Photo by Anastasia Shuraeva from Pexels (edited)
Kung iisipin, posible naman talagang magkaroon ng tumpak na kaalaman hinggil sa mga mangyayari sa hinaharap, batay sa isang makatuwiran at siyentipikong pagsisiyasat sa mga nangyari sa nakalipas at sa mga nangyayari ngayon sa kasalukuyan. Ang kailangan lamang ay sapat na kaalaman sa mga sanhi at epekto ng mga bagay-bagay sa mundo. Halimbawa, hindi ba't nahuhulaan natin nang tama kung kailan sumasapit ang kabilugan ng buwan, kung anong oras ang high tide at low tide, kung ano ang mga lugar na dadaanan ng bagyo, kung kailan magkakaroon ng eclipse at kung saan ito maaaring masaksihan, kung kailan ang expiration date ng mga pagkaing de-lata, at kung anu-ano pa? Ang hinaharap ay EPEKTO ng kasalukuyan; kung may sapat kang kaalaman sa mga nangyayari ngayon, maaari mo talagang malaman ang mangyayari bukas (at hanggang sa mas malayong hinaharap).
Gayon man, imposibleng makamit ng sinumang tao ang kumpletong kaalaman hinggil sa mga pangyayari sa mundo. Imposible ring malaman ang nilalaman ng puso ng bawat tao, at kung ano ang mga pagkilos na gagawin ng bawat isa buhat sa kanilang malayang kalooban. Maaaring magkaroon ng higit na kaalaman ang mga demonyo, mangyaring mas mataas ang kanilang pag-iisip at mas malawak ang kanilang nalalaman sa sanlibutan kaysa sa atin. Subalit ang kaalaman ng mga demonyo ay nananatiling may limitasyon sapagkat sila'y mga nilalang pa rin gaya natin. DIYOS LAMANG ANG MAY PANLAHATANG KAALAMAN, sapagkat siya ang lumikha sa lahat at nagpapanatili sa pag-iral ng lahat. Siya lamang ang nakatatalastas ng nilalaman ng ating puso. Siya lamang ang ganap na nakababatid sa lahat ng mga mangyayari sa hinaharap.
Kaya nga nararapat itanong at pag-isipan: SAAN NAGMUMULA ANG INAANGKING KAALAMAN NG MGA MANGHUHULA
- Buhat ba ito sa makatuwiran at siyentipikong pag-aaral?
- Buhat ba ito sa mga demonyo?
- Buhat ba ito sa Diyos?
- Paano kung sila'y mga kawatan na nanloloko lamang upang pagkaperahan ka?
- Paano kung sila'y may sakit sa pag-iisip, at ang kanilang mga pangitain ay pawang mga delusyon lamang?
- Paano kung sila'y biktima lamang ng sariling katangahan at maling akala, at sila'y literal na "nanghuhula" lang?
- Paano kung ikaw lang pala ang nag-iisip na nagkakatotoo ang mga hula nila, palibhasa'y naghahanap ka ng mga taong sinasabi lamang ang mga gusto mong marinig?
Marami ngang posibilidad, subalit nakalulungkot na wari ba sinasadya pa nating huwag isipin ang mga ito. Marami kasi sa atin ang nababagot sa pangangatuwiran at maka-agham na pagsisiyasat. Mas gusto nating maniwala sa isang daigdig ng pantasya isang mundong mahiwaga at kataka-taka, at kinasasangkutan ng mga mahika at kababalaghan. Wala tayong pakealam sa pagkakaiba ng mabuti at masama, bagkus nakatuon lamang tayo sa ating mga pansariling makamundong adhikain sa buhay. Hindi natin alintana ang mga pang-matagalang epekto ng ating mga desisyon. Lubhang mababaw ang pananaw natin sa kahulugan ng buhay at sa ating relasyon sa Diyos. Mahilig tayong mag-isip nang baluktot at magpaka-sentimental: Kesyo "Wala namang mawawala kung maniniwala," "Wala namang masama kung mag-iingat," "Malay mo kung magkatotoo?", "Nasa tao naman kung gagamitin niya ito sa kabutihan," "Basta para sa pamilya, kahit tulong ng demonyo ay tatanggapin ko," "Di na baleng maimpyerno basta para sa mahal ko," atbp. Walang maitutulong ang apolohetika sa mga taong NAGPAPAKA-TANGA. Yan ang mga taong ipinagpapasa-Diyos na lamang natin.
May mga manghuhulang nagsasabing "Katoliko" rin daw sila: Nagsisimba, nagbabasa ng Biblia, pumipintuho sa mga banal na imahen, nagdedebosyon sa mga santo, at laging nag-aanyaya sa mga tao na magdasal palagi upang hindi magkatotoo ang mga sakunang nahuhulaan daw nila. Ang lahat ng ito ay WALANG KABULUHAN, sapagkat pagdating sa pananampalataya, moralidad, at pagsamba, SA SIMBAHAN LAMANG TAYO NAKIKINIG AT NANINIWALA. Ang Panginoong Jesus ang ating huwaran, hindi ang sinumang manghuhula. Ang mga Santo at Santa ang mga tunay na gabay natin sa pagsunod sa Panginoong Jesus, hindi ang sinumang manghuhula. WALA TAYONG PAKEALAM sa kanilang isinasangkalang huwad na Katolisismo, sapagkat mismong ang Simbahang Katolika ay tahasang tumututol sa kanilang masamang gawain.1 Sa katunayan, pinapatawan sila ng 5th Lateran Council (ang ika-18 Konsilyo Ekumeniko ng Simbahang Katolika) ng parusa ng ekskomunikasyon.2
Kung talagang galing sa Diyos ang kanilang mga panghuhula, kung talagang ito'y isang karismata na kaloob ng Espiritu Santo, kung talagang sila'y mga totoong propeta, dapat silang magpasakop sa pagsusuri ng Simbahan.3 Ang Simbahan lamang ang makapagsasabi kung talagang buhat sa Diyos ang kanilang kakayahang manghula, at sa kung paanong paraan ito nararapat gamitin. Sinomang manghuhula na hindi nagpapasakop sa Simbahan ay ➊ di tunay na Katoliko, at posibleng ➋ kinakasangkapan ng demonyo, mga tusong kawatan, mangmang, o di kaya'y may problema sa pag-iisip. Ang sinumang Katoliko na sumasangguni sa kanila ay maliwanag na nagkakasala sa Diyos, at kung di pagsisisiha'y hahantong sa pagtalikod sa pananampalataya, dahil mas pinili mong manalig sa manghuhula kaysa sa Diyos.
"Kung sa inyo'y may lumitaw na propeta o nagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip, at nagpakita siya ng kababalaghan o kaya'y nagkatotoo ang kanyang pahayag, subalit hinihikayat kayong sumamba sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, huwag kayong makikinig sa kanya. Pagsubok lamang iyon ni Yahweh sa inyo kung talagang iniibig ninyo siya nang buong puso't kaluluwa. Si Yahweh lamang ang inyong sundin. Matakot kayo sa kanya at sundin ninyo ang kanyang mga utos. Paglingkuran ninyo siya, at manatili kayong tapat sa kanya. At ang propetang iyon o ang nagbibigay ng kahulugan sa panaginip ay dapat patayin sapagkat inuudyukan niya ang mga tao upang maghimagsik kay Yahweh na inyong Diyos, na siyang nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto; hinihikayat nila kayong iwan ang daang itinuro niya sa inyo. Iyan ay masama at dapat ninyong iwasan."DEUTERONOMIO 13: 1-5 (MBB)
- "God can reveal the future to his prophets or to other saints. Still, a sound Christian attitude consists in putting oneself confidently into the hands of Providence for whatever concerns the future, and giving up all unhealthy curiosity about it. Improvidence, however, can constitute a lack of responsibility." (CCC 2115)
"All forms of divination are to be rejected: recourse to Satan or demons, conjuring up the dead or other practices falsely supposed to 'unveil' the future. Consulting horoscopes, astrology, palm reading, interpretation of omens and lots, the phenomena of clairvoyance, and recourse to mediums all conceal a desire for power over time, history, and, in the last analysis, other human beings, as well as a wish to conciliate hidden powers. They contradict the honor, respect, and loving fear that we owe to God alone." (CCC 2116) [BUMALIK] - "Sorcery, by means of enchantments, divinations, superstitions and the invoking of demons, is prohibited by both civil laws and the sanctions of the sacred canons. We rule, decree and ordain that clerics who are found guilty of these things are to be branded with disgrace at the judgment of superiors. If they do not desist, they are to be demoted, forced into a monastery for a period of time that is to be fixed by the will of the superior, and deprived of their benefices and ecclesiastical offices. Lay men and women, however, are to be subject to excommunication and the other penalties of both civil and canon law." (Session 9, 5 May 1514) [BUMALIK]
- "...discernment of charisms is always necessary. No charism is exempt from being referred and submitted to the Church's shepherds." (CCC 801) [BUMALIK]
DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. MCJEFF