went to preach to the spirits in prison, who had once been disobedient while God patiently waited in the days of Noah during the building of the ark, in which a few persons, eight in all, were saved through water.
    "This prefigured baptism, which saves you now. It is not a removal of dirt from the body but an appeal to God for a clear conscience, through the resurrection of Jesus Christ"
    (1 Peter 3: 18-21 NABRE)

    Sa Cristianong pananaw, hindi ang mismong baha ang panganib kung saan iniligtas sina Noe at ang kanyang sambahayan, bagkus ang baha pa nga ang nagligtas sa kanila. Ang tunay na panganib ay ang kasalanan — Ang laganap na kasamaan ng sangkatauhan ang tunay na panganib, at siyang tunay na sanhi ng kanilang pagkalipol (Genesis 6: 5-6).

    Nakakalungkot na ang isang Cristiano'y pagdududahan ang Biblia, tatalikuran ang Cristianismo, magiging ateista, at gugugol ng mahabang panahon sa pagsusulat ng isang maka-ateismong libro sa Wattpad, nang dahil lang sa hindi niya lubos maisip kung paanong naisakay ang isang pares ng sloth sa daong ni Noe. Mapapa "No shit!" ka talaga.

Jesus at the hospital

Doctors, trying to remove tumor on a 12 years old kid.

Jesus: WTF? Why are you removing that tumor? I put it there!

  • Yan nga ba talaga ang sasabihin ng Panginoong Jesus? Nang nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, kabilang ba sa kanilang orihinal na katatayuan ang pagkakaroon ng tumor? Kung ipinahintulot ng Diyos na magkaroon ng tumor ang isang bata, hindi ba kasama sa plano niya na mahalin natin ang batang iyon, tulungan sa abot ng ating makakaya, at kung wala na tayong magawa ay saka ipagpasa-Diyos ang problema at tanggapin ang sitwasyon nang may pagtitiwala? Kung bahagi ng plano niya na pagalingin ang bata sa bisa ng isang himala, eh di papuri at pasasalamat sa Diyos. Kung hindi naman, salamat pa rin sa Diyos, dahil hindi man natin talastas ang buong katotohanan sa likod ng trahedyang ito, maaari tayong magtiwalang mayroon itong higit na mabuti at mapagmahal na dahilan. (Paulit-ulit na natin itong tinalakay sa mga naunang komentaryo.)

    Mauunawaan ba ito ng bata? Matatanggap ba niya ito? Pwedeng oo, pwedeng hindi. Sa ganang akin, hindi natin dapat maliitin ang kakayahan ng mga menor de edad na makaunawa ng mga malalalim na katotohanan ng buhay. Bilang mga nakatatanda, tungkulin nating tulungan din sila sa aspetong ito, at hindi lang maging mga tagapag-gawad ng mga materyal na pangangailangan nila. Hindi ba't matayog nang mag-isip ang isang 12 taong gulang na bata? May mga santo at santa ngang mas bata pa rito, at dumanas din ng mga pagdurusa (gaya nina San Francisco Marto at Sta. Jacinta Marto) kaya't hindi kalabisan kung umasa man tayong mauunawaan at matatanggap ng batang iyon ang posibilidad na hindi siya gumaling, habang patuloy na nagtitiwala sa Diyos sa gitna ng paghihirap.

    Sa kasalukuyan kong trabaho bilang isang audio transcriptionist, may isang recording na hindi ko makalimutan. Isa itong interview sa mga batang may cancer na naghihintay na lang mamatay dahil umabot na sa puntong hindi na sila mapapagaling pa. Nakakamangha, dahil kahit sa murang edad, naiintindihan nila ang sitwasyon nila, at hindi sila natatakot mamatay. Hindi sila nananambitan ng mga hirap na pinagdaraanan nila. Hindi mo sila maituring na kawawang-kawawang aping-aping biktima ng isang siraulong sadistang Diyos, gaya ng nais palabasin ng mga ateista.

    Naisip ko lang, kung ipagkakatiwala kay Cortez ang 12 taong gulang na batang may tumor, sa paanong paraan niya ito mamahalin? Sa paanong paraan niya patutunayan sa sarili niya, sa batang iyon, at sa buong mundo, na mas marunong siyang magmahal kaysa sa Diyos? Sa paanong paraan niya ipapakita na "mas totoo" ang pagmamahal niya kaysa sa "kathang-isip" na pagmamahal ng Diyos?

Sa bibliya, pinatay ng diyos ang lahat ng kaniyang kaaway at mga kalaban.

Except kay Satanas.

Bakit kaya?

  • Magandang tanong, subalit sineryoso ba ni Cortez na hanapan ito ng sagot? O kuntento na siya sa mga strawman fallacy na kinatha niya tungkol sa Diyos, at nag-aabang lang siya ng isang emosyonal at tatanga-tangang Cristiano na utu-uto namang sasagutin ang tanong niya? Maraming beses ko nang natalakay sa mga naunang komentaryo ang tungkol sa kamatayan at pananaig ng katarungan at kabutihan sa Araw ng Paghuhukom, kaya't di ko na uulitin ang mga nasabi ko na.

    Muli, makikita sa epigraph na ito ang cliché na pag-uugali ng mga ateista na baliktarin ang mga nakagisnang tama at mali, at maki-simpatya sa demonyo at sa mga itinuturing na masamang tao sa lipunan, para magmukhang mayroon silang "mas matinong" pamantayan ng moralidad kaysa sa Cristianismo. Isang kabalintunaan, dahil sa sandaling itanggi mo ang pag-iral ng Diyos, kasama mo na ring itinatanggi ang tanging matibay na saligan at pamantayan ng moralidad. (Natalakay ko na rin ito sa mga naunang komentaryo.)

[UMAKYAT]


Supernatural Event? O Coincidence? [BASAHIN]


  • Sa bahaging ito ng libro ni Cortez, tinuligsa niya ang karaniwang pag-uugali ng tao na ituring na "himala" o "tanda mula sa Diyos" ang mga kakatwa at di maipaliwanag na pangyayari sa kanilang buhay. Ang karaniwang sistema, na kapag may nangyaring pumapabor sa aking sitwasyon, ituturing ko ang pangyayaring iyon sampu ng mga naunang pangyayaring nagsilbing sanhi nito, bilang mga makahulugang bagay na sadyang itinakda o minaniobra ng Diyos, alang-alang sa walang pagsalang pagsasakatuparan ng naturang pangyayari.

    Bilang Katoliko, walang kaso sa akin kung tuligsain ni Cortez ang gayong makitid na pananaw, dahil pagdating sa usapin ng mga itinuturing na himala, hindi naman ganyan mag-isip ang Simbahan. Halimbawa, kabilang sa mga kinakailangang kundisyon ng canonization (alalaong-baga'y ang pormal na pagkilala sa isang yumao bilang tunay na Santo/Santa na marapat parangalan ng buong Simbahan) ay ang katibayan ng isa o dalawang milagro sa bisa ng pananalangin sa naturang Santo/Santa. Sa kaso ng mga milagrong medikal, hindi sapat ang mga personal na pag-aangkin ng mga di-umano'y nakaranas ng mahimalang paggaling. Lubhang maingat ang mga pamantayang itinatakda ng Congregation for the Causes of Saints sa aspetong ito,10 na bukod sa pagsisiyasat sa mismong mga doktor na tumingin sa pasyente ay sumasangguni rin sa iba pang mga eksperto na third party para makakuha ng patas na opinyon.

    Siyempre, hindi naman maikakaila na ang pagkakaroon ng mababaw at sentimental na pananaw sa mga pangyayaring kataka-taka at kamangha-mangha ay isang kapintasang intelektuwal na masusumpangan din sa hanay nating mga Katoliko. Masama ito kung sadyang isinasara ang isip sa mga "natural" na paliwanag, at ipinagpipilitan ang mga maling akalang napatutunayan na ngang mali. Masama ito kung ipinagpipilitan ang mga espirituwal na interpretasyon na hindi naman galing mismo sa Diyos kundi sa sariling pala-palagay lang. Subalit kung batay naman ito sa paninindigang ang lahat ng bagay sa mundong ito ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, hindi iyon kamangmangan kundi katalinuhan. Nagpapahiwatig ito ng malinaw na pag-iisip ng isang Cristiano, na nakatatalastas na sa mundong ito, walang "aksidente" o "nagkataon" lang, sapagkat ang lahat ay nangyayari ayon sa kalooban ng Diyos.

  • Subalit bago tayo makarating sa kung saan-saan, may napansin ako sa estilo ng pagkakasulat ni Cortez sa kabanatang ito. Tila nahahawig ito sa artikulong "The Inevitability of Unlikely Events" na sinulat ni Rolf Dobelli.11 Sa unang halimbawa ni Cortez, bahagya lang niyang iniba-iba ang mga detalye, subalit halos katulad pa rin ng orihinal:
    ANG BERSYON NI CORTEZ:

    8:00 ng umaga ay dapat magsimula ang banal na misa sa simbahan. Nagkasundong magkita-kita ang lahat ng miyembro nito sa simbahan upang makapag-rehearse sa kanilang mga awitin. Ang ilan sa mga miyembro ng ma mangaawit ay nalate at hindi nakarating ng mas maaga upang makapag-ensayo. Isang mag-asawa naman ang magsisimba ngunit hindi din nakarating sa tamang oras dahil kailangan pang plantsahin ng nanay ang damit ng kaniyang anak. Ang pianista naman ng simbahan ay na-late din dahil tila ayaw gumana ng sasakyan nito. Ang pari naman ng simbahan ay ganun din, hindi makakarating sa eksaktong oras dahil napahimbing ang tulog. 7:30 na ng umaga at tila kapos na sa oras ang lahat. Kung kakalkulahin ay 7:45am na makakarating ang lahat sa simbahan dahil sa kanilang kakupadan at kani-kaniyang mga sariling rason tila isa itong tanda! 7:36am ay lumindol ng napakalakas. Ang ilang parte ng simbahan ay nagiba at gumuho. Kagimbal-gimbal ang sinapit nito. Pero milagrong walang namatay dahil karamihan sa kanila ay Filipino Time. Ang lahat nang na-late ay na kumbinsing nakatanggap sila ng tanda sa makapangyarihang diyos. Amen! Teka sandali. Tanda at milagro ng diyos nga ba o coincidence lamang?

    ANG ORIHINAL NA ARTIKULO NI DOBELLI:

    At 7:15 p.m. on March 1, 1950, the fifteen members of the church choir in Beatrice, Nebraska, were scheduled to meet for rehearsal. For various reasons, they were all running late. The minister's family was delayed because his wife still had to iron their daughter's dress. One couple was held back when their car wouldn't start. The pianist wanted to be there thirty minutes early, but he fell into a deep sleep after dinner. And so on. At 7:25 p.m., the church exploded. The blast was heard all around the village. It blew out the walls and sent the roof crashing to the ground. Miraculously, nobody was killed. The fire chief traced the explosion to a gas leak, even though members of the choir were convinced they had received a sign from God. Hand of God or coincidence?11

  • Sa sumunod na halimbawa ni Cortez hinggil sa classmate daw niyang si "Lemar," tila ba pinalabukan lang niya ng mga kung anu-anong karagdagang detalye (na umabot sa 15 pangungusap) ang simpleng halimbawang sumunod na ibinigay ni Dobelli (na limang pangungusap lang), na tungkol naman sa kanyang kamag-aral na si "Andy." Pareho lang ang tema: Isang kamag-aral na naalala, na kalauna'y biglang tumawag sa telepono, at sa gayo'y nagdudulot ng pag-aakala na may kung anong sobrenatural na sanhi sa likod ng mga naganap. pati ang pagkakasunud-sunod ng mga reaksyon at pananalita ay hawig na hawig:

    • CORTEZ: "At kinabukasan, bandang tanghali, may tumawag sa aking sosyal na iPhone 7 Plus. Guess who? It was Lemar!" | DOBELLI: "Suddenly the phone rang. I picked it up, and lo and behold, it was Andy."11
    • CORTEZ: "'Isa ata itong premonition!' Ani ko sa aking sarili. Pero wait wait wait! Premonition nga ba ito o coincidence?" | DOBELLI: "'I must be telepathic!' I exclaimed excitedly. But telepathy or coincidence?"11

    Bilang manunulat, batid ko na may mga pagkakataong nakakatamad magsulat, na tila ba wala kang maisip na magandang paraan ng pagpapaliwanag kahit bihasa ka naman sa mismong paksang nais mong isulat. Subalit hindi katanggap-tanggap na solusyon ang plagiarism sa problemang ito. Kung sapat na ang paliwanag ng isang may-akda, bakit hindi mo na lang sipiin nang maayos ang paliwanag niya, at saka bigyan siya ng kaukulang pagkilala? Huwag mong nakawin ang ideya ng ibang tao, at saka pagmumukhaing ikaw ang orihinal na may-akda sa pamamagitan ng tusong pangmamaniobra sa orihinal na teksto.

    Sabi ni Cortez, "Ayon kay C.G. Jung na isang psychiatrist, gawa ito ng isang hindi matukoy na pwersang tinatawag nilang synchronicity." May dapat pa bang ikagulat kung may gayon ding sinabi si Dobelli? "The Swiss psychiatrist C.G. Jung saw in them the work of an unknown force, which he called synchronicity."11

    Sinabi pa ni Cortez: "Ang mga kaganapang hindi pangkaraniwan ay bihira ngunit posible. At hindi ito nakakabigla kung ito'y mangyari. Alam mo kung ano ang mas nakakapagtaka? Kung ang kakaibang kaganapan ay hindi nangyari kailanman." Heto naman ang sabi ni Dobelli: "Improbable coincidences are precisely that: rare but very possible events. It's not surprising when they finally happen. What would be more surprising is if they never came to be."11

    Dalawang manunulat na ang biktima ni Cortez: Sina Elizabeth Norton at Rolf Dobelli. Alinsunod sa mga moral na pamantayan ni Cortez (na iginigiit niyang mas dakila pa at mas makatuwiran pa sa moral na pamantayan ng alinmang relihiyon), hindi ba masama ang plagiarism? Sa palagay ko, mukha yatang hindi. Sa kabilang banda, hanga rin naman ako sa ganitong modus operandi ng pangongopya: Mangopya ka ng artikulong banyaga at isalin mo sa Filipino, at likut-likutin mo lang nang kaunti ang teksto para magmukhang orihinal, at violà! Hindi na halata ang pagnanakaw na ginawa mo, at manghang-mangha naman sa "katalinuhan" mo ang mga mambabasa mo.

  • Sa Katolikong pananaw, ang Diyos ang lumikha sa lahat at nagpapanatili sa pag-iral ng lahat. Sa gayon, hindi maaaring sabihin na ang Diyos ay eksklusibo lamang na kumikilos sa pamamagitan ng mga pangyayaring milagroso at kataka-taka. Makatawag-pansin at kamangha-mangha ang mga milagro, subalit hindi nakasalalay sa mga ito ang ating pananampalataya hinggil sa mismong pag-iral ng Diyos. Ni hindi rin natin kailangan ang mga ito bilang katibayan na mahal tayo ng Diyos. Kahit gahasain pa ako ng isang grupo ng mga halimaw, mahulog sa gilingan ng karne, langgamin nang buhay, o malunod sa pozo negro — kahit walang mangyaring himala na sasaklolo sa akin mula sa mga karima-rimarim at karumal-dumal na mga kasawiang-palad na ito, taliwas sa dikta ng katuwiran na igiit na walang Diyos o hindi ako mahal ng Diyos. Bakit? Paulit-ulit ko na itong naipaliwanag sa mga naunang komentaryo kaya't di ko na uulitin ang mga nasabi ko na.

    Hinggil naman sa déjà vu, wala naman itong kinalaman sa Cristianong pananampalataya, ni sa mga nakagisnang pang-pilosopiyang mga argumento hinggil sa pag-iral ng Diyos. Isa ring lantad na katotohanan na sa siyentipikong pananaw, isa lamang itong ilusyon.12

    Ano, kung gayon, ang silbi ng kabanatang ito sa kung ano mang ipinaglalaban ni Cortez sa libro niya? Wala itong naitutulong upang pabulaanan ang pag-iral ng Diyos. Wala itong napatutunayan laban sa Cristianismo. Hindi nito naipapakita na ang pagiging Cristiano ay katangahan, at ang pagiging ateista ay karunungan. Tila ba ang talagang layunin lang ng kabanatang ito ay pagmukhain ni Cortez ang kanyang sarili na "matalino" sa pamamagitan ng lantarang plagiarism.

[UMAKYAT]


Epigraph #10 [BASAHIN]


Pastor: Sabi sa bible, wala daw imposible sa diyos.
Lahat ay kaya nitong gawin.

Atheist: Mag "hi" nga sa akin hindi magawa eh.

  • Pagdating sa mga konsepto ng kung ano ba ang "posible" at "imposible," nakabatay ang mga kaisipang ito sa ating mga ➊ karanasang pantao hinggil sa mga ➋ limitasyon ng kalikasan. "Posible" ang naiisip ko kung ipinahihintulot itong mangyari ng mga batas-kalikasang natatalastas ko; "imposible" kung hindi ito ipinahihintulot ng mga batas-kalikasang natatalastas ko. Malinaw, kung gayon, na ang kahatulan ko sa kung ano ang posible at imposible ay nababatay sa mga limitado at di tiyak na mga pamantayan.

    Ngayon, kung ang Diyos ang Unang Sanhi ng sanlibutan — siyang lumikha sa lahat ng bagay na umiiral at siya ring nagpapanatili sa pag-iral13 ng mga ito — maaari ba siyang mapanaigan ng mga limitasyon sa sanlibutan? Anumang kapangyarihang mayroon ang sanlibutan ay hindi maaaring makapanaig sa Diyos, dahil ang Diyos nga mismo ang sanhi ng sanlibutan. Hindi maaaring mangyari na ang kapangyarihan ng epekto ay nakahihigit sa mismong sanhi nito. Iyan ang ibig nating sabihin sa pagiging "makapangyarihan" (omnipotent) ng Diyos. Iyan ang dahilan kaya nasasabi nating "walang imposible" sa kanya.

    Sabi ng "Atheist," hindi daw magawa ng Diyos na mag "Hi" sa kanya, samakatuwid mali daw ang "Pastor." Ang tanong: Paano mo nasasabing hindi magagawa ng Diyos na bumati sa iyo? Anu-ano bang mga kapangyarihan sa sanlibutan ang kinakailangan upang masabihan ng "Hi" ang isang ateista? Makatuwiran bang sabihin na ito'y mga kapangyarihang nakahihigit sa Diyos o hindi maaaring masumpungan sa Diyos? Kailan pa naging sukatan ng pagka-Diyos ang pag-"Hi" sa isang ateista? Isa pa, kung may isang tao na mag-"Hi" sa kanya, hindi ba't ang Diyos ang lumikha sa taong iyon at sa Diyos din nagmumula ang lahat ng kapangyarihang taglay ng taong iyon?

    Ang Diyos ang lumikha sa sanlibutan, kaya't anumang posible sa sanlibutan ay posible rin sa Diyos. Ngayon, kung may mga bagay na ayon sa kahatulan natin ay imposible sa mundong ito, intindihin natin kung bakit nga ba imposible:

    • Kung imposible dahil may kulang na sangkap, wala bang kapangyarihan ang Diyos na likhain ang sangkap na iyon?
    • Kung imposible dahil may kulang na kapangyarihan, hindi ba iyon maaaring punan ng kapangyarihan ng Diyos?
    • Kung imposible dahil naubos na ang lahat ng mga inaakala mong pagkakataon, hindi ba maaaring magbigay ang Diyos ng isa o higit pang pagkakataon?
    • Kung imposible dahil may mga batas-kalikasang hindi ito ipinahihintulot, magiging posible na ba ito kapag ang mga naturang batas-kalikasan ay "luwagan" o "patigilin" ng Diyos?
    • Kung imposible dahil sa akala mo'y wala itong katuturan, hindi ba maaaring mangyari na may pagkakamali o pagkukulang lang sa iyong pangangatuwiran, at mayroon pa talagang mga makatuwirang posibilidad na maaaring ipahintulot (o naipahintulot na) ng Diyos na mangyari?

    Kung iisipin, Diyos lang talaga ang tanging pamantayan sa kung ano ang mga bagay na totoong imposible. Kung ano ang hindi niya nilikha at hindi niya ibig likhain, iyon ang totoong imposibleng umiral. Kung ano ang itinakda niya, iyon ang totoong limitasyon na imposibleng masansala. Ang tanong: "Sino ang nakakilala ng isipan ng Panginoon?" (1 Corinto 2: 16) Nakikilala ba ito ng ateista? Nakikilala ba ito ni Cortez? Bilang mga Cristiano, hindi sarado ang ating pag-iisip hinggil sa mga bagay na magagawa ng Diyos, at mas lalong hindi tayo nagmamataas sa harap ng kapangyarihang lumalampas sa ating pantaong pananaw.

  • "Sapagkat sa Diyos ay walang bagay na hindi mangyayari." (Lucas 1: 37) — Iyan ang mga huling sinabi ni Anghel Gabriel sa Mahal na Birheng Maria, bilang tugon sa tanong niya sa kung paano niya ipaglilihi ang Panginoong Jesus "gayong wala akong nakikilalang lalaki?" (Lucas 1: 34) Iyon ang kulang na elemento sa pananaw ni Maria — ang pakikipagtalik sa lalaki. Magtatalik ba sila agad ni San Jose pagka-alis ng anghel? May ibang lalaki bang makikipagtalik sa kanya? May gumalaw na ba sa kanya nang hindi niya namamalayan, bago siya dinalaw ng anghel? Nangangahulugan ba ito na ipinag-uutos ng Diyos na talikuran niya ang kanyang panata ng habambuhay na pagka-birhen? Maraming posibilidad, subalit walang katiyakan kung alin ba sa mga ito ang ipatutupad ng Diyos sa kanya, kaya siya nagtanong. At batay sa paliwanag ng anghel, higit pa pala sa mga kapangyarihan ng mundong ito ang magiging sanhi ng kanyang paglilihi:
    "The holy Spirit will come upon you, and the power of the Most High will overshadow you. Therefore the child to be born will be called holy, the Son of God. And behold, Elizabeth, your relative, has also conceived a son in her old age, and this is the sixth month for her who was called barren; for nothing will be impossible for God." (Luke 1: 35-37 NABRE)

    Kapag may gustong mangyari ang Diyos, mangyayari ang gusto niya, at walang anumang limitasyon sa mundong ito ang makasasansala sa gusto niya. Iyon ang konteksto ng mga pananalitang "nothing will be impossible for God." Hindi ito tungkol sa pagtupad ng Diyos sa anumang katarantaduhang gustong mangyari ng ateista. Ang Diyos ay hindi aliping sunud-sunuran sa mga walang katuturan at masasamang pantasyang kinakatha ng tao sa kanyang isipan. Hindi mo maaaring paghiwalayin ang kalooban ng Diyos at ang pagiging makapangyarihan ng Diyos — ang kapangyarihan niya ay laging tungkol sa pagsasakatuparan ng kalooban niya.

Christians and Muslims are wrong. — Jews
Jews and Muslims are wrong. — Christian
Christians and Jews are wrong. — Muslim
Deputa kayong lahat! — Me
  • Makikita sa epigraph na ito ang pagkakaroon ng double standard ni Cortez. Ano bang pamantayan niya rito para maituring na karapat-dapat murahin nang "Deputa" ang mga Judio, Cristiano, at Muslim — Dahil lang ba sa itinuturing nilang mali ang isa't isa? Kapag ba may tatlong taong nagtatalu-talo, agad-agad nang nangangahulugan na lahat sila ay mali, habang ikaw na humahatol sa kanila ay tama? Kung ang tanging batayan lang dito ay ang mismong kawalan ng pagkakasundo, hindi ba't dapat ay "Deputa" rin si Cortez? Bilang ateista na hindi sumasang-ayon sa mga Judio, Cristiano, at Muslim, bilang isang tagahatol na nakikisawsaw sa isyu at wala rin namang kakayahang lutasin ang di-pagkakasundo ng mga taong hinahatulan mo, hindi ba't kabilang ka rin sa mga nagpapagulo sa sitwasyon? Hindi ba't taglay mo rin ang mismong pagka-deputang taglay ng mga taong minumura mo?
  • Sa totoong buhay (taliwas sa mababaw na pananaw ni Cortez sa sitwasyon ng mga relihiyon sa mundo), posibleng magkaroon ng mapayapang ugnayan sa pagitan ng Judaismo, Cristianismo, at Islam, kaya't mas lumilitaw na di-makatao ang magsasabing "Deputa" silang lahat nang dahil lang sa kanilang mga pagkakaiba.

    • MODERNONG PANANAW NG MGA JUDIO HINGGIL SA MGA CRISTIANO:
      "In modern times there has been far greater cooperation between Jews and Christians, many Jews welcoming Jewish-Christian dialogues in which the aim of each side is to understand the position of the other, and even learn from it, without in any way moving from its own.... It would certainly be incorrect to say that the suspicions of the two religions of one another are a thing of the past. What can be said is that, in an age of greater religious tolerance, there has been a growing realization that the two have enough in common to enable them to work in harmony for human betterment." (Rabbi Louis Jacobs, "Historic Jewish Views on Christianity")
    • MODERNONG PANANAW NG MGA JUDIO HINGGIL SA MGA MUSLIM:
      "We rabbis ought to tell our congregants that despite the real and present danger of Islamic extremism — a danger to both Jews and Muslims — the possibility of true coexistence and mutual respect with Muslims is real. As Jews, we have our own faith, which is what we must study and adhere to; our path to serving G-d is solely the Jewish one. At the same time, while it is not our religion, we value Islam's dedication to One G-d, a core belief of our faith which must serve as the bedrock of society. This should not be underestimated." (Rabbi Levi Banon, "Ask The Rabbis: What Should Jews Know About the Muslim Faith?")
    • KATOLIKONG PANANAW HINGGIL SA MGA JUDIO:
      "Since the spiritual patrimony common to Christians and Jews is thus so great, this sacred synod wants to foster and recommend that mutual understanding and respect which is the fruit, above all, of biblical and theological studies as well as of fraternal dialogues.... Although the Church is the new people of God, the Jews should not be presented as rejected or accursed by God, as if this followed from the Holy Scriptures.... Furthermore, in her rejection of every persecution against any man, the Church, mindful of the patrimony she shares with the Jews and moved not by political reasons but by the Gospel's spiritual love, decries hatred, persecutions, displays of anti-Semitism, directed against Jews at any time and by anyone." (Vatican II, Nostra Aetate, 4)
    • KATOLIKONG PANANAW HINGGIL SA MGA MUSLIM:
      "Since in the course of centuries not a few quarrels and hostilities have arisen between Christians and Moslems, this sacred synod urges all to forget the past and to work sincerely for mutual understanding and to preserve as well as to promote together for the benefit of all mankind social justice and moral welfare, as well as peace and freedom." (Vatican II, Nostra Aetate, 3)
    • PANANAW NG MGA MUSLIM HINGGIL SA MGA CRISTIANO:
      "Christians and Muslims should go beyond tolerance, accepting differences, while remaining aware of commonalities and thanking God for them. They are called to mutual respect, thereby condemning derision of religious beliefs... Generalization should be avoided when speaking of religions. Differences of confessions within Christianity and Islam, diversity of historical contexts are important factors to be considered... Religious traditions cannot be judged on the basis of a single verse or a passage present in their respective holy Books. A holistic vision as well as an adequate hermeneutical method is necessary for a fair understanding of them." (Pontifical Council for Interreligious Dialogue, "Joint Declaration of the Pontifical Council for Inter-Religious Dialogue and the Centre for Inter-Religious Dialogue of the Islamic Culture and Relations Organisation")
    • PANANAW NG MGA MUSLIM HINGGIL SA MGA JUDIO:
      "Islam requires Muslims to respect people of all faiths and this clearly includes followers of Judaism.... Islam does not condemn any individual since everyone has an equal opportunity to earn God's pleasure. So Jews also have the same opportunity and have been respected in Islam and Islamic communities... Indeed according to Islam there have been many great Jews and it is worthy to note that most of the prophets mentioned in the Qur'an were Jewish" ("What is Islam's view about Jews?")

    Malinaw, kung gayon, na bagama't nananatili ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga Judio, Cristiano, at Muslim, ang kanilang di-pagkakasundo ay hindi kasing sama nang gaya ng ibig palitawin ng mga ateista. Sa kabilang banda, kung ikukumpara dito ang pag-uugali ni Cortez na mas gusto pang daanin na lang sa pagmumura ang mga problemang maaari namang daanin sa maayos na usapan, sino ngayon ang totoong naghahasik ng kaguluhan sa daigdig? Sino ngayon ang lumalabas na totoong sanhi ng mga pag-aaway-away ng mga sangkatauhan?

"I have come to set the world on fire. I wish it were already burning."
— Satan

Joke. Lucas 12:49

Si Jesus pala nagsabi non.
My bad.

  • Hindi malinaw ang nais sabihin dito ni Cortez. Ibig ba niyang ipagpilitan ang kanyang literal na interpretasyon ng Lucas 12:49? Na kaya nagkatawang-tao ang Anak ng Diyos ay upang sunugin ang mundo? Ito nanaman ba ang tusong pamamaraan ni Cortez para pagmukhaing "walang ginagawang masama" si Satanas, at ang Panginoong Jesus ang totoong masama at malupit, at sa gayo'y katarantaduhan lang talaga ang Biblia, at "mas matino" pa rito ang librong sinulat niya sa Wattpad — Isang librong batay sa aking pagsisiyasat ay hitik sa mga logical fallacies at plagiarism? Isa ba ito sa mga sinasabi niyang "katibayan" na ang Biblia ay "puro kalokohan" lang? Isa ba itong birong katawa-tawa sa kanya? "What a fool cannot learn he laughs at, thinking that by his laughter he shows superiority instead of latent idiocy." (Marie Corelli)
  • Sa paanong paraan nga ba inunawa ng mga sinaunang Cristiano ang Lucas 12:49?

    • "Love is good, having wings of burning fire that flies through the saints' breasts and hearts and consumes whatever is material and earthly but tests whatever is pure. With its fire, love makes whatever it has touched better. The Lord Jesus sent this fire on earth. Faith shined brightly. Devotion was enkindled. Love was illuminated. Justice was resplendent. With this fire, he inflamed the heart of his apostles, as Cleophas bears witness, saying, 'Was not our heart burning within is, while he was explaining the Scriptures?' The wings of fire are the flames of the divine Scripture."Ambrose of Milan (397 AD)
    • "He also said, 'I came to cast fire upon the earth; and would that it were already kindled!' These flaming words from the lips of our Lord Jesus Christ reveal the malice of sin. He also reveals the excellence of good actions performed for the glory of God and his Christ.... Then we are ready for the baptism of water, which is a type of the cross, death, burial and resurrection from the dead.... One who is prepared to be baptized in the name of the Holy Spirit is one who has been born anew, who undergoes a change of residence, habits and associates so that, walking by the Spirit, he may be ready to be baptized in the name of the Son and to put on Christ."Basil the Great (379 AD)

[UMAKYAT]


Teorya At Unggoy [BASAHIN]


  • Wala akong masasabi hinggil sa bahaging ito ng libro ni Cortez, hindi dahil sa lampas sa aking pang-unawa ang paksang tinatalakay o di kaya'y isa itong paksang wala akong pakealam. Bagkus, wala akong masasabi dahil mayroon na akong naisulat noon tungkol sa mismong paksang ito, at hindi ko ibig maging paulit-ulit sa aking mga pagpapaliwanag.
  • Hinggil naman sa isiningit na pagtalakay ni Cortez sa mga "kalokohan" ng istorya ni Noah, ito'y natalakay ko na rin sa mga naunang komentaryo kaya't di ko na uulitin ang mga nasabi ko na. (tingnan sa: Epigraph #9)
  • Sabihin na lang natin na ang Biblia at ang iba pang mga katuruang relihiyoso ay mga pagpapaliwanag na nakatuon sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos — mga katotohanan hinggil sa pananampalataya at pagsamba natin sa kanya, at sa kung paano tayo mamumuhay nang ayon sa kalooban niya. Hinggil sa buong detalye ng kung paano niya nilikha ang sanlibutan, at kung ano ang mga itinakda niyang pagkilos ng mga sari-saring pwersa at elemento sa sanlibutan, iyan ay mga paksang hindi saklaw ng mga katuruan ng relihiyon, at ipinauubaya ng Diyos sa ating kusa at masigasig na pagtuklas at pag-aaral, sa tulong ng iba't ibang sangay ng kaalaman — siyensya, matematika, pilosopiya, sining at kultura, kasaysayan, atbp. Sa panig nating mga Katoliko, nagiging isyu lang naman ang Teorya ng Ebolusyon sa tuwing kinakasangkapan ito para tuligsain ang pananampalataya natin ➊ sa Diyos bilang Manlilikha, at sa ➋ dangal ng tao bilang nilikhang kalarawan ng Diyos.

[UMAKYAT]


Epigraph #11 [BASAHIN]


Thanking God for sparing you in a typhoon, earthquake or tsunami,
is like sending a thank you note to a serial killer for stabbing the family on your next door.
  • Hinggil sa mga kaso ng pagpatay ng Diyos, maraming beses ko na itong natalakay sa mga naunang komentaryo, kaya't hindi ko na uulitin ang mga naipaliwanag ko na.
  • Subalit maihahalintulad nga ba natin sa isang "serial killer" ang Diyos? Ang serial killer ba ay maituturing na Panginoon ng buhay at kamatayan? Sa kanya ba nagmula ang buhay ng pamilyang pinaslang niya? Mayroon bang mapagmahal na dahilan sa likod ng ginawa niyang pagpatay? Marahil, sa makitid na pananaw ng isang ateista, makatuwirang ihambing ang Diyos sa isang kriminal. Nakakatulad nila ang isang mangmang na kung anu-anong malisyosong iniisip laban sa isang doktor na nagsasagawa ng first aid sa isang sanggol na nabulunan — Kung hindi mo nga naman kasi nauunawaan ang nangyayari, aakalain mong sinasaktan ng doktor ang bata. Siyempre, hindi ko naman sinasabi na ang masawimpalad na mamatay sa bagyo, lindol, o tsunami ay katumbas ng isang "first aid" mula sa Diyos. Ang sinasabi natin, may mga dahilan na lampas sa ating pang-unawa, anupa't maituturing na malaking kahangalan at pagmamataas para sa sinumang tao na pag-isipan nang masama ang Diyos nang dahil sa mga trahedyang ito.
  • Sa ganang akin, ano man ang mangyari sa akin, mabuti man o masama, hinihingi ng katuwiran na lagi akong magpasalamat sa Diyos (1 Tesalonica 5: 16-18). Bakit? Dahil isa akong nilalang na ➊ nilikha buhat sa wala, at ➋ ang lahat-lahat ng mayroon ako ay kaloob ng Diyos. Sa kabilang banda, sa gitna ng anumang pagpapakasakit, maaari kong isama sa aking pagpapasalamat ang ➊ pagtatanong kung bakit ipinahihintulot ng Diyos na magdusa ako (Mateo 27: 46), at ➋ hilingin sa kanya na alisin ang naturang pagdurusa kung iyon ay posible at naaayon sa kalooban niya (Mateo 26: 39).
Sa bibliya mo lang makikita,
Ang lalaking hubo't hubad na nakatayo sa tabi ng babaeng hubo't hubad
At natukso sa prutas.
SA PRUTAS.
  • Hindi ko alam kung sa mga di-Katolikong relihiyon bang pinanggalingan ni Cortez — Iglesia ni Cristo, Born Again, Saksi ni Jehova, at Seventh Day Adventist — ay itinuturo ba na ang Punongkahoy ng Karunungan ay isang literal na puno, at ang prutas na kinain nina Adan at Eba ay isang literal na prutas. Gaya nga ng nabanggit ko na sa mga naunang komentaryo (tingnan sa: Epigraph #3), ang naturang puno, sa pananaw ng Judaismo at ng Simbahang Katolika, ay may matalinghagang kahulugan, kaya't hindi katawa-tawa kung mas "nakatutukso" ang prutas nito sa paningin ng lalaki kaysa sa isang hubo't hubad na babaeng nakatayo sa tabi niya.
  • Sa kabilang banda, sinasalamin ng epigraph na ito ang isang mababaw na pang-unawa sa seksuwalidad ng tao. Sa Biblia lang ba talaga makakikita ng lalaki at babaeng hubo't hubad na hindi natutuksong makipagtalik sa isa't isa? Wala bang kontrol ang tao sa kanyang mga seksuwal na pagnanasa? Wala ba tayong kakayahan na mag-isip nang matino at maghangad ng mga mas dakilang bagay sa buhay kapag may nakahubad na babae o lalaki sa tabi natin? At lingid ba sa kaalaman ni Cortez na mayroon ding mga taong asexual — Mga taong hindi mo magagawang tuksuhin kahit maghubad ka pa at magsagawa ng lahat ng uri ng pang-aakit sa kanila?
  • Kung iisipin, may mga tukso na matindi lang ang kapangyarihan sa atin depende sa sitwasyong kinalalagyan natin. Noong magka-COVID ako, buong akala ko ay tuluyan na akong magiging vegan, dahil sa loob nang halos isang buwan ay hindi ko magustuhan ang lasa ng kahit na anong karne. Nang magkasakit nang malubha ang aso ko, lahat ng mga bagay na nakapagpapasaya sa akin ay tila ba nawalan ng kabuluhan, dahil labis-labis ang pag-aalalang nararamdaman ko. Sa kaso nina Adan at Eba, kung hindi pa napipinsala ng kasalanan ang kanilang pagkatao, kataka-taka ba na hindi sila makaranas ng mahalay na pagnanasa sa isa't isa kahit na sila'y hubo't hubad?
"One cannot make war or kill in the name of one's own religion. To kill them in the name of God is an abberation." — Pope Francis CNN News (January 16, 2015)

Good job Pope! But where did you get that idea? certainly not from the bible!

"If you found a town that worships another god, you must kill them, men, women, children and animals and burn the town to the ground."
— Deuteronomy 13:12-16

  • Una sa lahat, ano ba ang konteksto ng mga naturang pahayag ni Pope Francis? Ayon sa artikulo ng CNN, may kinalaman ito sa nangyaring January 2015 Île-de-France attacks, kung saan 17 ang mga biktimang pinatay ng mga teroristang Muslim. Iyan ang tinutuligsa ng Santo Papa. Hindi ito isang pormal at pangkalahatang doktrina ng Simbahan hinggil sa moralidad ng pakikipagdigma. Kung ako ang tatanungin, maituturing pa nga itong isang pahayag na may kalabuan at pagkukulang, at sa gayo'y hindi maituturing na tapat na kumakatawan sa aktuwal na paninindigan ng Simbahang Katolika. Bilang Katoliko, wala akong moral na obligasyon na sang-ayunan ang lahat ng sasabihin ng Santo Papa, malibang ang mga ito'y ipinahahayag niya sa isang pormal na pamamaraan, habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang Tagapagturo ng Simbahan (halimbawa, sa isang homiliya o sulat-pastoral). (CCC 892)
  • Ano nga ba ang aral ng Simbahang Katolika hinggil sa mga digmaan? May APAT NA KUNDISYON na kinakailangang sabay-sabay na umiral upang maging makatuwiran ang pakikipagdigma (CCCC 483):

    1. the suffering inflicted by the aggressor must be lasting, grave and certain;
    2. all other peaceful means must have been shown to be ineffective;
    3. there are well founded prospects of success;
    4. the use of arms, especially given the power of modern weapons of mass destruction, must not produce evils graver than the evil to be eliminated.

    May mas detalyadong listahan sa KPK (1042):

    1. isang makatarungang dahilan;
    2. "Blessed are the peacemakers, for they will be called children of God."

      MATTHEW 5: 9 NABRE

    3. kinakailangan upang ipagtanggol ang karapatang pantao at mga pagpapahalagang kasing halaga ng buhay;
    4. para sa isang mabuting bagay na kasukat ng mga pinsalang dulot ng digmaan;
    5. may makatuwirang pag-asa na magtatagumpay;
    6. ipinabatid ng lehitimong kapangyarihan;
    7. bilang pinakahuling paraan lamang.
  • Mapapansin, kung gayon, na sa Katolikong pananaw, ang pakikipagdigma ay hindi itinuturing na isang lehitimong pamamaraan ng pagpapalaganap ng Katolikong Pananampalataya. Bagkus, ito'y isang lehitimong pamamaraan ng pagtugon sa isang lubhang mapanganib na lipunan na hindi bukas sa anumang posibilidad ng mapayapang paglutas ng mga sigalot.
  • Ang tanong: Taliwas ba ang naturang mga paninindigan sa mga nasasaad sa Deuteronomio 13: 12-16? Maituturing bang kalupitan kung tahasang ipag-uutos ng Diyos ang paglipol sa isang populasyon? Ito'y isang sensitibong isyung natalakay ko na sa mga naunang komentaryo (tingnan sa: Kampon ni Satanas). Heto ang malinaw sa akin: Hindi lingid sa Diyos ang mga pagpapahalagang pantao na napapaloob sa mga kundisyon ng isang "makatarungang pakikidigma". Kung may pakikidigmang ipinag-utos ang Diyos, ➊ maaari akong lubos na magtiwala sa kapasyahan ng Diyos na ang naturang pakikidigma ay tunay na makatarungan, at ➋ maaari akong mamagitan alang-alang sa mga inaakala kong inosente at hindi nararapat madamay sa mga pagpaslang. Hindi ito kailanman naging tungkol sa isang nagbubulag-bulagan, sunud-sunuran, at walang kapararakang pagpatay ng kapwa-tao sa ngalan ng relihiyon. Bago pa man sumagi sa isip ko ang mga kawawang inosente, nauna na silang naisip, kinaawaan, at binigyan ng Diyos ng pagkakataon na makaligtas (Santiago 2: 25; 2 Pedro 2: 9). Bago ko pa man maisip ang lahat ng posibleng mapayapang pakikipagkasundo, natalastas na ng Diyos ang lahat ng posibilidad. Bilang tao, malaking kahangalan na isipin kong mas marunong ako sa Diyos at mas mabuti pa ang mga naiisip kong solusyon kaysa sa kanya.
  • Sa kabilang banda, hindi ko malaman kong ano bang bersyon ng Biblia ang ginamit ni Cortez sa pagsipi niya ng Deutoronomio 13: 12-16. Paanong nangyari na ang limang taludtod ay naging iisang pangungusap lang? Ganito ang aktuwal na nasasaad sa NABRE:

    [12] And all Israel shall hear of it and fear, and never again do such evil as this in your midst. [13] If you hear it said concerning one of the cities which the LORD, your God, gives you to dwell in, [14] that certain scoundrels have sprung up in your midst and have led astray the inhabitants of their city, saying, "Come, let us serve other gods," whom you have not known, [15] you must inquire carefully into the matter and investigate it thoroughly. If you find that it is true and an established fact that this abomination has been committed in your midst, [16] you shall put the inhabitants of that city to the sword, placing the city and all that is in it, even its livestock, under the ban.

    Ang agad nakatawag ng aking pansin dito ay ang ika-15 taludtod: "You must inquire carefully into the matter and investigate it thoroughly." Hindi hinihingi ng Diyos ang isang bulag na pagsunod, bagkus, kalooban niya na magkaroon muna ng masinsinang imbestigasyon kung mayroon bang aktuwal na apostasiyang lumalaganap. Ipinahihiwatig nito ang posibilidad ng isang aktuwal na mapayapang diyalogo. Ipinahihiwatig nito ang posibilidad ng mapayapang pakikipagkasundo at paglutas sa problema. Maihahalintulad ito sa mga nangyari sa aklat ni Propeta Jonas, kung saan sa pasimula'y itinakda na ang paglipol sa bayan ng Niniveh, subalit nang kakitaan sila ng tanda ng pagsisisi ay hindi na itinuloy ng Diyos ang paglipol. At nang magreklamo si Propeta Jonas sa pagbabagong-isip ng Diyos, ano ang tugon ng Diyos? "And should I not be concerned over the great city of Nineveh, in which there are more than a hundred and twenty thousand persons who cannot know their right hand from their left, not to mention all the animals?" (Jonas 4: 11 NABRE). Hindi ikinalulugod ng Diyos ang paglipol sa mga makasalanan. Ang gusto niya ay ang pagbabalik-loob nila. Kung lumabas sa imbestigasyon na may pag-asa ng pagbabalik-loob, ipalilipol pa rin ba sila ng Diyos? Siyempre, hindi, dahil mismong si Abraham ang uusig sa Diyos: "Far be it from you to do such a thing, to kill the righteous with the wicked, so that the righteous and the wicked are treated alike! Far be it from you! Should not the judge of all the world do what is just?"


[UMAKYAT]


Cherry Picking Tactics [BASAHIN]


  • Sa tuwing tinutuligsa mo ang mga inaakala mong pagkakamali ng iba, agad din bang nangangahulugan na ikaw ang nasa panig ng tama? Agad din bang nangangahulugan na ikaw mismo ay hindi gumagawa ng parehong pagkakamali? Nakatutuwa na alam naman pala ni Cortez ang tungkol sa Cherry Picking Fallacy. Nakalulungkot na tinutuligsa lang niya ang kamaliang ito sa tuwing nakikita niya ito sa iba, habang hindi niya nakikita ang parehong pagkakamali sa mismong librong ito na isinulat niya:

    • Nang sadya niyang itago ang totoong puntos na nakuha ng mga "relihiyosong tao" sa survey na pinasagutan ng Pew Research Center para palitawing mas matalino sa relihiyon ang mga ateista, hindi ba iyon cherry picking? (Tingnan: Bakit Ako Atis?)
    • Kapag mga digmaang relihiyoso lang ang tinitingnan mo habang di ipinagsasaalang-alang ang iba pang kaso ng mga digmaan na walang kinalaman sa relihiyon, at kapag ang relihiyosong elemento lang ng mga tinaguriang "digmaang relihiyoso" ang tanging sinisisi mong sanhi ng mga naturang digmaan (kahit na lantad namang katotohanan sa kasaysayan ang iba pang mga kumplikadong dahilan at motibo ng mga naturang digmaan — mga dahilang malayo na sa kanilang orihinal na relihiyosong layunin), hindi ba iyon cherry picking?
    • Kapag may malinaw kang pagkiling sa isang maka-pundamentalismong interpretasyon ng Biblia — interpretasyong nakatuon lamang sa literal na pagbabasa, sa kung ano ang letra-por-letrang nakasulat, nang wala nang pakealam kung ito ba'y may malalim na kahulugan o kung ito ba'y napapaloob sa isang uri ng panitikan na sadyang hindi maaaring bigyan ng literal na interpretasyon (gaya ng mga tula, talinghaga, apokalipsis, atbp.), hindi ba iyon cherry picking?

    Paano mo maitutuwid ang mga inaakala mong cherry picking fallacy ng kapwa mo kung sarili mong cherry picking fallacy ay hindi mo nakikita at itinutuwid? Paano mo naatim na sumulat ng isang buong kabanata tungkol sa cherry picking fallacy gayong ikaw mismo ay notoryus sa naturang balintuwad na pangangatuwiran?

Leviticus 19:19 — Huwag kayong magsusuot ng damit na magkahalo ang tela o lana.

Deuteronomio 22:15 — Batuhin mo hanggang sa mamatay ang iyong bagong asawa kung hindi na ito birhen.

Deuteronomio 21:18-21 — Ang matigas ang ulo at suwail na anak sa kaniyang mga magulang ay babatuhin hanggang sa mamatay.

....

Pamilyar kaba sa mga sagradong mga textong ito? Sigurado akong hindi. Dahil hindi nababanggit ang ganitong mga aral sa loob ng simbahan o di kaya'y dahil hindi na daw ito sinusunod sa panahon ngayon.

  • Pamilyar ba ako sa mga taludtod na sinipi ni Cortez? Oo, dahil may panahong minsan akong nahilig sa pagbabasa ng Biblia, anupa't masasabi ko na halos lahat ng bahagi nito ay talagang dumaan sa mga mata ko. Subalit sa kasalukuyan, hindi na ako "naaaliw" magbasa ng Biblia. Para sa akin, ito'y isang espirituwal na obligasyong nakasusuya, nakatatamad, at nakapapagod. Bakit? dahil sa pagdaan ng panahon, unti-unti kong napagtanto na ang pagbabasa ng Biblia ay hindi pala basta-basta; marami ka palang kailangang pag-aralan para maunawaan mo ito nang maayos. Nasusuya akong magbasa dahil batid kong hindi makasasapat ang mga pahapyaw na pagbabasa kung talagang ibig kong unawain at isabuhay ang mga binabasa ko.14
  • Ngayon, ang tanong: Paano ko inuunawa ang mga naturang taludtod? Tingnan natin ang teksto ayon sa pagkakasalin ng NABRE:

    Leviticus 19: 19"Keep my statutes: do not breed any of your domestic animals with others of a different species; do not sow a field of yours with two different kinds of seed; and do not put on a garment woven with two different kinds of thread."

    • Madaling maghaka-haka ng kung anu-ano, subalit ano ba ang paliwanag dito ng mga dalubhasa — mga taong nag-aral ng kasaysayan, sinaunang kultura, at wika? Hindi ko na pahihirapan ang sarili ko sa bahaging ito. May mga mapagkakatiwalaang reperensya naman akong maaaring sanguniin:

      • New American Bible: Revised Edition (NABRE): "One reason why mixtures are prohibited seems to be that they are holy (see Dt 22:9, 10-11). Israelites are allowed mixtures in the wearing of fringes on the edges or corners of their clothing (Nm 15:37-41; Dt 22:12). Some mixtures are considered abominations (cf. Lv 18:23; Dt 22:5)."
      • New Jerome Biblical Commentary (NJBC): "The law against crossbreeding and cross-semination in v 19 (cf. Deut 22:9) is seen by Noth (Leviticus 142) as a very ancient, probably pre-Israelite, regulation. Heterogeneous coupling was evidently considered a perversion of the divinely established order, and the prohibition was gradually extended to the use of different fibers in sewing, the yoking of different animals, and even transvestism (cf. Deut 22:11,10,5)."

      Pagtuunan natin ng pansin dito ang batas hinggil sa shatnez — alalaong-baga'y ang telang nasasangkapan ng pinaghalong wool at linen — yaman rin lang na ito ang partikular na tinutuligsa ni Cortez sa Levitico 19:19. Aminado ang mga Judio na ito'y isang batas na walang paliwanag (chok), na ito'y matapat na sinusunod batay lamang sa awtoridad ng Diyos na nag-utos nito. Wala namang masama sa gayong sistema, dahil kung ang Diyos ang nag-utos, walang makatuwirang dahilan para isiping wala itong katuturan. Alalahanin mong tao ka lang at Diyos siya. May mga bagay na lampas sa ating pang-unawa, o di kaya'y minarapat ng Diyos na huwag ihayag.

      Gayon man, hindi ito nangangahulugan na inaasahan ng Diyos ang isang bulag na pagsunod na hindi na nag-iisip. Ipinakikita ng halimbawa ng mga Patriarka at ng mga Propeta na sa harap ng Diyos ay maaari kang magtanong, magreklamo, at magmungkahi ng ibang gagawin. At siyempre, maaari ka rin namang magnilay at magsaliksik hanggang sa maunawaan mo ang mga inaakala mong kakatwang utos ng Diyos. Marami ngang nagsaliksik at nagnilay, at nagkaroon ng mga makatuwirang haka-haka (gaya ng mga binabanggit sa NABRE at NJBC).

      Ngayon, sinusunod pa rin ba ito ng mga Judio? Oo. Sinusunod pa rin ba ito ng Simbahang Katolika? Hindi. Bakit? Dahil alinsunod sa kapasyahan ng mga pinuno ng Simbahan, kabilang ito sa mga sinaunang batas na hindi na akma sa ating kapanahunan. At ang kapasyahan ng mga pinuno ng Simbahan ay nararapat irespeto at sundin, sapagkat sa bisa ng Sakramento ng Banal na Orden, nagpapatuloy sa ating mga Obispo, sa pamumuno ng Santo Papa, ang otoridad na ipinagkaloob ng Panginoong Jesu-Cristo sa kanyang mga Apostol: "Tunay na sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng inyong talian sa lupa ay tatalian din sa langit, at ang lahat ng inyong kalagan sa lupa ay kakalagan din sa langit." (Mateo 18: 18) Hindi mo maaaring ipantay ang mga kapasyahan ng Simbahan sa mga sari-saring opinyon at katuruan ng mga di-Katolikong mangangaral, na wala namang makasaysayang kaugnayan sa mga Apostol at sa orihinal na Simbahang itinatag ng Panginoon, kundi mga nagsariling-halal na mangangaral lamang na "nakadiskubre" ng inaakala nilang "tunay na Cristianismo" sa bisa ng sarilinang pagbabasa ng Biblia.

      Ngayon, kung ako na isang indibiduwal ay magmamarunong sa Biblia, at tutuligsain ko ang kapasyahan ng mga Obispo hinggil sa shatnez at aakusahan sila ng cherry picking fallacy, anong magiging saligan ng aking pagtuligsa? Anong nalalaman ko na hindi nila nalalaman? Wala akong makitang matinong dahilan upang magmataas nang gayon. Subalit sa kaso ni Cortez, may nakikita ba siyang matinong dahilan upang ituring ang kanyang sarili na mapagkakatiwalaang tagapagpaliwanag ng Biblia? Maituturing ko ba ang opinyon niya sa shatnez bilang tunay at tumpak na kahulugan, na maaari kong gamiting saligan ng panghuhusga sa pagpapasya ng mga Judio na patuloy itong sundin, at sa kapasyahan ng Simbahang Katolika na huwag na itong sundin? Sino ba si Cortez upang maging hukom ng doktrina ng shatnez?

      Kung tutuusin, hindi naman talaga "tinalikuran" ng Simbahang Katolika ang batas ng shatnez. Sa Katolikong pananaw, ang mga naturang kauutusan ay naglalayong magturo ng kabanalan — na kung magiging masunurin ka sa Diyos, huwag mong haluan ng kung anu-ano ang mga utos niya. Gawin mong "dalisay" ang pagsamba at paglilingkod mo. Hindi man masunod ang letra-por-letrang ipinag-uutos, patuloy namang tinutupad ang espirituwal na layunin ng utos, anupa't wala talagang "paglabag" o "pagbalewalang" nagaganap.

    Deuteronomy 22: 15"the father and mother of the young woman shall take the evidence of her virginity and bring it to the elders at the city gate."

    • Sa bersyon ni Cortez, ang sinasabi daw dito ay, "Batuhin mo hanggang sa mamatay ang iyong bagong asawa kung hindi na ito birhen." Subalit hindi naman gayon ang aktuwal na nasusulat sa naturang taludtod. Nakakatawa na isa itong malinaw na halimbawa ng cherry picking fallacy ni Cortez, dahil pinagtutuunan lamang niya ng pansin ang parusang kamatayan sa isang babaeng natuklasang di na birhen (na nasa taludtod #21, hindi sa #15), para pagmukhaing malupit at di makatarungan ang Diyos, habang sadyang binabalewala ang kabuuang konteksto nito, ang kalakip na tradisyon hinggil dito na nasusulat sa Talmud, at kung paano nga ba ito aktuwal na isinasabuhay ng mga Judio. (Natalakay na natin ito sa Epigraph #3)

      Isa pa, kung ako ang tatanungin, hanggang saan ba ang pagpapasensyang dapat mong taglayin kung ang babaeng pakakasalan mo ay matutuklasan mong nakikipaglandian pala sa ibang lalaki? Kung babasahin ang konteksto, malinaw na hindi ito isang kaso ng mga makatuwiran at katanggap-tanggap na dahilan ng pagkawala ng pagkabirhen, kundi isang kaso ng mahalay na pamumuhay na sadyang inilihim sa kanyang sariling ama at sa kanyang magiging asawa ("she committed a shameful crime in Israel by prostituting herself in her father's house." — taludtod #21). Anong layunin ng naturang babae sa kanyang pagpapakasal, at binabalak ba niyang ipagpatuloy naman sa bahay ng kanyang asawa ang kanyang mahalay na pamumuhay? Kung kay Cortez mangyari ang ganitong kaso, iisipin pa rin ba niyang "kawawa" at "di dapat parusahan" ang fiancé niya?

    Deuteronomy 21: 18-21"If someone has a stubborn and rebellious son who will not listen to his father or mother, and will not listen to them even though they discipline him, his father and mother shall take hold of him and bring him out to the elders at the gate of his home city, where they shall say to the elders of the city, 'This son of ours is a stubborn and rebellious fellow who will not listen to us; he is a glutton and a drunkard.' Then all his fellow citizens shall stone him to death. Thus shall you purge the evil from your midst, and all Israel will hear and be afraid."

    • Sabi ni Cortez, "Walang bobong gagawa o babatuhin hanggang sa mamatay ang sarili niyang anak, unless nakadroga ka o may problema ka sa pagiisip." Totoo naman, at hindi naman gayon ang sinasabi sa Deuteronomio. Ang suwail na anak ay dadalhin sa mga hukom ng Israel, at sasailalim sa paglilitis, na hindi naman agad-agad humahantong sa parusang kamatayan. Higit sa lahat, hindi ito isang simpleng kaso ng isang batang inutusan mong bumili sa tindahan pero may ibang pinuntahan, o inutusan mong magligpit ng laruan niya at dinabugan ka, o kaya'y pinakakain mo ng gulay pero ayaw kumain. Ito'y isang kaso ng anak na ➊ nasa hustong gulang na pero nasa poder pa rin ng magulang, ➋ nagmamataas at wala nang pagkilala sa katayuan ng sariling ama't ina, ➌ at garapalang namemerwisyo sa pamamagitan ng walang kapararakang panginginain at paglalasing. Kung may ganitong klaseng tao na nakatira sa pamamahay ni Cortez, na sa kabila ng lahat ng diplomasya at matinong pakikipag-usap ay hindi pa rin siya pinakikinggan nito, maituturing pa rin bang "bobo" si Cortez kung mapatay niya ang taong ito? Siyempre, mali iyon, at hindi naman talaga iyon ang ibig mangyari ng Deuteronomio. Ang utos ay isumbong ang suwail na anak sa mga pinuno ng bayan, at ang taumbayan ang maggagawad ng parusa.
    • Ngayon, ipinatutupad pa rin ba ito ng Simbahang Katolika? Siyempre, hindi. Una, dahil ang kaayusang itinakda ng Panginoong Jesus sa Simbahan ay iba sa kaayusang itinakda ng Diyos sa bayan ng sinaunang Israel. Ang mga "matatanda" ng Israel ay may naiibang mga tungkulin at karapatan sa mga "matatanda" ng Simbahan. Pangalawa, iba na ang sitwasyon noon sa sitwasyon ngayon. May mga pamamaraan na para tugunan ang mga kaso ng domestic abuse/violence. May mga pamamaraan na upang ang mga mapanganib na tao sa lipunan ay maihiwalay upang hindi na makapaminsala pa, nang hindi nangangailangang bitayin sila.

      Dahil ba rito ay maituturing na nag-cherry picking ang Simbahan? Hindi, dahil ang diwa ng naturang batas ay nananatili pa rin namang mabisa. Ang pagrespeto sa magulang ay nananatiling isang panghabambuhay na obligasyon ng anak. Ang pagdisiplina sa anak ay nananatiling mahalagang tungkulin at karapatan ng mga magulang sa kanilang mga anak na naninirahang kasama nila. At ang karapatan ng lipunan na ipagtanggol ang sarili mula sa mga mapanganib na indibiduwal ay nananatili, na kung sa proseso ng pagtatanggol ay mapatay mo ang mapanganib na indibiduwal, hindi iyon maituturing na kasalanan sa Diyos.

  • Bukod sa mga naturang taludtod, binanggit din ni Cortez ang mga di-umano'y sipi sa Quran na nagtuturong patayin ang mga hindi Muslim (Quran 2:191 at 9:29). Muli, bilang Katoliko, wala akong moral na obligasyon na saliksikin ang panig ng Islam hinggil sa bagay na ito. Gayon man, ibig kong maging patas. Ano ba ang aktuwal na sinasabi sa Quran, at paano nga ba ito ipinaliliwanag ng mga Muslim sa ating kapanahunan?

    • 2:191"Kill them whenever you confront them and drive them out from where they drove you out. (For though killing is sinful) wrongful persecution is even worse than killing. Do not fight against them near the Holy Mosque unless they fight against you; but if they fight against you kill them, for that is the reward of such unbelievers." (Tafheem-ul-Quran - Abul Ala Maududi)

      Sabi ni Cortez, ang nasasaad daw sa Quran 2:191 ay, "Patayin ninyo ang hindi naniniwala kay Allah." Subalit hindi naman iyon ang nakasulat. Ang tinutukoy ditong mga "unbelievers" ay mga taong inuusig ang isang Muslim. Makikipagpatayan lang sila bilang pagtatanggol sa sarili, hindi para ipagsiksikan sa mundo ang Islam. (source: Towards Understanding the Quran)

    • 9:29"Fight those who do not believe in Allah and the Last Day, nor comply with what Allah and His Messenger have forbidden, nor embrace the religion of truth from among those who were given the Scripture, until they pay the tax, willingly submitting, fully humbled." (Dr. Mustafa Khattab, the Clear Quran)

      Sabi ni Cortez, ang nasasaad daw sa Quran 9:29 ay, "Patayin ninyo ang mga hindi muslim na ayaw sumampalataya sa Islam." Hindi naman yan ang nasusulat. Oo, maaaring magkapatayan sa isang labanan, subalit ang talagang nais mangyari dito ay pasukuin ang mga di sumasampalataya at pagbayarin sila ng jizyah. Hindi sila pipiliting maging Muslim. (source: Towards Understanding the Quran)

    Nakakadismaya ang mga ganitong taktika ni Cortez, na akala yata'y hindi magsisikap ang kanyang mga mambabasa na tingnan kung ano ba talaga ang nakasulat sa Quran. Oo, bilang Katoliko, tutol ako sa relihiyon ng Islam at hindi ko nagugustuhan ang mga naturang sipi. Pero hindi ibig sabihin na magiimbento ako ng mga kung anu-ano laban sa kanila para lang palabasing isa silang relihiyong walang kapararakang pumapatay ng tao sa ngalan ng kanilang mga paniniwala.

Sa totoo lang, wala ka talagang makikitang tao na sumusunod ng buo sa lahat ng kautusan sa kanilang banal na aklat...
  • Ipinahihiwatig nito na ikaw na humuhusga ay nakababatid sa lahat ng kautusan ng mga banal na aklat na umiiral sa mundo, at talastas mo nang walang pagkakamali kung paano susundin nang buo ang mga iyon. Sa kaso ni Cortez, maituturing ba siyang katiwa-tiwalang reperensya ng mga naturang impormasyon? Sa palagay ko, hindi. Kung ikaw na isang manunulat ay sadyang minamasama ang iba't ibang mga pamamaraan ng pag-aaral ng panitikan, at bagkus ay ipinagpipilitan mo lang ang sariling bersyon mo ng maka-pundamentalismong interpretasyon ng Biblia, hindi ba't parang lumilikha ka na lang ng sarili mong mundo — nagiimbento ka ng isang abnormal na relihiyon sa imahinasyon mo, at iyon ang tinutuligsa mo, at ipinagpipilitan mong ang kathang-isip na relihiyong iyon ang pinaniniwalaan ng kapwa mo?

    Naglista si Cortez ng mga itinuturing niyang "palusot" ng mga relihiyosong tao:

    1. "Sus, may mali sa pagkakasalin niyan. Mali ang translation! Try King James Version." — Paano ito naging palusot? Paano naging mali ang paghahanap ng wastong salin-wika ng isang panitikan? Subukan mong ipasalin sa wikang Ingles ang tanong na, "Pang-ilang Santo Papa ng Simbahang Katolika si Papa Francisco?" at sari-saring bersyon ang maimumungkahi. Walang maibibigay na kaisa-isang wastong salin, dahil pagdating sa pagsasalin-wika, may dalawang prinsipyong maaaring sundin: formal equivalence at dynamic equivalence. (Translation Theory: Dynamic and Formal Equivalence).
    2. "Metaphor kasi yan. Masyado mong nililiteral eh." — Sinasabi ba ni Cortez na imposibleng magkaroon ng metapora sa Biblia? Sinasabi ba niyang ang literal na interpretasyon ang tanging tamang interpretasyon? At sinong nagpasya ng pamantayang iyan — si Cortez din? Si Cortez ba ang pamantayan sa kung literal ba o metapora ang anumang bahagi ng Biblia?
    3. "Mali ang paraan mo ng pagbabasa kapatid." — Normal lang naman na isipin ng sinumang may naiibang paniniwala na ang paraan niya ang tama at ikaw ang mali. Hindi ba't ganyan din naman si Cortez sa mga relihiyosong taong tinuturuan niya ng inaakala niyang "tamang interpretasyon?" Kapag kontra sa kanya, palusot, pero kapag pabor sa kanya, tama? Muli, ipinakikita nito ang pagkakaroon ng double standard ni Cortez.
    4. "You are quoting out of context." — Paano ito naging mali? Paano ito naging palusot? Kung nais ng isang tao na tingnan ang kabuuang konteksto ng mga pananalitang nabasa niya, mas malayo ba siya o mas malapit sa katotohanan? Sa kabilang banda, ipinahihiwatig kaya nito ang pag-amin ni Cortez na pagdating sa Biblia, wala talaga siyang pakealam sa mga konteksto ng binabasa niya? Ipinahihiwatig ba nito ang pag-amin ni Cortez na sa kabila ng pagiging ateista ay nananatili pa rin siyang bihag ng Protestanteng Pundamentalismo?
    5. "Should one find a man who points out faults and who reproves, let him follow such a wise and sagacious person as one would a guide to hidden treasure. It is always better, and never worse, to cultivate such an association."

      THE BUDDHA
      Dhammapada, 76

    6. "Mali kasi pagkakaintindi mo sa verse na yan." — Ang isang tunay na matalinong tao ay marunong makinig sa opinyon ng mga taong nagsasabing mali ka. Hindi mo agad-agad ituturing na "palusot" ang pagtutuwid nila sa iyo. Ngayon, kung may nakikita kang "mali" sa ibinigay sa iyong paliwanag, eh di saka mo ituwid ang pagkakamaling iyon. Makinig ka muna bago humatol.
    7. "Bat kasi sa old testament ka bumabase?" — May punto si Cortez sa pagtuligsa rito. Ano nga ba kasing problema kung bumase ka sa Matandang Tipan, gayong nasa Biblia rin naman yan? Hindi ba't bilang Cristiano ay dapat mong sundin ang buong Biblia, hindi lang ang Bagong Tipan? Mauunawaan ko kung "palusot" ang tingin dito ni Cortez.
    8. "Basahin mo ng buo yung texto at kasunod na kapitulo." — Muli, walang mali sa paghahanap ng buong konteksto ng isang pananalita, dahil doon mo masusumpungan ang buong kahulugan. Ang pagsipi ng isang taludtod nang di ipinagsasaalang-alang ang konteksto nito ay isang uri ng cherry picking fallacy. Isang kabalintunaan na dito pa talaga sa kabanatang ito na pinamagatang "Cherry Picking Tactics" ay tutuligsain o babalewalain ni Cortez ang kahalagahan ng konteksto.
Ano ba ang cherry picking? Ito ay isang logical fallacy kung saan ang isang indibiduwal ay magtatanghal ng isang one-sided argument, at ipagwawalang-bahala ang ilan sa mga mahahalagang data o impormasyon. Ang ilan sa mga mahalagang argumento ay hindi na papansinin bagkus ay itinuon nito ang kaniyang atensyon sa isang impormasyon na lubos nitong pinaniniwalaang totoo. Ang mangyayari, dahil kulang-kulang ang iniharap na data, naliligaw ang isang indibiduwal sa katotohanan.
  • Sa kabanatang "Bakit Ako Atis?" tahasang nagsagawa ng cherry picking si Cortez para palitawing pagdating sa mga kaalamang pang-relihiyon, mas matalino daw ang mga ateista kaysa sa mga relihiyosong tao. Pinakamataas na puntos daw ang nakuha ng mga ateista na 6.7/12, gayong nakakuha ng 7.9/12 ang mga Mormons at 7.3/12 ang mga White Evangelical. Pinakamataas na puntos daw ang nakuha ng mga ateista na 7.5/11, gayong 7.9/11 ang nakuha ng mga Judio. Gusto kasing palabasin ni Cortez na mismong mga relihiyosong tao ay mangmang sa relihiyon. Kung hindi cherry picking ang ginawa niya, ano yan?
Isa pang post na nakita ko sa social media na halos sang-ayunan ng lahat. Isa ding magandang halimbawa ng cherry picking:

Saan hahanapin sa bibliya kung ikaw ay:

Nababalisa — Mateo 6:19-34
Malungkot at may takot — Awit 23
Kailangan mo ng payapa sa pagiisip — Juan 14:27
Pinanghihinaan ng loob — Awit 34
May masamang karamdaman — Awit 41
Kailangan mo ng katiyakan — Roma 8
Etc. etc.

Ang galing magcherry-pick ng mga ipokritong ito. Bihasang-bihasa.

  • Nagtataka ako kung sa paanong paraan naging cherry picking ang naturang listahan, gayong wala namang intensyong pagtakpan ang isang salungat na katotohanan. Sinasabi ba ni Cortez na ang Biblia ay may mga aral na nagtuturo kung paano ka mas lalong magiging balisa, malungkot sa buhay, maguluhan ang pag-iisip, panghinaan ng loob, magkasakit, at mawalan ng katiyakan? Kung ibig mong pabulaanan ang naturang listahan, hindi ba't ang dapat na ipakita mo ay ang mga taludtod ng Biblia na nagtuturo ng mga naturang kasalungatan?
  • Gayon man, tutol din ako sa mga naturang listahan. Bakit? Hindi naman kasi malinaw kung ano bang layunin ng mga iminumungkahing taludtod na babasahin. Naglalaman ba iyon ng "solusyon" sa mga problema mo? Nagbibigay ba ng payo sa kung ano ang gagawin mo? Magbibigay lang ba ito ng mga pampalubag-loob na mensahe? Halimbawa, ang pagiging "balisa" ay isang kumplikadong emosyon. Anong magagawa ng Mateo 6: 19-34 para dito? Walang kinalaman sa pagkabalisa ang taludtod #19 hanggang #24. Ang mga taludtod #25 hanggang #34 lang ang talagang tumatalakay sa pagkabalisa, subalit tungkol lang ito sa pagkabalisa hinggil sa mga bagay na ikabubuhay (pagkain, inumin, pananamit). Paano ang iba pang uri ng pagkabalisa? Paano kung isa na pala itong kaso ng mood disorder? Hindi ba't mas kailangan mo ng aktuwal na taong makakausap? Balisa ka na nga, magbabasa ka pa ng isang sinaunang panitikang nangangailangan ng tagapagpaliwanag (Gawa 8: 30-31)?
At siyempre, dahil kontrabida ako, gumawa din ako ng version ko ng isinawalang-bahalang mga sulat sa kanilang bibliya. Kunwari sugo naman ako ng kasamaan.

Saan hahanapin sa bibliya kung:


Gusto mong lunurin ang iyong anak — Mateo 18:5-6
Gusto mong ibenta ang iyong anak at gawing alipin — Exodus 21:7
Gusto mong gahasain ang iyong bihag na babae — Deuteronomio 21:10-14
Gusto mong putulin ang kamay ng iyong asawa dahil sa paghawak nito ng titi — Deuteronomio 25:11-15
Gusto mong kumain ng baboy, hipon, pusit, lobster o ng talaba — Leviticus 11:7
Gusto mong sunugin ang anak mo — Genesis 9:24
Gusto mong uminom ng lason — Marcos 16:17

O diba? Akala kasi nila sila lang marunong pumili ng talata sa aklat nila.

  • Kapag daw inihaharap niya ang naturang listahan sa mga relihiyosong tao, saka naman daw nila ginagawa ang mga "palusot" na nauna nating binanggit kanina. Subalit gaya nga ng ginawa kong pagsusuri sa mga ito, wala namang mali sa halos lahat ng mga ito. Ang mga sinasabi niyang "palusot" ay mga makatuwirang pamamaraan ng pagsisiyasat sa isang panitikan.
  • Iniisip ko kung dapat pa bang patulan ko isa-isa ang mga taludtod na binanggit ni Cortez sa kanyang listahan, gayong siya na nga mismo ang nagsabi na ito'y "isinawalang-bahalang sulat" (?) lamang. Isang nakayayamot na taktika ng mga ateista ang walang kapararakang paglilista ng mga pahapyaw na paliwanag sa mga teksto ng Biblia, habang ikaw na Cristiano, alang-alang sa katotohanan, ay magpapaka-pagod namang ipaliwanag ang mga iyon sa tamang pamamaraan — pamamaraang mangangailangan ng mahabang pagpapaliwanag. Tuwang-tuwa ang mga ateista habang pinapanood kang hirap na hirap sa pagpapaliwanag, habang wala silang ibang kailangang gawin kundi pintas-pintasan ang mga paliwanag mo. Mas madali nga naman kasing akusahan ang isang tao na hindi siya marunong magluto ng adobo, kaysa sa mismong pagluluto ng adobo para patunayang marunong ka talagang magluto.
  • Ano kung gayon ang gagawin ko: Pahihirapin ang sarili, o palalampasin na lang ang katarantaduhang listahan ni Cortez? Nagpasya akong pahirapan ang aking sarili. Isa-isahin natin ang mga taludtod na binanggit niya. Muli ang gagamitin kong bersyon ng Biblia ay ang NABRE:

    Mateo 18: 5-6"And whoever receives one child such as this in my name receives me. Whoever causes one of these little ones who believe in me to sin, it would be better for him to have a great millstone hung around his neck and to be drowned in the depths of the sea."

    — Sabi ni Cortez, ito daw ang dapat basahin kung gusto mong lunurin ang iyong anak. Subalit walang binabanggit dito tungkol sa paglunod ng anak. Tungkol ito sa mga taong nagiging sanhi ng pagkakasala ng mga bata. Sabi ng Panginoon, iyon ay isang napakalaking kasalanan, anupa't mas mabuti pang lunurin ang taong iyon kaysa maging sanhi siya ng pagkakasala ng mga bata.

    Exodus 21: 7"When a man sells his daughter as a slave, she shall not go free as male slaves do."

    — Sabi ni Cortez, ito daw ang dapat basahin kung gusto mong ibenta ang anak mo sa pagka-alipin. Subalit tumutukoy lamang ito ➊ sa anak na babae ng isang naghihirap na Israelita, na ibebentang alipin ➋ sa kapwa-Israelita na mayaman, batay sa pagkakaunawaang ➌ pakakasalan siya ng kanyang amo o ng anak nito, o kung hindi ma'y ➍ susustentuhan ito at titiyaking ➎ hindi siya ibebenta sa mga ibang among banyaga, hanggang sa panahong siya'y palalayain. (source: Rachel Adler, The Slave Wife, My Jewish Learning). Oo, isa itong kakaibang kaugalian ng mga sinaunang tao na hindi na akma sa ating kapanahunan, subalit hindi naman masasabing nagpapakita ng kawalang-awa sa sariling anak. Ang sistema ng pagiging "alipin" noong panahong iyon ay hindi kasing-lupit ng gaya ng ibig palitawin ng mga ateista.

    Deuteronomio 21: 10-14"When you go out to war against your enemies and the LORD, your God, delivers them into your power, so that you take captives, if you see a beautiful woman among the captives and become so enamored of her that you wish to have her as a wife, and so you take her home to your house, she must shave her head, cut her nails, lay aside her captive's garb, and stay in your house, mourning her father and mother for a full month. After that, you may come to her, and you shall be her husband and she shall be your wife. If later on you lose your liking for her, you shall give her her freedom, if she wishes it; you must not sell her for money. Do not enslave her, since you have violated her."

    — Sabi ni Cortez, ito daw ang dapat basahin kung gusto mong gahasain ang iyong bihag na babae. Hindi naman yon ang sinasabi rito. Una sa lahat, paano ka ba nagkaroon ng bihag? Hindi ito dahil sa di makatarungang pangingidnap. Tungkol ito sa ➊ mga naging bihag dahil sa digmaang ipinag-utos ng Diyos. At kung ang Diyos ang nag-utos ng digmaan, ibig sabihin, maipagpapalagay nating masasamang tao ang mga dinigma ng Israel. Hindi ito isang digmaang udyok ng kahalayan na ang layon lang ay manggahasa ng mga inosenteng kababaihan. Pangalawa, hindi panggagahasa ang ipinahihintulot ng Diyos dito, kundi ang ➋ pagpapakasal sa bihag na babaeng kinahumalingan mo. Ginagawaran mo siya ng mga karapatan ng isang asawa. Hindi mo siya maaaring apihin o alipinin o pagkaperahan. At kung dumating ang panahon na mawala na ang pagkahumaling mo sa kanya, hindi niya kailangang mapilitang makisama sa iyo. ➌ Tungkulin mong palayain siya kung gusto niya. Muli, isa itong kakaibang kaugalian ng mga sinaunang tao na hindi na akma sa ating kapanahunan, subalit hindi naman nagpapakita ng kawalang-katarungan sa mga babae, at mas lalong hindi nangungunsinte ng pangingidnap at panggagahasa na gaya ng iniisip ni Cortez.

    Deuteronomio 25: 11-15"When two men are fighting and the wife of one intervenes to save her husband from the blows of his opponent, if she stretches out her hand and seizes the latter by his genitals, you shall chop off her hand; show no pity. You shall not keep two differing weights in your bag, one heavy and the other light; nor shall you keep two different ephahs in your house, one large and the other small. But use a full and just weight, a full and just ephah, so that you may have a long life on the land the LORD, your God, is giving you."

    — Sabi ni Cortez, ito daw ang dapat basahin kung gusto mong putulin ang kamay ng asawa mo dahil sa paghawak nito ng titi. Binabanggit lamang ito sa taludtod #11 hanggang #12, at ibang paksa na ang tinatalakay sa taludtod #13 hanggang #15. Isa itong kakatwang sitwasyon na hindi ko maintindihan. Habang nakikipagsuntukan ang asawa niya, sa dinami-dami talaga ng paraan para tulungan siya, ang paghawak sa titi ng kaaway ang naisip ng babae?

    Napansin din ng mga dalubhasa na magkaibang salitang Hebreo ang ginamit para sa "kamay" na ipinanghawak sa maselang bahagi (hindi sinabi kung titi lang ba ang hinawakan) at sa "kamay" na puputulin bilang parusa — mga tila maliit na pagkakaiba, subalit may malaking epekto sa kung paano ba dapat inuunawa ang naturang kautusan (Jeff A. Benner, Deuteronomy 25:11-12 | Cut Off the Hand, Ancient Hebrew Research Center).

    Hindi ko na ibig pakumplikahin ang bagay na ito. Kung iisipin, seryosong pamiminsala ang tinutukoy dito. Hindi ito simpleng pangmomolestiya, kundi tangkang pag-atake sa maselang bahagi ng lalaki upang siya'y mabaog. Kung may kaaway si Cortez at ang asawa ng kaaway niya'y dinakma at pinigtas ang titi at bayag niya, ano kaya ang sa palagay niyang nararapat na kaparusahan sa babaeng iyon? Oo, marapat mong ipagtanggol ang iyong sarili sa iyong kaaway, at marapat na tulungan mo ang iyong asawa mula sa mga atake ng kanyang kaaway, subalit kailangan ba talagang paabutin sa puntong yuyurakin mo ang pagkatao ng kaaway mo? Sa pananaw ng sinaunang relihiyon, hindi katanggap-tanggap ang gayong pagkilos ng babae, kaya ipinapuputol ang kanyang mga "kamay" bilang parusa.

    Leviticus 11: 7"and the pig, which does indeed have hoofs and is cloven-footed, but does not chew the cud and is therefore unclean for you."

    — Sabi ni Cortez, ito daw ang basahin mo kung gusto mong kumain ng baboy, hipon, pusit, lobster o ng talaba. Hinggil dito ay natalakay na natin ito sa mga naunang komentaryo, kaya't di ko na uulitin ang mga nasabi ko na. (tingnan sa: Epigraph #3)

    Genesis 9: 24"When Noah woke up from his wine and learned what his youngest son had done to him,"

    — Sabi ni Cortez, ito daw ang basahin mo kung gusto mong sunugin ang anak mo. Nasaan ang pagsusunog ng anak diyan? Kung ang tinutukoy dito ni Cortez ay ang sumpa ni Noe kay Canaan, wala namang sinasabi na ito'y kanyang ipinasusunog. Bagkus, sinasabi lamang na ito'y magiging alipin ng kanyang mga kapatid. (taludtod #25)

    Marcos 16: 17"These signs will accompany those who believe: in my name they will drive out demons, they will speak new languages."

    — Sabi ni Cortez, ito daw ang basahin mo kung gusto mong uminom ng lason. Subalit sa taludtod #18 iyon binabanggit: "They will pick up serpents [with their hands], and if they drink any deadly thing, it will not harm them. They will lay hands on the sick, and they will recover." Ang tanong: Ito ba'y paanyayang uminom ng lason, o atas na ipalaganap ang Ebanghelyo? Kung sinasadya mong lasunin ang sarili mo, walang matinong dahilan para protektahan ka ng Diyos. Ang punto ay ang pangangaral ng Mabuting Balita, pagsampalataya, at pagbibinyag, habang ang mga mananampalataya ay sinasamahan ng mga mahimalang tanda na nagpapatibay sa kanilang pananampalataya. Hindi ito tungkol sa mga walang katuturang pagpapakitang-gilas at panunubok sa Diyos kung poprotektahan ka ba niya sa lason o hindi.

    Nakasumpong din dito si St. Augustine ng mas malalim na espirituwal na kahulugan:

    "For what else are hearing, reading and copiously depositing things in the memory, than several stages of drinking in thoughts? The Lord, however, foretold concerning his faithful followers, that even 'if they should drink any deadly thing, it will not hurt them.' And thus it happens that they who read with judgment, and bestow their approval on whatever is commendable according to the rule of faith, and disapprove of things which ought to be repudiated, even if they commit to their memory heretical statements which are declared to be worthy of disapproval, they receive no harm from the poisonous and depraved nature of these sentences."
Unang-una, ang sagradong libro na sinasabi ninyong nanggaling sa diyos ay hindi dapat nagkakaroon ng iba't-ibang version. Anong klaseng katotohanan ang may New English Version, King James Version, Felix Manalo Version, Eli Soriano Version, Yaya Dub Version leche! Wala pa akong narinig na Evolution Theory Charles Darwin Version, Quantum Mechanics Wener Heisenberg Version o Theory of Relativity Newton at Albert Einstein Version.
  • Anong batayan ni Cortez sa pagsasabing ang isang sagradong libro ay hindi dapat magkaroon ng iba't ibang bersyon? Naiintindihan ba niya kung ano ang ibig sabihin ng "bersyon" — kung ano ba ang aktuwal na ginagawa sa proseso ng pagsasalin-wika? Personal kong nauunawaan ito, dahil ang kursong kinuha ko sa kolehiyo ay Bachelor of Secondary Education major in English, at kabilang sa aming kurikulum ay ang Translation and Editing of Text.

    Hindi ko malilimutan ang prelim exam namin, kung saan inatasan kaming isalin sa Filipino ang isang sipi ng Beowulf. Malaya kang isagawa ito kahit saan. Kung gusto mo, pwede kang umuwi. Kailangan mo itong matapos mula 7 AM hanggang 5 PM. Gamitin mo ang lahat ng reperensyang sa tingin mo'y makakatulong sa iyo. Napakahirap, dahil nakasulat ito sa lumang Ingles. Natapos ko naman ito, mga bandang 4 PM. Sa tanang buhay ko, iyon na yata ang pinaka-mahabang pagsusulit na pinagdaanan ko sa kolehiyo. Sa awa ng Diyos, naipasa ko naman ang naturang kurso sa gradong 1.25 (ang katumbas nito'y 92-94%).

    Mahirap magsalin-wika dahil mahirap magpasya kung aling pamamaraan ng pagsasalin-wika ang susundin mo: formal equivalence o dynamic equivalence? Napagtatanto mong hindi porke't letra-por-letra kang nagsasalin ay matapat mo nang naipatatalastas sa ibang wika ang tunay na mensahe ng orihinal. Napagtatanto mong nahahaluan ng mga personal mong interpretasyon ang orihinal na mensahe sa tuwing tinatangka mong mag-paraphrase o magdagdag ng mga salitang wala sa orihinal. Kung totoo ang problemang iyan sa Beowulf, sa Biblia pa kaya, na isang mas matandang kasulatan?

  • Hindi porke't marami ay mali na lahat — sabi ko nga sa blog post ko noong June 15, 2021. Hindi makatuwiran na lagi kang naghahanap ng simpleng paliwanag sa lahat ng bagay sa mundo. Kung iniisip mong ang isang tunay na sagradong libro ay dapat may iisang bersyon lang, iyan ay isang halimbawa ng Plain Truth Fallacy.
  • Sabi ni Cortez, wala pa daw siyang naririnig na "Evolution Theory Charles Darwin Version, Quantum Mechanics Wener Heisenberg Version," atbp. Siyempre, talagang wala dahil gawa-gawa lang niya ang mga salitang ito. Pero sa totoong buhay, walang iisang tanging wastong paliwanag ng teorya ng ebolusyon. Sa totoong buhay, oo, marami ring "bersyon" ang teoryang ito: Lamarckism, Darwinism, Mutation Theory, at Synthetic Theory. Maging sa larangan ng Quantum Mechanics ay may marami ding magkakaibang "bersyon" o kapaliwanagan, na ika nga sa artikulo ng Wikipedia: "Despite nearly a century of debate and experiment, no consensus has been reached among physicists and philosophers of physics concerning which interpretation best represents reality." (Interpretations of quantum mechanics). Nakakatawa, dahil kung sadya mong itinatago ang mga katotohanang ito hinggil sa teorya ng ebolusyon at quantum physics para lang pagmukhaing "walang magkakaibang bersyon" ang mga kapaliwanagan ng agham, hindi ba iyan maituturing na cherry picking fallacy?
Ang hirap sa mga taong ito, gumagawa sila ng sarili nilang interpretasyon, sila nadin magdedesisyon kung symbolically ba, metaphor o literal ang sinasabi sa talata. Sila din ang magpapasya kung paano dapat binabasa ang bibliya, kung may meaning ang kasunod na talata o wala, ah basta sila magpapasya. Tapos kukuha ng backup na verse kahit malayo ang ibig sabihin, basta may konting koneksyon, o may pareho sa sinabi, pwede na ituro sa mga utu-utong miyembro.
  • Oo, tama naman si Cortez, ang hirap talaga sa ganyang mga tao. Alam ko, dahil ganyan na ganyan ang pag-uugaling ipinakikita ni Cortez sa libro niya. Sa tuwing pinipintasan niya ang Biblia ng kung anu-ano, anong batayan ng kanyang pamimintas? Siya ang nagdesisyon na daanin lang sa pundamentalismo ang pagbabasa ng Biblia. Siya ang nagdesisyon na lahat ng sinasabing metapora o simbolo sa Biblia ay gawa-gawa lang o palusot lang. At para sa anong layon? Para utuin ang kanyang mga mambabasa sa ateismo?
  • Sa artikulo kong, "Totoo bang may Diyos?," natalakay ko na kung paano ba, sa praktikal na pamamaraan, inuunawa ng isang Katoliko ang Biblia, kaya't di ko na uulitin pa ang mga nasabi ko na. Sabihin na lang natin na hindi ito isang kaso na kung ano na lang ang maisip na interpretasyon ng mga pinuno ng Simbahan ay iyon na ang isusubo sa atin.

    Dahil sa malaking impluwensya ng Protestantismo kay Cortez, mauunawaan natin kung mahirap para sa kanya na tanggapin na ang Biblia, Banal na Tradisyon, at Mahisteryo ay tatlong mga bagay na hindi maaaring paghiwalayin. Nakakatuwa na napagtatanto niya ang mga kabalintunaan ng Sola Scriptura — kung paanong humantong ito sa mga di makatuwirang pagmamarunong sa interpretasyon ng Biblia. Nakakalungkot na hindi man lang sumagi sa isip niya na saliksikin kung paano nga ba ang orihinal na sistema ng pananampalataya ng mga Cristiano noong unang sanlibong taon ng Cristianismo, bago pa man nagkaroon ng mga sari-saring magkakaibang sektang Protestante na may kanya-kanyang ipinagpipilitang interpretasyon sa Biblia.

Ang cherry picking ay hindi pagiging tapat at sinomang gumagamit ng ganitong taktika ay nanliligaw ng tao.
  • Hindi ko alam kung saan humugot ng kakapalan ng mukha si Cortez sa mga pananalitang ito, gayong siya mismo'y paulit-ulit na gumamit ng cherry picking sa libro niya. Ito ba ang kanyang di-tuwirang pag-amin na inililigaw lang niya ang kanyang mga mambabasa?

[UMAKYAT]


Epigraph #12 [BASAHIN]


(Jesus trolling)

Jesus: We should fear God. (Matthew 10:28)

We should love God. (Mateo 22:37)

Joke!

There is no fear in love (1 John 4:18).

Peter: ...
John: ...
Judas: ...

  • Sa puntong ito, napagtatanto na ng mga mambabasa ang modus operandi ni Cortez sa tuwing sumisipi siya sa Biblia at pinalilitaw na ito'y nagtuturo ng mga bagay na mali, di makatuwiran, o katawa-tawa:

    1. Sinisipi niya ang isang teksto batay sa sarili niyang pagkakaliwat nito (paraphrasing), hindi sa pagkakaliwat ng mga mapagkakatiwalang bersyon. Ginagawa niya ito batay sa kanyang mababaw na pagtingin sa proseso ng pagsasalin-wika, at sa di-makatuwirang pag-aakala na ang isang "banal" na panitikan ay di daw maaaring magkaroon ng maraming bersyon.15
    2. Ang kanyang mga pagkakaliwat ay laging may pagkiling sa ateismo, sa pamamagitan ng sinasadyang maling pagliliwat, para magmukha itong mali o katawa-tawa. Sa madaling salita, isa itong kaso ng strawman fallacy.
    3. Binabasa niya ang Biblia sa isang maka-pundamentalistang pamamaraan, na nakatuon lamang sa literal na nakasulat at sa kung ano ang sarili niyang pagkakaunawa rito. Bakit? Dahil aniya, ang iba pang mga pamamaraan ng interpretasyon ay pawang mga "palusot" lang o di kaya'y pangmamaniobra ng mga relihiyon para ituro ang anumang maibigan nila.16

    Iniisip ko kung seryoso ba si Cortez sa sistemang ito. Iniisip ko kung sa kaibuturan ba ng kanyang puso ay naniniwala siyang sa ganitong sistema ay naisisiwalat niya nang wasto ang mga katotohanan tungkol sa mga relihiyong binabatikos niya, at nakararating siya sa isang tunay na makatuwirang konklusyon na talaga ngang mali ang lahat ng mga relihiyon at wala talagang Diyos. Iniisip ko kung buong katapatan ba siyang naniniwala na sa ganitong pamamaraan ay makukumbinsi niya ang kanyang mga mambabasa na seryosohin ang panig ng ateismo. Iniisip ko kung pinahihirapan ko lang ba ang sarili ko sa paggawa ng isang seryosong komentaryo sa isang di-sineryosong libro ng isang di-seryosong may-akda. Nakadudurog ng puso na isipin, dahil ganito ba talaga ang kapalaran nating mga Cristiano, ang kapootan ng sanlibutan nang walang matinong dahilan? (Juan 15: 25)
  • Dahil sa naturang modus, wala tayong magagawa kundi ang laging magbigay ng komprehensibong pagsisiyasat sa mga teksto ng Biblia na sinisipi ni Cortez nang walang kapararakan. Kung sa tingin niya, "palusot" ang naturang pagsisiyasat, kung sa tingin niya, ito'y "tusong pamamaraan" lamang para ipagtanggol ang Cristianismo, wala tayong magagawa. Sa mundong ito, hindi mo naman kailangan sa buhay mo ang pagsang-ayon ni Cortez. Hindi mo kailangan si Cortez para mapagtanto ang mga makatotohanang pamantayan ng tama at mali. Bilang mga Katolikong Cristiano, hindi dapat maging hadlang ang mga taong gaya ni Cortez para hindi mo seryosong pag-aralan ang Biblia alinsunod sa mga makatotohanan at makatuwirang pamamaraan ng pag-aaral nito.
  • Ngayon, isa-isahin natin. Matthew 10: 28. Sabi ni Cortez, ang sinabi daw ng Panginoong Jesus dito ay "We should fear God." Pero kung titingnan sa NABRE, ang talagang nakasulat ay: "And do not be afraid of those who kill the body but cannot kill the soul; rather, be afraid of the one who can destroy both soul and body in Gehenna."

    "those who kill the body but cannot kill the soul" — Kung titingnan ang konteksto, ang tinutukoy dito ay ang mga pag-uusig na daranasin ng isang Cristiano dahil sa kanilang katapatan sa Panginoon (taludtod #16-27). Dadalhin sa korte, ipahahagupit, pagtataksilan ng sariling pamilya, kapopootan ng lahat. Huwag ka daw matakot sa mga ito, dahil katawan mo lang ang kaya nilang patayin. Ang katakutan mo ay yaong maaaring pumatay sa iyong katawan at kaluluwa sa impyerno (na sinasagisag ng Gehenna).

    Ang tanong: Diyos ba ang tinutukoy dito na dapat mong katakutan? Siya ba ang papatay sa katawan at kaluluwa mo? Hindi. Sa mga sumunod na taludtod ay binigyang-diin pa nga ang pagmamahal ng Diyos sa tao:

    "Are not two sparrows sold for a small coin? Yet not one of them falls to the ground without your Father's knowledge. Even all the hairs of your head are counted. So do not be afraid; you are worth more than many sparrows." (taludtod #29-31) — Kahit gaano pa kalala ang pag-uusig na danasin mo, lakasan mo ang iyong loob dahil bantay-sarado ka ng Diyos. Nalalaman niya ang pinagdaraanan mo, at may inihanda siyang gantimpala sa iyong katapatan, at may laan din namang makatarungang kaparusahan sa kanila na umuusig sa iyo.
    "Everyone who acknowledges me before others I will acknowledge before my heavenly Father. But whoever denies me before others, I will deny before my heavenly Father." — Maging matapang ka sa pagpapahayag ng iyong pagkilala sa Panginoong Jesus, at makaaasa kang kikilalanin ka rin naman ng Panginoong Jesus sa harap ng kanyang Ama sa Langit. Ang pagkakasadlak sa impyerno ay nangangahulugan na malaya kang nagpasya na pang-magpakailanmang talikuran ang Diyos na siyang nagbibigay-buhay sa iyong katawan at kaluluwa. Ang dapat mo talagang katakutan ay ang pagtalikod sa Diyos nang dahil sa labis na pagkatakot sa mga pag-uusig.
  • Ngayon, masasabi bang nangto-trolling ang Panginoong Jesus dahil kalauna'y sinabi daw niyang "We should love God" sa Matthew 22: 37? Paano ito naging trolling, gayong:

    • Magkaiba ang konteksto ng dalawang siping ito: ang konteksto ng Matthew 10: 28 ay tungkol sa mga pag-uusig na daranasin ng isang Cristiano, habang ang konteksto ng Matthew 22: 37 ay tungkol sa tugon ng Panginoon sa Pariseong nagtanong sa kanya kung alin daw sa mga kautusan ng Diyos ang pinaka-dakila. Ang sagot ng Panginoon: "You shall love the Lord, your God, with all your heart, with all your soul, and with all your mind." (NABRE)
    • Sa dalawang siping ito, hindi naman itinuturo ng Panginoong Jesus na ang Diyos ay nakakatakot dahil binabantaan ka niyang papatayin (katawan at kaluluwa), kung di mo siya mamahalin. Bagkus, ang mga nagbabanta sa isang Cristiano ay ang mga umuusig sa kanya, habang pinalalakas naman ng Diyos ang ating loob sa pagsasabing ➊ mismong ang Panginoong Jesus ay naunang inusig, anupa't kung inusig nila ang panginoon, uusigin din nila ang mga alagad, at ➋ kahit mapatay ka pa ng mga umuusig sa iyo, hindi ka nawawaglit sa isipan ng Diyos at aalalahanin niya ang katapatan mo sa kanya hanggang wakas. Ngayon, kung sa gitna ng pag-uusig ay mawalan ka ng tiwala sa Diyos, at nagpasya kang talikuran siya nang walang hanggan sa impyerno, sino ang dahilan ng "pagkamatay" ng iyong katawan at kaluluwa — ang Diyos ba? Hindi, sapagkat ikaw ang malayang pumili ng sarili mong kapahamakan. Ikaw ang malayang nagtatakwil sa mismong Pinagmumulan ng Buhay.
  • Naisip ko lang: Sa tuwing tinutuligsa ng mga ateista ang konsepto ng pagmamahal ng tao sa Diyos, ano ba talagang punto nila? Kung naniniwala ka sa mismong konsepto ng pagmamahal, sino ang pinaniniwalaan mong nararapat pag-ukulan nito nang buong-buo? Sa paanong paraan naging "mali" ang pagmamahal sa Diyos, gayong siya lamang ang maituturing na tanging totoong karapat-dapat mahalin alang-alang sa kanyang sarili? Lahat ng nilalang ay walang angking sariling halaga na dapat mahalin. Anumang halaga mayroon ang isang nilalang ay pawang kaloob lamang ng Diyos. Anumang iniisip mong dahilan para mahalin ang sarili mo o ang sino pa man ay mga kadahilanang sa Diyos nagmula. Kung sa tingin ko ay nararapat kong mahalin ang sarili ko, hindi ba't mas nararapat mahalin ang Diyos na siyang mismong lumikha sa akin at nagbigay sa akin ng kakayahang magmahal?
  • 1 John 4: 18. Sabi ni Cortez, ito daw ang pagpapatuloy ng "biro" ng Panginoong Jesus, sa pagsasabi namang "There is no fear in love." Tama naman ang pagkakaliwat, subalit hindi naman ang Panginoong Jesus ang nagsasalita rito kundi si Apostol San Juan. Hindi rin buo ang pagkakasipi, dahil ang buong sinasabi ni San Juan ay, "There is no fear in love, but perfect love drives out fear because fear has to do with punishment, and so one who fears is not yet perfect in love."

    Sa naunang taludtod, ang sabi ay, "God is love, and whoever remains in love remains in God and God in him. In this is love brought to perfection among us, that we have confidence on the day of judgment because as he is, so are we in this world." (taludtod #16-17) Kung gayon, ang tinutukoy na "kaparusahan" na di mo dapat katakutan ay tumutukoy sa Paghuhukom, kung saan naniniwala tayong may gantimpala sa kabutihan at parusa sa kasamaan. Hindi ka natatakot dahil alam mong nasa panig ka ng Diyos. Hindi ka natatakot dahil mahal mo ang Diyos, alam mong mahal ka niya, at alam mong hindi mo ikapapahamak ang pagsunod sa mga utos niya, at alam mong ibinibigay niya sa iyo ang lahat ng kailangan mo para makarating ka sa Langit sa piling niya. Ano bang "mali" diyan? Ano bang "katawa-tawa" diyan?

    Bakit kaya negatibo ang pananaw ng mga ateista sa konsepto ng pagpaparusa? Bakit sa pananaw nila, kontradiksyon ang pagmamahal at katarungan? Mapagmahal ba ang Diyos na walang pakealam sa kasamaan? Mapagmahal ba ang Diyos na sapilitan kang pasusunurin sa gusto niya, sa halip na hayaan kang magpasya kung susunod ka o hindi? Muli, mahalagang mapaalalahanan tayo: Ang pagkakasadlak sa impyerno ay hindi kontradiksyon, bagkus ay nagpapakilala pa rin ng pagmamahal ng Diyos sa atin sapagkat: ➊ Pinananatili ka niyang umiiral sa halip na lubusang puksain, ➋ pinananatili niya ang iyong kalayaan na ginamit mo sa pagpapasyang talikuran siya magpakailanman, ➌ ito'y isang walang hanggang hantungan na hindi mo ikagugulat, dahil hindi nagkulang ang Diyos sa pag-aanyaya sa iyo na magpakabuti habang ikaw ay nabubuhay pa (sa pamamagitan ng mga katuruan ng Simbahan o ng udyok ng katutubong budhi), at ➍ nagsisilbi itong katapusan ng pagpupunyagi ng tao na makamit ang pinaka-aasam-asam niya sa halip na ilagay siya sa walang katapusang paghahanap (na magiging resulta ng pagkakaloob ng walang katapusang pagkakataong magsisi). Nabanggit ko na ito sa mga naunang komentaryo, at inuulit ko na lamang dahil paulit-ulit na lang din ang mga nilalaman ng libro ni Cortez.

Kapag ang isang tao ay may imaginary friend,
ang tawag sa kaniya ay "baliw."

Pero kapag maraming tao ang naniniwala sa iisang imaginary friend,
ang tawag ay "religion"?

Nasaan ang hustisya?
  • "Kapag ang isang tao ay may imaginary friend, ang tawag sa kaniya ay 'baliw.'" — Ang tanong, sino bang tumatawag nang gayon sa kanila? Sinong mga dalubhasa ng "katinuan" ang nagsasabi niyan? Sa totoong buhay, kung opinyon ng mga totoong dalubhasa ang sasangguniin, hindi nila itinuturing na "kabaliwan" ang pagkakaroon ng "imaginary friend."17
  • "Pero kapag maraming tao ang naniniwala sa iisang imaginary friend, ang tawag ay 'religion'? Nasaan ang hustisya?" — Kung "hustisya" rin lang ang pag-uusapan, dapat ay maging patas ka sa iyong mga panghuhusga sa relihiyon, at ilahad mo kung ano nga ba ang pormal na pakahulugan ng naturang salita sa ating pangkalahatang lipunang ginagalawan. Kung ang sarili mo lamang na pakahulugan sa salitang "relihiyon" ang ipinagpipilitan mo, at saka mo ito huhusgahan batay sa naturang pakahulugan, taliwas yan sa hustisya. Ang tawag sa ginagawa mo ay strawman fallacy.

    Ngayon, ano nga ba yaong tinatawag nating "relihiyon?" Isa itong malawak na konsepto, na hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng isang "diyos" na sinasamba:

    • "Religion, sacred engagement with that which is believed to be a spiritual reality . . . . Religion in this understanding includes a complex of activities that cannot be reduced to any single aspect of human experience . . . Religion includes patterns of behavior but also patterns of language and thought. It is sometimes a highly organized institution that sets itself apart from a culture, and it is sometimes an integral part of a culture. Religious experience may be expressed in visual symbols, dance and performance, elaborate philosophical systems, legendary and imaginative stories, formal ceremonies, meditative techniques, and detailed rules of ethical conduct and law." (Paden, William E. "Religion." Microsoft Encarta 2009.)
    • "religion, human beings' relation to that which they regard as holy, sacred, absolute, spiritual, divine, or worthy of especial reverence. It is also commonly regarded as consisting of the way people deal with ultimate concerns about their lives and their fate after death . . . . Believers and worshippers participate in and are often enjoined to perform devotional or contemplative practices such as prayer, meditation, or particular rituals. Worship, moral conduct, right belief, and participation in religious institutions are among the constituent elements of the religious life." (Britannica, T. Editors of Encyclopaedia. "religion.")
  • Nasaan daw ang hustisya, tanong ni Cortez. Makabubuting ibalik sa kanya ang tanong. Nasaan ang hustisya nang akusahan niyang "baliw" ang mga relihiyosong tao gayong ang tanging pamantayan niya ng kabaliwan ay ang di niya paniniwala sa kanilang mga dini-diyos? Ang tunay na hustisya ay ang pagkakaroon ng makatotohanang pamantayan, na nauna ko nang binanggit sa komentaryo ko sa PART 1 - Babala at Paunang Paalala sa Mga Magbabasa. Nasaan ang hustisya sa ginawa niyang plagiarism sa mga sinulat nina Elizabeth Norton at Rolf Dobelli? Nasaan ang hustisya sa mga logical fallacies na nagkalat sa libro niya (strawman fallacy, cherry picking fallacy, fallacy of composition, fallacy of false equivalence, fallacy of oversimplification, fallacy of ambiguity, plain truth fallacy, fallacy of non sequitur, argumentum ad populum)? Sa pagtuligsa niya sa kapasyahan ng Diyos na parusahan ang mga makasalanan, anong pang uri ng "hustisya" ang iminumungkahi niyang mas nararapat igawad sa kanila? Mismong ang maka-pundamentalistang pagbabasa ng Biblia ay isang kawalan ng hustisya, sapagkat sadya itong pagbabalewala sa kung ano ba ang orihinal na mensaheng nais ipatalastas ng mga nilalaman nito.

Jesus: Masdan ninyo ang gagawin ko, ang tubig na ito ay gagawin kong wine.

Hudas: Pero lord, ang 85% ng wine ay tubig. Bale 15% lang ang ginawa mong milagro.

Jesus: Piste ka hudas, pang ilang beses mona akong pinagtataksilan ah!

  • Hindi ko maintindihan ang punto ng epigraph na ito. Oo, karaniwang binubuo ng 85% na tubig ang alak (ang nalalabing mga sangkap ay alcohol, glycerol, acids, carbohydrates, at phenolics — source: Wine Chemistry 101: What is Wine Made of?). Pero mali bang sabihin na "ginawang alak ang tubig" kung 15% lang ng tubig ang kailangang baguhin para mapangyari ang naturang himala? Kung sasabihin kong, "Magluluto ako ng adobong baboy," subalit isang kilong liempo lang ang ginamit ko sa halip na buong katawan ng baboy, mali ba yung mga sinabi ko? Maituturing ba akong sinungaling o tanga? Muli, sinasalamin ng epigraph na ito ang pagiging Pundamentalista at di-makatuwiran: Hinahatulan ang mga pananalita ng isang panitikan sa literal na kaparaanan lamang, pagmumukhain itong "katawa-tawa" o "tanga" batay sa isang mababaw na pamantayan (strawman fallacy), at saka naman itatanghal sa iyo bilang "ebidensya" na "puro kalokohan" lang daw ang relihiyon mo.

[UMAKYAT]


Inconsistencies At Its Finest [BASAHIN]


PART I

  • Matapos basahin ang kabanatang ito, ang kaisa-isang salitang sumagi sa isip ko: Katamaran.
    "If the Bible seems to be in open contradiction to known facts of history, or the physical sciences or archeology, a Catholic has no choice. He will not be shaken in his faith in the Bible. He will try to find out exactly what the Bible is saying and, if need be, go back to the original language in which the Bible was written. He will scrutinize the translations. He will learn all he can about the customs and culture in which the disputed parts of the Bible were written. He will analyze the precise meaning of the words used by the author of a sacred book, and analyze the nuances of language and grammar. Above all, a Catholic faced with apparent contradiction in the Bible will ascertain what had been the original writer's intention."

    FR. JOHN A. HARDON, S.J.
    The Catholic Understanding of the Bible, p. 26

    Maituturing itong isang kinatamarang kabanata dahil ang malaking bahagi'y pawang paglilista lang ng mga taludtod sa Biblia, kaakibat ng karaniwang maka-pundamentalista't mababaw na interpretasyon, para palitawing ang Biblia ay "mali," "tanga," o puro "kalokohan" lang. Walang anumang pagtatangka na magbigay ng malalim na paliwanag. Walang anumang patas na paglalahad ng panig ng mga relihiyong tinutuligsa. Walang seryoso't edukadong pagsusuri sa tekstong hinahatulan ng mga kung anu-ano.

    Nauna ko nang nabanggit kung paanong isa sa mga nakayayamot na taktika ng mga ateista ay ang "walang kapararakang paglilista ng mga pahapyaw na paliwanag sa mga teksto ng Biblia, habang ikaw na Cristiano, alang-alang sa katotohanan, ay magpapaka-pagod namang ipaliwanag ang mga iyon sa tamang pamamaraan — pamamaraang mangangailangan ng mahabang pagpapaliwanag." (tingnan sa: Cherry Picking Tactics) Malinaw na sa kabanatang ito, muli nanaman tayong magpapaka-pagod.

  • Sa kabilang banda, maituturing nanaman ang kabanatang ito (gaya ng karamihan sa mga "argumento" ni Cortez) bilang isang non sequitur sa usapin ng pag-iral ng Diyos. Sapagkat kung katuwiran ang pagbabatayan, kahit maging mali pa ang buong Biblia, at kahit maging mali pa ang lahat ng mga relihiyong gumagamit ng Biblia, hindi ito agad-agad nangangahulugan na talaga ngang walang Diyos. Sa katunayan, kahit mangyari pang ang lahat ng relihiyon sa mundo ay mali, hindi nito agad-agad napatutunayan ang ateismo. Kaya naman, kung ang mga inilistang "inconsistencies" dito ni Cortez ang siyang itinuturing niyang batayan para makarating sa konklusyong walang Diyos, malinaw na ito'y isang pamantayang hindi niya seryosong pinag-isipan.
"Ang mga salita ng diyos ang nagpapatibay sa aming panananampalataya. Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos at higit na matalas ito kaysa sa alin mang tabak na may dalawang talim. Bumabaon ito hanggang sa ikapaghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasu-kasuan at utak ng buto. Nakakatalos ito ng mga pag-iisip at mga saloobin ng puso. Hebreo 4:12" — Wow. Kaya pala nung sinabi ng diyos kay Abraham na ialay at patayin niya ang kaniyang anak ay sinunod naman ni tanga. Mabisa at mas matalim nga sa tabak.
  • Sa pagkakasalin ng NABRE: "Indeed, the word of God is living and effective, sharper than any two-edged sword, penetrating even between soul and spirit, joints and marrow, and able to discern reflections and thoughts of the heart." Mapapansing wala rito ang bahaging "Ang mga salita ng diyos ang nagpapatibay sa aming panananampalataya." Dagdag lamang ito ni Cortez, at maaaring tumutukoy sa interpretasyon niya sa naturang taludtod. Subalit tungkol nga ba ito sa pagpapatibay ng pananampalataya? Tungkol ba ito sa pagpapaka-tanga at pagiging sunud-sunuran nang di nag-iisip sa anumang sasabihin sa iyo ng Diyos? Bakit nga ba inihahalintulad ng may-akda ang "salita ng Diyos" sa isang tabak?

    Maraming makatuwirang itanong, at isang matinong paraan para makahanap ng makatuwirang sagot ay ang pagsangguni sa opinyon ng mga Bible scholars, gaya ni George Leo Haydock. Ayon sa kanya:

    "For the word of God is living. Some understand by the word of God, the eternal word, or Son of God: (to whom may apply all in the 12th and 13th verses) but others rather expound it of the words, promises, and menaces of God, either foretold by the prophets, or preached by the apostles. (Witham) All this language is metaphorical, but perfectly well understood by the Jews. In their sacrifices, the Levites made use of a two-edged knife to separate from the victim what was for God, what was for the priests, and what was for the people. Thus in sacrificing sinners to the justice of God, Jesus Christ, like a two-edged knife, will separate what is for God, and what is for man; i.e. whatever is good or evil in the whole of man's conduct." [Source: Catena Bible]

    Ayon naman sa opinyon ng mga Bible scholars ng École Biblique sa Jerusalem (Hinggil sa binabanggit na "word of God"):

    "All that God has revealed through the prophets or through his Son, 1:1-2, 2:1-4, 3. Since the promises and threats of the message are still 'alive' and in force, they make it impossible for human beings to avoid declaring their true intentions, i.e. they 'judge' them." (Source: JB)

    Ang tinatalakay sa kabanata #4 ng Sulat sa mga Hebreo ay tungkol sa pagtatamo ng "kapahingahan" sa piling ng Diyos, sa pamamagitan ng pagsisikap na tumalima sa kalooban niya, na ipinahahayag ng kanyang mga "salita." "It is the Word that speaks to human beings, inviting them to belief and perseverance. It is a saving Word, but also one that judges, since it condemns those who refuse to hear it." (NJBC) Ang paghahalintulad ng "salita ng Diyos" sa isang tabak ay hindi tungkol sa literal na pagkatay sa katawan ng tao (na tila siyang nais palitawin ni Cortez, kaya napagkatuwaan niyang isingit ang halimbawa ni Abraham at ni Isaac, at pagmukhain itong isang kaso ng sado-masokistang Diyos na inuutusan tayong pumatay nang walang matinong dahilan), kundi upang ➊ bigyang-diin na talastas ng Diyos ang lahat-lahat sa ating buong pagkatao, at ➋ walang magagawa ang tao upang mahadlangan ang pagsasakatuparan ng mga sinabi ng Diyos (sinabi sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, ng mga propeta, o ng mga Kasulatan).

  • "sinunod naman ni tanga" — Malaking kapangahasan na tawagin mong "tanga" ang kapwa mo, sapagkat ➊ hindi mo naman sila lubusang kilala, ➋ ikaw mismo'y may angking katangahan, at ➌ ang pagiging "matalino" ay hindi lamang tungkol sa iisang uri ng kakayahang pangkaisipan (tingnan ang Theory of Multiple Intelligences ni Howard Gardner). Kung wala namang kaakibat na maayos na paliwanag sa kung paano naging "tanga" si Abraham, malinaw na ito'y isang di makatarungang panghuhusga, at pagbubuhat ng sariling bangko ng taong humuhusga, na ang tingin sa sarili'y isang mapagkakatiwalaang tagahatol at eksperto ng "katalinuhan."

    Taliwas sa imahinasyon ni Cortez, si Abraham ay hindi isang tangang sunud-sunuran sa Diyos. Siya'y isang taong bukod na pinagpalang nakakausap ang Diyos nang tuwiran, gaya nga ng nauna na nating nabanggit, kung saan nakipag-diskusyon siya hinggil sa plano ng Diyos na gunawin ang Sodom at Gomorrah (tingnan sa: Kampon ni Satanas). Hindi siya ang tipo ng ama na basta-basta na lang papayag na patayin ang kanyang sariling anak kung ito'y ipag-utos ng Diyos sa kanya. Talastas ito ng mismong may-akda ng Sulat sa mga Hebreo, anupa't ipinaghaka-haka nito ang posibleng saloobin ni Abraham noong mga panahong iyon:

    "Dahil sa pananampalataya, inialay ni Abraham si Isaac noong siya ay subukin; inihandog niya ang kaisa-isang anak kahit tumanggap ng mga pangako. Tungkol sa kanya ay sinabi: 'Sa pamamagitan ni Isaac ay magkakaroon ka ng lahi na magtataglay ng iyong pangalan.' Inisip niya na ang Diyos ay maaaring bumuhay ng mga patay kaya si Isaac ay tinanggap niyang muli upang maging sagisag." (Hebreo 11: 17-19)
    ". . . authentic faith does not lie on the near side of reason; it doesn't fall short of reason's demands or lurk in a subrational or irrational darkness. Rather, real faith is a surrendering on the far side of reason, a leap into darkness to be sure, but a darkness beyond, not prior to, the illumination of the sciences and philosophy."

    BISHOP ROBERT BARRON
    Putting teeth back into Faith, Hope, and Love

    Kung batid mong may Diyos, at nakakausap mo nang tuwiran ang Diyos na ito, maituturing bang "katangahan" na magkaroon ka ng matibay na pananampalataya sa naturang Diyos? Ang "Diyos" na pinag-uusapan natin dito ay hindi lang kung sinong makapangyarihang "salamangkero" kundi ang mismong Unang Sanhi ng sanlibutan, at pundasyon ng nagpapatuloy na pag-iral ng lahat ng bagay na umiiral. Ang Diyos na ito ang mismong saligan at pinagmumulan ng lahat ng karunungang umiiral sa sanlibutan. Hindi kailanman magiging "katangahan" ang manalig sa Diyos na iyan.

    Kung iisipin, nagiging katangahan lang ang pananampalataya kung may iba kang pinag-uukulan nito maliban sa Diyos. "Tanga" ka kung sumasampalataya ka sa sarili mo (sa sarili mong lakas at pag-iisip). "Tanga" ka kung sumasampalataya ka sa kapwa mo, kahit mangyari pang isa siyang eksperto sa iba't ibang sangay ng kaalaman. "Tanga" ka kung sumasampalataya ka sa mga diyus-diyusan (sa mga rebulto, sa mga agimat, sa mga pamahiin, sa mga diyos at diyosa ng ibang relihiyon). Ang pananampalataya — alalaong-baga'y ang malaya at makatuwirang pagsang-ayon ng isip at kalooban nang walang pag-aalinlangan — kapag ito'y tanging sa Diyos mo lamang iniuukol, ay hindi kailanman magiging "katangahan" dahil ika nga sa Actus Fidei (Act of Faith): Dómine Deus, firma fide credo et confíteor ómnia et síngula quæ sancta Ecclésia Cathólica propónit, quia tu, Deus, ea omnia revelasti, qui es ætérna véritas et sapientia quae nec fállere nec falli potest — "Ikaw ay Diyos na siyang walang hanggang katotohanan at karunungan, na hindi kailanman manlilinlang ni mapaglilinlangan." Maaari pa ngang sabihin na ang pagsampalataya sa Diyos ang pinakamatalinong desisyon na maaaring gawin ng tao sa tanang buhay niya, sapagkat ang sinasampalatayanan mo ay walang iba kundi ang mismong Unang Sanhi, na ang karununga'y hindi kailanman mahihigitan ng lahat ng karunungang tinaglay, tinataglay, at maaari pang taglayin ng sanlibutan.

"Mawawala ang langit at ang lupa ngunit ang mga salita Ko'y hindi magkakabula. Marcos 13: 34" — Parang mali? Kung ang relihiyon ay tuluyang mapupuksa at walang maipapasa dito, hindi na ito malilikha muli sa ganoong paraan. Marahil ay may ibang relihiyon na muling lumitaw pero hindi na magiging kapareho pa nito, o hindi ito magiging eksaktong kapareho ng kalokohan ng nauna. Ngunit kung mapupuksa ang siyensya o agham, magiging totoo padin ito, at ang hahanap ng paraan upang matuklasan ito ay makakakuha padin ng magkatugmang data at impormasyon. Tandaan mo yan.
  • Sa totoo lang, hindi ko maintindihan ang mga pinagsasasabi rito ni Cortez. Hindi ko alam kung nasaan ba ang problema: Sa pagkaka-saayos ba ng argumento? Sa mga salitang ginamit? Sa biglaang pagtalon ng paksang naunang pinag-uusapan? Ewan ko. Ito ang sa palagay kong nangyayari dito:

    1. Mali daw ang mga sinasabi sa Marcos 13: 34.
    2. Ang pagkawala ng langit ng lupa ay nagpapahiwatig daw ng pagkawala ng relihiyon.
    3. Kapag nawala ang relihiyon, hindi na daw ito maaaring lumitaw ulit nang ayon sa orihinal na kaayusan nito.
    4. Mas mabuti daw ang agham sa relihiyon, dahil kahit mapuksa ito, ang mga pag-aaral ay hahantong pa rin daw sa mga parehong konklusyong narating ng naunang agham.

    Hindi ko maintindihan kung anong kaugnayan ng #2 sa #1. Hindi ko maintindihan kung anong batayan ng #3. Hindi ko maintindihan ang mismong konsepto ng "pagkapuksa" ng agham na tinutukoy sa #4 (dahil ang agham ay isang pamamaraan ng pag-aaral, hindi isang "institusyon" o "koleksyon ng mga katuruan" na maaaring "puksain"). Hindi ko maintindihan kung sa paanong paraan napatutunayan ng #2, #3, at #4 ang #1. Maging ano pa man ang makatuwirang pagkakaugnay-ugnay ng #1, #2, #3, at #4, ang sa palagay kong nais sabihin ni Cortez dito ay wala daw katiyakan sa mga sinasabi ng relihiyon, kaya't wala ring katiyakan ang mga sinasabi nito tungkol sa Diyos. May katiyakan daw sa agham, at wala itong sinasabi tungkol sa Diyos. Samakatuwid, mas makatuwiran daw maging ateista kaysa maniwalang may Diyos.

    [Sa kabilang banda, may kutob akong isa itong talatang orihinal na nasulat sa Ingles at isina-Tagalog lamang ni Cortez, kaya naging kakatwa ang resulta ng pagpapaliwanag. May kutob akong isa nanaman itong kaso ng plagiarism.]

  • "Heaven and earth will pass away, but my words will not pass away." (NABRE) Ano bang konteksto ng mga pananalitang ito? Ang pinag-uusapan sa kabanata #13 ay ang propesiya hinggil sa ➊ pagkawasak ng Templo sa Jerusalem na naganap noong 70 A.D. (taludtod # 1-2, 6-8, 14-23), ➋ ang mga daranasing pag-uusig ng Simbahan (taludtod # 9-13), at ➌ ang Huling Paghuhukom (taludtod # 24-27, 32-37). Binibigyang-diin ng Panginoong Jesus na walang pagsalang magaganap ang lahat ng ito. Ang pagbanggit tungkol sa paglipas ng langit at lupa ay isang matalinghagang pananalita. Ang langit at lupa ay kumakatawan sa mga bagay ng pisikal na mundo na itinuturing nating may katiyakan (katumbas ng pagsasabing, "Sigurado ako sa lupang tinatapakan ko. Sigurado ako sa pagsikat at paglubog ng araw."). Sinasabi ng Panginoon na mas makatitiyak tayo sa mga salita ng Diyos, dahil ang Diyos ay pang-magpakailanman at hindi lumilipas, habang ang sanlibutan ay nakatakdang lumipas. Anumang sabihin niya ay siguradong totoo, at anumang propesiyang inihayag niya ay tiyak na mangyayari.

    Subalit nananatili pa rin ang isang malaking palaisipan: Anong kaugnayan dito ng mga pinagsasasabi ni Cortez hinggil sa relihiyon at agham?

  • "Kung ang relihiyon ay tuluyang mapupuksa at walang maipapasa dito, hindi na ito malilikha muli sa ganoong paraan" — May kinalaman kaya ito sa pagkakasangkot ni Cortez sa sektang Iglesia ni Cristo? Posible kayang ang interpretasyon ng INC sa Marcos 13: 34 ay isang propesiya tungkol sa pagkapuksa ng orihinal na Simbahan, at muling pagbangon nito sa Pilipinas sa pamamagitan ni Felix Manalo? Ito ba ang tinutuligsa ni Cortez?

    Naisip ko lang: Kung ipagpapalagay nating nabubuhay tayo sa isang sanlibutang nagpapaulit-ulit lang, at sa kasalukuyang sanlibutan ay umiiral si A. Kung mapuksa si A, at makaraan ng bilyung-bilyong taon ay mawasak at muling malikha ang sanlibutan, posible bang maulit din ang pag-iral ni A nang ayon sa eksaktong kalalagayan ng kanyang pag-iral sa naunang sanlibutang kinabilangan niya? Oo, sapagkat ang kanyang naunang pag-iral ay maituturing nang katibayan na si A ay isang tunay na makatuwirang posibilidad, gaano man kaliit ang posibilidad na iyon. Ang posibilidad ng pag-iral ni A ay maituturing na bahagi ng natural na proseso ng kalikasan. Ngayon, sabihin nating si A ay ang relihiyong tinutukoy ni Cortez sa kanyang argumento, at malinaw na makikita ang pagkakamali ng mga sinabi niyang "hindi na ito malilikha muli sa ganoong paraan."

  • "Kung mapupuksa ang siyensya o agham, magiging totoo padin ito" — Tila hindi napagtatanto ni Cortez ang kabalintunaang isa itong pagpapahayag ng bulag na pananampalataya sa agham (alalaong-baga'y scientism). Maituturing itong bulag na pananampalataya, dahil sa totoong buhay, wala namang lubos na katiyakan sa agham. Ang mga konklusyon ng agham ay lubhang nakadepende sa inductive reasoning — kumakatha ka ng mga panlahatang konklusyon batay sa mga limitadong obserbasyon. Wala pang siyentista ang nakarating sa lahat ng dako at kapanahunan ng spacetime continuum para pageksperimentuhan ang lahat ng umiiral na matter at energy sa kalikasan, kaya't wala rin namang siyentistang makapagsasabi na ang kanyang mga konklusyon ay maituturing na siguradong laging totoo sa lahat ng panahon at lugar.
Gaano nga ba katotoo ang aklat na binabasehan ninyo ng inyong paniniwala? Anong matibay na ebidensya ang maaaring magpatunay na ang Biblia ay ang tunay at dapat paniwalaan? Actually, wala. Bukod sa bersikulong ipapakita nila, wala nang ebidensyang maipapakita na tunay ang diyos sa bibliya o ang mga nakasaad dito.
  • Nabanggit ko na sa mga naunang komentaryo ang ating "basehan" ng paniniwala sa Biblia, kaya't di ko na uulitin ang mga nasabi ko na. (tingnan sa: Epigraph #9). Sa kabilang banda, nauunawaan ko ang mga inirereklamo rito ni Cortez. Ito talaga ang kabalintunaang di maiiwasang mangyari sa panig ng mga Cristianong ipinagpipilitan ang Sola Scriptura. Ang tunay na Pananampalatayang Cristiano ay nababatay sa tatlong di-mapaghihiwalay na saligan: ➊ Tradisyon, ➋ Kasulatan, at ➌ Mahisteryo. "The Christian faith...is not a 'religion of the Book'" (CCCC 18).
Kahit mismo ang biblia nila ay punong-puno ng mga inconsistencies o salungat na aral. Ito ang dahilan kung bakit nahati ang kristiano sa libu-libong sekta. Dahil hindi suma-sangayon ang ilan sa mga sinasabi ng librong ito sa ilan pa nitong nilalaman na texto.
  • Sa totoong buhay, magmula nang binuo ng Simbahang Katolika ang Biblia noong 382 A.D.,18 hindi naman nagkaroon ng pagkakahati-hati ng mga Cristiano sa libu-libong mga sekta. Ang mismong malalang pagkakasira ng pagkakaisa ng Cristianismo ay naganap makalipas pa ng mahigit sanlibong taon — nang mangyari ang tinaguriang Protestant Reformation noong ika-16 na siglo. Ito ang talagang pasimula ng unti-unting pagkakawatak-watak ng mga Cristiano sa napakaraming magkakaibang denominasyon. Ito rin ang pasimula ng paniniwalang "Biblia lang" ang batayan ng mga aral, buhay, at pagsamba (Sola Scriptura). Wala sa Biblia ang problema, kundi nasa mismong sinsay na sistema ng Protestantismo.19
Genesis 2:17 — Mamamatay si Adan sa araw na kainin niya ang ipinagbabawal na prutas.
Genesis 5:5 — Nabuhay si Adan ng 930 years old matapos kainin ang ipinagbabawal na prutas.
  • "The LORD God gave the man this order: You are free to eat from any of the trees of the garden except the tree of knowledge of good and evil. From that tree you shall not eat; when you eat from it you shall die." (Genesis 2: 16-17 NABRE). Tila ba sa pananaw ni Cortez, nangangahulugan lamang daw ito ng agarang kamatayang bayolohikal — alalaong-baga'y ang lubos at di na mapananauling paghinto ng paghinga at pagdaloy ng dugo, at/o lubos at di na mapananauling paghinto ng lahat ng aktibidad ng utak (source: MedicineNet). Sadya niyang binabalewala rito ang malawak na konsepto ng kamatayan, kabilang na ang mga matalinghaga/pampanitikang gamit ng naturang salita. At batay sa kanyang maka-pundamentalistang interpretasyon, saka niya ngayon iginigiit na "kontradiksyon" daw ito sa Genesis 5: 5, na nagsasabing, "The whole lifetime of Adam was nine hundred and thirty years; then he died." (NABRE)

    Subalit kung uunawain nang maayos, at ipagsasaalang-alang ang malawak na pananaw ng mga sinaunang tao hinggil sa "kamatayan," walang magiging kontradiksyon ang Genesis 2:17 at Genesis 5:5. Ayon sa NJBC:

    " 'To die' here means to be cut off, excluded from community with God, as in Ezek 18 and in other P texts; the man and the woman will be driven from the garden of God, not killed. A different anthropology in early Judaism and Christianity insisted that God made humans incorruptible (Wis 2:23; Rom 5:12), and from this arose the Christian theological tradition that death is a result of sin. In the ancient Near East, not to die would mean that one would have to become a god since only the gods were immortal."
Bilang 23:19 — Hindi nagbabago ang isip ng diyos.
2 Samuel 24:16 — Nagbago ang isip ng Diyos.
  • "God is not a human being who speaks falsely, nor a mortal, who feels regret. Is God one to speak and not act, to decree and not bring it to pass?" (Numbers 23: 19 NABRE) Binibigyang-diin dito ang kaibahan ng Diyos sa tao. Ang tanong: Bilang isang tao, bakit nga ba tayo nagsisinungaling? Bakit nga ba tayo nagbabago ng isip?

    • Nagsisinungaling tayo dahil sa pagkatakot sa katotohanan — Batid mong ang pagsasabi ng totoo ay hindi papabor sa iyo, at iniisip mong hindi mo kakayanin ang negatibong epekto nito; subalit mapagmataas ka, at inari mo ang sariling di karapat-dapat pagdusahan ang naturang epekto, kaya magsisinungaling ka.
    • Nagbabago tayo ng isip dahil sa ating kamangmangan — Magdedesisyon tayo, at kalauna'y mapagtatantong mali pala ang ating desisyon. Kumpara sa pagsisinungaling, mas mabuti ito, dahil naroon ang intensyon na gawin ang inaakalang tama; naroon ang intensyon na ituwid ang inaakalang pagkakamali.

    Hindi makatuwiran na sabihing may kung anong kapangyarihan ang sanlibutan na maaaring maging banta laban sa Diyos, sapagkat ang Diyos mismo ang sanhi ng sanlibutan (kaya't walang katuturan na sabihing ang Diyos ay makapagsisinungaling). Hindi rin makatuwiran na sabihing may kakulangan sa karunungan ng Diyos, sapagkat bilang sanhi ng sanlibutan, lahat ng maaaring malaman tungkol sa sanlibutan ay alam na Niya (kaya't walang katuturan na sabihing ang Diyos ay magbabago ng isip). Samakatuwid, ang paniniwala sa doktrina ng divine immutability ay hindi lang basta ibinatay sa mga piling teksto ng Biblia, bagkus ito'y isang doktrinang idinidikta ng makatuwirang pag-iisip. Kahit sa isang mundong walang Bibliang umiiral, hangga't ang mga tao ay tumatalima sa dikta ng katuwiran, makararating pa rin sila sa konklusyon ng divine immutability.20

    Kung gayon, bakit sinasabi sa 2 Samuel 24: 16 na "nagbago ang isip" ng Diyos ("the LORD changed his mind" — NABRE)? Walang matinong dahilan para ipagpilitan ang literal na pakahulugan, lalo pa't malinaw namang ipinahahayag ng Judaismo ang pananampalataya sa iisang tunay na Diyos na lumikha sa sanlibutan (Genesis 1: 1) — isang paniniwalang makatuwirang hahantong sa konklusyon ng divine immutability. Wala rin namang masusumpungan sa konteksto ng naturang taludtod na ang Diyos ay may "kinatatakutan" o may "kakulangan" sa kanyang nalalaman. Ang halatang diwang nais ipatalastas ay ang pagiging maawain ng Diyos, na nagbibigay sa tao ng pagkakataong pagsisihan ang kanyang mga pagkakamali. Kaya nga't sa Tagalog, ang pagkakasalin dito ni Msgr. Abriol ay, "nahabag ang Panginoon" (Ang Banal na Biblia).

Genesis 7:1 — Si Noah ay matuwid.
Job 1:1 — Si Job ay matuwid.
Lucas 1:6 — Si Zacarias at Elizabeth ay matuwid.
Santiago 5:16 — Ang ilang mga tao ay matuwid.
Roma 3:10 — Wala ni isa ang matuwid?! Yung tataa?
  • Tunghayan natin ang mismong mga tekstong binabanggit (batay sa salin ng NABRE):

    • "Then the LORD said to Noah: Go into the ark, you and all your household, for you alone in this generation have I found to be righteous before me." (Genesis 7: 1)
    • "In the land of Uz there was a blameless and upright man named Job, who feared God and avoided evil." (Job 1: 1)
    • "In the days of Herod, King of Judea, there was a priest named Zechariah of the priestly division of Abijah; his wife was from the daughters of Aaron, and her name was Elizabeth. Both were righteous in the eyes of God, observing all the commandments and ordinances of the Lord blamelessly." (Luke 1: 5-6)
    • "Therefore, confess your sins to one another and pray for one another, that you may be healed. The fervent prayer of a righteous person is very powerful." (James 5: 16)
    • "Well, then, are we better off? Not entirely, for we have already brought the charge against Jews and Greeks alike that they are all under the domination of sin, as it is written: 'There is no one just, not one'" (Romans 3:9-10)
  • Ngayon, para makatiyak na hindi ito isang kaso lamang ng equivocation fallacy (na isang karaniwan at di maiiwasang kamalian sa sistemang nakatuon lamang sa literal na pagbibigay-kahulugan), may tatlong katanungan akong ipagsasaalang-alang dito:

    1. Ano bang kahulugan ng pagiging "matuwid?" ("righteous," "blameless," "upright")
    2. Paano ba nagiging matuwid ang isang tao?
    3. Ano bang ibig sabihin ni San Pablo sa pagsasabing, "tayong lahat ay nasa kapangyarihan ng kasalanan?"

    Mahalagang magkaliwanagan, sapagkat nagkakaroon lamang ng totoong kontradiksyon kung igigiit na mayroon lamang iisang kahulugan ang pagiging "matuwid," at ito'y isang estadong likas, perpekto, at permanente sa mga taong ipinakikilalang "matuwid." Nagkakaroon lamang ng kontradiksyon kung ipagpipilitan ang isang maka-pundamentalistang pagbabasa ng mga naturang taludtod (at hindi naman na lingid sa atin na si Cortez, sa kabila ng pagiging ateista, ay nananatiling isang Protestanteng Pundamentalista pagdating sa pagbabasa niya ng Biblia).

    Kahulugan ng pagiging matuwid. — Hinggil sa mga taong ipinakikilalang "matuwid" sa Genesis 7: 1 (Noe), Job 1: 1 (Job), Lucas 1: 5-6 (Zacarias at Elizabeth), at Santiago 5: 16 (sinomang matuwid na Cristiano), ang kanila bang pagiging matuwid ay tumutukoy sa ➊ isang katangiang likas at namamalagi sa kanilang mismong pagkatao, anupa't maituturing silang walang bahid-dungis ng kasalanan sa tanang buhay nila (gaya ng Panginoong Jesu-Cristo, bilang Diyos na nagkatawang-tao), magmula nang ipaglihi sa sinapupunan hanggang sa huling hininga? O tumutukoy ba ito sa ➋ isang pag-uugaling pinagsusumikapang isabuhay sa bawat sandali ng kanilang buhay (i) sa abot ng kanilang makakaya at (ii) sa tulong ng grasya ng Diyos? Hindi kailangan ng malalim na pag-aaral para mapagtantong hindi naaakma rito ang #1. Ang pagiging matuwid na tinutukoy ay mas tumutugma sa #2. At sa Katolikong pananaw, hindi sumasalungat ang #2 sa mga sinasabi ni Apostol San Pablo hinggil sa pagiging makasalanan ng buong sangkatauhan.

    Paano nagiging matuwid. — Ang doktrina hinggil sa pagpapaging-matuwid sa tao (justification) ay isa sa mga pangunahing naging usapin noong ika-16 na siglo A.D. nang magsimula ang Protestant Reformation, at ang mga kamaliang nakatha ng mga unang Protestante ang siya namang naipamana at naipagpapatuloy sa mga bagong litaw na sekta, kabilang na ang mga Protestanteng "Born Again" (na minsang kinabilangan ni Cortez). Kaya naman, hindi na kataka-taka kung sadyang mababaw ang pagkakaunawa ni Cortez hinggil sa kung paano nga ba nagiging matuwid ang isang tao sa harap ng Diyos.

    Ang pagpapaging-matuwid ay isang panghabambuhay na proseso na laging kinasasangkutan ng grasya ng Diyos at ng malayang pagtugon ng tao sa naturang grasya. Maingat at detalyado ang paliwanag dito ng Council of Trent (Session VI), at hindi ko na ibig pang ipaliwanag ito dito. Sapat nang sabihin na sa tuwing nagiging matuwid ang isang tao sa harap ng Diyos, mayroon lamang dalawang posibilidad kung paano ito nangyayari: (a) hinahango ka ng Diyos mula sa iyong naunang makasalanang kalalagayan (ito ang karaniwang sitwasyon ng lahat ng tao), o (b) pinangangalagaan ka ng Diyos upang huwag kang masadlak sa makasalanang kalalagayan (ang natatanging biyaya ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria).

    Tayong lahat ay nasa kapangyarihan ng kasalanan. — Mapapansin na sa dalawang tanging posibilidad ng kung paano ba napapaging-matuwid ang tao, pareho ang mga itong nakadepende sa grasya ng Diyos. Ang tao, kung sa bisa lamang ng sariling kakayahan at pagpupunyagi, ay hindi maaaring maging matuwid. Hindi sapat ang pagtalima sa dikta ng budhi. Hindi sapat ang pagiging "mabait," "disente," at "makatuwiran." Hindi sapat ang pagsunod sa mga kautusan, kahit pa ito'y inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta niya. Ang pagiging matuwid ay hindi lamang tungkol sa pagiging masunurin sa Diyos; higit sa lahat, tungkol din ito sa Diyos mismo na "nagbibigay sa inyo ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang kanyang kalooban" (Filipos 2: 13 MBB). Lahat ng tao, kahit pa ang Mahal na Birheng Maria, ay nagiging matuwid sa tulong ng Diyos, at hindi kailanman dahil sa bisa ng sariling pagsusumikap lamang (dahil kung gayon ang kaso, hindi na natin kailangan ng Tagapagligtas, at nagiging walang katuturan ang Sakripisyo ng Panginoong Jesu-Cristo). Kaya naman, walang sinuman ang maaaring magmalaki. Hindi nakahihigit ang mga Judio sa mga Griyego. Yan ang punto ni Apostol San Pablo.21

Genesis 12:7, Job 42:5, Exodo 3:16 — Ang diyos ay nakikita.
Exodo 33:20, Juan 1:18, 1 Juan 4:12 — Ang diyos ay hindi nakikita, sapagkat mamamatay ang makakita dito.
  • Tunghayan natin ang mismong mga tekstong binabanggit (batay sa salin ng NABRE):

    • "The LORD appeared to Abram and said: To your descendants I will give this land. So Abram built an altar there to the LORD who had appeared to him." (Genesis 12: 7)
    • "By hearsay I had heard of you, but now my eye has seen you." (Job 42: 5)
    • "Go and gather the elders of the Israelites, and tell them, The LORD, the God of your ancestors, the God of Abraham, Isaac, and Jacob, has appeared to me and said: I have observed you and what is being done to you in Egypt" (Exodus 3: 16)
    • "But you cannot see my face, for no one can see me and live." (Exodus 33: 20)
    • "No one has ever seen God. The only Son, God, who is at the Father's side, has revealed him." (John 1: 18)
    • "No one has ever seen God. Yet, if we love one another, God remains in us, and his love is brought to perfection in us." (1 John 4: 12)
  • Muli, pundamentalismo ang problema rito, na kesyo literal na nasasaad na ang Diyos ay "nagpakita" ("appeared"), ipagpipilitan nating ang ibig sabihin nito'y "ang Diyos ay nakikita," na wari ba'y isa siyang nilalang na may mga materyal na sangkap na maaaring matalastas ng makalupang paningin ng tao.22 Ang pagka-Diyos (divine nature) ay isang katotohanang lumalampas sa ating makalupang pang-unawa at pandamdam. Idinidikta ng katuwiran na huwag lapatan ng literal na interpretasyon ang mga sinasabing "pagpapakita" ng Diyos, bagkus unawain ang teyolohikal at pampanitikang pagkakagamit ng mga naturang pananalita.

    Kung tutuusi'y hindi na nga kailangan ng malalim na pag-aaral para mapagtantong ang "makita" ang Diyos sa buhay na ito ay maaaring tumutukoy lamang sa mga pangitain, himala, o sa alinmang makahulugang karanasan sa ating buhay na nagpapaala-ala sa atin sa namamalagi't sumasalahat-ng-dakong presensya ng Diyos sa daigdig. Ang "makita" ang Diyos nang lubos, ang maranasan nang ganap ang kanyang walang hanggang kaluwalhatian — iyon na mismo ang kahulugan ng Langit (kaya nga't tinatawag itong beatific vision).

  • Bakit ba sinasabing "nakamamatay" ang pagtingin sa Diyos? Hindi ito kailanman naging tungkol sa isang Diyos na may angking kalikasang pumupuksa sa sanlibutang nilikha niya, sapagkat ika nga,
    "Mahal mo ang lahat ng bagay,
    At wala kang hinahamak sa iyong mga nilalang.
    Kung hindi gayon, ay bakit mo pa sila nilikha?
    Walang anumang bagay na mananatili kung hindi mo kalooban,
    At walang makapagpapatuloy kung hindi mo nilalang.
    Ipinahintulot mong manatili ang bawat nilikha sapagkat bawat isa ay sa iyo.
    Ang lahat ng nabubuhay ay mahal mo, Panginoon." (Karunungan 11: 24-26 MBB)

    Ang talagang sanhing ikinamamatay ng tao ay ang kasalanan: Sa harap ng Diyos na dalisay at kabanal-banalan, siyang ganap at walang hanggang kabutihan at pag-ibig, napagtatanto ng isang makasalanan na siya'y di karapat-dapat sa napakalaking biyaya na masilayan ang Diyos (Isaias 6: 5; Lucas 5: 8).23 Sa kabilang banda, nagsisilbi naman itong gantimpala sa mga taong may mabuting kalooban: "Pinagpala ang mga may malinis na puso sapagkat mamamalas nila ang Diyos." (Mateo 5: 8)

Comedy time!
Luke 1:37 — Ang diyos ang pinaka-makapangyarihan at walang imposible sa kaniya.
Mga Hukom 1:19 — Tinulungan ng diyos na sakupin ang kaburulan, ngunit hindi nila masakop ang kapatagan dahil mayroon silang karwaheng bakal? God's weakness is Iron? Ironman pakipatay nga ito.
  • Tunghayan natin ang mismong mga tekstong binabanggit (batay sa salin ng NABRE):

    • "for nothing will be impossible for God." (Luke 1: 37) — Natalakay na natin ang taludtod na ito sa komentaryo ng Epigraph #10, kaya't di ko na uulitin ang mga nasabi ko na.
    • "The Lord was with Judah, so they gained possession of the mountain region. But they could not dispossess those who lived on the plain, because they have iron chariots." (Judges 1: 19) — Hindi ko maunawaan sa kung paanong paraan ito naging katawa-tawa sa pananaw ni Cortez. Wala namang nasasaad dito na "kahinaan" ng Diyos ang mga karwaheng bakal. Sa halip na patunayan ang kahinaan ng Diyos, ang halatang pinatutunayan nito ay ang kahinaan ng loob ni Judah, na bagama't sinasamahan na sila ng Diyos ay natakot pa ring harapin ang mga karwaheng bakal ng mga Filisteo.

    Ang pagkilala sa Diyos bilang makapangyarihan sa lahat (omnipotent) ay isang makatuwirang konklusyong idinidikta ng katuwiran, sa sandaling mapagtanto mo na siya ang Unang Sanhi ng lahat ng bagay na umiiral. Ang tunay na katawa-tawa ay ang taong mangmang na nililibak ang kapangyarihang lumikha sa kanya at nagpapanatili sa pag-iral niya, nang dahil lang sa isang malisyoso't di pinag-isipang interpretasyon ng mga piling taludtod ng Biblia.

Kawikaan 15:3, Hebreo 4:13, Jeremias 16:17 — Ang diyos ay nasa lahat ng dako, nakikita nito lahat ng bagay, at wala kang maitatago sa kanya.
Genesis 18:20-21 — Bumaba pa ang diyos sa lupa upang alamin at makasiguro sa nangyayari? Ha?
  • Tunghayan natin ang mismong mga tekstong binabanggit (batay sa salin ng NABRE):

    • "The eyes of the LORD are in every place, keeping watch on the evil and the good." (Proverbs 15: 3)
    • "No creature is concealed from him, but everything is naked and exposed to the eyes of him to whom we must render an account." (Hebrews 4: 13)
    • "For my eyes are upon all their ways; they are not hidden from me, nor does their guilt escape my sight." (Jeremiah 16: 17)

    Kapansin-pansin na sa bahaging ito'y bahagyang nabawasan ang pundamentalismo ni Cortez, at naunawaan niya ang pampanitikang diwa ng mga naturang taludtod: Ang pagkakaroon ng Diyos ng panlahatang-kaalaman (omniscience). Nakapagtatakang hindi niya sinamantala ang pagkakataong tuligsain sa kung paanong paraan nagkaroon ng "mata" ang Diyos.

    Sa kabilang banda, walang tuwirang binabanggit ang mga naturang taludtod hinggil sa katangian ng pagiging sumasalahat-ng-dako (omnipresence), kaya't kataka-takang isisingit ito rito ni Cortez (bagama't makatuwiran naman talagang maipagpapalagay na ang Diyos ay nagtataglay ng naturang katangian). Marahil, minabuti niyang isingit dito ang katangiang ito para magkaroon ng batayan ang paglibak niya sa Genesis 18: 20-21:

    "So the LORD said: The outcry against Sodom and Gomorrah is so great, and their sin so grave, that I must go down to see whether or not their actions are as bad as the cry against them that comes to me. I mean to find out."

    Natalakay na natin ang mga taludtod na ito sa komentaryo ko sa kabanatang "Kampon ni Satanas," kaya't di ko na bibigyan pa ng detalyadong pagpapaliwanag. Sapat nang sabihin na kung uunawain ito sa paraang pampanitikan, ang "pagbaba" ng Diyos ay tumutukoy sa ➊ pakikipag-usap niya kay Abraham (at sa gayo'y nagkaroon tayo ng pagkakataong masilip ang hiwaga ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, na kung saan hinayaan niyang mamagitan si Abraham para sa kapakanan ng mga inosenteng tao na maaaring madamay kung gugunawin ang Sodom at Gomorrah), at ang ➋ pagpapadala ng mga anghel (na nag-anyong mga dayuhan) sa Sodom (na maituturing na pagbibigay ng huling pagkakataon ng pagsisisi, sapagkat kung pinatunguhan lamang sana sila nang maayos ng mga mamamayan doon, hindi na sana natuloy ang takdang paggunaw). Nakakalungkot dahil muli nanamang pinairal ni Cortez ang pundamentalismo, at ang tanging pinagtuunan ng pansin ay ang mga literal na pananalita hinggil sa "pagbaba" ng Diyos upang "makasiguro sa nangyayari."

Hukom 2:22, Genesis 22:1. 1 Corinto 10:13 — Ang diyos ay nangsusubok o nangtutukso.
Santiago 1:13 — Ang diyos ay hindi nangsusubok o nangtutukso.
  • Tunghayan natin ang mismong mga tekstong binabanggit (batay sa salin ng NABRE):

    • "The anger of the LORD flared up against Israel, and he said: Because this nation has transgressed my covenant, which I enjoined on their ancestors, and has not listened to me, I for my part will not clear away for them any more of the nations Joshua left when he died. They will be made to test Israel, to see whether or not they will keep to the way of the LORD and continue in it as their ancestors did.Therefore the LORD allowed these nations to remain instead of expelling them immediately. He had not delivered them into the power of Joshua." (Judges 2: 20-23)
    • "Some time afterward, God put Abraham to the test" (Genesis 22: 1)
    • "No trial has come to you but what is human. God is faithful and will not let you be tried beyond your strength; but with the trial he will also provide a way out, so that you may be able to bear it." (1 Corinthians 10: 13)
    • "Blessed is the man who perseveres in temptation, for when he has been proved he will receive the crown of life that he promised to those who love him. No one experiencing temptation should say, 'I am being tempted by God'; for God is not subject to temptation to evil, and he himself tempts no one. Rather, each person is tempted when he is lured and enticed by his own desire. Then desire conceives and brings forth sin, and when sin reaches maturity it gives birth to death." (James 1: 12-15)

    Iniisip ko: Ano kayang pakahulugan ni Cortez sa mga pananalitang "Ang diyos ay nangsusubok o nangtutukso?" Ipinupunto ba niya rito na ang Diyos ay ➊ gusto tayong magkasala kaya't ➋ sadya niyang inilalagay tayo sa mga nakatutuksong sitwasyong pumupukaw sa ating pagnanasa na magkasala? Kung babasahin ang konteksto ng Hukom 2: 22, Genesis 22: 1, at 1 Corinto 10: 13, wala ni isa sa mga ito ang nagpapakilala sa isang Diyos na sadyang itinutulak ang tao na magkasala sa kanya, bagkus ito'y mga pagsubok na nagbibigay sa tao ng pagkakataong patunayan ang kanilang pananampalataya at paninindigan sa pagpili ng kabutihan sa halip na kasamaan.

    Kaya nga't malaki ang pagkakaiba ng tukso at pagsubok. Hindi ka mahal ng taong tumutukso sa iyo, bagkus, hinahamak niya ang iyong pagkatao sa pamamagitan ng pananamantala sa iyong mga kahinaan, upang ibulid ka sa kapahamakan. Sa kabilang banda, sinusubok ka ng taong nagmamahal sa iyo dahil naniniwala siya sa kakayahan mong piliin at panindigan ang tama, at binibigyan ka niya ng pagkakataon na patunayan ang kakayahang iyon. Ito'y mga pagkakaibang madaling napagtatanto sa pamamagitan ng maayos na pagbabasa ng panitikan, subalit nagkakalitu-lito kung dadaanin sa pundamentalismo, na nakatuon sa mababaw at literal na pakahulugan ng mga salitang "pagsubok" at "tukso."

1 Juan 4:8, Genesis 1:27 — Ang diyos ay diyos ng pag-ibig. At nilikha nito ang tao ayon sa kaniyang wangis.
Exodo 4:11 — Ang diyos ang nagpapasya at responsable kung sino ang pipi, bingi, o bulag at iba't iba pang kapansanan. God is good nanaman.
  • Siyempre, pabalik-balik si Cortez sa paborito niyang paksa, na paulit-ulit lang na inuungkat sa halos lahat ng mga kabanata. Hinggil sa pag-ibig at kabutihan ng Diyos, at sa kung bakit may kasamaan sa mundo (at maisasama na rito ang mga kapansanan), ito'y mga paksang natalakay na sa mga naunang komentaryo kaya't di ko na uulitin ang mga nasabi ko na. Ni hindi ko na rin nakikita rito ang pangangailangang tingnan pa ang aktuwal na mga teksto na binabanggit niya.
Exodo 20:4 — Ipinagbawal ng diyos ang pagukit at pagsamba sa rebulto.
Exodo 25:18 — Ipinagutos pa ng diyos umukit o gumawa ng dalawang rebulto. Kaya pala mortal enemies si Iglesia ni Chris Tiu at Katol-liko.
  • Hinggil sa mga taludtod na ito, at sa anti-Katolikong bintang na ang Simbahang Katolika ay sumasamba sa mga rebulto, mayroon na akong sanaysay na naisulat noon: "Mga Banal na Imahen: Diyus-diyusan ba?" Walang pagkakasalungat sa mga naturang taludtod, dahil hindi naman pangkalahatang pagbabawal sa mga imahen ang tinutukoy sa Exodo 20: 4, kundi paggawa ng mga imaheng diyus-diyusan — ➊ mga imaheng naglalarawan sa ibang diyos, o ➋ pinaniniwalaang pinananahanan ng kapangyarihan ng ibang diyos, at ➌ pinag-uukulan ng paggalang alang-alang sa ibang diyos o alang-alang sa mismong imahen. Malinaw naman sa konteksto na ang dalawang imahen ng kerubing ginto sa ibabaw ng Kaban ng Tipan ay hindi mga diyus-diyusan. Ang mga seremonyas at postura ng paggalang na isinasagawa sa harap ng kaban ay hindi nakapatungkol sa mga imaheng nasa ibabaw nito kundi sa Diyos mismo (2 Samuel 6: 5, 15; 1 Cronica 16: 4, 6; Josue 7: 6).
Exodo 20:13, Lucas 18:20, Roma 13:9 — Ipinagbabawal ng diyos ang pumatay.
Exodo 32:27, Deuteronomio 7:2, 13:15 — Ipinagutos ng diyos na pumatay at huwag maawa.
  • Hindi ko maintindihan kung bakit nakita ni Cortez ang pangangailangang isama pa sa Exodo 20: 13 ang Lucas 18: 20 at Roma 13: 9 gayong ang dalawang ito'y parehong sipi lamang ng Sampung Utos na binabanggit sa ika-20 kabanata ng Exodo. Isa itong karaniwang pag-uugali ng mga Protestante: Ang paglilista ng mga taludtod na may mga magkakatulad na nilalaman, para lang magmukhang marami ang isinasangkalan nilang "katibayang biblikal" hinggil sa kung ano mang ibig nilang ipagmatuwid.
  • Simple lang ang sinasabi ng Exodo 20: 13: "Huwag kang papatay." Muli, kataka-takang naunawaan ni Cortez ang pampanitikang kahulugan ng mga pananalitang ito, sa halip na igiit ang literal na pakahulugan. Nakuha agad niya na tungkol lamang ito sa pagpatay ng kapwa-tao, hindi ng mga hayop, halaman, apoy, at mga kasangkapang de-kuryente. Sayang ang pagkakataon; pwede mo na sanang palitawing siraulo ang Diyos, na pati ba naman pagpatay sa lamok ay ipinagbabawal.
  • "Thus says the LORD, the God of Israel: Each of you put your sword on your hip! Go back and forth through the camp, from gate to gate, and kill your brothers, your friends, your neighbors!" (Exodus 32: 27 NABRE) — Ito ba'y utos ng pagpatay nang walang matinong dahilan? Kung titingnan sa mga naunang taludtod, ibig ng Diyos na lipulin na lang ang mga Israelita, at magsisimula na lamang ng panibagong bayan sa mga magiging lahi ni Moises. Bakit? Dahil matapos silang palayain mula sa pang-aalipin ng Ehipto, matapos nilang makasaksi ng mga kagila-gilalas na himala, nakuha pa rin nilang mawalan ng tiwala sa Diyos at kay Moises, at gumawa pa ng isang diyus-diyusan (ang guyang ginto), at saka ipinangalandakan na iyon daw ang "diyos" na nagligtas sa kanila sa Ehipto. Saka natin ngayon igiit na hindi sila dapat parusahan, at tayo ang lalabas na hindi makatarungan.

    Subalit may kakatwang nangyari dito: Naawa sa kanila si Moises at namagitan siya sa Diyos alang-alang sa kanila (taludtod #11-13). At anong resulta ng ginawa niyang pamamagitan? "So the LORD changed his mind about the punishment he had threatened to inflict on his people." (verse #14 NABRE) Ang Diyos ang lumikha kay Moises. Anumang pagka-awa meron si Moises ay sa Diyos nagmula. Iyan ang hiwaga ng pag-ibig ng Diyos: Minamarapat niyang gawin tayong kasangkapan ng kanyang awa at pagmamahal. Minarapat niyang makibahagi si Moises sa pagka-awa niya sa mga makasalanan. Isa itong misteryosong tagpo na ang layunin ay ipatalastas sa mga mambabasa, sa paraang matalinghaga, na ang Diyos ay laging nagbibigay ng pagkakataon sa makasalanan na magsisi, kahit sobra-sobra na ang kasamaang pinaggagagawa nito.

    Anong mga sumunod na nangyari? Bumaba ng bundok si Moises, tangan ang dalawang tapyas ng bato na pinagsulatan ng Tipan. Nang makita ang mga katarantaduhang nangyayari, sa galit niya'y ibinalibag niya ang mga ito. Pinagsabihan niya si Aaron. At saka pinagmasdan ang mga tao: "Moses saw that the people were running wild because Aaron had lost control — to the secret delight of their foes." (verse #25 NABRE) Saka niya ngayon sinabi: "Sinumang nasa panig ng Panginoon ay pumarito sa akin." Maituturing na itong huling panawagan ng pagsisisi at pagbabalik-loob. Saka naman ibinaba ang utos na binabanggit sa taludtod #27.

    Tanong: Paano naging malupit ang Diyos diyan? Sa harap ng lantaran, di makatuwiran, at napakalaking kasamaan na pinanindigan hanggang sa huli, hindi ba sila nararapat pagpapatayin? Yung Diyos pa ba ang masama at malupit nang dahil sa pagpaparusa niya sa mga ganyang klaseng tao?

  • Hinggil sa mga pakikipagdigmang ipinag-uutos ng Diyos (gaya ng sa Deuteronomio 7: 2 at 13: 15), ito'y natalakay na natin sa mga naunang komentaryo (gaya ng sa Epigraph #11) kaya't di ko na uulitin ang mga nasabi ko na.24

 

PART II

Exodo 34:6, Tito 1:2 — Ang diyos ay tapat at totoo. Hindi ito nagsisinungaling.
Bilang 14:30 — Sinira ng diyos ang kaniyang pangako.
1 Hari 22:21-23 — Kinunsinti ng diyos ang pagsisinungaling sa kaniyang propeta.
2 Tesalonica 2:11-12 — Nilinlang ng diyos ang mga tao upang maniwala sa kasinungalingan.
  • Kung kikilalanin ang Diyos bilang Unang Sanhi ng sanlibutan, mangangahulugan ito na siya rin ang saligan at pinagmumulan ng lahat ng katotohanang umiiral sa mundo. Kaya naman, makatuwiran lamang na kahit sa makalumang pananaw ng mga sinaunang tao'y makararating pa rin sila sa konklusyon na ang kataas-taasang Diyos na maylikha sa lahat ay marapat ituring na laging tapat at di makapagsisinungaling kailanman. Hindi ito isang paniniwalang basta na lamang natin pinaniwalaan nang di nag-iisip, nang dahil lang sa may nabasa tayo sa Biblia hinggil dito. Nagiging posible lamang na ang Diyos ay makapagsisinungaling kung ang Diyos ay hindi talaga Diyos kundi isa lamang nilalang na nasasaklaw ng mga limitasyon ng sanlibutan. Ito'y dikta ng katuwiran, hindi dikta ng pananampalataya.

[UMAKYAT]

 


 

  1. Aaminin ko, ang pagkakaroon ko ng ganitong kakatwang pananaw sa buhay ay dahil sa impluwensya ng Morita psychotherapy, na natutunan ko sa librong "Playing Ball on Running Water" na sinulat ni David K. Reynolds, Ph.D. (New York: QUILL, 1984): "The world about me responds to my behavior. It can't feel my feelings. Reality doesn't respond to my will or my wishes or my emotions... To be sure, my thoughts and feelings may influence what I do, and that action, in turn, may influence reality. But it is what I do that affects my world" (p. 16) [BUMALIK]
  2. "Trying to affect other people is a natural, everyday aspect of human life. There is nothing inherently wrong with it, however concealing these efforts, using physical force, or using our influence to obtain certain goals may be wrong in many circumstances. On the other hand, to be attached to or to be obsessed with the effects of our actions to influence others is a mistake. Like any behavior, actions to change another person should be undertaken with full attention and wholeheartedly. But then we must leave it up to the person to decide whether to change or not." (Reynolds, p. 31) [BUMALIK]
  3. "So don't seek anxiety-free living; don't strive for constant bliss. Choose rather to continue your struggle. Resolve to react forcefully to the challenges of reality. Hold to your goals. Fight your fight. And live with purpose." (Reynolds, p. 53) [BUMALIK]
  4. "We can look at any work of literature by paying special attention to one of several aspects: its language and structure; its intended purpose; the information and worldview it conveys; or its effect on an audience. Most good critics steer clear of exclusive interest in a single element. In studying a text's formal characteristics, for example, critics usually recognize the variability of performances of dramatic works and the variability of readers' mental interpretations of texts. In studying an author's purpose, critics acknowledge that forces beyond a writer's conscious intentions can affect what the writer actually communicates. In studying what a literary work is about, critics often explore the complex relationship between truth and fiction in various types of storytelling. In studying literature's impact on its audience, critics have been increasingly aware of how cultural expectations shape experience." (Hernadi, Paul. "Literary Criticism." Microsoft Encarta 2009 DVD. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.) [BUMALIK]
  5. "During the first centuries the Church sought to clarify its Trinitarian faith, both to deepen its own understanding of the faith and to defend it against errors that were deforming it. This clarification was the work of the early councils, aided by the theological work of the Church Fathers and sustained by the Christian people's sense of the faith." (CCC 250) [BUMALIK]
  6. "Axiom, in logic and mathematics, a basic principle that is assumed to be true without proof... Logic and pure mathematics begin with such unproved assumptions from which other propositions (theorems) are derived. This procedure is necessary to avoid circularity, or an infinite regression in reasoning... Axioms have sometimes been interpreted as self-evident truths. The present tendency is to avoid this claim and simply to assert that an axiom is assumed to be true without proof in the system of which it is a part." [Berggren, J. Lennart, and Baird, Robert M. "Axiom." Microsoft Encarta 2009 DVD. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.] [BUMALIK]
  7. "Criminal law seeks to protect the public from harm by inflicting punishment upon those who have already done harm and by threatening with punishment those who are tempted to do harm. The harm that criminal law aims to prevent varies. It may be physical harm, death, or bodily injury to human beings; the loss of or damage to property; sexual immorality; danger to the government; disturbance of the public peace and order; or injury to the public health. Conduct that threatens to cause, but has not yet caused, a harmful result may be enough to constitute a crime. Thus, criminal law often strives to avoid harm by forbidding conduct that may lead to harmful results." (Dreisbach, Daniel L. "Criminal Law." Microsoft Encarta 2009 DVD. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.) [BUMALIK]
  8. "Imprisonment serves several universal functions, including the protection of society, the prevention of crime, retribution (revenge) against criminals, and the rehabilitation of inmates." [Champion, Dean J. "Prison." Microsoft Encarta 2009 DVD. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.] [BUMALIK]
  9. "The fallen angels are pure spirits without bodies. They are completely immaterial. When they set their wills against God by their act of rebellion, they embraced evil (which is rejection of God) with their entire nature. A devil is 100 percent evil, 100 percent hatred, without even the faintest pinpoint of good anywhere in his being." [Trese, Leo J. "The Faith Explained." 3rd edition. Notre Dame: Fides/Claretian, 2003. p. 38.]

    "God is always protecting us because as St. Augustine, the greatest of the Fathers of the Western Church, said, 'If the devil could do everything he wanted, there would not remain a single living human being on the earth.' And St. Bonaventure, said, 'The cruelty of the devil is such that he would devour us at any moment if the divine power did not protect us.' Yes, in a split second they would already have destroyed us. The good news is that God's love for us and His protection is infinitely more than the hatred and power of the demons towards us." (Syquia, Jose Francisco C. "Exorcism: Encounters with the Paranormal and the Occult." Quezon City: Shepherd's Voice Publications, Inc., 2006. p. 60.) [BUMALIK]

  10. "New Laws for the Causes of Saints" na pinagtibay ni Pope St. John Paul II noong ika-pito ng Pebrero, 1983. [BUMALIK]
  11. Mababasa rin ito sa libro ni Dobelli na "The Art of Thinking Clearly" (New York: Harper, 2013) sa pahina 70-72. [BUMALIK]
  12. "déjà vu: the illusion of familiarity in a strange place. it is believed to be due to the presence of familiar but subthreshold cues. For example, in walking in a strange town, some features may be similar to those experienced elsewhere — a church steeple, a chain store, a shop front, etc. As one glances at these, the presence of a subtle but familiar odor may be sufficient to trigger the déjà vu illusion." (Chaplin, James P. Ph.D. "Dictionary of Psychology." 2nd Revised Edition. New York: Dell Publishing, 1985.) [BUMALIK]
  13. "We are not, however, to understand that God is in such wise the Creator and Maker of all things that His works, when once created and finished, could thereafter continue to exist unsupported by His omnipotence. For as all things derive existence from the Creator's supreme power, wisdom, and goodness, so unless preserved continually by His Providence, and by the same power which produced them, they would instantly return into their nothingness. This the Scriptures declare when they say: How could anything endure if thou wouldst not? or be preserved, if not called by thee?" (The Catechism of the Council of Trent, PART I, Article I, "God Preserves, Rules And Moves All Created Things") [BUMALIK]
  14. "In the case of the Sacred Scriptures, the scientific interpreter must be well-grounded in the so-called Sacred or Biblical language; he must be well-versed in Biblical history, archaeology, and geography; he should know the various Christian dogmas bearing on the Bible and their history; finally he must be instructed in patrology, ecclesiastical history, and Biblical literature. Before entering on the explanation of any particular book of Scripture, the commentator must also be versed in the dogmatic, moral, philosophical, and scientific questions connected with his particular subject. In the light of these many requirements, one easily understands why it is so hard to find commentaries which are fully satisfactory, and one also realized the need of reading several commentaries before one can claim fully to understand the Scriptures or any part thereof." (Maas, Anthony. "Hermeneutics." The Catholic Encyclopedia. Vol. 7. New York: Robert Appleton Company, 1910.) [BUMALIK]
  15. Maraming bersyon ang Biblia dahil ang mismong mga orihinal na manuskrito ng mga Banal na Kasulatan ay naglaho na. Ang pinagbabatayan natin ngayon ay mga sinaunang kopya at salin-wika, na sa proseso ng mano-manong pangongopya at pagsasalin ay talagang di maiiwasan na magkaroon ng mga pagkakaiba-iba. Gayon man, hindi ito nangangahulugan na ang teksto ng mga Bibliang ginagamit natin ngayon ay hindi na mapagkakatiwalaan:
    "The surviving manuscripts of the Hebrew Bible, or Old Testament, date only from Christian times, hundreds of years after the time of its original composition. Nevertheless, the evidence of the ancient versions (the Greek Septuagint and the Latin Vulgate) and the pre-Masoretic fragments that have survived suggests that the standard Hebrew text still in use has been preserved with extraordinary fidelity....
    "The New Testament, on the other hand, is the best-documented text that survives from the Greco-Roman world. Complete and nearly complete New Testament manuscripts date from the 4th century, and numerous existing fragments were probably copied within a century of the original composition of the text. Although literally thousands of variant readings are found among these manuscripts, 90 percent of them involve only incidental matters (such as the substitution of one synonym for another) and present problems that can be solved with relative ease by the textual critic.
    [Vawter, Rev. Bruce. "Biblical Criticism." Microsoft Encarta 2009 DVD. Redmond, WA: Microsoft Corporation, 2008.]

    Ngayon, kung igigiit natin na hindi maaaring maglaho ang mga orihinal na manuskrito ng isang banal na panitikan, o na ito'y hindi maaaring makopya nang mali, o kapag isinalin-wika mo ito'y milagrosong kokontrolin ng Diyos ang mga kamay mo upang iisang bersyon lang ang maisulat mo, anong batayan natin sa pagtatakda ng mga pamantayang ito? Ang ganyang pag-iisip, sa palagay ko, ay karaniwan sa mga Cristianong naniniwala sa doktrina ng Sola Scriptura. Dahil naniniwala kang "Biblia lang" ang batayan ng lahat-lahat sa buhay, pananampalataya, at pagsamba ng isang Cristiano, humahantong ito sa paniniwalang ang Biblia ay isang "perpektong libro" na hindi maaaring magkamali o magkulang sa kahit ano. Hindi makatotohanan ang gayong pananaw, kaya't makatuwiran lamang na nang mapagtanto ito ni Cortez, ay tuluyan din naman siyang nawalan ng tiwala sa Biblia. [BUMALIK]

  16. Hindi mo naman kailangang kampihan ang Simbahang Katolika para mapagtantong mali ang Pundamentalismo. Kung minarapat ng Diyos na gumamit ng panitikan bilang isa sa mga pamamaraan ng pagpapahayag ng anumang katotohanang nais niyang ipahayag, ipinahihiwatig nito na minarapat din niyang unawain natin ang mga pagpapahayag na iyon sa pamamagitan ng mga karaniwang pamamaraan ng pag-aaral ng panitikan — pagsasaalang-alang sa mga sinaunang balarila, mga estilo ng pananalita, konteksto, kultura ng may-akda, mga tayutay (patalinghagang pahayag), atbp. Kung may mensahe sa akin ang Diyos at inilagay niya ito sa isang cassette tape, mauunawaan ko lang ang naturang mensahe kung gagamit ako ng cassette player. Ako ang totoong hangal kung igigiit kong walang kabutihang dulot ang mensahe ng Diyos sa akin dahil sumakit ang tiyan ko nang dikdikin ko ito at ininom bilang gamot sa lagnat, o wala naman akong nakitang makahulugang mensahe nang silipin ko ito sa microscope. [BUMALIK]
  17. Basahin ang mga sumusunod na artikulo buhat sa PsychologyToday.com: "Imaginary Companions: Not Just for Kids" by Michael Jawer; "Imaginary Friends: Harmful or Beneficial?" by Susan Newman Ph.D.; "Imaginary Friends" by Elleen Kennedy-Moore Ph.D. Hindi itinuturing na "kabaliwan" ang pagkakaroon ng "imaginary friend." [BUMALIK]
  18. "There was for hundreds of years no official creed nor a recognized rota of sacred writings and no agreed or uniform text. The early Christians had the benefit of the Jewish Septuagint in which they read or misread prophecies relating to the revelation of Jesus as the Messiah. The gospels and epistles were soon incorporated in the sacred writings, though it was not until 382 that Pope Damascus authorized a complete text of the canonical books of the Old and New Testaments." (Green, Vivian. "A New History of Christianity." New York: Continuum, 2007. p. 7-8) [BUMALIK]
  19. "Protestants have always made much of the Bible, but acceptance of its authority has not led unanimity among them. Differing interpretations of the same Bible have produced the most divided movement of any in the great world religions, as hundreds of sects in at least a dozen great Protestant families of churches (Anglicanism, Congregationalism, Methodism, Presbyterianism, Lutheranism, the Baptist churches, and the like) compete in free societies . . . Protestantism, more than Roman Catholicism and Orthodoxy, has faced two recurrent problems. The first relates to the internal unity of the movement. From the Reformation until the present, Protestants have sought concord but more often than not have remained in dispute" ["Protestantism", Grolier International Encyclopedia, 1995.] [BUMALIK]
  20. "That the Divine nature is essentially immutable, or incapable of any internal change, is an obvious corollary from Divine infinity. Changeableness implies the capacity for increase or diminution of perfection, that is, it implies finiteness and imperfection. But God is infinitely perfect and is necessarily what He is." (Toner, Patrick. "The Nature and Attributes of God." The Catholic Encyclopedia. Vol. 6. New York: Robert Appleton Company, 1909.) [BUMALIK]
  21. "The holy council declares first, that for a correct and clear understanding of the doctrine of justification, it is necessary that each one recognize and confess that since all men had lost innocence in the prevarication of Adam, having become unclean, and, as the Apostle says, by nature children of wrath, as has been set forth in the decree on original sin, they were so far the servants of sin and under the power of the devil and of death, that not only the Gentiles by the force of nature, but not even the Jews by the very letter of the law of Moses, were able to be liberated or to rise therefrom, though free will, weakened as it was in its powers and downward bent, was by no means extinguished in them." (Council of Trent, Session VI, Chapter I) [BUMALIK]
  22. "The visible universe — including Earth, the sun, other stars, and galaxies — is made of protons, neutrons, and electrons bundled together into atoms . . . this ordinary, or baryonic, matter makes up less than 5 percent of the mass of the universe . . . . The rest of the universe appears to be made of a mysterious, invisible substance called dark matter (25 percent) and a force that repels gravity known as dark energy (70 percent)." [source: NationalGeographic.com, "Dark Matter and Dark Energy"] Kung ipagpipilitan natin na ang Diyos ay literal na nakikita, katumbas na rin ito ng pagsasabing ang Diyos ay binubuo ng baryonic matter, na hindi makatuwirang mangyari, sapagkat ang lahat ng materyal na bagay sa sanlibutan — nakikita (baryonic matter) at di nakikita (dark matter) — ay nilikha ng Diyos. Walang katuturan na sabihing siyang Unang Sanhing walang simula at wakas ay nasasangkapan ng mga bagay na may simula at wakas. [BUMALIK]

  23. Maganda at matino ang paliwanag dito ng mga Bible scholars ng École Biblique. Ayon sa kanilang komentaryo sa Exodus 33: 20 (JB),
    "God's sanctity is so removed from man's unworthiness, see Lv 17:1+, that man must perish if he looks on God, cf. Ex 19:21; Lv 16:2; Nb 4:20, or even hears his voice, Ex 20:19; Dt 5:24-26, and 18:16. For this reason Moses, Ex 3:6, Elijah, 1 K 19:13, and even the seraphim, Is 6:2, cover their faces in his presence. The man who remains alive after seeing God is overwhelmed with astonishment and grattitude, Gn 32:31; Dt 5:24, and with awe, Jg 6:22-23; 13:22; Is 6:5. It is a favour God rarely concedes, Ex 24:11; he grants it to Moses his 'friend', Ex 33:11; Nb 12:7-8; Dt 31:10, and to Elijah, 1 K 19:11f, the two who looked on the New Testament theopany, the transfiguration of Christ, Mt 17:3p. Hence in Christian tradition Moses and Elijah (together with St Paul, 2 Co 12:1f) are the three pre-eminent mystics. In the New Testament the 'glory' of God, cf. 33:18 and 24:16+, is manifested in Jesus, Jn 1:14+; 11:40, who alone has gazed on the Father, Jn 1:18; 6:46; 1 Jn 4:12. Man cannot look on God's face except in heaven, Mt 5:8; 1 Jn 3:2; 1 Co 13:12." [BUMALIK]
  24. Bakit nga ba wala tayong nakikitang mali o kabalintunaan sa mga nasusulat na utos ng Diyos hinggil sa pakikipagdigma? Hindi ito dahil sa pagbubulag-bulagan habang ipinagpipilitan ang imahen ng isang malamyang Diyos na mabait sa lahat at hindi nagpaparusa sa kasamaan (isang balintuwad na konsepto ng kabaitan, alalaong-baga'y pacifism, na siyang isinasangkalan naman ng mga modernong ateista bilang batayan ng pagtuligsa sa pag-ibig ng Diyos). Hindi tayo nababagabag, sapagkat kaakibat ng tila ba malupit at marahas na utos ng pananakop at pakikipagpatayan, ay ang malinaw na paliwanag sa kung bakit nga ba ito kinakailangang gawin:
    "No, it is not because of your justice or the integrity of your heart that you are going in to take possession of their land; but it is because of their wickedness that the LORD, your God, is dispossessing these nations before you and in order to fulfill the promise he made on oath to your ancestors, Abraham, Isaac, and Jacob. Know this, therefore: it is not because of your justice that the LORD, your God, is giving you this good land to possess, for you are a stiff-necked people." (Deuteronomy 9: 5-6 NABRE)

    Hindi mga "inosenteng biktima" ng digmaan ang mga bayang ipinasasakop ng Diyos sa mga Israelita, kundi mga masasamang bayan. Hindi sila mga "nananahimik" na mamamayan na walang anumang naidudulot na pinsala sa mundo, kundi mga totoong banta sa seguridad ng mga taong totoong inosente at nananahimik. Sa gayon, maituturing na makatuwiran/matuwid ang pakikipagdigma sa kanila. [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF