"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Martes, Hulyo 13, 2021

Himala: Pagninilay sa MATEO 11: 20-24

Kung araw-araw bang may himala, araw-araw din bang madaragdagan ang mga sumasampalataya sa Diyos? Araw-araw din kaya tayong mahihikayat na magsisi sa mga kasalanan at magsikap sa landas ng kabanalan? Batay sa naging karanasan ng Panginoong Jesus, HINDI. Kung saang mga bayan pa siya gumawa ng mas maraming himala, sila pa ang naging matigas ang puso at di nagsisi sa kanilang mga kasalanan. Bakit kaya?

Ano bang tingin ng tao sa mga himala? Kalimitang hamon ng mga ateista, "Maghimala lang ang diyos sa harap ko, maniniwala na ako!" Naghahanap sila ng mga kagimbal-gimbal na himala: malakas na tinig na dadagundong sa kalangitan, pagtubo ng mga naputol na braso o binti, muling pagkabuhay ng namatay na naagnas na sa libingan, mga nagliliwanag at lumilipad na mga pari na gaya ng mga superhero sa pelikula, atbp. Subalit sapat na nga ba ang mga ito upang sumampalataya ang isang tao? Kung makarinig ka ng tinig mula sa langit, hindi mo ba muna ito sisiyasatin kung saan nagmumula? Kung may isang naputulan ng binti na tinubuan ng bagong binti, hindi mo ba muna susuriin ang taong ito upang maghanap ng posibleng maka-agham na paliwanag? Sa totoo lang, hangga't sarado ang isip ng tao sa posibilidad na may Diyos na naghihimala, hindi siya mauubusan ng dahilan upang magduda. Maubusan man siya ng maaaring suriin o siyasatin, igigiit na lamang niya, "Maaaring hindi ko pa alam ngayon, subalit kung patuloy na pag-aaralan, mahahanap ko rin ang sagot balang araw!"

Kung iisipin, hindi naman kailangan ng himala para patunayang may Diyos. Kahit ang dumi ng aso, kung pag-aaralan mo, ay maghahatid sa iyo sa pananampalataya! Sapagkat nabubuhay tayo sa isang sanlibutang pinatatakbo ng mga sanhi at epekto, ang simpleng pagninilay sa pinagsimulan ng lahat ng mga sanhi ay maghahatid sa iyo sa pagkakatantong may Unang Sanhi na nagpapa-iral sa lahat ng bagay. Milagro man o natural na pangyayari, ang lahat ng ito ay matatalunton sa iisang Diyos na lumikha sa lahat at nagpapanatili sa pag-iral ng lahat.

Nakapagpapatibay ba ng pananampalataya ang makasaksi o makaranas ng mga himala? Para sa karamihan sa atin, ang tingin natin sa mga himala ay mga mabilisang solusyon sa mga kumplikado nating problema sa buhay. "Kung simple lang ang problema ko, hindi ko na kailangan ang Diyos sa buhay ko. Pero kung sobrang bigat na, kung nahihirapan na ako, kung halos ikamatay ko na ang problema ko, saka na ako lalapit at magmamaka-awa. At kung hindi lulutasin ng Diyos ang problema ko sa paraang gusto ko, ibig sabihin, wala siyang kwentang Diyos, at sa gayo'y walang dahilan na magsisi ako sa mga kasalanan ko sa kanya! Anong pakealam ko kung pasayawin niya ang araw, o kung magbagong-anyo ang ostiya sa literal na laman na dinudugo, o kung may mga labi ng mga banal na hindi naaagnas, o kung may naitatalang mga kaso ng milagrosong paggaling sa simbahan sa Lourdes? Kung hindi Niya lulutasin ang problema KO sa paraang gusto KO, hindi Niya ako mahal!"

Aminin natin: hindi ba't ganyan tayo mag-isip kung minsan? Hindi ba't ganyan ang ibinibulong ni Satanas sa ating puso sa tuwing namomroblema tayo?

Ang mga himala ay hindi pagpapakitang-gilas ng Diyos. Wala siyang kailangang patunayan sa tao sapagkat ang mismong lupang tinatapakan mo at ang hanging hinihinga mo ay sa kanya nanggagaling. Wala namang pakinabang sa buhay ng tao ang mga milagrong pawang pagpapakitang-gilas lang. Oo, namangha ka at natakot sa nakita mo, o tapos ano na? Papalakpakan mo ba ang Diyos, na tulad lamang ng isang mahikerong nagtatanghal sa perya? Nagdudulot ba iyan ng pananampalataya?

Ang mga himala ay tanda: mga pagpapa-pansin ng Diyos sa ating mga matang labis na nabaling sa mga bagay na makamundo. Pinaaalalahanan tayong huwag bigyan ng sobrang kapangyarihan sa ating buhay ang mga problema natin sa lupa sapagkat may Diyos na higit na makapangyarihan, na hindi kailanman malilimitihan ng mga batas ng kalikasang siya rin naman mismo ang nagtatakda. Tinatawag niya tayo upang buksan ang mga mata sa buong katotohanan ng buhay — na hindi lamang tungkol sa mga katotohanang materyal kundi pati sa mga katotohanang espirituwal. Sa katunayan, ang mga himala ay maituturing na pagpapakababa ng Diyos, na sa kabila ng kanyang walang hanggang kapangyarihan na sumasakop sa buong sanlibutan ay minamabuting magpapansin sa ating mga makasalanan — tayo na kung ikukumpara sa hindi malirip na kalakhan ng sanlibutan, ay pawang napakaliit at walang kabuluhan (Salmo 8)!

"...pinagsabihan niya ang mga lungsod na nakakita ng marami niyang himala sapagkat hindi sila nagsisi."

MATEO 11: 20


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF