NAGIMBENTO NG TUTULIGSAIN
Ano bang mali sa Sakramento ng Pakikipagkasundo, o mas kilala sa bansag na "Sakramento ng Kumpisal"? Para sa mga anti-Katolikong Protestante't pundamentalista, marami silang nakikitang mali, at kadalasan ang mga ito'y nakasalig sa mga di-pagkakaintindi sa kung ano ba talaga ang nagaganap sa Sakramento ng Kumpisal at sa kung ano ba talaga ang itinuturo ng Simbahang Katolika hinggil sa buong proseso ng pagbabalik-loob ng isang Cristianong nagkasala sa Diyos. Sa isang banda, hindi na rin naman tayo nagugulat sa kanilang panunuligsa sa naturang sakramento, sapagkat matapos nilang talikuran ang Simbahan, wala naman silang ibang mapagpipilian pa kundi ang mangumpisal nang tuwiran at sarilinan sa Diyos, mangyaring iyon lang naman ang maaari pa nilang gawin.
Tama naman na mangumpisal tayo nang tuwiran sa Diyos, at ito naman talaga ang ginagawa nating mga Katoliko mula pa noong unang panahon hanggang sa ngayon. Sa mga pang-araw-araw na panalangin ng isang Katoliko lalo na sa Ama Namin tanging sa Diyos tayo humihingi ng kapatawaran at hindi sa kung sino pa mang Santo o anghel. Sa mga panalangin sa Banal na Misa na ipinagdiriwang araw-araw, ang paghingi ng awa't kapatawaran ay tanging sa Santisima Trinidad at hindi sa Papa, sa pari, sa Mahal na Birhen, o sa kung sino pa mang nilalang sa Langit o sa lupa. Bago lumapit sa Sakramento ng Kumpisal, ang isang tapat at nakakaintinding Katoliko ay nagsusuri muna ng kanyang budhi: Ibig sabihin sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pananalangin at pagbubulay-bulay, inaalala niya't inaamin sa Diyos ang lahat ng mga nagawa niyang kasalanan, humihingi ng kapatawaran, at nangangako't naninindigang lalapit sa Sakramento ng Kumpisal upang makipagkasundo sa Diyos at sa Simbahan. At sa mismong Sakramento ng Kumpisal, tanging sa Diyos pa rin tayo humihingi ng kapatawaran at hindi sa pari. Ang mga katotohanang ito ang dapat na maipaunawa natin sa mga anti-Katolikong Protestante't pundamentalista na nagsasabing mali daw ang Sakramento ng Kumpisal dahil ang pangungumpisal ay dapat daw "tuwiran-sa-Diyos." Dapat nating maipabatid sa kanila na tinutuligsa nila ang isang problemang hindi naman talaga umiiral.
PAGLAPASTANGAN SA DIYOS?
Mayroon namang nagsasabi na nilalapastangan daw ng mga pari ang Diyos sa tuwing sila'y naggagawad ng Absolusyon/Kapatawaran sa mga Katolikong nangungumpisal. "Diyos lang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan!" ang buong pagmamalaki't pagmamarunong na ipinamumukha nila sa atin. Subalit di kailanman sa halos dalawang libung taon ng kasaysayan ng Katolisismo ay inangkin ng mga pari ang Absolusyon bilang isang kapangyarihang nagmumula mismo sa kanila. Ang kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan ay tanging sa Diyos lamang, at ito'y inihabilin lang Niya sa mga pari. Kaya't kung nagpapatawad man ng mga kasalanan ang mga pari, ang Diyos pa rin ang talagang nagpapatawad: "Ang nakikinig sa inyo'y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo'y nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin." (Lucas 10: 16). Ang mga Apostol ng Panginoong Jesus at ang mga Obispong humalili sa kanila, at ang mga paring itinalaga ng mga naturang obispo sa tanang kasaysayan ng Katolisismo, ay pinagkalooban ng Panginoong Jesus ng kapangyarihan at kapamahalaan sa Simbahan. Sinabi niya kay Apostol San Pedro at kalauna'y pati na rin sa iba pang mga Apostol: "Ang talian ninyo sa lupa ay tatalian sa langit, at ang kalagan ninyo sa lupa ay kakalagan sa langit." (Mateo 16: 19, 18: 18). Hindi ito tumutukoy sa mga pisikal na pagkakatali kundi sa mga espiritwal na pagkakatali. May kapangyarihan ang mga Apostol hindi lang para ➊ mangaral (na isang paraan para "kalagan" ang mga nasa tali ng kasinungalingan Gawa 26: 18; Juan 8: 31-32; Mateo 28: 19-20), ➋ magpalayas ng mga demonyo't magpagaling sa mga maysakit (na isang paraan para "kalagan" ang mga iginapos ni Satanas Lucas 10: 19, 13: 15-17), kundi pati na rin ➌ magpatawad ng mga kasalanan sapagkat ang mga nagkakasala'y "alipin ng kasalanan" at nasa "tali ng katampalasan" (Juan 8: 34; Hebreo 3: 13; Gawa 8: 23).
"Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad."
JUAN 20: 23
SANGKOT ANG BUONG SIMBAHAN
"Ang buong Kristiyanong Sambayanan ay sangkot sa pagpapatawad at pakikipagkasundo."
KPK 1776
"Hindi lamang inaanyayahan ng Simbahan ang mga makasalanan na magsisi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Nananalangin din siya para sa kanila at tinutulungan ang mga nagsisisi na aminin at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan upang matamo nila ang awa ng Diyos na siya lamang nagpapatawad sa kasalanan. Sapagkat 'sa buong Simbahan, bilang bayan ng mga pari, ipinagkaloob ng Panginoon ang ministeryo ng pagpapatupad sa pakikipagkasundo sa iba't ibang paraan' (Reconciliatio et Poenitentia John Paul II, 1984). Kaya't ang Simbahan mismo ang naging instrumento ng pagbabago at kapatawaran para sa kanyang mga kaanib na nagsisisi sa pamamagitan ng ministeryong ipinagkaloob ni Kristo sa mga apostol at sa kanilang mga kahalili." (KPK 1778)
MAGKAIBA ANG KUMPISAL AT ANG KUMPISALAN
Sa bandang huli, tila ba wala nang iba pang mapagbalingan ang mga anti-Katoliko kundi ang silid-kumpisalan, at tinutuligsa nila ito na wari ba ang kumpisalan at ang Sakramento ng Kumpisal ay iisa lang. Ang katwiran nila, wala naman daw mababasa sa Biblia na ang mga Apostol ay nagtayo ng mga pribadong kumpisalan sa mga templo't sinagoga, at nangaral ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kumpisalan. Sinasabi pa ng ilan na ang kumpisalan ay hinango lang daw ng Simbahan mula sa paganismo, at ang "Sakramento ng Kumpisal sa kumpisalan" ay isang paganong ritwal na kinakasangkapan lang daw ng mga kaparian upang maalipin ang konsensya ng mga Katoliko. Subalit ang kumpisalan at ang Sakramento ng Kumpisal ay dalawang magkaibang bagay. Hindi nakadepende ang sakramentong ito sa paggamit ng kumpisalan. Kahit walang kumpisalan, naisasagawa pa rin ang Sakramento ng Kumpisal. Isa pa, walang matibay na ebidensyang makapagpapatunay na ang mismong kumpisalan ay talagang hinango ng Simbahan sa paganismo. At paano naman nila nasasabi na "pang-aalipin" lang ang Sakramento ng Kumpisal, gayong ang mismong Santo Papa sampu ng tanang Obispo't kaparian ay nangungumpisal din? Ang buong Simbahan kabilang na ang mga naordenahang namumuno sa atin ay nangangailangan din ng kapatawaran, sapagkat sabi nga:
"Nangangailangan ang Simbahang Katolika ng kapatawaran sapagkat hindi siya isang mapagmataas na grupong panlipunan ng 'mga naligtas na,' kundi tulad ni Kristo ang kanyang Pinuno na parehong tumatanggap sa makasalanan at matuwid. Samakatuwid, siya 'ay parehong banal at laging nangangailangan ng paglilinis, [at] patuloy na nagsisikap na magsisi at magbagong buhay'. . ." (KPK 1777)
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF