"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Lunes, Agosto 17, 2020

Ang Diyos ay Pag-ibig, kaya Magdusa Ka

Lahat ng tao ay dumaranas ng paghihirap. Magkakaiba man tayo ng pinagdaraanan sa buhay, at magkakaiba man tayo ng kakayahang magtiis at makibaka sa mga ito, walang sinuman ang makapagsasabi na hindi siya nahihirapan sa buhay niya. Kahit pa ang problemang "mabigat" sa akin ay "magaan" sa pananaw ng iba, hindi naman nagbabago ang katotohanan: ang problema ay problema, ang karamdaman ay karamdaman, ang kahirapan ay kahirapan. Hindi naglalaho ang mga kasamaan sa mundo batay lang sa mga damdamin mo sa mga ito. Sa bandang huli, walang sinumang tao ang makatatakas sa pinakamalaking problema sa lahat—ang kamatayan. Ito ang huli at pinakamalala sa lahat ng mga paghihirap, ang sukdulan at hantungan ng lahat ng mga pagdurusa sa mundong ito.

Sa kabila nito'y hindi tayo gaanong nagrereklamo sapagkat bilang mga Katolikong Cristiano, batid natin ang pangunahing sagot sa misteryo ng pagdurusa: ang kasalanang-mana (original sin).

itinuturo ng Simbahan na "sa pagsuway sa utos ng Diyos sa paraiso, si Adan, ang unang tao, ay kaagad nawalan ng kabanalan at katarungan na humubog sa kanya, at inanyayahan sa kanyang sarili... ang kamatayan." Ang kabanalan at katarungang tinanggap mula sa Diyos ay nawala hindi lamang para sa kanya kundi para sa kanyang mga salinlahi. (KPK 376)

Halos lahat ng mga suliraning idinadaing natin sa buhay ay tinutugon ng mga natatanging biyayang sa pasimula'y tinatamasa nina Adan at Eba—mga biyayang mamanahin sana ng sangkatauhan kung hindi sila nagkasala:

  • Taglay nila ang mataas na antas ng karunungan hinggil sa Diyos at sa sanlibutan, na karaniwang natatamo lamang sa pamamagitan ng masusing pag-aaral at pagsasaliksik.
  • Taglay nila ang tibay ng kalooban na lubusang napasusunod ang mga damdamin at pagnanasa.
  • Ang kanilang buhay sa mundo ay walang sakit, paghihirap, at kamatayan.

Sila'y namuhay sa isang lubos na pinagpalang kalalagayan, na matalinghagang inilalarawan ng kakatwang salaysay sa ikalawang kabanata ng Genesis: ang pamumuhay nang hubad sa isang halamanan na kusang dinidilig ng ilog, ang pagpapatubo sa lahat ng uri ng punongkahoy na kaaya-aya sa paningin, ang punongkahoy ng buhay na hindi ipinagkait sa tao, ang paglikha sa mga hayop upang maging katulong ng tao at ang karapatan ng tao na pangalanan sila, ang Diyos na tuwirang nakakausap at nakakasalamuha . . . Tila ba napaka-walang kakwenta-kwentang dahilan na itapon ang lahat ng ito para lang matikman ang bunga ng "punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama". Subalit ang naturang puno ay isa ring talinghaga: sinasagisag nito ang pagmamataas ng tao, ang paghahangad na ilagay sa sariling kapasyahan kung ano ba ang mabuti o masama para sa kanya, sa halip na gawing tanging batayan ang kalooban ng Diyos na lumikha sa kanya.

Nang magkasala sina Adan at Eba, hindi lamang ang buong sangkatauhan, kundi ang buong sanlibutan ay naapektuhan. Ito'y isa ring talinghaga: pinaaalalahanan tayo na sa tuwing may ginagawa tayong masama gaano man kaliit o kalaki sa ating pananaw, tayo'y nakapipinsala sa lahat ng tao at sa buong sanlibutan. Napagtatanto nating kung maghahanap pala tayo ng sisisihin sa kung bakit natin dinaranas ang mga kung anu-anong problema sa buhay natin at sa buhay ng iba, huwag nating kakaligtaang sisihin ang ating sarili. Hindi mo maaaring sabihin na wala kang kinalaman. Hindi mo maaaring igiit na wala kang pananagutan.

Sa kabila ng pananaw na ito'y hindi maiwasan ang mga agam-agam. Madaling magbigay ng paliwanag sa kung bakit tayo nahihirapan. Subalit ano bang magagawa ng mga paliwanag para lunasan ang ating mga pagdurusa? Anong pakinabang ng mga doktrina para pawiin ang ating mga pagkabalisa? Kung may problema, ang kailangan ay solusyon hindi paliwanag. Kung nagugutom ako, huwag mo akong pangaralan tungkol sa Salita ng Diyos bilang "espirituwal na pagkain" na nagbibigay-buhay, bagkus bigyan mo ako ng totoong pagkain na mailalaman ko sa aking sikmura! Kung naghihingalo sa karamdaman ang aking mahal sa buhay, hindi ko kailangan ng mga doktrina tungkol sa kasalanang-mana; kung talagang may Diyos at siya'y pag-ibig, pagalingin niya ang taong minamahal ko!

Mahirap pakalmahin ang damdaming naghihimagsik laban sa isang malaking problemang nangangailangan ng agarang solusyon. Madaling manalangin at magtiwala sa Diyos sa mga sitwasyong makapagtitiis ka pa. Subalit sa sandaling maabot mo na ang sukdulan ng pasensya mo, makukuha mo pa rin bang magpaubaya sa Maykapal? Sa panahon ng kagipitan muli tayong nahaharap sa isang pagsubok na katulad ng pinagdaanan nina Adan at Eba. Magtitiwala pa rin ba ako sa Diyos at magpapaubaya sa kanyang kalooban, o bahala na ako sa buhay ko? Kung wala namang naitutulong ang relihiyon, ibig sabihi'y hindi ito makatotohanan. At kung hindi ito makatotohanan, hindi rin totoo ang Diyos!

Matapos lumaya sa "gapos" ng relihiyon na inakala mong sumisiil sa kakayahan mong makapag-isip ng mga bagay na "makatotohanan", hindi ka na nangingiming batikusin ang iba pang mga doktrina ng pananampalataya na sa iyong pananaw ay "walang pakinabang" sa buhay ng tao. Hindi ka na nagaalinlangang talikuran at pagtawanan ang mga nakagisnang ugali at paniniwala na sa iyong pananaw ay wala namang naitutulong upang lutasin ang mga "totoong problema" ng lipunan. "Naliwanagan" ka na; kabilang ka na sa mga iilang "matatalino" na nakatuklas ng mga katangahan at katarantaduhan ng relihiyon. Subalit sa pagkumbinsi mo sa iyong sarili na walang Diyos, ang mga suliraning kumitil sa iyong pananampalataya ay hindi naman nalutas, bagkus ay lalo mo pang kinawawa ang sarili mo dahil sa kusang pagpapakatanga.

"Sinabi ng hangal sa kanyang puso: 'Walang Diyos'." (Salmo 13: 1). Katangahan ang maging ateista nang dahil lang sa mga panalanging hindi nasagot. Kahangalan ang pagdudahan ang pag-iral ng isang Dakilang Manlilikha nang dahil lang sa mga problemang pinagdadaanan mo sa buhay. Gayon ma'y isa itong kapata-patawad na katangahan, sapagkat sa tuwing napananaigan ang tao ng kanyang mga damdamin, hindi talaga maiiwasan na gumawa tayo ng mga malalaking desisyon sa buhay nang hindi na nag-iisip. Isang kabalintunaan na habang abala tayo sa ating mga panaghoy at pananambitan, hindi natin napagtatanto na ang buhay ng tao ay hindi lang puro pagdurusa. Gaano man kabigat ang pinapasan mo, hindi nito sinusupil ang kabutihan sa mundo. Nakakalungkot lang na sa mga sandaling humuhupa na ang unos, hindi na sumasagi sa isipan ng marami na pagbulay-bulayan ang kanilang mga pinagdaanan. Sa dami ng mga binabatikos natin sa relihiyon, hindi man lang natin naisip na batikusin ang sarili: "Wala nga ba talagang Diyos?" "Tama ba ang ginawa kong pagtalikod sa relihiyon?"

Kung ipagsasaalang-alang ang ugnayan ng Diyos at ng sanlibutang nilikha niya, ang kanyang pagka-Diyos ay hindi nakasalalay sa anumang kalalagayan ng mga bagay na nilikha niya na pawang nilikhang buhat sa wala (creatio ex nihilo). Magutom man ako o mabusog, hindi nito mapatutunayan o mapabubulaanan ang katotohanang sa Diyos nagmumula ang lahat ng pagkain. May magmahal man sa akin o wala, hindi nito mapatutunayan o mapabubulaanan na ang Diyos ay pag-ibig. Ako, bilang isang nilalang, ay walang angking halaga na dapat pahalagahan, walang angking karapatang dapat igalang. Ako, sa aking sarili, ay walang kabuluhan.

Kung pinagmamasdan ko ang iyong langit,
na gawa ng iyong mga daliri,
ang buwan at mga bituin na inilagay mo—
Ano kaya ang tao at siya'y sukat mong maalaala
o kaya ang anak ng tao na sukat mong alagaan?

(SALMO 8: 3-4)

Sapagkat ang Diyos ang lumikha sa lahat ng bagay na umiiral, ang Diyos, sa kanyang sarili, ay walang pangangailangan. Walang nabawas sa Diyos nang nilikha niya ang sanlibutan, at wala rin namang maidadagdag sa kanya ang sanlibutan. Hindi niya kailangan ang pagsamba ng tao. Hindi niya kailangan ang paglilingkod ng tao. Hindi niya kailangan ang pagmamahal ng tao. Wala rin siyang kailangang gawin para sa tao at sa buong sanlibutan. Ang Diyos ng Katolikong Pananampalataya ay isang perpektong Diyos. At dahil perpekto, anumang inaakala nating "mas mabuti" na dapat ginagawa ng Diyos ay hindi kailanman magiging mas mabuti. Kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng isipang umiiral sa sanlibutan, hindi ito makapag-iisip ng "mas mabuting kabutihan" o "mas mapagmahal na pagmamahal" kaysa sa mismong kabutihan at pagmamahal ng Diyos.

"Ano kaya ang tao at siya'y sukat mong maalaala o kaya ang anak ng tao na sukat mong alagaan?" Bilang isang walang kabuluhang bagay na umiiral, bakit nga ba ako aalalahanin at aalagaan ng Diyos? Bakit niya ako nilikha, at patuloy na pinaiiral? Anong matinong sagot sa tanong ng Salmista? Hindi niya ako kailangan. Kung sasabihing para aliwin siya (batay sa pananaw na ikinaaaliw ng Diyos ang panoorin akong nagdurusa), iyon ay walang katuturan, sapagkat bilang perpektong Diyos, nasa kanya nang sarili ang lahat ng kaaliwan—anumang kaaliwang maidudulot ng pag-iral ko ay walang kabuluhan sa kanya. Walang katuturan na sabihing ang Diyos ay naglalaro lang, o wala lang magawa, o inaaliw lang ang sarili niya, o kung ano pa man. Wala siyang mapapala sa tao. Wala siyang mapapala sa sanlibutan. Wala siyang anumang pangangailangan na pinupunan ng mga nilikha niya.

Sabi ni Bishop Robert Barron, sa kanyang librong "Word on Fire: Proclaiming the Power of Christ", iisa lang ang posibleng sagot sa tanong ng Salmista:

"If God has no need, it follows directly that God is love. Love is willing the good of the other as other. Since God has no need of anything, whatever he does and whatever he wills is purely for the sake of the other. The world, accordingly, is not a threat or rival to God—it is something which, in the purest sense of the word, has been loved into existence." (p. 20)

Mangangahulugan ito na kahit ang mismong pagkakasadlak sa impyerno ay maituturing na isang mapagmahal na pagkilos ng Diyos. Anong kabalintunaan ito! Paano naging pagmamahal ang walang katapusang pagpaparusa? Napapawi ang kabalintunaan sa sandaling pag-isipan ang mismong diwa ng pagmamahal. Huwag na nating pag-usapan ang mga malalalim na katuruan tungkol sa pag-ibig. Kung nagmamahal ka, alam mo na kung ano ang kahulugan nito.

  1. Kung nagmamahal ka, nais mong makapiling ang minamahal mo. Hindi mo gugustuhing mawala sila. Ipinaliliwanag nito ang magpakailanmang pag-iral ng mga tampalasan sa impyerno.
  2. Kung nagmamahal ka, hindi mo pipilitin ang minamahal mo na mahalin ka rin nila. Hahayaan mo silang magpasya. Hahayaan mong sila mismo ay kusang-loob na mahalin ka. Ipinaliliwanag nito ang pagpapaubaya ng Diyos sa malayang kapasyahan ng mga tampalasan na huwag siyang mahalin.
  3. Kung nagmamahal ka, ibibigay mo sa minamahal mo ang pinakamabuti na maaari mong ibigay sa kanila. Ang Diyos mismo ang Kabutihan—siyang perpektong kabutihan na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan sa mundo. Subalit paano ibibigay ng Diyos ang sarili sa mga tampalasang ayaw sa kanya? Ang tanging pinakamabuting maibibigay niya ay ang kanilang magpakailanmang pag-iral at ang makatarungang pagpaparusa sa mga nagawang kasamaan na magpakailanmang hindi pinagsisisihan. Ayaw nila sa Diyos na siyang pinagmumulan ng kabutihan, kaya't nagdurusa sila. Ipinaliliwanag nito ang walang katapusang pagdurusa sa impyerno.

Kung iisipin, ang kabalintunaan ng impyerno ay hindi dahil sa Diyos, kundi sa mga nilalang na nagpasyang magpakailanmang talikuran siya. Sinong matinong tao ang pipiliin ang walang katapusang pagdurusa? Sinong matinong tao ang tatanggihan ang siyang pinagmulan ng mga kabutihang nagpasaya at nagpaginhawa sa kanya nang siya'y nabubuhay sa mundong ibabaw? Sinong matinong tao ang makapagsasabing mas alam niya kung ano ang mabuti at masama, gayong ang mismong kaalaman na taglay niya ay sa Diyos din naman nagmula?

Maaaring sabihin ng ilan: Bakit hindi sila bigyan ng ikalawang pagkakataon na mamili? Subalit hahantong sa walang katapusan ang tanong na ito. Kung may ikalawang pagkakataon, bakit di magbigay ng ikatlo, ikaapat, ikalima, ikaanim, ikapito... ad infinitum? Ang tao ay nilikhang may likas na pagnanasa sa mabuti, at ang tanging kaganapan ng pagnanasang ito ay ang Diyos mismo. Ang makapiling ang Diyos sa Langit ang magiging katapusan ng ating malayang pagpapasya, sapagkat nakamit na natin ang rurok ng ating mga inaasam-asam. Wala ka nang hahanapin pa, dahil nasa Diyos na ang lahat ng kailangan mo. Kinailangang masadlak sa kalalagayan ng kawalang-katiyakan (sa buhay sa mundong ito na laging may kulang sa kabutihang kailangan mo) upang magkaroon ng pagkakataong magtiwala at manalig, na ang tanging "katiyakan" ay ang dikta ng katuwiran na kung may pag-ibig at kabutihan sa mundong ito, ang Diyos lang ang maaaring pagmulan ng mga ito at siya lamang talaga ang tangi kong kailangan.

Kung tatanggihan mo pa ang Diyos, ano pang matitira? Kung bibigyan ka niya ng walang katapusang pagkakataon na mamili hanggang sa mapagtanto mo na siya pala talaga ang kailangan mo, katumbas nito ang pagkakaroon ng isang walang hanggang puwang sa pagitan mo at ng Diyos—isang puwang na walang hanggang lumalaki, dahil lagi kang nasa kalalagayan ng pagsubok, laging nasa kalalagayan na kailangan mong magtiwala at manalig, laging nasa kalalagayan ng kakulangan na imposibleng mapunan dahil lagi kang pinapipili. Masahol pa ito sa impyerno—ito ang talagang maituturing na walang katuturang pagpapahirap sa tao na sasalungat sa Pag-ibig ng Diyos! Subalit hindi gayon. Ang Diyos ay pag-ibig, kaya may impyerno.


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF