"Ipinapahayag ko na ako ay Katoliko at sa relihiyong ito ako iminulat at nag-aral, at dito ko rin nais mabuhay at mamatay. Binabawi ko nang buong puso ang anumang salita, sulat, gawa, at gawi na laban sa katangian ng isang anak ng Simbahan. Ako'y naniniwala at nanunungkulan nang ayon sa itinuturo nito."
JOSE P. RIZAL

Huwebes, Marso 06, 2025

Itinuro ba ni Pope Francis ang Erehiya ng Sola Scriptura?


ANG TANGING TUNAY NA GABAY?

Noong Enero pa pala lumabas ang tweet na ito mula sa X (Twitter) ng Santo Papa (@Pontifex); hindi ko napansin dahil hindi naman ako gumagamit ng X. Nalaman ko lang ang tungkol dito nang makita ko ang isang post mula sa Facebook page ng St. Pauls Online kung saan nagbahagi sila ng di-umano'y sipi mula kay Pope Francis. Ang sabi: "Scripture is the only true compass for our journey, and it alone is capable of leading us back to the true meaning of life amid so much woundedness and confusion."

Siguro, kung hindi ka gaano nag-iisip, aakalain mo na ito'y isang magandang mensahe. Oo nga naman kasi, bilang mga Katolikong Cristiano, itinuturing naman talaga natin ang Biblia bilang tiyak na gabay sa ating buong buhay-espirituwal, dahil ika nga ng Katesismo, ang mga Banal na Kasulatan ay "nagpapakain at namamatnubay sa buong buhay ng Cristiano" (CCC 141). Ang problema ay ang mga salitang "the only true compass" at "it alone is capable of leading us back to the true meaning of life." Dahil kung seseryosohin ang mga pananalitang ito, malinaw na itinuturo nito ang erehiya ng Sola Scriptura. Lumalabas na hindi mo na talaga kailangan pa ng Tradisyon at ng Mahisteryo, dahil Biblia lang ay sapat na; Biblia lang ang talagang tanging tunay na gabay sa buhay mo at wala nang iba pa.

Siyempre, bilang Katoliko, nakababahala ito, dahil mismong ang Santo Papa pa ang nagtuturo sa atin ng mali. Kahit pa sabihing hindi ito saklaw ng kanyang pormal na mahisteryo, ang kanyang mga sinasabi ay may tuwirang epekto pa rin sa bawat mananampalatayang Katolikong laging nakaantabay sa lahat ng kanyang mga pinagsasasabi. Anumang maling aral na nakalulusot ay maaaring maging punla ng kamalian na unti-unting magbubulid sa ikapapahamak ng kaluluwa ng kanyang mga tagapakinig.

Subalit bago tayo magisip ng mga kung anu-ano, bago tayo kumatha ng mga samu't saring pagrereklamo at pambabatikos kay Pope Francis, maging patas din naman sana tayo at unahing saliksikin kung talaga nga bang sinabi ng Santo Papa ang anumang nasasagap nating kontrobersyal na siping nakapangalan sa kanya. Bilang mga Cristianong nagmamahal sa Katotohanan, huwag kang agad-agad naniniwala sa mga nakikita mong post sa social media. [1]


ANG ORIHINAL NA HOMILIYA

Saan ba nanggaling ang naturang sipi? Anong orihinal na konteksto nito? Buhat ito sa homiliya ng Santo Papa noong nakaraang taon, nang binisita niya ang Indonesia noong ika-5 ng Setyembre. Sa teksto ng kanyang homiliya, ganito ang ating makikita:

[IT] "In mezzo allo stordimento e alla vanità delle parole umane, fratelli e sorelle, c'è bisogno della Parola di Dio, l'unica che è bussola per il nostro cammino, l'unica che tra tante ferite e smarrimenti è in grado di ricondurci al significato autentico della vita."

[EN] "In the midst of the confusion and vanity of human words, brothers and sisters, there is need for the word of God, the only true compass for our journey, which alone is capable of leading us back to the true meaning of life amid so much woundedness and confusion."

"The Christian faith is not a 'religion of the book'. Christianity is the religion of the 'Word' of God, 'not a written and mute word, but incarnate and living'."


CCC 108

Parola di Dio. Word of God. Salita ng Diyos. Iyan ang eksaktong sinabi ng Santo Papa, at maririnig natin iyan sa mismong video ng naturang homiliya. At ang punto niya? Wala tayong mapapala sa pakikinig sa mga mapanlinlang na salita ng makasalanang lipunan, kaya't sa Salita ng Diyos lang tayo dapat nakikinig at nagtitiwala nang lubos. [2] Ang salitang "Scripture" ay IDINAGDAG LANG ng kung sino mang nangangasiwa ng account ng Santo Papa sa X (Twitter), at palibhasa'y mga di rin nag-iisip, ay siya namang ibinahagi pa ng St. Pauls Online sa kanilang post sa Facebook.

Nakakadismaya. Nakakabahala. Nananadya na ba sila? Nalulusutan na ba tayo ng mga Protestanteng may-katusuhang nagsisingit ng mga erehiya sa mga social media post na nakapangalan kay Pope Francis? O sadya lang ba talagang wala tayong pakealam sa ating mga pinagsasasabi, nang di alintana ang babala ng Panginoon: "Ngayon, sinasabi ko na ang lahat ng salitang walang kabuluhan na bigkasin ng tao ay pananagutan nila sa araw ng paghuhukom. Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay pawawalang-sala, at sa iyong mga salita ikaw ay hahatulan" (Mateo 12: 36-37)?


ANG SALITA NG DIYOS: BIBLIA AT TRADISYON

Ang Biblia ba'y Salita ng Diyos? Oo, at iyan ay maritwal pa ngang idinidikdik sa ating mga kokote sa tuwing nagsisimba tayo, na sa tuwing matatapos ang mga Una at Ikalawang Pagbasa ay laging sinasabi ng lektor, "Ang Salita ng Diyos," at tumutugon naman ang lahat ng "Salamat sa Diyos." Wala tayong problema kung iyan ang puntong nais itaguyod ng mga taong nagsingit ng salitang "Scripture" sa mga sinabi ni Pope Francis. Ang problema, dahil ginamit din ng Papa ang mga salitang "only" at "alone", ang pagsisingit ng salitang "Scripture" dito ay lubusang sumisira sa diwa ng kanyang mga sinabi. Kahit ano pang pangangatuwiran ang gawin, ang kanilang ginawa'y hahantong sa erehiya ng Sola Scriptura — isang erehiyang mariing tinututulan ng Simbahang Katolika:

"The Church, to whom the transmission and interpretation of Revelation is entrusted, does not derive her certainty about all revealed truths from the holy Scriptures alone. Both Scripture and Tradition must be accepted and honored with equal sentiments of devotion and reverence."

(CCC 82)

Sa ganang atin, kapag sinabing "Salita ng Diyos," iyan ay parehong tumutukoy sa Biblia at Tradisyon: "Ang Tradisyon at ang Banal na Kasulatan ay ang kaisa-isang lagak ng banal na Salita ng Dios, na dito pinagmamasdan ng Iglesiang naglalakbay, tulad sa isang salamin, ang Dios, na pinakabukal ng lahat ng kanyang kayamanan," (CCC 97) at "Ang tungkuling magpaliwanag nang opisyal ng Salita ng Diyos — bigkas o sinulat (oral o eskrito) ay ipinagkatiwala lamang sa Magisteriong buhay ng Iglesia, na siyang gumaganap sa ngalan ni Jesucristo, alalaong baga, sa mga obispo na nakikiisa sa kahalili ni San Pedro, ang obispo ng Roma." [CCC 85]

 


 

  1. "Social media . . . has become the unfortunate site of 'alternative facts' and 'fake news'. Not only does this offend against the orientation of the human intellect to the truth, it is, more fundamentally, a sin against charity because it hinders persons from making right and sound decisions and induces them, instead, to make faulty ones!" [CBCP, "Consecrate Them in the Truth: A Pastoral Exhortation Against Fake News," June 21, 2017] [BUMALIK]
  2. "We cannot be satisfied by human words alone, the thinking of this world and earthly judgments. We always need a light from on high to illuminate our steps, living water that can quench the thirst of the deserts of the soul, consolation that does not disappoint because it comes from heaven and not from the fleeting things of this world. In the midst of the confusion and vanity of human words..." [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Marso 05, 2025

Miyerkules ng Abo

[REVISED AND REUPLOADED]

"Sa pamamagitan ng Miyerkules ng Abo, sinisimulan natin ang panahon ng Kuwaresma bilang paghahanda sa Misteryo ng Paskuwa—ang pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesus. Sinisimulan natin ang Kuwaresma sa pagpapahid ng abo sa noo bilang tanda ng ating pagdadalamhati o pagsisisi sa mga ginawa nating kasalanan. Subalit ang ritwal na ito ay kailangang may kalakip na pagbabalik-loob o pagbabago ng puso. Umaasa tayo sa kabutihan at awa ng Diyos sapagkat batid natin na hindi sapat ang sarili nating lakas." [SOURCE: Paunang Salita, Sambuhay, Pebrero 25, 2009.] [PHOTO: Ahna Ziegler on Unsplash]


 

TAYO LANG BANG MGA KATOLIKO ANG NAGDIRIWANG NG MIYERKULES NG ABO?

Hindi nag-iisa ang Simbahang Katolika sa pagdiriwang ng Miércoles de Ceniza. Isinasagawa rin ito ng mga sektang Anglikano, Luterano, Metodista, at ng iba pang mga grupong Protestante at independienteng Katoliko. Bagama't hindi ito ipinagdiriwang ng karamihan sa mga Simbahang Ortodoksa (ipinagdiriwang ito ng mga Ortodoksong kabilang sa Western Rite), hindi naman nila ito tinutuligsa, at kinikilala nila ito bilang isang lehitimong pamamaraan ng pagsisimula ng Kuwaresma.

 

TUGON SA MGA PAGTULIGSA

May ilang mga anti-Katolikong tinututulan ang tradisyong ito dahil anila, taliwas daw ito sa diwa ng Sola Fide, at sa tunay na diwa ng pagsisisi na hindi dapat nakasalalay lang sa mga gawaing panlabas. Malimit nilang gamiting sipi sa Biblia ay ang Mateo 6:16, at tila ba hindi nila nababatid na bahagi pa nga ito ng mismong pagbasa ng Ebanghelyo tuwing Miércoles de Ceniza!

Dalawang bagay lang ang maipapayo ko sa mga anti-Katolikong ito:

  1. Bago ninyo tuligsain ang halos lahat ng gawain ng kabanalan sa Simbahang Katolika batay sa sukatan ng erehiya ng Sola Fide, tiyakin muna ninyong nabasa na ninyo ang sagot ng Council of Trent sa naturang erehiya (Council of Trent, Session VI), at pati na rin ang "Joint Declaration on the Doctrine of Justification" ng Lutheran World Federation at ng Simbahang Katolika. Nakasusuyang makinig sa mga erehiyang paulit-ulit na ipinagsasangkalan habang nagbibingi-bingian sa tugon ng Simbahan at ng iba pang mga di-Katoliko—na bagama't hiwalay sa Simbahan ay marunong namang makipag-usap nang maayos upang lutasin ang mga pagkakaiba sa doktrina.
  2. Bago ninyo tuligsain ang Miércoles de Ceniza, tiyakin muna ninyong minsan na kayong nakadalo o nakapanood man lang sa Misa na isinasagawa sa araw na ito, o di kaya'y nakapagbasa man lang ng isang missalette. Hindi nakasentro lang sa ritwal ng pagpapahid ng abo ang araw na ito, kundi sa makatotohanang pagsisisi at pagbabalik-loob. Hindi itinuturo ng Simbahan na "kailangan-sa-kaligtasan" ang paglalagay ng abo, o "sapat na" ang paglalagay ng abo para maging matuwid ka sa harap ng Diyos, o tuwing Kuwaresma lang tayo dapat magsisi sa ating mga kasalanan, o kung ano pa mang inimbentong kamaliang udyok ng strawman fallacy ng ilang tusong mapanuligsa. Oo, may mga Katolikong hindi pinahahalagahan ang araw na ito, at nagagawa pang ipagmalaki at pagkatuwaan sa social media ang krus na abo sa mga noo nila, subalit malinaw naman na hindi sila kumakatawan sa tunay na diwa ng pagiging Katolikong Cristiano.

Hinggil sa Mateo 6: 16-18, tunghayan natin:

"Kapag nagfa-fasting kayo, wag kayong magmukhang malungkot gaya ng mga pakitang-tao. Hindi sila nag-aayos ng itsura para makita ng mga tao na nagfa-fasting sila. Tandaan nyo, tinanggap na nila ang reward nila. Instead, pag nagfa-fasting ka, ayusin mo ang buhok mo at maghilamos ka para di mapansin ng mga tao na nagfa-fasting ka. Ang Ama mo lang, na hindi nakikita, ang makakaalam nun. Sya, na nakakakita ng ginagawa mo in secret, ang magri-reward sayo." (PVCE)

Una sa lahat, hindi naman tayo inoobligang magmukhang malungkot tuwing Miércoles de Ceniza. Hindi naman tayo pinagbabawalang ngumiti, mag-ayos ng buhok, at maghilamos. Maaari mo pa ngang tanggalin na agad ang inilagay na abo sa iyo pagkatapos ng Misa, kung ibig mo. Hindi "pagluluksa" ang araw na ito kundi isang "pagdiriwang." Sabi nga ni Fr. Jboy Gonzales, SJ:

"May kakaibang saya ang Panahon ng Kuwaresma. Sa kabila ng mga pag-aayuno at pagsisisi, panatag ang ating kalooban. Alam nating mahal tayo ng Diyos at patatawarin niya tayo. Hindi tayo nagsasakripisyo sa wala; nag-aayuno tayo sa meron—may pinatutunguhan ang ating mga ginagawa para sa Diyos... Ang Diyos ay mapagpatawad, walang hanggan ang kabaitan at hindi kailan ma'y mabilis magalit. Pinapangako ng Maykapal ang kapatawaran at pagbabagong-buhay sa mga taong tunay ang pagsisisi. Sa Kuwaresma pinagdiriwang natin ang ganitong ugali ng Panginoon." [SOURCE: "Kapanglawan ng Kuwaresma," Sambuhay, Pebrero 25, 2009]

Pangalawa, hindi laban ang Panginoon sa mga panlabas na tanda ng pagsisisi:

"Kawawa kayong mga taga-Chorazin! Kawawa kayong mga taga-Bethsaida! Dahil kung sa Tyre at Sidon ginawa ang mga miracles na ginawa sa inyo, matagal na sanang nagsuot ng sako at naglagay ng abo ang mga tao dun bilang sign ng pagsisisi nila." (Matthew 11: 21 PVCE)

Hindi ba't ang binyag ay isang ring panlabas/nakikitang tanda ng pagsisisi (Mateo 3: 11)? Sa talinghaga ng Pariseo at ng Publikano (Lucas 18: 9-14), minasama ba ng Panginoon ang ginawa ng nagsisising publikano: "di man lang sya makatingin sa langit, sinusuntok ang dibdib" (PVCE)? Oo, masama ang pagpapakitang-tao, subalit kung nagtutugma naman ang kilos mo sa nilalaman ng puso mo at sa idinidikta ng Pananampalataya mo, walang masama sa pagsasagawa ng mga panlabas na tanda (CCC 1430).1 Kinalulugdan pa nga ng Panginoon ang mga panlabas na tanda ng pagmamahal sa kanya, kung talagang bukal sa puso ang iyong ginagawa. Halimbawa, hindi ba't ikinalugod niya nang may babaeng binasa ng luha ang kanyang mga paa at pinunasan ito ng sariling buhok, hinagkan, at binuhusan pa ng pabango (Lucas 7: 36-50)? Sinaway ba siya at pinatahan, sinabihang "pakitang-tao" at "paimbabaw," na siya'y dapat mag-ayos ng buhok, maghilamos, at magmukhang masaya dahil pinatawad na siya sa mga kasalanan niya?

 

EH BAKIT KAILANGAN PANG MAY ABO?

Ang paggamit ng abo bilang tanda ng pagsisisi sa kasalanan ay isang karaniwang tradisyong Biblikal na minana pa natin sa mga Judio (Job 42: 6; Jonas 3; Jeremias 6: 25-26). Kung tutuligsain mo ito, ano namang iminumungkahi mong gawin ng tao bilang tanda ng kanilang pagsisisi (Santiago 4: 7-10)? Maraming katarantaduhang naiisip ang makabagong lipunan para ipakita ang "pagsisisi" nila: magpapapansin at ngangawa sa social media, maglalasing, magvi-videoke, magpapakapagod sa trabaho o sa mga gawaing-bahay, tutunganga sa TV o sa computer o sa cellphone, magsusugal, susubok ng mga extreme sports, titikim ng droga, magpapakabusog sa mga pagkaing di mabuti sa katawan, maglalakad sa kalsada nang hubo't hubad, maglulustay ng pera, makikipagbalikan sa ex, at kung anu-ano pang mga sadyang pagpapariwara sa sarili para lang masabing "nagsisisi" na daw sila. Tigilan natin ang mga ganyang kalokohan! Bilang mga Katolikong Cristiano, bilang mga bahagi ng Simbahang Tinuturuan (Ecclesia Discens), hindi ba dapat ay buong kababaang-loob kang tumatalima sa Simbahang Nagtuturo (Ecclesia Docens), sa halip na nagmamalaki ka pa't nagmamarunong sa kung anong inaakala mong "mas mabisang" mga tanda at paggawi ng pagpapakabanal sa araw na ito? Magsimba ka, magpalagay ka ng abo sa ulo, sundin ang mga alituntunin ng pag-aayuno at abstinensya, at pagnilayan ang mensahe ng Miyerkules ng Abo: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya... Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas iyong babalikan."

 


 

  1. "Jesus' call to conversion and penance, like that of the prophets before him, does not aim first at outward works, 'sackcloth and ashes,' fasting and mortification, but at the conversion of the heart, interior conversion. Without this, such penances remain sterile and false; however, interior conversion urges expression in visible signs, gestures and works of penance." (CCC 1430) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Huwebes, Enero 09, 2025

Pamimintuho sa Imahen ng Nazareno: Kalabisan nga ba?


Constantine Agustin, Black Nazarene, edited using ULEAD PhotoImpact 7.0 by McJeff F., CC BY-SA 2.0

Kung sasaksihan ang isinasagawang Traslación ng imahen ng Nuestro Padre Jesús Nazareno tuwing ika-siyam ng Enero taun-taon, at sa tuwing nakakausap natin ang mga di-Katolikong paulit-ulit itong tinutuligsa, hindi talaga maiiwasan na tayo mismo'y mapaisip at magtanong sa ating mga sarili: "Kalabisan na nga ba ang mga pinaggagagawa natin?" Bakit gayon na lamang katindi ang pamimintuhong iniuukol sa isang rebulto lang, habang walang gayong katinding debosyon na makikitang naiuukol sa mismong tunay na presensya ng Panginoong Jesu-Cristo sa Banal na Eukaristiya (halimbawa, sa tuwing nagsasagawa ng mga eucharistic procession)? At kung ang naturang debosyon ay ipinagmamalaki nating tanda ng laganap na paninindigan sa Pananampalatayang Katolika sa Pilipinas, bakit nananatiling hati ang opinyon nating mga Katoliko pagdating sa mga usaping moral gaya ng diborsyo, homoseksuwalidad, pagpaplano ng pamilya, atbp.? Hindi ba't kung talagang "deboto" ka, dapat ay walang pag-aalinlangan ka ring tatalima sa lahat ng mga pagtuturo ng Simbahan, lalung-lalo na sa mga katuruang moral?

Maraming mga tanong na mahirap sagutin dahil kakailanganin mong usisain ang bawat indibiduwal na deboto upang unawain kung ano ba talagang tumatakbo sa mga isip nila sa tuwing pinipintuho nila ang naturang imahen. Hindi ko itinuturing ang aking sarili na isang deboto — bagama't minsan na akong nakapagsimba sa Quiapo at nakahipo sa paanan ng imahen, at nagkataon namang sinundan ito kalaunan ng pagkakaroon ko ng isang malaking desisyong nagdulot ng malaking pagbabago sa buhay ko (na hindi ko na ikukwento kung ano iyon dahil masyado nang pribado) — kaya't wala ako sa lugar para magsalita para sa kanila. Ika nga ni Cardinal Tagle, "To understand the devotee, you have to be a devotee. Only a devotee could best understand a devotee." Ang tanging magagawa ko bilang isang Pilipinong Katoliko ay husgahan ang naturang debosyon batay sa Biblia at sa mga katuruan ng Simbahan:

  1. Kung ang problema natin ay ang mismong paggawa at pamimintuho sa mga banal na imahen, iyan ay matagal nang nilinaw sa mga Konsilyo Ekumeniko ng Nicaea II, Trent, at Vatican II. Walang kailangang pagtalunan hinggil sa kung ito ba'y isang kaugaliang may pahintulot ng Diyos o wala. Anumang pormal na pinahintulutan ng Simbahan sa kanyang mga konseho ay pinahihintulutan din naman ng Diyos (Mga Gawa 15: 28). "Ang makinig sa inyo ay nakikinig sa akin, ang tumanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin, ang tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin" — sabi ng Panginoon (Lucas 10: 16).
  2. Kung ang problema natin ay ang mismong pagsasagawa ng mga seremonyas ng pamimintuho patungkol sa isang banal na bagay, alalahanin nating ang gayong kaugalian ay matatalunton mismo sa mga Judio, lalung-lalo na sa kanilang "debosyon" sa Kaban ng Tipan. [1] Maraming mga elemento ng pagkakatulad: parehong gawa-ng-tao (Exodo 31), parehong may imahen (ang dalawang kerubin sa ibabaw), parehong itinuturing na sagrado, parehong pinaniniwalaang naghihimala, parehong may pahintulot ng Diyos, parehong "dinadasalan" (Josue 7: 6; Mga Hukom 20: 27), parehong ginagawan ng mga seremonyas ng pamimintuho (1 Hari 3: 15; 1 Cronica 16: 4, 6), lalo na sa mga "traslación" ng Kaban (2 Samuel 6). Walang idolatriang nangyayari, [2] sapagkat ang lahat ng mga paggawing ipinatutungkol sa banal na bagay ay pawang relatibong pagsamba lamang. Ibig sabihin, hindi ang mismong banal na bagay ang sinasamba, kundi ang Diyos. Kung paanong ang pamimintuho sa Kaban ng Tipan ay isang relatibong pagsamba sa Diyos, gayon din naman, ang pamimintuho sa imahen ng Nazareno ay maituturing ding relatibong pagsamba sa Panginoong Jesu-Cristo.

Hindi sukatan ng pagsamba ang pagdumog ng mga tao ni ang sidhi ng pamimintuhong ginagawa nila tuwing ika-siyam ng Enero. Hindi porke't nakita mong sukdulang nagsasakripisyo ang isang deboto para lang makalahok sa traslación ay agad-agad mo na ring masasabi na sinasamba na niya ang mismong imahen. Isang araw lang iyan sa buong taon ng isang deboto — hindi iyan ang kabuuan ng kanilang buhay-espirituwal. Tingnan mo rin yung taimtim nilang pagsisimba tuwing Linggo at mga pistang pangilin. Tingnan mo rin yung pila ng mga tao sa kumpisalan sa simbahan ng Quiapo. Tingnan mo rin yung payak na pagsusumikap ng mga deboto na sumunod sa kalooban ng Diyos. Kadalasan, ang pinaka-matalik na pakikipag-ugnayan natin sa Diyos ay nagaganap, hindi sa mga kapansin-pansin at madamdaming pagkilos, kundi sa katahimikan ng ating mga puso (Mateo 6: 5-6).

 


 

  1. "As a general rule, Judaism rejects physical manifestations of spirituality, preferring instead to focus on actions and beliefs . . . Today, Jews do not venerate any holy relics or man-made symbols. But in the history of the Jewish people, there was one exception to this rule. One man-made object was considered intrinsically holy - the Ark of the Covenant." ("The Ark of the Convenant." Jewishvirtuallibrary.org, 2020, www.jewishvirtuallibrary.org/the-ark-of-the-convenant.) [BUMALIK]
  2. "The Christian veneration of images is not contrary to the first commandment which proscribes idols. Indeed, 'the honor rendered to an image passes to its prototype,' and 'whoever venerates an image venerates the person portrayed in it.' The honor paid to sacred images is a 'respectful veneration,' not the adoration due to God alone: 'Religious worship is not directed to images in themselves, considered as mere things, but under their distinctive aspect as images leading us on to God incarnate. The movement toward the image does not terminate in it as image, but tends toward that whose image it is.'" (CCC 2132) [BUMALIK]


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF

Miyerkules, Enero 01, 2025

Mga Pagmumuni-muni ng Isang Katolikong Walang Asawa


Photo by Kelvin Valerio: https://www.pexels.com/photo/man-wearing-black-cap-with-eyes-closed-under-cloudy-sky-810775 (edited)

"Bakit wala ka pang asawa?", "Kailan ka mag-aasawa?", "Single ka pa rin?", "Mag-asawa ka na, uy." Ilan lamang ito sa mga paulit-ulit mong maririnig sa mga tao habang tumatanda ka. Ngayong lumalapit na ako sa edad na 40, mas lalo pang tumitindi ang mga naturang pangangantyaw. Pakiramdam ko nga'y napagiiwanan na ako, lalo pa't halos lahat na yata ng mga kaibigan ko ay may mga sariling pamilya na. Sa Facebook nga, tila ba ako na lang ang hindi nagpopost ng picture ng sarili niyang asawa't mga anak. Sanay na tayo na gawin itong paksa ng mga biruan at mga di pinag-iisipang pangungulit at pangingialam, sa kabila ng katotohanang ang pag-aasawa ay isang seryosong desisyong panghabambuhay na may kapangyarihang baguhin ang buong buhay at pagkatao mo.

Naiintindihan ko naman ang pangangailangang magmadali sa pag-aasawa. Habang tumatanda tayo — lalo na ang mga kababaihan — unti-unti rin namang nawawala ang kakayahan nating makapagparami. Kung di ka Cristiano, siguro kuntento ka na sa posibilidad na magpabuntis/mambuntis na lang, o di kaya'y magdonate/magbenta ng sariling itlog/semilya para lang masabi mong may nagawa ka para "maikalat" ang lahi mo. Pero dahil Cristiano tayo, nababatid nating ang tanging lehitimong paraan ng pagpaparami ay ang pag-aasawa, at ang mga naunang nabanggit na pamamaraan ay pawang imoral (CCC 2376). Ang problema, paano mo naman matatagpuan ang tamang tao na pakakasalan? At ikaw ba mismo, karapat-dapat ka bang maging asawa? Karapat-dapat ka bang maging magulang? Sumasagi ba sa isip mong ang magiging panghabambuhay na kaugnayan mo sa iyong asawa't mga anak ay may mahalagang papel sa ikatataguyod o ikasisira ng mga buhay nila?

Noong nasa kolehiyo pa lang ako, isa sa mga propesor ko ang nagsabi, "Kung wala ka pang girlfriend o boyfriend, may sira ka sa ulo." Akalain mo iyon, sa mismong bibig pa ng inaakala mong edukadong tao mamumutawi ang isang malinaw na kamangmangan. Marami naman kasing posibleng dahilan para hindi magkaroon ng kasintahan ang isang tao: Nais mong tutukan ang pag-aaral mo o ang trabaho mo; may mabigat kang mga pinagdadaanan sa buhay; may mas mahalagang adhikain kang ipinaglalaban; napaliligiran ka ng mga taong di karapat-dapat asawahin, atbp. Oo, may mga taong may problema sa pag-iisip kaya walang interes na makipagrelasyon, pero ang mismong pakikipagrelasyon ay hindi naman sapat na pamantayan ng katinuan. Nakalulungkot lang, na nang dahil sa impluwensya ng mga taong gaya ng propesor ko, marami sa atin ang nagmamadaling "lumagay sa tahimik" para lang mapatahimik ang mga damuhong nagmamagaling humatol sa estado ng ating pag-iisip. Ang tanong: Sila ba mismong mga humahatol ay naging "tahimik" ang mga buhay?

"Mapalad ang babaing hindi nagka-anak kailanman,
Kung hindi siya nakipagtalik sa paraang makasalanan:
Gagantimpalaan siya ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom.
Mapalad ang eunuko na hindi gumawa ng masama
At hindi nagkimkim ng hinanakit laban sa Panginoon.
Siya ay may tanging gantimpala para sa kanyang katapatan
Na higit na mahalaga kaysa pagkakaroon ng anak.
Bibigyan siya ng tanging lugar sa tahanan ng Panginoon."

KARUNUNGAN 3: 13-14 MBB

"Huwag kawilihan ang pagkakaroon ng mga walang-saysay na anak, ni ikagalak ang masasamang anak. Marami man sila ay huwag ikagalak, kung wala naman silang takot sa Panginoon. Huwag manalig sa haba ng kanilang buhay, ni umasa sa kanilang hinaharap. Sapagkat ang isang nakalulugod ay higit sa sanlibo, at di hamak na mabuti ang mamatay na walang anak kaysa magkaroon ng tampalasang mga anak."

SIRAC 16: 1-3

Sa kabilang banda, hindi ko lubos maisip kung ano nga bang kahalagahan ng mag-asawa't magparami sa ating kapanahunan (1 Corinto 7: 25-34). Silang mga nagsasabi na "sayang" ka daw, sino ba sila para sabihing "sayang" ang buhay ng isang matandang binata o matandang dalaga? Bilang magulang, ano bang mapapala mo sa pagkakaroon ng apo? Bilang lalaki, ano bang naitutulong sa iyo ng pagkakalat ng iyong lahi? Bilang babae, bakit pinapangarap mong maging nanay? Hindi ko maintindihan, lalo pa't kung ipagsasaalang-alang ang katotohanang ➊ hindi naman ako imortal, anupa't anumang makamundong benepisyong maaari kong matamo mula sa mga sariling anak at apo — kayamanan, karangalan, atbp. — ay pawang pansamantala lang; at ➋ hindi naman nakasalalay sa dami ng mga anak at apo ang ikaliligtas ng ating kaluluwa, kundi sa ating mga ginawang mabuti nang tayo'y nabubuhay pa sa mundong ito (Sirac 16: 14; 2 Corinto 5: 10).

Bilang Cristiano, hindi masama ang tingin ko sa pag-aasawa. Bukas nga ako sa posibilidad na maging padre de pamilya, kahit pa mangyari ito sa edad na 100 o higit pa. Subalit di tulad ng marami, hindi ko ito aktibong hinahanap. Hindi ko ito itinuturing na mahalagang adhikaing kailangan kong matupad sa lalong madaling panahon. Hindi ito nakadaragdag ni nakababawas man sa aking dignidad bilang nilalang na kawangis ng Diyos at inampong anak Niya sa pamamagitan ng ating pakikipagkaisa sa Panginoong Jesu-Cristo. Nauunawaan ko rin na ang pagiging walang-asawa ay di maaaring maging tungkol lang sa pagtataguyod ng mga makasariling hangarin sa buhay, kundi sa isang buhay na inilaan para maglingkod sa Diyos, sa Simbahan, at sa buong sangkatauhan.

Ang pagkabirhen o di-pag-aasawa, kasama ang pag-aasawa ay dalawang paraan ng pagpapahayag at pagsasabuhay ng isang misteryo ng kasunduan ng Diyos sa kanyang bayan. Alang-alang sa Kaharian ng Diyos, malayang pinili ng mga pari, mga relihiyoso/relihiyosa at mga layko ang buhay na "banal na buhay-pag-iisa" upang manangan sa Panginoon at magbigay ng natatanging pagsaksi sa Muling Pagkabuhay at sa buhay sa kabila.

KPK 2011


DISCLAIMER:
Ang iyong mga nabasa ay pawang sariling pagpapaliwanag ko lamang bilang isang indibiduwal na Katolikong layko, batay sa aking sariling pagkakaunawa sa mga aral ng Simbahan, at sa gayo'y hindi dapat ituring na opisyal/pormal na kapaliwanagan ng Simbahang Katolika, at hindi rin kumakatawan sa panig ng alinmang samahang pang-Katoliko. — MCJEFF